You are on page 1of 4

Ang Loterya

Kuwento ni Shirley Jackson


(Unang nailathala noong Hunyo 26, 1948)                                         
Isinalin sa Tagalog ni Percival Campoamor Cruz

          Ang umaga ng Hunyo 27 ay maliwanag at maaraw, may taglay na kaaya-ayang init na tulad ng isang magandang araw ng Tag-init; ang mga bulaklak ay
namumukadkad sa sigla at ang damo ay mayamang luntian. Ang mga taga-roon ay nagsimulang nag-ipon-ipon sa plaza, ang lugar sa pagitan ng Post Office at ng
banko, mga alas-diyes ng umaga noon; sa mga kanugnog na lugar ang loterya ay ginaganap sa loob ng dalawang araw, nagsisimula nang Hunyo 26, mangyari ay
higit na marami ang tao doon, nguni’t sa lugar na ito, mayroon lamang tatlong daang tao, ang loterya ay natatapos sa loob ng dalawang oras lamang, kung kaya’t
mula alas-diyes hanggang matapos ang loterya ay may panahon pa ang mga tao na umuwi at kumain ng pananghalian.

          Nauna ang mga bata sa pagpila. Kasasara lamang ng eskwela at ang bakasyon, kung paano gagamitin ang laya, ay bagay na nakababagabag sa kanila; ang
pagkukumpulan nila nang tahimik, maya-maya ay nauwi sa laro, kuwentuhan tungkol sa mga klase, mga guro, libro at mga parusa. May nailagay nang mga bato
si Bobby Martin sa kanyang bulsa, at ang ibang bata ay gumaya sa kanya sa pagpulot ng pinakamakinis at bilugang bato; sina Bobby at Harry Jones at Dickie
Delacroix – ang bigkas ng mga taga-roon ay “Dellacroy” – hanggang sa nakabuo sila ng isang bundok ng bato sa isang sulok ng plaza na kanilang binantayan at
nang hindi galawin ng ibang mga bata. Ang mga batang babae ay nag-ipon sa isang tabi, nagkukuwentuhan, minamasid ang mga batang lalaki paminsan-minsan,
at ang mga maliliit na bata ay pagulung-gulong sa lupa samantalang ang iba ay nakakapit sa kamay ng kanilang mga nakatatandang kapatid.

          Maya-maya ay ang mga may edad na kalalakihan naman ang nag-ipon-ipon, habang nakamata sa kanilang mga anak, nagkuwentuhan tungkol sa
pagtatanim at sa ulan, traktor at buwis. Nag-ipon sila sa isang sulok, malayo sa bundok ng bato, at ang mga biruan nila ay banayad, walang malakas na tawanan
bagkus ay mga ngiti lamang ang ipinakita. Ang mga kababaihan, nababalot ng mga damit-pambahay at panglamig na kupas na, ay dumating kasunod ng mga
kalalakihan. Nagbatian sila at nagpalitan ng tsismis habang nakihalubilo sa kanilang mga asawa. Maya-maya ay tinawag na ng mga babae ang kanilang mga anak
at sila ay nakinig at lumapit na mabigat sa kalooban pagkatapos ng apat hanggang limang tawag. Si Bobby Martin ay lumapit na nguni’t bumitiw sa
pagkakahawak ng ina bago lumayo muli upang umikot sa bundok ng bato na tatawa-tawa. Nagsalita nang mabigat ang ama ni Bobby at agad-agad ay nagbalik
siya sa tabi ng kanyang tatay at panganay na kapatid.

                    Nagsimula ang palatuntunan ukol sa loterya – gayon din ang sayawan, ang pagpupulong ng teen club, ang kaugaliang pang-Halloween – sa
pamumuno ni Mr. Summers, na ang oras at lakas, ay iniuukol sa mga gawaing pambayan. Bilugan ang mukha niya, masayahin at siyang may-ari ng ulingan, at
ang mga tao ay naaawa sa kanya sa dahilang wala siyang anak at ang kanyang asawa ay masama ang ugali. Pagdating niya sa plaza na dala-dala ang itim na
kahong yari sa kahoy, may narinig na bulung-bulungan sa paligid, at kumaway siya sa mga tao bago nagsabi ng, “Medyo atrasado tayo, mga kaibigan.” Ang hepe
ng post office si Mr. Graves ay kasunod niya na may dala-dalang bangko at ang bangko ay inilagay niya sa gitna ng plaza at ipinatong naman sa bangko ni Mr
Summers ang itim na kahon. Tiniyak ng mga tao na sila ay di napakalapit sa kinalalagyan ng itim na kahon at nang sabihin ni Mr Summers na “Sino sa inyo ang
maaaring tumulong sa akin?” tila walang ibig sumagot sa mga kalalakihan, hanggang sa lumapit si Mr Martin at ang panaganay niyang anak na si Baxter, na
pinakiusapan na hawakan ng pirmi ang itim na kahon habang hinahalo ni Mr Summers ang mga papel na nasa loob nito.

          Ang unang kasangkapan ukol sa loterya ay matagal nang nawala, at ang itim na kahon na nakapatong sa bangko ay sinimulang gamitin sapul pa noong bago
isilang si Tandang Warner, ang pinakamatandang tao sa lugar. Palaging binabanggit sa mga taong-bayan ni Mr. Summers ang paggawa ng bagong kahon, nguni’t
ayaw ng mga taong pag-usapan ang nakababagabag na pagpapalit ng kaugalian. May sabi-sabi na ang kasalukuyang kahon ay yari sa kahoy na nagmula sa kauna-
unahang kahon na ginawa ng mga kauna-unahang dumating at tumira sa nayon. Taon-taon pagkakatapos ng loterya, binabanggit ni Mr. Summers ang tungkol sa
paggawa ng bagong kahon, at taon-taon din ang nasabing panukala ay tila bulang nawawala sa hangin. Ang itim na kahon ay pahuna nang pahuna taon-taon; sa
ngayon, hindi na siya itim kundi kulay-kahoy dahil sa tuklap na ang ibabaw at ang pintura ay kupas na.

          Hawak ni Mr. Martin at ng anak na si Baxter ang kahon habang kinakalikaw ni Mr. Summers ang mga papel sa loob nito. Ang kaugalian sa pagpaparaos sa
loterya ay iniba na ni Mr Summers dahilan sa nalimut na o itinigil na ang mga kaugalian noong nakalipas na panahon, halimabwa na ang paggamit ng papel na
noong nakalipas ay gamit ay kahoy. Kakaunti ang tao noon, sabi ni Mr Summers, kung kaya’t mainam ang kahoy nguni’t ngayon na may mahigit pa sa tatalong-
daang tao na ang naninirahan sa lugar ang paggamit ng magaan at bagay na maghuhusto sa kahon gaya ng papel ay di maiiwasan. Sa bisperas ng loterya, ang
mga papel ay inihahanda nina Mr. Summers at Mr Graves at pagkatapos ay itinatago sila sa opisina ni Mr. Summers hanggang sa kinaumagahan ay inililipat na ni
Mr. Summers sa plaza. Sa buong taon na walang loterya ang kahon ay itintago sa iba’t ibang lugar. Minsan ay sa basbasan ni Mr Graves, minsan ay sa ilalim ng
sahig ng Post Office, at minsan ay sa grocery ni Martin, kasama ang mga paninda.

          May ilang hakbang ang nakatakdang gawin ni Mr Summers bago pasimulan ang loterya. Kailangang magkaroon ng listahan ng mga pamilya at ng ama ng
tahanan ng bawa’t pamilya at sinu-sino ang bumubuo sa pamilya. Naroong kailangang sumumpa si Mr Summers sa harap ng postmaster bilang tagapagpaganap
ng loterya; naaalaala pa ng mga taong-bayan ang maikling palatuntunan na ang gumaganap ay ang tagapamahala ng loterya. May dasal na kinakanta siya
habang lumilibot sa mga nag-ipong mga tao sa plaza at taon taon ay ginagawa ito hanggang sa magpasiya na hindi na ito kailangan. Naroong sasaludo ang
tagapamahala sa bawa’t lalapit sa kahon upang bumunot ng loterya, nguni’t ngayon ay bumabati na lamang ang tagapamahala. Mahusay na tagapamahala si Mr
Summers na dumarating na may suot na malinis na puting kamisadentro at asul na maong, at magalang na binabati at kinakausap, gaya nina Mr Graves at Mr
Martin, ang bawa’t lalapit sa kahon na kanyang hawak sa isang kamay.

          Sa wakas ay natapos na si Mr Summers sa pagsasalita at sinipat niya ang mga nag-aabang na taong-bayan, kadarating naman ni Mrs Hutchison na ang
sweater ay nakapatong sa kanyang balikat at tumayo sa hulihan ng pila. “Talagang nawala sa isip ko na ngayon ang araw,” sabi niya kay Mrs. Delacroix at
napangiti silang kapuwa. “Akala ko ay nasa likod pa ng bahay ang mister ko at nagsisibak ng kahoy,” patuloy ni Mrs Huthison, “at nang dumungaw ako sa bintana
ay nakita kong wala na ang mga bata at naalaala ko na ngayon pala ang ika-dalawampu’t pito ng buwan at agad akong kumaripas papunta dito. Ipinunas niya
ang kanyang kamay sa apron at sagot ni Mrs Delcroix, “Hindi ka pa huli. Nag-uusap pa sila doon.”

          Tumingkayad si Mrs Hutchison upang hanapin ang asawa at anak na nakatayo sa may unahan ng pulutong ng tao. Tinapik niya si Mrs. Delacroix bilang
pamamaalam at lumakad patungo sa unahan. Magalang na pinadaan naman siya ng mga tao at dalawa o tatlo sa kanila ang nagkomentaryo, “Heto na si Mrs
Hutchison at Bill, huli man ay narito siya.” Nagkasama sina Mrs. Hutchison at asawa at nasabi ni Mr. Summers sa masayang tono na naghihintay doon, “Akala ko
ay magloloterya kami na wala ka, Tessie.” Nakangiting sagot ni Mrs. Hutchison, “Di ko puedeng pabayaan na hindi hugas ang mga pinggan, di ba, Joe, at
napatawa ang maraming nakarinig habang ang mga tao ay nasabik sa pagdating ni Mrs Hutchison.

          “Ngayon,” sabi ni Mr. Summers sa paraang tila napipilitan lamang, “palagay ko ay maaari na tayong magsimula, at nang makabalik tayo kaagad sa kung ano
man ang ating ginagawa. Sino ang wala rito?”
          “Si Dunbar,” sabi ng mga tao, “si Dunbar, si Dunbar.”

          Tiningnan ni Mr. Summers ang listahan. “Clyde Dunbar,” sabi niya. “Tama. Natapilok siya, hindi makalakad, di ba? Sino ang bubunot para sa kanya?”

          “Ako na,” sabi ng isang babae, at tiningnan siya ni Mr. Summers. “Asawa ay bubunot para sa asawa,” patuloy ni Mr. Summers. “Wala ka bang anak na lalaki
na maaaring bumunot para sa kanya, Janey?” Kahi’t alam niya at nang mga taga-roon ang sagot sa katanungan ay katungkulan ng namamahala sa loterya na
banggitin ang tanong. Magalang na binigyan ni Mr. Summers si Mrs. Dunbar ng panahon upang makasagot.

          “Hindi pa man labing-anim na taong gulang si Horace,” banggit ni Mrs. Dunbar na may pagsisisi. “Wala akong magagawa kundi bumunot para sa asawa ko.”

          “Tama,” sabi ni Mr. Summers. May isinulat siyang paalaala sa papel na hinahawakan niya. Bago nagtanong, “Horace Watson bubunot ka na ngayong
taon?”

          May batang may kataasan ang nagtaas ng kanyang kamay sa may bandang likod. “Heto,” sabi niya, “Akong bubunot para sa nanay ko at para sa akin.”
Napakurap ang mata niya sa nerbiyos at napayuko nang ilang ulit habang may mga taong nagsabi na, “Mabuting bata si Jack,” at “Mabuti’t may lalaki sa pamilya
na handang tumulong sa ina.”

          “Ngayon,” salita ni Mr. Summers, “sa tingin ko ay natawag na ang lahat. Si Tandang Warner narito ba?”

          “Heto,” sabi ng isang lalaki, at tumango si Mr. Summers.

          Napa-ehem si Mr. Summers nang tingnan niya ang listahan at tumahimik ang mga tao. “Handa na tayo,” pahayag niya. “Ngayon, babasahin ko ang mga
pangalan – padre de familia muna – lalapit sa harapan ang mga lalaki at isa-isang bubunot ng papel mula sa kahon. Nakatupi ang mga papel, huwag bubuksan at
titingnan ang nakasulat doon hanggang nakabunot na ang lahat. Maliwanag ba?”

          Bahagya nang nakikinig ang mga tao sa mga paalaala sapagka’t maka-ilang ulit na silang napabilang sa loterya; karamihan ay walang kibo, kagat ang mga
labi, di tumitingin sa ibang tao. Pagkatapos ay itinaas ni Mr. Summers ang isang kamay at isinigaw ang, “Adams.” May lalaking kumibo sa pulutong at lumapit sa
harapan. “Kumusta, Steve,” bati ni Mr. Summers, at sagot ni Mr. Adams, “Kumusta, Joe.” Ngumiti sa isa’t isa at mukhang may nerbiyos sila kapuwa. Bumunot ng
papel si Mr. Adams mula sa itim na kahon. Hinawakan niya nang mahigpit ang papel at bumalik sa kanyang puwesto sa pulutong, malayo-layo sa kanyang
pamilya, na hindi tinitingnan ang papel.

          “Allen,” tawag ni Mr. Summers. “Anderson… Bentham.”

          “Parang napakadalas ng loterya,” wika ni Mrs. Delacroix kay Mr. Graves na nasa hanay sa likod. “Parang katatapos pa lamang ng huli noong nakaraang
linggo”

          “Lumilipad nang mabilis ang panahon,” sang-ayon ni Mrs. Graves.

          "Clark.... Delacroix."

          “Hayun na ang mister ko,” sabi ni Mrs. Delacroix. Hindi siya humihinga habang ang asawa ay lumalakad papunta sa harapan.

          “Dunbar,” tawag ni Mr. Summers, at lumapit sa kahon nang walang pag-aatubili si Mrs Dunbar habang ang isa sa mga babae ay pinalalakas ang loob niya,
“Sige, Janey,” at ang isa pa, “Hala na.”

          “Kami ang susunod,” sabi ni Mrs. Graves. Pinanonood niya si Mr. Graves na nanggaling sa may gilid ng kahon at binati muna si Mr. Summers bago bumunot
ng papel mula sa sa kahon. Sa oras na iyon, makikita sa pulutong na may hawak na maliliit na papel ang malalaking kamay ng mga kalalakihan, na kanilang
pinaiikot-ikot sanhi ng nerbiyos. Magkakasama sina Mrs. Dunbar at dalawa niyang anak na lalaki. Hawak ni Mrs. Dunbar ang kapirasong papel.

          "Harburt.... Hutchinson."

          “Hoy, bill, ikaw na,” sabi ni Mrs. Hutchison at nagtawanan ang mga tao sa paligid niya.

          “Jones.”

          “May sabi-sabi,” pahayag ni Mr. Adams kay Tandang Warner, na nakatayo sa tabi niya, “na sa dakong hilaga ay ititigil na ang loterya.”

          Umaangal si Tandang Warner, “Pangkat ng mga sira-ulo,” sabi niya. “Walang mabuti sa mga kabataan. Pipiliin nila na bumalik sa kuweba kaysa
magtrabaho. Ang kasabihan, ‘Loterya sa Hunyo, maiging ani ng mais pagkatapos’. Baka kumain tayo ng damo at buto ng akasya. Kaya may loterya.” Dagdag niya
na may himig patuya, “At kaya kailangang makita natin si Mr. Summers na nakikipagbiruan sa lahat.”

          “Tigil na ang loterya sa ibang bayan,” dagdag ni Mrs. Adams.

          “Kamalasan ang susunod,” sagot ni Tandang Warner na tiyak na tiyak, “pangkat ng mga baliw.”

          “Martin.” At minasid ni Bobby Martin ang tatay na lumakad papunta sa harapan. “Lundag. . . Percy.”

          “Bilis-bilisan sana,” sabi ni Mrs. Dunbar sa anak, “bilis-bilisan sana.”

          “Matatapos na,” sagot ng anak.


          “Maghanda na kayo ng tatay mo,” sabi ni Mrs. Dunbar.

          “Tinawag ni Mr. Summers ang sarili niyang pangalan, humarap sa kahon at bumunot ng papel. Tinawag, pagkatapos, si Warner.

          “Ika-pitung pu’t pito kong loterya,” pahayag ni Tandang Warner habang nakikidaan siya sa kapal ng tao. “Ika-pitung pu’t pito.”

          “Watson.” Isang mataas na bata na tila may nerbiyos ang kumilos mula sa pulutong. Sabi ng isang tao, “Huwag kang nerbiyusin, Jack. Sabi ni Mr. Summers,
“Hinay-hinay l’ang, anak.”

          "Zanini."

          Nagkaroon ng mahabang katahimikan, pagkatapos noon, na tila pigil ang hininga ng mga tao, hanggang sa nagsalita si Mr. Summers, na ipinakikita ang
hawak niyang papel, “Humanda na kayo.” Sa loob ng ilang minuto ay walang kumibo, pagkatapos ay binuksan ng lahat ang hawak na papel. Biglang ang mga
babae ay nagsalita nang sabay-sabay, “Sino? Sinong nakabunot? Ang mga Dunbars ba? Ang mga Watsons? Pagkatapos ay sabay-sabay ang mga tinig na nagsabi,
“Si Hutchison. Si Bill. Si Bill Hutchison ang nakabunot.”

          “Sabihin mo sa tatay mo,” utos ni Mrs. Dunbar sa nakatatandang anak.

          Ang mga mata ay umikot sa paligid upang hanapin ang mga Hutchison. Nakatayo nang matigas si Bill Hutchison na tila bato, nakatingin sa papel na hawak.
Agad ay umangal si Tessie Hutchison kay Mr. Summers, “Hindi mo siya binigyan ng sapat na panahon na makapili ng papel na ibig niya. Nakita ko. Hindi patas
ang pagbunot!”

          “Tessie, maghunos-dili ka,” sabi ni Mrs. Delacroix, at saka ni Mrs. Graves, “Lahat tayo ay binigyan ng pantay-pantay na pagkakataon.”

          “Tumahimik ka, Tessie,” sabi ni Bill Hutchison sa asawa.

          “Ngayon,” sabi ni Mr. Summers, “magaling at tapos na ang bahaging iyon, at ngayon ay gawin natin nang madali ang susunod.” Tiningnan niya ang kanyang
listahan. “Bill,” sabi niya, “bumunot ka na para sa Familia Hutchinson. Mayroon bang may-asawa sa mga anak mo?”

          “Sina Don at Eva,” pahayag ni Mrs. Hutchison. “Pabunutin sila!”

          “Ang mga anak na babae na may asawa ay kabilang sa familia ng asawa, Tessie,” malumanay na paliwanag ni Mr. Summers. “Alam mo iyan na matagal na.”

          “Hindi patas,” patuloy ni Tessie.

          “Hindi nga, Joe,” malungkot na pagsang-ayon ni Bill Hutchison. “Ang anak kong babae ay kabilang sa familia ng asawa niya, patas ba iyon. Samantalang ang
familia ko ay kabilang ang mga bata.”

          “Samakatuwid ay ikaw ang bubunot para sa familia mo,” sabi ni Mr. Summers na ibig magpaliwanag, “at ikaw din ang bubunot para sa inyong mag-asawa
at kung sino pang anak na walang asawa. Tama ba?”

           “Tama”, sagot ni Bill Hutchison.

          “Ilan ang mga bata?” tanong ni Mr. Summers na hindi ngumingiti.

          “Tatlo,” sagot ni Bill Hutchison. “Sina Bill, Jr., Nancy, at ang bunso kong si Dave. Si Tessie at ako.”

          “Ngayon, malinaw na,” sabi ni Mr. Summers. “Harry, nasa kamay mo na ba ang mga papel nila?”

          Tumango si Mr. Graves at itinaas ang mga papel. “Ilagay mo nga sila sa kahon,” utos ni Mr. Summers. “Kunin mo rin ang kay Bill at ilagay sa kahon.”

          “Sa tingin ko ay dapat ulitin ang bunutan,” giit ni Mrs. Hutchison sa tonong mahina. “Sinabi ko na, hindi patas ang bunutan. Minadali mo ang asawa ko.
Nakita iyan ng lahat.”

          Limang papel ang inihulog ni Mr. Graves sa kahon at ang iba ay pinabayaan na niyang mahulog sa lupa at liparin ng hangin.

          “Makinig kayo,” pakiusap ni Mrs. Hutchison sa mga tao.

          “Handa ka na, Bill?” Tanong ni Mr. Summers, at si Bill Hutchison ay tumango matapos sulyapan ang asawa at mga anak.

          “Tandaan ninyo,” payo ni Mr. Summers, “bumunot ng isang papel at huwag bubuksan hanggang sa ang lahat ay nakabunot na. Harry, tulungan mo si
Dave.” Inakay ni Mr. Graves ang bata patungo sa kahon na wala itong pag-aatubili. “Bunot ng isang papel, Dave,” sabi ni Mr. Summers. Ipinasok ni Dave ang
kamay sa kahon at napatawa. “Isa lamang,” dagdag ni Mr. Summers. “Harry, ikaw ang humawak ng papel.” Kinuha ni Mr. Graves ang papel mula sa kamay ni
Dave at itinaas ito samantalang si Dave ay nagtataka sa nangyayari.

          “Ngayon na,” sabi ni Mr. Summers. “Buksan ang mga papel. Harry, ikaw ang magbukas ng kay Dave.”

          Binuksan ni Mr. Graves ang papel at nang makita ng mga tao na walang marka ang papel ay nakahinga nang maluwag ang lahat. Binuksan nang sabay nina
Nancy at Bill, Jr. ang kanilang mga papel, at kapuwa sila napangiti, ipinakita sa mga tao ang mga papel na walang marka.

          “Tessie,” hiling ni Mr. Summers. Di humihinga ang mga tao, nakatingin si Mr. Summers kay Bill Hutchison at binuksan nito ang kanyang papel at ipinakita sa
mga tao. Walang marka.
          “Si Tessie,” sabi ni Mr. Summers, sa tono na mahina. “Bill, ipakita mo sa amin ang kanyang nabunot.”

          Nilapitan ni Bill Hutchison ang asawa at hinablot ang papel mula sa kanyang kamay. May itim na marka ito, ang itim na marka na inilagay doon ni Mr.
Summers nang nakaraang gabi gamit ang isang lapis na naroon sa oficina ng mina ng uling. Itinaas ni Bill ang papel, at ang mga tao ay nagsimulang kumilos.

          “Hala, mga kasama,” pakiusap ni Mr. Summers. “Madaliin natin.”

          Kahi’t na nalimot na ng mga taga-roon ang matandang kaugalian at ang kauna-unahang kahon, hindi nila nalilimot ang paggamit ng bato. Ang tambak ng
bato na inipon ng mga batang lalaki ay nakahanda na; at may mga nagkalat ding bato na napapaligiran ng mga papel galing sa kahon na nilipad ng hangin. Pumili
si Mrs. Delacroix ng bato na may kalakihan na kinailangang pulutin na gamit ang dalawang kamay bago sabi kay Mrs. Dunbar, “Ano pang hinihintay mo, dalian
mo.”

          May hawak nang bato si Mrs. Dunbar sa dalawang kamay, humihingal siya at sinabi, “Di ako makatatakbo. Mauna ka na at susunod ako.”

          May hawak nang maliliit na bato ang mga bata, at pati na ang maliit na si Davy Hutchison ay may maliliit na bato na rin.

          Nalagay na si Tessie Hutchison sa kalagitnaan ng mga tao na papalapit na sa kanya habang ang mga kamay niya ay nakadipa sa langit. “Hindi
makatarungan,” usal niya. Isang bato ang tumama sa gilid ng kanyang ulo.

          Si Tandang Warner ay hinihimok ang mga tao, “Hala, hala, pagtulungan natin.” Nasa unahan ng lumulusob na pulutong sina Steve Adams na katabi si Mrs.
Graves.

          “Hindi makatarungan, hindi tama,” atungal ni Mrs. Hutchinson sa paraang nagmamakaawa at ang buong bayan ay pinaligiran siya.

---

You might also like