You are on page 1of 1

PASYANG MANGIBANG-BAYAN

Nasa ika-apat na taon ng pag-aaral nang mabuo sa isipan ni Jose na tapusin na lamang niya ang kursong
Medisina sa Madrid. Sinuportahan naman ito ni Paciano at ng ama ni Leonor.

Maraming dahilan kung bakit nais niyang sa Europa tapusin ang pag- aaral. Una, hindi nga niya gusto at
di-masiyahan sa pamamaraan ng pagtuturo sa U.S.T. Ikalawa, ibig niyang makapagdalubhasa sa
Medisina upang mapagaling ang mga mata ng kanyang ina. Ikatlo, may hangarin siyang masaksihan at
mapag-aralan ang katayuan ng kanyang bayan sa mga bayan sa Europa. Gusto niyang mapag-aralan ang
mga dahilan ng kanser na lumalaganap sa iba’t ibang larangan ng buhay dito sa Pilipinas at pagkatapos
ay iisip siya ng paraan kung paano maipababatid sa bansa at sa pamahalaang Kastila ang mga
pagbabagong kakailanganin ng Pilipinas. Sa kanyang palagay, sa ganyang paraan giginhawa at lalaya ang
mga mamamayan.

Ang pag-alis ni Jose ay ginawa niyang lihim. Ang pasaporte niya ay nasa pangalang Jose Mercado. Hindi
niya ito ipinaalam sa kanyang mga magulang, lalo na sa kanyang ina, dahil batid niyang hindi siya
papayagan. Hindi nanaisin ng kanyang ina na malayo sa kanyang mga anak. Subalit nabanggit niya ang
kanyang plano kay Paciano, sa kanyang Tiyo Antonio Rivera, sa mga kapatid niyang babae na sina
Neneng at Lucia, sa mag-anak na Valenzuela (Kapitan Juan at Kapitana Sanday at kanilang anak na si
Orang), kay Pedro Paterno, sa kanyang kumpareng si Mateo Evangelista, sa mga paring Heswita ng
Ateneo at ilang malalapit na kaibigan gaya ni Chengoy (Jose M. Cecilio).

Si Paciano na may sariling lupang ari-arian at kumikita na, ang siyang nagbayad ng pamasahe ni Jose at
nangakong magbibigay ng buwanang sustento. Ang ilang malalapit na kaibigan ni Jose ang naglakad ng
pasaporte niya. Ang mga Heswitang pari ay nagpadala ng mga liham ng rekomendasyon sa mga
miyembro ng kanilang kapisanan sa Barcelona. Nakagawa pa si Jose ng liham ng pamamaalam sa
kanyang mga magulang na nagpapahayag ng kanyang paghingi ng tawad bunga ng paglilihim niya sa
kanila. Sa kasintahan niyang si Leonor Rivera ay nakapag-iwan siya ng isang maikling tula na naglalaman
ng kanyang pamamaalam.

You might also like