You are on page 1of 1

Kapuluan Ng Kagandahan

Ni Breanna Mutya

Mayroon ka bang alam na isang lugar sa Pilipinas kung saan matatanaw mo ang West Philippine
Sea sa iyong kaliwa at ang Pacific Ocean sa iyong kanan? Isang lugar na sa pagbaba mo pa lang ng
eroplano, ay mararamdaman mo na agad ang kaibahan ng sariwang hangin? Lugar na napakalinis,
napakaganda, at punong puno ng birheng flora at fauna? Kung wala, ipinapakilala ko sa iyo ang
paraisong probinsya ng Batanes!

Subalit, saan nga ba muna ang Batanes? Ano nga ba ang meron dito? Totoo ba talagang mura
lang dito ang karne ng baka?

Unang una, ang probinsya ng Batanes ay isang kapuluan na binubuo ng sampung isla. Tatlo
lamang dito ang tinitirahan—Batan, ang pangunahing isla kung saan nakalugar ang apat sa anim na mga
munisipyo; Itbayat, ang pinakamalaking isla sa probinsya; at ang Sabtang, na sa aking palagay, ang
pinakamaganda. Ang Batanes ay kilala sa karamihan dahil sa mga magagandang tanawin ng kalikasan
nito. Ito rin ay tinatawag na “New Zealand ng Pilipinas” dahil nga sa mga burol na berdeng berde na
matatagpuan dito. Sa mga burol na ito, ang makakasama mong sinusulit ang preskong hangin ay mga
kambing. Syempre, marami ring makikita ritong mga baka, kaya oo, mura sa Batanes and karne ng baka
at mas masarap pa.

Sa unang tapak mo sa Batanes, ang sariwang hangin ang babati sa iyo. Susunod sa kumakaway na
hangin, ay ang mga mababait at masiyahing tao rito. Naaalala ko, ang bungad sa amin ng may-ari ng
tinutuluyan namin ay isang malaking ngiti kahit siya’y pagod na. Ang nakasama naming tour guide ay
parehas din, at dinagdagan pa ng mga nakakawiling mga detalye tungkol sa Batanes na hindi mo basta
bastang malalaman sa google. Kahit lubak lubak na ang daan sa patutunguhan, na mapapahawak sa
kisame ng sasakyan ang iyong kamag-anak, parati pa rin kaming nakangiti.

Bawat pook na aming pupuntahan, ay may bagong nakabibighaning lugar para aming galugarin.
Sa mga sikat na lighthouse (na sobrang instagrammable sa loob lalo na kapag palubog na ang araw), sa
Spring of Youth, sa Honesty Coffee Shop na sikat dahil sa kawalan nito ng cashier, at sa tinatawag nilang
Rolling Hills kung saan aakalain mong ikaw ay nasa pelikula. Kung gusto mo ngang gayahin ang isang
eksena sa isang sikat na pelikula, punta na sa Uyugan, Batanes at hikayatin at sabihin sa iyong kasintahan
“i-Dawn Zulueta Mo Ako.” Kung iniidolo mo naman si Yeng Constantino, ang mga bahay na gawa sa
bato ng Sabtang ang magiging habol mo. Hindi lamang ito kaakit-akit sa paningin, kundi ito rin ay
nagsisilbing patunay sa kariktan ng iba’t ibang kultura at kasaysayan na mayroon ang ating minamahal na
Pilipinas. Kahit lubos-lubos ang mga maaari mong mapuntahan sa Batanes, hindi ka pa rin mapapagod.
Malamang ang iyong iskedyul para maggala ay sa umaga lamang. ‘Pag ikaw ay nakabalik na sa iyong
tinutuluyan, pwede mo nang gawin ang kahit anong gusto mo. Maaari kang maglakad-lakad o
magbisikleta, at mapapagtantuan mo na isa sa mga ganda ng Batanes ay kung gaano kalinis ito.

Dahil sa Batanes, ako’y mas napaniwala na tunay ngang walang makakatalo sa kagandahan ng
ating bansa. Sa dami kong napuntahan sa Pilipinas, Batanes ang aking naging paborito. Pagtapak ko pa
lamang sa eroplano pabalik, ay namiss ko na agad ito. Mabilis at walang-angal kong naisip na naiiba ang
Batanes sa ibang lugar sa Pilipinas. Kaya kung hanap mo ay isang lugar na walang makakapantay sa
ganda nito, wala gaanong mga turistang na nanganganib na masama sa iyong litrato para sa instagram at
facebook, nakakarelax, at mayaman sa kultura, huwag nang magdalawang-isip pa at halika na sa Batanes!

You might also like