You are on page 1of 24

La Memoria De Corazon

Unang Kabanata

Filipinas, 1870

Umagang-umaga pa lamang ay nagsimula nang magsaing ang nag-iisang anak na babae ni Mang
Dominador para sa agahan nilang lahat. Sa kanilang limang magkakapatid, si Lucinda lamang ang nag-
iisang babae kung kaya'y siya ang palaging gumagawa ng mga gawaing bahay. Magandang dilag si
Lucinda. Makinis ang kanyang morenang balat, sakto lamang siya sa tangkad, abot hanggang bewang
ang umaalon nitong makintab na buhok, bilugan ang kanyang mga mata, sakto lamang ang tangos ng
kanyang ilong at maninipis ang kanyang kulay rosas na labi. Mabait din siya kung kaya't mahal na mahal
siya ng kanyang pamilya.

"Lusing, handa na ba iyan?" Wika ng kanyang Itay nang makalabas ito sa kwarto. Sumilay ang matamis
na ngiti sa labi ng dalaga atsaka tumango. "Kung maaari ay iyong madaliin ang pagluluto. Sapagkat
malapit nang suminag ang araw. Maaga pa kami dapat sa trabaho." Sinunod ng dalaga ang utos ng
kanyang ama. Sakto namang nagsilabasan na ang kanyang mga kuya at ang kanyang ina nang siya'y
natapos.

Naninilbihan bilang kutsero si Mang Dominador sa pamilya Hermoso at tagapagsilbi naman ang asawa
nitong si Manang Theresa. Ang kanyang mga kuya naman ay iba-iba rin ang mga pinagtatrabahuan.
Nagsasaka ang kanyang Kuya Berto sa lupain ng mga Hermoso, ang kanyang Kuya Dioniso naman ay
naninilbihan bilang taga-alaga ng mga hayop ng pamilya Rodriguez, namamasukan naman bilang
hardinero sa hacienda Madrigal ang kanyang Kuya Kiko, at sa pamilya Francisco naman naninilbihan
bilang karpintero ang kanyang Kuya Romano. Umuuwi lamang ang mga ito tuwing Sabado't linggo at
umaalis tuwing Lunes ng umaga kaya naman naiiwan si Lucinda na mag-isa mula Lunes hanggang
Biyernes ng hapon.

"Inay, Itay." Pambabasag ng dalaga sa katahimikan. Nagsimula na kasi silang kumain ngunit ni isa ay
walang nagsasalita. Bukod doon, mayroon din siyang ibig sabihin. "N-nais ko po sanang magtrabaho."
Kinakabahan si Lucinda nang sabihin niya iyon. Batid niya kasing may posibilidad na hindi siya payagan
ng kanyang Itay.
Singkwentay-nuebe anyos na si Mang Dominador at singkwentay-siyete naman ang kanyang asawa.
Ngunit kahit na may katandaan na sila, malakas parin ang kanilang pangangatawan at sadyang
nakakatakot parin kung magalit ang kanyang Itay.

Nagkatinginan ang lahat. Iniisip nila kung ano ang nararapat na isagot sa dalaga. Batid din kasi nila na
matagal na nitong nais magtrabaho.

"Nasa saktong edad naman na si Lusing, Itay. Nararapat lamang na siya'y magtrabaho na." Nakangiting
wika ni Romano. Sa kanilang lahat, siya ang pinakamabait at ang pinakamalapit kay Lucinda. Palagi
nitong pinagbibigyan ang mga bagay na nais gawin ng dalaga at sinusuportahan siya nito sa anumang
bagay na nakakapagpabuti sa kanya.

"Saan ka naman mamamasukan?" Singit naman ng panganay na si Berto. Kabaliktaran naman siya ni
Romano. Istrikto ito at sadyang nakakatakot ding magalit gaya ng kanilang Itay.

Napayuko si Lucinda sapagkat hindi pa niya batid kung saan siya maninilbihan. "H-hindi ko pa po alam
kung saan ako maninilbihan. Ngunit sisikapin ko pong maghanap ng sa ganoon ay makatulong naman
ako sa ating pamilya. Hindi ko rin nais na maiwan dito sa ating tahanan at maghintay sa inyo hanggang
sa araw ng Sabado. Nakakalungkot po ang mag-isa." Malungkot na saad nito. Tahimik siyang
nananalangin na nawa'y mahabag sa kanya ang kanyang pamilya at pagbigyan siya ng mga ito, lalong-
lalo na ang kanyang Itay at Kuya Berto. Wala naman siyang problema sa ibang kasapi sapagkat batid
niyang suportado siya ng mga ito.

"O siya. Maaari kang magtrabaho." Desisyon ni Mang Dominador. Napangiti naman ang dalaga dahil sa
wakas ay pinayagan na siya nito. "Ngunit, ako na mismo ang maghahanap ng trabaho para sa iyo.
Dumito ka muna sa ating tahanan at hintayin mo kaming makabalik. Kakausapin namin ng iyong ina si
Don Gregorio kung maaari kang mamasukan bilang tagapagsilbi." Tumango si Lucinda at hindi na
mawala sa kanyang labi ang kanyang mga ngiti. Animo'y lumulundag ang kanyang puso sa tuwa.

"Ngunit... Paano kung hindi papayag si Don Gregorio, Itay?" Tanong ni Berto. Natigilan silang lahat at
napaisip. Nawala ang ngiti ni Lucinda nang marinig iyon. Posible nga namang hindi papayag ang Don
sapagkat pihikan ito sa pagpili ng kanyang mga tagapagsilbi. Naging tahimik sila dahil sa tinuran ni Berto
at nagpatuloy na sila sa pagkain nang walang nagsasalita. Matapos kumain ay nagpaalam na ang lahat
kay Lucinda. Ngunit bago tuluyang umalis, pinagaan muna ni Manang Theresa ang loob ng nag-iisang
anak na babae upang mapawi ang lungkot nito at mabuhayan ng pag-asa.

Makalipas ang ilang araw, bumalik sina Mang Dominador bitbit ang malungkot na balita para kay Lusing.
Hindi na raw tumatanggap ng bagong tagapagsilbi si Señor Gregorio. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat
na nagsisinungaling lamang si Mang Dominador at Manang Theresa sapagkat nais niyang sorpresahin si
Lucinda sa darating na kaarawan nito.

"Wag ka nang malungkot, Lusing. Aking naulinigan sa bayan na naghahanap raw ng bagong tagapagsilbi
ang pamilya Castillo. Pinalayas daw kasi nila ang dalawa sa kanilang mga tagapagsilbi sapagkat nagnakaw
raw ang mga ito. Maaari kang magtrabaho roon." Tila nabuhayan ng loob ang dalaga nang marinig niya
iyon galing sa kanyang Kuya Kiko.

Pinandilatan naman ni Mang Dominador si Kiko sapagkat masisira ang kanilang sorpresa. Hindi pa kasi
nila nasasabi sa kanilang mga anak na lalaki ang tungkol sa kanilang plano. Napakamot nalang si Kiko sa
kanyang ulo sapagkat hindi niya batid kung bakit palihim siyang pinandidilatan ng kanyang Itay.

"Kilala ang pamilya Castillo sa pagiging malupit nito sa kanilang mga tagapagsilbi. Hindi ako
makakapayag na doon mamamasukan si Lucinda." Seryosong tugon ni Mang Dominador dahilan upang
malungkot si Lucinda. Bukod sa kanilang sorpresa, hindi talaga ibig ni Mang Dominador na manilbihan
ang kahit na sino sa kanyang mga anak sa pamilya Castillo.

"N-ngunit...h-hindi naman siguro sila magiging malupit kapag wala akong gagawing masama, Itay." Gulat
na napatingin si Manang Theresa kay Lucinda at pinisil niya ang mga kamay nito. Hindi niya lubos maisip
na magagawang kontrahin ng kanyang anak ang desisyon ng kanyang asawa dahil lamang sa kagustuhan
nitong magtrabaho. Ngunit naiintindihan niya rin ang kanyang anak sapagkat hindi magtatagal at mag-
aasawa na ang kanyang mga anak na lalaki kung kaya'y kailangan na nitong magtrabaho.

"Huwag mo nang kontrahin ang desisyon ng iyong ama, anak. Kahit ako ay tutol rin na ikaw ay
mamasukan sa pamilyang iyon. Batid mo naman siguro ang usap-usapan tungkol sa pamilyang iyon,
hindi ba?" Malumanay na pakiusap ni Manang Theresa.
"Ngunit Inay... Nais ko pong tumulong. Ayoko ko pong umupo lamang dito sa loob ng ating tahanan at
walang gagawin. Batid ko pong marami tayong pinagkautangan at hirap na hirap tayong bayaran ang
mga iyon. Atsaka---" Hindi na natapos ng dalaga ang sasabihin sapagkat biglang sumingit ang kanyang
Itay.

"Hindi mo na ba gagalangin ang aking desisyon ngayon, Lucinda?" Seryosong saad nito dahilan upang
matigilan at manginig sa takot ang dalaga. Maging ang kanyang mga Kuya ay natakot din sa tono ng
pananalita ng kanilang ama. Lingid sa kanilang kaalaman na umaarte lamang ito para sa katuparan ng
plano nilang mag-asawa. "Ang sabi ko, hindi ka maaaring maninilbihan sa pamilyang iyon.
Nagkakaintindihan ba tayo?" Wala nang nagawa si Lucinda kundi ang tumango. Gustuhin man niyang
mamasukan na lamang sa pamilya Castillo, ngunit hindi niya rin naman matiis kapag nagkaroon ng
hidwaan sa pagitan nila ng kaniyang Itay.

*********************************************

Araw ng Martes, maaga pang tumungo sa bayan si Lucinda upang mamili ng isda. Bago kasi umalis ang
kaniyang Itay kahapon, ibinilin nito na magtungo sa bayan ngayong araw at ihatid sa hacienda Hermoso
ang mga biniling isda sa pamilihan. Nagtataka man ang dalaga, sinunod parin nito ang utos ng kaniyang
Itay.

Mga tatlong kilometro ang layo mula sa kanilang tahanan patungong bayan kung kaya't alas kuwatro
palang ng madaling araw ay naglakbay na si Lucinda papunta roon. Mayroon silang nag-iisang kabayong
pinamana pa ng kaniyang lolo sa kaniyang Itay at marunong naman siyang patakbuhin iyon. Nang
marating ang bayan, agad siyang nagtungo sa palengke upang bumili ng tatlong kilong isda.

"Ilan po ang halaga ng tilapyang ito para sa tatlong kilo, Aleng?" Magalang na tanong ni Lucinda sa
nagtitinda ng isda. Ibinilin din kasi ni Mang Dominador na tilapya ang kailangan bilhin. Ito kasi ang
pinakapaboritong isda ni Señor Gregorio.

"Dalawang piso lamang, Inday." Agad dumukot ang dalaga ng dalawang piso sa bulsa ng kanyang saya at
ibinigay sa tindera. "Kay daming isda naman nito, Inday. Dadalhin mo ba ito sa hacienda Hermoso?
Marahil ay doon ka naninilbihan." Sunod-sunod na tanong ng tindera.
"Hindi po ako isang tagapagsilbi, Aleng. Napag-utusan lamang po ako ni ama na bilhin ang mga ito." May
ngiting sagot ni Lucinda. Tumango naman ang tindera at tiningnan mula ulo hanggang paa ang dalaga
dahilan upang mailang ito.

Nagpaalam na si Lucinda sa tindera at kasalukuyan naglalakad papuntang hacienda Hermoso. Batid niya
naman ang daan sapagkat minsa'y isinama narin siya ng kaniyang Inay. Nang marating niya ang mahaba
at malawak na tarangkahan ng hacienda, agad siyang hinarang ng mga guwardiya.

"Ako po si Lucinda Marfil, anak po ako ng kutsero ni Don Gregorio." Pagpapakilala ng dalaga matapos
nitong bumaba galing sa kanyang kabayo.

"Ano iyan?" Usisa pa ng isang guwardiya. Ang tinutukoy nito ay ang sako na naglalaman ng tatlong kilong
tilapya na bitbit ng dalaga.

"Inutusan po ako ni Itay na dalhin ang mga isdang ito dito sa hacienda Hermoso. Hindi ko rin po batid
kung bakit." Kinakabahan niyang wika. Hindi ito sanay makipag-usap sa mga tao lalong-lalo na kung may
mga hawak itong armas.

"Siya na marahil ang tinutukoy ni Don Gregorio na babaeng magdadala ng tatlong kilong isda." Bulong
nung isang guwardiya sa kanyang kasama ngunit dinig na dinig naman ng dalaga ang kanyang sinasabi.
Nagtanguan sila at agad pinapasok sa loob ang dalaga.

Namangha sa ganda at lawak ng buong hacienda si Lucinda. Maraming tanim na sampaguita sa buong
paligid at may mga puno ng narra sa bawat sulok ng hacienda. Malinis din ang buong paligid nito at
agaw-pansin ang isang maliit na bilog sa gitna ng hardin na kung saan nakatanim ang mga pulang rosas.

Pagpasok niya sa loob ng mansiyon, sumalubong sa kanya ang abalang mga tagapagsilbi. May mga
naglilinis sa buong bahay at abala din ang mga nasa kusina sa pagluluto ng napakaraming putahe. May
mga kalalakihan ding pabalik-balik sa pag-iigib at ang iba ay may mga dalang karne ng baboy na
sariwang-sariwa pa.
"Ano iyan, ineng? Yan na ba ang ipinag-utos ni Don Gregorio na tatlong kilong tilapya?" Tanong ng isang
matandang babae sa kanya. Siya si Manang Rosa. Nasa edad singkwentay-singko na ito ngunit animo'y
nasa saysenta anyos na ito dahil palagi itong seryoso at di ngumingiti. Tumango si Lucinda at ibibigay
sana sa matanda ang sako ngunit nagtaka siya nang hilain siya nito papunta sa isang mesa at inutusang
linisin ang mga isda.

"Ah... H-hindi po ako isang tagapagsilbi dito, Manang. Anak po ako ni---" Hindi na naituloy ng dalaga ang
sasabihin sapagkat sumingit si Manang Rosa na ngayo'y abala sa pagdidikdik ng maraming bawang.

"Ikaw ay anak ni Dominador, hindi ba? Ikaw ang aming bagong tagapagsilbi kung kaya't linisin mo na ang
mga isdang iyan upang maluto na. Batid mo naman sigurong may pagdiriwang na gaganapin mamayang
gabi sapagkat darating na ang bunsong anak ni Don Gregorio galing Espanya. Sige na. Madaliin mo na
iyan." Napanganga sa gulat ang dalaga nang marinig iyon. Hindi niya batid kung maniniwala ba siya sa
tinuran ng matanda.

Naaalala niya ang sinabi ng kanyang Itay na hindi na raw tumatanggap ng tagapagsilbi ang pamilya
Hermoso. Sa isip niya'y baka nagkamali lamang si Manang Rosa at malabo na ang kanyang paningin kung
kaya't napagkamalan lamang siya nito. Ngunit naaalala niya ring sinabi ng matanda na anak siya ni Mang
Dominador! Ngayo'y labis na naguguluhan.

Kinagabihan, handa na ang lahat. Hinihintay na lamang ang pagdating ng bunsong anak ni Señor
Gregorio. Nalaman na din ng dalaga ang tungkol sa sorpresa ng kanyang ama at ina. Naiyak pa siya
sapagkat hindi niya akalaing maalala pa ng mga ito na sorpresahin siya sa kanyang kaarawan na kahit
siya ay muntik na niyang makalimutan. Sa isip niya'y ito na marahil ang pinakamasayang kaarawan sa
kanyang buhay dahil noon pa man ay nais na talaga niyang magtrabaho at tumulong sa pamilya. At
ngayon ay natupad na ang kanyang kahilingan.

Alas-siyete na ng gabi nang dumating ang bunsong anak ng Don. Abala ang lahat sa pag-asikaso sa mga
bisita kaya naman hindi nakahanap ng pagkakataon si Lucinda na makita ang bunsong anak ni Señor
Gregorio.

"Lucinda, dalhin mo ang mga alak na ito sa mesang iyon." Sinunod agad ng dalaga ang utos ni Manang
Rosa at dinala ang dalawang bote ng mamahaling alak sa mesa kung saan nakaupo ang isang grupo ng
mga kalalakihan. Hindi niya batid ang mga pangalan nito ngunit batid niyang mayayaman sila base sa
kanilang mga pananamit na halatang mamahalin.

********†*****************************

Alas-onse ng gabi nang matapos ang pagdiriwang. Matapos hugasan ang sandamakmak na hugasin ay
dinala ni Inay Theresa si Lucinda papunta sa silid nito. Nasa likuran ng mansiyon nakatayo ang mga
bahay kubo kung saan nanunuluyan ang mga trabahador at tagapagsilbi ng pamilya Hermoso. Mga
limampung metro ang layo nito mula sa mansiyon. Maganda naman rito at pakiramdam ng dalaga ay
nasa loob lamang din siya ng kanilang tahanan. Sariwa ang hanging pumapasok sa kanyang munting
kwarto at kitang-kita ang buwan at ang mga bituin mula sa bintana nito.

Ang kanilang mga palikuran naman ay matatagpuan sa kanang bahagi ng hacienda.

"Huwag kang mag-alala, Lusing. Sa darating na Sabado na lamang tayo mag-impake ng iyong mga
kagamitan. Sa ngayon, ito na lang muna ang iyong gamitin." Ngiti ng kanyang Inay at ibinigay sa kanya
ang ilan sa mga kasuotang pinaglumaan. Tumango sa kanya si Lucinda at ngumiti ng abot-tenga. "Hay
naku! Sa kabila ng pagod na iyong dinanas kanina, nagagawa mo pa talaga akong bigyan ng ganyang
ngiti." Ani Inay Theresa at pinisil ang mukha ng kanyang anak. Palagi niya itong ginagawa kapag
nanggigigil siya sa dalaga.

"Masaya talaga ako, Inay. Hindi ko po lubos maisip na ito ang inyong magiging regalo sa'kin ngayon ika-
labingpitong kaarawan ko. Batid niyo naman po na nais ko talagang tumulong sa inyo noon pa."
Masayang tugon ng dalaga atsaka niyakap ang kanyang Inay. Narinig pa ni Lucinda ang mahinang
pagtawa nito.

"Dalaga na talaga ang aking anak." Bumitaw na si Inay Theresa sa pagkayakap sa kanya at hinalikan sa
noo ang anak. "Matulog ka na, anak. Maaga ka pa dapat magising bukas." Aniya at lumabas na siya ng
silid.

**************************************

Alas-singko pa lamang ng umaga nagising si Lucinda at agad nagtungo sa kusina upang tumulong sa
pagluluto ng umagahan. Kasabay niya ang ilan sa mga tagapagsilbi ngunit hindi niya nakakausap ang mga
ito sapagkat di hamak na mas matatanda na ang mga ito kaysa sa kanya. Nahihiya naman siyang
makipag-usap ng kusa.

"Lucinda. Tawagin mo na ang mga Señorito at nang makapag-agahan na sila. Batid mo na kung saan
matatagpuan ang kanilang mga silid, hindi ba?" Utos sa kanya ni Manang Rosa.

Kahapon ay itinuro ni Manang Rosa kay Lucinda ang mga silid ng mga anak ni Señor Gregorio na
ginagamit ng mga ito tuwing sila'y nagbabakasyon rito. Lima ang mga anak ng Don at silang lahat ay puro
lalaki. May mga asawa na ang apat sa kanila at tanging ang bunso nalang ang wala pa. Si Señorito
Florante ang panganay at siya'y dalawamput-pitong taong gulang na. Kakambal niya sina Señorito
Jeremias at Señorito Fernando. Sumunod naman si Señorito Privado at siya'y dalawamput-limang taong
gulang. At ang bunso ay si Señorito Vicente, siya iyong galing Espanya at kakatapos niya lang mag-aral sa
kursong abogasiya. Siya'y dalawamput-apat na taong gulang.

Kagaya ng ini-utos sa kanya, isa-isa niyang kinatok ang silid ng mga amo. Sabay na lumabas ang tatlong
kambal galing sa magkakaibang silid at sumunod naman si Señorito Privado. Silang lahat ay puro mga
abogado at hindi maipagkakailang biniyayaan talaga sila ng pambiharang ka-guwapuhan na siyang
dahilan upang pagkaguluhan sila ng mga binibini sa buong lalawigan. Ngunit hanggang tingin na lamang
ang mga binibining iyon dahil may mga asawa na silang apat. Narito lamang ang mga ito upang
salubungin ang pagdating ng kanilang bunsong kapatid. Hindi na nila dinala ang kanilang mga asawa't
anak dahil hanggang ngayong araw lang naman sila mananatili sa hacienda Hermoso.

*******************""*""****************

Magsisimula na sana ang agahan nang magsalita si Señor Gregorio.

"Nasaan na si Vicente? Hindi pa ba siya lumabas?" Aniya atsaka tumingin sa dalaga. Nataranta kaagad si
Lucinda sapagkat hindi ito sanay na kausapin ng isang mayamang nilalang. Lalo pa't isang Hermoso ang
kumakausap sa kanya.

"Ah... M-marahil ay h-hindi pa nga po siya lumalabas sa kanyang silid, Señor." Kinakabahang tugon ni
Lucinda.

May sasabihin pa sana si Don Gregorio ngunit napatigil siya nang may tumikhim mula sa kanilang
likuran. Lumingon si Lucinda upang malaman kung sino iyon.
Napanganga siya at sinabayan pa iyon ng paglaki ng kanyang mga mata! Hindi maipagkakailang napaka-
guwapong nilalang talaga ni Señor Vicente! Siya ay mas biniyayaan ng kagwapuhan kesa sa kanyang mga
kapatid!

Nakatingin lang sa kanya si Lucinda at ganun din ang binata sa kanya. At sa mga sandaling iyon, hindi
maintindihan ng dalaga ang kakaibang pagkabog ng kanyang dibdib na animo'y lalabas na ang kaniyang
puso mula rito, at iisang katanungan ang agad pumasok sa kanyang puso't isipan...

Ito na ba ang tinatawag nilang... PAG-IBIG?

******************************************

Ikalawang Kabanata

Agad napaiwas ng tingin si Lucinda nang mapagtanto niyang isang malaking kapangahasan ang kanyang
ginagawa! Hindi nararapat sa isang binibini ang titigan ang isang binata. Tumikhim ulit ng isa pang beses
si Señorito Vicente at naupo na sa kanyang puwesto.

Nagsimula na silang mag-agahan. Panay ang pagsulyap ni Lucinda kay Señorito Vicente habang sila siya
ay tahimik na kumakain. Hindi talaga magkamayaw ang kanyang puso sa pagkabog! Ito ang unang beses
na maramdaman niya ito para sa isang binata. Hindi niya itatanggi na nagugustuhan niya na ito.

*********†*******************************

Hindi na mawala ang ngiti sa labi ni Lucinda habang pinagmamasdan ang mga naggagandahang mga
bulaklak sa hardin. Oras na ng siyesta at napagpasiyahan niyang magtungo sa hardin ng hacienda upang
magpahangin. Lalo siyang napangiti nang mahagip ng kanyang paningin ang mga rosas na nasa
pinakagitnang bahagi ng hardin. Napag-alaman niya kasi mula sa hardinero na si Señorito Vicente mismo
ang nagtanim ng mga ito sapagkat paborito niya ang mga pulang rosas.
"Kanina ka pa nakangiti riyan." Napalingon si Lucinda sa kanyang likuran at nakita niya si Renato. Si
Renato San Jose ay kaibigan at kapit-bahay nina Lucinda. Anak siya ng hardinero na si Mang Renante na
matalik na kaibigan din ng kanilang pamilya. Mabait si Renato, palangiti at palakaibigan, gwapo rin ito
dahilan upang marami ring binibini ang nagkakagusto sa kanya.

"Masaya lamang ako. Matagal ko nang pinangarap na manilbihan sa isang mayamang pamilya at
makatulong sa aking mga magulang." Ani Lucinda. Hindi niya ibig sabihin sa kaibigan ang kanyang
nararamdaman para kay Señorito Vicente kung kaya't yun na lamang ang kanyang ginawang dahilan.
Hindi naman siya makokonsensiya dahil iyon ay may bahid din ng katotohanan.

"Iyon lang ba talaga ang dahilan?" Panandaliang nanlaki ang mga mata ng dalaga sa gulat ngunit agad
din siyang nakabawi atsaka ngumiti upang hindi mahalata ni Renato na nagulat siya sa itinanong nito.
Batid kasi ni Lucinda na sadyang mausisa ang binatang kaharap.

"O-oo naman. Wala ng iba pang maaaring maging dahilan ng aking kaligayahan kundi iyon lamang."
Tumango na lamang si Renato sa tinuran ng dalaga ngunit may bahid parin ng pagdududa sa kanyang
mukha.

"Inutusan nga pala ako ni Manang Rosa na ibigay sa iyo ito." Aniya atsaka ibinigay kay Lucinda ang isang
pirasong papel na may sulat. Napakunot ang noo ng dalaga. Hindi niya kasi alam kung ano-ano ang mga
nakasulat roon. "Listahan daw iyan ng mga kailangan mong bilhin ngayon sa pamilihan." Dagdag pa ni
Renato.

"Hindi ako marunong magbasa. Hindi ko batid kung ano-ano ang mga nakasulat rito." Napakamot siya sa
kanyang ulo at saka sinilip ulit ang mga nakasulat sa papel. Nangunot ang kanyang noo. Hindi niya batid
kung ano ang gagawin ngunit di nagtagal ay nakaisip rin siya ng ideya "Ako na ang bahala rito.
Pupuntahan ko na lamang si Kuya Kiko. Marunong magbasa iyon." Sa kanilang magkakapatid, si Kiko
lamang ang marunong magbasa at sumulat sapagkat nagpaturo ito noon sa kanilang Lolo noong
nabubuhay pa ito.

***************************************
Agad pumunta sa pamilihan si Lucinda matapos niyang ipabasa lahat ng nakasulat sa listahan kay Kiko.
Lihim siyang nagpapasalamat dahil marunong magbasa ang kanyang Kuya. Matagal na rin niyang nais
magpaturo rito ngunit wala itong oras at palaging abala sa mga gawain.

Matapos mabili lahat, naglakad na si Lucinda patungong hacienda Hermoso ngunit napahinto siya nang
mahagip sa kanyang paningin ang mansiyon ng pamilya Castillo. Mga Isang kilometro ang layo nito mula
sa bayan at nakatirik ito sa isang bundok kung kaya't kitang-kita ang mataas na tore ng nasabing
mansion. Kahit na malayo, kitang-kita parin ang kagandahan nito.

Maraming usap-usapan na sadyang malupit raw ang pamilya Castillo kaya walang nagtatagal na mga
alipin dito. May nagsasabi ring may kababalaghan raw sa mansiyon at pinamumugaran raw ng mga
engkanto dahilan upang matakot ang mga taong mamasukan sa naturang pamilya. May sabi-sabi ring
ang mga engkanto raw ang nagbibigay ng kayamanan sa pamilyang ito kapalit ang paningin ng kanilang
anak. Nabulag daw ang nag-iisang anak na lalaki ng pamilya Castillo dahil yun daw ang hininging kapalit
ng mga engkanto sa mga kayamanang kanilang ibinigay.

"Ineng. Wag na wag mong titingnan ang mansiyon na iyan. Baka pasukin din ng kadimalasan ang iyong
buhay. O baka ay kunin din ng mga engkanto ang iyong paningin." Pananakot ng matandang babae na
agad ding sinang-ayunan ng kanyang mga kasama. Nginitian lamang sila ni Lucinda atsaka nagpatuloy na
siya sa paglalakad.

Sa totoo lang, hindi naniniwala si Lucinda sa mga kwento at sabi-sabi tungkol sa pamilya Castillo. Ang
totoo ay nakakaramdam siya ng awa sa pamilyang ito sa tuwing naririnig niya ang mga panlilibak ng mga
tao sa kanila. Oo nga't sobrang yaman ng pamilya Castillo ngunit hindi rin maganda ang pananaw ng
taong bayan tungkol sa kayamanang kanilang tinatamasa.

***************************************

Gabi na at nakatanaw lamang si Lucinda sa bintana ng kanyang silid. Kakatapos lang ng trabaho at
ngayo'y tahimik na ang lahat at nagpapahinga, ngunit siya ay hindi pa dinadalaw ng antok. Hindi kasi
mawala sa kanyang isipan ang dahilan kung bakit wala si Señorito Vicente kaninang hapunan. Hindi rin
niya ito nakita mula pa kanina. Sa isip niya'y baka naman abala ito sa kanyang trabaho? Naglalaro aa
kanyang isipan ang mga posibleng dahilan kung bakit hindi ito umuwi sa mansiyon.
Mga ilang sandali pa ang nakalipas, biglang umihip ang malamig na hangin dahilan upang manginig ng
konti ang dalaga. Isasara na sana niya ang bintana ngunit napatigil din siya nang may narinig na
kakaibang himig ng plawta (flute) mula sa malayo. Malalim na ang gabi. Ang musikang iyon ay
naghahatid sa kanya ng kakaibang kabog sa kanyang dibdib, sinabayan pa ito ng ihip ng malamig na
hangin na nagpapatayo ng kanyang mga balahibo.

Ilang sandali pa, napagpasiyahan niyang sundan ang musikang iyon. Dali-dali siyang nagsuot ng
talukbong at lumabas sa kanyang silid bitbit ang isang lampara. Nanggagaling ang musika sa kagubatan
kung kaya't walang takot na tinahak niya ang gubat na nasa likurang bahagi lamang ng hacienda.

Palakas ng palakas ang himig ng musika senyales na papalapit na siya sa pinanggalingan nito. Hindi rin
magkamayaw sa pagkabog ang kanyang puso habang patuloy niyang pinapakinggan ang musikang iyon.
Patuloy lang siya sa paglalakad hanggang sa marating niya ang paanan ng bundok kung saan nakatirik
ang napakagandang mansiyon ng hacienda Castillo. Pinagmasdan niyang mabuti ang mansiyon. May
kalayuan pa iyon mula sa kinaroroonan niya sapagkat nasa itaas na bahagi pa iyon ng bundok. Lalong
lumakas ang kabog ng kanyang dibdib nang mapagtanto niyang doon nanggagaling ang nakakahalinang
himig ng plawta.

***************************************

Kanina pa tulala si Lucinda. Ilang beses na rin siyang sinita ni Manang Rosa dahil hindi niya masyadong
naisasagawa ng tama ang kanyang mga gawain. Ngayun ay naghahapunan na sila ng kanyang Inay sa
kanilang munting kusina ng kanilang kubo. Panay ang pagsasalita ni Inay Theresa ngunit hindi siya
naririnig ni Lucinda sapagkat hindi niya maialis sa kanyang isipan ang kanyang nasaksihan kagabi...

Hindi na magkamayaw sa pagtibok ang puso ni Lucinda habang tinatahak niya ang daan papunta sa
hacienda Castillo. Nais niya talagang malaman kung sino ang nagpapatugtog ng musikang iyon.
Pakiwari niya'y hindi siya makakatulog ngayong gabi kapag hindi nasasagot ang mga katanungan sa
kanyang isipan. Bukod doon, nais niya ring makita ang hacienda. Kailanman ay hindi pa siya
nakakapunta roon.
Ngayon ay tanaw na niya ang malaki at malawak na pader ng hacienda. Ngunit ang ipinagtataka ng
dalaga ay walang ni isang guwardiyang nakabantay sa tarangkahan nito. Dahil dito'y walang kahirap-
hirap siyang nakapasok sa loob. Pinakinggan niya ulit ng mabuti ang musika at napagtanto niyang
nasa likurang bahagi pa iyon ng mansiyon kung kaya't dali-dali siyang pumunta roon. Kahit na walang
mga bantay, maingat parin si Lucinda sa kanyang kilos at nagtago sa likod ng mga puno upang
masigurong walang makakakita sa kanya.

Nang marating niya ang likod ng mansiyon, hindi nga siya nagkamali sapagkat doon ay nakita niya ang
isang lalaking nagpapatugtog ng musika sa pamamagitan ng isang plawta. Nakaupo ito sa isang bato.
Napapalibutan ang lalaki ng mga bulaklak na sumasabay sa ihip ng hangin. Animo'y sumasayaw ang
mga ito kasabay ng kanyang napakagandang musika.

Kalahating metro lamang ang layo ng lalaki mula kay Lucinda at kitang-kita ng dalaga ang
napakagandang mukha ng lalaking iyon. Ngunit natigilan si Lucinda nang mapagtanto niyang parang
pamilyar sa kanya ang matatangos na ilong ng binata, ang makinis na mukha nito, ang magagandang
mga mata na kahit ay nakapikit ay mababatid paring mapupungay ang mga iyon, ang perpektong labi
nito, at ang kutis ng binata na nagniningning sa kadiliman ng gabi. Damang-dama nito ang
pagtutugtog ng plawta. Siya ang nag-iisang anak ng pamilya Castillo na sinasabing nabulag raw nang
dahil sa mga engkanto.

Ilang sandali pa, may naramdamang kakaiba si Lucinda. Animo'y sinaksak ang kanyang puso sa
kanyang nasaksihan sapagkat... unti-unting naglandas ang mga luha galing sa mga mata ng binata
habang nakapikit parin ito. Patuloy lamang ang pag-agos ng mga luhang iyon hanggang sa matapos
niyang tugtugin ang nakakahalinang musika. Dahan-dahang iminulat ng binata ang kanyang mga mata
ngunit nakatingin lamang ito sa lupa hanggang sa dahan-dahan niyang inangat ang kanyang tingin at
ngayo'y nagtagpo ang mga mata nina Lucinda. Batid naman ng dalaga na hindi siya nakikita ng binata
sapagkat diretso lamang ang paningin nito at hindi man lamang nag-iba ang kanyang reaksiyon.

Patuloy parin ang pagtangis ng binata habang diretso ang tingin na animo'y tinititigan din nito si
Lucinda sa mata. At sa pagkakataon ding iyon, hindi mawari ng dalaga ang kanyang nararamdaman.
Parang unti-unting nawawasak ang kanyang puso habang pinagmamasdan niya ang mga mata ng
binata na puno ng kalungkutan at kapighatian.

Ilang sandali pa, naapakan ni Lucinda ang isang sanga at lumikha ito ng malutong na ingay.
"M-may tao ba riyan?" Wika nung lalaki dahilan upang kumaripas ng takbo ang dalaga papalabas ng
hacienda. Kahit pa sabihing hindi siya nito nakikita, isa paring malaking kapangahasan ang pagpasok
sa isang hacienda na walang pahintulot sa may-ari.

"Anak? Anak." Paulit-ulit na sambit ni Inay Theresa na nagpabalik sa ulirat ni Lucinda. "Masama ba ang
iyong pakiramdam? Hindi mo pa ginagalaw ang iyong pagkain. Akin ring naulinigan na ilang beses kang
napagalitan ni Manang Rosa kanina dahil palagi ka raw nagkakamali. Sabihin mo sa akin, may nangyari
bang hindi maganda, anak? May sakit ka ba?" Pag-aalala ni Inay Theresa sa kanyang anak at hinimas-
himas pa niya ang pisngi nito.

"Inay... May alam po ba kayo tungkol sa pamilya Castillo?" Sandaling nagulat ang Ale sa itinanong ng
kanyang anak ngunit ngumiti rin siya atsaka bahagyang napailing.

"Ikaw talagang bata ka. Kung ano-anong pumapasok sa iyong isipan. Yan ba ang dahilan kung bakit ka
tulala kanina pa?" Napayuko si Lucinda sa tinuran ng kanyang Inay sapagkat nakaramdam siya ng hiya.
Ngayon niya lang napagtantong ipinahiya na niya ang kanyang mga magulang dahil sa mga kapalpakang
nagawa niya sa trabaho kanina. "Ang tanging alam ko lamang ay... malupit si Don Crisologo Castillo.
Mainitin ang kanyang ulo sapagkat maraming iniindang problema ang kanilang pamilya. Naulinigan ko
ring maraming utang ang pamilya Castillo sa iba't ibang negosyante, maging sa Gobernadorcillo. Unti-
unti na silang nalulugmok at sa tingin ko'y di na magtatagal ang kanilang kayamanan." Wika pa ni Inay
Theresa dahilan upang manikip ang dibdib ni Lucinda. Hindi niya maiwasang maawa sa pamilyang iyon
lalo na sa binatang kanyang nakita. "Anak. Wag ka nang mag-isip ng kung ano-ano. Humingi ka na
lamang ng paumanhin kay Manang Rosa bukas at pagbutihin mo na ang iyong trabaho ha?"

"Patawad po, Inay. Hindi na po mauulit. Pagbubutihin ko na po ang aking trabaho sa susunod." Nginitian
lamang siya ng kanyang Inay atsaka tumango ito.

"O siya. Tapusin mo na iyang pagkain mo at nang makapagpahinga ka na ng maaga. Bukas uuwi si
Señorito Vicente galing sa kabilang bayan. Kailangan mong magising ng maaga sapagkat lilinisin mo ang
bagong silid ng Señorito." Pumasok na si Inay Theresa sa kanyang silid matapos niyang sabihin kay
Lucinda iyon.
Pumunta nga pala sa kabilang bayan si Señorito Vicente kung kaya't wala siya sa hacienda magmula pa
kahapon. Kinuha lamang nito ang ilang importanteng dokumento ng kanilang mga lupain. Si Lucinda ang
naatasang maglinis sa bagong silid nito na lilipatan ng mga kagamitan ng kanyang amo.

Maagang nagising si Lucinda dahil ayaw niyang magalit nanaman sa kanya si Manang Rosa kapag
lalamya-lamya siya. Sabik na rin siyang masilayan si Señorito Vicente sa lalong madaling panahon. Iniisip
pa lamang niya ang napaka-guwapong mukha ng binata, nag-uumapaw na ang kilig na kanyang
naramdaman!

Hindi na rin niya narinig ang nakakahalinang musika kagabi. Alas-nuebe na nga siyang natulog sa
pagbabasakaling marinig muli ang himig na iyon. Nais niya din sanang bumalik sa hacienda Castillo
ngunit hindi niya mawari ang kanyang idadahilan sakaling may makahuli sa kanya. Gusto niya lang
naman kasing makausap yung pamilyar na lalaking iyon. Pakiramdam ni Lucinda ay... magaan ang
kanyang loob sa binatang iyon at parang nakita niya na rin ito dati. Hindi lamang niya mawari kung saan
at kailan.

"Linisin mo ng maayos itong bagong silid ni Señorito Vicente. Pinakaayaw niya sa lahat ay ang mga
alikabok." Pagpapaalala ni Manang Rosa atsaka lumabas na sa silid na lilinisin ni Lucinda.

Napangiti ng wala sa oras ang dalaga habang nililibot ang paningin sa buong silid. Kahit na sobrang
daming alikabok nito, natutuwa parin siya sapagkat nagkaroon siya ng pagkakataong linisin ang silid ng
kanyang iniibig.

"Sisiguraduhin kong masisiyahan ka sa iyong bagong silid, aking Vicente!" Masayang wika ni Lucinda sa
sarili at sinabayan niya pa ito ng mahinang hagikhik.

Makalipas ang ilang oras,


Alas-siyete ng gabi, napagpasiyahan ni Lucinda na pumunta sa hardin na nasa harapan lamang ng
kanilang kubo upang makalanghap ng sariwang hangin. Kahit papaano ay gumagaan ang kanyang
pakiramdam kapag nakikita ang mga naggagandahang bulaklak na tinatamaan ng liwanag ng buwan.
Tahimik na ang paligid. Tanging tunog lamang ng mga kuliglig at mga ibon sa gabi ang maririnig.

Maya't maya pa, narinig niyang muli ang nakakahalinang himig ng plawta. Hindi niya alam ngunit unti-
unti nitong pinapawi ang sakit ng kanyang dibdib at pinalitan ng kakaibang pagkabog, kagaya ng kanyang
naramdaman noong nakaraang gabi.

Walang pagdadalawang-isip na kinuha ni Lucinda ang kanyang kabayo at tinahak muli ang daan papunta
sa hacienda Castillo. Itinali niya ang kanyang kabayo sa may paanan ng bundok at naglakad nalang siya
papuntang hacienda. Kagaya ng dati ay walang mga bantay kung kaya't madali siyang nakapasok. Nakita
niyang muli sa likurang bahagi ng mansiyon iyong binata, kapareho parin ng puwesto gaya nung una niya
itong nasilayan.

Ngunit may kakaiba sa binatang iyon ngayon. Animo'y masaya ito habang tinutugtog ang kaparehong
himig. May ngiti na sa mga labi nito nang matapos na niya ang musika at walang nakitang kahit ni isang
butil ng luhang tumulo galing sa kanyang magagandang mga mata. Pero ang mas ikinagulat ni Lucinda ay
ang sinabi nito.

"Sinasabi ko na nga ba't magbabalik ka." Nanlaki ang mga mata ng dalaga at lumakas ang tibok ng
kanyang puso. Sa isip-isip niya ay imposibleng makita siya ng binata sapagkat bulag ito. Tatakbo na sana
siya nang magsalitang muli ang binata. "P-pakiusap. Huwag ka munang umalis. Hinihintay ko talaga ang
iyong pagbabalik. Alam kong ikaw iyong pumunta rito noong nakaraang gabi dahil sa iyong pamilyar na
amoy." Aniya atsaka ngumiti. Ang ngiting iyon ay sadyang nakakahalina dahilan upang mapako sa
kinatatayuan si Lucinda at nawaglit sa kanyang isipan ang pagtakbo palayo.

Ikatlong Kabanata

"Sinasabi ko na nga ba't magbabalik ka." Nanlaki ang mga mata ng dalaga at lumakas ang tibok ng
kanyang puso. Sa isip-isip niya ay imposibleng makita siya ng binata sapagkat bulag ito. Tatakbo na sana
siya nang magsalitang muli ang binata. "P-pakiusap. Huwag ka munang umalis. Hinihintay ko talaga ang
iyong pagbabalik. Alam kong ikaw iyong pumunta rito noong nakaraang gabi dahil sa iyong pamilyar na
amoy." Aniya atsaka ngumiti. Ang ngiting iyon ay sadyang nakakahalina dahilan upang mapako sa
kinatatayuan si Lucinda at nawaglit sa kanyang isipan ang pagtakbo palayo.

Parang may sariling isip ang kanyang mga paa at unti-unti siyang humakbang papalapit sa binata na
ngayon ay nakangiti parin sa kanya. Dahan-dahang iwinasiwas ni Lucinda ang kanyang kamay sa harapan
ng binata upang mapatunayan niyang bulag nga ito. Ngunit kahit anong wasiwas ang kanyang gawin,
nanatili lamang diretso ang paningin ng lalaki at nakangiti parin sa kanya.

"I-isa ka talagang bulag?" Wala sa sariling naitanong niya iyon na agad niya ring pinagsisihan sapagkat
unti-unting nawala ang ngiti sa labi ng binata at napalitan ng lungkot ang kanyang mga mata. "Ah... K-
kalimutan mo na lamang ang aking tanong. P-patawad. H-huwag kang mag-alala. H-hindi ako titikim ng
kahit konting masarap na gulay bilang kaparusahan sa aking mapangahas na dila. Sapat na iyon bilang
parusa, h-hindi ba?" Biglang natawa ang binata sa tinuran ni Lucinda. Ngayon lamang siya nakatagpo ng
isang binibining paparusahan ang sariling dila nito. Samantalang lihim namang nagpapasalamat si
Lucinda dahil kahit papaano ay nawala ang lungkot sa mukha ng binata at mukhang naaliw pa niya ito.

"Ano nga pala ang iyong pangalan, binibini?" Tanong ng binata habang tatawa-tawa parin.
Nagdadalawang-isip si Lucinda kung sasabihin niya ang kanyang totoong pangalan. Natatakot siyang
baka isumbong siya ng binatang ito. Ayaw niyang makulong at maparusahan! "Huwag kang mag-alala.
Mananatiling sekreto ang palihim na pagpunta mo rito. Hinding-hindi kita isusumbong kahit kanino."
Nakahinga ng maluwag si Lucinda sa sinabi ng binata. Mukhang hindi naman ito nagsisinungaling. Dahil
kung may balak nga itong isumbong siya, dapat ay sumigaw na ito ng tulong kanina pa.

"Ang pangalan ko ay Lucinda. Lucinda Marfil. Ako'y naninilbihan sa hacienda Hermoso." Wala nang
pagdadalawang-isip na turan ng dalaga. Makikipagkamay pa sana siya ngunit napatigil din siya nang
maalala niyang hindi nga pala siya nakikita ng binata. "I-ikaw? Ano ang iyong pangalan?" Bigla namang
nangunot ang noo ng binata. Sa isip niya'y imposibleng hindi siya kilala ng binibini sapagkat siya ang nag-
iisang anak ng pinakamayamang tao at gobernadorcillo ng kanilang lalawigan.

Ngunit ang pagtatakang gumuhit sa mukha ng binata ay biglang nawala at sumilay muli ang
magagandang ngiti rito. Sa isip niya'y kakaiba nga binibining kasama niya ngayon. Animo'y wala itong
alam sa buong paligid at padalos-dalos din itong pumasok sa loob ng kanilang hacienda, bagay na
hinangaan niya kay Lucinda. "Ako nga pala si Marcelo Castillo. Ikinagagalak kong makilala ka, binibining
Lucinda." Masayang wika niya atsaka inabot ang kanyang kanang kamay sa dalaga.
Naramdaman niya ang marahang paghawak ng dalaga sa kanyang kamay. Sa di malamang kadahilanan,
parang may kuryenteng dumadaloy sa kanilang mga katawan at animo'y may mga paru-parong naglalaro
sa loob ng kanilang mga tiyan nang magdampi ang mga kamay nilang dalawa. Naunang bumitaw si
Lucinda dahil pakiramdam niya'y nag-iinit na ang kaniyang pisngi. Lihim siyang nagpapasalamat dahil
hindi nakikita ni Marcelo ang pamumula ng kaniyang mukha.

"Ah... B-bakit ka nga pala nandito sa labas, ginoong Marcelo? M-mahamog at posibleng ika'y
magkasipon." Ngumiti pa siya ng pilit kahit na hindi naman iyon nakikita ni Marcelo. Nais lamang niyang
mawala ang tensiyon na kanyang nararamdaman. Hindi rin niya batid kung bakit siya kinakabahan.

"Pumupunta ako rito kapag nais kong tugtugin ang musikang nakakatulong upang mapawi kahit
papaano ang aking kalungkutan." Nakangiting sagot ni Marcelo. "Ikaw, binibini? Ano ang ginagawa mo
rito ng ganitong oras ng gabi? Hindi ba't may kalayuan ang hacienda Hermoso mula rito?" Nagitla si
Lucinda. Mag-iisip pa sana siya ng iba pang idadahilan ngunit napagpasiyahan niya ring sabihin na
lamang ang katotohanan.

"Ah... D-dahil sa iyong musika. Narinig ko kasi iyon noong nakaraang gabi kung kaya't napagpasiyahan
kong alamin kung saan ito galing." Tumango-tango si Marcelo atsaka ngumiti ulit.

"Kung ganoon... Nilakbay mong mag-isa ang halos isa at kalahating kilometro nang dahil sa aking
musika? N-nagustuhan mo ba iyong aking t-tinugtog?" Kitang-kita ang pamumula ng pisngi ni Marcelo
nang itanong niya iyon sa kay Lucinda. Hindi niya din kasi lubos maisip na nilakbay ng binibini ang halos
isa at kalahating kilometro kahit pa malalim na ang gabi nang dahil lamang sa kanyang musika. Napangiti
ang dalaga sa kanyang nasaksihang pamumula ng pisngi ng ginoo.

"Oo naman. Sadyang napakaganda ng iyong musika. Napaka-suwerte mo sapagkat biniyayaan ka ng


ganyang talento." Ngumiti si Lucinda atsaka umupo sa katabi ng batong inuupuan ng binata. Kalahating
metro lamang ang layo nito. Bahagya namang humarap si Marcelo sa dalaga nang maramdaman niyang
naupo na ito sa tabi niya. "Marunong ka rin bang gumamit ng iba pang instrumento maliban sa plawta?"
Tanong pa ni Lucinda.
"Marunong din akong tumugtog ng piyano at biyolin. May alam din ako sa pagtugtog ng gitara." Magiliw
na sagot ni Marcelo sa kanya. "Nais mo bang ika'y aking turuan? Marami akong instrumentong maaari
mong hiramin." Gulat na napalingon sa kanya si Lucinda. Matagal na nitong nais na matutong tumugtog
ng iba't ibang instrumento. Hindi niya lubos maisip na matutupad na ang kahilingan niyang iyon!

Magsasalita pa sana si Lucinda nang may narinig silang boses mula sa di kalayuan. Tila may tinatawag
ito.

"Marcelo?! Marcelo, hijo? Nariyan ka ba?!" Rinig nilang tawag ng boses ng isang matandang babae.

Nagitla si Marcelo nang marinig niya ang boses na iyon. Iyon ang boses ng kanyang tagapangalaga na si
Manang Esperanza. Bagama't mabait ito, hindi niya parin ibig na makita nito na kasama niya si Lucinda
na ngayon niya lamang nakilala. Tiyak na iba ang iisipin ng matanda.

Nagulat nalang si Lucinda nang biglang hinawakan ni Marcelo ang kanyang kamay na dahilan upang tila
makuryente nanaman ang kanilang buong sistema! Hinila ni Marcelo si Lucinda papunta sa isang
sekretong lagusan na matatagpuan sa pinakadulong bahagi ng hacienda. Animo'y hindi siya isang bulag
sapagkat dire-diretso lamang ang kanyang takbo hanggang sa marating nila ang lagusan. Sanay na kasi
siya sa pasikot-sikot ng kanilang hacienda kung kaya't hindi na niya kailangan pa ng isang mag-aalalay sa
kanya.

"Sino ba iyon?" Kinakabahang tanong ni Lucinda habang panay ang paglingon-lingon sa takot na nakita
sila nung babae. Pakiramdam niya tuloy, magkasintahan silang palihim na nagkikita at ngayo'y binalak
nang magtanan. Lihim siyang natawa sa kanyang sarili dahil sa imahinasyon niyang iyon.

"Siya si Nanay Esperanza. Tiyak na maaabutan niya tayo rito kaya naman kailangan mo munang umalis."
Sa tono ng pananalita ni Marcelo, batid ni Lucinda na natataranta rin ito katulad niya. Akmang tatakbo
na sana ang dalaga ngunit napatigil siya nang lalong hinigpitan ng binata ang pagkakawak nito sa
kanyang kamay na animo'y ayaw siya nitong pakawalan.

"B-bakit?" Kinakabahang tugon ni Lucinda. Kinakabahan siya hindi dahil sa baka makita na sila ni Manang
Esperanza kundi dahil sa higpit ng hawak ng binata sa kanyang kamay na nagdudulot ng kakaibang
pagkabog sa kanyang dibdib.
"Ba-batid kong isang kapangahasan itong aking ginagawa ngunit... nais ko lamang malaman kung ikaw
ba ay babalik dito?" Nasisinagan ng liwanag ng buwan ang mukha ni Marcelo dahilan upang makita ni
Lucinda ang mga matang nitong nagsusumamo at nangungusap. Parang tinutunaw nito ang puso ng
dalaga at ramdam niya parin ang kakaibang pagkabog ng kanyang puso. Bagay na nararamdaman niya
rin sa tuwing naririnig ang musikang tinutugtog ng binata.

Ngumiti ang dalaga kahit pa hindi naman ito makikita ni Marcelo. "Oo. Babalik ako." Sumilay ang
matamis na ngiti sa labi ng binata dahil sa sobrang saya na kanyang nararamdaman. Ito ang unang beses
na naramdaman niya ang labis na kasiyahan. Unti-unti na niyang binitawan ang kamay ni Lucinda.

"Hihintayin kita... Binibining Lucinda." Iyon ang kanyang huling sinabi bago niya narinig ang sunod-sunod
na hakbang papalayo, senyales na tuluyan na ngang umalis ang dalaga.

Abot-tenga ang ngiti ni Lucinda habang pinaghihiwa ang sibuyas para sa sinigang na kanilang lulutuin
para sa almusal. Hindi na niya alintana ang anghang ng sibuyas na nagdudulot ng pagluha ng kanyang
mga mata. Samantalang kanina pa siya pinagtitinginan ng mga kasamahan niyang tagapagsilbi. Iniisip
nilang baka nasisiraan na ng bait ang dalaga sapagkat ngingiti-ngiti itong mag-isa kahit pa tuloy-tuloy
nang umaagos ang mga luha sa mga mata nito.

Palaging naglalaro sa isipan ni Lucinda ang mga nangyari kagabi. Sa tuwing iniisip niya iyon, di niya
maiwasang mapangiti.

Inaamin niya naman sa kanyang sarili na nasasaktan parin siya sa katotohanang ikakasal na ang kanyang
Señorito Vicente ngunit...wala na siyang magagawa para doon. Hindi rin mababago ng kanyang
pagtangis ang lahat kung kaya't mas pinili na lamang niya ang tanggapin ang buong katotohanan at
ibaon na lamang sa limot ang kanyang nararamdaman para kay Señorito Vicente. Naaalala niya ang
sinabi dati ng kaniyang Kuya Romano na may kaakibat raw na sakit at pighati ang pag-ibig.

"Lucinda, pumitas ka muna ng mga rosas sa hardin at kunan mo ng mga tinik. Dalhin mo sa silid ni
Señorita Editha pagkatapos." Sinunod niya ang utos ni Manang Rosa at dali-daling kumuha ng kutsilyo na
gagamitin niya sa pagpitas ng mga bulaklak. Pagkatapos ay agad din siyang pumunta sa hardin at
nagsimulang pumitas ng mga rosas. Maingat pa siya sa kanyang kilos sa takot na masugatan siya ng mga
tinik nito.

"Magandang umaga, binibining Lucinda." Bati sa kanya ni Renato nang makita siya nito. Palagi kasi itong
nandito dahil tinutulungan niya rin si Mang Renante sa pagpapaganda ng hardin.

"Ikaw talaga. Masyado ka namang pormal. Tawagin mo nga akong Lusing. Nakakainis ka!" Natawa silang
dalawa pareho. Batid kasi ni Renato na ayaw ng dalaga na tawagin siyang 'binibining Lucinda' dahil
magkaibigan naman daw sila.

"O siya. Lusing." At sa pagkakataong iyon ay sabay nanaman silang natawa. "Maayos na ba ang iyong
pakiramdam? Ang sabi kasi sa akin ni Manang Theresa, masama raw ang iyon pakiramdam kahapon."
Pag-aalala ng binata.

"Maayos na ang aking pakiramdam. Kaunting sakit ng ulo lamang iyon at puson. Malaking tulong sa akin
iyong mga halamang gamot upang mapadali ang pagbuti ng aking pakiramdam." Hindi man niya nais na
magsinungaling sa kaibigan, ngunit kailangan niyang gawin dahil nahihiya siyang sabihing si Señorito
Vicente talaga ang dahilan ng pagsama ng kanyang pakiramdam kahapon.

Lingid sa kaalaman ni Lucinda, hindi naniniwala sa kanya si Renato sapagkat batid na nito ang galawan
ng dalaga. Alam niya kung nagsisinungaling ito o nagsasabi ng totoo. Ngayo'y batid niyang
nagsisinungaling lamang sa kanya ang dalaga dahil hindi nito magawang tumingin ng diretso sa kanyang
mga mata habang nagsasalita. Kitang-kita niya rin ang paminsan-minsang paghawak nito sa kanyang
saya bagay na palaging ginagawa ni Lucinda kapag kinakabahan siya. Nag-aalala si Renato sa kaibigan
sapagkat batid nitong may problema ito. Nais niya itong tulungan ngunit hindi niya batid ang kanyang
gagawin gayong hindi naman binabahagi ng dalaga ang suliranin nito.

Napahinga nalang ng malalim ang binata atsaka pilit na ngumiti. "Lusing..." Napatingin naman sa kanya si
Lucinda dahil pakiramdam niya'y naging seryoso na ngayon ang tono ng kaibigan. "Anuman ang iyong
problemang kinakaharap at kakaharapin, wag ka sanang magdalawang-isip na ibahagi iyon sa amin.
Batid mong nandito lang kami para sa'yo." Ngumiti ng marahan si Renato dahilan upang mapangiti rin si
Lucinda. Iniisip niyang napaka-suwerte niya sapagkat maraming nagmamahal sa kanya. Hindi katulad ni
Marcelo na nag-iisa at walang kahit na isang kaibigan.
Napatakip siya sa kanyang bibig sa gulat nang maalala niya si Marcelo. Hindi niya nga pala ito
mapupuntahan mamayang gabi sapagkat araw ngayon ng Biyernes. Uuwi sila mamayang hapon kung
kaya't sa Lunes ng gabi pa niya ito mababalikan. Nag-aalala siya sa dahilang baka maghintay ito sa kanya.

Nagtataka namang napatingin si Renato sa dalaga dahil mukhang gulat na gulat ito. Tatanungin niya sana
ito ngunit dali-dali na itong tumakbo matapos nitong ibigay sa kanya ang kutsilyo at ang mga napitas na
bulaklak ng rosas.

"Ikaw na lamang ang tumapos niyan, Renato! Kuhanan mo ng tinik at ibigay mo kay Manang Rosa!
Sakaling magtanong siya kung nasaan ako, sabihin mong sumama ang aking tiyan at kinailangan kong
pumunta sa palikuran!" Habilin pa ng dalaga bago ito tuluyang tumakbo papunta sa likurang bahagi ng
mansiyon at naglaho na sa kanyang paningin. Napailing na lamang si Renato sapagkat sa isip-isip niya'y
nagsisinungaling nanaman ang dalaga. Batid niya kasing walang palikuran sa likurang bahagi ng
mansiyon.

Napatigil naman sa gulat si Lucinda nang makita niyang may nakabantay na sa tarangkahan ng hacienda
Castillo. Hindi lamang sa tarangkahan may mga bantay kundi pati rin sa bawat sulok nito. Nagkalat din
ang mga guwardiya sibil na rumuronda sa buong paligid. Agad siyang nagtago sa likod ng isang malaking
puno at napahawak siya sa kanyang dibdib. Nagtataka rin siya kung bakit nagkalat ngayon ang mga
guwardiya gayong wala namang nagbabantay dito noon.

Hindi kaya...

Nanlaki ang mga mata ni Lucinda nang maalala niyang muntikan na nga pala silang makita kagabi. Sa
isip-isip niya'y baka naman nakita talaga sila noon at iyon ang dahilan kung bakit hinigpitan ang
pagbabantay sa buong hacienda!

Nag-iisip siya kung paano siya rito makakapasok nang maalala niya ang sekretong lagusan na dinaanan
niya kagabi. Buong pag-iingat siyang nagtungo papunta roon sa takot na madakip siya ng mga
guwardiya. Nakahinga naman siya ng maluwag nang marating niya iyon ngunit dismayado rin siya nang
makitang may nagbabantay na rin dito.
Samantala hindi mapakali si Marcelo sa loob ng kanyang silid kung saan naroroon din si Manang
Esperanza na kanina pa nakatingin sa binatang animo'y hindi nahihilo sa ginagawa nitong paglalakad
paparoon at paparito. Hindi akalain ng binata na may nakakita pala sa kanila ni Lucinda kagabi bukod sa
kanyang Nanay Esperanza. Isinumbong ng tagapagsilbing iyon sa kanyang ama na si Señor Crisologo ang
pagpasok ng dalaga sa kanilang hacienda kung kaya't napagpasiyahan ng gobernadorcillo na higpitan na
magmula ngayon ang pagababantay sa kanilang hacienda. Ang ikinakatakot pa ni Marcelo, ay baka
namukhaan ng aliping nakakita sa kanila si Lucinda at ipahanap ng kanyang ama ang dalagang pinakauna
niyang naging kaibigan.

"Hijo, kumalma ka. Hindi mo man sabihin sa akin, batid kong may bumabagabag sa iyong isipan. Sabihin
mo sa akin nang matulungan kita." Rinig ni Marcelo na sabi ni Manang Esperanza.

"Nanay... K-kagabi, h-hindi niyo po talaga nakita iyong binibining aking nakausap?" Kinakabahang tugon
ng binata.

"Yun bang sinasabi mong kaibigan mo, hijo?" Tumango ang binata kahit pa hindi naman niya kaharap si
Manang Esperanza. "Hindi ko nakita ang kanyang mukha, hijo. Madilim kasi at isa pa, tumatakbo na
kayong dalawa nang kayo'y aking nakita." Napahinga ulit ng malalim si Marcelo, bagay na kanyang laging
ginagawa kapag siya'y kinakabahan. Hindi na niya inalintana ang mapanuksong tono ng pananalita ng
matanda. Batid niyang nais lang nitong pagaanin ang kanyang loob. Ngunit ngayo'y hindi talaga mawala
ang kaba sa kanyang dibdib. Nag-aalala siya para kay Lucinda. Kahit pa bago lamang silang
nagkadaupang-palad ay batid niyang busilak ang loob ng dalaga at hindi siya nito minaliit gayong alam
nitong siya ay isang bulag.

"Sa tingin niyo po ba, nakita ng aliping nagsumbong sa aking ama ang kanyang mukha?" Tanong pa nito
matapos niyang pakawalan muli ang malalim na buntong-hininga.

"Hindi ko naman narinig na nakita niya ang mukha ng iyong kaibigan, hijo. Kung kaya't huwag ka nang
mag-alala. Sigurado akong hindi siya ipapahanap ng iyong ama." Lumapit si Manang Esperanza kay
Marcelo at hinawakan niya ang mga kamay ng binata upang kahit papaano ay mabawasan ang pag-
aalala nito. Nararamdaman niyang importante na para sa kanyang alaga ang binibining sinasabi nito.
Matagal-tagal na din simula noong makita niyang nag-aalala ang binata sa isang tao.
"N-nanay. Maaari po ba akong humingi ng pabor?" Wika nang binata atsaka dinukot niya mula sa
kanyang bulsa ang isang sobre na may lamang liham. "Maaari niyo po bang ibigay ang liham na ito sa
kanya? Lucinda ang kanyang pangalan at naninilbihan siya sa hacienda Hermoso. Batid ko kasing hindi na
siya makakapasok rito sa hacienda sa dami ng bantay." Napangiti si Manang Esperanza. Ngunit nandun
parin ang kaba sa kanyang dibdib sapagkat hindi niya maiwasang pagdudahan si Lucinda gayong hindi pa
nila ito kilala. Iniisip niyang baka nililinlang lang nito ang kanyang alaga at ayaw niyang masaktan si
Marcelo sa oras na iwan siya ni Lucinda. Nararamdaman niya kasing nagsisimula nang mahulog ang loob
ng binata para sa dalagang unang beses palang niyang nakasama at nakausap.

Ngunit sa kabila ng kanyang pagdududa, nariyan parin ang pagnanais niyang matulungan ang kanyang
alaga na tinuring na rin niyang anak. Simula pa kasi sa pagkabata nito ay siya na mismo ang nag-alaga at
nagpalaki. Kung kaya't nais niyang pagbigyan ang pabor na hinihingi nito.

"Sige. Gagawan ko ng paraan iyan, hijo. Mamimili ako sa palengke ngayon. Idadaan ko na lamang ito sa
hacienda Hermoso." Napangiti si Marcelo dahil batid niyang hindi siya matatanggihan ng kanyang Nanay
Esperanza. Gumaan din ang loob ni Manang Esperanza nang masilayan niyang muli ang matamis na ngiti
ng binata, bagay na hindi niya nais mawala sa mga labi nito.

You might also like