You are on page 1of 15

MODYUL 3

KRITISISMONG PANGKASAYSAYAN
Palmo R. Iya
Fakulti, Departamento ng mga Agham Panlipunan
Kolehiyo ng Malalayang Sining at Komunikasyon
Unibersidad ng De La Salle-Dasmariñas

Panimula

Matututunan mo sa modyul na ito ang dalawang uri ng pagsusuri sa mga primaryang batis: 1. ang
kritikang panlabas o kritika ng kapantasan at 2. ang kritikang panloob o kritika ng kapaniwalaan. Sa pag-
aaral mo sa unahan, iyong napag-alaman na ang mga kaganapang nais patunayan ng isang historyador ay
naganap at hindi na mauulit kailan pa man. Kaya naman kailangan niyang umasa sa mga bakas na naiwan
ng mga pangyayaring ito, at ang mga dokumento ay bakas ng naganap. Sa pamamagitan ng nakalahad na
dokumento ay maaaring masaksihang muli ng historyador ang mga nangyari sa isang di-tuwirang paraan.
Sentral ang kahalagahan ng dokumento dahil kung wala ito ay hindi mabubuo ang nakaraan: kung walang
dokumento ay wala ring kasaysayan. Ang paraan ng paghahanap at pagkalap ng mga dokumento ay
tinatawag na heuristic.

Nababatid natin dito ang problemang hinaharap ng Pilipinong historyador dahil salat na salat tayo
sa sariling dokumento ukol sa ating kasaysayan. Tungkol sa sinaunang lipunang Pilipino, ang mga kronika
ng ibang bansa na nakipagkalakal sa atin, gaya ng India at Tsina ay wala sa atin mismo. Maliban pa rito,
isang pangkalahatang problema ang hinaharap ng historyador ukol sa dokumento. Ang nakasulat sa
dokumento ay hindi ang kaganapan mismo, kundi mga palatandaan lamang ng sikolohiya at pag-iisip ng
mga nagsulat at hindi pa ito tumpak at kabuuang pagsasaksi.

Sa pagbasa ng dokumentong pangkasaysayan, naiiba o dapat maiba ang historyador sa isang


pangkaraniwang tao. Ang hindi historyador ay maniniwala kaagad sa sinasabi ng dokumento at
tatanggapin ito ng walang katanungan o pagdududa tungkol sa katumpakan. Ngunit ang isang historyador
ay hindi mapaniwalain. May katangian siyang naiiba, ang metodikal na pagdududa sa lahat ng bagay.
Samakatuwid, bago siya mapapaniwala sa isang dokumento ay gagamitan niya ito ng kritisismong
pangkasaysayan – ang masusing pagsusuri sa dokumento sa pamamagitan ng kritikang panlabas o kritika
ng kapantasan at kritikang panloob o kritika ng kapaniwalaan. Ang mga kritikang ito ay kailangang gamitin
sa dokumento upang mapatunayan kung maaaring paniwalaan ang dokumento, at upang hanguin sa
dokumento ang orihinal na kaganapan.
1
Binubuo ng apat (4) na bahagi ang modyul na ito: 1. ang kritikang panlabas o kritika ng kapantasan,
2. ang kritikang panloob o kritika ng kapaniwalaan, 3. ang pamamaraan ng pagbubuo ng kasaysayan, at 4.
paglalagom.

Mga Inaasahang Pagkatuto:

Pagkatapos mapag-aralan at gawin ang nilalaman ng modyul, inaasahang magagawa mo ang mga
sumusunod:

Mga Inaasahang Pagkatuto sa Kurso:


CLO2. Masuri ang mga primarya at sekundaryang batis ng kasaysayan upang makabuo ng mga paksain
at talakayang maaaring gamitin sa pag-unawa ng ating nakaraan ayon sa konteksto ng mga kaganapang
nakalipas; at
CLO5. Makapagpamalas ng mga kasayanang pang-dantaon 21 sa lahat ng mga gawain.
Mga Inaasahang Pagkatuto sa Paksa:
TLO7. Matukoy ang kahulugan at kaibahan ng kritikang panlabas at kritikang panloob;
TLO8. Maipaliwanag ang kahalagahan ng kritisismong pangkasaysayan sa pagbuo ng kasaysayan;
TLO9. Makapagbigay ng mga sitwasyon kung paano magamit ang kasanayan ng kritisismong
pangkasaysayan sa buhay ng mga Pilipino sa kasalukuyan; at
TLO21. Mapayabong ang mga kasanayang pang-dantaon 21 gaya ng mga sumusunod: a. kolaborasyon,
b. komunikasyon, c. pagiging-malikhain, at d. kritikal na pag-iisip.
Mga Inaasahang Pagkatuto sa Modyul:
1. Matalakay ang kahulugan at kaibahan ng kritikang panlabas at kritikang panloob;
2. Maipaliwanag ang kahalagahan ng kritisismong pangkasaysayan sa pagbuo ng kasaysayan; at
3. Makapagbigay ng mga sitwasyon kung paano magamit ang kasanayan ng kritisismong
pangkasaysayan sa buhay ng mga Pilipino sa kasalukuyan.
4. Masukat ang mga natutunan sa pamamagitan ng pagsagot sa kabuuang pagtataya sa anyo ng
multiple choice, pagpapaliwanag, at aplikasyon.

Gawain 1: Lunsarang Katanungan


1. Bago mo simulan ang pag-aaral sa modyul na ito, mainam na sagutin mo muna ang tanong
sa ibaba. Mamarkahan ang iyong tugon batay sa inihandang rubrik. (20 puntos)
Pamantayan Puntos Gradong Sukat
1. 3 7 10
Malinaw na Nangangailangan ng Mahusay Napakahusay
pagpapaliwanag 10 Pagpapabuti

2
Bahagyang Naipaliwanag nang Naipaliwanag
naipaliwanag ang mga malinaw ang mga nang napakalinaw
ideyang tumutugon sa ideyang tumutugon sa ang mga ideyang
paksang tinalakay paksang tinalakay tumutugon sa
paksang tinalakay

2. Faktuwal 3 7 10
na datos 10 Nangangailangan ng Mahusay Napakahusay
Pagpapabuti

Bahagyang nailahad ang Nailahad nang mahusay Nailahad nang


mga faktuwal na datos ang mga faktuwal na katangi-tangi ang
na sumusuporta sa datos na sumusuporta mga faktuwal na
paksang tinalakay sa paksang tinalakay datos na
sumusuporta sa
paksang tinalakay

Tanong 1: Nakita lang ninyo sa mall ang dati n’yong mag-asawang kapitbahay na kapwa
nakasuot ng Boracay T-shirt. Naisip n’yo na sila ay galing sa pagbabakasyon o pagliliwaliw sa
Boracay. Sa inyong pag-uwi ay ipinamalita ninyo sa inyong mga kaibigan na ang dati n’yong
mag-asawang kapitbahay na ito ay nagliwaliw sa Boracay. Kung ikaw ang isa sa mga kaibigang
pinagsabihan, maniniwala ka na ba sa sinabi ng kaibigan n’yong ito? Bakit? o Bakit hindi?

Tanong 2: May nabasa ka sa isang pahayagan na ang mayor sa inyong bayan ang siyang utak sa
pagpaslang sa inyong amang tumakbo bilang kapitan ng barangay sa katatapos lamang na halalan. Dapat
at kaagad-agad ka na lang bang maniniwala sa mga pahayag na ito? Bakit? o Bakit hindi?

3
Ang Kritikang Panlabas o Kritika ng Kapantasan
Ang kritikang panlabas ay kailangan upang makilala ang dokumentong huwad at ang
dokumentong tunay. Ang kritikang ito ay may tatlong bahagi: 1. ang restitusyon, 2. ang pagtatakda, at 3.
ang pag-uuri ng mga batis. Dapat isaalang-alang na ang kritikang panlabas ay paghahanda lamang upang
maisagawa ang susunod na kritika at sa gayon ay makabuo ng kasaysayan.

1. Restitusyon

Ito ang pagwawasto ng nakasulat sa dokumento upang maibalik ito sa orihinal. Dito ay hahanapin
ang mga pagkakamali hinggil sa pangkalahatang kaisipan ng may-akda upang mapalitaw ang mga
isinisingit na lang sa orihinal na kasulatan, at ang pagwawasto ng mga teknikal na pagkakamali at mga
nawawalang kataga o mga kataga. Sa paghahanap ng mga isiningit lamang na mga ideya, mahalaga rito
na ang nagsusuri ay may alam ukol sa mga ideya ng may-akda at ang kaniyang estilo sa pagsusulat. Maaari
rin namang ang mga idinagdag sa orihinal ay mga pangalan o iba pang bagay, para sa kapakanan o
pakinabang ng taong nagdagdag nito. Kung may iba pang kopya ng dokumento ay makatutulong ito dahil
sa pamamagitan ng paghahambing ay mapapalitaw ang mga kataga o mga bahagi ng dokumento na
maaring pagdudahan.

Ang restitusyon ay maisasagawa lamang kung alam ang wika ng dokumento. Dito ay muling
pumapasok ang problema ng Pilipinong historyador dahil halos lahat ng mga dokumento ng ating
kasaysayan ay nasa wikang banyaga – Espanyol at Ingles. Ito’y dahilan sa ang mga banyagang sumakop sa
atin ang nag-aral at nagsuri ng mga pangyayaring Pilipino ayon sa kategorya ng kanilang kalinangan.

2. Pagtatakda ng Pinanggalingan

Tatlong bagay ang itatakda: ang petsa, lugar, at may-akda. Sa mga bagong dokumentong
nakasulat, madali nang alamin ang mga bagay na ito at madaling mapatunayan kung ang nakalagay na
petsa, lugar, at may-akda ay tunay. Kung ang dokumento halimbawa ay luma na at hindi nakalagay ang
petsa, kailangang pasukin mismo ang nilalaman nito at paghango ng nasasaad sa dokumento na maaaring
makatulong sa pagtakda ng petsa. Maaari itong malaman sa anyo ng sulat kamay o sa mga nabanggit na
kaugalian ng mga tao, o pananamit, pangyayari, o mga ginagamit na salita dahil ang lahat ng mga ito’y
nag-iiba ayon sa panahon.

Ang lugar ay ang kapaligiran ng dokumento. Dapat itakda kung saang uri ng lipunan nanggaling
ito dahil ang lugar ay nagpapakita ng direksyong sosyal at politikal na tinutungo ng dokumento.

Sa pagtakda ng may-akda, hindi dapat basta maniniwala na ang pangalang nakalagda sa


dokumento o aklat ay siya na ngang nagsulat nito. Kailangan ay tiyakin ang tunay na may-akda. Kapag
naitakda na ito ay kinakailangan ding siyasatin ang kabuuan ng mga ideya at paniniwala niya dahil ang
kasulatan niya ay produkto ng kaniyang pagkatao. Samakatuwid, may malaking impluwensiya sa may-akda
ang kaniyang oryentasyon, personal na paniniwala, pananaw na politikal, katayuan sa buhay,
kinabibilangang relihiyon o pananampalataya, at iba pang bagay na humubog ng kaniyang pagkatao na
maaaring maging batayan ng kaniyang naratibo at interpretasyon sa pangyayari. Upang lubos na
maunawaan, tunghayan sa ibabang larawan ang karaniwang mga itinatanong sa kritikang panlabas.

4
Ang mga Itinatanong sa Kritikang Panlabas. Hinango mula sa google.

3. Pag-uuri ng mga Batis

Ito ang pagtatakda kung paano nalaman ng may-akda ang mga kaganapang isinulat niya. Kung ang
nag-uulat ay tuwirang saksi sa pangyayaring iniulat niya ay maaaring gamitin ang ulat niya. Subalit kung
ito ay nalaman rin niya sa ibang saksi, dapat hanapin niya ang batis ng tunay na saksi. Kung wala ito ay
maaaring gamitin ang pangalawang batis na isinaalang-alang ang katunayan ng may-akda sa
pagbabanggit.

Ang lahat ng hakbang na ito ay kinakailangan upang mapakita ang katunayan ng dokumento.
Mahalagang gawain ito dahil maaaring ang historyador ay malinlang at sa paniniwalang tunay ang isang
dokumento ay bumuo siya ng teorya na batay pala sa dokumentong huwad. Subalit kahit na napatunayan
na ang dokumento ay tunay, hindi pa rin nangangahulugang ang nilalaman nito ay totoo o tumpak.
Maaaring dahil sa tuwa ng isang historyador na makakalap ng dokumentong tunay, lalo na kung luma o
di-karaniwan, ay agad nang tatanggapin ang sinasabi ng dokumento bilang katotohanan, na hindi naman
dapat.

May isa pang mahalagang isasagawa bago mapaniwalaan na nga ang sinasabing dokumento, at
ito ay ang kritikang panloob.

Ang Kritikang Panloob o Kritika ng Kapaniwalaan


Ang kritikang panloob o kritika ng kapaniwalaan ay ang pagsusuri ng nilalaman ng dokumento at
ang pagsusuri ng mga kalagayan na nagpalitaw ng ganitong uri ng dokumento.

Ang unang hakbang ay ang pagsuri ng nilalaman ng dokumento at ang mapanuring pagbibigay ng
kahulugan (“interpretative criticism”) sa ibig sabihin ng may-akda. Dapat ditong itakda ang tiyak na
kahulugan ng kataga at ang tunay na kahulugan ng kataga.

Upang maitakda ang tiyak na kahulugan, hindi sapat na nakakaunawa lamang ng wika ng
dokumento. Sa pagbabasa ng dokumento, binigyan natin ng pare-parehong kahulugan ang isang kataga
sa bawat pagkakataong lumilitaw ito. Subalit ang pangkaraniwang wika na ginagamit ng dokumento ay
nag-iiba ang kahulugan ayon sa panahon, lugar, at pinanggalingan nito. Ang isang literal na interpretasyon

5
ay kailangang madagdagan ng historikal na interpretasyon ng kataga. May apat na prinsipyong dapat
isaalang-alang upang matiyak ang natatanging kahulugan ng isang kataga:

1. Ang wika ay nagkakaroon din ng ebolusyon, kaya ang kahulugan ng isang kataga ay nag-iiba ayon
sa panahon. Dapat ay alam ng historyador ang paggamit ng wika sa panahon ng dokumentong
sinusuri niya.
2. Nag-iiba ang kahalagahan ng wika sa bawat lugar, kaya mahalagang malaman ang paggamit ng
wika sa rehiyon o bansa kung saan isinulat ang dokumento. Halimbawa, kaya nag-utos ang isang
Batangeño na “lulunin na ang banig,” ay hindi niya sinasabing kainin ito kundi iligpit na.
3. Ang bawat manunulat ay may sariling estilo ng pagsusulat. Kailangang pag-aralan din ng
historyador ang estilo ng manunulat na sinusuri niya.
4. Ang mga kawikaan (expressions) ay nag-iiba ang kahulugan ayon sa pagkakagamit nito sa isang
pangungusap, kaya dapat ding basahin ito sa kabuuan ng ideya ng may-akda.

Pagkatapos matakda ang tiyak na kahulugan, aalamin na ang tunay na kahulugan nito. May mga
katagang maaaring ginamit na patalinhaga, pabiro, pasumala o bilang kapalit ng tunay na ibig sabihin.
Mahalagang malaman kung ang dokumento ay isinulat para sa isang tanging grupo o tao na makaintindi
ng simbolismo ng may-akda, tulad ng mga pribadong kasulatan, mga dokumentong panrelihiyon, o mga
gawaing pampanitikan. Mahirap sa gayon ang pagtakda ng tunay na kahulugan ng may-akda, at ito’y
itinuturing na isang sining na tinatawag na hermeneutic. Ang hermeneutic ay ang pagkilala at pagtiyak ng
mga nakatagong kahulugan sa mga dokumento.

Kapag natagpuan na ng historyador ang tunay na kahulugan ng dokumento, ang unang bahagi ng
pagsusuri ay tapos na. Alam na niya ang takbo ng pag-iisip ng may-akda, na makatutulong sa pag-unawa
ng mga ideya niya.

Sumunod dito ang pagtakda ng katiyakan ng pag-uulat ng may-akda, na kinakailangan ang


pagsusuri ng paligid ng may-akda. Ang halaga ng kaniyang ulat ay nakasalalay sa mga kalagayan nang ito
ay isinulat niya. Dapat tiyakin ng historyador ang mga paniniwala ng may-akda upang mapatunayan kung
siya ay tapat; at tiyakin din ang tunay niyang nalalaman o nasaksihan, upang malaman kung siya ay tumpak
o nagisinungaling lamang. Kaya naman kinakailangang mapalitaw sa gawaing ito ang katapatan at ang
katumpakan ng may-akda bilang saksi sa kaganapan.

Bawat pagkukubli ng katotohanan, maliit man o malaki ay dala ng pagnanais ng isang may-akda
na makakuha ng isang partikular na reaksiyon mula sa kaniyang mambabasa. Ang mga sumusunod ay mga
pangkaraniwang dahilan upang ang may-akda ay hindi nagiging tapat sa kaniyang pag-uulat:

1. Ang may-akda ay nagnanais na makinabang sa kaniyang pag-uulat, halimbawa’y nais niyang


himukin ang mambabasa upang gawin o di-gawin ang isang bagay. Halos lahat ng dokumentong
opisyal ay mapapailalim dito. Dalawa ang magiging interes ng may-akda upang magsinungaling:
pansariling interes at kolektibong interes. Dito’y dapat alamin kung saang grupo siya kasapi at ang
mga interes ng grupong ito.
2. Ang may-akda ay nasa kalagayan na mapipilitan siyang magsinungaling. Ito ay nangyayari lalo na
sa mga dokumentong dapat iayon sa kinagawian o sa alituntunin. Ang nakalagda halimbawa sa
isang opisyal na pag-uulat: siya ba ang gumawa ng ulat? Siya ba ay talagang saksi sa kaganapang
pinapatunayan ng kaniyang lagda?

6
3. Ang may-akda ay may simpatiya o antipatiya sa isang grupo ng tao, institusyon, o ideyolohiya.
Kapag mayroon siyang kinikilingan ay magkukulay ito sa kaniyang magiging pahayag.
4. Siya ay naudyok magsinungaling upang idakila ang sirili o ang grupo niya. Dapat ay pagdudahan o
hindi pagkatiwalaan ang isang dokumentong nagbibigay halaga sa katayuan ng may-akda o sa
grupo niya.
5. Ninanais ng may-akda na dulutan ng kasiyahan ang publiko, o kaya’y iwasan itong mabigla. Maaari
niyang ibahin o ikubli ang ibang mga kaganapan upang iayon ito sa asal o moralidad ng publiko.
Kasama rin dito ang mga deklarasyon o mga talumpati na inaayon sa etiketa. Upang malaman
kung nasa kategoryang ito ang may-akda ay dapat tiyakin kung anong grupo ang pinagmulan niya,
at kung ano ang tinatanggap na kaugalian o mabuting asal ng grupong ito.
6. Nais ng may-akda na masiyahan ang publiko sa pamamagitan ng mabulaklak na pananalita.
Magdadagdag siya ng makukulay na detalye o lalagyan niya ng mga dakilang gawain, adhikain, o
pananalita ang mga taong isinusulat niya. O kaya’y upang pagandahin ang kinalabasan ay
ipagsasama-sama niya ang mga kaganapan sa isang pangyayari o tao. Ang ganitong madulang pag-
iiba ng mga pangyayari ay tinatawag na “higit pang totoo kaysa katotohanan.” Upang lubos na
maunawaan, tunghayan sa ibabang larawan ang karaniwang mga itinatanong sa kritikang
panloob.

Ang mga Itinatanong sa Kritikang Panloob. Hinango mula sa google.

Ang lahat ng pagsusuring ito ay kinakailangan upang matuklasan kung ano at alin ang nasa
dokumento ang maaaring gamitin ng historyador. Subalit hindi sa lahat ng dokumento ay matutuklasan
ang may-akda. Maaari bang gamitin ng historyador ang isang dokumentong hindi alam ang nagsusulat?
Paano ito susuriin? Dahil ang kritika ay ginagamit upang alamin ang kapaligiran ng dokumento, kailangang
pumasok sa nilalaman nito at ihambing ang mga ideya nito sa iba pang mga ideya upang maitakda kung
ito ay nagmula sa tao o grupong may parehong paniniwala o kinikilingan.

Pagkatapos maisagawa ang kritikang panlabas at panloob, mahahango na ng historyador ang


tunay na kaganapan. Subalit ang pamamaraan ng kritika ay nagpapalitaw lamang ng hiwa-hiwalay na mga
kaganapan. Papaano ito maikakabit-kabit upang mabuo ang isang kasaysayan?

7
Ang Pamamaraan ng Pagbubuo ng Kasaysayan

People Power Revolution noong 1986. Hinango mula sa google.

Natiyak na ng historyador ang kaganapang pangkasaysayan. Ang gawain niya ngayon ay buuuin
ito upang makita ang ugnayan sa isa’t isa ng bawat kaganapan. Kailangan niya nang magkaroon ng mga
katanungan upang isaayos ang mga kaganapan. Maaari rin naman na ang nahango niyang mga kaganapan
ang mismong mapalitaw ng mga katanungan. Mapapansin natin dito na sa tradisyunal na kasaysayan,
binubuo ito ng mga kaganapang hindi nasaksihan ng historyador at nakalahad sa wikang hindi tumpak ang
ating pag-unawa. Kailangan muling malikha sa isip ng historyador kung paano ang mga ito naganap noon,
ayon sa nakikita niyang mga kaganapan sa kasalukuyan. Apat (4) ang paraan upang makapagbuo ng
kasaysayan mula sa dokumento.

1. Paghahambing sa Kasalukuyan

Ihambing ang mga kaganapang pangkasaysayan sa mga kasalukuyang pangyayari. Ang


historyador ay kailangang may masusing kaalaman sa mga nagaganap sa kasalukuyan upang
makita niya ang pagkakahawig o pagkakaiba ng nakaraan sa kasalukuyan. Ang kaalamang ito ay
magdudulot sa kaniya ng pangkabuuang konsepto ng mga pangyayari. Dapat ay mapagmasid siya
upang makahanap ng mga paghahambing. Ang kasaysayan sa gayon, ay ang paggamit ng mga
agham pantao, tulad ng Sikolohiya, Sosyolohiya, Ekonomiks, Agham Pampolitika, at iba pang
agham panlipunan.

2. Pag-uuri ng Kaganapan
Uriin ang mga kaganapan at isaayos ito ayon sa isang pangkalahatang simulain. Mayroong
apat (4) na pag-uuri na maaaring gamitin:

a. Ayon sa panlabas na kalagayan:


• Isang panahon
• Isang bansa
• Isang tao (talambuhay)

8
b. Ayon sa panloob na kalagayan:
• Sining
• Relihiyon
• Panitikan
c. Ayon sa isang grupong taglay ang iisang katangian:
• Alamin kung sino-sino ang kasapi rito
• Kung ano ang pinaniniwalaan nilang lahat
• Kung saan sila nagkakaisa at kung saang gawain nagkakaiba-iba
d. Ayon sa panahon:
• Maitatakda ang simula o katapusan ng panahon kapag malaman kung ano
ang naganap na nakapagbuo o nag-iba ng kaugalian ng tao

Sa pagbubuo ng kasaysayan, kailangang pag-aralan ang mga kaganapan sa kasaysayan ng


sibilisasyon (mga institusyon, ugali, ideya) at kasaysayang pampolitika. Naniniwala ang tradisyunal na
kasaysayan na ang tunay na sentro o pinagmulan ng kaganapan ay ang mga naghahari sa lipunan. Kung
kaya’t kadalasan, ang isinagawang kasaysayan ay batay sa mga kaganapang pampolitika. Dalawang (2)
paraan ang nagtitiyak kung ang isang tao ay nasa kalagayan upang makaiwan ng isang makabuluhang
bakas sa kaganapan:

a. Kung ang mga ginawa niya o ang buhay niya ay nagsilbing halimbawa sa isang grupo ng tao at nag-
umpisa ng isang tradisyon (halimbawa sa sining, agham, relihiyon, edukasyon, o propesyong
teknikal)
b. Kung siya ay may kapangyarihang mag-utos at magpakilos sa mga tao o grupo ng tao (mga pinuno
ng bansa, kawal, simbahan, at kilusan)

3. Paggamit ng Pangangatuwiran
Dahil hindi naman mapapasakamay ng historyador ang lahat ng dokumento at hindi rin nakasulat
ang lahat ng kaganapan, magkakaroon ng mga puwang ang kaniyang nalalaman ukol sa nakaraan.
Gagamitin niya ngayon ang pangangatwiran batay sa mga napatunayang katotohanan upang malaman
niya ang hindi nahango sa dokumento. May dalawang (2) bahagi ang paggamit ng pangangatuwiran: a.
ang negatibong pangangatuwiran at b. ang positibong pangangatuwiran.

a. Ang Negatibong Pangangatuwiran

Ito ay pangangatuwiran mula sa kawalan ng katibayan. Kapag ang isang pangyayari ay


hindi nabanggit sa alin mang dokumento, maaaring ipalagay na hindi ito naganap. Hindi maaaring
gamitin ang negatibong pangangatuwiran kung may mga dokumentong nawala na sapagkat hindi
naman mahuhulaan ng historyador kung may pagbabanggit doon tungkol sa isang kaganapan. Ang
kaganapan ay dapat isang pangyayaring hindi maiiwasang di-masaksihan o di-maisulat.
Hindi nangangahulugan na dahil walang ulat tungkol sa isang bagay ay hindi na ito
naganap o nasaksihan. Napakaraming mga kaganapan ang iniimpit, halimbawa’y mga lihim na
gawain ng pamahalaan o mga karaingan ng mahihirap. Dito nga nagsimula ang paniniwala sa
“masasayang araw na nakalipas” (“the good old times”) dahil walang dokumentong naglalahad
ng pang-aabuso ng kapangyarihan o ng hinaing ng mga pesante.

9
Ang negatibong pangangatuwiran ay tinatakda lamang ng dalawang (2) usapin:
a.1. Ang may-akda ng dokumento kung saan hindi binabanggit ang pangyayari ay may
hangaring itala ng maayos ang lahat ng datos ukol sa isang bagay at sa gayon ay batid niya ang
lahat ng datos. Halimbawa, ang dokumento ay ang UP Directory ng taong 1958. Nakatala rito ang
lahat ng nagtatrabaho sa UP noong taong iyon, maging guro man, propesor, kawani o
administrador. Kung wala ang pangalan ng isang tao rito sa direktoryo ay maaaring mahinuha na
siya ay hindi naging kasapi ng pamantasan sa taong iyon.
a.2. Ang kaganapan ay isang pangyayaring napakahalaga o napakalakas ng epekto at hindi
maaaring hindi ito mapansin, tulad halimbawa ng pagpatay kay Ninoy Aquino, na hindi makayang
ikubli sa madla.

b. Ang Positibong Pangangatuwiran

Ito ay nagsisimula sa isang kaganapang napatunayan ng dokumento at hahanguin ngayon ang iba
pang katotohanan na hindi binabanggit ng dokumento. Ito ang paglapat ng pagkakahawig ng nakaraan sa
kasalukuyan. Upang ang resulta ng ganitong pangangatuwiran ay tumpak, kailangang magkaroon ng
pangkalahatang proposisyon na tiyak ang katumpakan at ng detalyadong kaalaman ng tiyak na kaganapan.

4. Ang Paglalahad ng Pangkalahatang Pormula


Ang huling hakbang sa prosesong ito ay ang pagbuo ng isang pangkalahatang pormula at ikakabit
dito ang mga kaganapan. Ang naunang pag-uuri ng mga kaganapan ay dapat makapagpakita ng
pangkabuuang halaga at ng pag-uugnayan ng bawat isang kaganapan. May tatlong (3) pormula na madalas
gamitin sa pagbuo ng kasaysayan:

a. Ang pinakanatural na pagpapaliwanag ng mga kaganapan ay “providence” o kagustuhan ng Diyos


o kaya’y itinakdang tadhana. Ipinapakita ng ganitong uri ng paglalahad na ang lahat ng pangyayari
ay patungo at nagtatapos sa Diyos.
b. Ang teorya ukol sa katangian ng kasaysayan na nag-iisip (“rational”). Ito naman ay naniniwalang
ang bawat kaganapan ay ayon sa isang malinaw at pangkalahatang plano.
c. Ang teorya ng patuloy at paunlad na takbo ng sangkatauhan. Ito ay isang metapisikal na
pagpapalagay.

10
Paglalagom

Ang kasaysayan (ayon sa metodolohiyang tradisyunal) ay ang paggamit at pagsuri lamang ng mga
dokumentong nakasulat. Napakalaki ng inaasa ng historyador sa pagkakataon upang ang mga dokumento
ay hindi mawala o masira. Ang kaalaman ay hindi galing sa tuwirang pagsasaksi ng historyador kundi galing
sa kaalaman ng mga kaganapan ng mga dating saksi.

Ang mga dokumento ay kailangang gamitan ng pagsusuri upang mapalitaw ang tunay at tumpak
na kaganapan. May dalawang (2) kritisismo/kritikang pamamaraan na ginagamit ang mga historyador
upang mapatunayan kung maaaring paniwalaan ang dokumento, at upang hanguin sa dokumento ang
orihinal na kaganapan: 1. ang kritikang panlabas (kritika ng kapantasan) at 2. ang kritikang panloob (kritika
ng kapaniwalaan). Ginagamit din ng mga historyador ang pangangatuwiran at paghahambing sa mga
kaganapang pangkasalukuyan upang mabuo ang pangkalahatang larawan.

Ang halaga ng kasaysayan ay di-tuwiran. Nagagamit lamang ito upang maunawaan natin ang
kasalukuyan dahil ipinapaliwanag nito ang sinimulan ng kasalukuyang kaganapan. Kailangan ng
kasaysayan ang agham panlipunan dahil sa idinudulot nitong kaalaman ukol sa kasalukuyan na ginagamit
ng historyador upang maihambing ang nakaraan, at sa gayo’y mabuo ito. Kailangan din ng agham
panlipunan ang kasaysayan dahil nagbibigay kaalaman ito tungkol sa ebolusyon ng mga lipunan na
nakakatulong sa pag-unawa ng kasalukuyan.

Sa ipinakitang metodong historikal, lumilitaw na hindi basta-basta ang pagsusulat ng kasaysayan.


Malinaw kung gayon na ang pangunahing halaga ng kasaysayan ay ang pagiging kasangkapan nito para sa
pagpapayaman ng pag-iisip. Ang pagsasagawa ng kritika ay mahusay para sa kaisipan dahil pinapatalas ito
at ginagawang mapagduda. Inilalantad sa atin ng kasaysayan ang iba’t ibang lipunan at maunawaan natin
ang mga pagkakaiba ng mga tao. Ipinapakita rin nito ang pagbabago ng mga lipunan kaya’t inaalis sa atin
ang pagkatakot sa anumang pagbabagong darating. Ngunit kung tutuusin, hindi lamang para sa mga
historyador ang gamit ng kritisismong pangkasaysayan bilang isang metodo, magagamit din ang
kasanayang ito sa pagkilatis ng mga “fake news” na sa ating panahon ay lalong lumalaganap. Higit sa lahat,
kailangan nating maging matalino sa pagpapasya upang matugunan natin ang iba’t ibang isyu, hamon, at
suliraning panlipunan na ating kinakaharap.

11
Pagpapaganang Pagtataya

Unang Bahagi:
Panuto: Bilugan ang titik ng tamang sagot. Dalawang (2) puntos ang bawat isa.

1. Ang mga sumusunod na pahayag ay walang batayan maliban sa?


a. Ang mga primaryang batis o dokumento ay mga bakas ng kaganapan.
b. Ang nakasulat sa dokumento ay ang kabuuan ng kaganapan.
c. Anumang nakasulat sa dokumento ay dapat nang paniwalaan.
d. Ang historyador ay walang pinagkaiba sa isang karaniwang tao sa pagbasa ng dokumento.
2. Ito ang paraan ng paghahanap at pagkalap ng mga dokumento.
a. Hermeneutic
b. Synthesis
c. Carbon dating
d. Heuristic
3. Ang masusing pagsusuri sa dokumento sa pamamagitan ng kritikang panlabas at kritikang panloob
ay tinatawag na
a. Kritisismong pangkasaysayan
b. Metodolohiya
c. Kritikal na pagsusuri
d. Agham
4. Ang kritikang panlabas o kritika ng kapantasan ay kailangan upang makilala ang dokumentong
huwad at ang dokumentong tunay. May tatlong (3) bahagi ito.
a. Analisis, ebalwasyon, at aplikasyon
b. Heuristic, hermeneutic, synthesis
c. Restitusyon ng dokumento, pagtatakda ng pinanggalingan, at pag-uuri ng batis
d. Pagkalap ng mga batis, pagsusuri, at kongklusyon
5. Sa pagtatakda ng pinanggalingan ng dokumento, ang mga sumusunod na katanungan ay kailangan
maliban sa
a. Kailan naisulat ang dokumento?
b. Saan naisulat ang dokumento?
c. Sino ang sumulat ng dokumento?
d. Bakit naisulat ang dokumento?
6. Ito ang pagsusuri ng nilalaman ng dokumento at ng mga kalagayan na nagpalitaw ng ganitong uri
ng dokumento.

12
a. Kritikang panlabas o kritika ng kapantasan
b. Kritikang panloob o kritika ng kapaniwalaan
c. Kritisismong pangkasaysayan
d. Kritikal na pagsusuri
7. Ang mga sumusunod ay nakakaimpluwensiya sa pagsusulat ng may-akda maliban sa
a. Oryentasyon at personal na paniniwala
b. Katayuan sa buhay
c. Sistema ng pagusulat
d. Relihiyon o pananampalataya
8. Alin sa mga pahayag ang walang batayan?
a. Sa pagsusuri ng dokumento, dapat maitakda ang tiyak at tunay na kahulugan ng kataga.
b. Ang pangkaraniwang wikang ginagamit ng dokumento ay nag-iiba ang kahulugan ayon sa
panahon, lugar, at pinanggalingan.
c. Ang bawat manunulat ay may sariling estilo sa pagsusulat. Kaya kailangang pag-aralan din ng
historyador ang estilo ng manunulat na sinusuri niya.
d. Ang wika ay walang kinalaman sa pagsusuri sa dokumento.
9. Ang pagkilala at pagtiyak ng mga nakatagong kahulugan sa mga dokumento ay tinatawag na
a. Hermeneutic
b. Heuristic
c. Validation
d. Synthesis
10. Kapag natagpuan na ng historyador ang tunay na kahulugan ng dokumento, ang susunod na
gagawin niya ay
a. Kilalanin ang may-akda
b. Pagtatakda ng katiyakan ng pag-uulat ng may-akda
c. Alamin kung kailan naisulat ang dokumento
d. Parangalan ang may-akda
11. Ang mga sumusunod ang karaniwang dahilan upang ang may-akda ay hindi nagiging tapat sa
kaniyang pag-uulat maliban sa
a. Ang may-akda ay nagnanais makinabang sa kaniyang pag-uulat.
b. Ang may-akda ay may simpatiya o antipatiya sa isang grupo ng tao, institusyon o ideolohiya.
c. Hindi natatakot sa Diyos ang may-akda.
d. Nais ng may-akda na masiyahan ang publiko sa pamamagitan ng mabulaklak na pananalita.
12. Pagkatapos maisagawa ang kritikang panlabas at panloob, ang susunod na gagawin ng historyador
ay ang
a. Paglalathala ng aklat
b. Pagtatanong sa may-akda
c. Pagsusulat ng kritisismong pangkasaysayan
d. Pagbubuo ng kasaysayan mula sa dokumento
13. Ito ay hindi kabilang sa paraan upang makapagbuo ng kasaysayan mula sa dokumento.
a. Paghahambing sa kasalukuyan
b. Pag-aaral sa unibersidad
c. Pag-uuri ng kaganapan
d. Paggamit ng pangangatuwiran
14. Naniniwala ang tradisyunal na kasaysayan na ang tunay na sentro o pinagmulan ng kaganapan ay
ang mga
a. Naghahari sa lipunan
b. Mayayaman at maimpluwensiya

13
c. Mga lider
d. Lahat sa itaas
15. Ang mga sumusunod na pormula ay madalas gamitin sa pagbubuo ng kasaysayan maliban sa
a. Ang kasaysayan ay mahahalagang pangyayari.
b. Kagustuhan ng Diyos ang mga nagaganap sa lipunan.
c. Ang kaganapan ay ayon sa isang malinaw at pangkalahatang plano.
d. Patuloy ang pag-unlad ng sangkatauhan.

Ikalawang Bahagi: Pagpapaliwanag (20 puntos)


Rubrik: Nilalaman = 70%
Organisasyon = 20%
Mekaniks = 10%

1. Tukuyin ang pagkakaiba ng kritikang panlabas sa kritikang panloob. (10 puntos)

2. Ipaliwanag ang kahalagahan ng kritisismong pangkasaysayan sa pagbubuo ng kasaysayan. (10


puntos)

Ikatlong Bahagi: Aplikasyon (Paggawa ng Sanaysay. 30 puntos)


Rubrik: Nilalaman = 70%
Organisasyon = 20%
Mekaniks = 10%

Panuto:
1. Ano ang mahahalagang prinsipyong natutunan mo sa modyul na ito?

14
2. Magbigay ng mga sitwasyon kung paano mo magagamit ang kasanayan ng kritisismong
pangkasaysayan sa iyong personal na buhay bilang isang anak, mag-aaral, at isang mamamayang
Pilipino? Sumulat ng isang sanaysay (250-300 na salita) na nagpapahayag ng iyong damdamin at
katuwiran.

Mga Sanggunian:

Abrera, M.B. L. (1989). Tradisyunal na kasaysayan. Paksa, paraan, at pananaw sa kasaysayan.


Ulat ng Unang Pambansang Kumperensya sa Historiograpiyang Pilipino. Lungsod Quezon: U.P.
Faculty Center Conference Hall.

Langlois, C. V. and Seignobos, C. (1904). Introduction to the study of history. New York: Henry Holt and
Company. Inakses sa https://manybooks.net/book/144780/read#epubcfi(/6/2[item4]!/4/2/1:0)

Lubang, J. A at Esternon, B. F. (2018), Ugat at sipat; Mga babasahin sa kasaysayan ng Pilipinas. Manila:
Mutya Publishing.

15

You might also like