You are on page 1of 16

Panimula

Nakakayamot basahin ang mga nobela ni Iñigo Ed. Regalado. Nakakayamot dahil hahamunin
kang pag-aralang maigi ang kabuuang malign g Tagalog. Hihigitin kaa niyon para usisain ang wika at
kassaysayan ng bansa. Pag-iisipin ka sa kombinasyoon ng mga pangyayari, o konstelasyon ng mga
damdaming isiniwalat ng mga tauhan. Mamamangha ka kapag nabatid mong walang inaksayang mga
salita si Regalado, na tila perpektong makinang nakakapagluwal ng angkop at lapat na mga usapan.
Madrama mong dalisay ang kaniyang parikala’t pananagisag; at maging ang bawat yugto at kabanata ay
maiisip na binuli upang maging matalik ang ugnayan. Sa huli, matatagpuan mo ang sariling hawak ang
kaniyang aklat- mapapailing o mumurahin ang sarili- at itatanong kung bakit hanggang ngayon ay
nananatili kang tanga sa panitikaang Filipino.

Mabuting ihalimbawa ang May Pagsinta’y Walang Puso ni Regalado. Maselang usapin
ang pangangalunya sa panitikang Tagaalog, ngunit sa mga kamay ng nobelista’y iginaya ang dalaoy ng
mga paangyayari sa isang paraang may pagsasaalang-alang sa mga tauhan, lalo na sa mga tauhang babae.
Si Sela ang pinakasentro ng lahat, at sa kaniyang paningin ay mababanaagan ang mga hulagway nina
Fidel, Felix, Rufo, at Benito. Si Sela rin ang titimbang sa kasalungat na katauhan ni Marya o Pura.
Maghuhunos ang pagkatao ni Sela sa tatlong yugto, ayon sa pagkakabaha-bahagi sa nobela. Si Sela rin
ang magiging sagisag ng nagbabagong Maynila; ng salungatang halagahan mulang silangan hanggang
kanluran.

TALAMBUHAY NG MAY AKDA


Si Iñigo Ed. Regalado ay ipinanganak noong ika-19 ng Marso taong 1888 sa Sampaloc, Maynila.
Anak nina Iñigo Regalado y Corcuera at Saturna Reyes. Nag-aral siya ng Batsilyer sa Sining sa Liceo de
Manila, at Bachiller en Leyes sa La Jurisprudencia. Pumasok din siya sa Unibersidad ng Pilipinas. Isang
makata at mandudula, ay nagtamo ng karangalan bilang isa sa mga natatanging manunulat noong ika-20
na siglo. Nagkamit siya ng Commonwealth Award for Poetry noong 1941, Patnubay ng Sining at
lalinangan Award noong 1963 at Diwa ng Lahi Award noong 1972. Kinasangkapan ni Regalado sa
nobela ang mga kasabihan, at sa patalinhagang pamamaraan ay unti-unti niyang ipinamalas ang pag-ibig,
pagtataksil, poot, pagtatakwil at pagpapatawad.
BUOD
Isang gabi may nabasa si Sela sa Taliba at Mithi, dalawang pahayagang tagalog. Hindi siya
makapaniwala, baka binibiro lamang siya ng mga kaibigan ni Fidel. Ngunit tunay na pangalan ni Fidel
ang nakasulat at hindi ang sagisag na “Takip-Silim’’. Kung kaya’t naisip niyang lahat ng iyon ay totoo
dahil apat na araw nang hindi siya sinisipot ni Fidel, kulang din ng labinlimang piso ang binigay nito
ngayong buwan. Bumaba at pumunta sa kapitbahay na Aleman para tawagan si Fidel at kumpirmahin ang
balita. Ngunit wala daw si Fidel sa pasulatan, hindi naniwala si Sela at inakala niyang si Fidel ang kausap
kung kaya’t sinabihan niya ang kausap na “tapos na ang lahat sa atin”. Gayunpaman, inibig at iniibig
parin niya si Fidel, si Fidel ang nagturo sa kaniya ng pag-ibig. Nabulaanan si Sela sa kaniyang hinala, ang
nakausap sa telepono ay hindi si Fidel.

Nang dumating si Fidel sa pasulatan ay sinisi niya ang tatlo niyang kaibigan dahil sa sinulat nila
tungkol sa nasabing kasal. Niyaya ni Fidel ang matalik na kaibigan niyang si Felix na makipag-inuman,
kinuwento niya kay Felix kung paano sila nagkakilala ni Sela.

Nagkakilala sila sa Ilaw, isang grupong kinasasapian ni Sela noong Dec.30,1910. Si Fidel lang
ang tao sa pasulatan nung araw na pinadala doon ang imbitasyon para sa anibersaryo ng nasabing grupo,
nabasa niya sa huling bilang ng unang bahagi ng imbitasyon ang isang tulang bibigkasin ni Marcela
Nuñez na minsan na niyang nakita sa isang piging kung kaya’t nagkaroon siya ng interes na dumalo. Ang
kaaya-ayang tindig at mapupungay na mata ng dalaga ang nakatawag pansin kay Fidel. Ipinakilala ng
pangulo ng grupo si Fidel kay Sela at sinabing ito ang gumawa ng tulang bibigkasin ng dalaga “Ang
Bayani”. Nabatid ni Fidel na si Sela ay isang babaeng magaslaw at nasabi niya sa kaniyang sarili na si
Sela’y isang babaeng “madali” kung kaya’t niligawan niya si Sela ngunit hindi upang ibigin ng pag-ibig
na may pagmamahal. Ang kagaslawa’t masasagwang kilos nito ay hindi karapat-dapat sa isang malinis na
paggiliw. Ang akala niyang iyon ang nag-udyok para paglaruan si Sela. Sinabi niyang tutulaan niya si
Sela, sobra ang saya ng dalaga at paghatid ni Fidel sa kanya ay nasabi niyang “nahulog na sa kamay ko”.
“Bituin sa Lupa” ang itinaguri kay Sela sa tulang “Nang Tayo’y Magwagi” (tungkol sa kapisanang ILAW
sa Sta. krus) sinundan ni Fidel ng mga liham at sinabi niyang “Iniibig kita ng taos wagas” ang tugon
naman ni Sela ay “Ikaw ay sinungaling, nagbibiro at walang ibang hangad, marahil, kundi ang lantahin
ang malalagong halaman ng isang bukong bulaklak na bago pa lamang ngumingiti” Si Fidel ay muling
tumula na tanging paraluman niya si Sela at tuwing sabado ay sumusulat siya sa pahayagan tungkol sa
“Bituing Lupa”.

Si Sela ay nakatira sa Aling umampon sa kaniya at isang anak nitong lalaki. Kakatapos lang ni
Sela sa Intermediate at mag ha-highschool na siya. Hatid-sundo siya ni Fidel. Kalaunan ay nabalitaan ni
Fidel na pinagkakaguluhan ang kanyang “Btuing-Lupa”. Ang ganda ni Sela ay bumihag sa maraming
puso. Binantayan niya ng maigi si Sela, palibhasa’y nahirati siya ng kanyang dating katipan, si Maria.

Noo’y tag ulan at sinundo ni Fidel si Sela, inabutan sila ng ulan at sumilong sila sa isang Koreo.
Nabuo ang masamang hangarin ni Fidel kay Sela, sinabihan niya si Sela na kung tunay ang kaniyang
pagmamahal ay sumama siya sa kanya at sila’y mamamasyal. Nahalata ni Sela ang binabalak ni Fidel
kaya tumanggi ito. Sinabihan siya ni Fidel na huwag gumawa ng anumang makakatawag ng pansin sa
mga tao at baka ano ang isipin ng mga ito. Sumakay sila sa isang karumata. Nakarating na sila sa Paltok
at pumasok sa bahay na pinauupahan ng kaibigan ni Fidel. Pagkasapit ng ika-12 ng tanghali ay ibabalik
na sana ni Fidel si Sela sa kanila ngunit… si Sela ay ayaw nang umuwi. Sinabi niya kay Fidel na “Kung
ako’y iiwan mo, patayin mo na lamang ako.” Nahawi sa isipan ni Fidel ang palagay tungkol kay Sela, isa
pala itong babaeng malinis at karapat-dapat sa isang mabuting pakikisama. Nagsama sila ni Sela at
nakilala ito sa katawagang “Babae ni Fidel” si Sela ay isang babaeng malinis na sa kanya lang nadapa.

Pagkatapos ng kwentuhan nila ni Felix ay umuwi na si Fidel sa kanilang bahay at nakatanggap


siya ng isang sulat mula kay Marya. Nagsasabi itong binabawi na ng kanyang pamilya ang pagsang-ayon
sa kasal dahil nalaman nila ang tungkol sa kinakasamang babae ni Fidel. Hindi naniniwala si Marya sa
sabi sabing iyon at gusto paring magpakasal at nagyaya itong magtanan, sinabihan niya itong magkita sila
sa bahay nina Doray. Pumunta ang kapatid ni Marya sa pasulatan at nagbayad para ihayag na di totoo ang
tungkol sa kasal. Si Sela ay tuwang tuwa pagkabasa sa peryodiko at inutusan ang kanyang katulong na si
Kayang upang bumili ng maraming pagkain dahil iimbitahn niya si Fidel na mananghalian. Ngunit
tumanggi si Fidel at sinabi kay Sela na may malaki siyang kapansanan.

Lagi na lamang nakitingin si Sela sa kanyang bintana at binabantayan lahat ng bumaba sa


karumata, madalas itong mabigo, pagkalipas ng ilang araw nandoon parin si Sela sa bintana at sinusuklay
ang kanyang buhok, bigla siyang napatayo. Kinuha ang panyo at iniwasiwas para makita siya ni Fidel.
Nag usap silang dalawa. Noong una ay masayang-masaya si Sela dahil ang akala niya ay pumunta sa
kanya si Fidel dahil hindi totoo ang napabalitang kasal, inamin ni Fidel ang tungkol sa pahayagan at ang
lahat ng iyon ay naging totoo, ang tungkol sa kanila ni Marya at sinabing habang siya ay nabubuhay ay di
niya pababayaan si Sela. Mimintinahin niya ito ng sustento buwan-buwan.

Tatlong araw na ang nakalipas ngunit di parin nabubunyag ang lihim na pagpapakasal ni Fidel.
Masayang masaya ang mag asawa sa tatlong araw na dumaan. Magkagayon man ay iniisip parin ni Fidel
ang nararamdaman ni Sela. Alam niyang kasalanan niya ang pagka pariwara ng buhay ni Sela. Si Sela ay
matalino, ito sanay mag aabogada, ngunit nasira ang pangarap nito noong sumama siya kay Fidel.

Pumunta ulit si Fidel kay Sela, hihingi ito ng tawad at sinabing hindi niya pababayaan si Sela,
bibigyan niya parin ito ng pera gaya ng dati at hindi magkukulang kahit isang sentimos. Ngunit tumanggi
si Sela sa alok ni Fidel dahil sumama siya rito dahil sa kanyang tunay at malinis na pag-ibig at hindi para
sa salapi.

Pumunta si Sela sa kanyang kaibigan noong highschool, na si Pura. Inimbitahan niya ng mga
kaibigan niyang lalaki sa kaniyang bahay at natulala ang mga ito sa dalagang si Sela lalo na si Rufo
Mondregal na masugid na manliligaw ni Pura ay lubos na nabighani. Napansin ng binata ang lungkot ni
Sela kung kaya’t tinanong niya ito kung namatayan ba. Pinagtakpan naman ito ni Pura at sinabing
kamamatay lang ng ina nito. Sinabihan siya ni Pura na marami pang iba ang magkakagusto sa kaniya
ngunit ang tugon ni Sela ay “Akoy di na iibig muli liban kay Fidel. Isinumpa kong sa kanino may di ako
magpapaksal.” Napansin ni Pura sa isang sulok si Sela at sinabi niya sa mga kaibigan niyang “Noong
kami’y nag-aaral pa sa Sampaloc Intermediate, ay pinagpupustahan iyan ng mga lalaki ang
makapagpapatawa ay pinakakain ng kapusta. Itanong niyo pa kay Rafael.” Kinindatan niya ng palihim si
Rafael para sumang-ayon, nangiti na lamang ito. Sinabihan siya ni Pura na limutin na ang nakaraan.

Bago umalis si Sela sa bahay na pinagtirahan sa kaniya ni Fidel ay pinuntahan siya ulit ni Fidel
ngunit hindi para makipagbalikan kundi para bigyan siya ng pera, nag usap sila sandali at nang sumagi sa
isipan niya ang asawang si Marya ay nilapag niya ang sobreng may lamang pera sa sahig at dali-dali itong
bumaba ng hagdanan para hindi na maibalik ni Sela ang pera ngunit itoy maliksi. Pinulot niya ang sobre,
binilog at binato ito kay Fidel na saktong sa mukha niya natama.

Si Pakita ay nakabalita tungkol sa sinapit ni Sela kung kaya nag pa burda ito ng mga damit kay
Sela para kahit papaano ay makatulong. Tinutulungan ni Pakita na maka makalimot si Sela dahil parehas
din sila ng sinapit noon. Lumipas ang mga araw, nakasalubong ni Aleng Andeng si Fidel sa palengke at
may pinaabot ito kay Sela. Ang sobreng may lamang pera. Ngunit sinabi ni Sela kay aling Andeng na
kikilalanin niyang malaking utang na loob kung maibabalik ito kay Fidel. Sinabi rin niya na mas malaki
pa ang kita niya sa pagbuburda kaysa sa halagang iyon. Binibigyan ng pag-asa ni Pakita si Sela, lagi niya
itong kinakausap at sinasabihan ng mga salitang makapagpapalakas sa loob nito. Nakatanggap ulit ng
sulat si Sela galing kay Fidel nagsasabi itong limutin na nila ang isa’t-isa. Pagkatapos niyang mabasa ang
sulat. Sinabi niya kay Pakita na bilhin na nito ang kanyang makina.

Isang gabi sa sobrang pagkagiliw at pagkakahalina ni Rufo kay Sela ay halos hindi siya
makatulog sa kaiisip sa dalaga. Kung kaya’t napagdesisyonan niyang magtapat kay Pura na tulungan
siyang mapalapit sa dalagang minimithi. Si Pura nama’y natuwa at di gaanong kasiyahang-nadarama sa
mga pangungusap ng mayamang binata at nagpasya silang magtinginang magkapatid na lamang. Si
Sela’y lumabas at mas lalong gumanda sa mga panahong iyon at mas lalo ring nabihag ang puso ng
mayamang binata. Iniwan ni Pura sina Sela at Rufo at sinabing aalis muna siya’t maghahatid lamang ng
mga damit na natapos na niyang burdahin. Nagkaroon ng pagkakaton si Rufo na maipagtapat sa dalaga
ang kanyang tunay na damdamin. Una una’y hindi makapaniwala si Sela’t sinasabing binibiro lamang
siya ng binata ngunit pinapatotohanan ito ng binata at sinasabing sigurado na siya sa kanyang
nararamdam tungo sa dalaga. Maka-ilang beses siyang sinabihan ni Sela na mag isip-isip muna ng mabuti
at baka siya’y nalalabuan at nabubulagan lamang sa pagdaan ng panahon ngunit sigurado na nga ang
binata ayon pa sa kaniya, kung kaya’t humingi muna si Sela ng panahon upang makapag-isip.

Sa tahanan naman nina Fidel ay ganap na payapa at ang pagsasama ng mag-asawa ay lubhang
matiwasay at punong-puno ng kaligayahan. Limang buwan na silang magkasama ng asawa ngunit bunga
ng konsensya dulot ng nagawa niya kay Sela ay napasagi sa kaniyang isipan kung saan na nga ba
napaparoon si Sela? Dahil nga sa siya’y umalis sa dating tinitirhan at naisip niyang ang dalaga’y ulila
nang lubos. “Saan kaya nasampid si Sela?” wika ni Fidel.

May dalawang buwan ng nagpapakamatay halos ng panunuyo si Rufo kay Sela, minsan nga’y
natutukso siyang sumagot na ng “OO” ngunit sa kalinisan ng puso ng binata at sa kawalang malay nito ay
ang lubos na kinaaawaan ni Sela. Si Pura nama’y walang ibang ginagawa kundi ang payuhan si Sela na
ibaon na ang lahat ng nakaraan sa limot at magpatuloy sa ngumingiti nitong bukas sa piling ni Rufo.
Dahil sa mga payo ni Pura, nang gabing iyon ay tinangka ni Selang ganap ng ibaon sa limot ang
kasaysayan ng kaniyang kahapon.

Sa pagdaan ng mga araw at buwan ay patuloy parin sa panunuyo ang binata at iniisip na lamang
niyang siya’y sinusubukan lamang ng dalaga sapagkat ito’y hindi umo-oo at hindi naman nagbibigay ng
kahit anumang pag-asa. Ipinagtapat ni Selang siya’y nag-aalinlangan parin at kung bakit sa dinami-dami
ng mga babaeng kaniyang kauri ay bakit si Sela pa ang siyang pinagkakaabalahan. Walang ibang magawa
si Rufo kundi ang sumunod sa kagustuhan ng dalagang iniibig, imbes na panlamigan ng loob, bagkus pa
ngang sumisigla.

“Ako’y magtitiyaga, ako’y magtitiis at ipakikilala ko kay Sela ang dakila at banal kong pag-ibig
na pinupuhunan ko sa kaniya.” sabi pa ng binata. “Gabi-gabi buhat bukas ay magsasadya ako sa kanila
upang ipakilala kong ako’y wala nang ibang paroroonan kundi sila lamang.” dugtong pa ng binata. Ayon
na nga’t tinotoo nga ng binata ang mga sinabi, gabi-gabi na itong pumunta kina Sela.

Minsan sa tuwing dumadalaw at nanunuyo si Rufo ay waring nakikita ng dalaga ang anino ni
Fidel sa dakong likuran ni Rufo. Pinandidilatan siya nito at pawang pinagbabalaanan at nginingisihan na
siya namang labis na ikinalulungkot ni Sela. Lumuluha na naman ang kaniyang mga mata at pawang
sinasaksak ang kaniyang nagdurugong puso.

Hating gabi na at hindi parin makatulog si Sela, patuloy parin sa pag-iisip. Nagmumuni-muni sa
kung anong dapat gawin. Unti-unting natatauhan si Sela at naisip niyang kung saan siya narapa ay doon
din siya babangon, kung kaya’t ang lahat ay pinag-aaralan na niyang limutin. Naramdaman ni Selang
siya’y may pag-ibig na kay Rufo, ngunit hindi parin nga niya tuluyang nalilimutan si Fidel.

Sina Fidel at Marya ay magkaka-anak na! Kalat na sa buong pahayagan ang bagong balitang
iyon. Sa katunaya’y magdadaos sila ng “Pansit Party”. Sa pagkabasa naman ni Sela sa mga talatang iyon
ay parang nawala siya sa kaniyang sarili. Unti-unting namumuo ang mga luha sa mga mata nito na siyang
tinatago sa kaniyang kaharap. Ipinagtapat ni Selang kahit sa mga sandaling yaon ay umaasa parin siya sa
pag-ibig ni Fidel. Ang kamandag ng buhay ay tumagos sa kaibuturan ng puso ni Sela.

Dumating si Rufo. Muling nanunuyo kay Sela at habang sa kanilang pag-uusap ay mas nakilala ni
Sela si Rufo at napagtanto niyang kung gaano kalinis at kabanal ang pag-ibig at hangarin nito para sa
kaniya. Mas lalo namang nagdalang-awa ang dalaga dahil sa kawalang-malay ng binata. Ngunit nang
maalala ni Sela ang kaniyang natunghan sa pahayagan, ang mga pangungusap na ibinigkis ni Fidel, mga
pangungusap na siyang dumurog at lumusak sa kahuli-hulihang pag-asa ni Sela ay nalimutan niya ang
habag at awa, at sa pag kuwan ay nangatal ang tinig at naitanong; “At saan ko makikita ang lahat ng
iyong sinasabi?” kung kaya’t nabuhayan ng loob si Rufo. “Kung saan? O, Aling Sela! Ngayon din kung
inyong ibig ay pagtaliin natin nang mahigpit na pagkakabuhol ang ating puso, pakasal tayo! May
katunayan pa kayang dadakila sa katunayang ibinibigay ko saiyo?” “Kung gayon ay umasa kayo na ang
malinis ninyong pag-ibig ay mag katugong pag-ibig na malinis din.”

Halos di makapaniwala si Rufo sa mga nangyayari na para bagang ang langit ay nagbukas para sa
binata. Labis-labis na kasiyahan ang nadarama ni Rufo at sa pagkuwan ay malakas niyang natawag si
Pura at sa sobrang galak ay naibulalas niyang si Pura ang isa sa magiging saksi ng kanilang pag-iisang
palad.

Dahil kilala si Rufo Mondregal sa matataas na lipunan sa Ermita ay walang ibang pinag-uusapan
kundi ang walang kaabog-abog niyang pakikipag-isang palad. May mga nagsasabi ng masasama at
magaganda sa kaniyang pakikipag-isang palad. Hindi nila lubos akalaing mahuhulog lamang siya sa
kamay ng isang babaeng hindi kilala o anuman ayon sa mga kaibigan ni Rufo na siyang kauri din niya sa
lipunan. Sa tulong ng mga kaibigan nina Sela at Rufo na sina Ramos at Rafael na siyang kasintahan ni
Pura ay pinabulaanan nila ang mga sabi-sabing hindi magaganda tungkol sa dalaga. Sinabi nilang si
Sela’y napakaganda, butihin, dalagang mahinhin at mapagtimpi. Sina Sela at Rufo nama’y buong
ligayang nagsusuyuan at nagpapalitan ng mga sumpa’t pangako. Ngunit si Sela’y ganito lamang kung
kaharap at nasa piling si Rufo. Kung wala nama’y si Sela’y malungkot at tuwi na’y nasa malayo ang pag-
iisip.

Isang gabi nang niyaya ni Rufo si Selang mamasyal sa Luneta ay si Sela’y tumanggi dahil sa
takot na baka makita siya roon ni Fidel dahil marami at klase-klaseng tao ang napaparoon sa luneta kung
kaya’t napagpasyahan nalang ng mag-asawa na kina Pura na lamang magtungo. Sa kanilang pag-uusap ay
nabanggit ni Purang sila’y dapat na magpakasiya o magliwaliw dahil sa sila’y bago pang kasal at
kailangan nilang namnamin ang bawat sandali. Napagpasyahan ni Rufo na sila’y magtutungo sa Baguio.

Isang umaga noon sa pasulatan nina Fidel kaharap ang pahayagang kastila na El Mercantil,
nakasaad sa balitang ito ang pagpapakasal ni Rufo Mondregal na siyang pinakamayaman sa bayan ng
Ermita sa isang babaeng nagngangalang Marcela Nuñez at na sila’y nagtungo sa Baguio upang
magliwaliw roon ng ilang buwan. Halos hindi makapaniwala si Fidel na ang Marcelang Nuñez na
nabanggit sa pahayagan ay ang babaeng kanyang naging kalunya, ganoon din si Felix. Nabuhayan ng
loob si Fidel dahil sa wakas ay magkakaroon na rin siya ng pagkakataong Makita si Sela at makita ang
kanyang kinalalagyan. Naghanap ng paraan sina Fidel at Felix upang matiyak kung ang Sela nga bang
nabanggit sa pahayagan ay ang dating naging kalunya ni Fidel. Nagtungo sila sa Ermita at nagtanong-
tanong tungkol sa babaeng pinakasalan ni Rufo Mondregal ngunit wala silang natanggap na malinaw at
tiyak na sagot sa kanilang mga katanungan. Hindi man naging malinaw at tiyak sa kanila ang lahat ay
malakas parin ang kanilang kutob na ang Marcela Nuñez na nabanggit sa pahayagan ay siya ring Selang
naging dating kalunya ni Fidel.

Isang buwan na ang nakakaraan at may natanggap na sulat si Pura mula kay Sela sa Baguio.
Nakasaad sa sulat na kahit na sila’y masayang nagliliwaliw doon ay hindi parin naalis-alis si Fidel sa
kaniyang isip at sa bawat sulok ng kaniyang silid ay si Fidel parin ang siyang nakikita. Na lahat ng
kaniyang mga ikinikilos ay pawang pagkukunwari na labis niya ring ikinasasakit dahil sa mga nagagawa
niyang iyon kay Rufo na siyang napakabait at may napakalinis na pag-ibig para sa kaniya. Sinisikap
niyang pawiin ang kaniyang mga kasawian ngunit sadyang hindi niya magawa dahil kahit saan man siya
magtungo ay waring sinusundan parin siya ng kaniyang madilim na kahapong nagdaan. Nangingilabot si
Sela para kay Rufo dahil siya ay kaniyang asawa ngunit para sa kaniya ay si Fidel ang kaniyang asawa.
Marami pa sanang nais isulat si Sela sa kaniyang liham ngunit iyon ay napakahaba na. Buong pusong
nakiusap si Sela kay Pura na kung maaari’y matapos niyang basahin ang liham na iyon ay sana’y
kaniyang punitin. Alang-alang sa puri’t karangalan ni Rufo. Nagmamakaawang sabi ni Sela sa malapit na
kaibigan.

Nagpalipat-lipat na sa labi ng mga kaibigan ni Rufo ang balitang ang kaniyang naging asawa ay
isang babaeng bagaman tapat at mabait ay may kasaysayang marumi at nahulog na sa ibang kamay. Ang
may kagagawan ng pagkalat ng balitang iyon ay si Benito Ramos. Iba’t ibang mga pahayag at komento
ang nagkalat sa buong Ermita tungkol kay Rufo at sa kaniyang naging asawa. Labis-labis naman ang
pagsisising nadarama ni Pura kung bakit niya naipabasa pa kay Rafael at Ramos ang malulungkot na
talatang ipinadala ni Sela buhat sa Baguio. Labis na dinamdam ni Pura ang kaniyang nagawa sa kaniyang
sawing palad na kaibigan.

Ilang buwan narin ang nakakaraan at ang mga bulong-bulungang ukol sa naging asawa ni Rufo
Mondregal ay unti-unting nawawala. Si Pura’y parang nabunutan ng tinik.

Parang isang bagyo ang sumalubong sa pagbabalik nina Rufo at Sela. Buong giliw na ibinalita ni
Rufo kay Pura na siya’y magiging isang Ama na! Oo, siya’y magiging Ama na. Nagkatinginan lamang
sina Pura at Sela. Binati ni Pura sina Sela at Rufo ng buong giliw dahil sa isang napakagandang balitang
iyon.

Hindi parin mapalagay si Fidel sa Selang nakasulat sa pahayagan. Nang hapong yaon ay
nakarating narin sa kanila ang balitang magkakaanak na sina Rufo Mondregal na pinakamayaman sa
Ermita at ang kaniyang asawang si Marcela Nuñez. Dala ng kanilang reporter. Malakas parin ang kutob ni
Fidel na si Sela nga iyon.

Hanggang sa dumating na nga araw ng panganganak ni Sela. At isang mabilog na sanggol na


lalaki ang iniluwal sa liwanag. “Parang pinilas na mukha ni Mondregal” wari pa ni Pura. Halos
mapaakyat sa langit si Rufo ng marinig iyon mula sa labi ng kaniyang kaibigan.

Pagkaraan ng dalawang lingo ay nagsimula na namang umalingawngaw ang mga bulong-


bulungan tungkol sa naging asawa ni Rufo na siyang nagpakabagabag ng lubos sa binata. Halos mawasak
ang puso ni Rufo buhat ng mga alingawngaw na iyon. Hindi siya makapaniwala, halos mabaliw sa kaiisip
at pinapaniwalang ang lahat ng iyon ay hindi totoo bagkus ginagawa lamang upang siya’y siraan, sirain
ang kaniyang magandang pangalan, ang kaniyang magandang pamumuhay at ang kaniyang pamilya.
Agad na nagtungo si Rufo sa silid ng kaniyang mag-ina at ipinagtapat na nakatanggap siya ng isang
napakalupit na balita na siyang ipinagtataka ni Sela. Lumuha si Sela. Humingi ng patawad si Sela at
ipinaalala kay Rufo ang lahat ng ginawang pagpapaalala noong araw na huwag magpadalos-dalos at
siya’y kilatisin muna ng mabuti. Kinabukasan nang si Rufo ay pasa-opisina ay ramdam niya ang mga
pangungutya at mga pagkakatwa sa kaniya ng mga tao sa paligid. Nang makapasok na sa kaniyang
opisina ay napagtanto niyang, walang ibang dapat sisihin kundi siya, ang kaniyang sarili.

Samantalang si Sela’y walang tigil sa kaiiyak sa kaniyang silid. Sa matahimik na kaniyang pag-
iisa ay naisip si Fidel at kahit laban man sa kaniyang loob ay humingi siya ng tulong dito upang
maiwasang mapatunayan ni Rufo ang makamandag na balita, alang-alang man lamang sa walang malay
na bata.
Nagsadya si Rufo kina Pura. Habang sa bahay naman ni Pura ay nagtatalo sila ni Ramos dahil sa
kanilang nagawa. Dumating si Rufo, galit at hindi nakaimik ang lahat. Pabagsak na umupo si Rufo.
Inamin ni Ramos ang tungkol sa mga balita na siya ngang makakasira sa kaniyang pangalan. Tinangka
pang pabulaanan ni Pura na ang mga balitang iyon ay hindi totoo, ngunit sa pagmamatigas ni Ramos ay
inamin niyang ang lahat ay naging totoo! Kung kaya’t nawalan ng malay si Pura. Galit na galit na sinugod
ni Rufo si Sela sa kanilang silid. Sinabi niyang si Sela’y walang hiya at isang mandaraya. Umiiyak si Sela
at lubos na humihingi ng tawad at winikang kahit siya ma’y masama, ang sanggol paring iyon ay laman
ng kaniyang laman at dugo ng kaniyang dugo at siya lang ang tangi nitong Ama. Si Rufo ay nahabag at
napagtanto niyang ang batang iyon ay kaniyang anak, at pinaliguan niya ito ng sanlibong halik. Humingi
ulit ng tawad si Sela dahil sa kaniyang mga nagawa noon, isang mataus pusong paghingi ng tawad sa
kaniyang napakabait na asawa. Ang sagot naman ni Rufo ay pinapatawad na siya nito alang-alang sa
kanilang minumunting anak. “Malinis ka sa aking piling at ako ang ama ng aking anak!” waring naiwika
ni Rufo ng buong pagtanggap at buong pagmamahal.

Sa mga sandali namang iyon, si Fidel ay umaawit ng tagumpay at pagwawagi habang nananaog
sa hagdanan ng kanilang Pasulatan. “Nasa kaligayahan na siya at nasa tahimik na naman ako.” Huling
wika ni Fidel.

Ang buhay nga naman ay isang pangarap at ang di marunong umayaw at magtiis ay taong walang
damdamin.

WAKAS…
Mga Sangkap o Elemento ng Nobela
Mga Tauhan
 Marcela “Sela” Nuñez
o Ulilang lubos; Lubos na umiibig kay Fidel; kalaunay naging asawa ni Rufo Mondregal;
may bansag na Bituing Lupa
 Fidel Sulit
o Isang peryodistang may sagisag na Takip Silim, dating kalunya ni Sela; kalaunay naging
asawa ni Marya
 Felix
o Malapit na kaibigan ni Fidel; isa ring peryodista
 Marya
o Babaeng minimithi ni Fidel at kaniyang asawa
 Ale
o Kumupkop kay Sela nang siya’y naulila
 Aling Andeng
o May ari ng dating tinitirhan ni Sela
 Pakita
o Nagpapaburda kay Sela at laging nagbibigay ng payo
 Kayang
o Dating katulong ni Sela
 Rufo Mondregal
o Pinakamayaman sa Ermita; banal na umiibig kay Sela at kaniyang asawa
 Pura Palermo
o Malapit na kaibigan ni Sela at dating kaklase
 Rafael
o Dati ring kaklase nina Pura at Sela; kaibigan nina Rufo at Ramos at siyang kasintahan ni
Pura
 Benito Ramos
o Kaibigan ni Pura,Sela,Rufo’t Rafael

Mga Uri ng Tauhan


 Marcela “Sela” Nuñez
o Round/Bilog
 Dahil sa huling bahagi ng nobela ay sinikap niyang kalimutan si Fidel kahit
mahirap man sa kaniyang kalooban ay nagbago siya alang-alang sa kaniyang
anak.
 Fidel Sulit
o Flat/Lapad
 Mula simula hanggang huling bahagi ng nobela ay hindi nagbago si Fidel,
ganoon parin ang nararamdaman niya para kay Sela. Lubos na pagkaawa sa
kulang palad na dalaga at buong pag-ibig naman para kay Marya ang babaeng
kanyang minimithi.
 Rufo Mondregal
o Flat/Lapad
 Simula ng makilala niya si Sela hanggang sa huli ay nanaig parin ang kaniyang
pag-ibig para sa dalaga. Nagalit man siya kay Sela ngunit sa bandang huli’y
tinanggap niya parin ito gaya ng pagtanggap niya sa dalaga noong una niya itong
makilala.

Mga Tagpuan
 Daang Salcedo
o Tinitirhan ng umampon kay Sela
 Paltok
o Kung saan dating itinira ni Fidel si Sela; doon sila nagsama
 Intermediate High School
o Dating paaralan ni Sela kung saan lagi siyang sinusundo’t hinahatid ni Fidel
 Ermita
o Kabilang bayan kung saan naninirahan si Sela sa piling ni Pura at pinagkatagpuan nila ni
Rufo Mondregal
 Baguio
o Kung saan namasyal at nagliwaliw ng ilang buwan ang mag asawang Marcela Nuñez at
Rufo Mondregal
 Ospital Heneral
o Kung saan nanganak si Sela kanilang sanggol na lalaki

Banghay
Simula

Sa unang yugto, matutunghayan ang pagkakakilala nina Sela at Fidel at ang pag-uusbong ng
kanilang relasyon, na siyang mga pangunahing tauhan. Dahil sa matinding pag-ibig ni Sela para kay
Fidel, ay nagawa niyang isuko ang lahat para dito. Lubos na pag-ibig ang inialay ni Sela para kay Fidel na
siyang ikinabigo rin ng lubusan ng dalaga.

Tunggalian

Tao laban sa Kalikasan

 Noong sinundo ni Fidel si Sela at sila’y naabutan ng ulan, sila’y sumilong sa


isang Koreo at doon nabuo ang masamang hangarin ni Fidel na siyang
magpapabago sa takbo ng buhay nilang lahat.

Tao laban sa Tao

 Nang kinailangang iwan ni Fidel si Sela para sa kaniyang iniibig na si Marya.

Tao laban sa Sarili

 Nang pilit na pinapaniwala ni Sela ang kaniyang sariling hindi totoo ang lahat ng
nasa sa pahayagan.
 Lagi-laging naaalala ni Fidel ang kalagayan ni Sela na siyang bumabagabag sa
kaniyang konsensya sa paniniwalang siya ang may sala sa sinapit nitong
kapariwaraan.

Kasukdulan
Nang nalaman ni Selang si Fidel at Marya ay magkakaanak na. Na siyang nagpaguho sa kahuli-
hulihang pag-asa ni Sela sa pag-aasam na siya’y iibiging muli ni Fidel at ang nag udyok sa kaniyang
ibaling na lamang ang kaniyang nararamdam sa manunuyong si Rufo. Di kalaunay nag-isang dibdib sina
Sela at Rufo, sila’y nabiyayaan ng isang sanggol na lalaki. Walang kamalay-malay si Rufo patungkol sa
nakaraan ni Sela, na sa bandang huli’y umalingawngaw ang mga balitang di kanais-nais para kay Rufo.
Nawindang si Rufo nang malaman ang balitang iyon na siyang lubos niyang ikinagalit at ikinawasak.

Kakalasan

Napagtanto ni Rufong walang kasalanan ang kanilang sanggol sa mga nangyayari kung kaya’t
pinatawad niya si Sela alang-alang sa kanilang sanggol lalong lalo na sa kanilang pamilya.

Wakas

Nang napatawad na ni Rufo si Sela at tinanggap muling malinis sa kaniyang piling at sinabing
siya ang Ama ng kaniyang anak. Napalagay na naman ang loob ni Fidel dahil sa nalaman niyang nasa
mabuting kalagayan na si Sela, na siya’y masaya na at siya nama’y tahimik narin.

Uri ng Banghay
Ang uri ng banghay na ginamit sa nobelang ito ay Episodiko sapagkat hinati-hati ng may-akda
ang mga pangyayari at gumamit ng mga panumbalik sa paghahayag nito.

Tema
Pag-ibig, pagtataksil, poot, pagtatakwil, at pagpapatawad.

Mga Pagdulog
Pagdulog Romantisismo
Namamayani ang emosyon o ang likas na kalayaan. Pinaiiral dito ang sentimentismo aat
ideyalismo. Dito matutuklasan ang pagtinging moral, intelektwal at espiritwal.

 Banal na Pag-ibig

 Mga Patunay

 “May asawa man ang isang lalaki ay maari rin namang ibigin. Sapagkat
ang pag-ibig ay walang guhit sa hangganan, hindi na nasusukat at
walang pagkatapos”
 “Ako’y hindi na iibig muli liban kay Fidel. Isinumpa kong kahit kanino
may hindi ako magpapakasal”
 “Ako’y walang puso! Tunay ngang ako’y may pagsinta, ngunit ito’y
para kay Fidel lamang; para sa ibang lalaki. . . ako’y walang puso! . . .”
 “Mahal sa akin si Fidel at kalian may hindi siya mawawalay sa aking
puso. Mag-asawa man siyang makapito ay hindi magiging sagwill sa
aking pag-ibig…”
 “Nayag siyang tawag-tawaging babae nito, hindi dahil sa salaping
ibinibigay, kundi sa isang malinis na pag-ibig na tuwina’y pinalago ng
wagas at taos na pagmamahal”
 “Opo,umaasa’t naghihintay. Inaasahan ko parin ang kaniyang pag-ibig.
Hinihintay ko parin ang kanyang pagbabalik-loob…”
 “Ang aliw na aking hinahanap ay di ko maaaring matagpuan sa piling
ng
iba kundi sa lalaking nagiging sanhi ng aking mga pagluluhang ito.”
 Paliwanag
Naipahahayag sa mga salitang binitiwan ni Sela ang kaniyang labis na
pag-ibig para kay Fidel. Susuungin at pagtitiisan ang lahat para lang sa kaniya.
Sadyang ang pag-ibig nga’y makapangyarihan sa lahat.

Pagdulog Klasismo
Mas namamayani ang isip laban sa puso.

 Paglimot

 Mga Patunay
 “Unti-unting natatauhan si Sela at naisip niyang kung saan siya narapa
ay doon din siya babangon, kung kaya’t ang lahat ay pinag-aaralan na
niyang limutin.”

 Paliwanag

Dahil sa naging desisyon ni Selang pag-aralan ng limutin ang kaniyang nakaraan,


ay mas namayani sa kaniya ang pag-iisip na nararapat na siyang magpatuloy sa buhay at
huwag magpakalugmok sa bagay na minsan na siyang nadapa. Ang kaniyang pag-aasam
na makabangon at kalauna’y tuluyan ng makalimot.

Pagdulog Feminismo
Ipinapakilala dito ang mga kalakasan at kakayahang pambabae at iangat ang pagtingin ng
lipunan sa mga kababaihan.
 Pagbangon

 Mga Patunay
 “Hindi rin nakalimutang banggitin kay Sela ang buhay na pinagdaanan ng
inisa-isa niyang pangalan ng mga babaeng nakapag-asawa ng matatas na
kawani at mga piling ginoong kilala sa mga litaw na lipunan.”
 “At ang mga lalaking umapi sa kanila ay di man lamang makapangahas na
makipagtagalan sa kanila ng tingin, pagkat dahil nga sa ginawang pang-aapi ay
nagtitiis ng hirap sa kabuhayan, samantalang silang mga inapi’y umaawit ng
tagumpay sa piling ng kanilang mga walang malay na asawa.”

 Paliwanag

Sa kabila ng pagmamahal na ini-alay nila sa mga lalaking kanilang minahal ay


dumanas sila ng mga pang-aapi sa kamay ng mga mapang-abusong lalaking ito.
Gayunpaman, ay nagkaroon parin sila ng lakas ng loob na lumaban at bumangon at di
kalauna’y nakakita sila ng lalaking magbibigay sa kanila ng tunay na kaligayahan.

Pagdulog Moralistiko
Inilalahad ditto ang iba’t-ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao, ang
pamantayan ng tama at mali.

 Pagsasama ng parang tunay na mag-asawa


 Mga Patunay
 “Noo’y lalo kaming nagkatalik. Naramdaman kong ang kaniyang puso’y hawak
ko na sa aking palad. Akin na siyang lubusan.”
 “Kung talagang malinis ng kaniyang pagmamahal, kung tunay na banal nga ang
kaniyang pag-ibig ay sumama siya sa akin…”
 “Saka si Marya’y nagyayang magtanan!..”

 Paliwanag

Sa pagsasama nina Sela at Fidel kahit na sila’y di pa kasal at ang mga nangyari sa
kanila’y tiyak na labag sa moralidad ng isang tao at labag din sa utos ng Diyos. Pati narin
ang naging nais ni Marya na sila’y magtanan. Sa mga desisyong kanilang pinaglabanan
ay hindi maikakailang ang desisyon nilang iyon ay may dalang kamalian na siyang
nagdulot na sila’y magkasala, sa pananaw ng tao at lalong lalo na sa Diyos.
Pagdulog Kultural
Ibinabahagi dito ang mga kaugalian, paniniwala at mga tradisyong minana at mga ipapasa pa sa
mga susunod na salin lahi. Ipinapakita rin dito na ang bawat lipi ay natatangi.

 Sinaunang Panunuyo
 Mga Patunay
 “Palibhasa’y alam na alam kong magiliwin siyang totoo sa pagbasa ng mga tula
ay naging masipag akong totoo, gaya nga ng karaniwan ng sabihin ay
pagpapasingaw. Tuwing Sabado halos ay nawawala sa pahayagan natin at ito’y
sukat mo nang maalala, ang dalagang tinatawag na Bituing-Lupa at ang
makatang nagkakanlong ng sagisag na Takip-Silim.”
 “Kayo’y aking iniibig Aling Sela, at ang pag-ibig na ito’y ipinunla sa aking puso
ng isang banal na damdaming sa pagkakita ko na sa inyo’y naramdaman ko sa
kaibuturan ng aking kaluluwa.”

 Paliwanag

Ipinapakita sa mga nasabing patunay ang mga makalumang paraan ng


panliligaw. Ang masugid na panunuyo at mga pagtatapat na inilalahad nina Rufo at Fidel
tungo kay Sela. Mga mabubulaklak at malulutong na mga salitang kanilang inialay para
kay Sela.

Pagdulog Imahismo

 “Madaling Babae”
 Paliwanag

Tinutukoy na si Sela’y isang babaeng madali, madaling makuha at hindi nararapat


paglaanan ng isang seryosong paggiliw dahil sa kadahilanang siya nga’y isa lamang madali. Madaling
suyuin at madaling bilugin ang ulo, hindi na kailangang paghirapan pa bagkus di naman ito nararapat pa.

Pagdulog Realismo
 Pagkabunyag
 Patunay
 “Walang lihim na di nahahayag, kaibigan. Saka, dapat mong mabatid na sa
pook nating ito ang mga balita ay parang may pakpak samantalang may tainga
naman ang lupa.”
 Paliwanag
Walang lihim na hindi nabubunyag. Lalabas at lalabas parin ang katotohanan patungkol sa mga
bagay-bagay na itinatago. Ito ang realidad na siyang hindi na maiiba sapagkat kapalaran na ang
nagdidikta o ang nagbibigay daan upang mabunyag ang isang lihim. Hindi hinahayaang mamuhay ang
lahat sa isang kasinungalingan.

TATLONG BISA
BISA SA ISIP
Huwag magpalinlang sa mga mabulaklaking salita ng mga lalaki. Kung kinakailanga’y kilalanin
muna ng lubusan at huwag magpadalusdalos sa mga desisyong ibig gawin. Kailangan ay may pantay na
pagtanaw ang puso at isip.

BISA SA PUSO
Kung tayo’y iibig ay nararapat lamang na tayo’y maging tapat. Matuto tayong magpatawad at
tanggapin ang mga bagay-bagay upang lubusan tayong maging maligaya. Maghintay para sa tamang
panahon dahil ang pag-ibig ay hindi isang parang laro. Para sa ikatatahimik at ikaliligaya ng lahat ay
matuto tayong magpatawad, at muling buksan ang puso sa nag-aabang na bukas na siyang ngumingiti sa
atin.

BISA SA KAASALAN
Bilang isang tao, hindi maiiwasan ang mga pagkakataong tayo’y nadadapa ngunit sa bawat
pagkadapa natin ay kinakailangan rin nating umahon, bumangon at magsimulang muli. Patuloy parin ang
buhay dahil hindi titigil ang mundo para sa isang bagay lamang. Muling buksan ang puso dahil sa bawat
pagkakataon na dumaraan ay maaaring makatagpo tayo ng isang taong siyang tunay na makapagbibigay
ligaya sa atin. Sa mga pagsubok ng buhay ay nasasaatin nakasalalay ang bawat hakbang na ating
gagawin, nasasaatin kung papaano natin ito lalampasan at sa bawat pagsubok na ito’y siyang nagbibigay
sa atin ng lakas at ang bumubuo’t nagpapatibay sa atin bilang tao.
KONKLUSYON

Ang nobelang ito ay patungkol sa pag-ibig, pagtataksil, poot, pagtatakwil at pagpapatawad. Pag-
ibig na tapat ni Sela para kay Fidel, pagtataksil ni Fidel kay Sela, poot na nadarama ni Rufo nang
malaman ang nakaraan ni Sela, at ang pagtatakwil ni Rufo kay Sela at kalauna’y pagpapatawad kay Sela.
Sa kabila ng mga pasakit at pagdurusang idinulot ni Fidel sa babaeng nagmahal sa kanya ng lubusan ay
patuloy parin siyang minamahal nito. Noong natanggap na ni Sela ang mga pangyayari at napagtanto
niyang hindi na babalik sa kaniya si Fidel ay binuksan niyang muli ang kaniyang puso para sa iba,
binigyan niya ng pag-asa ang kaniyang manliligaw na si Rufo. Di kalaunan ay natagpuan ni Sela ang
kaligayahan sa piling ni Rufo, gayundin si Fidel kay Marya. Nalaman man ni Rufo ang nakaraan ni Sela,
tinanggap parin niya ito at namuhay ng matiwasay si Sela sa piling ni Rufo at Fidel sa piling ni Marya.

You might also like