You are on page 1of 4

TABACO NATIONAL HIGH SCHOOL

Tabaco City
INDIVIDUAL WEEKLY HOME LEARNING PLAN
GRADE 10
Kuwarter 2

Learning Task
Saklaw ng Pagsusulit
a. Naisasama ang salita sa iba pang salita upang makabuo ng panibagong kahulugan. (Collocation)
Paunawa: Sa pagsusulit, may nakasulat nang kahulugan. Ang gagawin ninyo ay pagsasamahin ang mga salita na nasa kahon upang makabuo nang
panibagong salita na tumutukoy sa ibinigay na kahulugan.

Hal: anak araw pawis


Kahulugan: Isang uri ng sakit kung saan kakaiba ang puti ng balat maging ang buhok ng tao.

b. Nailalahad ang pangunahing paksa at ideya batay sa napakinggang usapan ng mga tauhan.

Paunawa: May usapan o diyalogong babasahin. Batay sa usapan kailangan ninyong tukuyin kung tungkol sa ano ang pinag-uusapan nila.
Hal: Juan: Mas mainam kung mag-aaral tayo nang mabuti. Nang sa gayon ay hindi tayo bumagsak. Sayang naman ng oras na inilaan natin.
Pedro: Tama ka kaibigan! Kawawa naman ang ating magulang kung sa bandang huli ay hindi tayo papasa. Lalo na’t ang alam nila ay nag-aaral
tayong mabuti dahil hingi tayo nang hingi sa kanila ng pera.
Ang maaaring paksa o ideya sa usapan ay “pagpapahalaga sa edukasyon” o kaya nama’y “pagiging responsible”.

c. Nailalahad ang kultura ng lugar na pinagmulan ng kuwentong-bayan sa napakinggang usapan ng tauhan.


Paunawa: May usapan o diyalogong babasahin. Batay sa usapan kailangan ninyong tukuyin kung anong KULTURA ang lutang sa usapan. Tandaan na
ang KULTURA ay maaaring tumukoy sa tradisyon/kaugalian/kinasanayan/gawi/kilos/paniniwala.
Hal: Juan: Kaibigan, kasama ka ba sa mga tutulong maglinis sa mga kalat dulot nang bagyo?
Pedro: Oo , nang sa gayo’y kahit papaano ay makatulong ako sa mga nasalanta ng bagyo.
Maaaring ang kulturang lutang sa usapan ay “Bayanihan” o “Pagtutulungan”.

d. Nasusuri ang iba’t ibang elemento ng tula.


Paunawa: May tulang babasahin at inyo itong susuriin batay sa mga elemento nito.
Hal:
Aking iniibig, parang isang bula
Pasasayahin ka, sa una nang sobra
Mga maaaring tanong: a. Ilan ang sukat ng tula? Tugma: ganap ba o “di-ganap? Saknong? Bilang ng taludtod sa bawat saknong? Kahulugan ng
talinhaga?
Upang malaman ang kahulugan ng talinhaga,bumuo ng literal na imahe na binabanggit sa tula. Pagkatapos, iugnay ito batay sa imaheng nabuo sa
inyong isipan na may kaugnayan sa ibinigay na pagpipilian.

Anong katangian/nangyayari ng/sa bula ang maaaring iugnay sa isang relasyon o taong iniibig ninyo?

e. Naibibigay ang kahulugan ng matatalinhagang pananalita sa ula.


Paunawa: Upang malaman ang kahulugan ng talinhaga,bumuo ng literal na imahe na binabanggit sa tula. Pagkatapos, iugnay ito batay sa imaheng
nabuo sa inyong isipan na may kaugnayan sa ibinigay na pagpipilian. Kung minsan, nasa tula na rin ang kahulugan ng talinhaga.
Hal:
Aking iniibig parang isang bula
Pasasayahin ka, nang sobra sa una
Nguni’y napalingon nang ‘di sinsasadya
Hindi ko napansin bigla na lang nawala.

Kung titingnan ang ika-4 na taludtod ng tula, sinasabi dito na ang kaniyang ibiibig ay bigla na lang nawawala. Ito na mismo ang kahulugan ng talinhagang
“Bula”.

f. Nagagamit ang matatalinhagang pananalita na ginamit sa tula.


Paunawa: Upang maging epektibo/tama ang paggamit ng talinhaga/simbolismo sa pagsulat ng tula. Isipin muna kung anong katangian ng simbolismong
gagamitin ninyo ang may kaugnayan sa sinisimbolo nito at sa paksa ng tulang isusulat.
Hal:
Simbolismo: Bato
Katangian: Matigas
Pag-uugnay: Maaring iugnay sa taong walang awa o kaya nama’y taong matatag/hindi agad-agad sumusuko/pinanghihinaan.
g. Nasusuri ang tayutay na ginamit sa pangungusap.
Mga tayutay:
1. Pagtutulad: Suriin muna ang pangungusap kung mayroong pinagtutulad/inihahambing na katangian o magkaibang bagay(tao:hayop, tao:bagay,
hayop:bagay atbp). Kung mayroon, tingnan ang pangungusap kung may mga panandang: tulad, parang, anaki’y, animo’y, tila, magkasing, kawangis
at iba pa na nagpapahiwatig na mayroong ipinaghahambing/itinutulad.
Hal: Kapag ako’y nagagalit, tila ba ako’y nagiging isang leon.
Kung papansinin, pinagtulad ang “Ako” at “Leon” sa kung paano ito magalit na nagangahulugang nakakatakot at gumamit ng panandang “TILA”.
2. Pagwawangis : Katulad ito ng “PAGTUTULAD” ngunit ito’y direktahang paghahambing/pagtutulad sa 2 magkaibang bagay. WALA ang mga
panandang: tulad, parang, anaki’y, tila, animo’y, magkasing, kawangis at iba pa na nagpapahiwatig na mayroong ipinaghahambing/itinutulad.

Hal: Kapag ako’y nagagalit, ako’y nagiging isang leon.


3. Pagtatao/Personipikasyon: Hanapin sa pangungusap kung may katangian/kilos/gawi ng tao. Kung mayroon, hanapin sa pangungusap kung ang
katangian/kilos/gawi na ito ay ibinigay/inilapat sa isang walang buhay/bagay.

Hal: Nagdalamhati ang langit.


Kung titingnan, ang “NAGDADALAMHATI” ay kakayahan ng isang tao at ang bagay/walang buhay na nilapatan/binigyan ng kakayahang ito ay
“LANGIT” na nangangahulugang “MAKULIMLIM/UULAN/UMUULAN”
4. Pagmamalabis: Upang hindi malito sa pagtukoy kung ang tayutay ay pagmamalabis, tandan ang naunang tatlong tayutay: May ipinaghahambing ba?
May katangian ba ng tao na inilalapat sa walang buhay/bagay? Kung wala, pagmamalabis yan!!!!hehehe..
h. Nabubuo ang sariling wakas ng napanood na bahagi ng teleserye na may paksang kaugnay na binasa.
Paunawa: Upang maibigay ang tamang pagwawakas, unawaing mabuti ang nilalaman at takbo ng kuwento na gagawan ng wakas.
Hal: Pumunta ako sa silid-aralan. Pagpasok ko, may nakita akong pera sa sahig at dali-
dali ko itong kinuha.
Ano kaya ang angkop o karapat-dapat na wakas ng kuwento? Tandaan ang salitang “KARAPAT-DAPAT”.
i. Nasusuri ang kasanayan at kaisahan sa pagpapalawak ng pangungusap.
Sa Bahagi ng Panaguri
1. Ingklitik: Iiyak ba ko? Kung ang may salungguhit ay mga kataga lamang ito ay ingklitik.
2. Komplemento ng Pandiwa
A. Tagaganap: Kung ang may salungguhit ay ang kumilos/gumanap sa kilos.
Hal: Ang manok ay inihagis ni Pedro.(Si Pedro ang gumanap sa kilos na inihagis.
B. Tagatanggap: Kung ang may salungguhit ay ang tumanggap ng kilos.
Hal: Ang manok ay niluto ni Pedro para kay Juan.( Si Juan ang tumanggap ng kilos ni pedro at makakakita tayo nang panandang “PARA
KAY/PARA SA”. Para kanino ang ginawang kilos?
C. Layon: Goal o Layunin ng kilos. Sumasagot sa tanong na ano(BAGAY)?.
Hal: Si Pedro ay nagluto ng adobong manok para kay Juan.(Ang adobong manok ang layunin ng kilos na nagluto at sumasagot sa tanong na
“ano?”.
D. Ganapan: Kung ang may salungguhit ay nagpapahiwatig ng lugar kung saan ginawa/gagawin ang kilos.
Hal: Si Pedro ay nagluto ng adobong manok sa kawali.( Ang kawali ang lugar kung saan ginawa ang kilos na nagluto.)
E. Kagamitan: Kung ang may salungguhit ay ginamit upang maisagawa ang kilos.
Hal: Si Pedro ay nagluto ng adobong manok gamit ang kawali.( Ang kawali ang ginamit upang maisagawa ang kilos na nagluto. Karaniwang
makikita natin ang panandang “GAMIT” O “SA PAMAMAGITAN”.)
F. Sanhi: Kung ang may salungguhit ay ang dahilan kung bakit nangyari ang kilos.
Hal: Si Pedro ay nagluto ng adobong manok dahil may darating na bisita.( Ang dahil may darating na bisita ang sanhi kung bakit
nangyari/mangyayari ang kilos na nagluto. Karaniwang makikita natin ang pandang “DAHIL”.)
3. Pang-abay: Kung ang may salungguhit ay nagbibigay-turing/naglalarawan sa pandiwa, pang-uri o kapwa pang-abay.
4. Hal: Lubhang nagulat sila sa iyong balita. (Ang may salungguhit ay naglalarawan/nagbibigay-turing sa pandiwang nagulat.)
Totoong lubhang nagulat sila sa iyong balita. (Ang may salungguhit ay naglalarawan/nagbibigay-turing sa pang-abay na lubha.)
Si Maria ay tunay na maganda.( Ang may salungguhit ay naglalarawan/nagbibigay-turing sa pang-uring maganda.
Sa bahagi ng paksa
1. Atribusyon o Modipikasyon: Kung ang may salungguhit ay naglalarawan sa paksa.
Hal: Ang nagpapaliwanag na opisyal na iyon ay pakinggan mo.( Ang may salungguhit ay naglalarawan sa paksang opisyal.)
2. Pariralang lokatibo/Panlunan: Kung ang may salungguhit ay nagpapahayag ng lugar.
Hal: Ang Public Market na binibilhan niya ng asukal ay inaayos
3. Pariralang nagpapahayag ng pagmamay-ari: Kung ang may salungguhit ay gumagamit ng panghalip na nagpapahayag ng pagmamay-ari(ko, akin,
kaniya atbp.)
4. Hal: Maayos na maayos ang talumpati ng aking kapatid.
j. Natutukoy nang wasto ang pokus ng pandiwa.
1. Tagaganap: Kung ang may salungguhit ay ang kumilos/gumanap sa kilos.
Hal: Si Pedro ay naghagis ng manok.(Si Pedro ang gumanap sa kilos na inihagis.)
2. Tagatanggap: Kung ang may salungguhit ay ang tumanggap ng kilos.
Hal: Si Juan ay hinagisan ni Pedro ng manok. Si Juan ang tumanggap ng kilos ni pedro at makakakita tayo nang panandang
3. Layon: Goal o Layunin ng kilos. Sumasagot sa tanong na ano(BAGAY)?.
Hal: Ang adobong manok ay niluto ni Pedro(Ang adobong manok ang layunin ng kilos na niluto at sumasagot sa tanong na “ano?”.
4. Ganapan: Kung ang may salungguhit ay nagpapahiwatig ng lugar kung saan ginawa/gagawin ang kilos.
Hal: Pinaglutuan ni Pedro ng adobong manok ang kawali.( Ang kawali ang lugar kung saan ginawa ang kilos na pagluto.)
5. Kagamitan: Kung ang may salungguhit ay ginamit upang maisagawa ang kilos.
Hal: Ipinangluto ni Pedro ng adobo ang manok na alaga.Ang manok ang ginamit upang maisagawa ang kilos na pagluto.
6. Sanhi: Kung ang may salungguhit ay ang dahilan kung bakit nangyari ang kilos.
Hal: Ikinagutom ni Pedro ang pagkatalo ng kaniyang manok.

You might also like