You are on page 1of 5

Ang Kahulugan, Katangian, at Layunin

ng Akademikong Pagsulat

I sa sa pinakamahahalagang output ng sinumang mag-aaral ang mga gawaing


nauukol sa akademikong pagsulat. Ito ay isang masinop at sistematikong
pagsulat ukol sa isang karanasang panlipunan na maaaring maging batayan
ng marami pang pag-aaral na magagamit sa ikatataguyod ng lipunan.
Ang akademikong pagsulat ay isinasagawa sa isang akademikong
institusyon kung saan kinakailangan ang mataas na antas ng kasanayan sa
pagsulat. Layunin ng akademikong pagsulat ang magbigay ng
makabuluhang impormasyon sa halip na manlibang lamang.
Kung ihahambing sa malikhaing pagsulat, ang akademikong pagsulat
ay nangangailangan ng mas mahigpit na tuntunin sa pagbuo ng sulatin.
Mayroon itong isang paksa na may magkakaugnay na mensahe. Maayos na
inihahanay ang mga pangungusap, talata, at seksiyon upang maging malinaw
ang pagkakabuo ng mga ideya at paliwanag ng mga ito. Ang karaniwang
estruktura ng isang akademikong sulatin ay may simula na karaniwang
nilalaman ng introduksiyon, gitna na nilalaman ng mga paliwanag, at wakas
na nilalaman ng resolusyon, kongklusyon, at rekomendasyon. lian sa mga
halimbawa ng akademikong teksto ang abstrak, bionote, talumpati,
panukalang proyekto, repiektibong sanaysay, sintesis, lakbay-sanaysay,
synopsis, at iba pa.
Ang pagbuo ng akademikong sulatin ay nakadepende sa kritikal na
pagbasa ng isang indibidwal (Arrogante et al. 2007). Kinikilala sa ganitong
uri ng pagsulat ang husay ng manunulat dahil may kakayahan siyang
mangalap ng mahahalagang datos, mag-organisa ng mga ideya, lohikal mag-
isip, mahusay magsuri, marunong magpahalaga sa orihinalidad ng gawa, at
may inobasyon at kakayahang gumawa ng sintesis. Sa pagsulat ng sulating
pang-akademiko, gumagamit ng piling-piling salita at isinasaalang-alang ang
target na mambabasa. Mahigpit din sa paggamit ng tamang bantas at baybay
ng salita dahil ang mga sulating ito ay nakatuon sa pagbibigay ng kaalaman.
Katangian ng Akademikong Pagsulat
1. Pormal
Ang mga ganitong uri ng sulatin ay pormal at hindi ginagamitan ng mga
impormal o balbal na pananalita. Maliban na lamang kung ang naturang
uri ng pananalita ay bahagi ng isang pag-aaral.

2. Obhetibo
Ang layunin ng akademikong pagsulat ay pataasin ang antas ng
kaalaman ng mga mag-aaral sa pagbasa at pagsulat sa iba’t ibang disiplina o
larang. Binibigyang-diin dito ang impormasyong gustong ibigay at ang
argumento sa mga ideya na sumusuporta sa paksa (Alejo et al 2005).

3. May Paninindigan
Ang akademikong pagsulat ay kailangang may paninindigan sapagkat
ang nilalaman nito ay pag-aaral o mahalagang impormasyon na dapat
idinudulog at dinepensahan, ipinalillwanag at binibigyang-katwiran ang
mahahalagang layunin, at inilalahad ang kahalagahan ng pag-aaral. Mahalaga
rin ang paninindigan dahil ang mismong daloy ng mga pangungusap,
pangangatwiran, at layunin ay depende sa isinasaad ng paninindigan ng
manunulat.

4. May Pananagutan
Mahalagang matutuhan ang pagkilala sa mga sangguniang pinaghanguan ng
mga impormasyon. Ang pangongopya ng impormasyon o ideya ng ibang
manunulat o plagiarism ay isang kasalanang may takdang
kaparusahan sa ilalim ng ating batas.

5. May Kalinawan
Ang sulating akademiko ay may paninindigang sinusundan upang
patunguhan kung kaya dapat na maging malinaw ang pagsulat ng mga
impormasyon at ang pagpapahayag sa pagsulat ay direktibo at
sistematiko.
Layunin sa Pagsasanay sa Akademikong
Pagsulat
1. Makapagsagawa ng wastong pangangalap ng
mga impormasyon at malikhaing pagsasagawa
ng ulat.
Ang wastong pangangalap ng mga impormasyon at datos ay nangangailangan
ng kasanayan sa pagbabasa at pagsuri ng iba’t ibang sanggunian katulad ng
diksiyonaryo, encyclopedia, annual journals, almanac, atlas, magasin,
academic journals, mga libro, pahayagan, at tesis at disertasyon. Mahalaga
ang paggamit ng mga ito sa matagumpay na pangangalap ng impormasyon.
Dapat ding matutuhan ang wastong pagbuo ng bibliyograpiya o listahan ng
mga ginamit na aklat at pagbanggit sa mga paglalahad ng impormasyon mula
sa mga taong kinauukulan upang maiwasan ang direktang pangongopya ng
mga impormasyon o plagiarism. Sa pagkatuto ng wastong pangangalap ng
impormasyon at pagbuo ng bibliyograpiya, kinakailangan din na malikhaing
maipakita ang ulat na binuo upang maging nakapanghihikayat ang pagbasa
ng pag-aaral o sulatin.

2. Nagagamit ang mga kasanayan sa pagbasa sa


pagsusuri ng iba't ibang uri ng teksto na
magagamit sa mga gawain ng akademikong
pagsulat.
Ang mag-aaral ay nararapat na nagtataglay ng tatlong antas ng pag-unawa sa
pagbasa. Una, ang pagkakaroon ng literal na pagpapakahulugan kung saan
ang mambabasa ay nakauunawa ng mga salita ng wikang ginamit.
Pangalawa, pagbasa nang may pag-unawa. Ang mag-aaral ay
nakapagbibigay ng pagpapakahulugan gamit ang paghihinuha at
komprehensiyon sa ipinapahayag na mensahe ng awtor. Pangatlo, pagbasa
nang may aplikasyon. Matapos ang pagbasa, dapat ay naisasagawa sa isang
pagkilos.ang mensahe ng teksto na maaaring pasulat o pag-uulat.
3. Natatalakay ang paksa ng mga naisagawang
pag-aaral ayon sa pananaw ng may-akda
kasabay rin ang pag-unawa ng mag-aaral bilang
mambabasa.
Ang mag-aaral ay inaasahang marunong magsuri ng ibang akda na
makatutulong sa kanyang pag-aaral—kritikal sa pag-iisip, obhetibo sa
pagtalakay sa paksa, organisado ang mga ideya at kaisipan, nakatutukoy ng
sanhi at bunga, nakapaghahambing, nakabubuo ng konsepto, at nakalulutas
ng suliranin para sa ikabubuti ng kanyang sulatin.

4. Nakapagsusuri at nakabubuo ng wastong


konsepto mula sa tinalakay na paksa ng mga
naisagawang pag-aaral.
Ang pamanahong papel ay output ng mga mag-aaral bilang pagtupad sa
pangangailangan ng kanilang kurso. Bilang isang kritikal at mapanuring mag-
aaral, kailangang makapagsagawa ng pagsusuri sa mga naisagawa nang pag-
aaral upang maging batayan ang mga ito sa pagbuo ng sariling konsepto na
magiging daan sa pagpapalawak ng pagsasanay at pagbuo ng sariling papel
pananaliksik.

5. Malinang ang kasanayan ng mga mag-aaral


para makasulat ng iba't ibang anyo ng
akademikong sulatin.
Inaasahang mapahuhusay pa ang kasanayan ng mag-aaral
upang makasusulat ng iba’t ibang sulatin sa larangan ng akademikong
pagsulat.

6. Matukoy na ang Akademikong Pagsulat ay


isang kurso na lumilinang sa pagiging inobatibo
ng mag-aaral sa pagkakaroon ng mataas na
pagkilala sa edukasyon.
Mahalagang katangian na dapat ding taglayin ng mag-aaral sa pagsulat ang
pagkakaroon ng mataas na pagkilala sa edukasyon bilang isang paraan
ng pagpapabuti sa kondisyon ng tao at lipunan. Sa ganito, lalabas at
malilinang ang pagiging inobatibo ng mag-aaral sa kanyang pagsulat tulad ng
pagiging malikhain para sa kanyang mambabasa.

7. Napahahalagahan at naiingatan ang mga


nagawang sulatin sa pamamagitan ng paggawa
ng portfolio.
Ang portfolio ay kalipunan ng mga sulating naisulat para sa pangangailangan
ng kursong Akademikong Pagsulat. Ang kalagayan, ayos, at dating nito ay
sumasalamin sa pagpapahalaga ng mag-aaral sa kanyang sarili. 

You might also like