You are on page 1of 3

NOBENA KAY SAN JOSE | UNANG ARAW

Marso 10

Sa ngalan ng Ama (+) at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen

PAGSISISI

Panginoon kong Jesukristo, Diyos na totoo at tao namang totoo, gumawa at sumakop sa akin.
Pinagsisihan kong masakit na masakit sa tanang loob ko ang dilang pagkakasala ko sa Iyo, sapagkat Ikaw
nga ang Diyos ko na iniibig ko nang lalo sa lahat. Nagtitika akong matibay na di na muling magkakasala sa
Iyo at nagtitika naman akong magkumpisal ng mga kasalanan ko. Umaasa akong patatawarin mo rin
alang-alang sa Iyong mahal na Pasyon at pagkamatay Mo sa Krus dahilan sa akin. Siya nawa.

PAGBATI KAY SAN JOSE

Pinupuri kita, o butihing San Jose, isang taong sumunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat ikaw ang napili
Niya bilang esposo ng Kanyang kalinis-linisang Ina at Amang-tagapag-alaga ni Jesukristo. Sa iyo ay
ipinagkatiwala ang pag-aalaga sa pinakabanal na lupa. Sa iyo ay ipinadala ang isang anghel upang ihayag
ang mga kahanga-hangang misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos at ang banal na kalooban
Niya sa aking kaligtasan.

O aking Ama at tagapagtanggol, San Jose, isang malaking biyaya sa iyo na mabuhay na kasama ni Jesus
at Maria, makibahagi sa kanilang galak at kalungkutan, mag- aruga sa pamamagitan ng trabaho, at
maging matiisin sa lahat ng pagsubok. Sinunod mo rin ang lahat ng mga udyok ng langit nang buong
katapatan at inihandog mo ang iyong buhay sa Diyos nang buong pagtitiwala.

San Jose, ang banal na buhay mo nawa ay maging uliran sa akin, at kung sakaling ang paggawa ng
mabuti ay maging mahirap sa akin, ipagkamit mo na ako’y magkaroon ng biyaya at lakas ng loob na
sumunod sa iyong mga yapak, ikaw na nagpakita ng mabuting halimbawa sa isang pamumuhay sa piling
ng Diyos.

Dumating nawa ang sandali na sa iyong pamamagitan, ay maging dapat ako sa mga pagpapala ni Jesus at
Maria upang sa langit ay makapiling ko rin sila na kasama mo. Siya nawa.

PAGHAHANDOG KAY SAN JOSE


Dakilang San Jose, banal na esposo ng Ina ng Diyos at amang-tagapag-alaga ng Niño Jesus, inihahandog
ko sa iyo ang buong buhay ko, kasama ng aking mga kaisipan, damdamin at gawain. Nagpapasalamat din
ako sa iyo sa lahat ng biyayang nakamtan ko sa Diyos na iyong pamamagitan, at nawa’y ang lahat ng
ito’y makatulong sa akin upang makarating ako sa buhay na walang hanggan.

Alalahanin mo, mahal kong pintakasi at tagapagtanggol, ang aba kong buhay ay hingin mo kay Jesus at
Maria na ako’y pagkalooban nila ng biyayang mabuhay na isang tunay na Kristiyano. Itinataas ko ang
aking isip at puso sa iyo at hinihiling ko na ako’y ipanalangin mo upang magtamo ng mga pagpapala ng
Kamahal-mahalang Puso ni Jesus at kalinis-linisang Puso ni Maria.

Masdan mo ako sa iyong harapan na nagsusumamo sa iyong bendisyon at humihingi ng iyong tulong
upang magkamit ako ng galak at kasiyahang-loob sa aking mga gawain. Patnubayan mo ang lahat ng
aking mga nasa at nang ako’y maging dapat sa biyaya ng mabuting kamatayan. Alang-alang kay
Jesukristong aming Panginoon. Siya nawa.

PANALANGIN SA UNANG ARAW

O dakilang San Jose, uliran ng isang buhay na tigib ng pananampalataya, pagningasin mo sa akin ang
gawang kabanalang ito at nang ang lahat ng gawain ko’y masalig sa pananampalataya sa Diyos. Maging
gabay ko sana ang pananampalatayang di-magmamaliw, sapagkat ang buhay ko’y nangangailangan ng
aliw sa mga pagsubok at tukso laban sa kalinisan.

Sa piling ni Jesus at Maria, tulungan mo akong makibahagi sa lahat ng mga karapatan at pagpapala ng
katubusan sa mga anak ng Diyos at tanglawan mo ako upang magampanan ko ang lahat ng aking
tungkulin sa Diyos, sa aking sarili at sa aking kapwa tao.

San Jose, ako’y dumudulog sa iyo sa oras ng pangangailangan, at nagsusumamo rin kay Santa Mariang
Birhen na iyong esposa na makamtan ko ang layunin sa pagsisiyam na ito, kung nauukol sa lalong
kaluwalhatian ng Diyos at kagalingan ng aking kaluluwa. Siya nawa.

(Banggitin ngayon ang kahilingan at magdasal ng tatlong Ama namin sa karangalan ng Banal na Angkan.)

ANG MEMORARE

Alalahanin mo, kalinis-linisang esposo ni Maria, San Jose, na kailanman man ay di narinig na may lumapit
sa iyo na hindi mo pinakinggan. Ako na rin ang saksi na ang iyong pagtangkilik sa mga dumudulog sa iyo
ay hindi mo kailanman ipinagkait.
Dahil sa bagay na ito, tigib ng pagtitiwala sa iyong kapangyarihan kay Jesus, ako’y humaharap sa iyo at
humihingi ng iyong kalinga at saklolo. Huwag mong siphayuin ang aking pagsamo kundi ito’y iyong
dinggin at ihandog sa Diyos upang lalong maging karapat-dapat sa kanyang kalooban. Siya nawa.

PANGWAKAS NA PANALANGIN

O dakilang San Jose, magdalang-lugod ka sana sa akin upang tanggapin ang pag-aalay kong ito ng mga
panalangin at pagpapakasakit upang ako’y maging karapat-dapat sa iyong mga pagpapala, ikaw na aking
ama, tagapagtanggol at tanglaw sa aking kaligtasan.

Ipagkamit mo sa akin ang isang malinis na puso at maalab na pamimintuho sa Diyos. Gayon din,
mangyari nawang ang lahat ng aking mga iniisip, sinasalita at ginagawa ay maayon sa kalooban ng Diyos
sa pamamagitan ng iyong pagsaklolo sa akin.

O Banal na Jose na amang-tagapag-alaga kay Jesus at esposo ni Maria, ipanalangin mo ako araw-araw sa
kanila, upang sa bisa ng grasya ng Diyos ay makarating akong maluwalhati sa tunay na hantungan ng
aking buhay. Siya nawa.

MGA PAGHIBIK

O San Jose, ipagkamit mo sa akin ang isang malinis na pamumuhay.

San Jose, maligtas nawa ako sa iyong pamamagitan.

San Jose, ipanalangin mo ako ngayon at sa oras ng aking kamatayan.

Sa ngalan ng Ama (+) at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.

You might also like