You are on page 1of 7

Ang Pinagmulan Ng Tatlumput Dalawang

Kuwento Ng Trono
Noong unang panahon, sa isang lugar na tinatawag na Bharat na ngayo’y
kilala bilang bansang India, may isang binata ang naninirahan kasama ang
kanyang ina. Sila’y kasama sa mataas na uring panlipunang tinatawag na
Brahman subalit sila naman ay napakadukha. Tanging maliit na dampa lamang
at kapirasong lupang tinatamnan nila ng gulay ang kanilang pag-aari. Dahil sa
kalagayan ay wala nang pag-asa ang binatang Brahman na makapag-asawa
dahil wala silang salapi o ari-ariang maiaalay sa pamilya ng mapapangasawa.
“Dapat siguro’y manghiram o mangutang ka muna sa ating mga kamag-anak
at kaibigan.” Ang payo ng ina sa kanyang anak. “Noong kumikita ka’y
napakarami mo rin namang taong natulungan,”ang dugtong pa niya.

Nahihiya man ay nakumbinsi naman ng ina ang binatang Brahman na


humingi ng tulong sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Gustong-gusto
niyang makapag-asawa upang may makasama sila ng kanyang matandang ina
sa kanilang munting dampa.

Pagkalipas nga lang ng ilang lingo ay halos mapuno ang dalawang banga
ng ginto at salaping iniambag ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak. At
dahil dito, sa wakas ay nakapagpakasal ang binatang Brahman. Siya ngayon ay
may isang maganda at mapagmahal na asawang nagngangalang Mela. Ang
kanyang ina man ay masayang-masaya dahil may malakas at masipag na
manugang siyang makatutulong sa mga gawaing mahirap na para sa isang
matandang tulad niya tulad ng pagkuha ng panggatong sa gubat at pagluluto
ng pagkain sa pamilya.

Sa tuwing umaalis ang kanyang manugang para mangahoy ay laging


nagpapaalala sa kanya ang matandang babae. “Mag-iingat ka sa mga espiritu,
anak. Itali mong mabuti ang iyong buhok dahil iyan ang hahatakin ng espiritu
upang makuha ka,” ang lagi niyang paalala.

“Huwag po kayong mag-alala, Inang. Lagi ko pong itinatali ang aking


buhok,” sagot naman ni Mela sa kanyang biyenan. Maingat nga niyang itinali
ang kanyang buhok sapagkat alam niyang sa dinadaanan niyang mga puno ay
may nakatirang Shakchunni, isang espiritu ng maybahay na walang hangad
kundi ang magpanggap bilang asawa. Ito ang nais ng mga espiritu, ang muling
maging bahagi ng pamilya at magpanggap bilang tao. Subalit hindi nila
maiisahan si Mela dahil hindi lang siya maganda, maayos din siya sa katawan
at higit sa lahat ay matalino.

Ang akala niya’y masisiyahan ang kanyang asawa sa kung anong


mayroon sila subalit nagkamali siya. Ngayong ubos na ang salapi at ginto sa
kanilang banga ay gusto uli ng lalaking umalis at makipagsapalaran upang
magkaroon pa ng mas maraming kayamanan. “Asawa ko, bakit kailangan mo
pang umalis? Masaya ako kahit mahirap ang ating buhay basta’t magkakasama
tayo,” ang lumuluhang pakiusap ni Mela sa asawa.

“Kailangang kong umalis, Mela. Tingnan mo nga ang buhay natin,


napakahirap. Gusto kong magkaroon ng malaking bahay at maraming salapi,”
ang sabi ng lalaki. Hindi na nga napigil ni Mela ang kanyang asawang dali-daling
umalis para magtrabaho sa lungsod. Ang hindi alam ng mag-asawa ay isang
espiritu pala ang nakikinig sa kanila sa punong pipal na nasa tabi ng kanilang
bahay. Naulinigan niya ang usapan ng dalawa. Napangiti ang espiritu. “Sa
wakas, magkakaroon na rin ako ng pamilya,” ang nakangising sabi nito sa sarli.
“Sige, iwan mo na ang asawa at ina mo para sa akin na sila.”

Malungkot na malungkot si Mela at ang kanynag biyenan sa pag-alis ng


Brahman. Magkatabi silang lumuluha nang biglang may kumatok. Halos
mapalundag sa tuwa ang dalawang babae nang makita nilang bumalik agad
ang Brahman. “Hindi na ako tumuloy. Hindi ko pala kayo kayang iwan,” ang
masayang sabi nito sabay yakap sa dalawang babaeng naiiyak sa tuwa dahil
sa pagbabalik ng inaakala nilang Brahman na walang iba kundi ang espiritu pala
sa punong pipal. Wala naman silang napansing kakatwa sa lalaking bumalik sa
kanilang buhay kaya’t ang buong akala nila ay ang Brahman nga ito. Kasama
nilang namuhay ang impostor sa loob ng isang taon.

Samantala, ang tunay na Brahman ay nagtatrabaho sa lungsod. Naging


labis siyang abala sa kanyang mga gawain at sa layuning makapag-ipon ng
pera tulad ng ipinangako niya sa kanyang ina at asawa kaya’t hindi siya
makadalaw o makasulat man lang. Subalit pagkaraan ng isang taon ay hindi
na niya matiis ang pananabik na makita ang ina at asawa kaya’t nagpasiya
siyang bumalik sa nayon. Nagmamadali siyang bumalik sa dampa, puno ng
pananabik. “Tiyak na magiging napakasaya ni Inang at ni Mela kapag nakita
nila akong muli at ipakikita ko sa kanila ang aking mga pasalubong. “
Masayang-masaya ang Brahman nang pumasok siya sa pinto ng dampa.
Nabigla siya nang datnang kumakain ng tanghalian ang kanyang ina at asawa
kasama ang lalaking kamukhang-kamukha niya. Biglang tumayo ang lalaki at
itinulak ang totoong Brahman palabas ng pinto. “Umalis ka rito! Ina, Mela huwag
ninyong papasukin ang lalaking iyan. Siya’y isang espiritung nagpapanggap na
ako,” ang sabi nito habang itinutulak nito palayo ang bagong dating.

Litong-lito ang ina at si Mela sapagkat magkamukhang-magkamukha ang


dalawang Brahman. “Ina, Mela, ako ito. Ako ang iyong anak, Ina! Mela, ako ang
iyong asawa. Huwag kayong maniwala sa espiritung iyan!” ang sigaw ng tunay
na Brahman subalit nakasara na ang kanilang pinto. Anomang pakiusap niya ay
hindi siya pinagbubuksan ng ina at asawa.

Hindi malaman ng totoong Brahman kung ano ang gagawin. “Ito ba ang
naging bunga ng aking paglayo? Nagkaroon nga ako ng salapi at kayamanan
subalit Nawala naman sa akin ang pinakamahalagang tao sa buhay ko,” ang
nawawalan ng pag-asa at buong pagsisising bulong niya sa sarili.

Sa wakas, naipasya niyang humingi ng tulong sa rahang namumuno sa


bansa. Matiyagang nakinig ang raha sa kanyang istorya at pagkaraan ay nag-
utos iyon na paharapin sa kanya ang dalawang binata. Tinitigan niya ang una at
pagkatapos ay ang ikalawa. Magkamukhang-magkamukha sila. Tinanong niya
sila ng mga tanong na maaaring makapagpatunay kung sino ang tunay at kung
sino ang impostor ngunit pareho nilang alam na alam ang mga tamang sagot
kaya hindi rin mapagpasiyahan ng raha kung sino sa dalawa ang tunay na
Brahman. Araw-araw ay pumupunta ang tunay na Brahman sa korte ng raha.
Ngunit hindi niya makumbinsi ang raha na isang nagpapanggap na espiritu ang
umagaw sa kanyang mga mahal sa buhay.

Isang araw, habang malungkot siyang naglalakad pabalik mula sa korte ng


raha, nadaanan niya ang isang grupo ng mga batang lalaking naglalaro sa
bukid.

Isa sa mga bata ang patakbong lumapit sa binatang Brahman. “Bakit ka


malungkot?” tanong niya.

“Wala na ang aking ina at asawa. Naagaw sila ng isang impostor na


espiritu,” iyak ng Brahman. “Hay napakalungkot ng buhay ko”

“Lumapit ka sa aming raha,” sabi ng bata. “Lumapit ka at sabihin mo sa


kanya ang iyong mga problema at baka matulungan ka niya.”
“Pero kagagaling ko lang sa raha. Maging siya ay hindi naniniwalang ako
ang tunay na Brahman.”

“Hindi, hindi ang rahang iyon. Lumapit ka sa aming raha.” Himok ng bata.

“Sinong raha? Tiyak na walang ibang raha sa bayang ito.”

“Basta sumama ka at tingnan mo.” Ang bata ay hindi na naghintay ng


sagot. Hinila niya ang kamay ng Brahman at dinala sa lugar na may iba pang
mga batang naglalaro. Isang batang mukhang matalino ang nakaupo sa
kanilang gitna at nakaharap sa isang bunton ng lupa.

Ang batang nagdala sa Brahman ay yumukod nang mababa at nagsalita:

“Inyong kamahalan, ang lalaking ito ay may mahiwagang pangyayaring


sasabihin at hihingi sa inyo ng payo.”

“Sabihin mo ang iyong kuwento, lalaki, at makikinig kami,” sabi ng batang


lalaking tinatawag na “Inyong Kamahalan” ng iba pang mga bata.

“Nagbibiro ba kayo? Ina at asawa ko ang nawala sa akin. Wala akong


panahong makipagbiruan,” ang nayayamot na sabi ng Brahman.

“Hindi kami nagbibiro, gusto ka talaga naming tulungan,” sabi ng batang


nasa tabi ng bunton ng lupa.

Ang boses niya’y tunay na nakikiramay. Ang mga bata ay hindi man
lamang tumatawa sa kaniya. Kaya’t nakumbinsi ang kawawang Brahamn na
sabihin ang lahat ng nangyari.

“Malulutas ko ang iyong problema,” ang sabi ng bata pagkatapos marinig


ang kuwento ng Brahman, “Pero may kondisyon.”

“Ano iyon?”

“Ibibigay ko ang hatol bukas ng umaga, pero papuntahin mo rito ang raha
at ang kanyang mga ministro at lahat ng tao sa bayan.”

“Pero… paano ko sila mapapapunta rito? Papupugutan ako ng ulo ng


raha kapag sinabi ko iyan sa kanya.”

“Buweno, nasa iyo na iyan,” matatag na sabi ng bata.


Lalong nag-alala ang Brahman. Ngunit tila wala ng ibang paraan kaya
tinapangan niya ang sarili at pumunta siyang muli sa raha para sabihin ang
kanyang kakatwang pakiusap. Sa halip magalit ay naging interesado ang raha
at pumayag na pumunta sa bukid at dalhin ang lahat ng kanyang mga ministro.

Kinaumagahan, ang raha, ang binatang Brahman, at ang lahat ng tao sa


nayon ay pumunta sa bukid. Mangyari pa, ang ina, ang asawa at maging ang
espiritu ay naroon din. Nakangisi ang espiritu dahil hindi siya naniniwalang
magtatagumpay ang batang lalaki kung saan maging ang makapangyarihang
raha ay nabigo.

Yumukod ang batang lalaki sa raha at pumunta sa kanyang puwesto sa


bunton ng lupa.

“Pumarito ako ngayong umaga sapagkat ipinangako kong lulutasin ang


misteryong lumilito sa akin,” matigas na sabi ng raha sa bata. “Pero, tandaan
mo na kapag nabigo ka ay paparusahan ka nang mabigat.”

“Opo, Inyong kamahalan,” pormal na sagot ng bata.

Pigil ng mga tao ang kanilang paghinga. Isang batang lalaki ang
magbibigay ng katarungan habang ang pinakamakapangyarihang pinuno ng
bansa ay nakatayo at nanunuod lamang!

Ang batang lalaki ay humingi muna ng isang boteng may mahaba at


makitid na leeg. Nang iyon ay mailagay na sa kanyang harapan ay nagsalita
siya: “Ito ang pagsubok na lulutas sa suliranin ng mga taong ito. Kung sino sa inyo
ang makapapasok sa loob ng boteng ito ay siyang tunay na Brahman.”

“At kung sino ang hindi makapasok diyan ay mamamatay!” ang


makapangyarihang sabi ng bata.

“Teka, teka,” ang naiiyak na tutol ng tunay na Brahman sa pagsubok na


sa tingin niya’y hindi makatarungan. “Paano ako makakapasok diyan ay ang
laki- laki ko!” ang kanyang malakas na tutol.

“Kung gayon ay hindi ikaw ang tunay na Brahman. Ikaw, kaya mo?” ang
tanong ng bata sa isa pang Brahman. “Oo naman, manood kayo,” ang
masayang-masayang sabi ng espiritu. Agad siyang nag-anyong hangin at isinilid
ang sarili sa loob ng bote. Ito lang ang hinihintay ng bata. Nang makapasok na
ang espiritu ay agad niyang tinakpan ang bote.
“Heto ang impostor na espiritu,” ang sabi niya habang inaabot sa tunay
na Brahman ang bote. “Nagawa niyang magpanggap dahil sinamantala niya
ang iyong paghahangad ng maraming yaman.”

“Nagsisisi po ako,” ang mahinang sabi ng tunay na Brahman. “Ang tunay


ko po palang kayamanan ay ang aking minamahal na ina at asawa,” ang
dugtong pa habang niyayakap ang kanyang pamilya.

Hindi makapaniwala ang raha. “Saan galing ang iyong katalinuhan? Ni


ang rahang tulad ko’y hindi naisip ang ginawa mong paraan,” ang sabi niya.

“Mga ordinaryong bata po kami na nagpapastol ng mga baka. Isang


araw, habang nangingingain ang aming mga baka ay natagpuan naming ang
bunton ng lupang ito. Nagpapalitan kami sa pag-upo sa harap nito. Napansin
po naming ang sinumang maupo sa harap ng bunton na ito ay nagkakaroon ng
pambihirang katalinuhan. Sa araw na ito nagkataong ako ang nakaupo subalit
wala po akong kapangyarihan. Ang lahat ay nagmumula sa bunton ng lupa na
ito,” paliwanag ng bata sa raha.

Ipinag-utos ng raha na hukayin ang bunton ng lupa. At sa ilalim ng lupa,


natagpuan nilang nakabaon ang isang magandang tronong tila plataporma.
Nababalutan iyon ng mga alahas at sinusuportahan ng magagandang inukit na
mga pigurq ng tatlumpu’t dalawang anghel.

Agad na umakyat sa kinaroroonan ng trono ang raha upang maupo.


Inaakala niyang sa pag-upo rito ay magiging matalino rin siya sa pagpapasiya
at makilala ng buong mundo ang kanyang katalinuhan ngunit bago pa siya
makaupo ay may narinig na siyang tinig. Isa sa mga nililok pigura ang nagsalita:
“Hinto,” sabi niyon. “Ang tronong ito ay pag-aari ng dakilang Raha Vikramaditya.
Bago ka maupo rito, ipakita mo munang kapantay mo siya sa tapang at
katarungan. Makinig ka at sasabihin naming sa iyo kung gaano siya kadakila.”

Pagkatapos, isa-isang nagkuwento ang tatlumpu’t dalawang anghel


tungkol sa katalinuhan at kagitingan ni Raha Vikramaditya. At nang ang huling
istorya ay maikuwento, binuhat ng mga anghel ang trono, pataas nang pataas
sa kalawakan at lumipad silang kasama niyon sa malayo, malayong-malayo.
Naiwan ang raha na nag-iisip na hindi niya pa taglay ang mga katangiang
magbibigay sa kanya ng karangalang maupo sa trono.

Ang ilan sa mga katangiang ito ay kabutihan, lubos na katapatan,


pagiging patas at walang kinikilingan, at pagiging makatarungan.
Subalit bago tayo magwakas, makabubuting sabihin na ito ang
pinagmulan ng tatlumpu’t dalawang kuwentong nagging popular sa buong
India. Kilala ng mga ito ngayon bilang Simhasana Battisi o Ang Tatlumpu’t
dalawang Kuwneto ng Trono.

- Muling Isinalaysay mula sa The Ghost-Brahman


- www. Guternberg.org

You might also like