You are on page 1of 1

ANG REPORMASYON

Kaganapang yumanig sa Kakristyanuhan mula ika-14-17 dantaon na humantong sa paghahati ng Simbahang


Kristiyano. Dito nagsimula ang paghiwalay ng Protestante sa Simbahang Katoliko, gayunpaman hindi nagpabaya ang
Simbahang Katoliko, sinimulan nito ang pagbabago sa sariling relihiyon ng hindi binabago ang doktrina nito.

MARTIN LUTHER, AMA NG PROTESTANTENG PAGHIHIMAGSIK


Isang mongheng Augustinian at Propesor ng Teolohiya sa Unibersidad ng Wittenberg ang nagsimulang magduda ng
mabasa niya ang kaibahan ng katuruan ng Simbahan sa katuruan ng Bibliya tungkol sa kaligtasan.”Ang pagpapawalang sala ng
Diyos sa tao ay nagsisimula sa pananampalataya.” (Roman 1:17).
Nag-alinlangan si Martin Luther sa bisa at kapangyarihan ng relikya sapagkat napatunayan niya ang maraming
paglabag ng mga pari sa aral ng Diyos gaya ng pagpipilit ni Papa Julius na makalikom ng salaping kailangan sa pagpapagawang
muli ng Church of St. Peter at ang maluhong pamumuhay ng mga pari. Nagpasiklab ng galit ni Luther ang pagbebenta ng
indulhensiya- kapirasong papel na nagsasaad na maaring ipagbili at bilhin para sa kapatawaran at kaligtasan ng tao, upang
makalikom ng pera. Dahil dito, ipinaskil niya sa pintuan ng simbahan ng Wittenberg noong Oktubre 31, 1517 ang kanyang
“Siyamnapu’t Limang Proposisyon” (Ninety Five Theses) na tumutuligsa sa indulhensiya. Kumalat ang sulat ni Luther sa
buong bansa. Iniutos ni Papa Leo X na bawiin ni Luther ang tuligsa nito, sa halip sinunog ito ni Luther sa harap ng simbahan ng
Wittenberg kaya ipinasiya ng Papa na alisin si Luther sa kanyang tungkulin dahilan upang hayagang humiwalay siya sa
Simbahang Katoliko. Isinalin niya ang Bibliya sa wikang Aleman na naging dahilan ng pagkaunawa ng karaniwang tao dito at
lalong nagpatanyag sa kanya. Noong 1522, itinatag niya ang Simbahang Lutheran. Sa pulong ng Second Diet of Spires,
ipinagbawal ang mga aral ni Luther ngunit marami ang tumutol, tinawag na Protestante ang mga kalaban ng Katolisismo.
Pagkatapos ng ilang taong alitan ng Protestante at Katoliko na humantong sa digmaang panrelihiyon, tinapos ito ni Charles V
sa paglagda sa “Kapayapaang Augsburg” noong 1555. Nakasaad sa kasunduan na kilalanin ang kapangyarihan ng namumuno
na malayang pumili ng relihiyon ang kanilang nasasakupan.

KONTRA- REPORMASYON
Bago nagsimula ang Repormasyong Protestante, nagsikap ang mga pinunong Katoliko na maituwid ang maling
pamamaraan ng Simbahan. Si Papa Gregory VII (Hildebrand) ang nagpasimuno ng 3 pagbabago sa Simbahan.
1. Pagbabawal sa mga pari na mag-asawa upang malayo sa suliranin ng pamilya at ng mailaan ang sarili at buong
paglilingkod sa Diyos.
2. Pag-aalis ng simony
3. Pagbabawal sa mga tauhan na tumanggap ng pagtatalaga sa anumang tungkulin sa Simbahan sa kamay ng hari
Upang harapin ang hamon ng Protestantismo, isang malakas na kilusan ang sinimulan ng mga tapat na Katoliko na
tinawag na Catholic Reformation o Counter- Reformation. Isinagawa ito ng Konseho ng Trent, Inquisition at ng Samahan
ng mga Heswita (Society of Jesus).
Nakatulong sa Repormasyong katoliko ang mga orden o grupong panrelihiyon gaya ng Dominikano, Pransiskano,
Heswita atbpa sa pamamagitan ng nagawa nila bilang mga misyonero. Naibalik nila ang Katolisismo sa mga Europeong
naging Protestante. Pinakatanyag sa mga misyonero si St. Francis Xavier dahil nahikayat niya ang milyong pagano sa
Katolisismo sa India, Malaysia at Japan at kinilala bilang “Apostle of the Indies”.
Konseho ng Trent- binubuo ng matataas na pinuno ng Simbahan na pinangunahan ni Papa Paul III. Ilan sa nagawa nito:
(1) pagkilala sa Papa bilang hindi mapag-aalinlanganang pinuno ng Simbahang Katoliko; (2) pagpapawalang-saysay sa
paniniwala ng Protestante na ang Bibliya ang tanging patnubay sa kaligtasan ng tao; (3) muling pagpapatingkad sa
kahalagahan ng misa, 7 sakramento, pagbibigay-galang sa mga santo at ibang doktrina ng Katoliko; (4) pagpapataas ng
pamantayan ng ugali at kilos ng mga tauhan ng Simbahan; (5) pagpapalabas ng Papa ng Index- talaan ng mga aklat na
ipinagbabawal basahin ng mga Katoliko.
Inquisition- itinuturing na batik sa kasaysayan ng Simbahang Katoliko sapagkat itinatag ito upang sugpuin ang lahat ng
salungat dito. Maraming nagalit sa Simbahan lalo na ang mga ipinasunog, dumanas ng pahirap at mga biktima ng
pagsamsam sa ari-arian. Gumanti ang mga Protestante, nagpahirap din sila at pumatay ng ayaw sumang-ayon sa kanila.
Samahan ng mga Heswita- itinatag ito ni St. Ignatius de Loyola na tumalikod sa pagiging sundalo at inilaan ang sarili sa
paglilingkod sa Diyos. Nangalap siya ng 1 pangkat ng matatapang at matatalinong lalaki (Heswita) kasama si St. Francis
Xavier at itinatag ang Society of Jesus na kinilala ni Papa Paul III noong 1544.

EPEKTO AT KAHALAGAHAN NG REPORMASYON


Malaki ang pagbabagong naganap sa Simbahan dahil sa pagtuligsa sa imoralidad at pagmamalabis ng simbahan.
Naging tanyag si Martin Luther – Ama ng Himagsikang Protestante, sa paglaban sa depekto ng Simbahan. Layunin nito na
baguhin o magkaroon ng reporma ang Simbahan. Hindi nagustuhan ng Papa ang pagtatagumpay ni Luther kaya tinapatan
ito ng Council of Trent, Inquisition, at Society of Jesus na naglalayong pagbutihin ang pananampalatayang Katoliko.
Ang walang tigil na iringan ng Simbahang Katoliko at Protestante ay nagdulot ng sumusunod na epekto:
 Nagkaroon ng dibisyong panrelihiyon sa Europe- hilaga (Protestante), timog (Katoliko)
 Naglaho ang lubusang pananalig sa Simbahan at nagkaroon ng kalayaan sa pananampalataya (nagtatag ng mga sekta
ng Protestante tulad ng Calvinism, Lutheranism, Methodist, Anglican, Presbyterian atbpa).
 Muling pinanumbalik at pinagbuti ng Simbahan ang pananampalatayang Katoliko sa pamamagitan ng pagpapawalang
bisa ng pagbenta ng indulhensiya at opisyo ng Simbahan (Simony).
 Digmaang panrelihiyon sa pagitan ng Katoliko at Protestante
 Pagpapanumbalik na espiritwal sa Kristiyanismo, pagpapalaganap ng doktrina ng kaligtasan ng Bibliya- ang kaligtasan
ay makakamit sa pagtanggap at pagtitiwala kay Kristo.

You might also like