You are on page 1of 2

1986 at 1996: sa Mendiola, sa Edsa at sa Kung Saan-Saan

Ni ROLANDO A. BERNALES

1. Kagabi, Sa Panaginip.. Noon, Sa Mendiola ..


Malamig pa rin ang simoy ng hangin kahit Pebrero na. ngunit kagabi, pinagpapawisan ako
ng bigla akong mapabalikwas sa pagkakahimbing. Kasi’y napanaginipan ko si Rex. Takang-taka ako.
Pagkalipas ba naman ng sampung taon, saka pa siya pumasok sa panaginip ko. Naisip ko tuloy, baka
minumulto na niya ako. Pero bakit ngayun lang? noo’y ilang ulit kong ipinanalangin ang
pagmultuhan niya nang maipagtapat ko ang mga bagay na pinanghihinayangan kong hindi nasabi
sa kanya. At kung ilang ulit kong hinintay ang pagdalaw ng kanyang multo ay gayong ulit din akong
nabigo.
Kagabi, muli kong nakita nag mga pangalan at akronim ng ibat-ibang samahan sa mga placard,
bandila, istrimer at kartelon – KMU, KMP, PKP. SANDATA, KADENA, MABINI, MAS, GABRIELA, LFS,
KASAPI, SANDIGAN, at iba pang dati rati’y itinuturing kong mga pangalan at akronim lamang,
laman ng mga balita sa pahayagan o duming nakapaskil o nakapinta sa mga pader, poste o tulay sa
kung saan-saan.
Muli, naramdaman ko ang pag-aalinlangan sa pagkakatagpo at sa aking sarili sa gitna ng
mga hanay na iyong halos katnig-katnig. Katulad noon, bahagya kong kinainisan ang pagsisiksikan.
Dangan kasi’y halos magkapalitan na kami ng pawis at halos magkalanghapan na kami ng alingasaw
at kung sinu nasa harap, likod o tabi. Ang alingasaw ay lalo pang pinasangsang ng singaw ng
semento, lagablab ng araw at alikabok ng daan. Nakatutulig ng tenga ang kanilang mga basag na
sigaw, ngunit dahil paulit-ulit ay nakamamanhid din. Pinagtakhan ko ang aking sarili na sa kabila
ng bahagyang pagkairita sa kanilang paulit-ulit na pagsigaw ay nagawang makisigaw na rin ng ilang
sandali lamang. Ibagsak ang Imperyalistang Kano! Ibagsak! Pasistang Militar, Lansagin! Lansagin!
Political Detainess, I-Release! I-Release! Ang mga sigaw ay nagkakaroon ng himig magkaminsan at
muling nagbabalik sa dumadagundong at basag na sigaw.
Napatianod ako sa galaw ng hanay. Minsa’y bumibilis ang aking mga hakbang sa tulak na rin
ng aking mga nasa likuran. Walang maaring makalabas ng hanay. Ang mga nasa labas ng hanay ay
hindi rin makakapasok. Ang magkabilang panig ng hanay kasi ay nakukurdunan ng mga kasamang
magkakapit-bisig at kasabay sa pag-usad naming mga nasa gitna. Kilalanin ang inyong mga katabi!
Huwag magpapasok ng iba sa inyong hanay
Tinahak namin ang Quezon Boulevard. Kasabay ng bawat bagsak ng aming nakatali sa
ibabaw ng isang jeep sa aming likuran. Snap Election.. umugong sa pagtugon sa paligid. Boykotin!
Boykotin! Boykotin! Boykot! Boykot! Waring sinisilaban ang mga paa ng mga kasama sa hanay,
waring nagmamadali Men-dio-la! Men-dio-la! Sa Mendiola, sinalubong kami ng isang maugong na
sigaw at palakpakan ng mga naunang nagsipagdatingan. Sa pakiwari ko’y sa ibang lugar pa sila
nanggaling. Tumigil sa pag-usad ang hanay. Ngunit ipinagtaka kong wala ni isa man ang nauupo o
naghahanap ng lilim na mapagpapahingahan. Sa isip-isip ko, Hindi pa ito ang aming destinasyon,
hindi pa tapos…… saka ko lamang napansin ang mga pulis, sundalo at bumberong nakahanay sa
likod ng barbwire na nakaharang sa daan. Mabilis na gumapang ang anasan sa loob ng hanay. May
gumapang ding takot sa aking kalamnan nang muling magbigay ng babala ang isang kasama.
Kilalanin ang inyong mga katabi! Kapit-bisig! Walang bibitiw! Walang aatras! Walang aatras!
Ilang hakbang pa lang naming pasulong ay biglang nagkagulo sa gawing unahan ng hanay.
May mga putok na umalingawngaw. Dipa-dipa ang kapal ng mga tubig na ibinuga ng malalaking
hose ng mga bumbero. Parang alimuom ang kumalat na teargas sa hangin. Naputol ang pagkakapit-
bisig. Nagkawatak-watak ang kurdon. Nagkalampagan ang mga placard sa semento.
Nagsipagbagsakan ang mga bandila at istrimer. Nagkatakbuhan. Nagkapatiran. Nagkadaganan.
Hiyawan. Sigawan. Tiliian. Iyakan. Dinig ko ang mga lagutok ng mga batuta sa ulo, batok. likod,
dibdib tuhod ng mga kasama. Sipa. Tadyak. Suntok. Dumampot sila ng kung anung maibabato.
May humablot sa aking manggas. May humila sa aking kamay. Matagpuan ko ang aking sariling
papalayo. Hinabol ko ang sasal kong pahinga. Naghabulan din ang malalakas na kabog sa aking
dibdib. Habang kinaladkad ako ng aking mga paa paatras ay nakita ko si Rex na nakasubsob sa
ibabaw ng mga nabitawang istrimer at kartelon, sa gitna ng mga naiwanang tsinels at sapatos.
Nakalupasay na siya’y pinaghahampas pa rin siya ng isang pulis. Kitang-ita ko nang tumagas ang
dugo mula sa kanyang noo. May pumatak na dugo sa mga pulang bandilang nakasalampak sa
semento.
Gayung-gayon din ang nakita ko sampung taon na ang nakalilipas. Gayung-gayon din ang
nangyari noon, katulad ng sa panaginip ko kagabi. Ngunit kagabi, bago ako nagising, kaiba sa
nangyari noon, nagawa pang iangat ni Rex ang kanyang duguang mukha upang pagtamain ang
aming kapwa manlilisik na mga mata.

You might also like