You are on page 1of 14

KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

Modyul 3
PAGTATAO SA PILIPINAS (250,000 BK – 1,000 BK)

Panimula

Magiging makahulugan at kawili-wili para sa iyo bilang mag-aaral ang pag-alam sa iyong
identidad at pagkakakilanlan – mga pangunahing hakbang upang makilala ang pinagmulan at
maging makabuluhan ang pagiging bahagi ng sarili sa mas malawak na kahulugan ng salitang
bayan. Sa pag-alam sa sariling identidad bilang indibidwal na mamamayan, inaasahang uus-
bong at mapayabong ang pagmamahal mo bilang mag-aaral sa ika-21 daantaon na tinatawag
na millenial sa kasalukuyang panahon, sa iyong bayang pinagmulan.

Sa modyul na ito gagabayan ka sa pagsagot sa mga tanong na: Sinu-sino ang mga unang tao
sa Pilipinas? Sila ba ang pinagmulan ng lahing Pilipino? Sila ba ang mga ninuno ng mga
Pilipino? Kailangang balikan ang pagdating ng tao sa Pilipinas; kailangang mabalikan ang
pinagmulan upang higit pang makilala ang sarili bilang tao at bilang mamamayan ng sam-
bayanan.

Sasamahan ka ng iyong guro sa pagtahak sa nakalipas gamit ang lenteng nakabatay sa


tradisyong oral tulad ng mga salaysaying epiko, mito at alamat at ang lenteng mayroong
siyentipikong pag-aaral sa larangan ng arkeolohiya, antropolohiya, linggwistiko at
kasaysayan. Mayaman tayo sa mga salaysaying sumusubok magpaliwanag sa mga kaganapan
ng daigdig. Nariyan ang kuwento ni Bernardo Carpio, bayaning pumipigil sa mga lindol o
ang bersyon ng Bukidnon sa paglikha ng dagigdig, na mas kumpleto pa kung ihahambing sa
paglikha sa Genesis. Sa isang banda, mahalagang matukoy ang paggamit ng siyensya bilang
kasangkapan sa pag-iiba at paghihiwalay ng mga lahi batay sa kulay ng balat, pagkakaiba sa
pook na pinagmulan at wikang gamit pati na pag-aari ng mga materyal na bagay, tulad ng
pamamaraang ginamit nina Henry Otley Beyer, Wilhelm Solheim at Peter Bellwood sa pag-
aaral ng pagtatao sa Pilipinas. Mahalagang makita rin ang mga teoryang ginamit sa unang
bahagi ng pananakop at pasipikasyon sa mga lipunan, partikular sa Pilipinas. Mga teoryang
pang-Kanluranin ang mga umiiral na kaisipan. Gayunpaman, may mga Pilipino at maka-
Pilipinong diskursong nag-aangat sa kabihasnan ng Pilipinas bago pa man may mandayuhan
rito. Kabilang rito sina Felipe Landa Jocano at Zeus Salazar.

Inaasahang Matutunan

Pagkatapos ng aralin, inaasahan na ikaw ay:


1. Makapaglalahad ng pagtatao sa Pilipinas batay sa tradisyong oral;
2. Makapagpapaliwanag ng iba't ibang pananaw sa pagtatao at pandarayuhan sa Pilipinas
batay sa mga arkeolohikal na katibayan; at
3. Makatutukoy ng iba’t ibang siyentipikong batayang nagpapaliwanag sa pagtatao sa Pilip-
inas.

Page 1
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

1.0 Batay sa Tradisyong Oral: Epiko, Alamat, at Kuwentong Bayan

Masalimuot ang usapin ukol sa pagtatao sa Pilipinas. Mayroong iba’t ibang teyorya ang mga
disiplina ng antropolohiya, arkiyolohiya, genetics at linguistics sa kung papaanong nagkatao
sa Pilipinas at sa mga islang nasa paligid nito. Maliban sa siyentipikong pagpapaliwanag,
mayaman ang tradisyonal oral ng ating bansa sa pagbibigay salaysay o pagkukwento sa pag-
datal ng mga sinaunang mamamayan ng bayan.

Ang mga alamat, mito, kuwentong bayan at epiko (kasama ng kundiman, bugtong, dalit, pab-
ula at iba pa) ay bahagi ng kuwentong bayan, mga salaysayin na ipinapasa nang pasalita sa
bawat henerasyon. Maaaring makita ang pinagmulan ng isang bagay batay sa mga kuwentong
bayan ng komunidad. Sa pamamagitan ng mga tradisyong oral, masining na naipapaliwanag
ang iba’t ibang aspekto ng pamumuhay, kaugalian at kasaysayan ng isang pangkat ng tao.

—————————————————————————————————————
Gawain 1

Pag-aralan ang mga sumusunod na susing sanggunian:

• Francisco Demetrio, Gilda Cordero-Fernando, at Fernando Zialcita. “The Native Idea of


Creation,” The Philippine Reader: The Soul Book. GCF Books 1991. pp. 37-42.
• Francisco Demetrio, Gilda Cordero-Fernando, Fernando Zialcita. “The People of the
Earth,” The Philippine Reader: The Soul Book. GCF Books 1991. pp. 45-51
• Ang Paglikha (The Creation) sa https://www.youtube.com/watch?v=7iM5sIEKbhI

Maaari ding basahin ang mga alamat tungkol sa paglikha sa mga sangguniang ito:

• Eugenio, Damiana. Philippine Folk Literature: The Epics. Quezon City: Vibal Founda-
tion, 2010.
• Eugenio, Damiana. Philippine Folk Literature: The Myths. Quezon City: University of
the Philippines Press. 2010.
• Demetrio, Francisco S.J. Creation Myths Among the Filipinos. Mula sa https://nirc.nan-
zan-u.ac.jp/nfile/936

—————————————————————————————————————

Page 2
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

—————————————————————————————————————
Gawain 2

A. Pagbabasa ng mga alamat at mito

1. Hahatiin ang klase sa apat na pangkat.


2. Ang bawat pangkat ay bibigyan ng epiko o alamat (batay sa susing sanggunian). Basahin
ang epiko o alamat na itinakda sa inyong pangkat.
3. Sagutin ang mga sumusunod na tanong (gumamit lamang ng keywords sa pagsagot):
a. Sinu-sino ang mga pangunahing tauhan sa salaysayin?
b. Paano inilarawan ng epiko/mito ang daigdig?
c. Paano ginawa/hinulma ang tao sa daigdig? (materyales na ginamit at pamamaraan)
4. Ang salaysayin ba ay masasabing positibo o negatibo? Bakit? Ipaliwanag.

B. Pagbubuo ng sariling kuwento ukol sa pagtatao sa Pilipinas

Mga kailangan:
manila paper, pentel pens, krayola

Panuto:
1. Hahatiin ang klase sa anim na pangkat.
2. Sa inyong pangkat bumuo ng sariling kuwento ukol sa pagtatao sa Pilipinas.
3. Iguhit ang inyong kuwento sa ¼ manila paper.
4. Isalaysay sa klase ang kuwentong nabuo.

Gabay na tanong sa talakayan:


1. Ano ang maaaring makitang kaugalian o halagahing Pilipino sa mga alamat, epiko at mi-
tong nabasa o napagusapan?
2. Paano masasabing ang ating mga tradisyong oral ay maaaring paliwanag ding “siyen-
tipiko” ukol sa pagkabuo at pagtatao sa Pilipinas?
—————————————————————————————————————

Diskusyon

Ang Pilipinas ay bansang hindi matatawaran ang yaman sa mga salaysaying mito, epiko,
alamat, kuwentong bayan, at iba pa. Pinapaliwanag ng ating sinaunang panitikan ang
kasaysayan ng ating kapaligiran — halimbawa ang pagsabog ng bulkan, paglindol at bagyo;
pinagmulan ng mga partikular na bulaklak at halaman; at pinagmulang ng pangalan ng mga
bayan, ilog, talon, at dagat. Karamihan ng mga salaysaying ito ay nagmula sa iba’t ibang
pangkat etniko, kaya ang pagkakaiba-iba ay nakabatay sa topograpiya ng pinagmulan ng isto-
rya.

Page 3
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

Batay sa mga kuwentong bayan natin, masasabing ang ating mga ninuo ay mga proto-scien-
tist. Gayung hindi talaga “tama” ang pagpapaliwanag sa mga natural na kaganapan, tulad ng
lindol o bagyo, pagusbong ng isang bulkan o ng malaking puno, ayon sa pamantayan ng
siyensya, mayroong iminumangkahing mga paliwanag ang ating mga ninuno ukol dito na
mababasa natin ngayon bilang mga alamat, mito, o epiko . Halimbawa ang kuwentong bayan
ukol sa pagpigil ni Bernardo Carpio sa maaaring ugpungan ng Montalban Gorge. Ayon sa
salaysayin, sa tuwing magpapahinga siya’y unti-unting naglalapit ang dalawang malalaking
bato na nagiging sanhi ng paglindol. Sa agham si Bernardo Carpio ay isang mekanismong
heyolohikal (Punongbayan, 1988) na nagpapaliwanag sa paglindol. Samantala, sa ating mga
katutubong kuwento ito’y nagbibigay ng kakaibang aliw sa pagpapaliwanag ukol sa pag-
galaw ng mundo.

Ang kuwento tungkol sa digmaan sa pagitan ng mga diyos tulad nina Manaul, Kaptan at Ma-
gauayan ay nagpapaliwanag tungkol sa pagkabuo ng mga mababatong isla, na sa siyen-
tipikong pagpapaliwanag ay ang pormasyon ng lupa na naganap milyong taon na ang nakali-
pas. Sa simula ang mundo ay tubig at langit lamang at si Manaul ay ibong naghahanap ng
mapapagpapahingahan. Upang humingi ng tulong tinawag niya ang diyos ng dagat na si Kap-
tan at ang diyos ng hangin na si Magauayan. Nagpagalingan ang dalawa. Nagpadala si Kap-
tan ng hangin na nagdulot ng malalaking alon at bagyo. Samantala ang mga ipu-ipo naman ni
Magauayan ay nagtulak at nagbalik sa mga alon na siyang naging lupa. Naglaban sila nang
matagal na panahon. Sa kalaunan ay napagod si Manaul, lumipad siya sa isang bundok, ku-
muha ng mga bato at ibinagsak ito kina Kaptan at Magauayan na nagpatigil sa tunggalian.
Ang 7,107 na mga batong ito ang naging mga isla ng Pilipinas. Para sa isang heyolohista, ang
matagal na digmaan sa pagitan ng mga diyos ay nagpapatungkol sa mga cataclysmic
(Punongbayan, 1988) na pagbabago ng mundo na nagkakatotoo lamang sa loob ng milyong
taon.

Itinatampok din sa mga mito ang simula ng pagtatao sa mundo. Isinalaysay ni Rosario Cruz
Lucero sa kanyang artikulong pinamagatang “How the World Began” (1998) ang kuwento ng
Tiruray ukol kay Minaden, diyos na babae. Hinulma ni Minaden ang lalaki at babae mula sa
putik, saka inilagay ang araw sa pagitan ng langit at lupa upang magkaroon ng kaliwanagan.
Sa paglipas ng panahon hindi nagkaroon ng anak ang lalaki at babae. Bunga nito, bumababa
mula sa kalangitan si Meketefu, ang kapatid na lalaki ni Minaden, at napansin niyang hindi
akma ang ari ng dalawang nilalang. Ang sa lalaki ay kasing liit lamang ng siling labuyo ha-
bang ang sa babae ay kasing laki naman ng kabibi. Kaya humulma muli siya ng dalawang
bagong nilalang. Pagkatapos niyang malagyan ng hati ang babae sa pagitan ng dalawang bin-
ti, biglang natanggal ang kanyang bolo sa hawakang kahoy nito at kumabit sa pagitan ng
dalawang binti ng lalaki na siyang naging ari. Ito ang naging simula ng pagtatao.

Sa ibang kuwento ang mundo ay nabubuo hindi dahil sa mga diyos kundi bunga ng puwersa
ng kalikasan, tulad ng paliwanag ng agham. Sa isang mito ng Bisaya, ang pagkalalaki at
pagkababae ay ikinakabit sa langit at dagat upang bigyang paliwanag ang pagusbong ng
daigdig, partikular ang mga isla ng Pilipinas (Lucero, 1998). Isa sa pinakatanyag at pinaka-
maraming bersyon na alamat ay ang kuwento ng ibong si Manaul at sina Sicalac at Sicavay.

Page 4
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

Sa isang salaysay naging mag-asawa sina Kaptan at Maguayan. Nanganak si Maguayan ng


tamboo (reed). Sa paglaki nito ay naging dalawang buko ng kawayan. Nakita ito ni Manaul
habang nagpapahinga sa karagatan at sa inis sa pagkakaistorbo sa kanya ay tinuka niya ito ng
paulit-ulit hanggang mabiyak. Mula doon ay lumabas sina Sicalac at Sicavay na siyang mag-
tatao sa kapuluan.

Maaaring ang pinaka-kompletong mito ukol sa pagkabuo ng daigdig at sa pagtatao nito ay


ang bersyon ng Bukidnon ukol sa tatlong diyos; ang isang-ulong si Magbabaya, ang sam-
pung-ulo na si Dadanyahan ha Sugay; at ang ibong si Makabughaw. Hindi lamang ang
daigdig at tao ang nahulma kundi pati ang mga engkanto at enkantadores, mga ispiritu na
bantay sa karagatan, kalupaan, mga halaman at hayop, mga bubuyog at pulo’t pukyutan,
gayundin sa mga mahahalagang bato at yaman ng lupa.

Samakatuwid, ang mga kuwento ng tradisyong pasalita ay sumusubok na makapagbigay ng


katuwiran kung papaanong naganap ang mga pangyayari sa daigdig na hindi natin lubos na
nauunawaan

2.0 Batay sa Tradisyong Lingguwistiko

—————————————————————————————————————
Gawain 3

Kung kayo ng inyong mga kaklase ay mula sa iba't ibang lalawigan ng Pilipinas, magbilang
kayo ng isa (1) hanggang sampu (10). O di kaya ay magtanong sa mga kaibigan at kakilala
mula sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas tungkol sa pagbilang mula isa hanggang sampu sa
kanilang salita.

Ano ang napansin ninyo sa mga salita mula isa hanggang sampu sa iba’t ibang wika? May-
roon bang pagkakapareho at pagkakaiba? Bakit kaya?
—————————————————————————————————————

Diskusyon

Batay sa hugis at kapasidad ng utak ng Homo erectus, sinasabi ng mga siyentipikong may
kakayahan ang sinaunang taong bumuo ng mga ideya at lapatan ito ng salita. Kinailangan ang
wika sa kanilang pakikipagtalastasan upang kumain at mabuhay nang may kaayusan. Isang
katibayan sa paggamit ng wika at unawaan ng mga unang tao sa Pilipinas ang pagkakaroon
nila ng kakayahang magtanim at mangalap ng pagkain.

Paggamit ng salitang palay. Isa sa mga katibayan nito ang pag-aaral ni Henry Otley Beyer
na nagsasaad na nabuo ang hagdan-hagdang palayan at organisadong anyo ng pinagkukunan
ng pagkain, may 3,000 BK na ang nakararaan. Nakatala sa Vocabulario de la Lengua Tagala

Page 5
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

na sa kabuuang 713 salita, may 160 salita ang patungkol sa bigas.1 Batay sa radiocarbon
-14, may tagal pa simula`1,290 BK ang palay na natuklasan sa Andarayan, Cagayan, ayon sa
mga archeologist.

Paglaganap ng wikang Austronesyano sa Timog-Silangang Asya. Ang salitang Austronesia


ay mula sa salitang Latin na “austro”, nangangahulugang southern, at salitang Griyegong
“nesis", nangangahulugang island. Mga taong nagmula sa southern island ang kabuuang
kahulugan ng Austronesyano. Bagama’t may pagsasalungat ang dalawang teorya ng pagtatao
nina Solheim (2006) at Bellwood (1991), nagkakaisa naman sila sa pagsasabing malawakang
naglakbay ang mga Austronesyano sa halos ikatlong bahagi ng mundo at nakapagpalaganap
ng daan-daang wika mula sa proto-Austronesyanong pinagmulan may 6,000 taon na ang
nakararaan (Salazar, 2004). Mula rito, mag-uugat ang mga wikang Malayo-Polynesian.

Pinagbabatayan rito ang pagkakahawig ng mga salita at kahulugan sa pamilya ng mga Aus-
tronesyanong wikang umaabot mula 1,000 hanggang 2,000 wika sa Timog-Silangang Asya,
Madagascar, Pacific Islands, Melanesia, Micronesia at Polynesia.

Mula Batanes hanggang Tawi-tawi, magkakatunog at may pare-parehong kahulugan ang bi-
lang ng mula isa hanggang sampu. Gayundin, ang mga salitang nganga at bunga gamit sa
pagnguya ng nganga na laganap sa mga kapuluan bago pa man dumating ang mga dayuhang
mananakop sa Pilipinas.

3.0 Batay sa Arkeolohikal at Iba pang Siyentipikong Pag-Aaral

Humigit-kumulang 300,000 taon hanggang 1.6 milyong taon na ang nakararaan, naglakad at
maaaring nanirahan ang Homo erectus, pinagmulan ng unang tao o Homo sapiens, sa silan-
gang Africa, gitnang China, hilagang India at gitnang bahagi ng Java sa Indonesia. Sa pana-
hong 250,000 BK, tinatayang naging tao na ang tinatawag na “modern man.”2

Pinatutunayan ito ng mga kalansay ng Homo erectus na natagpuan sa Java, Indonesia at Chi-
na, pinaniniwalan ng mga siyentipikong magkahiwalay ang pook na pinangyarihan ng ebo-
lusyon ng tao.

Ano ang katangian ng Homo erectus, tinatawag na Java Man?

Naglalakad siya nang nakaangat na ang ulo, may makapal na bungo, makapal na kilay, pauka
at mataas na noo,halos pantay na mga ngipin lalo na ang mga bagang na papalaki mula labas
hanggang papaloob ng bibig. May edad 1.5 milyon ang kalansay ng batang Homo erectus na
nahukay sa Modjokerto, silangang Java.

1Kasaysayan: The Story of the Filipino People. The Earliest Filipinos. Volume 2. Asia Publishing
Company Limited. A Joint Venture of Reader's Digest and A-Z Direct Marketing, Inc.,1998.

2 Ibid.

Page 6
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

Homo erectus rin ang Peking Man o China Man na tinatayang nabuhay mula 200,000 hang-
gang 300,000 taong nakalilipas.

Nangangaso at nangangalap ng pagkain ang Home erectus. Batay sa laki ng kapasidad ng


kanyang utak, sinasabi ng mga siyentipikong may kakayahang magsalita ang Homo erectus.

Halos kapanabayan ng pagkahukay sa Java Man at Peking Man, nahukay rin ang mga
kalansay ng malalaking hayop katulad ng stegodon at iba pa. May kalansay rin ng maliit na
elepanteng nahukay sa China, Taiwan, Plipinas, Java at Esat Timor sa Indonesia.

May mga kalansay ng malalaking hayop na nabuhay sa mga isla ng Pilipinas sa panahong
Pleistocene na nahukay noong 1920. Natuklasan sa Cagayan ang mga kalansay ng elephas
stegodon, rhinoceros at usa sa Cagayan, Pangasinan, Rizal, Panay at hilaga-silangang Min-
danao. Nakarating ang mga ito sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga tulay na lupa. Sinasabi
ng mga siyentipikong kasama sila sa ikalawang paglikas ng malalaking hayop sa panahong
natutunaw ang makakapal na yelo sa mundo at lumabas ang sunda shelf mula Luzon at
Celebes, Tahuna Island, Sarangani, sa Mindanao at Kabisayaan.

Nitong 2018 lamang, nahukay ang kalansay ng rhinoceros sa kabundukan ng Kalinga sa


Cordillera. Bagay na nagpapatibay na may mga tulay na lupang nag-uugnay sa mga isla at
naghanap ng matataas na lugar ang mga hayop sa panahong natutunaw ang yelo at bumabaha
sa mas mabababang bahagi ng kalupaan.

Sa Flores, Indonesia, natagpuan ang maliliit na taong may tatlong talampakan at 11 pul-
gadang mga kalansay na may genus na homo. Sa Pilipinas, tinataya ng isang artikulong may
naganap na pagtatao sa Pilipinas humigit-kumulang sa 250,000 BK - 1,000 BK.3 Gayundin,
pinaniniwalaan ng mga archaeologist, batay sa DNA test at mga buto ng manok na nahukay
sa China at Batanes, na dinala ng mga Austronesyanong magsasaka ang mga ito sa Pilipinas.
Dahil hindi nakalilipad nang mataas at malayo ang mga manok, mga Austronesyano ang nag-
dala sa kanilang paglalakbay mula China tungong timog at pa-silangan hanggang makarating
sa Pilipinas may 5,000 taon na ang nakalilipas. Kasabay rin nito ang pag-aalaga ng mga
baboy at aso (Bellwood at Dizon, 2005).

Pagdating ng Tao sa Pilipinas (Mga Luma at Bagong Teorya ng Pagtatao)

May pinagkakaisahan ang tatlong magkakasalungat na teorya ng pagtatao sa Pilipinas nina


Henry Otley Beyer, Wilhelm Solheim, at Peter Bellwood: Pawang manlalakbay sa dagat at
mga nagsasakang agrikultural ang mga unang tao sa Pilipinas. May bagong ikaapat na teorya
na wala pang pormal na pangalan ngunit may nailathala nang dalawang papel hinggil dito

3 Ibid.

Page 7
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

noong 2014 at 2016. Sinasabi nitong maaaring sa Pilipinas nagmula ang unang tao sa Timog-
Silangang Asya. Narito ang apat na teorya.

1. Ang Wave Migration Theory ni Henry Otley Beyer

Bagaman at napatunayang mali, mainam pa ring malaman kung ano ang Wave Migration
Theory ng pagtatao sa Pilipinas. Naniniwala si Beyer na nagkatao ang Pilipinas sa pamamag-
itan nang sunud-sunod na pagdating ng mga Aeta, Indones at Malayo sa pamamagitan ng
mga sasakyang pandagat. Ginamit niyang patunay ang napakaraming bangang sisidlan ng
patay (burial jar) na nahukay ng mga arkeologist.

Hinaka ni Beyer na dinala ng mga unang tao sa Pilipinas ang bakal at hindi niya kinilala na
maaring may sariling pag-unlad na naganap sa loob mismo ng kabihasnan sa panahong iyon.

2. Ang Nusantao ni Wilhelm Solheim

Batay rin sa pag-aaral ni Solheim sa mga nahukay na bangang sisidlan ng patay sa Pilipinas
at sa Far East, katawagan ng mga kanluranin, hindi maaaring naganap ang Wave Migration ni
Beyer dahil hindi sapat na katibayan ang mga bangang sisidlan ng patay upang sabihing
sunud-sunod kada grupo ng mga tao ang dumating sa Pilipinas. Tinataya ni Solhiem batay sa
mga nahukay na salamin mula sa China, beads, mga bakal na punyal at ulo ng palakol na gi-
nawa ang mga ito sa panahong 200 BK hanggang 500 BK, Panahong Bakal. Ayon pa rin sa
siyentipikong pag-aaral, gumagamit ng mga sekondaryong bangang sisidlan ng patay na may
mga kakaibang hugis ang mga unang tao sa Pilipinas bago pa man dumating ang panahon ni
Kristo.4

Iminumungkahi pa rin ni Solheim sa pag-aaral na ito na nagpatuloy ang palipat-lipat na


paninirahan ng mga tao sa Timog-Silangang Asya hanggang sa huling bahagi ng bago dumat-
ing sa kasalukuyang ika-21 daantaon. Katunayan rito, anya pa, malawakang paglalakbay sa
karagatan ng mga tao lalo na patungong Pilipinas na makikita sa mga banga at palayok noong
Panahong Bakal na natagpuan sa timog at hilagang bahagi ng Pilipinas at Vietnam. Galing sa
Bau Complex ang mga bangang ito na pawang may parehong uri ng luwad at
magkakawangis ang pagkakagawa katulad ng sa Sa-huyuh sa Vietnam, Gua Cha sa Malaysia
at Niah Cave sa Borneo. Kinakatawan nito ang Pan-Malay Complex. Mula naman sa Sa-
huyuh-Kalanay Complex ang mga nahukay na banga sa Visayas.5

Tinatawag ni Solheim na Nusantao, naganap ang paglalakbay ng mga taong ito sa panahong
1,500 hanggang 500 BK. Inilarawan niya rin itong Malayo-Polynesian Movement. Nanirahan
ang mga tao sa Pilipinas mula sa South China at Taiwan patungong Palawan. Pagkatapos,

4 Ibid.

5 Ibid.

Page 8
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

mula Palawan, naglakbay ang mga tao patungong South Borneo at Indonesia. Nakarating sila
sa Mindanao sa 1,000 BK.

Kakaiba kay Beyer, hindi tinatawag ni Solheim ang mga ito na “migration.” Gayundin, sinabi
ni Solheim na may nagaganap nang pag-aasawa labas sa nakagisnang tribo sa panahong ito.
Sa radiocarbon-14 test na isinagawa ng National Museum, lumalabas na noon pa mang 7,000
at 6,000 BK, naglalakbay na ang mga tao sa Timog-Silangang Asya.

Sa pagrerebisa ni Solheim sa kanyang teorya, isinaad niya ang Formative Filipino Period. Ini-
larawan niyang sa panahong ito, mabilis na umunlad ang paggamit ng bakal. Dala ang
kaalaman sa bakal at teknolohiya ng mga mandaragat at mangangalakal na Nusantao sa
Pilipinas.

Inilalarawan rin ni Felipe Landa Jocano na sa panahon ng Incipent Period pumasok ang
malawakang paggamit ng bakal sa Pilipinas sa panahong 500 BK hanggang 10 Daantaon
MK. Nagbunga ito sa isang “dramatikong pagbabago” sa buhay ng mga Pilipino.

3. Ang “Austronesian Migration Theory” ni Peter Bellwood

Sa Austronesian Migration Theory ni Peter Bellwood, sinabi niyang nagsimula ang mga
unang tao sa Pilipinas mula sa sa Taiwan, naglakbay paibaba sa timog na bahagi ng China,
tumawid sa hilagang bahagi ng Pilipinas at nagpalipat-lipat na sa Indonesia, Malaysia at mga
bansa sa Timog-Siangang Asya. Naganap ito sa panahong Neolotiko kung saan nagtatanim
nan g makakain ang mga unang tao sa Pilipinas.

Kasama si Bellwood at ibang mga archaeologist, sinabi pa rin nila batay sa mga kalansay at
buto ng taong natagpuan sa Niah Cave sa Sarawak, Malaysia, Borneo at sa Tabon Cave sa
Palawan na naglisaw na ang mga unang tao sa Timog-Silangang Asya noon pa mang 65,000
taon na ang nakalilipas, higit na malayong panahon sa tantyang 2,500 1,000 BK na
sinasabing pagtatao sa Pilipinas. Ngunit kung ibabatay sa metatarsal bone na natagpuan sa
Callao Cave sa Cagayan Valley noong 2003 sa pangunguna ni Mijares, mayroon nang tao sa
Pilipinas noon pa mang 67,000 BK (Mijares et al., 2010).

Tinatawag ni Zeus Salazar na proto-Austronesyano ang mga naunang taong naglakbay at


nagpalipat-lipat sa mga isla sa Timog-Silangang Asya hanggang sa Madagascar, Africa at
mga isla sa Pasipiko. Sila ang “proto-type” ng pagmumulan ng lahi ng mga tao sa mga pook
na nilakbay at tinirhan ng mga Austronesyano. Pinatutunayan ito ng pagkakahawig sa mahigit
1,000 wika sa buong Timog-Silangang Asya at pagkakatulad ng mga salitang gamit sa
kalakalan mula hilaga hanggang timog na bahagi ng Pilipinas.

Page 9
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

—————————————————————————————————————
Gawain 4

1. Panoorin ang maikling video na may pamagat na “Austronesia Migration (Crossroads -


Civilization) sa https://www.youtube.com/watch?v=LuDqAD2VtDQ

2. Basahin ang artikulo nina Mijares et al. na may pamagat na “New evidence for a 67,000-
year-old human presence at Callao Cave, Luzon, Philippines” sa http://citeseerx.ist.psu.edu/
viewdoc/download;jsessionid=35DABC972B9B0E3525A03E%201AE1EF4E06?
doi=10.1.1.458.548&rep=rep1&type=pdf
—————————————————————————————————————

4. Bagong teorya ng pagtatao sa Pilipinas kaugnay ng DNA sampling ng Kankanaey


sa Lapita6 at DNA sampling ng manok sa Polynesia7

Sa dalawang magkahiwalay na papel ng mga archeologists at anthropologists, natuklasan ng


mga siyentipikong nagmula sa lahing Kankanaey ang kalansay na nahukay sa Lapita na ku-
makatawan sa unang tao sa timog-kanluran ng Pasipiko. Pumapangalawa lamang ang dami
ng DNA ng lahing Atayal mula sa Taiwan sa nabanggit na artefact. Ipinapaliwanag ng mga
siyentipikong maaring naglakbay sa pamamagitan ng sasakyang pandagat o balangay ang
mga sinaunang Kankanaey at nakarating diretso sa Lapita kung saan sila nanahan.

Ipinapaliwanag rin ng mga siyentipiko sa pag-aaral na dala ng mga tao sa Lapita patungong
silangan ang kanilang kalinangan at kabihasnan na makikita sa kanilang pottery. Umalis sila
sa kanilang tahanan sanhi ng kolonisasyon.

Gayundin, nagmula sa Pilipinas ang mga manok sa Polynesia, bagay na nagpapatibay at nag-
uugnay sa dalawang magkahiwalay na nalathalang papel na masusing sinaliksik at pinag-ar-
alan ng 45 siyentipiko (31 para sa pinagmulan ng tao sa Lapita at 14 para sa pinagmulan ng
manok). Sa pag-aaral ng DNA sampling ng 122 manok sa Polynesia sa kasalukuyang pana-
hon at 22 sinaunang lahi ng manok sa mga isla ng Timog-Silangang Asya, itinuturo ng mga
“clues”8 na sa Pilipinas nanggaling ang lahi ng manok sa bahagi ng Polynesia sa Timog-Kan-
luran bago pa man ito maging tahanan mga taga-Micronesia. Sa pag-aaral na ito hinggil sa
DNA ng manok, mahihinuha ang naganap ng paglalakbay ng sinaunang tao (human disper-
sal) at migrasyon sa Pasipiko.

6 Pontus Skoglund, et al. Genomic insights into the peopling of the Southwest Pacific, Nature, Macmil-
lan Publishers Limited, 2016, pp. 1-5.

7Vicki A. Thomson, et al. Using DNA to study the origins and dispersal of ancestral Polynesian chick-
ens across the Pacific, CrossMark, PNAS Early Edition, 6 pages.

8 Ibid, page 1.

Page 10
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

—————————————————————————————————————
Gawain 5

Magpangkat kayong mga mag-aaral. May tatlong tanong na nakalaan sa bawat team kung
halimbawang may apat na team na nabuo ang klase.

Sa magkakahiwalay na apat na ginupit na cartolina na may nakasulat na A, B, C at D, pipili


ng sagot ng pangkat. May katumbas na limang puntos ang bawat isa sa tatlong tanong, kaya
15/15 ang makakakuha ng tatlong tamang sagot sa mga katanungang ilalahad sa klase.

Tumayo muna ang una o volunteer sample na pangkat sa gilid kung saan hindi natatapatan
ang nakasulat sa cartolinang A, B, C o D.

Sasabihin ng guro ang unang pangungusap na ginawa niya kaugnay sa talakayan ninyo hing-
gil sa Pagtatao sa Pilipinas. Mag-usap muna kayong buong pangkat. Pumili kayo kung ano
ang inyong sagot sa A, B, C o D. Ito ang ang tatapatan ninyo. Pagkatapos, bibigyan kayo ng
guro ng pagkakataong ipaliwanag ang inyong sagot. Pumili kayo ng tagapag-ulat. Maaaring
iba-ibang tagaulat sa bawat isang tanong o maaaring isang tagaulat lamang sa lahat ng tatlong
tanong. Ipapaliwanag niya kung bakit A, B, C o D ang sagot na napili ninyo. Uulitin ang
ganitong proseso hanggang matapos sagutin ng pangkat ang tatlong pangungusap na inilaan
ng guro.

Kapag natapos ang unang pangkat, pauupuin na kayo ng guro. Muling tatawag ang guro ng
ikalawang pangkat. Gayon pa rin ang dadaanang proseso ng ikalawa, ikatlo hanggang ikaaa-
pat na pangkat.
—————————————————————————————————————

—————————————————————————————————————
Gawain 6

Kung may pagkakataon ay maglakbay-aral sa Museo ng Antropolohiya sa Pambansang


Museo sa Maynila.
—————————————————————————————————————

Konklusyon

Batay sa ating napag-aralan nag-alok ng pangangatuwiran ang mga tradisyong oral ng ating
bayan sa pagpapaliwanag ng mga kaganapang natural. Gayung hindi ito nakahanay sa tunay
na siyentipikong pagpapaliwanag ngayon, inakala ng ating mga ninuno na ang kanilang mga
salaysayin ay nakatutugon sa mga tanong ng masusing tao (halimbawa, bakit lumilindol?
saan galing ang kidlat? saan nagmula ang tao?). Kaya’t ano man ang tingin natin sa mga
paliwanag na inihain ng ating sa mga mito, epiko, alamat, kuwentong bayan, dapat bigyan

Page 11
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

natin ng masusing pansin ang pagtatangka ng ating mga ninunong proto-scientist sa pagbibi-
gay liwanag sa mausisang tao.

Ayon naman sa mga siyentipikong pag-aaral na arkeolohikal, antropolohikal, linggwistiko at


historikal, masasabing nagsimula ang pagtatao sa Pilipinas humigit-kumulang sa panahong
3,110 at 2,740 taon BK (Skoglund et al., 2016). Mga manlalakbay sa dagat, nagpalipat-lipat
at nanirahan sa mga isla sa Timog-Silangang Asya at Pasipiko ang mga proto-Aus-
tronesyanong tao na siyang pagmumulan ng lahing Pilipino. Kung susuriin ang panahunan,
libu-libong taon bago pa sa panahong kasalukuyan, nagkatao na sa Pilipinas.

Tinawiran ng mga unang tao ang mga umangat na sunda shelf at mga natira pang tulay na
lupa. Patunay rito ang mga nahukay na kalansay, bungo at buto ng tao sa China, Taiwan, In-
donesia at Pilipinas. Gayundin, naglakbay at nakatawid rito ang mga di-kalakihang hayop
katulad ng elephas stegodon at rhinoceros pati na mga manok. Hindi nakalilipad ng mataas
ang mga manok kung kaya dinala ito ng mga Austronesyanong magsasakang naglakbay at
nagpatawid-tawid sa mga isla mula China patungong timog at pasilangan sa Pilipinas.

Nagkaroon ng kalakalan sa pagitan ng mga manlalakbay pati na ang mga taong dinatnan nila
sa mga isla kasabay ng paghahakot ng pagkain at pangangaso. Bihasang mandaragat at may
kaaalamang teknolohiya na sila bunsod ng pangangailangang mabuhay. Sa ibang bahagi ng
Pilipinas, nagkaroon ng pagtatanim ng palay at iba pang pagkain kung kaya may mga taong
nagpasimula at gumawa ng hagdan-hagdang palayan.

Sa Panahong Bakal, nagkaroon ng mga panday na siyang gagawa ng mga gamit-pangbungkal


at iba pang gamit upang mapaunlad ang pagtatanim ng pagkain at pangangaso.
Pinatutunayan rin ng mga kuwentong bayan at mitolohiya na may sistema ng paniniwala ang
mga sinaunang Pilipino. May sarili na rin tayong kabihasnan; taliwas sa punto-de-bista ng
mga Kanluraning nasa heyograpikal na Far East ang Pilipinas, katawagang pulitikal ng Kan-
luran matapos lamang ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Nagmula sa mga teoryang kanluranin ang mga teorya ng pagtatao sa Pilipinas. Gayunman,
may mga pananaw sa Timog-Silangang Asya at sa Pilipinas na nagpapatunay na may naganap
na pag-unlad sa rehiyon at sa bansa bago pa man ipanganak si Kristo.

Sa pagtatao sa Pilipinas, makikita sa mga siyentipikong pag-aral na arkeyolohikal, antropolo-


hikal at linggwistiko na may nabuo nang kabihasnan ang mga ninunong Pilipino bago pa man
dumating ang mga mananakop sa bansa.

Mga Sanggunian

Bellwood, Peter. 1997. Prehistory of the Indo-Malaysian Archipelago (revised edition).


Honolulu, Hawaii: University of Hawai’i Press.

Page 12
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

Bellwood, Peter. 2005. First Farmers: The Origins of Agricultural Societies. U.K.: Blackwell
Publishing.
Bellwood, Peter. 1991. Austronesian Dispersal and the Origin of Languages. Scientific Amer-
ican Journal (July 1991).
Bellwood P, Fox JJ, Tryon D. Eds. 2006. The Austronesians: Historical and Comparative
Perspectives. Canberra: Australian National University Press.
Casal, Gabriel S. et al. 1998. Kasaysayan Volume II. The Earliest Filipinos. Asia Publishing
Company Limited.
Donohue, Mark and Denham, Tim. 2010. Farming and Language in Island Southeast Asia,
Reframing Austronesian History. Current Anthropology. Volume 51, Number 2, April
2010.
Eugenio, Damiana. 2010. Philippine Folk Literature: The Epics. Quezon City: Vibal Founda-
tion.
_____________. 2001. Philippine Folk Literature: The Myths. Quezon City: UP Press.
Flessen, Catherine. 2006. Bellwood and Solheim: Models of Neolithic movements of people in
Southeast Asia and the Pacific. Retrieved from http://docplayer.net/21843692-Bell-
wood-and-solheim-models-of-neolithic-movements-of-people-in-southeast-asia-and-
the-pacific-catherine-t-flessen-ntnu.html
Fox, Robert. Papers on Archeology.
Francisco, Juan R. 1973. Philippine Paleography. In Philippine Journal of Linguistics Special
Monograph, Issue Number 3.
Gripaldo, Eden M. et al. 2003. Kasaysayan ng Filipinas at mga Institusyong Pilipino. Sentro
ng Wikang Filipino. Quezon City: Unibersidad ng Pilipinas.
Jocano, F. Landa. 1998. Filipino Prehistory: Rediscovering Precolonial Heritage. Quezon
City: Punlad Research House, Inc.
____________. 1975. Questions and Challenges in Philippine Prehistory. Issue 7 of Profes-
sorial Chair Lecture Series: Monograph. Quezon City: University of the Philippines
Press.
Kasaysayan: The Story of the Filipino People. 1998. The Philippine Archipelago. Volume 1.
Asia Publishing Company Limited. A Joint Venture of Reader's Digest and A-Z Direct
Marketing, Inc.
Kasaysayan: The Story of the Filipino People. 1998. The Earliest Filipinos. Volume 2. Asia
Publishing Company Limited. A Joint Venture of Reader's Digest and A-Z Direct
Marketing, Inc.
Manuel, EA. 1994. Documenting Philippineasian: An Inquiry into the Ancestry of the Fil-
ipino People, Their Early Culture and Prehistory Before the Christian Era. Quezon
City: New Luna Press.
Mijares AS, Détroit F, Piper P, Grün R, Bellwood P, Aubert M, Champion G, Cuevas N, De
Leon A, Dizon E. 2010. New evidence for a 67,000-year-old human presence at
Callao Cave, Luzon, Philippines. Journal of Human Evolution Volume 59, Issue 1,
pages 123-132. Retrieved from http://citeseerx.ist.psu.edu/viewdoc/download;jses-
sionid=35DABC972B9B0E3525A03E%201AE1EF4E06?
doi=10.1.1.458.548&rep=rep1&type=pdf

Page 13
! of !14
KAS 1 - Kasaysayan ng Pilipinas

Salazar, Zeus. 2006. Ang Pilipinong “Banua/Banwa” sa Mundong Melano-Polynesiano.


Quezon City: Palimbagang Lahi.
Salazar, Zeus. 2004. Kasaysayan ng Kapilipinuhan: Bagong Balangkas. Retrieved from
https://bangkanixiao.files.wordpress.com/2012/09/zeus-salazar-kasaysayan-ng-
kapilipinuhan.pdf
Scott, William Henry. 1992. Looking for Pre-Hispanic Filipinos. Quezon City: New Day
Publishers.
Skoglund, Pontus, et al. 2016. Genomic Insights Into the Peopling of the Southwest Pacific,
Nature, Macmillan Publishers Limited.
Solheim, Wilhelm G., II. 2006. Archaeology and Culture in Southeast Asia: Unraveling the
Nusantao. Diliman, Quezon City: University of the Philippines Press.

Page 14
! of !14

You might also like