A [Hopefully] Comprehensive Guide for Aspiring Tagalog Romance Novelists
by: Edith Joaquin
I. KILALANIN ANG IYONG MANUSCRIPT... BOW!
Sa website at maging sa pahina ng published na libro ng inyong paboritong MSV pocketbook ay nakasulat ang basics ng isang manuscript (o ang tinatawag na MS): a) ilang words - 22,000 to 24,000 words b) ilang pages/chapters - 128 pages, double spaced, about 10 chapters c) font - courier new, font size 11. kung wala, use times new roman, font size 12. d) margin - 1 inch on all sides. ‘wag niyo na itanong kung pati top and bottom. ALL sides nga, eh. e) saan at paano pwedeng ipadala - by e-mail (MS word document file, please, as attachment) or hard copy. Tignan ang main entry ng blog kung saan naka-link ang article na ito para sa addresses at sa contact numbers.
Kung ano'ng nakasulat diyan, 'yan na 'yun. Walang iba.
What if hindi nasunod ang format, 'ika niyo? Bakit naman hindi nasunod? Hindi niyo ba inintindi ang instructions and guide? But then, oh, well. Nandiyan na, ipasa mo na. Kasi hindi naman ibig sabihin bibitayin tayo kapag sablay sa format ang ipinasa natin. Iyon nga lang, isipin niyo. Kung ikaw ay editor, at nasa harap mo ang dalawang MS, isang naka-ayon sa format, malinis at madaling basahin, at isang hindi, alin ang iyong papansinin?
Kadalasan ang isang manuscript ay binubuo ng sampung chapters pero hindi ibig sabihin na kapag lumagpas kayo sa sampu ay matsu-tsugi ang chapter 11 onward. Malamang ay linisin ng editor mismo ang inyong manuscript o kung masyadong marami at tedious iyon na trabaho, ibabalik sa inyo ang MS para kayo mismo ang tsumugi. Pero kasi kung magiging strict kayo sa pagsunod sa recommended number of words and/or pages, hindi niyo mararanasan ever magtsugi ng work.
Kung tama ang bilang ng words ng isang manuscript niyo, pero hindi kayo sakto sa 10 chapters, 'wag mag-panic. Okay lang yan, aayusin 'yan ng editor, o kaya naman hahayaan nang ganun. E ganun talaga ang pag-divide mo ng mga eksena, bakit ba?
Finally, bilang huling paalala in this category, 'wag niyong masyadong dibdibin kung 'di niyo masunod to the letter ang buong guidelines. Wala sa format kung matatanggap o hindi ang sinulat niyo. Ang dapat ikataranta niyo ay kung papasa ang manuscript based on content and aesthetic merits.
II. MGA LIMITASYON NG ISANG MANUNULAT
1. Edad - Walang limit yan kesyo 6 years old ka o kaya'y 99. Ang tanong, kaya mo ba makabuo ng isang manuscript na papasa sa panlasa ng mga editor? Ano ang pumapasa sa editor? Basahin ang susunod item sa entry na ito (Effective Writing Tips).
2. Educational attainment - kung walang limit ang edad, malamang walang limit kung ano'ng natapos o hindi natapos. Wala naman sa pinag-aralan kung may kakayahang magsulat ng kwento, hindi ba?
3. Profession - See answers to number 1 and 2 above. So ano'ng sagot? Walang limit din. Pwera na lang kung ang uri ng trabaho mo ay iyong hindi ka na makahinga sa sobrang busy. Malamang kung busy ka sa totoong trabaho, hindi ka talaga makakasulat.
4. Nationality - Siguro alam niyo na ang sagot dito - Wala ulit. Pwera na lang siguro kung hindi marunong mag-Tagalog. Paano ka naman susulat ng Tagalog Romance kung 'di ka marunong ng lenguahe?
5. Lugar na pinanggalingan - naman... in this day and age of modern technology? siguro kahit nasa mars ka nakatira at mula doon mo ime-mail ang MS mo, go na go! Sabi nga sa main entry pwedeng email. So ano’ng ibig sabihin niyon? Tumpak! Kahit asan ka, walang kaso.
6. Kasarian - Altogether now... Wala po. Babae, lalaki, bading, tomboy, kung writer ka, writer ka. Although dahil sa kinasanayan, kadalasang pangalan (pen name) na ginagamit sa Romance ay pangalang pambabae. Kung kayo ay hihingan ng posibleng mga pen names, please try to come up with about 3. Pwedeng mamili ang editor diyan kung sakaling ang number one choice mo ay medyo... ahm... hindi uubra. hehehe...
So ano'ng suma total ng mga limitasyon ng isang writer? Ayun! Natuto din! Walang limitasyon 'yan. Except kung hindi ka talaga marunong magsulat, 'di ba? O kung masyado kang insecure at mas concern mo 'yung insecurities mo kaysa sa kagustuhan mong magsulat... blah blah blah...
III. ANO BANG TIPO NG MANUSCRIPT ANG NAPA-PUBLISH? EFFECTIVE TIPS SA PAGSUSULAT NG TAGALOG ROMANCE
1. Magbasa kayo. Wala kayong karapatang maging writer kung hindi kayo mahilig magbasa.
Unang-una, kailangan niyo maging pamilyar sa tamang atake / lenguahe na ginagamit para sa isang Tagalog romance na nobela. 'Wag nang mamili kung sino'ng author ang babasahin ninyo para hindi kayo malimitahan ng style at theme. Sa gano'n, malalaman niyo kung ano'ng tipo ng mga eksena ang nagwo-work at hindi nagwo-work - ibig sabihin, yung mga eksenang napa-publish at hindi natsu-tsugi. Kapag malawak ang binabasa niyo, hindi niyo na kakailanganin pang magtanong kung pwedeng gumamit ng eksenang may sex. O kung pwedeng mas bata ang hero kaysa sa heroine. O kung pwedeng ang setting ay hindi sa Pilipinas. O kung pwedeng teenager ang characters, o bakla o tomboy. Etc. Etc. Kung magkakataon na wala kayong nabasa na kakaiba, simple lang 'yan. Malamang hindi pwede at hindi pumasa ang hinahanap mong tipo ng eksena. Na-tsugi 'yan. Or pwede din naman na kokonti pa lang ang authors na pamilyar ka kaya 'yun at 'yun din ang eksena at temang nababasa mo.
Pero kung trip mo ipagpilitan ang gusto mo (dahil sa totoo lang, ikaw naman talaga ang masusunod sa mga pangyayari sa MS mo), ganito na lang ang isipin mo: Kaya mo ba panindigan ang balak mong eksena? Gaano ba ka-realistic ang eksenang iyan para gamitin mo? Tandaan mo, we are writing about true-to-life experiences here. Makaka-relate ba ang isang mambabasa sa isinulat mo? At finally, handa ka ba ma-reject lalo kung medyo outrageous ang idea mo para sa isang plot?
Isa pang kailangang tandaan...fiction man ang Tagalog romance, real life stories pa din ito na ating ikinukuwento. 'Wag na 'wag tayong mag-imbento ng facts. Pwede tayong may sariling rules pero sana may basis sa katotohanan. Ano'ng ibig ko sabihin?
We owe it to our readers to give them details that would be as accurate and as real as possible para may natututunan naman sila kahit paano na dagdag sa natututunan nila tungkol sa aspetong pag-ibig. Mag-research naman tayo nang mabuti tungkol sa mga sinusulat natin. Kung sumusulat tayo ng tungkol sa character na abogado, doktor, militar, piloto, model, aba, dapat alam natin more or less kung paano ang buhay nila bilang nasa propesyong iyon. Ganoon din kung ang plot ay involving scenes and situations that are outside of our usual day-to-day dealings. Pag-aralan natin nang mabuti kung paano gumagalaw ang mundong hindi natin gaano kilala. Paano gagawin iyon? May internet, pinaka-cheap na paraan ng pag-aaral 'yan. Tandaan, Google is your friend. Kung trip mo din naman, mangulit ng kakilala na nasa ganoong mundo o propesyon. 'Wag mag-atubiling dumayo o tumambay sa lugar at 'tikman' ang atmosphere doon.
Kung hindi mo kayang mag-research o kung bitin ang research mo? Eh, ang advise ko diyan, 'wag mo nang masyadong bigyan ng focus ang mga detalye tungkol sa trabaho o sitwasyong iyon. Mag-concentrate ka na lang sa paggawa ng generic na love story para sa mga bida mo.
Ang pagbabasa na ibig ko sabihin ay patungkol din sa mga diskusyones na paulit-ulit kong nababasa noon sa comments sa website ng Bookware, at ngayon sa FB page ng MSV. Kaya nga isinulat ko itong ‘guide’ na ito. Now, if you can only manage to google this doc before you start posting comments on our page asking for advise...
Again, I cannot emphasize it enough. Kung hindi ka marunong magbasa, hindi ka marunong o kaya’y wala kang tiyaga mag-research, wala kang karapatang maging writer.
2. Get to the point.
Nakaka-enjoy minsan magsulat ng maraming detalye. It shows kasi na marami kang alam sa larangan ng isinusulat mo. Tunog matalino, 'di ba? Pero isipin mo din muna. Ang detalyeng 'yan ba ay makakatulong sa pag-usad ng kwentong pag-ibig ng mga bida mo? O kaya ka gumagawa ng detalye ay dahil kailangan mo pahabain ang manuscript dahil kulang ka sa number of words? Well, kung OC ka lang, wala tayong magagawa diyan. Malamang gugustuhin mo talagang magsulat ng maraming detalye para hindi ma-mislead ang readers. Pero sana lang iwasan nating maging instructional booklet ang love story na ginagawa natin. Matatabunan ng mga 'di maintindihan at 'di masyadong kailangang mga salita ang kwento na siyang objective ng pagsusulat na ito, hindi ba?
3. Be interesting.
Personally, hindi ko ma-sure kung paano itinuturo ang pagiging interesante ng isang kwento o ng isang character, o kung naituturo ba ang aspetong ito at all. Siguro nagde-depende ito sa kung gaano ka-lawak ang imahinasyon, kung gaano ka-inspired, kung gaano ka-creative ang isang manunulat para mabigyang buhay niya ang kaniyang kwento. Paano nagiging inspired at creative? Aba, hindi din iyan itinuturo. Kailangan niyo iyan buhayin sa kalooban at isipan niyo. Sabi nga ni Papa Neil Gaiman (na peborit kong author ng Neverwhere, Stardust, American Gods, Anansi Boys at marami pa),
You get ideas from daydreaming. You get ideas from being bored. You get ideas all the time. The only difference between writers and other people is we notice when we're doing it.
So... writer ka ba?
Generally, kailangan mo itanim sa isip mo na dapat, sa paggawa ng kwento, bawat salita, bawat sentence, bawat dialogue at bawat chapter ay nakakatulong sa kwento mo na umusad para marating ang maluwalhating 'the end'. If your chapter or detail does not help, then you are in danger of finishing a very uninteresting story kahit pa swak 'yun sa tinatawag na formula ng pagsusulat ng Tagalog romance.
4. Be motivated. Conquer your fear and your limitations.
Eh, kasi po natatakot ako. Nahihiya po kasi ako.
Aysos, ang daming excuse. ‘Wag ka na lang kaya magsulat? Tama na ang mangarap.
Una, ang motivation ay galing sa sarili niyo, hindi sa iba. Soliciting encouragements from other people is not the answer to be brave. Masarap marinig ang sabihin ng iba sa iyo na, kaya mo yan, I believe in you. Eh ikaw nga mismo walang bilib sa sarili mo, bakit ako maniniwala sa iyo?
Pangalawa... Nahihiya ka? Bakit? Kahiya-hiya ba ang ginagawa mo? Kailangan mo itago ang pagiging manunulat? Ahh, feeling mo nakakahiya kapag na-reject ka. Hala, paano ka uunlad niyan? O ibig mo ba sabihin you’re too good to be rejected? Natutuwa ako sa self-confidence mo pero tandaan, iba ang confidence sa yabang. ‘Wag tayo sanang mayabang. :)
IV. NAKATAPOS KA NA NGA BA NG MANUSCRIPT?
Ayan! May MS ka na! Na-submit mo? Ano'ng paano? Hindi ka na naman nagbasa eh. Alam mo, ang mga taong may sakit na selective reading (o selective listening) ay napapagbintangang makulit o tanga. Game, balikan mo ang unang item sa entry na ito...
So, naipasa mo na? Ang susunod na step?
Maghintay ng pitong linggo (7 weeks) at saka mag-follow up kung pumasa o hindi. Ano'ng paano na naman? Susme, may isip ka naman siguro, malamang kahit hindi sabihin sa iyo, mage-gets mo kung paano: mag-email ka, tumawag, mag-text. Kung hindi sumagot, aba, ulitin mo lang. Baka busy yung pinagtanungan mo.
Kapag na-approve, congratulations! Welcome to the league of published writers! Kailan lalabas ang MS mo? Well, based on experience, nasa 6 to 8 months ang palugit mula sa araw na na-approve 'yan. Bakit ganoon ka-tagal? Kasi maraming writers ang may pending for publication. Naka-line-up na malamang ang mga natapos nila last year pa. Syempre, mauuna iyon kaysa sa MS mo. Pero kung kailangan mong malaman kung kailan eksakto mapa-publish? 'Wag sa kapwa writer magtanong. Malamang hindi nila 'yan alam. Magtanong sa editor or assistant editor. At 'wag mo na namang itanong kung saan o paano, kakagatin na kita.
Kapag hindi nakapasa ang MS mo, 'wag malungkot. It's not the end of the world. Ang solusyon lang diyan, gumawa ka ulit ng MS at ipasa mo pagkatapos. Pero bago iyon, makakatulong kung itatanong mo sa editor ulit kung ano'ng naging problema ng MS na na-reject. Ang dahilan ng pagkaka-reject ng inyong manuscript ay maaaring hindi lang sa iisang dahilan, it may be a combination of many factors or all of the possible reasons put together: gasgas ang plot, mababaw ang conflict, walang dramatic handle, hindi swak sa formula, hindi maganda ang pagkakakwento.... Kung hindi mo naintindihan ang sinabi ng editor, humingi ng karagdagang explanation. Hindi nakakahiyang gawin ito. This only means you are extremely interested in really making it as a writer.
Kailan makukuha ang bayad? Usually 2-3 weeks din mula sa approval. Paano kinukuha ang check at magkano? Ay, itanong natin ulit 'yan sa editor or assistant editor. May grade ang sweldo ng isang writer depende sa kung ilang MS na ang napa-approve niya mula nang siya ay magsimulang magsulat. O naka-depende din ang iba sa kung gaano ka-benta ang mga nailabas nang published work. Besides, ahm.. eh... medyo hindi ethical i-discuss publicly ang usapin ng sweldo.
Additional notes para sa isang aspiring writer na hindi ko mai-categorize sa mga points na na-raise na...
● Please please please learn to type whole words kasehodang nagpo-post kayo ng status sa FB o sa Twitter at naka-mobile lang kayo gamit ang isang qwerty phone. Tamang baybay, tamang bigkas. Always always always. Hindi nakakatulong na sanay kayong nagsho-shorten ng words na parang parati kayong nagte-text or worse, jejemon. Tigilan na natin ang pagpapa-cute na typing style dahil ang isang writer ay marunong gumamit ng keyboard nang totohanan. Nakakalokang basahin ang mga salitang misspelled on purpose dahil mukhang pa-cute ang magiging tunog niya kung bibigkasin, o iyong halo-halong upper and lowercase ang letters. Masakit sa ulo magbasa ng hindi normal ang spelling. ● Parang awa niyo na, siguro naman kaya niyong aminin sa sarili niyo kung magaling o hindi ba kayong mag-compose ng prose. Kung hindi gaano, pakibalikan niyo naman ang mga aralin niyo ng grammar and vocabulary, panitikan at balarila. It is such a nightmare to be reading works of ‘writers’ when simple word usage or subject-verb agreements are less than desirable. Again, paano natin ito magagawa? MAGBASA. MAGBASA. MAGBASA.
Sana nakatulong ang mahabang article na ito sa mga gustong sumali sa liga ng mga manunulat ng MSV. Good luck sa inyo. Sana makabasa kami ng published work ninyo soon.