You are on page 1of 4

Mantsa

Nakaaantok ang katahimikan ng hapon sa mababang paaralan ng San Juan ngunit masigla ang
kalooban ni Yumi sa nagaganap na pagpupulong. Katatapos lamang ng unang markahan at nais
ng guro ng Math club na mapag-usapan kasama ng mga opisyal ang mga gawain para sa ikalawa.
Bilang pangulo ng samahan, nagagalak si Yumi na maglapag ng mga suhestiyon dahil alam
niyang papakinggan ng bawat isa ang kanyang mga ideya.

"Bakit hindi po muna natin parangalan ang mga miyembro nating nagpakita ng kahusayan
nitong unang markahan?" Alok niya. Napaisip ang guro at nagustuhan ang kanyang mungkahi.
"Maganda iyan. Ano ang naiisip mong paraan upang maisagawa iyan?" Tanong nito. "Sa Sabado
po ay ilalabas na ang aming mga marka. Ang may pinakamataas na marka sa sipnayan ay
bibigyan natin ng katunayan at, upang mas mapa-espesyal pa, ating gagawan ng personalisadong
medalya." Nakangiting sabi ni Yumi, iniisip ang kanyang sarili na tinatanggap ang karangalan.

"Pasensya na po Ma'am, maaari po ba akong pumunta saglit sa palikuran?" Singit ni Daniel,


ang bise at siyang hinahangaan ni Yumi. "Sige, bilisan mo lang." Tugon ng guro na sinundan ng
paglabas ni Daniel ng pintuan. "At dahil lumabas si Daniel, siya ang aatasan nating gumawa ng
medalya. Hahaha." Pabirong sabi ni Yumi ngunit sinang-ayunan naman ito ng guro at mga
opisyal.

Pagdating ng Sabado ay tumungo ang klase sa paaralan upang kunin ang kanilang mga report
card. Nagalak si Yumi nang makita ang matayog niyang marka sa sipnayan. Naipipinta na niya
sa kanyang isip ang sarili na tinatanggap ang karangalan sa kanilang club. Mas lalo pa itong
pinatamis ng pag-iisip na si Daniel mismo ang nagsasabit sa kanyang leeg ng medalyang siya rin
mismo ang gumawa. Ngunit sa ilang sandali lamang ay tila nawasak ang kanyang panaginip.

Sa kanyang paglabas ng silid ay nakita niya ang kumpulan ng ilang mga kamag-aral sa
pasilyo. Kanya itong nilapitan at natuklasan ang pagkamangha ng mga ito kay Lara na nakatayo
sa gitna, naghihintay na ibalik sa kanya ang report card na pinagpapasa-pasahan ng mga kamag-
aral. Naki-tingin si Yumi at bumagsak ang kanyang loob nang makita ang marka ni Lara sa
sipnayan. Mas mataas ito kaysa sa kanya at sa kanyang mukha ay tila isa itong malaking sampal.

Si Lara ay isa lamang baguhan sa paaralan ng San Juan. Tahimik ito at hindi laging
nakikihalubilo ngunit siya'y malapitin ng tao dahil sa kapansin-pansin nitong husay at talino.
Mabilis siyang nakasundo ng marami ngunit hindi kasama roon si Yumi. Noong unang araw pa
lamang ng pasukan ay hindi na niya nagustuhan si Lara. Ngayong nawasak pa nito ang kanyang
inaasam ay lalong lumaki ang kanyang pagkamuhi.
Dumating ang araw ng pagbibigay karangalan at hindi matiis ni Yumi ang kasaklapan ng
mga pangyayari. Ito ang unang beses na may nakalagpas sa kanyang marka sa sipnayan. Marahil
ay makakayanan pa sana niya itong tanggapin, ngunit si Lara ay hindi kung sino lamang. Siya ay
isang kamag-aral na madalas na ikinasisira ng kanyang araw. Tunay na ikinasasama ng kanyang
loob na makita si Lara, ang kanyang kinamumuhian, na nakangiting tinatanggap ang
nakabibighaning medalya mula sa lalaking kanyang hinahangaan.

Makalipas ang ilang araw ay nawala ang pitaka ni Yumi. Nang makita niya ito na nakakalat
malapit sa tabi ng upuan ni Lara ay nagkaroon siya ng ideya.

Habang walang nakatingin ay inilagay niya ang gamit sa bag ni Lara. Paglabas niya ng silid
ay nagulantang siya sa pagsalubong ng isang kamag-aral na nakasimangot. Akala niya'y nahuli
siya nito, ngunit bigla lamang itong nagapahayag ng pagkairita sa mga ka-miyembro sa art club.
Hindi naman pala nito nakita ang kanyang ginawa.

"Ano ba ang nangyari?" Tanong ni Yumi. Nagreklamo ang kamag-aral na saka lang daw
ginaganahang kumilos ang mga kasama kung kailan wala nang oras at wala pa silang lugar na
magamit upang gawin ang mga proyekto. Nagalak si Yumi sa kanyang loob sa tila pagkaka-ayon
ng mga kaganapan sa nais niyang mangyari.

Ipinagamit ni Yumi ang silid ng kanilang club at ipinagpaalam ang mga kamag-aral sa
kanyang guro. Sa pagtatrabaho ng mga ito ay naging magulo ang silid. Ang mga kagamitan ay
nagkalat sa sahig at sa mga upuan. Iba't ibang kulay rin ng pintura ang bumahid sa lapag at sa
mga pader. Nang magliligpit na sana ay dumating si Yumi at pinigilan sila. "Ayos lamang,
maaari na kayong umalis. May nakaatas na maglinis dito ngayon." Nakangiti niyang sabi at
pinaalis na ang mga kamag-aral. Nang sila'y lumisan ay kanya pang pinalala ang kalagayan ng
silid. Kanyang ikinalat pang lalo ang mga basura at mga pinturang dumudungis sa sahig.

Dahil sa kalagayan ng lugar ay ipinaganap na lamang ni Yumi ang diskusyon ng math club sa
kanilang pangkalahatang silid-aralan. Dito ay kanya nang isinagawa ang kanyang plano.

"Ma'am, gusto ko lang din po sanang itanong bago tayo umalis, may nakita po ba kayong
pitaka sa ating silid kahapon? Nawawala po kasi ang aking pitaka." Wika ni Yumi. "Ha? Wala
naman. Naku baka naiwan mo sa ibang lugar. Tiningnan mo na ba sa lost and found o kaya
naman sa mga lugar na nadaanan mo?" Nag-aalalang tugon ng guro. "Opo ngunit hindi ko pa rin
po nakita. Nais ko rin sanang manawagan sa mga kamag-aral kong nandito ngayon, baka nakuha
ninyo o nakita man lang." Sabi niya. "Wala bang kumuha sa inyo?" Singit ng isang kamag-aral.
Sa pagsisimula silang magbintangan nang pabiro ay naging seryoso ang guro. "Baka nakikitawa
kayo pero kinuha n'yo pala talaga ha." Sabi nito na sinundan ng pagpapasuri ng bag ng bawat isa.
Nagulat ang lahat nang lumabas ang pitaka sa bag ni Lara. "H-hindi po ako ang kumuha
niyan." Tanggi ni Lara na mababakasan ng pag-aalala sa mukha. "P-pero nasa iyo…" Sabat ni
Yumi na may pagkukunwaring panghihinayang. "... Ma'am baka po may dahilan naman si Lara
kung bakit niya ito nagawa. Nasa akin naman na po ulit ang nawawala kong gamit, huwag na po
natin siyang ipadala sa guidance o kung ano man pong mas komplikado pa." Dagdag pa niya.
"Pero anak hindi pwedeng wala kang matanggap na hustisya." Sagot ng guro. "... Siguro po kahit
atasan na lamang natin siyang maglinis ng silid ng math club sa loob ng isang linggo upang
maging aral." Sabi naman ni Yumi. Pumayag ang guro sa mga alok niya at napagkasunduang
kakausapin na lang din ng guro at ng tagapayo si Lara.

Habang nagsisilabasan ang mga miyembro ng math club ay lumingon si Yumi kay Daniel. Sa
halip na pandidiri sa magnanakaw na si Lara ay mababakasan ng awa ang mga mata nito.
Nakalabas na ang iba ngunit hindi pa rin gumagayak si Daniel para umuwi. Nakaupo lamang
siya habang minamasdan si Lara na lumakad patungo sa silid ng math club upang maglinis.
Aayain na sana siya ni Yumi na sumabay sa paglabas ngunit siya'y nagsalita.

"Ma'am." Wika ni Daniel. "Ano iyon?" Tanong ng guro. "Hindi ko na po mapigilan, gusto ko
pong malaman na ninyo na wala talagang kasalanan si Lara." Sagot ng mag-aaral. "Sa halip, may
taong gustong ipahamak siya." Natahimik ang mga naiwang kamag-aral at nanlamig bigla ang
mga kamay ni Yumi. "Nakita ko ang isang babaeng naglagay ng pitaka sa bag ni Lara kanina
lamang. Sinadya pa niyang pigilan maglinis ang mga taga-art club sa ating silid dahil inihanda
nya para kay Lara ang mga kalat doon. Ano bang problema mo kay Lara at lagi mo siyang pinag-
iinitan? Oo ikaw ang tinutukoy ko at wala nang iba, Yumi."

Sa labis na kahihiyan ay tumakbo palabas si Yumi ngunit nakabangga niya si Lara sa pasilyo
at pareho silang napaupo sa sahig. "Anong nangyari? Bakit para kang may tinatakbuhan?"
Tanong ni Lara. Hindi siya pinansin ni Yumi. Tumayo lamang ito at ipinagpatuloy ang pagtakbo.
Tumayo rin si Lara habang pinapanood ang kanyang likod. "Ibinunyag ka ba ni Daniel?" Sabi
niya, na naging dahilan ng pagkakatigil nito sa pagtakbo. Lumingon ito at binalikan siya. "A-
alam mo?" Sabi ni Yumi. "Paano mo nagawa iyon?" Tanong ni Lara. "Bakit ba lagi kang galit sa
akin? Dahil mas malapit pa ako kay Daniel na baguhan lang ako kaysa sa iyo na matagal na
niyang kamag-aral?" Dagdag pa nito. Hindi makapagsalita si Yumi, ngunit bakas sa kanyang
matalas na mga titig ang katotohanan sa sinabi ni Lara. "Yumi, pasensya na at hindi namin
nasasabi, pero magpinsan kami!"

Dumating ang guro kasama si Daniel. "Lara, sinabi na ni Daniel ang totoo. Pwede ka nang
umuwi." Wika nito. "At ikaw Yumi, hindi ako makapaniwala na magagawa mo ito. Bukas ay
mag-uusap tayo kasama ang iyong tagapayo. Sa ngayon, ikaw ang maglinis sa silid ng ating
club." Dagdag nito.
Hindi makapaniwala si Yumi sa lahat ng nangyari. Maliwanag pa ang sinag ng araw sa
bintana ng silid ngunit ang kanyang mundo ay tila nandidilim. Mag-isa siyang nagluluksa sa loob
ng silid na makalat, magulo, at walang kaayusan na tila ba nagpapaalala sa kanya ng kasiraang
idinulot niya sa sarili. Labis niyang pinagsisihan ang kanyang naging pag-asta habang patuloy
siyang naghihirap sa pagtanggal ng mga pinturang siya rin mismo ang nagmantsa.

You might also like