You are on page 1of 2

A. 1. Paano nagkakaiba ang pagtingin ng awtor sa wikang Filipino at wikang Ingles?

Para sa awtor, ang Ingles ay ang wika ng pagkatuto at lenggwahe ng mga ‘ilustrado’—mga taong
propesyonal, edukado at may antas ng kaisipang pang-akademiko. Marahil ito ay sa kadahilanang, Ingles
ang kanyang kinalakihan at nakasanayang wika, kaya naman ito na rin ang wikang kanyang malayang
ginagamit sa pang araw-araw na buhay maging sa pagsulat, pagbasa, at pag-iisip. Sa kabilang dako, ang
Filipino naman para sa kanya ay isang wika na tila paran gawaing-bahay, hindi natural at pinag-aaralan
hindi dahil kinakailangan ngunit dahil ito ay praktikal. Dagdag pa niya na ang Filipino ay esensyal lamang
sa pakikisalamuha sa lansangan dahil ito ang lenggwahe ng mga pangkaraniwan at mararalita—mga
tindera, drayber, manong, at katulong. Ang Ingles ay wikang akademiko na ginagamit sa pananaliksik,
silid aralan, o maging sa korte, samantalang ang Filipino ay wikang karaniwan lamang. Ayon kay Soriano,
datapwat malaki ang potensyal o kapasidad ng Filipino bilang maging wika ng edukasyon (language of
learning), hindi ito kalianma’y wika ng edukado (language of the learned). Gayunpaman, kahit banyaga
sa kanya ang sariling wika, kaniyang nabatid ang importansiya ng Filipino bilang isang natatanging wika
ng damdamin at simbolismo ng pagkakakilanlan.

2. Ano ang masasabi ninyo sa sumusunod na pahayag: “It (Filipino) might have the capacity to be the
language of learning, but it is not the language of the learned.”

Sang-ayon ako sa pahayag na ang Filipino ay mayroong kapasidad na maging lenggwahe ng


edukasyon (language of learning) sapagkat maging noong una pa man ay napakalaki na ng potensyal
nito bilang parte ng ating kurikulum. Mataandaan ang mga literatura gaya ng Florante at Laura, Banaag
at Sikat, Ibong Adarna, Biag ni Lam-ang, at ang pinakasikat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo na
siya namang kinapulutan ng aral ng maraming mag-aaral. Bukod pa dito, may iilang kurso o asignatura
(i.e., Ekonomiks, Araling Panlipununa Edukasyon sa Pagpapakatao at Filipino) ang gumagamit na ng
wikang Filipino bilang midyum ng instruksyon (medium of instruction). At maging ang mga modyul, pati
na rin ang mga kinakailangang akademikong papel sa mga asignaturang ito ay nakatala sa wikang
Filipino. Kaya naman, hindi imposible ang transisyon sa wikang Filipino sapagkat kung kinaya na ito sa
iilang mga kurso, ay anong pinagkaiba kung dagdagan pa natin ito at palaguin sa ibang kurso. Sa kabilang
banda naman, hindi ako sang-ayon sa pahayag ng awtor na ang Filipino ay hindi lenggwahe ng edukado
(language of the learned). Unang-una, napakarami ang kumukuha ng espesyalisasyon sa wikang Filipino;
nakapaloob dito ang literatura, pilosopiya, kasaysayan, stratehiya sa pagtuturo, alibata, at mga
pananaliksik. Sa haba ng panahon na kanilang ginugol upang mahasa sa mga larangang ito, ibig sabihin
ba nito ay hindi sila edukado? Ang Filipino ay walang pinipiling sektor ng tao sapagkat ito ang ating
pagkakakilanlan, hindi lamang ito para sa mga katulong, drayber, at tindera. At kahit sabihin na nating
hindi pa ganoong kahanda ang Filipino sa global na pakikitagis, hindi ito sapat na dahilan upang hamakin
ang sariling nating wika.

3. Darating kaya ang panahon na ang wikang Filipino ay magagamit ding “language of the classroom
and the laboratory, language of the boardroom, the court room, or the operating room”? Paano kaya
magkakaroon ng espasyo ang Filipino sa akademya at sa iba’t ibang propesyon o industriya?
Sa ating pagsabak sa globalisasyon, hindi makakaila na Ingles na ang nakasanayang lenggwahe,
lalong-lalo na sa akademikong larangan. Maliban sa iilang asignatura, purong Ingles na ibinabatid sa
lahat ng kurso, kaya naman hindi ganoong kadali ang paglipat o transisyon sa wikang Filipino. Bagama’t
tila abot langit, ako’y naniniwala na darating ang panahon na ang wikang Filipino ay magiging lenggwahe
ng iba’t-ibang pang-akademiko at propesyunal na tagpuan, sapagkat ang wika ay daynamiko at patuloy
itong umuunlad. Sa kabuuan, malaya nating magamit ang wikang taglay natin, ang pinakamahalaga ay
magamit, mapaunlad, at mapagyaman natin ito sa ating sariling pamamaraan. Bago sumabak ang
Filipino sa propesyunal na larangan, nararapat lamang na ito muna ay maging epektibo sa pangaraw-
araw na buhay. Ang paggamit ng purong Filipino sa kaswal na talakayan o usapan ang pinakamainam sa
pagnonormalisa ng paggamit ng wika ng natural at mula sa puso. Hindi kalauna’y masasanay at
mahahasa ang ating bokabularyo at mas mapa-iigting ang wikang Filipino bilang wikang akademiko.
Maari na simulan muna ang pagbukas ng oportunidad sa mga guro na gamitin ang wikang Filipino bilang
isang midyum ng instruksyon (medium of instruction). Hindi magtatagal ay mas yayabong ito bilang wika
sa silid-aralan, sa mga modyul, pagsusulit, pagsusulat, pakikipagtalastasan at pakikipanayam. At sa
pagdating ng panahong ang Filipino ay maaari nang gamitin sa edukasyon, ay susunod na rin ang
panahong ito ay maari nang magamit sa mga propesyonal na tagpuan, gaya ng boardroom, laboratoryo
o korte. Sa pamamagitan ng mga maliliit na hakbang na ito, hindi maglalaon ay mas mapa-iigting natin
ang wikang Filipino.

B. Gumawa ng maikling sintesis o repleksyon tungkol sa nilalaman ng artikulo. (5 PANGUNGUSAP


LAMANG)

Bilang isang taga-basa, hindi maiiwasang madismaya sa mga pahayag ni Soriano at maki-
simpatya sa kalagayan ng ating sariling wikang pambansa mula sa paningin ng iilan. Datapwa’t hindi ako
sang-ayon sa kanyang mga pahayag, ang artikulo ay repleksyon lamang ng mga totoong pangyayari sa
tunay na buhay. Napakarami ng Pilipino ang tila banyaga sa sariling wika at kung tutuusin ay sino ba ako
upang magsalita’t ako ay hamak na hipokrita din? Dahil Ingles ang pangunahing wikang ginagamit sa
silid-aralan, ako rin ay napilitang mag-isip, magbasa, at magsulat sa Ingles, at dito pumapasok ang
reyalisasyon na napakalaki ng epekto ng wikang akademiko bilang isang nakasanayang lenggwahe.
Tungo sa artikulong ito, nawa’y magsilbi ito bilang taga-mulat sa atin at maging takda na hindi pa huli
ang lahat upang lalong pagyamanin and wikang Filipino sa parehong kaswal o pangkaraniwan, at pormal
o akademikong aspekto.

You might also like