You are on page 1of 16

ANG KWENTO NI MABUTI

NI GENOVEVA EDROZA-MATUTE

Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating
pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga
lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang,
doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa
siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungan
sa kanya ko lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa
isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang
anumang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay…
Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng
pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga
panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang
simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya
maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang
paraang malirip, iyon ay naging salamin ng uri ng paniniwala sa buhay.
“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t
umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli niya akong
minsang lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring
suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood
sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang
tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya
ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila
may suliranin .. mabuti sana kung makakatulong ako.”
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay
ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap,
pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi
niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang
kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa
kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa
suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa
paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang
paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong
pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay
natatanaw na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na
… iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan
natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko
sa iyo, ngunit… ang suliranin.. kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na
mabuti sana sa iyo ang … buhay.”
Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita
niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain niyang
mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong
muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,..
“Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid
naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng
pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya
roon, sa aming sulok na iyong… aming dalawa…
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong
magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina,
kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno siya ng
maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga tunog ang aming pandinig at natutuhan
naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa panitikan ay naging
isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga.
Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa
amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito
sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga
pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang
iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa
amin ay walang kabuluhan.
Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-
aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi
niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa
ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y
hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa
batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap
niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang
nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba ang pagkatakot niyang baka siya
hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming
pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang mga bagay na
“pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat
pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa
aking isipan ang isang hinala.
Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak,
ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan
niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na.
Sa susunod na taon siya’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging
manggagamot ang kanyang anak- at isang mabuting manggagamot.
Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang
bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.
“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha
habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may
kaarawan.
Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na
lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa
kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga
kamay gaya ng gingawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging
magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may
mapagtatapatan siyang isang taong man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa
kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang
sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng
buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti…
mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-lyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan
ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa
ating aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon,
ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya
sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong
siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim
na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.
At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng
kanyang mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin
naming sa Panitikan. Ang karikatn ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman
ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa
pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang
manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw
sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang
lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang
lahat. 
ANG KASULATAN NG BANYAGA
NI LIWAYWAY ARCEO

Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na
tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon - kung
Araw ng mga Patay at kung Pasko. O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At
maging sa mga sandaling ito na wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang
katanungang wari ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping
ngiting may lakip na lihim na sulyap.
At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran.
Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok
Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya bago
iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang ulitin ang tanong.
"Serbesa ba 'kama, bata ka, ha?"
Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito,
idinigtong niya ang paliwanag. "Hindi masama'ng amoy, Nana."
Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa
kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang
balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa
kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa laylayan naito na may
gilit upang makahakbang siya.
"Ibang-iba na ngan ngayon ang...lahat!" at nauulinigan niya ang buntung-hiningang
kumawala sa dibdib ng matandang ale.
Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng kanyang ina kung nakabuhayan
siya. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya, sa
pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Kuya Mente. At ang apat niyang
pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang naka-toreador na itim at
kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling
bandanna, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa
paa na nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso.
"Sino kaya'ng magmamana sa mga pamangkin mo?" tanong ngayon ng kanyang Nana
Ibang. "Ang panganay sana ng Kua mo...matalino..."
"Sinabi ko naman sa Inso...ibigay na sa 'kin papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisan naman
ako. Ang hirap sa kanila...ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni
Inang...noon...kung natakot ako sa iyakan..." Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi
maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib.
"Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka..." ayon ni Nana Ibang.
"Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba 'ko sa timpalak
na 'yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?" Malinaw sa isip ang
nakaraan.
Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping panyolito sa kanyang
batok. "Pinapawisan ka an, e. Ano bang oras ang sabi no Duardo na susunduin ka?"
"Alas-tres daw. Hanggang ngayon ba'y gano'n dito?" at napangiti siya. "Ang alas-tres, e,
alas-singko? Alas-kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang
kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika..."
"Naiinip ka na ba/" agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi.
"Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik din
ngayon sa Maynila."
"Ano? K-kahit gabi?"
pa? Ilang taon ba 'kong wala sa Pilipinas? Ang totoo..."
Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni Aling
Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha nito. At biglang-
bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita siya kangina.
Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing
pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa kanyang mga
pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas ang isang maputi at malinis na mantel.
Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay.
Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang isa niyang pamangking sa pangaln
at larawan lalo niyang kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba
ang may dala ng platitong kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang
binili. Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay moras. At napansin niyang
nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya.
"Ayan naman ang kubyertos...pilak 'yan!" hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. " 'Yan ang
uwi mo...noon...hindi nga namin ginagamit..."
Napatawa siya. "Kinikutsara ba naman ang alimango?"
Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng
kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka ba nagbago ng
loob, di sana'y nilitson ang biik sa silong, kasi, sabi...hindi ka darating...
Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya - ngayon lamang gagawin
ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring hindi
niyan matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga Nagtapos sa
kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng liham ng pangulo
ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.
Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag tumigil na sasakayan sa harapan ng
bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa
bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya isinuot ang kanyang sapatos na mataas at
payat ang takong.
"Sa kotse n," ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: Baka ako masilat...baka
ako hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng
matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming
matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang lalaki, na nang
mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang.
"Ako nga si Duardo!"
Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na
siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang
tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito
naupo.
"Bakit hindi ka rito?" tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. "May presidente ba
ng samahan na ganyan?"
"A...e..." Hindi kinakailangang makita niyang nakaharao si Duardo. Napansin niya sa
pagsasalita nito ang panginginig ng mga labi. 'A-alangan...na 'ata..."
Nawala ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking
naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang
pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagtapos.
"Natutuwa kami at nagpaunlak ka..." walang anu-ano'y sabi ni Duardo, "Dalawampu't
dalawang taon na..."
"Huwag mo nang sasabihin ang taon!" biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa.
"Tumatanda ako."
"Hindi ka nagbabago,' sabi ni Duardo. "Parang mas...mas...bata ka ngayon. Sayang...hindi
ka makikita ni Menang..."
"Menang?" napaangat ang likod ni Fely.
"Kaklase natin...sa apat na grado," paliwanag ni Duardo. "Kami ang..." at napahagikhik ito.
"Kamakalawa lang isinilang ang aming pang-anim...'
"Congratulations!" pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila
siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.
"Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon," patuloy ni Duardo nang hindi na siya kumibo.
"Ibang-iba kaysa...noon..."
"Piho nga," patianod niya. "Hindi naman kasi 'ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi
pa 'kong nagmamadali..."
"Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita..."
Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa
bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang kanyang
salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang nakalarawan sa mukha ng mga
sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan niya kung alin.
At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtimunig ang
kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya nakikilala at hindi na rin
siya makilala pa ng pook na binalikan niya.
ANG SUKATAN NG LIGAYA
NI LIWAYWAY ARCEO

Nagmamadali si Aling Isyang sa pagbibihis. Nangangamba siyang pumasok si Medy sa silid


at Makita siyang nagbibihis. Natitiyak niyang hindi siya papayagan nito na makaalis. May
tatlong araw
nang nagtatangka siyang makauwi sa nayon ngunit lagi siyang pinangungunahan ng anak.
“Ang Inang. . . nagbibihis na naman! Parang inip na inip dito sa ‘min . . .” matatandaan pa
niyang parunggit nito. At kung may bahid man ng katotohanan itong sinabing iyon ni Medy
ay hindi na siya nagpahalata. Nadama niya agad ang hinanakit sa tinig nito nang pansinin
ang kanyang paghahanda sa pag-alis. Ngunit talagang hindi siya mawili sa tahanan nina
Medy.
Noong una ay idinadahilan niya ang init. Nang sumunod na bakasyong lumuwas siya ay may
isa nang silid sa bahay ni Medy na may sadyang pampalamig na ayon ditto ay nakakabit sa
koryente. Wala naman siyang makikitang umiikot na tulad sa karaniwang nakikita niya sa
kanilang nayon. Iyon ay isang parihabang kahon lamang sa dingding. Ngunit hindi rin siya
nasiyahan. Nasipon pa nga siya. Gayunman ay iyon ang nagawa niyang dahilan upang
makauwi sa nayon.
Hindi niya maidahilan ang alikabok. Ang malaking bahay ng kanyang anak ay malayo sa
magulong lunsod. Nakatirik iyon sa gulod ay nakabukod. Sa pinakamalapit na kapitbahay.
Malawak ang bakurang alaga ng isang hardinero. May languyan sa isang panig at may
pinanggagalingan pa ng tubig na sumasaboy sa gitna ng hardin. Ngunit sa tuwing
maglalakad siya sa paligid ng bakuran, waring may hinahanap siyang kung anong bagay na
mawawaglit.
Naikuwento niya iyon kay Mang Laryo nang magbalik siya sa nayon. “Alam mo, Oy.” simula
niya sa pagbabalita sa asawa, “Kahit na nga ano pa ang sabihin, iba ang singaw ng lupa rito
sa ‘tin. Saka. . . kung bakit doon kina Medy, gayong binili raw nang napakamahal ang mga
halalaman. . . parang hindi ako nagagandahan. Ayaw man lang ipahipo ang mga dahon ng
mga masetas, e!”
Napangiti si Mang Laryo. “Ikaw naman, oo! Nagpapahalata ka naman ‘ata sa anak mo.
Parang napapaso ka sa kanilang bahay. Nasabi na nga sa ‘kin ‘yan minsan… patuloy ng
matanda.
“H-ha?”
“Aba, oo! Sinabi ‘yan mismo ni Medy.”Ika sa kin. . . mas mahal mo raw si Idad kaysa
kanya. . . hindi raw pareho ang tingin mo sa kanila. . . “
Sa dakong iyon ng kanyang gunita ay napatigil sa pagbibihis si Aling Isyang. Waring may
gumising sa kanya. Parang noon lamang sinasabi ni Mang Laryo ang panunumbat ni Medy.
“Hindi maaaring magkagano’n!” bulong ni Aling Isyang sa sarili. “Si Medy nga ang malaki
ang naitulong sa ‘min, palibhasa’y sinuwerte sa pag-aasawa.” Nakakaluwag sa buhay ang
naging asawa.”
“Ngunit ang hindi mawari ni Aling Isyang ay kung bakit higit na nagiging matamis ang
iniaabot sa kanya ni Idad gayong maliliit na halaga lamang. Marahil ay dahil alam niyang
magsasaka ang kanyang manugang kay Idad. Dukha ring tulad nila ni Mang Laryo. At
kakaibang kislap sa mga mata ni Ida dang nasisinag niya sa pagkakaloob niyon.
Ilang katok sa pinto ang pumukaw sa pagdidili-dili ni Aling Isyang.
“Inang, “ narinig niyang tawag ni Medy.
“Halika, Anak. . . “tugon niya at mabilis na inabot ang alampay sa likod ng silya at ibinalabal
iyon.”Bahala na . . .”bulong niya.
Hindi tumitingin si Aling Isyang sa dako ng pinto nang itulak ni Med yang dahon niyon.
“Ay, salamat. . . at nakabihis na kayo, Inang!” Masayang bati ni Medy at lumapit sa kanya.
Nakasungaw sa mga labi nito ang isang masayang ngiti.
Nagtaka si Aling Isyang. Inaasahan niyang magpaparunggit na naman ni Medy at nakikita
siyang nakabihis ng panlakad at may balak na umuwi.
“Talagang pagbibihisin ko kayo, Inang, e. . . aalis tayo! Habol ni Medy.
“S-sa’n . . . sa’ n tayo pupunta?” Kunwa’y sabik na sabik niyang tanong.
“Talagang sasabihin ko pa naman sa ‘yo na. . . uuwi na ‘ko. . . ngayon. . .”
Napalabi si Medy, “Ku, heto na naman si Inang! Sumama nga muna kayo sa ‘ming
pamamasyal bago kayo umuwi. Magtatampo niyan si Eddie. . . Pag hindi kayo sumama.”
Napabuntunghininga nang malalim si Aling Isyang. Hindi siya makatutol kapag ang
sinasangkalan ni Medy ay ang asawa nito. Nahihiya siyang biguin ang manugang. . .
Iniiwasan niyang may masabi ito.
“Baka kung saan ‘yon, ha?” hindi pa rin napigilang tanong niya sa anak.
Napatawa si Medy. “Ang Inang. . . sa’n ba naman namin kayo dadalhin? Magpapasyal llang
tayo at susubbukin daw ng manugang n’yo ang bagong kotse . . . at kakain tayo sa labas.
Do’n sa restawran sa tabing-dagat. Huwag n’yo na munang hahanapin ‘yong ilog do’n sa
‘tin!” biro pa ni Medy.
“E sige . . .” patianod ni Aling Isyang. “Basta mamamayang hapon e payagan na n’yo kong
makauwi at kawawa namab ang Tatang n’yo. . ’’
“Kasi naman, hindi pa sumama, e . . .’’ paninisi ni Medy.
“Alam mo namang may pinagkakaabalahan sa bukid, e. Kung hindi ba dahil sa kumpleanyo
mo, luluwas pa ba ‘ko? Alam mo namang bagong-galing sa sakit si Idad. . . ’’ dugtong pa
niya.
“Siya. . . siya. . . oho!’’ Matamlay na tugon ni Medy. “Mukhang talagang hindi na kayo
mapipigil, e. . .”
Nang lumabas si Aling Isyang sa silid ay nabungaran niya sa salas ang dalawang apong
babae na sinusundan-sundan ng mga yaya.
Ang panganay ni Medy ay anim na taon, ngunit hindi pa mapag-isa. Laging kasunod ang
tagapag-alaga. Ni hindi ito makapagbihis nang mag-isa, di tulad ng kanyang apo kay Idad,
na bata sa murang gulang na iyon. Ang sumunod na may tatlong taon ay napakalikot
naman. Natitigil lang kung karga ng yaya.
Naupo si Aling Isyang sa sopa upang hintayin sina Medy. Hinintay niyang lapitan siya ng
mga apo, ngunit waring hindi siya napapansin. Bigla niyang nagunita ang apat na apo kay
Idad. Marinig lamang ng mga iyon ang kanyang mga yabag ay nag-uunahan na sa paglapt
sa kanya at unahan din sa pagkapit sa kanyang saya. At kung tulad ngayon na nakaupo
siya, tiyak na mag-uunahan ang dalawa sa kanyang kandungan at magtutulakan naman
ang dalaw pang ibig makababa sa kanyang baliikat.
Nang lumabas si Medy buhat sa silid ay may bitbit itong sapatilyang puno ng palamuting
abaloryo.
“Ito na’ng isuot n’yo, Inang. . . ’’ sabay lapag sa sahig, sa kanyang paanan.
“Naku ,’’ tutol niya, “e bakit pa? Tama na ‘tong aking kotso. . . luma nga, hindi naman sira!’’
Hindi niya masabi kay Medy na nang una siyang magsuot niyon ay nanakit ang kanyang
mga paa.
“ Ku, kaya kayo ibinili ni Eddie ng bago e hindi na raw nakikitang isinusuot n’yo ‘yong unang
binili namin. . . ’’sabi ni Medy.
“Kow. . . e hindi ko lang naibalita sa ‘yo, ibinigay ko sa kapatid mo. Mas bagay sa mga paa
ni Idad, e . . . ’’ patuloy ni Alin Isyang.
“Kaya nga! Hubarin n’yo na ‘yang kotso. Kahiya-hiya pag may nakakia sa ‘tin sa
pamamasyal.Pusturang-pustura kami. . . tapos. . .’’ at nauntol ang sinasabi ni Medy.
“Mamaya, maisip ng iba na sapatilya lang ay hindi naming kayo maibili. . .”
“Bakit ‘yon ang iisipin n’yo, e ako naman ang may gusto nito? Ngunit pinagbigyan na rin
niya si Medy.Nanibago si Aling Isyang nang tumayo siya. May kataasan ang taking ng
sapatilya.At matigas ang entrada. Hindi pa siya humahakbang ay waring nananakit na ang
kanyang talampakan.

Isa pa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi siya magtagal sa bahay ni Medy. Ang gusto ni
Medy ay lagi siyang susunod sa mga sinasabi nito upang walang masabi ang iba. Sa
kanyang pakiramdam naman ay iniipit ang kanyang mga kilos at hindi siya Malaya.
Gayunman ay ayaw na niyang maging alangan ang kanyang anak sa pamantayan ng
kanyang manugang, kaya’t sinisikap niyang makibagay.
Napansin ni Aling Isyang na tuwang-tuwa si Eddie na makita nitong suot niya ang
sapatilya.”Ayan. . . sabi ko na’t bagay na bagay sa inyo ang kulay na granate, e! Bumata
kayo ng sampung taon!’ at inakbayan siya nito. “Tena kayo. . .’’
Dahan-dahan at buong-ingat ang ginawang pagbaba ni Aling Isyang sa hagdan.
“Masakit ba sa paa, Inang?’’ usisa ni Medy nang mapunang mabagal ang kanyang mga
hakbang.
“Hindi naman. . . ’’ pagkakaila niya. “Syempre. . . medyo lang ako naninibago at mababa
ang kotso. . .”
Wala sa pamamasyal ang isip ni Aling Isyang. Nasa bukid, sa piling ni Mang Laryo, ni Idad,
at ng kanyang mga apo. Lalong naging masidhi ang kanyang pananabik sa mga apong
naiwan nang makasakay siya sa kotse.
Katabi niya ang dalawang tagapag-alaga ng kanyang mga apo sa upuan sa likuran. Kalong
ng mga iyon ang mga bata. Ni hindi niya mahipo kahit sa kamay ang kanyang mga apo.
Waring hindi siya nakikilala.
“Sinuswerte kami sa huling transaksiyon, Inang. . .” pagbabalita ni Eddie sa kanya
samantalang namamasyal sila sa tabing-dagat.”Kaya pinalitan ko na ang lumang kotse nang
walang maireklamo ang anak n’yo. . .” pabiro pang dugtong.
“Maganda, a!’’ tanging naisagot ni Aling Isyang.
“Dapat naman, Inang!” katlo ni Medy.”Papasok na si Millet sa darating na pasukan. . . sa
laga e magpapahuli ‘yan sa ibang bata sa kolehiyo?” at binanggit nito kung saang kolehiyo
ng mga madre ipapasok ang apo.
“Para disi-otso mil lang!”
Napakislot si Aling Isyang sa pagkakaupo. Labingwalong libong piso! Kaya pala naman
saanman niya hagurin ng tingin ang sasakyan ay wala siyang maipintas. Wala pa siyang
nakikitang tulad niyon. Kahit ang alkalde ng kanilang bayan o ang gobernador ng kanilang
lalawigan ay hindi gayon kagara ang sinasakyang kotse.
Hindi sinasadya ay napailing si Aling Isyang. Naisip niya kung paanong ang kanyang
dalawang anak na kapwa babae, kapwa maganda at pareho ang inabot sa paaralan, ay
nagkaroon ng magkaibayong kapalaran sa kabuhayan nang magsipag-asawa.
Naisaloob niyang marahil ay dahil magkaiba ang ugali ng dalawa. Palabati si Medy sa
kapwa. Madaling makipagkaibigan. Si Idad naman ay tahimik. Mahiyain. Ngunit matay man
pakiramdaman ay nasisiyahan sa buhay.
Natatandaan pa ni Aling Isyang ang matinding galit niya nang malamang nakakilala ni Medy
ang isang batang-batang mangangalakal galing sa Maynila. Noon ay napadako sa kanilang
nayon si Eddie upang bilhin ang tubuhan ng dati ay tinitingal sa kanilang bayan, si Don
Alfonso. Hanggang nang hingin ni Eddie ang kamay ni Medy ay hindi napapawi ang pag-
aalinlangan sa kanyang dibdib.
“Hindi na kayo kumibo, Inang. . ..” basag ni Medy sa katahimikan nang mapansing walang
kakibu-kibo ang ina.
“A. . . e nawiwili ako. . . sa panonood. . .” pagkakaila ni Aling Isyang.
“ Nakita mo na, Ed. . . ’’ at bumaling si Medy sa asawa, “kung hindi natin binili ito, ‘yon
bang disi-otso mil e maaaring sakyan? Masisiyahan ba tayo nang ganito?”
Saglit na nakawala sa diwa ni Aling Isyang ang mga nagdaan nang marinig ang masayang
tawanan nina Medy at Eddie. At nakadama na rin siya ng kasiyaha. Pinilit niyang
masiyahan.
Pumili ng isang sariling hapag si Eddie sa restawrang pinasukan nila. Sa bungad pa lamang
ay marami ng binabating kakilala ang mag-asawa. Susunud-sunod naman si Aling Isyang.
Ingat na ingat siya sa paghakbang. Nananakit ang kanyang mga paa sa suot na sapatilya.
Ngunit sinarili niya iyon.
May kapaitang sumasaisip ni Aling Isyang na kung naroon siya sa kanilang sariling nayon,
hindi niya kakailanganin ang magkunwari. Hindi niya kakailanganing magsuot ng anumang
hindi siya nagiginhawahan. Kilala niya ang lahat ng tao at nakikilala rin siya. Hindi niya
kailangan ang kumilos nang labag sa kanyang kalooban, upang masiyahan lamang sina
Medy. Nakadama siya nang bahagyang kapayapaan ng loob nang makaupo na sila sa harap
ng hapag-kainan.
“Baka mahal dito?” hindi sinasadyang nasambit ni Aling Isyang.
“Si Inang naman!” may hinampo sa tinig ni Medy. “Baka may makarinig sa inyo ay kung
ano ang isipin! Paparito ba tayo nang hindi kami gayak gumasta?
Nagsisi si Aling Isyang kung bakit niya sinabi iyon. At lalo siyang nakadama ng pagkapahiya
nang masulyapang ngingiti-ngiti ang manugang.
Ayaw magsiupo ang kanyang dalawang apo. Nawiwili sa kalalakad sa paligid ng restawran.
Susunud-sunod naman ang dalawang yaya. Ang nanghihinayang sa ibinabayad ni Medy sa
dalawang katulong na kabilang sa marahil ay anim o walo pang utusan sa bahay. May
labandera, May kusinera. May tagalinis ng bahay. May tagawalis ng bakuran. May tagadilig.
Hindi niya maubos-isipin kung bakit si Idad ay nag-iisang gumagawa sa bahay ay apat ang
inaalagaang anak.
“Ano ang gusto n’yo, Inang?” tanong ni Eddie nang mapunang hindi siya kumikibo.
“Kayo na ang bahala. . . lahat naman ay kinakain ko!” mahina niyang tugon. Sadyang hindi
niya alam kung ano ang maaari niyang hingin sa restawrang iyon. Alam niyang wala roon
ang paborito niyang pangat na malakapas at banak.
“Alam ko ang paborito ni Inang!” masiglang sabi ni Medy. At humingi ito ng inihaw na
pampano, asadong alige ng alimango, halabos na sugpo, kilawing talangka at tinolang
manok, mga sariwang prutas, sabaw ng buko.
“Ang mga bata,bakit hindi pa magsitungo rito?” biglang sabi ni Aling Isyang.
“Kabisado ‘yan ng mga nagsisilbi rito. Dadalhn na ang mga ‘yan kung saan gusto. Pihong
nasa hardin,” paliwanag ni Medy.
Hindi makaramdam ng gutom si Aling Isyang. Nalula siya sa dami ng pagkaing nakahain. At
umukilkil sa kanyang isipan kung magkano aabutin ang lahat ng iyon, na sa kanyang
palagay ay hindi dapat gugulin. Pasulyap-sulyap siya sa ginagawang pagkain ng mag-asawa
at pilit niyang ginagaya. Ingat na ingat siya sa pagkain.
Naisip niyang kung nasa sariling bahay siya, pasalampak siyang uupo sa sahig ng dulang.
Nadudukit niya ang lahat ng alige ng alimango pati sa talukap. Nakukuha niya pati ang
laman sa mga sipit at galamay.Pinaghahandaan niya iyon ng sawsawang suka na may
pinitpit na luya at tinimplahan ng asin at asukal.
Sa sugpo ay wala siyang itinapon kundi balat. Kinukutkot pa ng kanyang mga kuko ang
taba sa talukap ng ulo. Sinisipsip niya pati ang mga hinlalangot at buntot.
Ibang-iba ang ginagawang pagkain nina Medy. Maraming natatapon. Sa kanyang tingin ay
higit pang marami ang naiiwan sa pinggan.Hinayang na hinayang siya ngunit sinasarili niya
ang kanyang damdamin.At nakaramdam ng lungkot si Aling Isyang nang magunita ang mga
naiwan sa nayon. Naalala niya ang ginagawa niyang paghihimay ng alimango o alimasag
para sa kanyang mga apo. Gayundin ang ginagawa niyang pagsisilbi kay Mang Laryo.
Nagtataka siya kung paanong sa loob ng walong taon lamang na inilagi ni Medy sa lunsod
ay hidi na niya mabakas ang nakamihasnan nito sa nayon. Waring limot na nito ang pinag-
ugatan. Waring kailanman ay hindi siya nagging bahagi ng kanilang nayon.
“O,” basag ni Medy sa kanyang pag-iisip,” hindi ‘ata kayo kumakain, Inang,”
“Kumakain,” mabilis niyang sagot.”Alam mo naman ako. . . mahinang kumain.”
IPINAHATID ni Medy si Aling Isyang nang umuwi. Bago siya umuwi ay hindi niya nalimutang
hingiin muli kay Med yang kanyang kotso. Pinagtawanan siya nito at hinapit ang balikat at
dibdib nito. Pagkatapos ay binilinan siya nito na sa hulihang upuan ng kotse siya maupo.
“ Hindi naman si Eddie ang magmamaneho, e. . . tsuper ‘yan sa opisina!” bulong sa kanya.
Tumango lamang siya. Nang maramdaman niyang umuusad na ang kotse ay hinubad niya
ang sapatilya at inihalili ang kanyang kotso. Sumandal siya sa pagkakaupo at naramdaman
niya ang ibayong pananabik na makauwi sa nayon.Hindi man lamang niya naisip nab aka
magulat ang kanyang mga kanayon kapag nakita ang sinasakyang bagung-bago at
nangingintab na kotse, tulad ng sabi ni Medy bago siya sumakay. Ang tanging nakikita niya
sa kanyang balintataw ay ang pat na anak ni Idad na naghihintay sa kanya, na nag-
uunahan sa pagsalubong sa kanya.Malayo pa man siya sa nayon ay waring nalalanghap na
niya ang naiibang singaw ng lupa- kaiba sa magarang bakuran nina Medy. Waring
malayang-malaya na naman siyang gumagalaw, hubad sa pagkukunwari at pakikibagay.
Napuno ng kaligayahan ang puso ni Aling Isyang nang matanaw na niya ang makipot at
maalikabok na landas na bumubungad sa kanilang nayon. Waring abot-kamay na niya ang
kanilang tarangkahan.
PAALAM SA PAGKABATA
SALIN NI NAZARENO D. BAS

Wala akong nakikitang pagbabago. Tulad nang nagdaang mga madaling-araw: ang ginaw,
katahimikan, dilim- iyon din ang bumubuo ng daigdig ng aking kamalayan. Maraming bagay
ang dapat mailarawan. Ngunit alam kong iisa lamang ang kahulugan ng mga iyon. Alam ko.
Sa kabilang silid, sa kuwarto nina Nanay at Tatay, naririnig ko ang pigil na paghikbi.
Umiiyak na naman si Nanay. Ang sunud-sunod na paghikbi ay tila pandagdag sa
kalungkutan ng daigdig. Napabuntung-hininga ako. Umiiling-iling. Hanggang ngayon hindi
ko pa nakikita ang tunay na dahilan ng damdaming iyon na matagal nang umalipin sa
kanya.Walang malinaw sa aking isipan. Mula sa aking pagkamulat ang pagkainip ay
kakambal ng aking buhay. Sa aking pag-iisa di ko maiwasan ang pangarap na magkaroon
ng batang kapatid na nag-aangkin ng mabangong hininga at taglay ang ngiti ng isang
anghel. Ngunit ang damdamin ko’y tila tigang na lupang pinagkaitan ng ulan.
Maliwanag na ang silangan nang ako’y bumangon. May bago na namang umaga. Ngunit ang
tanawin sa bahay ay walang pagbabago. Tulad ng dati, nakikita ko si Nanay na nakaupo at
nag-iisip sa may hagdanan. Nakatitig siya sa sampayan ng lambat ni Tatay. At madalas ang
kanyang pagbubuntong-hininga.Matagal ko nang nakikita ang sampay na lambat. Ngunit
hindi ko nakikitang ito’y ginagamit ni Tatay. Noon ay walang halaga ito sa akin. Nagsimula
ang pagpansin ko sa lambat noong ito’y itinapon ni Nanay mga dalawang taon na ang
nakakaraan. Galit na galit si Tatay sa ginawa ni Nanay. Pinagbuhatan ni Tatay ng kamay si
Nanay. Pagkatapos ipinabalik kay Nanay ang lambat sa sampayan
“Hanggang ngayon ba’y hindi ka pa nakakalimot, Tomas? Alam ng Diyos na wala akong
kasalanan. Ang kanyang ginawa ang siya mong ginagawa tuwing ikaw ay darating sa
madaling-araw. Ang kanyang amoy ay siya ring amoy na galing sa dagat. Magkatulad ang
inyong ikinikilos. Sino ang hindi mag-aakala na siya ay hindi ikaw? Huli na nang malaman
ko ang katotohanan. Huli na nang siya ay aking makilala. Totoong lumigaw siya sa akin. At
mula noon ay alam mo iyon. Ikaw ang aking iniibig, Tomas. Kailan mo pa malilimutan ang
nangyari?”Tuluyang umiyak si Nanay. Umungol lamang si Tatay. Nanlilisik ang mga matang
tumingin sa lambat at pagkatapos ay bumaling sa akin. May ibig sabihin ang tingin niyang
nag-aapoy. Maliban sa takot na aking nararamdaman ay wala akong naintindihan sa
pangyayaring iyon.
Mula noon ay hindi na ginalaw ni Nanay ang lambat. Naluma na ito ngunit buung-buo pa rin
sa aking paningin. Buung-buo pa rin sa paningin ni Nanay. Ano kaya ang misteryong
napapaloob sa lambat na iyon? Alam kong alam ni Nanay ang hindi ko nalalaman. At
kailangang malaman ko ito. May karapatan akong makaalam.
Nilapitan ko si Nanay na malalim pa rin ang iniisip. Hinalikan ko ang kanyang kamay. May
ibig akong itanong tungkol sa misteryo ng lambat. Ngunit nauntol ang ibig kong sabihin
nang magpatuloy ang kanyang pagluha.
“Lakad na Celso, malapit nang dumating ang Tatay mo.”
Sa labasan, sumalubong sa akin ang bagong araw. Tumingin ako. Maliwanag ang langit.
Langit? May gumugulo sa aking kalooban. Kalawakan. Iyan ang sabi ng aking guro sa
ikaapat na baitang ng primarya. Iyan ay hindi langit kundi hangganan lamang ng pananaw
ng tao. Ang langit ay nasa tao. Hindi nakikita. Hindi nahihipo. Hindi naaabot. Naabot na
kaya ni Nanay ang langit?“Ano pa ang hinihintay mo, Celso?
Ipinahid ko sa mukha ang suot kong sando. Humakbang pagkatapos. Maya-maya’y
tumakbo na ako ng matulin.
Nasa dalampasigan ang mamamili ng isdang dala ng mga bangkang galing sa laot.
Masasaya silang nagkukuwentuhan habang hinihintay ang mga mangingisda. Sumalampak
ako sa buhangin, malapit sa kinauupuan ng dalawang lalaking may katandaan na. Sa laot
ako nakatingin at pinagmamasdan ang galaw ng mga alon na pandagdag sa kagandahan ng
kalikasan.
Napalingon ako nang makarinig ng tugtog ng gitara mula sa di-kalayuang bahay-pawid. At
sabay kong narinig ang malungkot na awiting nagsasaad ng kasawian sa pag-ibig. At muli
na namang naantig ang aking damdamin. Habang pinakikinggan ko ang malungkot na
kundiman umalingawngaw ang mahinang pag-uusap ng dalawang lalaki sa tabo ko.
“Naririyan na naman siya.”
“Talagang pambihira ang kanyang pagmamahal. Naniniwala akong nagpapatuloy ang
kanyang pangarap habang di pa namamatay ang babae sa kanyang buhay. Hindi nawawala
ang kanyang pag-asa. Kung kailan natutupad ang kanyang pangarap Diyos lamang ang
nakakaalam.”
Dinig na dinig ko ang mga kataga habang nagpapatuloy ang malungkot na kundimang
naging bahagi na ng aking buhay. Tumayo ako at ibinaling ang paningin sa bahay-pawid sa
lilim ng kaniyugan. Patuloy ang awitin. Humakbang ako ngunit biglang napatigil sa harap ng
dalawang lalaking may katandaan na. Naalala ko ang sabi ni Tatay. Bawal pumunta sa
bahay-pawid na iyon. Mahigpit ang utos ni Tatay. Nagbabanta ng parusa.
Lumingon ako sa laot. Nasa malayo ang mga bangka ng mga mangingisda. Bumaling ako sa
pinanggalingan ng awit na ngayo’y gumaganda sa aking pandinig. At para akong hinihila.
Nakalimutan ko ang ipinagbabawal ni Tatay. Mabilis ang aking paglakad at sa ilang saglit
kaharap ko na ang taong naggigitara at umaawit. May luha sa kanyang mga mata.
Tumitig siya sa akin. Inilapag ang gitara sa ibabaw ng papag na kinauupuan. Tumayo siya
at dahan-dahang lumapit sa akin. Kinabahan ako. Umakma akong tumakbo ngunit
nahawakan niya ang isa kong kamay. Nagpumiglas ako upang makawala sa kanyang
pagyapos sa akin. Ngunit lalong humigpit ang kanyang pagyakap. Umiiyak ako.
Ngumiti siya at pinahid ang aking mga luha.Hinimas ang aking ulo. Unti-unting lumuwag
ang aking paghinga. Nararamdaman ko ang kanyang pagmamahal nang tumingin ako sa
kanya. Muli niya akong niyapos.“Dalawin mo akong palagi, ha?”
Hindi ako kumibo. Tinitigan ko siya. Ang kanyang mga mata, ang ilong, ang labi- lahat
parang nakita ko na. Saan? Alam ko na, sa salamin. Talagang siya ang nakita ko sa salamin
na nakasabit sa dingding ng aming bahay.Napatingin ako sa dalampasigan nang marinig ko
ang hiyawan. Nagdatingan na pala ang mga bangka at nag-uunahan ang mga mamimili ng
isda. Nagmadali akong tumakbo upang salubungin ang Tatay. Malayo pa ako ng makita ko
siyang nakatayo sa may dinaungan ng kanyang bangka. Natanawan niya ako. Masama ang
titig niya sa akin. Galit. Kinabahan ako.
“Lapit rito, Celso!”Malakas ang sigaw ni Tatay. Nanginginig akong lumapit. At bigla akong
sinampal.“Di ko gusto ang batang matigas ang ulo! Di lang sampal ang matitikman mo
kapag umulit ka pa. Hala, kunin mo ang mga isda at sumunod ka kaagad sa akin.”
Habang naglalakad ay sinalat ko ang pisnging nakatikim ng sampal. Talagang mahirap
intindihin si Tatay. Wala namang dahilan upang iwasan ko ang taong nasa bahay-pawid. Di
naman dapat katakutan ang kanyang mukha at boses. Bakit kaya hinihigpitan ako ni Tatay?
Matapos akong mag-almusal, nandoon na naman si Tatay sa sampayan ng lambat.
Nakatabako at nagtatagpi ng punit na bahagi ng lambat. Alam kong aabutin siya ng tanghali
bago matapos ang kanyang gawain,. Matapos makapananghali siya’y matutulog.
Pagkagising maghahapunan. At di pa man ganap ang gabi balik na naman sa dagat. Iyan
ang buhay ni Tatay. At iyan ang bahagi ng aking buhay.Sa aking kinauupuan sa may
bintana nakikita ko si Nanay na nakaupo sa may hagdanan. Tahimik at nakatingin na
naman sa sampayan ng lambat. Luhaan na naman ang kanyang mga mata. At naalala ko
ang pangyayari noong itinapon ni Nanay. Lahat may itinatagong kahulugan. At naalala ko
ang nangyari kanina sa dalampasigan. Naalala ko iyong tao.
Lumapit ako sa salamin sa dingding. Pinagmasdan ko ang aking sarili. Nakita ko sa aking
isipan ang mukha ng tao. Unti-unting lumiwanag ang aking kamalayan. Biglang kumulo ang
aking dugo habang iniisip ang nakasampay na lambat. Nagdilim ang aking paningin.
Nadama kong inihahanap ko ng katarungan ang aking kalagayan.
Nagpunta ako sa kusinaan. Hinanap ko ang itak ni Nanay na pangsibak ng kahoy. Bitbit ko
ito at pinuntahan ang sampayan ng lambat. Pinagtataga ko ang lambat.
“Huwag, Celso!” saway ni Nanay na nanginginig ang boses. “Huwag!”
Naiiba sa aking pandinig ang pagsigaw ni Nanay. Pati si Tatay ay natigilan at nabigla sa
aking ginawa ay hindi ko pinansin. Hinalibas ko ng itak ang lambat at saka lang ako tumigil
nang ito’y magkagutay-gutay na at nagkalat sa aking paanan.
“Celso!”Nag-aapoy ang mga mata ni tatay na humarap sa akin. At sa unang pagkakataon ay
hindi ko inalis ang aking tingin sa kanya. Nilabanan ko siya ng titigan. Di ako nagagalit
kundi humihingi lamang ng pang-unawa. Ngunit bigla akong napatimbuwang nang
matamaan ng malakas na suntok at napahiga sa pira-pirasong wasak na lambat.
Nahihilo ako, parang ibig himatayin. Umiikot ang aking paningin. Parang may nakita akong
anino – si Tatay na sumusurot kay Nanay.
“Ngunit, Tomas,” nagmamakaawa si Nanay. “Wala siyang kasalanan. Maawa ka sa kaniya.”
“Pumanhik ka, Isidra!” singhal ni Tatay. “Pumanhik ka na habang ako’y nakapagpipigil pa.”
Dahan-dahan akong bumangon at sumuray-suray na lumapit kay Tatay. Ngunit isang
tadyak ang sumalubong sa akin. Napatihaya ako ngunit tinangka kong makatayo. Mabigat
ang pakiramdam ko sa aking katawan at ako’y gumapang. Ngunit sinabunutan ako ni Tatay
at iningudngod sa lupa ang aking mukha. Humihingal ako ngunit di ko makuhang umiyak.
Nasasalat ko ang magkahalong dugo at pawis sa aking pisngi.Di ko pansin ang mga gasgas
sa dalawang siko. Sa labis na panghihina’y umusad ako nang umusad. Hanggang sa
nangangatog kong mga bisig ay yumapos sa mga binti ni Tatay. Naramdaman ko ang
panlalamig ng katawan at ako ay napahandusay sa kanyang paanan.
Hindi ko na alam kung gaano katagal ang pagkawala ng aking malay. Naramdaman ko na
lamang may maiinit na mga bisig na yumayakap sa akin. Kinusot ko ang aking mga
mata.Sumalubong sa aking paningin ang maamong mukha ni Tatay. Pagsisisi. Pag-unawa.
Lahat ay kasalungat sa dati niyang gawa. Lalong humigpit ang kanyang pagyakap at kinabig
ang aking mukha sa kanyang dibdib sa tapat ng kanyang puso. Matagal.
ANG TUNDO MAY LANGIT DIN
NI ANDRES CRISTOBAL CRUZ

Tumawag si Flor kay Victor upang anyayahan itong makipagkita sa kanya sa isang
palamigan sa Quiapo. Napag-alaman ni Victor na si Flor ay dalawang buwan ng
nagdadalantao. Nangangaba si Flor na totoo ang sinasabi ng babaing pumunta sa kanyang
apartment at sinabing siya ang totoong asawa ni Tonyo na ama ng dinadala ni Flor.
Nangako si Victor na aalamin kung totoo ang kinatatakutan ni Flor. Nahuli si Victor sa
usapan nilang pagkikita ni Alma sa lobby ng pamantasang kanilang pinapasukan.
Pagkatapos ng kanilang klase ay napagpasiyahan niyang dumalaw sa apartment ni Flor.
Pagkatapos ng kanyang pagdalaw kay Flor ay umuwi na siya. Namataan niyang nag-
iinuman sina Lukas at ang mga kaibigan nito sa isang restawran sa Looban ng Tundo.
Muntik ng magkagulo sa loob ng restawran. Buti na lamang at napigilan iyon ni Victor.
Ngunit ng papauwi na sila ni Lukas ay nakaharap muli nila ang mga Waray at
nakipagbabakan ang mga iyon sa kanila. Kumalat sa Looban ang tungkol sa
pakikipagbakbakan nila Victor at Lukas.
Sa klase nila Victor at Alma na Philippine History ay kinuwestiyon ni Victor ang librong
isinulat ni Agila na isang awtoridad ng Kasaysayan ng Pilipinas. Sa araw din na iyon ay
bumili si Alma ng bago niyang talaarawan.
Sa gabing iyon ay nagkaroon muli ng masamang panaginip si Alma tungkol sa kanyang ama
at kay Dolores na dati nilang katulong. Kinabukasan ay nagpaalam si Alma sa kanyang
Daddy at Mommy na magkaroon ng party para sa nalalapit niyang graduation. Inanyayahan
ni Alma ang kanyang mga kaklase at si Victor. Dumating ang araw ng party ni Alma ngunit
siya ay malungkot dahil sa hindi sinunod ng kanyang mga magulang ang kagustuhan niya
na sila-sila lamang ng kanyang mga kaklase ang magpaparty. Nagtungo muli si Victor sa
apartment ni Flor bago pumunta sa party ni Alma. Nagtalo silang dalawa tungkol sa
kagustuhan ni Flor na hindi na maaari pang mangyari. Pagkatapos ng pagtatalong iyon ay
pumunta na si Victor sa bahay nila Alma.
Dahil sa pamimilit ni Alma at dahil na rin sa pamilya ni Victor ay napagpasiya nitong dumalo
sa kanilang baccalaureate at graduation dahil sa ayaw niyang ipagkait ang kaligayahan sa
kanyang pamilya. Dumating ang araw ng Baccalaureat nila Alma at Victor, sa araw na iyon
ay niregaluhan ni Victor si Alma. Kinabukasan ay araw ng graduation nila Alma at Victor, sa
araw naman na iyon ay nagregalo si Alma kay Victor ng isang fountain pen na may naka-
engraved na “Victor-Alma.” Si Flor naman ay nagregalo kay Victor ng isang relo.
Lumipas ang ilan pang mga araw. Nabalitaan ni Victor na nakapagtayo si Flor ng isang
patahian kung saan katulong niya sa pagpapatakbo nito si Dolores. Dinala ni Victor si Alma
sa patahian ni Flor at doon nakita ni Alma ang matagal na niyang hinahanap na si Dolores,
ang dati nilang katulong na sa kanyang paniniwala ay nagawan ng masama ng kanyang
ama.
Dumating ang buwan ng Hunyo. Nagsimula na si Alma sa pagtuturo sa Torres High. Ilan
pang mga araw ang nakalipas at pumunta si Alma sa patahian nila Flor upang kausapin si
Dolores at ibigay ang sustento nito para makatulong at makabawi sa maling nagawa ng
kanyang ama.
Si Victor naman ay tinulungan ni Paking upang makapagturo sa Torres High. Nakatanggap
agad siya ng appointment bilang substitute teacher sa paaralan. Nagkita muli sina Alma at
Victor sa Torres High kung saan pareho silang magtuturo.
Dumating ang araw ng panganganak ni Flor at sa araw na iyon ay hindi nagpahuli si Tonyo.
Naroroon siya upang makita ang kanyang anak kay Flor. Pagkatapos ng pangyayaring iyon
ay napagpasiyahan ni Tonyo na ipagtapat sa kanyang maybahay na siya’y may anak ka
Flor. Naging maayos ang usapan ng mag-asawa at napagpasiyahan nilang dumalaw kay Flor
sa ospital.
Hindi na napigilan ni Alma ang kanyang damdamin at napagpasiyahan niyang ipagtapat na
kay Victor ang kanyang nadarama. Sa araw din na iyon ay ipinagtapat ni Alma sa kanyang
Daddy na alam niya ang tungkol sa kanilang dalawa ni Dolores. Nasabi niya iyon ng dahil
pagtatalo nila tungkol sa pagkikita nila ni Victor.
Kinabukasan ay ipinadala ni Alma ang kanyang bag kay Victor at sa di sinasadya ay nakita
ni Victor ang talaarawan ni Alma. Hindi umaamin si Victor kay Alma nang tanungin siya nito
kung nabasa niya ang talaarawan nito.
Lumipas ang mga araw at mas lalong nagkamabutihan sina Victor at Alma hanggang sa
dumating ang isang araw na hindi na nila napigilan ang damdamin ng isa’t isa at sila ay
nagpasiya ng magpakasal. Pumunta si Victor sa bahay nila Alma upang hingin ang kamay ni
Alma sa ama nito. Hindi naman tumutol ang ama ni Alma at masaya pa ito para sa dalawa.
Napagpasiyahan nilang sa lalong madaling panahon ay ikakasal sila.
Dumating ang araw ng kasal. Simple lamang ang pag-aayos dito at kakaunti lamang ang
inimbitahan ngunit sa kabila nito ay masayang idinaos nila Alma at Victor ang araw ng
kanilang pag-iisang dibdib. Sa gabi ng kanilang kasal ay nakapag-isa ang bagong kasal.
Inihandog ni Alma ang kanyang talaarawan kay Victor at Ibinigay naman ni Victor kay Alma
ang panganay nilang halik sa isa’t isa. Doon ay ipinagtapat na ni Victor na nabasa niya ang
talaarawan ni Alma. At pagkaraan ng ilan pang sandal, doon sa pook na iyon ng Tundo’y
sinimulang likhain, sa kabila ng ingay ng mga nagsusumbatang pulitiko, ng dalawang
nagkakaisa’t nagkakaugnay ng pangarap ang isang bago’t matapang na daigdig. Isang
daigdig na kaypala’y may sariling langit na biyaya ng pag-ibig.

You might also like