I. Pamagat Ang Tabo II. Kahulugan ng Pamagat Ang tabo ay sumisimbolo sa kasalatan sa mga kagamitan. Ginagamit itong lalagyan ng tubig panghugas ng mga kamay tuwing hapag-kainan. Isa ito sa nagsisilbing representasyon ng kultura at kasanayan ng isang pamilya sa bansa. III. Halaw Nakasanayan na ng pamilya ang paghuhugas ng mga kamay bago kumain at hindi na kailangan ng sabon panghugas. Magbanlaw at iwisik-wisik ang mga daliri o di kaya’y ipunas sa lalagyan ng damit. Ang tabo ay nakasanayang kasama lagi tuwing oras ng pagkain. Tabong gawa sa lata na pinaglagyan ng pineapple juice na ginagamit din tuwing pagligo ng batang kapatid. Sa pagkahaba-haba ng mesang kainan, hindi sapat ang iisang tabo, kinakailangang magkabilaang dulo ang tabo upang lahat ay makapaghugas. Bago kumain ay nagdarasal muna saka maghuhugas ng kamay sa tabo upang hindi dumikit ang kanin sa kamay at hindi mapaso ng mainit na kanin. Kinakailangan magkamay dahil tuwing pista at pasko lamang inilalabas ang mga kubyertos na gamit sa kainan. Ang babagal bagal sa hapag-kainan ay tiyak mauubusan. Kung anong bahagi ang tinanggap ay siyang kakainin dahil hindi uso ang ‘again-again’ sa pagkain. Ang turo ng mga nakatatanda, ang sobra ay nakasasama kaya’t mariin na lamang na sundin ito. Hindi man naayon sa paningin ng Secretary of Health ang paraan ng pagkain, lumaki namang malulusog. Mga kaugaliang hindi kailangan pag-aralan bagkus kinakailangan dahil sa antas ng pamumuhay. Pagsasalong lalong nagpatibay sa relasyon ng bawat magkakapatid na kahit magkaroon ng panibagong pamilya nahandiyan pa rin sa oras ng problema o kasiyahan. Sa dinami-rami ng batas na napapag-aralan, ang batas na naituro ang siyang mas nangingibabaw ay ang huwag mong tataksilin ang kapatid mo. Ang pag-ibig, pagmamahal at pagmamalasakit ay itinatanim sa puso na ito’y bumubuo sa atin. Sa pagkakaroon nito mas lalo pang napagtitibay ang samahang kahit daanan man ng bagyo ng problema ay nariyan pa rin at lalo pang tumitibay. IV. Pagsusuri A. Uring Pampanitikan Sanaysay Uri ng panitikan na nasusukat sa anyong tuluyan na karaniwang pumapaksa tungkol sa mga kaisipan at mga bagay-bagay na sadyang kinapupulutan ng aral at aliw ng mga mambabasa. B. Istilo ng Paglalahad Tradisyunal na istilo ng paglalahad ang nangibabaw sa akda. Inilahad sa akda ang kalagayan at kaugalian sa panahon noon. C. Tayutay o Talasalitaan Denotasyon - mga kahulugan mula sa diksyunaryo. 1. Banggera – pingganan 2. Salok – kagamitang pangkuha mula sa malalim na lalagyan 3. Sarten – mga kagamitang pang kusina 4. Hinawan – maghugas 5. Nagbigkis – pagkakaisa 6. Kamison – damit V. Pansin at Puna A. Tagpuan Sa kusina ng bahay B. Galaw ng Pangyayari Mabilis ang galaw ng pangyayari ng akda. Mula sa paglalarawan ng mga kasanayan at kaugalian sa hapag na kasama ang tabo, hanggang sa kung ano nga ba ang aral na kapupulutan tungkol sa kasanayan at kaugalian na hindi malilimutan. VI. Sariling Reaksyon Ang pagkakaroon ng mga kasanayan at kaugalian sa loob ng bahay ay isa sa mga maituturing na yaman na maipagmamalaki ng bawat miyembro ng pamilya. Salat man sa yaman, hindi ito hadlang upang magkaroon ng kasiyahan at pagkakaisa ang buong pamilya. Dahil ang pamilya ang pinakamahalang kayamanan na meron ang isang tao, sa oras ng problema o kasiyahan nariyan lamang ang pamilyang laging naghihintay na damayan ang bawat isa. VII. Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda Teoryang Realismo Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga karanasan at nasaksihan ng may- akda sa kanyang lipunan. Ito ay naglalayong maipakita ang realidad ng buhay ngunit sa paraang masining at epektibong pagpapahayag. Teoryang Humanismo Ang layunin ng panitikan ay ipakita na ang tao ang sentro ng mundo; binibigyang- tuon ang kakayahan ng tao at mga katangiang mayroon ito gaya ng pagiging matapang at madiskarte. Teoryang Sosyolohikal Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang kalagayan at suliraning panlipunan ng lipunang kinabibilangan ng may-akda.
VIII. Bisang Pampanitikan
A. Bisa sa Isip Ang akda ay nagbibigay kaalaman sa mga mambabasa na ang kahirapan ay kayang lampasan, ang problema ay kayang solusyonan, at mawala man lahat ng bagay sa mundo ang pamilya ay hindi kayang palitan ng kahit anong bagay. B. Bisa sa Damdamin Ang pagmamahal at pagkakaisa ng bawat miyembro ng pamilya ay ang nangibabaw sa akda. Pagmamahal di kayang tumbasan ng kahit sinuman. Pagkakaisa na nag-uumpisa sa loob ng bahay ay di kayang tibagin nino man. C. Bisang Kaasalan Ang mga kaugalian at kasanayang naituro at naitanim sa puso’t isipan ng tao ay kailanman hindi matutumbasan ng kahit anong bagay. Ang mga taong laki sa ganitong pamumuhay ay mga taong marunong makuntento sa buhay. Mariin lamang na pangalagaan ito at pagyamanin sapagkat ito’y maaraming maipasa sa mga susunod pang henerasyon. IX. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman A. Kahalagahang Sosyal o Pangkabuhayan Inilahad sa akda ang kalagayang sosyal ng pamilya bilang salat sa yaman. Ngunit ang ganitong sitwasyon noon ay hindi importante basta buo ang pamilya. B. Kulturang Pilipino Ang pagsasalo-salo sa hapag-kainan ay isa sa mga kultura at nakasanayan ng mga Pilipino. C. Pilosopiyang Pilipino “Maging kontento sa mga bagay na mayroon tayo“ isa ito sa mga itinuro at natutunan natin sa ating mga nakakatandang miyembro ng pamilya. X. Implikasyon A. Kalagayang Panlipunan Ang kahirapan ay isang suliranin ngunit ang kahirapan na nabanggit sa sanaysay ay natural lamang na nararasanan noon ng mga tao. Dahil noon hindi pa ganoon kaganda ang takbo ng buhay. Hindi lahat ng bagay ay kayang bilhin ng pera gaya ng pagkakaroon ng buo at matibay na pagsasama ng isang pamilya. B. Kalagayang Pangkabuhayan Binibigyang diin ng may-akda ang pagiging payak ng pamumuhay ng pamilya sa akda. Ang ganitong pamumuhay noon ay natural lamang sa mga tao noon. Hindi alintala ang pagkakaroon ng salat sa mga bagay-bagay. C. Kalagayang Pansarili Ang akda ay nakapagbibigay ito ng motibasyon sa bawat tao na nais magkaroon ng sariling pamilya na ayos lang magkaroon ng payak na pamumuhay basta ang mahalaga buo at masaya ang pamilya.