You are on page 1of 11

SOSYEDAD AT LITERATURA 2020

III

PANITIKAN HINGGIL SA KARAPATANG PANTAO


Layunin
Sa kabanatang to, inaasahang iyong/ikaw ay:

 Maipaliliwanag ang mga sanhi at bunga ng mga suliraning panlipunan sa pamamagitan ng mga
makabuluhang akdang pampanitikan tuon sa karapatang pantao;
 Matutukoy ang mga mapagkakatiwalaan, makabuluhan at kapaki-pakinabang na sanggunian sa
panunuring pampanitikan tungkol sa karapatang pantao;
 Matutukoy ang mga katangian ng mahuhusay na akdang pampanitikang tumatalakay sa karapatang
pantao;
 Maibubuod ang mahahalagang pangyayari at/o kaisipan sa akdang pampanitikantungkol sa
karapatang pantao;
 Makasusulat ng akademikong papel na nagsusuri sa kabuluhang panlipunan ng isang akdang
pampanitikan hinggil sa karapatang pantao;
 Makasusulat ng sariling akdang pampanitikang tumatalakay sa iba’t ibang isyu ukol sa karapatang
pantao;
 Mapapalalim ang pagpapahalaga sa sariling panitikan hinggil sa karapatang pantao;
 Mapahahalagahan and dinamikong ugnayan ng panlipunang realidad at ng panitikan; at
 Makapag-aambag sa pagtaguyod ng wikang Filipino bilang wika ng panitikang pambansa na nakaugat
sa realidad ng buhay at mga pangarap ng mga mamamayang Pilipino.

Introduksyon
Ang isyu sa karapatang pantao ay nananatili pa ring isang mainit na usapin sa bawat bansa sa mundo.
Sa katunayan, ayon sa United for Human Rights (2019), tila malayo pa sa katotohanan na maipatupad ang
Universal Declaration of Human Rights sa iba’t ibang bansa dahil sa tumitinding karahasan at pang-aabusong
nararanasan lalo na sa mga bansang mahihirap. Patunay rin ditto ang ulat ng Amnesty International 2017’s
World Report na nagsasabing nararanasan pa rin lalong-lalo sa kontinente ng Africa at ilang bansa sa Asya
ang represyon, pang-aabuso at pagpatay sa mga nagsasagawa ng mapayapang kilos-protesta laban sa
mapanupil pamahalaan.

Sa Pilipinas, bagama’t sa lantay na obserbasyon ay tila Malaya at demokratiko ang pamumuhay ng


mga tao, lumalala pa rin ang paglabag sa karapatang pantao ng pamahalaan. Isa sa pinakamalagim na bahagi
ng kasaysayan ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng diktaturyang Marcos. Sa ilalim ng
kanyang pamumuno ay nakapagtala ang Task Force Detainees of the Philippines ng hindi bababa sa 9,000
biktima ng paglabag sa karapatang pantao. 5,040 dito ang biktima ng illegal na pag-aresto at detensyon; 12,170
ang biktima ng salvaging o summary execution; 892 ang minasaker; at 352 ang dinukot at hindi na nakita na
tinatawag ngayong desaparesidos.

Samantala, sa panahon ng dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo ay naitala ng KARAPATAN


(2010) and 1,991 biktima ng extra-judicial killings, 205 na biktima ng pagdukot, 1,028 biktima ng torture, at dan-
daang libong sapilitang lumikas dahil sa operasyong military.Bunga nito, binansagan ang administrasyong
Arroyo ng mga militanteng grupong nagtataguyod ng karapatang pantao bilang berdugong pangulo.

Samantala, sa unang dalawang taon ng pamumuno ni Pangulong Benigno Aquino ay naitala naman
ang 129 na biktima ng extra-judicial killings, 69 dito ay ang mga magsasaka at 25 ang minorya.

1
SOSYEDAD AT LITERATURA 2020
Ginulantang naman ang Pilipinas ng iba’t ibang kaso ng pagpatay sa mga mahihirap na Pilipino sa
ilalim ng administrasyong Duterte, bunga ng programa nitong War on Drugs. Sa katunayan, ayon sa
Philippine National Police, sa unang dalawang buwan pa lamang ng pamumuno ni Pangulong Duterte ay
nakapagtala na ng hindi bababa sa 700 na kaso ng pagpatay. Batay naman sa ulat ng Human Rights Watch
(2019), umabot na sa 12,000 Pilipino (karamihan ay mahihirap) ang namamatay o natokhang (Dahil sa Oplan
Tokhang ng Philippine National Police) dahil sa pagkakasangkot sa droga.

Sa kabila ng malawak na protesta laban sa Oplan Tokhang, patloy pa rin ang pagpapatupad ditto ng
pamahalaan sa layuning sugpuin ang droga sa bansa. Pangunahing kritisismo sa War on Drugs ang tila
pagtygis lamang sa maliliit at mahihirap na mamamayang biktima lamang ng pagkakulong sa droga habnag
wala o kakaunti ang naparurusahang druglords.

Bukod sa giyera ng pamahalaan laban sa droga, tahasan din ang pagdakip, pagdukot o pagpaslang sa
mga myembro ng progresibong organisasyon na lumalaban sa pamahalaan. Biktima ng red-tagging maging
ang lehitimong organisasyon na nagsusulong ng iba’t ibang repormang panlipunan.

Format ng Pagsusuring Pampanitikan


Ito ang format na gagamitin sa pagsusuri ng mga piling akdang pangkahirapan.

I. Pamagat
II. Kahulugan ng Pamagat
III. Halaw
IV. Pagsusuri
A. Uring Pampanitikan
B. Istilo ng Paglalahad
C. Tayutay o Talasalitaan
V. Pansin at Puna
A. Tagpuan
B. Galaw ng Pangyayari
VI. Sariling Reaksyon
VII. Mga Teoryang Nakapaloob sa Akda
VIII. Bisang Pampanitikan
A. Bisa sa isip
B. Bisa sa damdamin
C. Bisang kaasalan
IX. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman
A. Kahulugang Sosyal o pangkabuhayan
B. Kultutang Pilipino
C. Pilosopiyang Pilipino
X. Implikasyon
A. Kalagayang Panlipunan
B. Kalagayang Pangkabuhayan
C. Kalagayang Pansarili

2
SOSYEDAD AT LITERATURA 2020
Mga Akdang Pampanitikan Hinggil sa Kahirapan
 Akdang Pampanitikan 1
Sanayan lang ang Pagpatay
ni Fr. Albert Alejo, S.J.
(Para sa sector nating pumapatay ng tao)
Pagpatay ng tao? Sanayan lang ‘yan pare.
Parang sa butiki. Sa una siyempre
Ikaw’y nangingimi. Hindi mo masikmurang
Tiradurin o hampasing tulad ng ipis o lamok
Pagkat para bang lagi ‘yang nakadapo
Sa noo ng santo sa altar
At tila may tinig na nagsasabing
Bawal, bawal, bawal ‘yang pumatay.
Subalit tulad lang ng maraming bagay
Ang pagpatay ay natututuhan din kung magtitiyaga
Kang making sa may higit na karanasan.
Nakuha ko sa tiyuhin ko kung paanong balibagin ng tsinelas
O pilantikin ng lampin ang nakatitig na butiki sa aming kisame
At kapag nalaglag na’t nagkikikisay sa sahig
Ay agad ipitin nang hindi makapuslit
Habang dahan-dahang tinitipon ang buong bigat
Sa isang pang nakatingkayad: sabay bagsak.
Magandang pagsasanay ito sapagkat
Hindi mo makikita, naririnig lamang na lumalangutngot
Ang buo’t bungo ng lintik na butiking hindi na makahalutiktik.
(Kung sa bagay, kilabot din ‘yan sa mga gamugamo.)
Nang magtagal-tagal ay nagging malikhain na rin
Ang aking kamay sa pagdukit ng mata,
Pagbleyd ng paa, pagpisa ng itlong sa loob ng tiyan
Hanggang mamilipit ‘yang parang nasa ibabaw ng baga.
O kung panahon ng Pasko’t maraming paputok
Maingat kong sinusubuan ‘yan ng rebentador
Upang sa pagsabog ay magpapaalam ang nguso at buntot.
(Ang hindi ko lamang maintindihan ay kung bakit
Patuloy pa rin ‘yang nadaragdagan.)
Kaya’t ang pagpatay ay nakasasawa rin kung minsan.
Mabuti na lamang at nakaluluwag ng loob
Ang pinto at bintanang kahit hindi mo sinasadya
At may paraan ng pagpuksa ng buhay.
Ganyang lang talaga ang pagpatay:
Kung hindi ako ay iba naman ang babanat;
Kung hindi ngayon ay sa iba naming oras.
Subalit ang higit na nagbibigay sa akin ng lakas ng loob
Ay ang malalim nating pagsasamahan:
Habang ako’y pumapatay, kayo nama’y nanonood.

Gabay sa Pagsusuri:
1. Sino ang personang nagsasalita sa tula? Ano ang kanyang sinasabi?
2. Anong hayop ang pinaslang sa tula? Paano ito natutulad sa pagpaslang sa tao?
3. Ano ang ibig sabihin ng huling taludtod ng tula?
4. Kanino iniaalay ng may-akda ang tula? Sino-sino kaya sila?

3
SOSYEDAD AT LITERATURA 2020
 Akdang Pampanitikan 2
Kung Bakit Salbahe ang Salitang “Salvage”
Ni Greogorio V. Bituin, Jr.:
Wikang Ingles ang salitang "salvage" na ang ibig sabihin ay "save" o isalba, sagipin, iligtas. Ginagamit ito
lalo na sa pagsagip ng isang barko. Ngunit sa wikang Filipino, hindi pagsagip, pagligtas at pagsalba ang ibig
sabihin ng salitang "salvage" kundi ang kabaligtaran nito - pagpatay, pagpaslang, pagsalbahe sa katauhan at
katawan ng isang tao. Sa kahulugang ligal, ang "salvage" ay "summary execution" o "extrajudicial killing". Sa ating
bansa lamang masasabi na ang salitang "salvage" ay nangangahulugang pagpaslang.
Sa ating bansa, ang kahulugan ng salitang "salvage" o pagpaslang ay uminog mula sa salitang Kastilang
"salbahe" na ibig sabihin ay masama ang ginagawa sa kapwa. At dahil maraming salitang uminog na napapaghalo
natin ang salitang Kastila at Filipino, tulad ng salitang "amin" o pag-amin ay naging "aminado", napasama na rin
dito ang salitang Kastilang "salbaje" na naging "salbahe" sa Filipino na naging "salvage" sa Ingles.
Kaya maraming balita sa radyo, dyaryo at telebisyon ang nagsasabing may "na-salvage" na naman, na ibig
sabihin, may pinaslang na naman. Sa pambungad na pahina (front page) ng pahayagang tabloid na Pilipino Star
Ngayon (Hulyo 2, 2013) ay nakasulat: 4 KATAO 'SINALVAGE', NATAGPUAN SA HIGHWAY, at ang kabuuang
balita sa pahina 2 ay pinamagatang "4 'sinalvage', natagpuan". Kapuna-puna ang panipi sa salitang "sinalvage"
dahil ginawang Filipinisado ang isang salitang Ingles, na sa katotohanan ay mula sa wikang Kastila.
Mula sa pahayagang Remate: "Biktima ng salvage, natagpuan sa Maynila" by Jocelyn Tabangcura-
Domenden & Ivan Gaddia, July 19, 2013: NAKATALI ng nylon cord ang leeg, kamay at paa ng isang lalaki na
hinihinalang biktima ng summary execution nang matagpuan ito kaninang madaling araw sa Sampaloc, Maynila.
Inilarawan ang biktima na nasa edad na 25-30, may taas na 5’4 hanggang 5’5, balingkinitan ang pangangatawan,
nakasuot ng T-shirt na painted at brown khaki short pants. Nauna rito, naglalakad umano sa lugar ang di
nagpakilalang tricycle driver nang mapansin ang biktima na nakabalot sa tela at may placard na nakapatong sa
kanyang dibdib na “Snatcher ako, huwag pamarisan”. (http://www.remate.ph/2013/07/biktima-ng-salvage-
natagpuan-sa-maynila/#.UjqEptJmiSo)
Pagpaslang, pagsalbahe sa katawan, pagpapahirap, pagtiyak na wala nang buhay, itinatapon kung saan.
Natatagpuan na lamang na malamig nang bangkay. Ang mga biktima ay sinalbahe ng kung sino. Sinalvage sila.
Biktima sila ng "summary execution" o "extrajudicial killing".
Sa WikiPedia, ang "summary execution" ay ganito: "Extrajudicial killings in the Philippines are referred to
as salvage in Philippine English." (http://en.wikipedia.org/wiki/Summary_execution)
Sa artikulong "Philippine English" na nalathala sa The News Today (Online Edition) ay nakalista ang 61 mga salita
o yaong "terms common only to Philippine English", at ang pang-53 ay "salvage" na ang kahulugan ay "it means to
deprive of life; kill". (http://www.thenewstoday.info/2005/03/15/opinion6.htm)
Sa aklat na "The Activist" ng isang Antonio Enriquez, ganito niya inilarawan ang salitang "salvage":
Unknown yet to the public was Davao’s Killing Fields, where those who opposed Dictator Marcos were “salvaged,”
a coined word meaning executed. Hundreds of student activists, NPAs, and suspected communists were
murdered, after Dictator Marcos’ goons in military uniform tortured them and they were dumped like so many
carcasses in the Killing Fields—without a tombstone to mark their graves, or coffins.
(http://www.scribd.com/doc/57252924/The-Activist-by-Antonio-Enriquez)
Kahit sa mga dokumento ng iba't ibang human rights organizations, ang salitang "salvage" ay
nangangahulugang "summary execution".
Nasa kamalayan na nga ng masa ang pag-unawa sa salitang "salvage" bilang pagpaslang, bilang isang
gawaing salbahe, pagsalbahe sa kapwa, pagsalbahe sa pagkatao, na isinagawa ng mga salbahe. Nasa media na rin
ito, at nasa panitikan.
Una kong nalaman ang paggamit ng salitang "salvage" bilang “pagpaslang” noong 1989, pagkabalik ko rito
sa Pilipinas mula sa anim-na-buwang pago-OJT sa ibang bansa, nang maging front page sa magasing Philippines
Free Press ang pagkakapatay ng isang Patrolman Rizal Alih kay Heneral Batalla sa Zamboanga. At nakasulat sa
malaking titik: "SALVAGING A GENERAL". May nabasa rin akong artikulo noon na ganito naman ang pamagat:
"Salvaging Bonifacio" at itinuring ng artikulong iyon na "first celebrated salvage victim" si Gat Andres Bonifacio.
Talagang sinalbahe sila ng kanilang mga kalaban.

4
SOSYEDAD AT LITERATURA 2020

Naghahanap ako ng mga lumang panitikan kung saan ginamit ang salitang pagsalbahe, sinalbahe,
sumalbahe, nanalbahe, bilang paglalarawan sa nangyaring pagpatay. Halimbawa, ang isang taong nakitang
nakahandusay sa ilog na may tama ng bala ay sinalbahe ng kung sino. Sino ang sumalbahe sa taong iyon? Mula
doon ay maaari nating mahalukay pa ang pinag-ugatan o pinag-inugan ng salitang "salvage" na alam ng marami
ngayon.
Ang salitang "salvage" na pagpaslang ay isang pabalbal na salita o masasabi nating salitang nauunawaan
ng karaniwang tao, ng masa. Pumunta ka nga lang sa isang lugar na maraming tao at sabihin mo sa isa roon na isa-
salvage mo siya na ang iniisip mo ay ang kahulugan sa Ingles na “save”, ingat, dahil baka bugbog sarado ka, buti
kung bugbog lang, dahil ang salitang “salvage” nga ay pagpaslang at hindi pagsagip. Sa mga balitang inilatag natin
sa itaas, mapapansin nating pawang mga dinukot ang mga biktima saka itinapon na lang kung saan. Kaya bago
isinagawa ang "salvaging" sa mga biktima, maaaring ang mga ito muna'y tinortyur o pinahirapan, saka pinaslang
ang mga ito at itinapon na lamang sa lugar na sa tingin ng mga dumukot ay magliligaw sa mga imbestigador.
Kaugnay nito, may tatlong batas sa karapatang pantao na naisabatas nitong mga nakaraan, na may
kaugnayan sa pagdukot bago isagawa ang tortyur o pagpapahirap, at ang pagdukot na hindi na nakita pa ang
katawan ng dinukot. Ang mga batas na ito'y ang Republic Act 9745, o Anti-Torture Act of 2009; ang RA 10353, o
Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012; at ang RA 10368, o Human Rights Victims Reparation and
Recognition Act of 2013. Gayunman, walang nabanggit na "salvage" o "summary execution" sa RA 9745 at RA
10353.
Isang beses namang nabanggit ang "salvage" o "summary execution" sa RA 10368. Ayon sa Chapter 1, Sec.
2, 3rd paragraph ng batas na ito: "Consistent with the foregoing, it is hereby declared the policy of the State to
recognize the heroism and sacrifices of all Filipinos who were victims of summary execution, torture, enforced or
involuntary disappearance and other gross human rights violations committed during the regime of former
President Ferdinand E. Marcos covering the period from September 21, 1972 to February 25, 1986 and restore the
victims’ honor and dignity. The State hereby acknowledges its moral and legal obligation to recognize and/or
provide reparation to said victims and/or their families for the deaths, injuries, sufferings, deprivations and
damages they suffered under the Marcos regime."
Ibig sabihin, wala pang batas talaga na nagpaparusa sa mga nagsagawa ng "salvaging" o "summary
execution." Kaya nagsagawa ang ilang mambabatas ng panukalang batas hinggil dito. Noong Hulyo 2009, nagpasa
ng panukalang batas si dating House Speaker Prospero Nograles. Ito ang House Bill 6601, na tatawaging "Anti-
Salvaging Law". Nito namang Nobyembre 2012, ipinasa naman ni Kongresista Karlo Alexei Nograles (1st District,
Davao City) ang House Bill 3079 o ang "The Anti-Summary Execution Act of 2012."
Ngunit sa panahong wala pang batas na nagpaparusa sa "summary execution" ay tiyak na magagamit ang
batas hinggil sa "murder" o pagpaslang. Ngunit dapat mas linawin ang kaibahan ng dalawa. Ang "murder" ay
pagpatay na isinagawa ng sinuman sa kanyang kapwa, habang ang "salvaging" naman ay isinagawa ng mga ahente
ng estado. Paano kung hindi ahente ng estado ang nagsagawa kundi sindikato? Dapat mailinaw ito sa
magagawang batas hinggil dito. Maraming aktibista ang pinaslang ng walang awa, mga biktima ng "salvaging",
kaya ito'y masasabi nating isang krimeng pulitikal, at hindi lamang simpleng "murder".
Gayunpaman, dapat matigil na ang ganitong karahasan. Ayon nga sa International Convention on Civil
and Political Rights: "Every human being has the inherent right to life. This right shall be protected by law. No man
shall be deprived of his life arbitrarily." "[The Death] penalty can only be carried out pursuant to a final judgment
rendered by a competent court" – ICCPR Articles 6.1 and 6.2.[1]
Ang "salvage" ayon sa Merriam-Webster Dictionary ay (a) compensation paid for saving a ship or its cargo
from the perils of the sea or for the lives and property rescued in a wreck; (b) the act of saving or rescuing a ship or
its cargo; (c) the act of saving or rescuing property in danger (as from fire). Ayon naman sa Oxford Dictionary, ang
kahulugan ng "salvage" ay "the rescue of a wrecked or disabled ship or its cargo from loss at sea". Sa depinisyon ng
dalawang diksyunaryo, tumutukoy ang "salvage" sa pagsagip sa barko at sa mga kargong dala nito.
Marahil, matatagalan pa bago tumimo sa kamalayan ng masa ang kahulugang Ingles ng salitang "salvage"
(to save or to rescue), pagkat ang etimolohiya o pinagmulang salita ng paggamit ng mga Pinoy sa salitang "salvage"
ay ang wikang Kastilang "salvaje", mula sa mga mananakop na salbahe at sumalbahe sa marami nating kababayan.
Higit sa lahat, dapat nang matigil ang "salvaging" o pamamaslang na ito, at idaan sa proseso ng batas kung
sakaling sila'y may kasalanan na dapat panagutan. Kung di'y nararapat lang sadyang maparusahan ang mga
nagsasagawa ng mga "salvaging" na ito dahil hindi ito makatao, at lalong hindi makatarungan.
5
SOSYEDAD AT LITERATURA 2020

Gabay sa Pagsusuri:
1. Magbigay ng mga halimbawang gamit ng salitang salvage batay sa nabas sa sanaysay.
2. Anong uri ng sanaysay ang tekstong binasa? Ipaliwanag.
3. Bakit sinasabi ng may-akda na ang Espanyol na kahuluhan ng salvage ang mas angkop na pinagmulan ng
gamit nito sa Pilipinas?
4. Ano ang kahulugan ng salvage batay sa gamit nito sa Pilipinas?
5. Kung babalikan ang kasaysayan, kalian unang ginamit ang salitang salvage sa Pilipinas at paano ito
ginamit?
6. Bakit sinasabi ng may-akdang dapat parusahan ang mga nagsasagawa ng salvaging?
7. Paano maiuugnay ang kasaysayan ng salvaging sa Pilipinas at ang kasalukuyang mga kaso ng tokhang sa
bansa?

 Akdang Pampanitikan 3
Halaw sa
Moses, Moses
ni Rogelio Sicat
REGINA: Siya, siya panhik ka na.
AIDA: (kikilos) Kayo?
REGINA: Hihintayin ko siya. Ano na kayang oras?
AIDA: Umaga na.
REGINA: Umaga na?
(Papanhik si Aida. Maiiwan sa komedor si Regina, may nakalaylay ngayong mga hibla ng buhok sa noo. Nakatayo
siya, wala na ang antok, parang namamalik-matang nakatingin sa pinto.
(Isang taksi ang pasagadsad na hihinto sa kanilang tapat. Mapapasugod si Regina sa pinto. Kakalapag ang pinto ng
taksi. Iingit ang pintong bakal. Lalabas si Regina.)
REGINA: (sa labas) Tony! Ano’ng nangyari sa iyo?
(papasok sila, halos yakap ni Regina si Tony na sapo ang duguang kaliwang balikat. Mapapaupo si Tony sa sala,
hawak ni Regina).
AIDA: (Makakaramdam sa itaas): Kuya?
REGINA: Ano’ng nangyari sa iyo?
(Sesenyasan siya ni Tony na huwag maging maingay).
TONY: Aalis tayo rito, Inay. Dali! Gigisingin ninyo sina Ben.
AIDA: (sa itaas, pakalabog na babangon at manggigising) Tiya Ana! Ben! Ben!
TONY: Sa Nueva’y ‘cija, sa mga kamag-anak na magsasaka ni Itay. Sa Tarlac, sa Pampanga, sa bundok.
REGINA: (matatag) Hindi, Tony. Hindi tayo aalis. Susuko ka.
TONY: Inay!
REGINA: (kakapkapin kay Tony ang baril) Bigay mo sa akin ang baril.
TONY: (pipigilin ang kamay ng ina) Kailangan ko ito, Inay. Tiyak nila akong papatayin. Madali silang
makagagawa ng dahilan.
REGINA: (aagawin ang baril at ipapaloob ang baywang ng damit niyang pambahay) Susuko ka, Tony.
TONY: (tumututol) Inay, Inay---
REGINA: Ibang krimen kaysa nangyari kay Aida.
TONY: (magugulat) At ako’y kriminal?
REGINA: Pinatay mo siya.
TONY: “Huwag ninyong sasaktan ang sinumang balo o ulila sa amang bata,”habilin ng Diyos kay Moses. “ Kapag
sila’y inyong sinaktan sa anupamang paraan at silang lahat ay tumawag sa akin, ang panawagan nila’y tiyak kong
diringgin. At ang poot ko’ymaglalatang, at kayo’y papatayin ko sa tabak.” Naglalatang ang poot ng Diyos sa
masasamang kamay na umagaw at humahawak ngayon ng kanyang tabak! Sasabihin ninyong ako’y kriminal? Saan
paano kanino ako hihingi, hahanap at makapagtatamo ng katarungan? Sino ang magbibigay? Inay, ang kidlat ng
Diyos ay ihahagis ng kamay ng naaapi at ang tabak ng hustisya ay itataga sa lipunan ng mga pinagkakaitan ng
katarungan.
(Maliban sa panginginig at abut-abot na paghingal ni Aida ay matahimik silang lahat. Sa labas, maririnig na ang
mga sirenang papalapit).
6
SOSYEDAD AT LITERATURA 2020
TONY: Nariyan na sila!( Tatayo, magpapalinga-linga).
REGINA: (nakasunod) Susuko ka, Tony.
(May sisigaw sa labas ng “Calderon, napapaligiran ka na namin. Sumuko ka”.)
REGINA: (kay Ben) Buksan mo ang pinto, Ben.
(Bubuksan ni Ben ang pinto) Maayos siyang susuko. Halikayo, narito siya.
(Bunot ang mga baril, papasok ang mga pulis, karamiha’y nakauniporme, ang ila’y nakasibilyan at may mga taling
panyo sa ulo).
Hayan siya. (ituturo si Tony na nakatayo sa may komedor).
(Papasok ang alkalde, bunot ang baril. Itututok nito ang baril kay Tony nguni’t matatabig ni Regina. Sa
dingding tatama ang bala).
REGINA: Maayos siyang susuko,”Mayor”. Hayan, nariyan ang aking anak, arestuhin ninyo.
(Pagtutulung-tulongan ng mga pulis si Tony. Malakas na mapapatili si Aida.Pagkabaliti kay Tony, may kakadyot
dito, may sisipa, may papalo, may dadagok. Mapapaluhod si Tony, at makalawang makapagpapaputok si Regina
bago maagaw ng isang pulis ang kanyang baril. Babagsak si Tony).
ALKALDE: Bakit mo binaril?
REGINA: (hawak nang dalawang pulis): Kapag sinaktan ng ibang bata ang ating anak, at tayo’y walang magawa sa
nanakit sa kanya, di ba ibinubuhos natin ang parusa sa ating anak? Ang sabi ninyo’y aarestuhin ninyo ang aking
anak ano ang inyong ginagawa?
PULIS1: Inaaresto!
REGINA: Inaaresto!
PULIS II: Dadalhin namin sa presinto!
REGINA: Dito pa lamang ay pinapatay na ninyo!
PULIS III: Kalokohan!
PULIS I: Paano’y nanlalaban!
REGINA: Nanlalaban!
PULIS II: “Resisting arrest!” Ha-ha-ha!
PULIS: Nagtatangkang tumakas!
REGINA: O! O!
ALKALDE: Pinatay niya ang aking anak!
REGINA: Kayo ang batas kapag inyong anak!
PULIS I: Dadalhin namin sa husgado!
REGINA: Husgado, anong husgado?
PULIS II: Bakit ba marunong ka pa sa husgado?
PULIS III: Sa hustisya!
REGINA: Hustisya! Hustisya! Alam ba ninyo ang kahulugan ng hustisya? Kayo, “Mayor” alam ba ninyo ang
kahulugan niyan?
(Ubus-lakas siyang sasampalin ng alkalde at siya’y babagsak. Mapapayakap sa kanya si Ben).
PULIS I: Posasan iyan.
PULIS II: Masyadong makatuwiran!
REGINA: (umiiling) Hindi ninyo nalalaman, “Mayor”, ang kahulugan niyan. Hindi ninyo nalalaman.
(Malakas) Kayo, lahat kayo, hindi ninyo nalalaman ang kahulugan niyan!
PULIS III: Binaril mo ang sarili mong anak!
PULIS I: “Parricide!”
ALKALDE: Pananagutan mo ito.
REGINA: Pananagutan mo ito.
PULIS II: (hihiklatin si Ben kay Regina): Halina! Halina!
Sa presinto!
PULIS III: Sa presinto!
PULIS I: Doon ka makipagdebate.
ALKALDE: Dalhin ninyo!
REGINA: (napoposasang ilalabas): O, dalhin ninyo ako kahit saan. Sa presinto, sa korte, sa husgado, kahit
saan! Dalhin ninyo ako kahit saan. Pananagutan ko ang pagkamatay ng aking anak. Ako ang pumatay sa aking
anak!
(Papalakas) Pinatay ko ang aking anak! Sasabihin ko sa lahat na pinatay ko ang sarili kong anak. Pinatay ko ang
aking anak!

7
SOSYEDAD AT LITERATURA 2020
(Lalabas sila. Maiiwan sina Ana, Ben, at Aida. Kapuwa nakatingin sa bukas na pinto sina Ben at Ana, sinusundan ng
tingin ang mga nagsilabas. Nakalupasay sa isang tabi si Aida at umiiyak. Nasa kanyang kinabagsakan si Tony).*

Gabay sa Pagsusuri:
1. Sino-sino ang mga tauhan sa dula? Ilarawan ang bawat isa.
2. Bakit nagpunta sa unang pagkakataon ang Alkalde sa bahay nina Regina? Ipaliwanag.
3. Bakit inilagay ni Tony sa kanyang kamay ang hustisya? Ipaliwanag.
4. Para sa iyo, sapat baa ng dahilan sa ginawa ni Tony?
5. Bakit ninaril ni Regina ang sariling anak? Ipaliwanag.
6. Bakit Moses, moses ang pamagat ng dula? Ipaliwanag ang paggamit ng alusyong biblikal.
7. Ano-ano ang mga pagsasamantala at paglabag sa karapatang pantao ang ipinakita sa dula? Ipaliwanag.

 Akdang Pampanitikan 4
Paano Magpipista Kapag Dalawang Taon nang Nawawala ang Anak Mo?
ni Rolando Tolentino

HINDI ko kilala sina Nanay Connie at Tatay Oca. Kaya rin nag-atubili ako nang maimbitahan ng kakilala ng
kakilala na dumalo sa pista sa kanilang baranggay sa Masinloc.

Ang inisip ko, hindi pa ako napunta sa bahaging ito ng Pilipinas. Kaya mabuti itong pagkakataon. Hindi ko
akalain na anim na oras pala ang biyahe, at tunay na puwedeng magluto ng pandesal sa upuan namin.

Hindi tapos na bahay sa looban ang sa mag-asawa. Pangmeryendang oras na kami dumating. At dahil madalas
ang kantiyawan sa stopover na huwag magpakabusog, nagmistula kaming hayok nang isa-isang inilabas ang pagkaing
itinago para sa grupo.

Ang mga hipon at talangka ay huli sa pangunguryente sa dalampasigan. Ang inihaw na bangus ay galing sa
fishpen sa baybayin. Hindi na umabot ang malagkit na kanin. Napanis na sa kaantay dahil ilang oras pa lamang
nagkakaroon ng kuryente, matapos ang bagyo ilang araw pa lang ang nakararaan.

May refrigerator cake din na inihanda. At dahil pista, labas-pasok ang mga tao. Maraming ipinakikilala, at nag-
uusyoso ang mga kapitbahay. At nang matapos ang mabilis na pagkain, nag-usap naman kung ano pa ang gagawin
kinabukasan.

Gusto raw mag-beach ng mga batang lalakeng kasama namin. Sige, magpipiknik daw, sabi ni Nanay Connie. At
inilibot niya kami sa kapaligiran ng bahay. Nagtumba ang mga puno ng mangga sa taniman ng kapitbahay.

Naglipana ang pagkarami-raming manok sa bakuran. Na sabi nga ni Nanay Connie, ayon kay Tatay Oca,
puwede raw silang kumain ng isang manok araw-araw at di mauubos ang mga ito ng isang taon. Imbes na ang tirang
pagkain ay ipakain sa aso, mga manok ang naghahabulan sa mumo.

Nag-posing kami sa isang nabuwal na puno ng manggang inakyat. Naging musmos ang lahat. Pinagtatawanan
ang lahat nang puwedeng mapagtawanan: laki ng mga katawan ng kasama, imahinaryong pag-aaring asyenda, pati ang
kakulitan ng tahimik at cute na apo ng mag-asawa.

Natuloy ang pagpunta sa beach. Umarkila sila ng isa pang tricycle para magkasya ang grupo. Puwedeng mag-
surfing sa beach sa Masinloc. Malakas ang alon dahil kababagyo nga lang. Kami ay nasa pampang lang at nag-aantay
itulak ng inaabangang alon.

Hindi pa nakuntento sa beach. Dinala rin kami sa ilog na pinagpipiknikan ng iba pang grupo. Nagtatalunan ang
mga musmos at teenager sa ilog, samantalang ang grupo namin ay nagbababad lamang sa tagiliran ng ilalim ng kalsada.

8
SOSYEDAD AT LITERATURA 2020
Sa panahon ng digicam, walang takot na magkukuha ng pix. ‘Yung dalawang lalake ay panay ang posing dahil
ilalagay raw nila sa kanilang Friendster. Dinala kami ni Nanay Connie sa kanyang paaralan. Prinsipal siya at nakasaad ito
sa mga marker. Kami na ang pumansin nito.

Hapon na nang bumalik kami sa bahay. Malakas ang buhos ng ulan. Gumagayak na kaming bumalik sa aming
buhay sa Manila. Si Nanay Connie ay naghahanda ng pasalubong package para sa lahat: suman, mangga, kasoy wine,
daing, at langka. Bawat isa sa amin ay binigyan niya rin ng trucker’s cap.

Napayakap ako kay Nanay Connie. Gaya nang ibang nauna sa akin, hinalikan ko rin siya sa pisngi na para ko
ring nanay. Tinapik ang balikat ni Tatay Oca. Naglakad kami habang nag-aantay ng tricycle pabalik sa sakayan ng jeep.

Iniisip ko, para lang ba kaming multong nagpakita sa mag-asawa? Na tulad ng mga diplomang naka-laminate sa
dingding at graduation picture ni Karen Empeño, estudyanteng dinampot at magdadalawang taon nang nawawala, ay
nagpaparamdam nang alaala ng pagkakamit at kawalan? Nang pag-aantay at pagbabakasakali?

Dumating kami pero hindi umalis. Dumating din sila sa amin at hindi kailanman aalis pa.

Gabay sa Pagsusuri:
1. Anong uri ng sanaysay ang tekstong binasa? Ipaliwanag.
2. Saan nagpunta ang nagsasalita sa sanaysay? Ano ang kasiyahan?
3. Sino sina Nanay Connie at Tatay Oca? Ano ang kanilang dinanas?
4. Sino naman si Karen Empeno?
5. Tila normal na pagsasalaysay ng pagdalaw sa pistahan ang sanaysay ni Tolentino. Paano ito ginamit ng
may-akda upang ipakita ang hinagpis na pinagdadaanan ng pamilya? Ipaliwanag.
6. Ano ang kahulugan ng huling linya sa sanaysay: Dumating kami pero hindi umalis. Dumating din sila sa amin at
hindi kailanman aalis pa?.

 Akdang Pampanitikan 5
Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan
ni Amado V. Hernandez

Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha


Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,


Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop


Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,


Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
9
SOSYEDAD AT LITERATURA 2020
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,


May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!

Gabay sa Pagsusuri:
1. Sino ang personang nagsasalita sa tula?
2. Sino ang kausap ng persona sa tula?
3. Ano ang damdamin ng personang nagsasalita sa tula? Ipaliwanag.
4. Ano ang historical na kahalagahan ng labintatlo ng Agosto? Ipaliwanag.
5. Sino sina Huli at Sisa at bakit ginamit ang alusyong pampanitikang ito sa tula? Ipaliwanag.
6. Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika. Makabuluhan pa ba ng taludtod na ito sa kasalukuyan?
Ipaliwanag.
7. Ano-anong pambansang suliranin ang binaggit sa tula? Isa-isahin at ipaliwanag.
8. Ano ang panawagan ng tula sa bandang huli? Ipaliwanag.

10
SOSYEDAD AT LITERATURA 2020
Mga dapat at kailangang gawin para sa leksyon na ito:

1. Sagutan sa hiwa-hiwalay na papel ang bawat “Gabay sa Pagsusuri” matapos basahin ang limang akdang
pampanitikan..
2. Pumili ng tatlo (3) sa limang (5) akdang pampanitikang nakapaloob sa modyul.
3. Suriin ang napiling tatlong (3) akdang pampanitikan gamit ang Format ng Pagsusuri na naidiskas sa klase.
4. Sagutan ang “Pagsusulit” p73-74.

Note:

 Huling araw ng pagpasa ay hanggang Sabado, 5pm. (Pero kung walang sapat na data o internet connection para
makapagpasa, maari lamang magpasa ng katibayan na natapos o nagawa na ang mga ipinapagawa)
 Maaring isulat sa papel ang mga tanong at sagot kapag walang magamit na laptop o kompyuter.
 Siguraduhin lamang na mababasa ang iyong sulat. At iwasan ang burat (erasures)
 Mga Gabay sa Pagsusuri lamang ang maaring isulat sa papel.
 Ang sagot sa “Pagsusulit” ay sa mismong libro isusulat. (Sa pasukan na kokolektahin)
 MS Word format (soft copy) kailangan maipasa sa guro bago o sa mismong deadline.
 Mga sagot na isinulat sa papel, i-iskan ang sagot at gamit ang dowloadable na mobile scanner ipasa sa guro ang PDF file
bago o sa mismong deadline.
 Ang pagpapasa ay pwedeng sa “messenger” o sa email chiaki.kiseo14@gmail.com

For Foreign Students:

 You are not exempted for the activity.


 You may use google or any app to translate the stories, essays, and poems.

Any queries will be entertained for as long as you will personally


message me.
Refrain from going outside. Stay home.
Keep safe and free from COVID-19!
God Bless.

11

You might also like