You are on page 1of 10

Filipino sa Piling Larangan (Sining at Disenyo)

1
Sining Biswal at Popular na Literatura: Komiks at Graphic Novel

Module 14 Sining Biswal at Popular na


Literatura: Komiks at Graphic Novel

Sa modyul na ito, tatalakayin ang kahulugan, elemento at bumubuo sa


komiks at graphic novel.
Matapos ang aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
1. Naihahambing ang pagkakatulad at pagkakaiba ng komiks at graphic
novel;
2. Natutukoy ang mga mahahalagang bahagi ng comic strip.
3. Natatalakay ang kasaysayan ng komiks at graphic novel sa Pilipinas.
4. Nakalilikha ng sariling comics strip.

Panimula
Ang komiks at graphic novel ay kapwa babasahing gumagamit ng ilustrasyon sa
pagsasalaysay kaya naman nabago nito ang paraan ng pagbabasa ng mga Pilipino (Garcia &
Geronimo, 2017). Ngunit sa kaso ng Pilipinas, unang nakilala sa ganitong paraan ng
pagkukuwento ang komiks. Tinaguriang pinakapopular na babasahing pangmasa sa
Pilipinas noon ang komiks lalo na nang unang bahagi hanggang bago matapos ang ika-20
siglo (National Commision for Culture and the Arts [NCCA], 1998). Ayon kay Soledad S.
Reyes (2009), kinilala bilang pangunahing kritiko ng komiks bilang panitikan, komiks ang
humuli sa imahinasyon ng mga Pilipino lalo na kung kulturang popular ang pag-uusapan;
dahil ang ilang mga popular na karakter sa pelikula at telebisyon gaya nina Panday, Darna,
Dyesebel, at iba pa ang ilan lamang sa iniluwal sa komiks.
Kaya lamang, sa paglipas ng panahon at sa dami na ng libangan ng mga Pilipino gaya ng
internet at smartphone kaunti na lamang ang tumatangkilik dito na naging dahilan ng
pagbaba ng produksyon ng komiks sa merkado. Batay nga sa panayam kay Pablo S. Gomez
noon pa mang 1998, isang batikang manunulat sa komiks, humina ang komiks sapul nang
tumuntong ang huling dekada ng ika-20 siglo patunay rito ang bilang ng komiks na ginagawa
niya na hanggang tatlo o apat na lamang hindi katulad nung kasagsagan ng popularidad nito
na halos labinlimang komiks ang sabay-sabay niyang isinusulat. At ang itinuturing niyang
dahilan sa kalagayang ito ay ang iba’t ibang nauusong libangan (NCCA, 1998), gaya ng
popularidad ng telebisyon lalo nang tumuntong ang dekada 1990 (Fondevilla, 2007).
Sa kasalukuyan, kung hindi man bilang supplemental na bahagi ng pahayagan at magasin
ang komiks, kadalasang nasa anyong-aklat na ito gaya ng mga graphic novel na mabibili sa
malalaking bookstore sa bansa; hindi katulad noon na mabibili ito sa mga bilihan ng
pahayagan. May mga komiks din na mababasa sa internet gaya ng mga likha ni Pol Medina Jr.
at Manix Abrera, ilan sa mga kilalang manunulat at ilustrador ng komiks sa kasalukuyan
(Santos & Pascual, 2016). Samantala, ang manga naman ng Japan ang isa sa mga popular na
Filipino sa Piling Larangan (Sining at Disenyo)
2
Sining Biswal at Popular na Literatura: Komiks at Graphic Novel

graphic novel sa kasalukuyan. Ngunit, ano nga ba ang komiks? Ano ang pagkakatulad at
pagkakaiba nito sa graphic novel? Saan ito nagmula? Bakit ito naging popular? Sino-sinong
mga sikat na karakter sa pelikula at telebisyon ang nagmula sa komiks? Paano ito nililikha?

Katangian ng Komiks at Graphic Novel


Halos mahirap pag-ibahin ang komiks at graphic novel dahil pareho itong nagsasalaysay sa
pamamagitan ng mga diyalogo, deskripsyon, at iginuhit na pangyayari na makikita sa mga
kuwadro. Sa kabila nito may tiyak pa rin itong pagkakaiba.
Kung banghay ang pag-uusapan, karaniwang mas mahaba, detalyado at kompleks ang
graphic novel kung ihahambing ito sa komiks (Kelly, 2014). Gaya ng isang nobela, karaniwan
itong may isang tuloy-tuloy na daloy ng pagsasalaysay na nahahati sa kabanata na nakatuon
sa isang paksa at dudulo sa wakas na kaiba sa komiks na karaniwang serye o episodal na
susubaybayan ng ilang linggo o buwan (Garcia & Geronimo, 2017).
Inililimbag din ang graphic novel bilang isang hiwalay na aklat na kaiba sa komiks na
karaniwang suplementaryo sa mga pahayagan at magasin na ipinakikita sa mga horizontal
strips o maaaring sa isang manipis na magasin na may mga bolyum (Turk, 2012).
Pansinin ang halimbawa mula sa “Kikomachine” ni Manix Abrera, isang halimbawang comics
strip sa Inquirer Comics:

<Pigura 1: Kikomachine ni Manix Abrera sa Inquirer (Marso 6, 2017), Larawan mula sa Inquirer Comics>
Filipino sa Piling Larangan (Sining at Disenyo)
3
Sining Biswal at Popular na Literatura: Komiks at Graphic Novel

Samantalang, halimbawa naman ng graphic novel ang likha ni Carlo Vergara noong
2002 na “Ang Kagila-gilalas na pakikipagsapalara ni Zsazsa Zaturnnah”.

<Pigura 2: Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni


Zsazsa Zaturnnah ni Carlo Vergara (2002), Larawan mula sa Goodreads.com>

Katulad nang nabanggit na, halos magkatulad ang katangian ng komiks at graphic novel
kung paraan ng presentasyon ang pag-uusapan. Narito ang mga bahagi at ilang
konseptong dapat tandaan kung babasa ng komiks at graphic novel
(http://www.getgraphic.org & http://www.readwritethink.org):

 Kuwadro o panel. Naglalaman ito ng mga pangyayari o tagpo na karaniwang


parihaba at/o parisukat na kung minsan ay tinatawag na frame.
 Gutter. Ito naman ang espasyo sa pagitan ng mga kuwadro o panel.
 Dialogue o speech balloons o external dialogue. Ito ang espasyo na pinaglalagyan
ng mga diyalogo ng karakter.
 Thought balloon o internal dialogue. Inilalagay naman dito ang iniisip ng karakter.
 Captions. Naglalaman naman ito ng impormasyon tungkol sa pangyayari o
karakter.
 Sound Effects o special effects lettering. Ito naman ang biswal na paglalarawan ng
mga tunog gaya ng: boom! pow!
Filipino sa Piling Larangan (Sining at Disenyo)
4
Sining Biswal at Popular na Literatura: Komiks at Graphic Novel

Pansinin ang halimbawang komiks:


speech
thought balloon
balloon

kuwadro
o panel

gutter <Pigura 3. Pugad Baboy. Larawan mula sa www.adobotech.blogspot.com>

sound
effects

<Pigura 4. Pugad Baboy>


caption

<Pigura 5. Pugad Baboy>


Filipino sa Piling Larangan (Sining at Disenyo)
5
Sining Biswal at Popular na Literatura: Komiks at Graphic Novel

Tandaan ding binabasa ang komiks mula kaliwa patungo sa kanan.

<Pigura 6. Direksyon ng Pagbasa. Larawan mula sa www.getgraphic.org>

Gayundin ang pagbasa sa mga dialogue balloons. Bukod dito, maaari ding basahin mula
sa itaas patungo sa ibaba.
2 4 6

3 5

<Pigura 7. Pugad Baboy, May 11, 2013; Larawan mula sa entertainment.inquirer.net>


Filipino sa Piling Larangan (Sining at Disenyo)
6
Sining Biswal at Popular na Literatura: Komiks at Graphic Novel

Sulyap sa Grapikong Pagsasalaysay


Impluwensiya ng Amerikanisasyon ang komiks sa Pilipinas (NCCA, 1998). Taong 1929
nang ilimbag sa Liwayway, isang popular noon na lingguhang magasin na nasa Tagalog,
ang kauna-unahang comic strip sa bansa, ang popular na karakter na si “Kenkoy”.
Nagmula si “Kenkoy” sa malikot na imahinasyon ni Tony Velasquez at Romualdo Ramos
(Fondevilla, 2007; Reyes, 2009). Naging popular ang komiks ni “Kenkoy”, kaya tatlong
linggo matapos unang inilabas ang isang strip nito naging may kulay na ito at nasa
kalahating pahina (Fondevilla, 2007). Maraming publikasyon ang nagsisunod sa yapak
na ito ng Liwayway, kaya naman tinaguriang “Ginintuang Panahon ng Ilustrasyon” ang
dekada ’30 dahil sa buhay na industriya na ito ng komiks. (Garcia & Geronimo, 2017).

<Pigura 8. Kenkoy; Larawan mula https://nobelangkomiks.com/2015/12/07/kenkoy-1947/>

Matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, nabago ang publikasyon ng komiks dahil
sa pagpapakilala ng comic book format nito na nakuha naman sa mga comic book na
galing ng Amerika na karaniwang libangan ng mga Amerikanong sundalo noon. Sa
ganitong pagkakataon, lumabas ang Halakhak Komiks na kauna-unahang comic book
na isang hiwalay na magasin na de-serye; kaya lamang 10 serye lamang ang nailabas
nito (Alanguilan, 2010). Itinayo naman nina Ramon Roces at Tony Velasquez ang Ace
Publications para maglathala ng komiks gaya ng Pilipino Komiks (1947), Tagalog
Klasiks (1949), Hiwaga Komiks (1950), Espesyal Komiks (1952), at Kenkoy Komiks
(1952). Nagbigay-daan ang mga komiks na ito para makilala ang maraming manunulat
at ilustrador gaya nina Larry Alcala, Francisco Coching, Mars Ravelo, Clodualdo del
Mundo, Pablo S. Gomez, Nestor Redondo, Virgilio Redondo, at marami pang iba (Garcia
& Geronimo, 2017). Bukod sa mga nabanggit, marami pang sumunod na publikasyon.
Naging malakas ang komiks dahil isa ito sa itinuturing na pinakamurang libangan
kumpara sa iba pang libangan gaya ng radyo, telebisyon, at sine na karaniwang ang mga
taga-lungsod lamang ang may access (Alanguilan, 2010). Dahil dito naging popular ito
Filipino sa Piling Larangan (Sining at Disenyo)
7
Sining Biswal at Popular na Literatura: Komiks at Graphic Novel

sa masa. Kaya lamang, ayon sa NCCA (1998) naging simbolo ang komiks ng estado ng
pamumuhay ng mga Pilipino. Sa kabila nito, patuloy ang pamamayagpag ng industriya
ng komiks.
Dekada ’70 naman nang lumabas ang mga supernovel na karaniwang may tema ng
pantasya, romansa, drama, at komedya (Garcia & Geronimo, 2017). Ito ang itinuturing
na dahilan kung bakit nagkaroon ng ibang pagbasa at pagtanggap sa nobela. Ayon nga
kay Rolando Tolentino (1998), kritiko sa kultura at panitikang popular, naging
mas mabisa ang pagsasalaysay dahil sa biswal na dimensiyon nito. Dagdag pa niya,
“nagiging graphic ang aksyon at tunggalian” kaya naman “mas lalong tumaas ang
imahinasyon sa resepsyon ng nobela”.
Dahil sa popularidad na ito ng komiks at graphic novel, nagkaroon ito ng espasyo
sa pelikula at telebisyon. Napasikat lalo ang mga karakter na kilala na rin ng
kasalukuyang henerasyon.

Kinikilala rin si Kenkoy noong panahong bago ang


ikalawang digmaang pandaigig bilang simbolo ng
nauusong damit, ayos ng buhok o posturang lalaki (NCCA,
1998).

Pagtangkilik sa Komiks
Nakaugat na sa kultura at panitikang Pilipino ang komiks at graphic novel. Ngunit, bakit
nga ba ito tinangkilik? Ayon kay Efren Abueg (Garcia & Geronimo, 2017), isang batikang
manunulat, tinangkilik ng Pilipino ang komiks noon dahil sa ilang kadahilanan:
1. Kalagayang ekonomikal. Mas mura at magaan sa bulsa noon ang pagbili ng komiks
kaysa sa panonood ng sine at pagkakaroon ng telebisyon.
2. Paggamit ng Pambansang Wika. Madaling maunawaan ang wikang ginamit kaya
nauuuwaan ng masa.
3. Praktikalidad. Ilang mga praktikalidad na payo ang makukuha dahil hango ang ilang
karakter ng komiks sa mga totoong tao at totoong pangyayari sa buhay.
4. Oryentasyong Pilipino. Kakikitaan ang komiks ng oryentasyong makapamilya.
Bukod dito, kakikitaan din ito ng pagkakahawig sa tunay na buhay ng
pangkaraniwang Pilipino lalo na ang mga katangian ng pagiging masayahin sa
kabila ng mga problema na sumasalamin sa reyalidad sa lipunang Pilipino.
5. Paksa. May malapantasyang katangian at karakter na bayani na nagpapakita sa
malakas at positibong katangian ng mga Pilipino gayundin ng pagtatagumpay ng
mabuti sa masama.
Filipino sa Piling Larangan (Sining at Disenyo)
8
Sining Biswal at Popular na Literatura: Komiks at Graphic Novel

May layunin lamang magpatawa ang komiks noon. Kalaunan, ito


na’y nanunukso, nangungutya hanggang tagapuna na sa
nangyayari sa lipunan (NCCA, 1998).
Samantalang karaniwang namang drama/melodrama at pantasya
ang genre ng mga graphic novel (Valiente, 2007).

Hindi nalalayo ang paglikha ng komiks sa pagsulat ng kuwento,


kaibahan lamang ang pagsasakuwadro ng mga pangyayari. Paano
nga ba bumubuo ng komiks? Narito ang suhestiyong hakbang nina
Fanny A. Garcia, isang manunulat at kuwentista, at Jonathan
Geronimo, guro sa UST (2017); sa mga nagbabalak lumikha ng
komiks:
1. Pag-iisip ng paksa at genre
Mahalagang mapag-isipan ang kaangkupan ng paksa sa
napiling genre gaya ng katatakutan, pantasya, komedya,
drama o aksyon nang maging mabisa ang pagsasalaysay.
2. Paglikha ng karakter
Bumuo ng karakter at pagtuunang pansin ang
karakterisasyon ng mga ito katulad ng katangiang pisikal,
emosyonal, at sosyal na makakatulong nang malaki upang
maging malinaw at mabisa ang diyalogo, pagkilos, at
paraan ng pag-iisip ng mga karakter.
3. Pagpaplano ng suliranin at solusyon
Siguraduhing makaiisip ng madaling malutas na suliranin
na aangkop sa bilang ng kuwadro o panel.
4. Paglalatag ng daloy ng pangyayari sa mga kuwadro o panel
Upang maging mabisa ang pagsasalaysay, iguhit ang tiyak
na senaryo sa bawat kuwadro o panel.
5. Paglikha ng diyalogo at pagguhit sa mga karakter
Tiyaking angkop ang karakerisasyon nang iginuhit na
tauhan batay sa ipinahahayag na diyalogo na nasa speech
bubble.
6. Pagsulat ng malikhaing pamagat
Bumuo ng pamagat na makapupukaw ng atensyon ng
mambabasa.
Filipino sa Piling Larangan (Sining at Disenyo)
9
Sining Biswal at Popular na Literatura: Komiks at Graphic Novel

Gumamit rin si Rizal ng komiks sa kaniyang pagsasalaysay. Isa na rito ang


muling pagsasalaysay niya ng “Matsing at Pagong”. Ayon kay Villegas, ang
“Matsing at Pagong” ang kauna-unahang komiks na nilikha ng Pilipino, kaya
naman itinuturing ni Prop. Ambeth Ocampo, nangungunang iskolar na
nagsasaliksik tungkol kay Rizal, si Rizal bilang “Ama ng Komiks sa Pilipinas”.
Batay pa sa saliksik ni Villegas, hindi gumamit ng speech balloons si Rizal
kung hindi isinulat lamang niya ang mga diyalogo ng karakter sa ibabang bahagi
ng panel. Tingnan ang halimbawa:

<Pigura 9. Matsing at Pagong. Larawan ni Dennis Villegas.


http://myrizal150.com/2011/06/jose-rizal-komikero/

Samantalang sa comic strip niyang “Mangkukulam”, sinimulan ni Rizal


na ilapit ang diyalogo ng mga karakter sa bibig ng mga ito. Dagdag pa ni
Villegas, hindi nailimbag ang comic strip na ito ni Rizal noong siya ay
nabubuhay. 1961 lamang ito nailimbag sa pangunguna ng Jose Rizal Centennial
Commission.

<Pigura 10. Mangkukulam. Larawan ni Dennis Villegas.


http://myrizal150.com/2011/06/jose-rizal-komikero/
Filipino sa Piling Larangan (Sining at Disenyo)
10
Sining Biswal at Popular na Literatura: Komiks at Graphic Novel

Sanggunian at Karagdagang Kagamitan


Aklat at Dyornal
Flores, E. M. Comics Crash: Filipino komiks and the quest for cultural legitimacy. Comic
Crash.
Fondevilla, H.L. (2007). Contemplating the identity of Manga in the Philippines. Nakuha sa:
https://www.researchgate.net/publication/258926534

Reyes, S. S. (2009). The komiks and retelling the lore of the folk. Philippine Studies, 57, 3,
389-417. Ateneo de Manila University.

Karagdagang Babasahin sa Internet

Alanguilan, G. (2010). The state of comics preservation in the Philippines. The Comics
Journal. Nakuha sa: http://classic.tcj.com/international/the-state-of-comics-preservation-in-
the-philippines/

Kelly, D. (January 7, 2014). Difference between comic books and graphic novels. Nakuha sa:
http://knowledgenuts.com/2014/01/07/difference-between-comic-books-and-graphic-
novels/

Turk, Savanna. (2012). Graphic Novels vs. Comic Books: What’s the difference?
http://dailyutahchronicle.com/2012/09/19/graphic-novels-vs-comic-books-whats-the-
difference/

Valiente, R.P. (2007). Komiks bilang salamin ng buhay. Nakuha sa: http://usapang-
komiks.blogspot.com/2007/12/komiks-bilang-salamin-ng-buhay.html

Villegas, D. (2011). http://myrizal150.com/2011/06/jose-rizal-komikero/

http://www.getgraphic.org/resources/HowtoReadaGraphicNovel.pdf
http://www.readwritethink.org/files/resources/lesson_images/lesson1102/terms.pdf
http://phs.princetonk12.org/teachers/bhoffman/HowToReadTerms.pdf

Larawan
http://entertainment.inquirer.net/93099/pugad-baboy-may-11-2013
http://adobotech.blogspot.com/2012/10/pugad-baboy-comic-strip-ambrosia.html
https://nobelangkomiks.com/2015/12/07/kenkoy-1947/
http://www.goodreads.com/book/show/1431179.Ang_Kagila_gilalas_na_Pakikipagsapalaran_ni
_Zsazsa_Zaturnnah

Bidyo
National Commission for Culture and the Arts. (1998). Tipong Pinoy: Komiks (Video)

You might also like