You are on page 1of 9

Ito naman ang pangalawang isinulat ko para sa portfolio project namin sa MP10, isang creative non-

fiction. Para itong fusion ng kwento at non-fiction, ngunit mahigpit na sinusundan ang aktwal na datos
tungkol sa isang paksa. Para ding malikhaing pagbabalita.

Disclaimer: Lahat ng impormasyong nakasaad sa kwentong ito ay galing dito, at ang kwentong ito ay para
lang talaga may maipasa ako sa MP 10.

St. Bernardine of Siena:


Larawan ng Pag-ibig at Malasakit sa Kapwa

Tik-tak-tik-tak. Kanina pa ako nakatitig sa laptop ko, sa blangkong-blangkong puting screen na kaharap
ko. Halos pinapanood ko lang na mag-blink ang cursor ko at naghihintay ng maisusulat.
Kailangan ko ng inspirasyon. Ngayon na. At kung hindi, wala akong maipapasa sa Biyernes.

“O, ano ba yan, dalawang oras ka nang nakatitig diyan ah,” bati ni Anjali sa akin pagpasok niya ng silid.
“Wala ka pa ring naisusulat?”

“Paano naman ako makakapagsulat, hindi ko alam kung paano sisimulan,” sagot ko naman sa kanya.

“E di ba’t hindi ka magsimula sa ginagawa mo ngayon?”

Mahirap humanap ng inspirasyon sa ating panahon ngayon. Saan man tayo lumingon ay parang puno ng
kadiliman. Sa kanan, ang sandamukal na pasakit ng pag-aaral at mga gawaing dapat matapos sa takdang
panahon. Sa kaliwa naman, ang temptasyong huwag na lang gumawa ng kahit ano, hayaang bumagsak
ang mga grado ko, nang sa gayon ay hindi na ako kailangan pang magpagod. Ngunit siguradong
pagsisisihan ko naman sa huli kung susundin ko ito.

Nakakainis kapag nanonood ako ng balita, puro masasamang balita na lamang ang naririnig ko. Nakawan
dito, kalamidad doon, pagkamatay ng kung sino dito, pagkasunog ng isang barangay doon. Nakakagalak
naman ng puso kapag may nababalitaan akong mga mabubuting nilalang na nagpapakita ng kabutihan sa
iba. Kapag may drayber ng taxi ang magbalik ng limpak-limpak na salapi sa may-ari nito, ang ibabansag
sa kanya ay “Dakilang Drayber”. Kapag may gurong araw-araw ay gumigising ng pagkaaga-aga upang
tumawid ng dalawang ilog at umakyat ng bundok, makapagturo lamang sa mga katutubong Mangyan, ang
tawag natin sa kanya’y “Dakilang Guro”. At kapag naman may mamang pulis na nanindigan sa tama at
tumangging magpasuhol sa ngalan ng katarungan, ang tawag naman sa kanya’y “Huwarang Pulis”. Ngunit
sabi nga sa isang interbyu ng isang drayber dati na nagsauli ng pera sa may-ari nito, “Ano ba’ng pambihira
sa ginawa ko, e iyon naman ang tamang gawin, hindi ba? Dapat lang na ibalik sa may-ari ang sa kanya.”

Mga huwarang nilalang. Mga bayani. Mga santo.

Oops, teka lang. Mga santo? E hindi ba’t iyon ang mga nakikita natin sa simbahan, mga nakarebultong
nilalang na malamang ay nasa langit na ngayon at kabilang ang mga anghel na umaawit sa Diyos Ama?
Paano naman naging santo ang mga pangkaraniwang tao lang?

Si St. Bernardine ng Siena ay ipinanganak noong ika-8 ng Setyembre 1380. Sa murang edad na anim, siya’y
maagang naulila at lumaki sa kanyang mga tiyang may takot sa Diyos. Kung tutuusin, siya’y isang normal
na bata, walang pinagkaiba sa kanyang mga kalaro, bukod marahil sa paraan kung paano siya pinalaki ng
kanyang mga tiya.

Bata pa lamang si Bernardine ay kinakitaan na siya ng malambot na puso, lalo na sa mga kapos-palad.
Parati siyang nagbibigay ng limos, maski kaunti basta’t may maibigay, sa mga pulubi sa gilid ng simbahan
habang ang kanyang tiya ay namamalengke. Bihira rin ang batang tulad ni Bernardine na taimtim na
nakikinig ng misa at inuunawa ang bawat salitang namumutawi sa labi ng pari, kaysa sa karamihan ng
kanyang mga kaedad na atat na atat nang umuwi upang makapaglaro.

Kaya naman hindi na kataka-taka para sa kanyang pamilya nang siya’y magdesisyong sumapi sa
Confraternity of Our Lady nang siya’y sumapit ng 17 taong gulang. Ngunit, wala pang tatlong taon ay
sinubukan kaagad ang lalim ng kanyang pananampalataya at pagnanais na maglingkod sa kapwa.

Taong 1400 ay isang matinding epidemya ang tumama sa bayan ng Siena, isang epidemyang kilala sa
tawag na Bubonic Plague na kumitil sa halos anim na pung porseyento ng populasyon ng Europa noong
panahong iyon. Sa ospital ng Santa Maria della Scala, kung saan halos dalawampu ang namamatay araw-
araw, pinili ni St. Bernardine na mamalagi upang makatulong.
Ang kanyang presensya ay sadyang nakapagpagaan ng kalooban ng mga maysakit doon sa ospital. Higit
pa rito, hinimok din niya ang mga tulad niyang kabataan upang maglingkod rin sa nasabing ospital. Halos
mag-isa niyang pinatakbo ang ospital, habang ang kanyang mga kasamahan nama’y tumulong sa pag-
aalaga ng mga pasyente at pagpapanatili ng kaayusan sa ospital.

“Father, maraming salamat sa pag-aalaga ninyo sa aking anak,” isang ginang ang nagsabi sa kanya. “Kung
hindi po dahil sa inyo, hindi madudugtungan ang buhay ng anak ko kahit kaunti.”

Ngumiti ang pari sa ginang at kanyang hinawakan ang dalawang kamay nito. “Ginang, hindi po dahil sa
akin, kundi dahil sa Panginoon lamang.”

“Hindi po ba kayo natatakot na mahawaan din ng epidemya?” tanong naman ng isa sa kanya.

“Tinawag ako ng ating Diyos upang maglingkod sa mga maysakit. Kung magkasakit din ako’y bahala na
ang Maykapal sa akin. Ginagampanan ko lamang ang aking tungkulin. Sa awa ng Diyos, heto at malakas
pa rin naman ako.”

Ibinigay ni St. Bernardine ang kanyang buong puso at lakas sa pag-aalaga ng mga maysakit, kahit pa ang
maging kapalit nito’y ang kanyang sariling kalusugan. Dahil sa kapaguran, unti-unting nanghina ang
kanyang katawan at hindi na tuluyan pang gumaling.

Pambihirang tunay kung tutuusin ang mga taong handang unahin ang kapakanan ng ibang tao kaysa sa
sarili. Sa mundo kasi natin ngayon, wala nang pakialamanan. “Basta’t tuloy ako sa buhay ko, bahala ka
kung anong gagawin mo sa buhay mo,” ang pananaw ng marami sa atin.

Kaya tunay ngang nakakaantig ng puso ang mga kuwento tungkol sa kabayanihan ng ating kapwa. Para
bang tayo mismo’y hinahamong isantabi ang ating mga sarili at unahin ang kapakanan ng iba. Minsan,
kumain kami ng mga kaibigan ko sa Katipunan, at masaya kaming nagkukuwentuhan habang naglalakad
pabalik ng UP.

“Ate, pahingi namang barya,” kalabit sa akin ng isang batang gusgusin at gula-gulanit ang suot.
Ni hindi ko man lang siya tinignan. Ni hindi man lang ako sumagot sa batang iyon. Tuloy lang ako sa
pagkukuwento tungkol sa pinakahuling nangyari sa “Mula sa Puso”. At tuloy lang din ang mga kaibigan ko
sa pagtatawanan.

Wala ba akong barya? Meron. Ngunit bakit hindi ako nagbigay kahit piso man lang? Dahil wala akong
pakialam. Nakakalungkot mang isipin, ngunit hindi ako nag-iisa. Mayayaman ang mga tao sa Katipunan,
kaunti lang ang mga tulad naming naglalakad sa daan, dahil ang karamihan ay de-kotse. Ngunit halos
sigurado akong hindi pa nakaka-treinta pesos man lang sa isang araw ang batang iyon.

Para saan pang tinawag ako, tayo, na mga Iskolar ng Bayan, kung hindi naman natin dama ang pulso ng
bayan? Oo, hindi maiaahon ng kakarampot na barya sa kahirapan ang batang iyon, ngunit ibig sabihin ba
noo’y magbubulag-bulagan na lamang tayo sa kanilang mga pangangailangan? Hindi. Dahil biniyayaan ako
ng Diyos ng katalinuhan, gagamitin ko ang kanyang mga regalo sa akin upang mas makatulong sa iba. At,
higit sa lahat, upang himukin din ang iba na mas maging mapagmalasakit sa kapwa.

Hindi lamang sa loob ng mga dingding ng simbahan nagbibigay ng sermon si Father Bernardine.
Nagtutungo siya kung saan maraming tao: sa mga plaza o mas madalas ay sa palengke. At bawat sermon
niya’y dinudumog ng madla.

“Talikuran niyo ang kasalanan, at bumalik kayo sa Diyos. Sa banal na pangalan ni Hesus, ang lahat ay
pinatatawad sa kanyang mga kasalanan, kung inyong panghahawakan ang walang hanggang pag-ibig at
pagpapatawad ng Diyos!” ang madalas na maririnig sa bibig ng pari. Hinihimok niya ang mga taong bumalik
sa pagkatakot sa Diyos, at iwan nang tuluyan ang buhay na makasalanan.

Dahil biniyayaan ng Diyos ng natural na talento sa pagsasalita si Father Bernardine, marami sa mga
nakikinig sa kanya ang nahihimok na magbagong-buhay. Noong kanyang panahon, maraming bahay-aliwan
at bahay-pasugalan ang nagsara, nang unti-unting maubos ang mga parokyano nito at dahan-dahang
napuno muli ang kapilya. Mabuti ang pagbabagong ito, ngunit sa kabilang banda, marami naman ang
nawalan ng kabuhayan.

Minsa’y may isang lalaking lumapit kay Father Bernardine. “Padre,” sabi nito, “salamat sa mga sermon mo,
ako at ang pamilya ko ngayo’y parati nang nagsisimba.”

“Salamat sa Diyos, kapatid,” ang tugon ni Father Bernardine.

“Ngunit, Padre, dahil din sa mga sermon mo ay nawalan ako ng trabaho. Gipit kami ngayon at hindi namin
alam kung saan kukunin ang pang-araw-araw na mga pangangailangan.”

“Ano ba ang trabaho mo dati?” tanong sa kanya ng pari.

“Tagapinta po ng mga baraha.”

“Mula ngayon, ikaw na ang gagawa ng mga emblema ng Banal na Pangalan ni Hesus,” ang sabi sa kanya
ng butihing pari. At dahil sa patuloy ang mga sermon ni Father Bernardine tungkol sa Banal na Pangalan
ni Hesus, parami nang parami ang bumibili ng emblema sa dating tagapinta lamang ng mga baraha. Unti-
unti, ang lalaking ito’y nakapagpundar at naiahon sa hirap ang pamilya.

Sabi sa isang lumang kawikaan, “Bigyan mo ng isda ang isang tao at makakakain siya sa isang araw.
Turuan mo siyang mangisda at makakakain siya araw-araw.” Higit pa sa pagtugon sa pangangailangan ang
ginawa ni St. Bernardine; binigyan niya ng kabuhayan ang taong iyon. Higit na marami pa kaysa dito ang
mga buhay na tinulungang baguhin ni St. Bernardine, sa totoo lang. Ngunit, hindi talaga maiiwasan ang
isang maitim na katotohanan sa mga tao.

Dahil sa mabilis na pagsikat ni Father Bernardine at ng kanyang mga sermon, dumami rin ang mga pumuna
at tumuligsa sa kanya. Inakusahan siyang heretiko at nagpapalaganap ng pagsamba sa diyos-diyosan,
dahil sa pagsikat ng emblema ng IHS, o ang Banal na Pangalan ni Hesus.

Ipinatawag si Father Bernardine sa Roma upang imbestigahan at ilitis, ngunit sa huli’y napatunayang siya
ay inosente. Higit pa rito, lubhang nabilib sa kanyang mga sermon ang Santo Papa kaya inimbitahan pa
siyang mangaral sa Roma. Ngunit hindi pa rin natahimik ang mga tumutuligsa sa kanya, hanggang sa
nagpalabas ng isang papal bull ang Santo Papa hinggil sa pagiging inosente ng pari.

Talaga nga naman ang tao, habang dumarami ang humahanga sa iyo, mas lalo pang marami ang mga
taong nais makita ang iyong pagbagsak. Higit sa lahat, dahil gawain ng Diyos ang ipinalalaganap ni St.
Bernardine, tiyak na marami talagang hahadlang at pipigil sa paglaganap pa ng salita ng Diyos. Ngunit
hindi ito naging hadlang para sa kanya. Ninais ni St. Bernardine na walang rehiyon sa Italya ang hindi
makakarinig ng kanyang mga sermon. Hanggang sa huli niyang hininga’y ang tungkulin pa rin niya ang
kanyang iniisip: ang ipangaral ang salita ng Diyos sa lahat ng mga tao.

Tinanggihan ni Father Bernardine ang pagkakahalal niyang maging obispo ng Siena noong siya’y
nabubuhay pa, dahil sa kanyang puso’y naniniwala siyang ang buong Italya ang kanyang parokya. Taong
1444 nang magtungo si Father Bernardine sa kaharian ng Naples sa Timog Italya. Noong ika-20 ng Mayo,
pagdating sa Aquila, kabisera ng rehiyon ng Abruzzo, bumigay na nang tuluyan ang kanyang katawan, at
sa edad na 53 siya ay bumalik na sa piling ng Maylikha. Libo-libong tao ang dumagsa sa Aquila upang
makiramay at makidalamhati sa pagpanaw ng tinaguriang “Apostle of Italy”.

Hindi kaagad naiuwi sa Siena ang mga labi ni Father Bernardine dahil na rin di maubos-ubos ang mga
taong dumayo pa mula sa malalayong lugar masilayan lamang sa huling pagkakataon ang mahal na pari.
Para sa marami, maaalala siya bilang ang paring walang takot na nangaral sa mga pampublikong lugar, at
tahasang kinundena ang kasamaang nakikita niya sa kanyang paligid. Higit sa lahat, ang iniwang pamana
ni Father Bernardine ay ang alaala ng kanyang kabutihan at pagmamalasakit sa kapwa.

Sa totoo lang, kinilabutan ako nang malaman kong ika-20 ng Mayo ipinagdiriwang ang pista ni St.
Bernardine. Ika-20 ng Mayo kasi ang aking kaarawan. Isa lamang ba itong paglalaro ng tadhana?
Naniniwala akong may malalim na mensahe ang pagkakatulad na ito, hindi lamang sa akin kundi para sa
ating lahat.

Hindi natin kailangang maging pari o madre upang maging banal, at higit sa lahat ay hindi natin kailangang
maging santo upang makatulong sa kapwa. Ito ang buhay ni St. Bernardine, isang halimbawa ng pag-ibig
at malasakit sa kanyang kapwa dahil sa malalim na relasyon niya sa Diyos.

- Isinulat ni Abigail Jayin

I Think I Wanna Marry You


Nabasa ko sa librong sinulat ni Donald Miller na “A Million Miles in A Thousand
Years” na kapag malungkot na kwento daw ang binabasa mo o pinapanood mo,
magtatapos ito sa isang libing, habang kapag masayang kwento naman,
magtatapos ito sa isang kasalan. Nakakatawa diba? Kasi bigla mong malalaman
na ang kasalan pala, does not feel like a happy ending, but a happy beginning.

Sa mga pelikula, biglang pagkatapos mag-propose ng isang lalaki, didiretso na sa


kasal ang susunod na scene. Didiretso na sa parteng naglalakad ang babae sa
aisle, tapos tinititigan siya ng groom na para bang hindi na nag-eexist pa ang
ibang tao sa paligid. Didiretso na sa “You may kiss the bride”. Tapos kakain ng
cake(Favorite part? hahah)

Tapos bigla mong malalaman, na ang daming pwedeng mangyari mula sa


engagement hanggang sa kasal. Na ang ang isang cut sa pelikula, ay pwedeng
maging isang taong paghihintay sa tunay na buhay. Na sa isang taon, magtatalo
pa kayo kung saan ikakasal, kung anong klaseng kasal , o kung matutuloy pa ba
ang kasal. Kasi minsan, maarte talaga ang bride, lalo na kung siya’y supermodel
at artistang tulad ko. XD
Kung pagbabasehan mo uli sa pelikula, parang palaging may tutol sa kasal, mga
matapobreng magulang, mga bitter na ex, at ang mapagbirong kapalaran.

Pero sa tototong buhay, pwede palang nandyan ang mga magulang at kamag-
anak na excited din tulad mo, mga kaibigang handang magplano, mga classmates
na dadalo, mga kaibigan ng fiance mo na sumusuporta ng todo, mga ninong at
ninang na handang tumulong at gumabay sa inyo, pastor na may mabuting
paalala sa inyo at ang Maykapal na siyang sumusulat ng isang matamis na
kwento.

Para sa’kin, yun ang pinakamatamis na parte ng isang kasalan, ang magkaroon ng
oportunidad na gumawa ng pangako(sa harap ng Maykapal at mga taong
mahalaga sa inyo) sa isang tao na siya na yung mamahalin mo hanggang sa
pumuti na ang buhok, mabungi ang mga ngipin, at kumulubot ang balat
niyo. Mangangako kang wala ng “Ipad” kundi “WePad” na, at wala ng “Iphone”
kundi “WePhone”, na wala ng selfie kundi couplies(?) na, na ita-tag mo siya sa
lahat ng Facebook post mo. At lahat ng mga kayamanang naipon mo ay ihahati
mo na sa kanya. Oo, lahat-lahat ng pisong ninakaw ko sa nanay ko ay kailangan
kong ibigay na rin sa kanya. Huhuh.

Sa madaling salita, ang pinakatamis na parte ay ang oras na sa biyaya at awa ng


Diyos, bigla mong mapagtantong wala ng “ikaw”, wala ng “siya”. Ang meron na
lamang ay “kayo” o kaya’y… “tayo”. =)

Adventures Ni Kulot!
Huwebes, Marso 2, 2017

Creative Non-Fiction? Ano yun?


Ang Creative Non-Fiction ay isang paraan ng pagsusulat na ginagamitan ng mga pangyayaring
mula sa katotohanan. Hindi ito dulot ng kathang isip lamang. Ang pagsusulat ng creative non- fiction ay
nangangailangan ng eksenang mula sa tunay na buhay hindi imbento lamang. Dapat ito ay sinusuportahan
ng mga detalyeng makatotohanan.
Siguro ay dahil sa madaling makahugot ng mga detalyeng magandang isulat at gawan ng kwento
ay marami ang nagsusulat at tumatangkilik ng ganitong uri ng pagsusulat.

Sa pagsusulat ng Creative Non Fiction, dapat nating isaalang alang na dapat ito ay may wika na
wasto at mabisa. Mayroong mahusay na istilo ng paglalahad ng ideya, malinaw at hindi madamot o
matipid sa pagpapaliwanag ng kaisipan at kaalaman ukol sa paksa at nakakahikayat ng mambabasa na
paulit ulit itong basahin.

Ang blogging ay isa pang halimbawa ng Creative Non-Fiction dahil ang pinakang dahilan ng
pagkakaroon ng isang blog ay ang pagbabahagi sa marami ng nangyari sa iyo sa buong araw mo. Ito ay
hango sa tunay mong karanasan at dapat hindi imbento lang.

Nagsisilbing ekspresyon ang literatura ng nasa haraya at ng nasa aktuwal na buhay ng ng mga
mamamayan sa lipunan. Nagmula ang materyal ng literatura sa karanasang komunal, sa buhay ng pangkat
ng mga taong dumadanas ng iisang historikong kondisyon. Sa loob nitong komunidad ay may
magkakahidwang interes ang mga sektor. Maipapahayag din itong hidwaan sa mga akdang
pumapatungkol sa komunidad o lipunan.

Ang mga manunulat na sumibol sa UP


Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (UP DFPP) ay aktibong lumahok sa mga usapin ng
lipunang Filipino sa pamamagitan ng kanilang mga kuwento, dula, tuluyan, at tula. Maituturing nang
klasiko at nagkaroon ng mahalagang papel ang mga ito sa nagbabagong pagdalumat sa lipunang Filipino.
Kabilang ang mga manunulat na ito sa pangkat panliteratura na sumangkot sa iba’t ibang kilusang
nakipagtalaban sa mga usaping historiko at panlipunan.Gagamiting pamantayan sa pagbanggit sa mga
akdang panliteratura ang nagging bisa o dinadalumat na bisa ng mga ito sa kamalayan ng mambabasang
Filipino. Itinuturing na maganda ang pagkakasulat ng mga akda sang-ayon sa formal nitong katangian at
madaling makauugnay dito ang target audience (karaniwang estudyante, guro, at mahiligin sa
literatura) (Baquiran, 2012).

Ang sanaysay ay isang uri ng Creative Non-Fiction. Ito ay isang sulatin na naglalaman ng pananaw
ng nagsulat. Ang mga sanaysay ay maaaring magkaroon ng mga elemento ng pagpuna, opinyon,
impormasyon, obserbasyon, kuru-kuro, pang-araw-araw na pangyayari, ala-ala ng nakaraan at
pagmumuni-muni ng isang tao.ito ay isinusulat upang mas maipahayag ng manunulat ang mga nangyari
sa kanyang buhay noon man o hanggang sa kasalukuyan.
Maraming mga manuinulat ang nagsabi ng ibat’ ibang ibig sabihin ng sanaysay pero ang
pinaakilala at sinusunod na deskripsyon ay ang sinabi ni Alejandro Abadilla na ang sanaysay ay ang
pagsasalaysay ng isang sanay o nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay na
nangangahulugan na ang sanaysay ay isinusulat ng mga taong sanay na magkwento ng tunay na ganap
sa kanilang buhay.

Ang kasaysayan ng sanaysay sa Tagalog bilang sangay ng panitikan ay nagsimula sa mga isinulat
nina Jose Rizal sa kanyang The Indolence of the Filipino People at The Philipines. - ang A Century Hence
niMarcelo H. del Pilar ang naging patnugot at tagapaglathala ng La Solidaridad at itinuturing na
nangunasap angkat ng mga mapaghimagsik na mananaysay kabilang sina Graciano Lopez Jaena, Jose
Burgos, at Apolinario Mabini.

Sa mga Pilipinong mananaysay na sumulat ng sa Ingles ay nakilala sa tulong ng The College Folio
at Literary Apprentice ng Unibersidad ng Pilipinas. Kilalang mahhusay na mananaysay sa panahong ito sina
I. V. Mallari, Francisco B. Icasiano, Salvador P. Lopez,atb.

Mga sanaysay sa Tagalog ay pinamulaklakan nina Pascula Poblete, Lope k. Santos, Julian Cruz
Balmaceda, Inigo Ed. Regalado, atb. Ang lumaganap sa panahong iyon ang magasing Liwayway
nanaglalthalang maiklingkwento at sanaysay bago makidigma ang mga sanaysay ay kina Pedro S. Dandan,
Pablo Bautista ang kinagiliwan ng mga tao.

Noong 1945 hanggang 1950 nanaluktok sina Teodoro A. Agoncillo, Liwayway Arceo, Brigdo C.
Batungbakal, Genoveva Edroza, Alfredo Enriquiz, Pablo Glorioso, Epifanio Matute, Clodualdo del Mundo,
Macario Pineda, Alejandro G. Abadilla, Narciso G. Reyes at Vito C. Santos. Marami ding mga katipunan ng
sanaysay ang nailimbag kabilang na dito ang Mga Piling Sanaysay ni Alejandro G. Abadilla, Sanaysay ni
Gemiliano Pineda, Buhat sa AmingSulok ni Paraluman Aspillera at Ako’y isang Tinig ni Genoveva Edroza.
Sa mga aklat na pampaaralan mayroon na ring mangilan-ngilan na nalathala nasa sanaysay tulad ng
Diwang Ginto, Diwang Kayumanggi at Panitikan Para sa Mataas na Paaralan
Sa mga magasin na nalathala ay ang Panitikan ni
Alejandro G. Abadilla at Free Press na naglalaman ng mga sanaysay ang ni B.S. Medina Jr. sa pitak na
pinamagatang “ Lubos na Sumasainyo” Si Direktor Ponciano ng Surian ngWikang Pambansa ay may aklat
na naipalimbag, ang Bato sa Katedral na katipunan ng kanyan ilang piling sanaysay na karamihan sa paksa
ay tumatalakay sa mga araling pangwika. Naging masigla ang mga manunulat nang masama sa taunang
patimpalak ng Carlos Memorial Awards For Literature ang pagsulat ng sanaysay. Ang ilan sa mga sanaysay
na nagwagi ay yaong nahihingil sa panunuring pampanitikan ng iba’t-ibang sangay ng panitikan. Kinilalang
mahuhusay na mananaysay ng“Palanca” sina Pedro L. Ricarte, VirgilioAlmario, RuelAguila, Rosario
Torres (Cabrejas,2013)

Marami ang nalilito sa pagkakaiba ng Creative Essay sa iba pang uri ng mga literary works. Katulad
na lamang ng pagkakaiba ng isang Critical Essay sa Creative Essay. Dapat lamang nating ilagay sa isip na
kapag sinabing Critical essay, ito ay nagbabanggit ng konklusyon sa huling bahagi nito samantalang ang
Creative essay ay simpleng pagpapahayag lamang sa isang bagay na isinasalaysay sa paraang mabulaklak
at masasabing walang mali o tama dahil pawing opinyon ang pinaguusapan.

Ang Talambuhay ay isa ring klase ng pagsusulat ng sanaysay sapagkat ito ay naglalaman ng mga
impormasyong mula sa tunay na buhay. Ito ay hinugot sa tunay na impormasyon ng isang tao .

Sa modernong panahon, naging iba-iba na ang tema ng mga sanaysay na lumabas. May mga
nakilala sa mga sanaysay na pambalitaan, tulad ng kay Barbara Gonzalez, Ceres Doyo at Jo-Ann Maglipon.
Si Cristina Pantoja-Hidalgo naman ay nakilala sa mga sanaysay ukol sa kanyang mga paglalakbay, at sina
Doreen Fernandez at Edilberto Alegre ay nagsulat tungkol sa pagkain. Sina Paz Latorena, N.V.M Gonzalez
at Ildefonso Santos ay lumipat sa pagsulat sa wikang Filipino. Nauso din ang mga akdang pang-talambuhay
at mga sanaysay ukol sa mga kontemporaryong isyu, tulad ng HIV-AIDS. Dahil nagbabagong panahon,
umunlad ang pagsulat ng sanaysay bunga na rin ng pagdami ng pwedeng maging paksain. Hindi
mananatiling ganoon na lamang kalimitado ang pagsusulat at sulating sanaysay katulad ng sa panahon
nila Montaigne, Emerson, Hazlitt, at Bacon. O kaya’y sa pamamaraan nila Padre de Castro, del Pilar,
Bonifacio, Rizal, atbp. Susulpot ang maraming anyo ng pagpapahayag tulad ng liham, lathalain sa
peryodiko (editoryal), komposisyon sa klase, panunudyo, pananaliksik, pamumuna, at pagpupuri. Sa mga
nakaraang dekada, nagging magandang pagkakataon sa mga makabagong mananaysay ang pagkakatatag
ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Marami na ang naparangalang mga akda at
mananaysay sa bawat taong nagdaan sa kategoryang FilipinoSanaysay. Sanggunian: Evasco, Eugene., Ligya
Tiamson Rubin, Arthur P. Casanova, at Joseph Salazar. 2001. Ideya at Estilo sa Sanaysay. Lunsod ng
Quezon: Rex Publishing House, Inc. Casanova, Arthur P., Ligaya Tiamson Rubin, Teresita Perez Semorlan,
at Olivia F. de Leon. 2006. Retorika. Wikang Filipino at Sulating Pananaliksik. Lungsod ng Quezon: Rex
Publishing House, Inc (Sere, 2013).

You might also like