Professional Documents
Culture Documents
Ni Virgilio S. Almario
Doctrina Christiana (1593) -ang unang aklat sa Pilipinas. Ito ay salin ng mga
pangunahing dasal at tuntunin ng simbahang Katoliko na kailangan sa pagpapalaganap ng
Kristiyanismo.
Isinulat ni Juan de Plasencia.
Ang layunin ng mga misyonerong Espanyol sa paglilimbag ng naturang libro ay hindi
nalalayo sa sinasabi ni Theodore H. Savory na unibersal na gawain ang pagsasalin.
"Sa lahat ng panahon at sa lahat ng dako, isinagawa ang mga salin alang-alang sa mga
dalisay na layuning utilitaryo at walang ibang nais ang tagasalin maliban sa pag-aalis ng
hadlang na naghihiwalay dahil sa pagkakaiba ng mga wika, sa manunulat at sa
mambabasa."
ODYSSEY - pinakamatandang nakaulat na salin sa bersiyong Latin noong 240 B.C ng
isang aliping Griyego na si Livius Andronicus.
Gumanap ang mga sentrong pangnegosyo noong araw bilang mga lugar na palitan din ng
kultura.
Unang halimbawa nito ang Alexandria na itinayo sa ngalan ni Alexander ang dakila
noong bandang 332 B.C
Naging sentro ito ng Hellenismo at karunungang Semitico at nagtampok ng pinakamataas
na pag-unlad ng saliksik at agham na Griyego.
Noong ikawalo't ikasiyam na dantaon, ang Baghdad naman ang sityo ng pakikinabang sa
dakilang pamana ng kulturang Griyego.
Sinasabing ang pagsulong ng karunungang Arabe ay bunga ng masiglang pagsagap- sa
pamamagitan ng salin tungo sa Arabe sa mga sinulat nina Aristotle, Plato, Galen,
Hippocrates, at iba pang tinitingalang Griyego.
Nang manghina ang karunungan at kapangyarihang Arabe, sumigla naman ang pag-aaral
sa Europa.
Sa Toledo, Espanya natipon ang mga iskolar na nagsalin tungo sa Latin ng mga aklat sa
Arabe.
Sa panahong ito ginawa sa Toledo ni Robert de Retines ang unang salin ng Koran (1141-
1143)
Ika-12 siglo -naging masiglang- masigla ang pagsasalin sa mga wika ng lumitaw na mga
bansa sa Europa.
Bibliya at akdang panrelihiyon ang unang pokus ng pagsasalin sa panahong ito.
Sinasabing maaaring ituring na tagapanguna si King Alfred noon pang ika-10 siglo.
John Wycliffe - ang unang nagsalin sa Ingles ng Bibliya at unang lumabas noong 1382.
Pinakamatingkad namang salin sa German ang ginawa ni Martin Luther noong 1522 at
1534 na sinasabing naging pamantayan sa pagkakatatag ng wikang pambansa ng
Germany.
Hindi laging mula sa orihinal na wika ng akda ibinabatay ang pagsasalin.
Halimbawa: ang akdang "Mga Buhay ng Bantog na Romano" ni Plutarch ay isinalin sa
German noong 1579 ni Jacques Amyot, na may bansag na "Prinsipe ng mga tagasalin."
Ang salin ni Amyot ang pinagbatayan ng salin sa Ingles noong 1579 ni Sir Thomas
North.
Tinawag ni Savory na "tanikalang-wika" (Language Chain) ang pangyayaring ito.
WIKA NG PAGBIBINYAG
Sa unang tingin, waring dala ng mga misyonerong Espanyol ang sigla ng pagsasalin sa
Europa nang dumating sila sa Filipinas.
Kaya mga salin o halaw ang mga unang proyektong lumabas sa limbagan sa panahon ng
kolonyalismong Espanyol. Watak-watak sa iba't ibang pangkating etniko na may kani-
kanilang wikang katutubo ang mga Filipino nang sakupin ng Espanya.
Dahil dito, unang binalikat ng mga misyonerong nadestino sa Filipinas ang pag-aaral ng
mga wikang katutubo at ang paglilimbag ng mga aklat na nakasulat sa mga wikang
katutubo upang magamit sa paghimok sa mga katutubo na maging binyagan.
Ang unang aklat na may orihinal na mga piraso ng tula ay ang Memorial de la vida
cristina en lengua tagala (1605) ni Fray Francisco de San Jose.
Ang unang diksiyonaryo, ang Vocabulario de la lengua tagala (1627) ni Fray Pedro de
San Buenaventura ay isang kasangkapan para matuto ng Tagalog ang mga Espanyol.
TEKSTONG KRISTIYANISMO
Bago magtapos ang ika-18 siglo, ang pagsasalin ay magagawi sa mga akdang hindi
tuwirang gamit sa simbahan at seminaryo. Nagkaroon din ito ng paksain na bagama't
sumasang-ayon sa doktrinang Kristiyano ay nagtataglay ng elementong sekular sa
kabuuan.
Pangunahin dito ang mga mahabang tulang pasalaysay na awit at korido at ang mga
patulang pagtatanghal na komedya. Ang awit at korido ay naging babasahing popular at
aliwan sa tahanan. Bagama't karaniwang itinatanghal kapag may pistang panrelihiyon,
ang komedya ay may mga kuwento at nilalamang katulad ng awit at korido.
Walang tiyak na saliksik kung alin ang nauna sa komedya at sa awit at korido.
Gayunman, malinaw na salin o hango ang mga ito sa panitikang naging popular din sa
Español, at sa buong Kristiyanong Europa, noong panahong Midyibal.
Ang mga awit at korido ay mula sa mga metrico romance samantalang ang komedya ay
may hiram na anyo at balangkas ng pagtatanghal sa comedia de capa y espada. May mga
romance rin na naging awit o korido at komedya.
Bukod sa anyo, maaaring uriin ang mga naturang aliwan at pagtatanghal sa dalawang
pangkalahatang paksain.
UNA, ang mga kuwento ng pakikipagsapalaran ng mga prinsipe, kabalyero, at maalamat
na tauhan, gaya ng buhay nina Bernardo Carpio, Gonzalo de Cordoba, Doce Pares ng
Francia, Siete Infantes de Lara, Aladino, Duke Almansor, at iba pa.
IKALAWA, ang mga kuwento ng kabanalan, gaya ng buhay nina Faustino at Matidiana,
San Juan de Dios, Doña Marcela, at iba pang martir at santong Kristiyano.
Naging magandang sanayan ang naturang panitikang salin o halaw tungo sa totoong
malikhaing pagsulat nitong ika-19 dantaon. Ang Florante at Laura ni Balagtas ay
maaaring ituring na tulay at tugatog. Tulay ito tungo kina Rizal at Bonifacio kung
ituturing na kompletong orihinal na akda na gumamit lamang ng saknungang awit.
Dahil ang Maynila ang napiling sentro ng gobyernong kolonyal ay higit na nabuhos ang
mga gawain ng limbagan sa akdang Tagalog. Ang pinakamaagang limbag na akda sa
wikang llokano, Kapampangan, o Bisaya ay ikalawang hati na ng ika- 18 siglo at
malamang pang inimprenta sa Maynila.
Sumigla lamang ang limbag na akda sa ibang wika nang magkaroon ng imprenta sa
Bacolor, Cebu, Iloilo, Naga, at Vigan. Hindi kailanman nagkaroon ng imprenta sa Samar-
Leyte noong panahon ng Español.
Bunga nito, malaki ang posibilidad na may mga naganap na pagsasalin ng nobena at
aklat-dasalan mula Tagalog tungo sa ibang wika. Ganito ang nangyari sa salin at halaw
ng pasyon mula Tagalog tungo sa ibang katutubong wika.
Noong 1875, lumabas ang isang nobena ni Fray Francisco Encina na isina-Tagalog ni
Melchor Fernandez at isina-Bikol ni Ibo Mella. Ang orihinal na akdang Urbana at Feliza
(1854) ni Modestro de Castro ay nagkaroon ng salin sa Ilokano ni Jacinto Caoile Mariano
at nilimbag sa Maynila noong 1866 saka isinalin sa Bikol ni Fruto del Prado at nalathala
sa Maynila noong 1892.
Bago iwanan ang panahon ng Español ay dapat ding sulyapan ang posibilidad ng salin
mula sa katutubong wika ng Filipinas tungo sa Español. Naganap ito dahil din sa interes
ng mga Español na pag-aralan at iulat ang kultura at panitikan ng mga Filipino.
Dalawang alamat sa Panay ang nabuhay hanggang ngayon dahil sa muling pagkukuwento
sa Español ni Fray Pedro Chirino. Sa makapal na saliksik ni Fray lgnacio Francisco
Alzina tungkol sa kalinangang Bisaya (1668) ay binuod niya sa Español ang dalawang
mahabang salaysay na patula ng mga Boholano.
Kung susundin ang himaton ni James A. Leroy totoong pumasok sa "modern era" ang
Filipinas noong 1869 at buksan ang Suez Canal.
Bumilis at dumami ang biyahe sa pagitan ng Maynila at España, lumaki ang bilang ng
mga Espanol at Europeo sa Filipinas, lumuwag ang kalakalan at negosyo na nagdulot ng
bagong-yaman sa lipunan, at hindi na napigil ng sensura ang pagdagsa ng mga bago at
ideyang liberal mula sa Europa. Malaki ang posibilidad na ginamit ng mga
konserbatibong awtoridad sa pamanalaang kolonyal ang Pag-aalsa sa Cavite noong 1872
para supilin ang mga kabaguhang dulot ng "modern era" sa Filipinas.
Ngunit sa halip nito, ang pagbitay sa tatlong paring martir at pagpapatapon sa mga piling
miyembro ng edukado't mayamang pamilya sa Katagalugan ay naging binhi pa ng lihim
na mithiing mareporma ang kalagayang kolonyal sa pamamagitan ng Kilusang
Propaganda at sa dulo ng tahasang pag-aadhikang makalaya sa pamamagitan ng
Katipunan.
Ang pag-unlad at pagsalimuot ng diwang mapagpalaya mula sa panahon ng La
Solidaridad ang pangunahing lakas sa pagdaloy ng kasaysayan ng panitikan at kalinangan
ng Filipinas hanggang sa kasalukuyan. Kaagapay sa ganitong diwain ang naging takbo ng
pagsasalin, o kahit paano'y ng anumang makabuluhang proyekto sa pagsasalin.
Ginampanan din ito sa dalawang yugto ng mga tagasalin na may ginamit na dalawa't
magkasunod na wikang banyaga. Ang unang yugto ay Español ang pangunahing
kasanayan sa wikang banyaga ng mga tagasalin. Ang ikalawang yugto ay Ingles naman,
bunga ng pagtiim ng pananakop ng Americano, ang pangunahing kasanayan sa wikang
banyaga ng mga manunulat.
May tiyak na balikang direksiyon din ang buong pagkilos sa pagsasalin. Bagama't higit
na marami ang bilang ng salin mula sa wikang banyaga tungo sa katutubong wika ay may
lumalakas at malay na proyekto ng salin mula sa katutubong wika tungo sa wikang
banyaga.
Modelo si Jose Rizal sa unang direksiyon. Dahil sa malinaw na hangaring magdulot ng
bagong babasahin sa kanyang mga pamangkin ay isinalin niya mula sa orihinal na
German ang Wilhelm Tell ni Schiller. Limang kuwentong pambata ng dakilang si Hans
Christian Andersen ang kaniya ring isina-Tagalog at ipinadala sa Filipinas.
Tiyak ang pinili ni Rizal ang dula ni Schiller dahil sa damdamin nitong makabayan at sa
mensahe ng pagsusuwail laban sa mananakop. Inihandog naman ni Rizal ang mga
kuwento ni Andersen bilang babasahing naiiba sa katon at akdang panrelihiyon sa ilalim
ng mga Español.
LAYUNING NASYONALISTA
Isang mahalagang saling pampolitika ang polyetong Ang mga Karapatan ng Tawo (1891-
92) na lihim na kumalat sa Maynila. Salin ito ng Declaration of the Rights of Man and of
the Citizen na bumubuod sa diwa ng Rebolusyong Frances at sa gayo'y nagpapakilala sa
paghiram ng mga Propagandistang Filipino ng ideolohiyang liberal mula sa naturang
himagsik sa Francia.
Hindi laging dayuhan ang awtor ng isinasalin sa Tagalog. Ang sanaysay na "Amor
Patrio" ni Rizal ay isinalin sa Tagalog na "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa" ni Marcelo H.
del Pilar at inilathala sa isyung 20 Agosto 1882 ng Diariong Tagalog. Ang naturang
lathala at salin ang maituturing na unang nakalimbag na hudyat ng lantad na
pagpapahayag ng damdaming makabayan sa kasaysayan ng Filipinas.
Hinango naman dito pagkatapos ni Bonifacio ang kanyang tulang "Pag-ibig sa Tinubuang
Bayan." Ang tulang "Mi Utimo Adios" ni Rizal ay muling itinula sa Tagalog na "Huling
Paalam" ni Bonifacio. Sa panahon ng Americano, ang tulang ito ni Rizal ay isasalin din
nina Pascual Poblete, Julian Cruz Balmaseda, at Jose Corazon de Jesus upang pagkaraan
ay muli pang isalin nina Ildefonso Santos, Jose Villa Panganiban, C.M. Vega, at Virgilio
S. Almario. Isasalin din ito sa ibang wikang katutubo ng Filipinas at sa ibang wika sa
daigdig.
Dahil sa kahingiang nasyonalista, ang tekstong Español ng Pambansang Awit na sinulat
noong 1899 ni Jose Palma ay sinalin sa Tagalog noong bandang 1940 nina Ildefonso
Santos at J.C. Balmaseda at nilagyan ng pagbabago noong 1956. Ngunit sa panahon ng
Americano, nagkaroon ito ng salin sa Ingles ni Camilo Osias at siyang opisyal na ginamit
hanggang Panahon ng Komonwelt. Kamakailan naman, sa sulsol ng damdaming
rehiyonalista ay nagkaroon ito ng salin sa Sebwano at llonggo.
Nitong 1953 ay lumabas ang Tagalog Periodical Literature, listahan ng mga nalathalang
akda at pagsusuri sa panahon ng Amerikano hanggang 1941 na isinaayos ni Teodoro A.
Agoncillo.
Lumilitaw sa index na ito ang patuloy na paglalathala ng mga akdang panrelihiyon mula
sa panahon ng Español. Ngunit may nakagugulat na bilang ng mga saling akdang
pampanitikan: 109 na maikling kuwento, 51 tula, 19 na dula, 57 nobela, 2 panitikang-
bayan.
Dahil sa idinulot na impluwensiya sa malikhaing pagsulat bago magkadigma ay
maituturing na nangunguna sa kabuluhan ang tulad ng Sa gitna ng Lusak na salin ni
Gerardo Chanco ng Camille ni Dumas, Natapos na ang Lahat na halaw ni Narciso Asistio
sa Anna Karenina ni Tolstoi, Ang Buhay ay Pag-ibig nina Leonardo A. Dianzon at G.
Chanco mula sa Vivir es Amar ni Manuel lbo Alfaro, Ang Masayang Balo na salin ni
Patricio Mariano sa operang La Viuda Alegre, gayundin ang salin at halaw sa mga
kuwento nina Balzac, Guy de Maupassant, Edgar Allan Poe, at sa mga tula nina Ruben
Dario, Roman Campoamor, Manuel Acuña, Henry Wadsworth Longfellow, Percy
Bysche Shelley, at Lord Byron.
May mga pagsisikap ding isa-Tagalog ang mga kapuwa awtor na Filipino sa Español.
Nangunguna sa listahan si Rizal. Kasunod ang mga tula nina Jose Palma at Fernando Ma.
Guerrero, mga kuwento ni Jose Balmori, at isang dula ni Jose Ma. Rivera.
MULA SA INGLES