You are on page 1of 2

Replektibong Sanaysay – Tanging Yaman

Pamilya ang isa sa mga sandigan natin mula pagkabata hanggang sa magkaisip. Sila iyong palaging
nandiyan sa tuwing masaya tayo, nalulungkot o di kaya naman ay nasasaktan. Nagmistulang tahanan
natin sa haba ng panahon at kung wala sila ay malamang wala rin tayo.

Nang mapanood ko ang pelikulang ‘Tanging Yaman’ na tumatalakay sa istorya ng isang ina na nagkaroon
ng Alzheimer at kanyang tatlong anak na nagkawatak watak dahil sa hindi pagkakaintindihan, unang
labing-limang segundo pa lamang ay naantig na ang puso ko. Lalo na iyong parte kung saan itinanong ng
batang apo ng matanda kung hindi ba nalilito ang Panginoon dahil sa dami ng hiling ng bawat tao at iba-
iba pa ito. Sagot ng lola ay alam niyang gusto ng apo niya na bumili ng lobo sa labas pagkatapos ng misa
at tila napahanga ang apo kung paanong nalaman iyon ng kanyang lola. Sinabi ng lola na dahil iyon sa
mahal niya ang kanyang apo kaya alam niya ang makapagpapasaya dito at ganoon din ang Panginoon,
mahal niya tayo kung kaya’t alam niya kung ano ang mga magpapasaya sa atin. Maaaring hindi niya
ibinibigay ang mga hiling natin dahil makasasama ito para sa atin o di kaya naman ay dahil hindi pa ito
ang tamang panahon. Isa lamang ito sa mga pinakatumatak sa isip ko habang pinapanood ang pelikula.
Kasama rin dito ang pag-aagawan ng magkakapatid sa lupa na balak nilang ibenta. Dito nasukat ang
pagmamahalan nila sa isa’t-isa lalo na sa kanilang magulang dahil noong mga panahon na nagkakagulo
sila ay doon nagkasakit ang kanilang ina. Naging makalilimutin ito at halos wala nang maalala. Mas
lalong umusbong ang galit ni Art na ginampanan ni Edu Manzano dahil noon ay pinakawalan niya ang
galit na matagal nang nakatanim sa puso niya. Galit sa ama at ina, at lalo na ang inggit sa kapatid na
matagal na niyang itinatago. Kinwestiyon niya ang ina sa lahat ng nangyari sa kanya. Kung bakit hinayaan
lang siya nitong saktan ng kanyang ama at kung bakit wala siyang ginawa para tulungan ang anak
samantalang ang kanyang kuya Dani, sa kabila ng pagiging pasaway ay punong-puno pa rin ng
pagmamahal mula sa mga magulang. Ipinakita rin ang isyu ni Art sa kanyang sariling pamilya at ang isyu
ni Grace na ginanapan ni Dina Bonevie sa kanyang asawa. Sobrang daming gulong nangyari hanggang sa
isang araw sa sobrang galit ni Art sa kaniyang anak na si Romel na ginanapan ni Jericho Rosales, ay
umalis si Romel sa kanilang bahay. Malakas na ulan ang sumalubong dito at sa hindi inaasahang
pangyayari ay sumabit ang kanyang sasakyan sa malaking bato hanggang sa tumaas na ang tubig at
tuluyan na siyang dalhin nito. Labis na pag-aalala at takot ang naramdaman ng kanyang pamilya lalo na
ang kanyang ina’t ama. Kalaunan naman ay nailigtas din siya sa tulong ng pananalig ng buong pamilya sa
Panginoon at dahil sa pangyayaring ito ay nagkabati si Dani at Art. Nawala ang alitan sa kanilang pamilya
dahil doon nila nalaman ang kahalagahan ng bawat isa. Napagtanto nilang hindi pera o narating ng isang
tao ang mahalaga kundi ang suporta at pagmamahal ng pamilya. Napaisip din tuloy ako na oo, mahalaga
ang pera pero aanhin mo ang pera kung may mga tao ka naming nasasaktan at naaapakan? Kung iyong
mga taong nagmamahal sayo ay nakalimutan mo na dahil sa pagiging sakim at pagkakaroon ng galit sa
puso?

Sa pamamagitan ng pelikulang ito ay naunawaan ko ang kahalagahan ng pamilya at pananalig sa


Panginoon. Kung minsan kasi ay nakakalimutan na natin na importante nga palang mahalin natin ang
mga taong nakapaligid sa atin. Maikli lang ang buhay, hindi mo alam kung bukas ba makakasama mo pa
rin sila, kaya habang nandiyan pa sila sa tabi mo ay iparamdam mo na sa kanila na mahal mo sila at
palagi ka lang nariyan para sa kanila. Isa pa ay matuto tayong lumapit sa Panginoon hindi lamang kapag
may kailangan tayo kundi pati na rin kapag gusto nating magpasalamat at humingi ng kapatawaran sa
mga bagay na nagawa natin. Dahil ang pamilya at ang Panginoon ang palaging gagabay at uunawa sa
atin ano pa man ang mangyari. Sila ang ating panghabang buhay na tanging yaman.

You might also like