You are on page 1of 3

TUGON SA ISANG VIRAL NA POST TUNGKOL SA KAHIRAPAN

Una, kung naniniwala kang ang kahirapan ay bunga lang ng mga desisyon natin sa buhay,
napakakitid nga ng pagtingin mo sa usaping ito. Baka kailangan mong kumuha ng mga kurso sa
social sciences para lumawak ang pagsipat mo sa isang sistemiko at multi-dimensyonal na suliranin.
May kinapapalooban tayong sistemang politikal at ekonomiko: lokal, pambansa, panrehiyon, at
pandaigdig. Totoong bilang tao, may kakayahan (agency) tayong baguhin ang kalagayan natin o ang
mismong lipunan natin. Ngunit nalilimitahan pa rin ito ng kinabibilangan nating uring panlipunan
(social class). Siyempre, nakapadepende rin sa uring panlipunan ang akses natin sa kapangyarihan at
yaman.
Ito ang dahilan kung bakit kahit matulog nang isang buong araw ang isang tycoon, tutubo pa rin ang
investments niya. Samantalang ang isang saleslady o construction worker, kailangang bunuin ang
walong oras na duty para lang tumanggap ng minimum wage.
Samakatuwid, hindi lahat ng nangyayari sa atin, hawak natin, o pinili lang natin. Tamad lang ba ang
mga magsasaka, mangingisda o factory worker kaya sila mahirap? Pag-isipan mo muna ‘yan.
Marahil, ang sagot mo: "kaya nga kailangan nilang umalis sa kinalalagyan nila." Again, maraming
factors bago sila makalabas sa kahirapan, lalo na kung ilang henerasyon na silang nasa ganoong
kalagayan. Ngunit hindi ba mas madaling umakyat sa social ladder kung sa simula pa lang may
properties na kayo, kung edukado ang mga magulang mo, kung may foresight at means silang pag-
aralin ka sa mga respetadong eskuwelahan para ihanda ka sa buhay?
Ikalawa, madaling mahulog sa bitag ng romantisasyon ng pagtatagumpay-sa-kahirapan.
Napakadaling sabihin na "bakit naman ako, mahirap din kami pero nagsikap ako..." Aaminin kong
noong bata-bata pa ako, medyo ganito rin akong mag-isip. Sa angkan ng aking ama, ako ang unang
nakapagtapos ng kolehiyo.
Sa loob ng maraming henerasyon, walang nakakapagtapos sa mga kaanak ko. Madaling makita ang
pattern: sa angkan man ng tatay ko o ng nanay ko, kinailangan nilang huminto sa pag-aaral para
magtrabaho nang maaga. Kung lalake, madalas karpintero o messenger sila. Kung babae naman,
domestic helper o factory worker. Iniwan nila ang eskwelahan para tulungan ang magulang nila na
pakainin ang pamilya nila.
Noon, puno ako ng pagmamalaki na pinaghirapan kong lahat ng mayroon ako. Ang totoo, may kaunti
pa nga akong tampo sa mga nauna sa akin. Sabi ko, kung nagpundar lang sila nang mas maaga, hindi
namin kailangang dumanas ng hirap para lang makapag-aral.
Ngunit naisip ko: kung hindi ako nakakuha ng scholarships mula high school hanggang college, hindi
rin siguro ako naging propesyonal. Nasa unang taon pa lamang ako ng kolehiyo, muntik na akong
huminto sa pag-aaral. Naghanap na nga ako ng trabaho dahil wala rin naman akong maipambaon.
Tatlong scholarships ang kinailangang magtulung-tulong para lang makapagtapos ako ng kolehiyo.
Mapalad ako dahil may mga naniwala at nagmagandang-loob sa akin kaya nakapagtapos ako nang
may karangalan sa UP. Ngunit hindi naman lahat ng tao, nagkaroon ng oportunidad na mag-aral na
tulad ng sa akin.
Totoong may mga nakaalpas sa kahirapan, pero nakatitiyak akong mas exemption sila kaysa rule.
Nakakapagbukas man ng maraming oportunidad ang dekalidad na edukasyon, hindi pa rin ito
guarantee na makakalabas tayo agad sa cycle of poverty.
Hindi ko itinatangging may mga mahihirap ring tamad at tila nakuntento na sa kalagayan nila. Ang
problema sa post na ito, nilalahat nito ang mga mahihirap.
Napakasimplistiko ng paliwanag nito ng ugat ng kahirapan. Malalim at masalimuot na usapin ang
kahirapan, paksa ito ng di-mabilang na pananaliksik sa iba’t ibang larangan. Kahit kaninong social
scientist ka pa magtanong - historian, anthropologist, sociologist, economist, o political scientist,
sasabihin nila sa iyong "hindi ganito kasimple" ang usapin ng kahirapan.
Hindi pare-pareho ang epekto ng pandemya at ng iba't ibang version ng quarantine sa atin. May mga
taong walang pagpipilian, kailangan nilang lumabas pa rin ng bahay at makipagsapalaran para
mapakain ang pamilya nila.
Sa mga tulad kong nagsikap at unti-unting umaalwan ang buhay, hindi naman ipinagkakait sa atin
ang tagumpay natin. Sa atin ang karangalang iyon. Huwag nating masamain ang mga post na
nagsasabing “may mga taong mas komportable ang buhay kahit nasa ilalim ng pandemya.” Realidad
ito. Sa tingin ko, paalala ang mga ito sa atin na maging maunawain at matulungin sa mga kababayan
nating walang-wala.
Sa mga totoong middle class at sa feeling middle class, iwasan natin ang maging matapobre.
Damayan na lang natin ang mga kababayan nating talagang pinagagapang nitong pandemya. Huwag
na natin silang alipustahin na kesyo "pinili naman nilang maging mahirap." Magpakatao tayo.
Tandaan mo: higit na malaki ang posibilidad na bumalik ka sa pagiging mahirap kaysa maging
bilyonaryo ka. Isang kamag-anak lang ang magkaroon ng malubhang karamdaman, huwag naman
sana, maaaring mawalang lahat ng ipinundar natin at bumalik tayo sa kahirapan.
Panghuli, kung choice lang naman pala ang social class, bakit mo piniling maging middle class lang?

Alvin D. Campomanes
Program Coordinator at Faculty Member
Social Sciences (Area Studies) Program
U.P. Manila

You might also like