You are on page 1of 3

Reaksyong Papel

Pangalan: Lyngel James A. Lape


Mga Paksa: Ang Pangangailangan sa Kabuluhan at Angkop na Sistema ng Pagtataya
Ang Pagtataya sa Pagtuturo
Ang Portfolio Assessment

Isang ideal na paraan sa pagtuturo ay ang paggamit nang angkop na sistema ng pagtatasa
sa natutuhan ng mga mag-aaral mula sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Ito ay isa sa mga salik
na kailangang isaalang-alang ng guro upang mapaganda at mapahusay pang lalo ang kanyang
pagtuturo bilang tagapagtaguyod at tagapagpadaloy. Sa pamamagitan din nito ay magkakaroon
ng masistemang pamamaraan ang guro sa pagbubuo ng interpretasyon at desisyon hinggil sa
kinakailangang tahakin upang matiyak ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa isang tiyak na
kompitensi.
Upang masiguro ang kaakmaan, kawastuhan at kaangkupan ng paraan sa pagtataya,
kinakailangang bumuo muna ng isang tiyak na layunin na naglalaman ng mga kasanayan na
siyang inaasahang matatamo pagkatapos ng sesyon sa pagtuturo. Batay sa mga layuning ito,
bubuo ang guro ng mga gawaing magpapaunlad sa kabatiran ng mga mag-aaral sa mga
kasanayang ninanais matamo. Sa proseso ng pagpadaloy sa karanasang ito, oobserbahan ng guro
ang pag-unlad ng bawat mag-aaral batay sa isang tiyak ng krayterya bilang isa sa mga hakbangin
sa pagtataya. Dito, magagampanan ng guro ang kanyang mahalagang papel bilang isang
tagamasid sa ugali, gawi at kabuuang performans ng bawat mag-aaral. Kadalasang nangyayari
ito sa proseso ng paggawa sa iba’t ibang gawain na tinatawag sa Ingles na Formative
Assessment. Kung ang pagtatayang pagkabuuan naman ang pag-uusapan, upang mapanatili ang
kaangkupan ng sistema sa pagtataya, kinakailangang istriktong nakaangkla ito sa mga layunin.
Ito ang sa pakiwari ko’y napakahalagang dapat linangin ng guro sa paghahanda ng mga gawain o
katanungan, ito man ay nasa uri ng pagtatayang tama o mali, maraming pagpipilian, sanaysay at
iba pa.
Malinaw na isinaad sa gabay pangkurikulum partikular sa antas sekondarya na tunguhin sa
pagtuturo ng Filipino ang malinang ang kakayahang pangwika at kakayahang komunikatib ng mga
mag-aaral. Dito, hindi lamang binibigyan ng guro ng basikong kaalaman ang mga mag-aaral sa
wikang Filipino para matutong gumamit nito sa paraang pasulat, bagkus ay nililinang rin ang
kanilang kakayahang gamitin ang wikang ito sa pakikipagtalastasan. Kaya sinasabing layuning
panlahat na linangin ang kasanayan at kaalaman sa paggamit ng Filipino sa pakikipagtalastasang
pasalita at pasulat na angkop sa sitwasyon, pangangailangan at pagkakataon. Sa pagtamo ng
layuning ito, mahalagang matutuhan ng guro ang angkop na sistema ng pagtataya upang maging
makatotohanan ang nasabing layunin.
Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na sa kasalukuyan, ang pagtuturo sa
pampublikong paaralan ay nakabatay na sa K-12 kurikulum. Bunsod ng pagbabagong naganap sa
ating kurikulum, naging simulain ang pagyakap sa bagong pamamaraan ng pagtataya. Mula sa
artikulo ni Perla J. Malig hinggil sa paksang ito, kanyang sinabi, “Sa kalakaran ng K-12
kurikulum ng edukasyon, ang pagtataya ay hindi lang pangsukat o paraan sa pagmamarka sa
halip ginagamit na rin ito bilang kagamitang panturo tungo sa pagkatuo.” Dagdag pa niya, “. .
.dapat ang mag-aaral ay aktibong kalahok sa pagtataya at magagamit nila ang resulta ng
pagtataya sa sariling pag-unlad.” Nangangahulugang sa kasalukuyan, ang pagtataya ay hindi
lamang ginagamit bilang batayan sa pagmamarka, bagkus ay instrumento rin upang mas matarok
ng mag-aaral ang leksiyon, mapahalagahan ito at maisabuhay. Wasto ang kaniyang sinabi na ang
patataya sa kasalukuyan ay hindi lamang ang guro ang sangkot kundi pati na rin ang mag-aaral.
Sa pamamagitan nito, matutukoy ng mag-aaral ang sariling pagkatuto; ano ang kanilang dapat
matamo; saan na sila sa napag-aralang aralin; at papaano mapunan ang kakulangan sa pagkatuto
at progreso.
May tatlong uri ng isang balanseng gawain sa pagtataya. Masasabi lamang na balanse
kung ang tatlong ito ay nagagamit. Una, ang pagtatayang tradisyunal na siyang pangunahin at
tanging ginagamit na paraan noong hindi pa gaanong kità ang pangangailangan nang kongkreto
at holistikong pananaw na may kinalaman sa pag-unlad ng mga mag-aaral sa lahat ng aspekto. Sa
pagtatayang ito, madalas na sinusuri ang mababang antas lamang ng kognitibong kasanayan na
kabalikataran sa ikalawa na tinatawag na pagtatayang pagsasagawa o pagtatayang batay sa
performans ng mag-aaral. Sa pagtatayang pagsasagawa, masasabi kong tunay na napakaepektibo
nitong gamitin sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto sapagkat dito pumapasok ang paraang
sangkot ang mga mag-aaral sa pagtataya. Mas nalilinang rin ang kasanayang sosyal ng mga mag-
aaral sapagkat natututo silang makihalubilo at makipag-ugnayan sa kanilang kamag-aral at higit
sa lahat, nabibigyan sila ng pagkakataong matuto ng mga kasanayang maaaring isagawa sa
totoong buhay. Sadyang napakagandang gamitin ng pagtatayang ito, pero dapat huwag ring
kalimutan ang kagandahang maaari ding iambag ng tradisyunal na pagtataya. Kaya nga ang
dalawang ito’y napabilang sa isang balanseng gawain sa pagtataya dahil ito’y kapwa gamít sa
proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Hindi naman maipagkakailang sa kasalukuyan ay ginagamit
pa rin ang papel at lapis na pagtataya lalong lalo na pagsukat sa kognitibong kasanayan ng mga
mag-aaral.
Mula sa pagtatayang tradisyunal tungo sa pagtatayang pagsasagawa, papasok ang
Portfolio Assessment. Dito kinakalap at kinokolekta ang mahahalagang dokumento ng mga mag-
aaral na naglalaman ng kanilang mahahalagang awtput. Layunin nitong idokumento ang
progreso ng kanilang pagkatuto. Sa aktuwal na pagtuturo, talagang gamit na gamit ang paraang
ito sapagkat mas napapadali ang gawain ng guro sa pagtukoy kung hanggang saan na ang
natutuhan ng bawat mag-aaral at napapadali rin ang komunikasyon sa pagitan ng mga guro at
mga magulang dahil kongkreto niyang maipapakita ang mismong awtput ng mag-aaral.
Bilang paglalagom sa mga ideyang nailahad sa itaas, tunay na napakalaki ng
ginagampanang papel ng pagtataya sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Ang tanging hamon
lamang sa mga guro bilang tugon sa pangangailangang tinuran ay mas linangin pa ang
kakayahan sa paggamit ng mga naturang pamamaraan upang maging mabisa pang lalo ang
pagtataguyod at pagpapadaloy sa pagtuturo.

You might also like