You are on page 1of 12

ADOREMUS

Ritu sa Pagsamba sa Banal na Eukaristiya


Para sa Mapayapang Halalan 2019
PAGTATANGHAL SA BANAL NA SAKRAMENTO
Nakapatay ang lahat ng ilaw maliban sa retablo. Ihahanda ng paring
tagapagdiwang kabanal-banalang Sakramento para sa pagtatanghal at pagsamba
habang inaawit ang “Isang Bayan.” Ilalapag ang Ostensorio sa altar at iinsensuhan
ng pari.

Isang Bayan
O kay ganda ng ating buhay.
Napupospos ng pagpapala
sa Sakramentong mahiwaga.
Kaloob ni Hesus sa’ti’y gabay.
O kay tamis ng pagpapala.
Nagmumula sa pagkakaisa.
Bumubukal sa pagsasalo.
Sa iisang hapag ay dumalo.
Purihin si Hesus sa Sakramento.
Purihin ng lahat ng tao.
Purihin Siya ng Pilipino.
Sa pagkakaisa, lingapin mo.
PAGSAMBA
Pagkaraan, habang nakaluhod ang lahat, babasahin ng pari ang maikling pahayag
bilang paanyaya sa pagsamba. Aawitin ng koro ang panimulang antipona at
pangungunahan ng pari ang pagsamba.

Pari: Mga kapatid,


tayo ngayon ay magpuri kay Hesus,
ang Hari ng Sanlibutan,
ang bukal ng buhay
at ng lahat ng kabutihan.
Kantor: Purihin ka Hesus ng lahat ng tao, purihin ka nila sa lahat ng
dako.
Bayan: Purihin ka Hesus ng lahat ng tao, purihin ka nila sa lahat ng
dako.
Pari: O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,

1
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
Bayan: Purihin ka Hesus ng lahat ng tao, purihin ka nila sa lahat ng
dako.
Pari: Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
‘pagkat matuwid kang humato sa madla;
Ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
Bayan: Purihin ka Hesus ng lahat ng tao, purihin ka nila sa lahat ng
dako.
Pari: Nag-aning mabuti ang mga lupain,
Pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin!
Bayan: Purihin ka Hesus ng lahat ng tao, purihin ka nila sa lahat ng
dako.
PAMBUNGAD NA PANALANGIN
Ang paring tagapagdiwang ay tatayo at magkadaop ang mga kamay na ipahahayag
ng pari:

Pari: Manalangin tayo.


Ang lahat kaisa ng Paring Tagapagdiwang ay tahimik na mananalangin nang saglit.
Pagkalipas ng ilang sandali, ilalahad ng Paring Tagapagdiwang ang kanyang kamay
at ipahahayag ang Pambungad na Panalangin.

Pari: Ama naming makapangyarihan,


sa iyong dakilang kapasyahan
ay pinamamahalaan mo ang sanlibutan.
Tanggapin mo ang aming mga panalangin
para sa aming Inang Bayan
upang maging marunong ang namumuno
at maaasahan ang mga mamamayan
sa ikatatatag ng pagkakasundo at katarungan
at ikapagkakaroon ng kapayapaan at pampalagiang
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Sasagot ang mga tao ng pagbubunyi.

Bayan: Amen.
2
MABUTING BALITA
Lucas 4: 14-22a
Tagabasa: Magsitayo po ang lahat at magbigay galang sa Mabuting Balita.
Ang pari ay magtutungo sa pook ng pagbasa habang pinangungunahan ng koro ang
pag-awit ng Aleluya.
Sa pook ng pagbasa, ihahayag ng pari:

Pari: Sumainyo ang Panginoon.


Bayan: At sumaiyo rin.
Pari: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San
Lucas.
Bayan: Papuri sa iyo, Panginoon.
Pari: Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Galilea, at
sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Kumalat sa palibot na lupain ang balita tungkol sa
kanya. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga; at
dinakila siya ng lahat.
Umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya
ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga
nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang
bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta
Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong
kinasusulatan ng ganito:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga
dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa bihag na sila’y
lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”
Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa
tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang
lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila:
3
“Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan
samantalang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat, at
namangha sila sa kanyang napakahusay na pananalita.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Bayan: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
PAGNINILAY
Maaari nang umupo ang lahat. Ang pari ay maaaring magbigay ng maikling
homiliya upang magbigay gabay para sa halalan. Pagkaraan ay ilalahad ang mga
punto ng pagninilay.
Ang Panginoong Hesus ang huwaran ng paglilingkod sa bayan. Sa ating pagpili sa mga
susunod na mamumuno sa pamahalaan, ating kilatisin ang mga nagnanais na mamuno:

1. Sa pagsisimula ni Hesus sa kanyang misyon at paglilingkod,


kaniyang ipinahayag na sumasakanya ang Espiritu ng Panginoon.
Ang kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos ay hindi kailanman
maigagapos. Inihahanda ng Espiritu Santo ang puso ng sinoman
upang yakapin ang Salita ng Diyos at magbigay kagalakan sa kapwa
sa pamamagitan ng paglilingkod. Sa ating pagpili, ating
isaalang-alang, sila ba ay kinasisiyahan ng Diyos? Sila ba ay
kinalulugdan ng Espiritu Santo? Niyayakap ba nila ang Mabuting
Balita ng pag-ibig, ang Salita ng Diyos?
2. Ang mga salita ni Propeta Isaias ay naglalarawan sa Manunubos. Ang
Panginoong Hesus ang katuparan ng mga salitang ito. Siya ang
hinirang upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita, ang
sinugo upang ipahayag sa bihag na sila’y lalaya at sa mga bulag na
sila’y makakikita, upang bigayang-kaluwagan ang mga sinisiil, at
ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon. Mayroon bang
puso na handang sundan ang yapak at mga halimbawa ni Kristo
ang mga nagnanais na mamuno sa ating bayan? Sa kanilang
pamumuno, isinasaalang-alang ba nila ang kalooban ng Diyos? Sila
ba ay handang ipaglaban ang kabutihan, kalayaan at katotohanan?
Makalipas ang ilang sandali ng katahimikan, paaanyayayhan ang lahat para sa
pagdarasal ng Divine Mercy Chaplet.

Tagabasa: Bilang isang sambayanang nagkakaisa, tayo ay dumulog kay


Kristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ng isang malinis, makatotohanan,
makahulugan at mapayapang halalan.
4
Aawitin ang Divine Mercy Chaplet.

ETERNAL FATHER (OUR FATHER BEAD)


Eternal Father, I offer you the Body and the Blood, Soul and Divinity of
Your Dearly Beloved Son, Our Lord, Jesus Christ, in atonement for our sins
and those of the whole world.
FOR THE SAKE (HAIL MARY BEADS)
For the sake of His sorrowful Passion, have mercy on us and on the whole
world.
HOLY GOD
Holy God, Holy Mighty One, Holy Immortal One, have mercy on us and on
the whole world.
Matapos ang pagdarasal ng Chaplet, maglaan ng ilang saglit na katahimikan.

PANALANGIN NG BAYAN
Pagkatapos, ang pari ay magtutungo sa naaangkop na lugar para sa panalangin ng
bayan. Ang lahat ay paanyayahang tumayo.

Pari: Ang Panginoon ay mahabagin


at walang hanggan ang pagmamahal.
Bilang isang sambayanan,
tayo ay manalangin sa Ama.
Isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak
upang maging halimbawa ng tunay na pag-ibig
at pagtalima sa kalooban ng Ama.
Sa bawat kahilingan, ating itutugon:
Diyos ng Kapayapaan, dinggin mo kami.
Nawa’y ang mga mamamayan ay magkaroon ng makahulugang
pakikitatagpo kay Hesus, upang sila ay mamulat sa katotohanan
at ito ay piliin at ipaglaban. Manalangin tayo sa Panginoon.
Nawa’y buksan ng mga Pilipino ang kanilang puso sa tinig ng
Diyos at magkaroon ng kalakasang tupdin ang kalooban ng
Panginoon. Manalangin tayo sa Panginoon.

5
Pagkalooban nawa ang ating bansa ng mga namumunong
maka-Diyos, maka-tao, maka-kalikasan, at maka-bansa na
hindi uunahin ang sariling kagustuhan bagkus ay ang ikabubuti
ng bayan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Upang ang mga namamahala sa ating bansa, ay maging


tagapagpatunay ng pag-ibig ng Ama sa kanilang mga adhikaing
pangkapayapaan, pangkaunlaran, at pagsusulong ng
karapatang pantao. Manalangin tayo sa Panginoon.
Nawa’y manaig sa ating bayan ang katapatan, katotohanan at
kabutihan. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ngayong halalan, nawa’y maghari ang kapayapaan ng Diyos at
tayo ay maging malaya mula sa kadiliman, kaguluhan,
korapsyon at kasamaan. Manalangin tayo sa Panginoon.
Bigyang kalakasan nawa ang mga taong maglilingkod para
panatilihin ang isang malinis at mapayapang halalan ngayon
tao. Manalangin tayo sa Panginoon.
Pari: Ama, dinggin mo ang hinaing ng iyong bayan.
Iyong ipinahayag na tatawaging mga anak mo
ang mga nagbibigay-daan sa kapayapaan.
Ipagkaloob mong mapairal naming lagi ang
katarungan
na siyang tanging saligan
ng talagang tatagal na kapayapaan.
Hinihiling namin ang lahat ng ito
sa pamamagitan ng Iyong Anak
na si Hesukristong aming Panginoon.
Bayan: Amen.
Matapos ang panalangin ng bayan, ipahahayag ng pari nang may magkadaop na
mga kamay.

Pari: Bilang isang sambayanan ng Diyos,


tayo ay dumulog Kanyang pag-ibig at awa.

6
Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat:
Aawitin ang Ama Namin

Ama namin, sumasalangit ka.


Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo
dito sa lupa para nang sa langit.
Bigyan mo kami ngayon
ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.
PANALANGIN PARA SA HALALAN 2019
Ang lahat ay magsisiluhod. Paaanyayahan ng pari ang lahat para manalangin ng
taimtim.

Pari: Sa katahimikan ng ating puso,


ating idulog sa Diyos
ang isang makahulugan at mapayapaang halalan.
Magkakaroon ng ilang sandali ng katahimikan.

Pari: Nang mayroong iisang tinig, tayo ay manalangin.


Lahat: Minamahal naming Diyos
ng aming buhay at kasaysayan,
Nagpapasalamat po kami,
Kami’y iyong nilikha na mayroong kalayaan at dangal.
Salamat din na kami ay may pagkakataon
na gamitin ang aming kalayaan at responsibilidad
sa pamamagitan ng pagboto.
Ito po ay sagisag ng aming pagkalinga sa bayan
na sa iyo rin naman nagmula.
Ito ay sagisag ng aming pananagutan
na itaguyod ang kabutihan ng lahat ng mamamayan.
Itaguyod ang dignidad, buhay at pati ang kalikasan.

7
Humaharap po ang bayang Filipino
sa isa na namang eleksyon.
Kami po nawa ay maging responsible,
ang aming dangal sa pagboto ay huwag naming sisirain
at pagkatapos ng aming pagpili
sa mga karapatdapat na pinuno,
patuloy nawa naming kalingain ang aming bayan
bilang mabubuting Kristiyano at mamamayan.
Hinihiling po namin ito
sa ngalan ni Kristong aming Panginoon.
Amen.
PAGBABASBAS
Pasisimulan ng pari ang pag-awit ng Tantum Ergo

Pari: Tantum Ergo…


Tantum ergo Sacramentum
Veneremur cernui:
Et antiquum documentum
Novo cedat ritui:
Praestet fides supplementum
Sensuum defectui.
Genitori, Genitoque
Laus et iubilatio,
Salus, honor, virtus quoque
Sit et benedictio:
Procedenti ab utroque
Compar sit laudatio.
Amen.
Iinsensuhan ng Paring Tagapagdiwang ang Banal na Sakramento at pagkaraa’y
mananalangin:

Pari: Panem de caelo praestitisti eis.


Bayan: Omne delectamentum in se habentem.
Pari: Oremus
Deus, qui nobis sub sacramento mirabili,

8
passionis tuae memoriam reliquisti:
tribue, quaesumus,
ita nos corporis et sanguinis
tui sacra mysteria venerari,
ut redemptionis tuae fructum
in nobis iugiter sentiamus.
Qui vivis et regnas in saecula saeculorum.
Bayan: Amen.
Susuotan ng Punong Tagapaglingkod ang Paring Tagapagdiwang ng Belo-Humeral.
Tatayo ang Paring Tagapagdiwang upang igawad ang pagbabasbas sa mga tao
gamit ang Ostensorio. Iinsensuhan ng tagapaglingkod ang Katawan ni Kristo habang
pinapatunog ang Bell.
Aalisin ng Punong Tagapaglingkod ang Belo-Humeral ng Paring Tagapagdiwang.
Pagkatapos ay pamumunuan ng Pari ang mga Pagpupuri. Uulitin ng Lektor ang
bawat linya ng Pagpupuri na sasambitin ng Pari.

PAGPUPURI
Pari: Mga Pagpupuri kay Hesus sa Santisimo Sakramento.
Purihin ang Diyos.
Purihin ang Kanyang Santong Ngalan.
Purihin si Hesukristo, Diyos na totoo,
at tao namang totoo.
Purihin ang Ngalan ni Hesus.
Purihin ang Kanyang kamahal-mahalang Puso.
Purihin ang Kanyang kamahal-mahalang Dugo.
Purihin si Hesukristo sa Santisimo Sakramento
sa Altar.
Purihin ang Espiritu Santo, ang Mang-aaliw.
Purihin ang Dakilang Ina ng Diyos,
si Maria Santisima.
Purihin ang banal at di narungisang Paglilihi
sa kanya.
Purihin ang maluwalhating Pag-akyat sa Langit
kay Santa Mariang Birhen.
Purihin ang ngalan ni Maria, Birhen at Ina.
9
Purihin si San Jose,
ang kanyang kalinis-linisang esposo.
Purihin ang Diyos sa Kanyang mga Anghel
at mga Banal.

REPOSISYON
Habang ginaganap ang reposisyon, ang sambayanan ay nakaluhod habang
pinangungunahan ng Koro ang pag-awit ng “Isang Pagkain, Isang Katawan, Isang
Bayan” hanggang sa matapos ang pagbabalik ng Banal na Sakramento sa
Tabernakulo.

Katulad ng mga butil na tinitipon,


upang maging tinapay na nagbibigay-buhay.
Kami nawa’y matipon din at maging bayan Mong giliw.
Iisang Panginoon, iisang Katawan,
Isang bayan, isang lahing sa ‘Yo’y nagpupugay.
Katulad din ng mga ubas na piniga at naging alak:
Sino mang uminom nito: “May buhay na walang hanggan.”
Kami nawa’y maging sangkap sa pagbuo nitong bayang liyag.
PAGHAYO
Sa puntong ito, maaaring magbigay ang pari ng ilang pahayag.
Gaganapin ang paghayo. Ang Paring Tagapagdiwang ng nakalahad ang mga kamay
sa mga tao ay magpapahayag:

Pari: Sumainyo ang Panginoon


Bayan: At sumaiyo rin.
Pari: Pagpalain nawa kayo
ng makapangyarihang Diyos,
Ama, at Anak † at Espiritu Santo.
Bayan: Amen.
Pari: Humayo kayong dala ang kapayapaan
ni Kristong muling nabuhay.

10
Aleluya! Aleluya!
Bayan: Salamat sa Diyos.
Aleluya! Aleluya!
Maaaring awitin ang anumang naaangkop na awit.

11

You might also like