You are on page 1of 6

PUWEDE BANG MAGPASTOR ANG BABAE?

Lakandiwa – “Oy! Merienda kayo dyan! Tinapay! Soft drinks! Kayo dyan!
Mga kuya at ate Bili na po kayo mura lang!
Makita Lima, Mahipo Lima, Madampot Lima!
IKAW LANG WALA NANG IBA, BOOM!”

(Dadating si Pastora para bumili.)

Pastora – “Iho pabili nga! Isang Tinapay at Soft drinks”

Lakandiwa – “Uy Pastora, ikaw pala. Sige lang pumili kana.”

(Papasok sina Jhazmine at Althea habang nagsasalita.)

Althea – “Alam mo minsan, may ‘di ‘rin ako maunawaan.


Ang aming guro’y ‘di ko gaano maintindihan!”

Jhazmine – “Ay naku, bakit naman?”

Althea – “Ito na nga, may asignatura kaming may kinalaman sa paniniwala.


Kaming lahat ay naimbitahan subalit wala akong pagtitiwala,
pagdating sa katuruan, ako’y hindi naniniwala.”

Jhazmine – “Tama nga ba? ‘yun ba yung mamiminuno’y isang Pastora?”

Althea – “‘yun na nga, sa tingin ko’y tagilid ang ganung pananampalataya–


Kuya maaari po ba akong bumili ng iyong paninda?” (Kukuha ng tinapay at babayaran…)

Jhazmine – “Sa akin nama’y isang Fruit Soda (Kukuha ‘rin at magbabayad…) –
bakit naman? Sa amin nga ay may Pastora, anong pinagkaiba?”

Althea – “Ewan ko nga ‘rin.”

Jhazmine – “’di naman sa nang-aatake ako ng relihiyon ng iba ,


subalit hindi ba dapat ayos lang sa lipunan ang may Pastora?
Basta ba Salita ng Dios ang kanilang ibabahagi at ipinapakilala,
Bakit ko tatanggihan, bakit naman hindi ‘di ba?”

(Pagkaalis ng dalawa’y titingin-tingin muna ang Lakandiwa bago magsasalita.)

Lakandiwa – “Pastora, narinig mo ba ang diskusyon ng dalawa? Nararapat nga po bang ang babae
sa simbahan ay manguna? “

Pastora – “Ay iho, pabili muna ako isa pang tinapay – (Bibili at magbabayad…)
Oo, ito ay nararapat dahil ito ang tama,
kami’y sumusunod ‘pagkat kami’y naniniwala.
Sino ba namang taong sa Dios ay ‘di kayang tumalima,
na hindi tutugon sa panawagan niyang Dakila?
(Papasok si Mananampalataya’t bibili subalit ‘di mapapansin ng Lakandiwa.)

Mananampalataya – “Pabili po.”

Pastora – “Syempre! wala namang pinagkaiba ang kasarian,


Walang nagagaanan, wala ‘rin dapat mabigatan.
Kung ako’y tatanungin, parehas ay may kakayahan,
Sa trabaho, sa pamilya, pati na ‘rin sa simbahan.”

Lakandiwa – “Ah ganun ba? Ako kasi ay nagtataka,


subalit sa aking napakingga’y nabawasan ang aking pangamba.
Madaling unawain, sadyang tunay na kay ganda!
Subalit sa likod ng utak ko’y may katanungan pang iba…

(Mapapansin si Mananampalataya.)

Uy, kaibigan nandiyan ka pala, maaaring matanong na ‘rin kita?


Nararapat bang ang babae sa simbahan ay manguna?”

Mananampalataya – “Sasagutin ng Biblia ang iyong katanungan,


Ang aklat ng Unang Timoteo ang nagsabi ng katuruan;
mga babae ay ‘di dapat magturo sa loob ng simbahan,
ni magkaroon ng pamumuno batay sa kasulatan.”

Pastora – “Bakit naman ‘di dapat magturo at mamuno ang babae?


Kasi ba mas magaling ang mga lalake?
Si Esther? Si Deborah? piniling manguna sa Israelitang nakararami.
Eh si Mardocheo’t si Barak? Wala! sa nanguna’y ‘di sila isinale.”

Mananampalataya – “Tama ka nanguna nga sila subalit hindi sa isang simbahan.


Pagdating sa kasulatan, tao’y kanilang pinangunahan.
Sa unang Corinto’y nasulat magsitahimik sa simbahan,
kung ito’y katuruan, ito’y nararapat pahalagahan.”

Lakandiwa – “Matanong ko lang sa iyo kaibigan,


ako’y sadyang nagugulumihanan,
ano bang Gawain ang puwede nilang gampanan,
kung sila’y ‘di dapat mamuno sa loob ng simbahan?”

Mananampalataya – “Maaari silang gumampan sa simbahan,


ngunit pagdating sa pagpapastor, ‘di dapat silang manungkulan.
Hindi winawalang-halaga ng Biblia ang mga kababaihan.
Sa pagtupad ng Kaniyang kalooban, kanilang kakayahan ay kinakailangan.

(Papasok si Lorraine na may dala-dalang container ng tubig at makikinig.)

Mananampalataya – “Hindi aksidenteng puro lalaki ang mga Apostol ni Cristo’t nagpagal,
sapagkat sa itinayo niyang simbahan lalaki lamang ang namuno’t nangaral.
Sa pagpapastor, tapang at tatag ng kalooban ang dapat ipairal.
Kaya bang ibigay ito ng mga babae, kung sila’y mas emosyonal?”

Lorraine – “Tila yata parang kaming mga babae’y minamaliit mo,


gusto mong patumbahin kita gamit ito!?
Pinatatag ang damdamin ko ng panahon,
ngunit ang ginawa niya sa aki’y alaala ko pa ‘rin hanggang ngayon.”
(Tatakbo palayo na ‘tila umiiyak.)

Pastora – “Paano naman kung higit pa sa paglilingkod ang aking panawagan?


Paano kung sa pagpapastor ang buhay ko lamang ay nakalaan?
Kung ako’y tinawag upang mangaral sa karamihan,
Ito ba’y mahahadlangan, dahil lang ng aking kasarian?”

Mananampalataya – “Teka nga, kung ganiyan ang iyong panawagan, sino ang iyong pinakinggan?.
Dios ba ang sayo’y tumawag? O ikaw lamang ay naging emosyonal?
Hindi ako hihingi ng tawad dahil malinaw sa kasulatan;
Lalaki lamang ang tinatawag ng Dios nating banal.”

Pastora – “Eh ano naman? Hindi naman-“ (Sisingit ang Lakandiwa.)

Lakandiwa – “Tekaaa!
Sa init ng labana’y ‘tila masusunog ang aking paninda.
Kung maliwanag pa sa bumbilya na wala sa Biblia ang pagpapastora,
Eh bakit sa ganitong uri simbahan, marami pa ‘rin ang pumupunta?”

Pastora – “Ito’y pinupuntahan sapagkat hindi ‘to tuliro,


Dahil walang lalaki, walang babae sa paningin ni Kristo.
Biblia ‘rin ang nagsabi, aklat ng Galacia’y ‘di nagbibiro,
kaya ang ibig sabihin, pupuwedeng kami ‘rin ay mamuno.

Lalaki… babae… walang dominante sa dalawa,


Kung ikaw ang tatanungin, tutugon ka ‘rin ‘diba?
Kung ang motibo nama’y paglingkuran ang iisa,
Anong rason pa sa mundo, ang magsasabing mali ka?

Sa politiko nga’y babae ‘rin ay nanunungkulan,


Nagsilbi’t nanguna, sila’y namuno sa ating bayan,
Kung ang aklat na ito’y nagpapatungkol sa kasarian,
Ibig sabihin ba nito’y nagkamali ang kasulatan?

Ang pagiging Pastora ay hindi naging kasalanan,


Ang pagtindig sa tama ay hindi isang kamalian.
Ang pagsunod sa Dios ay hindi karuwagan,
Ni ang pagpuna ay hindi mo ikagiging huwaran.”
Mananampalataya – “Hindi sa ako’y isang huwaran sapagkat tayo ay makasalanan,
‘Di malabong tayo ay mamuhay, sa mundong puno ng kasinungalingan.
Kaya kung sabihin ko man ang katotohanan, ‘wag ka sanang masaktan,
Prinsipyong iyong sinasabi, maaaring sa kaniya’y kabulaanan.

Nakikita ko nga ang iyong galing sa pag-aargumento,


Subalit nakikita ko ‘ring mali ang iyong konteksto,
Hindi sa isyu ng kasarian ang punto ni Pablo dito,
Kundi sa pagsunod sa Dios, walang Judio, walang griyego.”

(Papasok ang kapit-bahay na may dala-dalang sandok na ‘tila galit.)

Kapit-bahay – “Ang inyong boses ay rinig na rinig sa aking bahay!


Napaka-insensitibo, ‘di ba kayo titigil sa inyong pag-iingay?
Ang aking anak ay tulog habang ako’y naggugulay,
Ang hinihingi ko lang, kaunting respeto sa buhay ng may buhay.”

(Pagkaalis ng kapitbahay ay magtitinginan ang tatlo’t magkikibit-balikat.)

Pastora – “Basta sakin, ako’y tinawag at ako’y naniniwala,


Walang pagtawag ng Dios ang ‘di dapat isawalang-bahala,
Pagtugon sa tawag, kailanma’y magiging tama,
Sinuman ang magbahagi, mensahe’y sa puso pa ‘rin tatama.

Mananampalataya – “Kung para sayo ganiyan ang pagsunod, mali ang iyong konsepto,
Hindi sa isyu ng pagtalima, kundi sa papaano kang natuto.
Hindi sa sariling kaunawaan, ‘di sa basehang wala namang punto,
Biblia ‘rin ang nagsabi; sa bulaang propeta’y maging alisto.”

Pastora – “Hindi! ikaw ang mali, ako ang tama!”

Mananampalataya – “Biblia’y ‘di nagkakamali, ikaw ang mali!”

Pastora – “Ako ang tama!”

Mananampalataya – “Sa ating dalawa’y mas ako ang tama!”

Pastora – “Ako!”

Mananampalataya – “Ako!”

(Biglang tatayo si Lakandiwa kaya maaalerto ang dalawa’t magugulat.)

Lakandiwa – “Ako! ang papagitna sa inyong pagtatalo,


‘tila yata kung ‘di ko kayo aawatin, aabot pa yata sa gulo.
Sa pursigido niyong manalo sa inyong simpleng argumento,
Hindi niyo na namalayang pasado na ‘rin alas otso.
Kaya kung ‘di niyo mamarapatin, ako’y magsasara na,
Maraming salamat sa partisipasyon n’yong dalawa,
Walang nagpatalo, walang sumang-ayon sa isa’t-isa,
Balagtasan ngang ituring, ang nangyari ayon sa iba.

Narito ang palamig, bilang inyong gantimpala,


Talaga namang tagisan ng talino ang aming nakikita.
Sa simpleng inumin, tensiyon sana ay humupa,
Puwede na kayong umuwi, kayo nga’y tunay na makata!”

(Nalilito ma’y aalis ang dalawa sa magkabilang direksyon.)

Lakandiwa – “Liham pagbati, minamahal na panauhin!


Kayo ba ay naliwanagan, sa ginanap na panoorin?
Pasensya na kung sa inyo, ito’y nagdulot ng isipin,
Kung ika’y naguguluhan, halika’t ako ay may sasabihin.

Kung si Cayetano man ay may sampung libo kada pamilya,


Relihiyon sa Pilipinas ay ganun din naman, marahil higit pa,
Kung ang labanan ay tungkol sa kung meron nga ba dapat na Pastora,
Ano ang paninindigan mo, ang tanong ipaglalaban mo ba?

(Unti-unting lalakad paunahan ang Lakandiwa.)

Mga kapatid, sa dalawa’y may nanaig.


Kaya mo bang tukuyin, kung ito’y kaninong panig?
Anong tama ang sasang-ayunan ng daigdig,
Kaninong panig ang lumutang sa tubig?

(Hahanay ang lahat ng isang linya, sa gitna’y si Lakandiwa.)

Narito nga’t nasaksihan niyo,


Utak laban sa utak, talino kontra talino.
Dalawang panig, nakita niyo’t naparito,
Kung inyong mararapatin, kanino ang inyong boto?

Kayo ba ay kaisa ng Pastora sa kabila,


O mas nanaig pa ‘rin ang kat’wiran ng mananampalataya?
Nakasulat nga ba ito sa Biblia o wala?
Mga kapatid, nasa sayo kung kanino ka maniniwala,

Mula sa mga kapatiran mula sa Distrito ng Lucena,


Binabati kayo ng isang magandang hapon.

You might also like