You are on page 1of 5

Skip to content

Sandosenang Sapatos
June 12, 2014

ni Luis P. Gatmaitan, M.D.


Sapatero si Tatay. Kilalang-kilala ang mga likha niyang sapatos dito sa aming bayan. Marami
ang pumupunta sa amin para magpasadya. Ayon sa mga sabi-sabi, tatalunin pa raw ng mga
sapatos ni Tatay ang mga sapatos na gawang-Marikina. Matibay, pulido, at malikhain ang mga
disenyo ng kanyang mga sapatos.

“Paano mo ba naiisip ang ganyang istilo? Kay ganda!”

“Siguro, dinadalaw ka ng musa ng mga sapatos at suwelas.”

“Parang may madyik ang iyong kamay!”

Sa lahat ng papuri, matipid na ngingiti lamang si Tatay. Tahimik na tao si Tatay. Bihirang
magsalita.

Lumaki akong kapiling ang mga sapatos na gawa ni Tatay. Madalas ay kinaiinggitan ako ng mga
kalaro at kaklase ko. Buti raw at sapatero ang Tatay ko. Lagi tuloy bago ang sapatos ko kapag
pasukan, kapag pasko, kapag bertdey ko, o kung nakatanggap ako ng honors sa klase.
Ginagawan pa niya ako ng ekstrang sapatos kapag may mga tira-tirang balat at tela.
“Buti ka pa Karina, laging bago ang sapatos mo. Ako, lagi na lang pamana ng ate ko. Sa ‘kin
napupunta lahat ng pinagkaliitan n’ya,” himutok ng isang kaklase.
Nasa Grade II na ako nang muling magbuntis si Nanay. Kay tagal naming hinintay na
magkaroon ako ng kapatid. Sabi ng Lola ko, sinagot na raw ang matagal nilang dasal na
masundan ako.

“Naku, magkakaroon na pala ako ng kahati sa mga sapatos! Pero di bale, dalawa na kaming
igagawa ni Tatay ng sapatos ngayon.”

Habang nasa tiyan pa si baby, narinig kong nag-uusap sina Tatay at Nanay.

“Nagpa-check up ako kanina. Sabi ng doktora, babae raw ang magiging anak natin!”

“Talaga! Kung babae nga, pag-aralin natin ng ballet . Gusto kong magkaanak ngballet dancer !
Ngayon pa lang ay pag-aaralan ko nang gumawa ng mga sapatos na pang- ballet .”
Pero hindi lahat ng pangarap ni Tatay ay natupad. Nagulat kaming lahat nang makita ang bago
kong kapatid. Wala itong paa. Ipinanganak na putol ang dalawang paa!

Nakarinig kami ng kung ano-anong tsismis dahil sa kapansanan ng kapatid ko. Siguro raw ay
binalak na ipalaglag ni Nanay ang kapatid ko kaya kulang-kulang ang parte ng katawan. Nilusaw
raw ng mga mapinsalang gamot ang kanyang mga paa. Isinumpa raw ng mga diwata ng sapatos
si Tatay dahil mahal na itong sumingil sa mga pasadyang sapatos. O baka raw ipinaglihi si Susie
sa manika.

“Nanay, bakit po ba walang paa si Susie?”

“Nagkaroon kasi ako ng impeksyon anak. Nahawa ako ng German measleshabang


ipinagbubuntis ko pa lang ang kapatid mo. At.iyon ang naging epekto,” malungkot na kuwento
ni Nanay.
Hindi na magiging ballet dancer ang kapatid ko. Malulungkot si Tatay. Araw-araw, ganu’n ang
naiisip ko kapag nakikita ko ang mga paa ni Susie. Kaya pinilit ko si Nanay na muling pag-aralin
ako sa isang ballet school (dati kasi, ayaw kong mag-ballet). Pero.
“Misis, bakit hindi n’yo po subukang i-enrol si Karina sa piano, o sa painting, o sa banduria
class? Hindi yata talagang para sa kanya ang pagsasayaw,” sabi ng titser ko sa Nanay ko.

Nalungkot ako. Hindi para sa aking sarili, kundi para kina Tatay at Susie, at sa mga pangarap na
masyadong mailap.

Saksi ako kung paanong minahal siya nina Tatay at Nanay. Walang puwedeng manloko kay
Bunso. Minsan, habang kami ay nagpipiknik sa parke, may isang mama na nakakita kay Susie.

“Tingnan n’yo o, puwedeng pang-karnabal ‘yung bata!” turo nito kay Susie.

Biglang namula si Tatay sa narinig. Tumikom ang mga kamao. Noon ko lang nakitang
nagsalubong ang mga kilay ni Tatay. Muntik na niyang suntukin ito. “Ano’ng problema mo,
ha?”

Mabuti’t napigilan siya ni Nanay.


Isang gabi, habang nakahiga kami sa kama , narinig kong kinakausap ni Tatay si Susie.

“Anak, hindi baleng kulang ang mga paa mo. Mas mahalaga sa amin ng Nanay mo na lumaki
kang mabuting tao.at buo ang tiwala sa sarili.” Masuyo niya itong hinalikan.

Hindi tumigil si Tatay sa paglikha ng sapatos para sa akin. Pero napansin ko, kapag sinusukatan
niya ang paa ko, napapabuntung-hininga siya. Pagkatapos ay titingin sa kuna.

“Sayang, Bunso, di mo mararanasang isuot ang magagarang sapatos na gawa ni Tatay.” bulong
ko sa kanya.

Lumaki kami ni Susie na malapit ang loob sa isa’t isa. Hindi naging hadlang ang kawalan niya
ng paa para makapaglaro kami. Marami namang laro na di nangangailangan ng paa. Lagi nga
niya akong tinatalo sa sungka, jackstone ,scrabble, at pitik-bulag. Ako ang tagapagtanggol niya
kapag may nanghaharot sa kanya. Ako ang tagatulak ng wheelchair niya. Ako ang ate na alalay!
Noon ko natuklasan na marami kaming pagkakatulad. Parehong magaling ang aming kamay
kaysa aming mga paa. Ako, sa pagpipinta. Siya, sa pagsusulat ng mga kuwento. At oo nga pala,
si Tatay, kamay rin ang magaling sa kanya!

Minsan, ginising ako ni Susie. Sabi niya, nanaginip siya ng isang pambihirang sapatos.
Napakaganda raw nito sa kanyang mga paa.

“May paa siya sa panaginip?” gulat na tanong ko sa sarili.

“Maniwala ka, Ate, kay ganda ng sapatos sa panaginip ko. Kulay dilaw na tsarol na may
dekorasyong sunflower sa harap!”

Magbebertdey siya noon . At napansin ko, tuwing nalalapit na ang kanyang kaarawan,
nananaginip siya ng mga sapatos.

“Ate, nanaginip na naman ako ng sapatos. Kulay pula ito na velvet at may malakingbuckle sa
tagiliran.”
Binanggit din niya sa akin ang sapatos na kulay asul na bukas ang dulo at litaw ang mga daliri
niya. Ang sapatos na puti na may kaunting takong at may ribbon na pula. Ang sapatos na yari sa
maong na may burdang buwan at mga bituin. Ang sandalyas na parang lambat. Ang kulay lilang
sapatos na may nakadikit na bilog na kristal sa harap.

Manghang-mangha ako sa kung paanong natatandaan niya maski ang pinakamaliliit na detalye
ng mga sapatos – ang disenyong bulaklak, ribbon, butones, sequins ,beads , o buckle . Inaangkin
niya ang mga sapatos na ‘yon.
“Ate, paglaki ko, susulat ako ng mga kuwento tungkol sa mga sapatos na napapanaginipan ko.
Ikaw ang magdodrowing, ha?”

 
Paglipas pa ng ilang taon, namahinga na si Tatay sa paglikha ng mga sapatos. Gumagawa na
lamang siya ng sapatos para sa mga suking di matanggihan. Noong nagdaos siya ng kaarawan,
niregaluhan ko siya ng isa kong painting na may nakapintang isang pares ng maugat na kamay
na lumilikha ng sapatos. Binigyan naman siya ni Susie ng isang music box na may sumasayaw
na ballet dancer .
“Pinasaya n’yo ang Tatay n’yo,” sabi ni Nanay.

Pagkatapos noon , naging masasakitin na siya. Labindalawang taon si Susie nang pumanaw si
Tatay.

Isang araw, hindi sinasadya’y napagawi ako sa bodega. Naghahalungkat ako ng mga lumang
sapatos na puwedeng ipamigay sa mga bata sa bahay-ampunan Sa paghahalughog, nabuksan ko
ang isang kahong mukhang matagal nang hindi nagagalaw. Naglalaman ito ng maliliit na kahon.
Mga kahon ng sapatos na maingat na nakasalansan!

” Para kanino ang mga sapatos? May umorder ba na hindi nai-deliver?” tanong ko sa sarili.

Pero nang masdan ko ang mga pares ng sapatos na ‘yon, nagulat ako. Taglay ng mga sapatos ang
pinakamahuhusay na disenyo ni Tatay. Iba-iba ang sukat nito. May sapatos na pang-baby. May
sapatos na pambinyag. May pang- first communion . May pangpasyal. May pamasok sa
eskuwelahan. May pangsimba. May sapatos na pang-dalagita.
Lalo akong nagulat nang mabasa ang kanyang dedication sa nakasabit na papel:
Para sa pinakamamahal kong si Susie,
Alay sa kanyang unang kaarawan
Inisa-isa ko ang mga kahon. Lahat ng sapatos na nandoon ay para kay Susie. Diyata’t iginagawa
ni Tatay si Susie ng mga sapatos?

Para kay Susie, lugod ng aking buhay


Sa pagsapit niya ng ikapitong kaarawan
Taon-taon, hindi pumalya si Tatay sa paglikha ng sapatos sa tuwing magdaraos ng kaarawan si
Susie! Sandosenang sapatos lahat-lahat.

Handog sa mahal kong bunso


Sa kanyang ika-12 kaarawan
Napaiyak ako nang makita ang mga sapatos. Hindi ko akalaing ganu’n pala kalalim magmahal si
Tatay. Binitbit ko ang sandosenang sapatos at ipinakita ko kina Nanay at Susie.

“H-Hindi ko alam na may ginawa siyang sapatos para sa ‘yo, Susie.” Namuo ang luha sa mga
mata ni Nanay. “Inilihim niya sa akin ang mga sapatos.”

“A-Ate, ito ang mga sapatos na napanaginipan ko.” Hindi makapaniwalang sabi ni Susie habang
isa-isang hinahaplos ang mga sapatos.

“Ha?”

Noon ko lang naalala ang mga sapatos na ikinukuwento ni Susie.


Dilaw na tsarol na may dekorasyong sunflower sa harap. Kulay pulang velvet  na may
malaking buckle sa tagiliran. Asul na sapatos na bukas ang dulo at litaw ang mga daliri. Kulay
puti na may kaunting takong at may ribbon na pula. Sapatos na yari sa maong na may burdang
buwan at mga bituin. Sandalyas na parang lambat. Kulay lilang sapatos na may nakadikit na
bilog na kristal sa harap.
Naisip ko, tinawid kaya ng pag-ibig ni Tatay ang mga panaginip ni Susie para maipasuot sa
kanya ang mga sapatos?

Hindi ko tiyak.

Ang tiyak ko lang, hindi perpekto ang buhay na ito. Gaya ng hindi perpekto ang pagkakalikha sa
kapatid ko. Pero may mga perpektong sandali. Gaya ng mga sandaling nilikha ni Tatay ang
pinakamagagarang sapatos para kay Susie.

Institute of Creative Writing, University of the Philippines Diliman, Quezon City, Philippines
panitikan.ph
2021 Panitikan. All rights reserved.

You might also like