You are on page 1of 11

Aralin 1

MODYUL
2 Baliktanaw sa Kahulugan, Kahalagahan, at Mga
Elemento ng Komunikasyon
_________________

Mga Layunin

Sa aralin ito ang mag-aaral ay inaaasahan na:


• Mapalalim ang pagpapahalaga sa sariling paraan ng pagpapahayag ng mga Pilipino sa
iba’t ibang antas at larangan.
• Mabalikan ang mga batayang konsepto ng komunikasyon at magamit ang mga ito sa
pagtuklas tungkol sa sariling kultura.
• Makapagpahayag ng mga makabuluhang kaisipan sa pamamagitan ng tradisyonal at
modernong midyang akma sa kontekstong Pilipino.
• Maisaalang-alang ang kultura at iba pang aspektong panlipunan sa pakikipagpalitang-
ideya.

Basahin Natin

Baliktanaw sa Kahulugan, Kahalagahan, at Mga


Elemento ng Komunikasyon

Kahulugan
Ang Komunikasyon ayon kina Pearson and Nelson (2000), ay ang proseso ng pag-
unawa at pagbabahagi ng mga kahulugan. Ang komunikasyon ay ang proseso ng
pagpapadala at pagtanggap ng mensahe sa pamamagitan ng simbolikong cues na
maaaring berbal o di-berbal. (Bernales, et al., 2002)

Isa itong sistematikong proseso ng interaksiyon ng mga tao sa pamamagitan ng mga


simbolo upang lumikha at magbigay ng interpretasyon sa mga kahulugan. (Wood, 2000)

Ang komunikasyon ay paghahatid ng mahahalagang impormasyon sa isang paraang


masining upang maging mabisa at mahusay na maipahayag ng tao ang kanyang palagay o
saloobin sa kanyang kapwa, anuman ang paksang inaakala niyang mahalagang mapag-
usapan. (Verdeber, 1987)

Mula ito sa mga salitang Latin na communis na ang ibig sabihin ay panlahat.

Ang komunikasyon ay mula rin sa salitang Latin na communi atus na ang ibig sabihin
ay “ibinabahagi.” Sa ganitong sitwasyon, ang dalawang panig ay magbabahaginan ng
kanilang ideya sa paraang kasangkot ang pagsasalita, pakikinig, pag-unawa, pagbasa, at
pagsulat. Mangahis et al. (2008)

Ayon kay Marquez (2020) ang mahalaga ang komunikasyon dahil ito ay pagsasalin,
paghahatid ng balita, kuro-kuro, mensahe, kaalaman o impormasyon, damdamin, iniisip o
pangangailangan, at ideya mula sa tao patungo sa isang tagatanggap o sa isang
patutunguhan. Aniya, dahil ang komunikasyon ay maituturing na isang sining, ito ay
nagbibigay sa isang tao ng pagkakataon na maipahatid ang kanyang naiisip o nadarama.
Sapagkat isang kasanayan ang komunikasyon ang mga nagtataglay ng kakayahan sa
pakikipagkomunika ay nararapat na maipahayag ang nais nila sa paraang angkop, mabisa,
karapat-dapat, at maganda.

Kahalagahan

1. Pagpapahayag ng damdamin. Nagbibigay ang komunikasyon ng pagkakataon


na maibahagi ng tao sa kanyang kapwa ang kanyang damdamin, kaisipan, o saloobin.
2. Pagtuklas sa identidad. Nagkakaroon ang tao ng ganap na kabatiran tungkol sa
sariling pagkatao batay sa kanyang perspektiba at napauunlad niya ang pagkakakilala sa
sarili.
3. Pag-uugnay sa mga tawid-distansya at tawid-kulturang koneksiyon.
Napaglalapit ng komunikasyon ang mga indibidwal o organisasyong magkakalayo sa
espasyo at nagkakaiba sa oras, at nababawasan ang mga hadlang sa pakikipag-usap sa
magkakaibang kultura.
4. Paggamit bilang estratehiya sa pagresolba ng mga suliranin. Nagkakaroon ng
estratehiya upang mapag-isa, mapaglapit, o mapag-ayos ang mga tao o grupong may
hidwaan o di-pagkakaunawaan.
5. Paglilipat-kaalaman. Nakapagbabahaginan ang mga tao ng mga kaalamang
mahalaga at kailangan sa kanilang buhay, trabaho, o pag-aaral.
6. Pagyabong at intelektuwalisasyon ng wika. Natutuklasan ng mga tao ang
tamang paggamit ng kanilang wika sa mas madalas na paggamit nito.

Ang mga komunikador sa kasalukuyang siglo ay nangangailangan ng iba’t ibang


kakayahang pangkomunikasyon. Tingnan sa Venn diagram sa ibaba ang mga mahahalagang
kasanayang kailangan ng mga komunikador sa ika-21 siglo.

Mga Kasanayan ng Komunikador sa ika-21 siglo


Dagdag sa mga nakikita sa dayagram sa itaas, kinakailangan din ng mga komunikador sa
ika-21 siglo, ang kasanayan sa Kritikal na Pag-iisip at pagpapasya. Ang Kritikal na Pag-iisip ay
ang kalipunan ng mga kasanayan ng isang indibidwal na nagagamit upang mataya,
makapagbigay ng interpretasyon, at makapagsuri ang mga impormasyon, isyu, o penomenon
tungo sa paglikha ng mahusay na ebalwasyon, bagong ideya, sariling paninindigan, at wastong
desisyon.

Malaki na ang iniunlad ng mga modelo ng proseso ng komunikasyon nitong mga nagdaang
taon, malayo na ito sa modelo nina Shannon at Weaver na linear kung saan tinatawag pa ang
mga komunikador bilang tagapagsalita at tagatanggap ng mensahe. Isa sa pinakaginagamit sa
ngayon na batayan sa mga paliwanag tungkol sa komunikasyon ay ang Transaksiyonal na
Modelo ng Komunikasyon ni Barnlund na unang inilabas noong 1962 at pinaunlad noong 2008
kung saan ipinapakita na ang komunikasyon ay tuloy-tuloy na proseso na palagiang nakaaapekto
ang mga komunikador sa isa’t isa o sa sinumang nakakaugnay nila sa komunikasyon. Ayon kay
Barnlund ang pagbibigay at pagtanggap ng mga mensahe ay resiprokal, ibig sabihin, ang mga
komunikador ay kapwa responsable sa epekto at pagiging matagumpay ng komunikasyon.

Transaksiyonal na Modelo ng Komunikasyon ni Barnlund, 1970

Maraming proseso at komponent ang transaksiyonal na modelo tulad ng proseso ng


encoding, decoding, ang mga komunikador, ang mensahe, and tsanel, at ang hadlang o ingay.
Malaki ang ginagampanang papel ng pananaw ng mga komunikador at ng konteksto sa proseso
ng komunikasyon.

Ang Transaksiyonal na Modelo ng Komunikasyon ay isang sistema ng fidbak na sapin-


sapin o maraming paglalatag. Isa itong tuloy-tuloy na proseso kung saan ang inter-palitan ng
tagapagpadala ng mensahe at tagatanggap ng mensahe ay tinitingnan bilang pantay ang halaga.
Ito ang dahilan kung bakit sa modelong ito, kapwa “komunikador” o “komyunikeytor” ang tawag sa
parehong “tagapagsalita” at “tagatanggap” ng mensahe. Dahil konstant ang fidbak nila sa bawat
partido, patuloy ang palitan ng mensahe. Ang fidbak para sa isang komunikador ay mensahe
naman para sa isang komunikador. Parehas silang nagiging tagapagbigay at tagatanggap ng
mensahe, sa iba’t ibang pagkakataon.

Angkop na gamitin ang modelo ni Barnlund sa konteksto ng Komunikasyong Filipino


sapagkat ito ay nagpapakita ng elemento ng mga pahiwatig-pangwika o cues. Ayon sa kanya, sa
komunikasyon, mayroong publikong pahiwatig, pribadong pahiwatig, at pahiwatig-asal. Ang
publikong pahiwatig ay ang pisikal, pangkapaligiran, artipisyal o natural na pahiwatig na ipinakikita
sa publiko. Ang pribadong pahiwatig naman ay kinabibilangan ng mga pribadong tuon o objek ng
oryentasyon tulad ng mga pandama ng isang tao. Parehas ng puwedeng maging berbal at di-
berbal ang mga pahiwatig na ito. Ang pahiwatig-asal naman ay maoobserbahan sa kilos o gawi ng
mga komunikador, na maaari ring may berbal o di-berbal. Mayaman ang Komunikasyong Filipino
sa mga pahiwatig. Ang simpleng mga tunog na intensyonal o di-intensyonal na nililikha ng
komunikador ay maaaring may iba’t ibang mensahe. Maraming tunog na hindi ganap na salita ang
Filipino, ngunit may kahulugan, halimbawa, ang paglikha ng tunog na “aaaww” o “aahh” para
ipahiwatig na nasaktan o naantig ang damdamin, o ang “ayiiee” sa panunudyo, “ah!” kapag may
naalala, “aahh!” kapag nagulat sa biglaang nakakatakot o di-pinaghandaang pangyayari. Ilan
lamang iyan sa mga linguistic cues sa Filipino na hindi ganap na salita at mahirap ilimbag ngunit
magkakaintindihan ang mga Pilipino kapag narinig sa pasalitang paraan.

Elemento ng Komunikasyon

1. Komunikador. Tumutukoy sa bawat indibidwal na sangkot sa proseso ng komunikasyon.

2. Mensahe. Ito ay elemento ng komunikasyon na siyang bibigyang kahulugan ng


tagatanggap ng mensahe. Maaari itong berbal at di-berbal na mensahe.

3. Tsanel. Ito ang elemento ng komunikasyon na nagsisilbing daluyan ng mensahe mula sa


tagapaghatid ng mensahe.

Mga pandama - pandinig, paningin, at pandama


Daluyang Midya o Mediated - pahayagan, pelikula, radio, telebisyon at Internet

4. Ingay o Hadlang. Ang isang hadlang o interference ay elemento ng komunikasyon na


nagsisilbing sagabal na proseso ng komunikasyon. Tandaan na hindi lamang ito nakapaloob
sa tunog. Sakop nito ang pisikal o teknikal na sagabal, semantikong sagabal, pisyolohikal na
sagabal, kultural na sagabal at sikolohikal na sagabal.

5. Tugon o Fidbak. Ito ay elemento ng komunikasyon na nagsisilbing tugon sa mensaheng


ipinadala ng sender. Gaya ng mensahe, ang tugon ay maaari ring berbal (pasalita/pasulat)
at di-berbal (simbolo).

Uri ng Fidbak
Relasyonal - di-berbal na pagpapahiwatig ng damdamin o pagtingin sa kausap.
Panlingguwistika - pasalita, tungkol sa tamang gamit ng wika
Aralin 2
MODYUL Ang Kultura at Komunikasyong Filipino
2
_________________

Mga Layunin

Sa aralin ito ang mag-aaral ay inaaasahan na:

b. Mapalalim ang pagpapahalaga sa sariling paraan ng pagpapahayag ng mga Pilipino sa


iba’t ibang antas at larangan.
c. Maisaalang-alang ang kultura at iba pang aspektong panlipunan sa pakikipagpalitang-
ideya.
d. Makabuo ng sariling pahayag at panawagan kaugnay sa mga paraan ng komunikasyong
Filipino.
e. Makapagpahayag ng mga makabuluhang kaisipan sa pamamagitan ng tradisyonal at
modernong midyang akma sa kontekstong Pilipino.

Basahin Natin

Ang Kultura at Komunikasyong Filipino

Ano ang Komunikasyon? Ito ay ang pagpapahayag, pagpapaalam, pagpapabatid o pagbibigay ng


impormasyon sa mabisang paraan, isang pakikipag-ugnayan, pakikipagpalagayan o pakikipag-
unawaan. Ang komunikasyon ay paghahatid ng mahahalagang impormasyon sa isang paraang
masining upang maging mabisa at mahusay na maipahayag ng tao ang kanyang palagay o
saloobin sa kanyang kapwa, anuman ang paksang inaakala niyang mahalagang mapag-usapan
(Verdeber, 1987). Proseso ng pagpapadala at pagtanggap ng mensahe sa pamamagitan ng
simbolikong cues na maaaring berbal o di-berbal. (Bernales, et al., 2002)

Sining ng pagpapahayag ng kaisipan o ideya sa paraang pasalita at pasulat. (Tanawan, et al.,


2004)

Ang Komunikasyon ay
1. Dinamiko - Nagbabago ang komunikasyon dahil sa impluwensya ng lugar, oras, mga
pangyayari at mga taong sangkot sa proseso
2. Komplikado - Ito ay dahil sa persepsyon ng isa sa kanyang sarili, sa kausap, iniisip niyang
persepsyon ng kanyang kausap sa kanya at ang tunay na persepsyon ng kanyang kausap sa
kanya.

Kultura
“Ang kultura ay isang patuloy na nagbabagong paraan ng pamumuhay ng isang grupo ng
tao o pamayanan, binubuo ng pinagsasaluhang mga praktika o gawaing nakaugnay sa
pinagsasaluhang mga produkto, batay sa pinagsasaluhang mga pananaw sa mundo, at nakalugar
sa tiyak na mga panlipunang konteksto.” (Moran, 2001)
Ipinaliliwanag ni Galileo Zafra (2016) ang mga susing konsepto sa depinisyon ni Moran:

Ang patuloy na nagbabagong paraan ng pamumuhay ay nagtatampok sa dinamikong


katangian ng kultura. Ipinapahiwatig nito na may kasaysayan ang mga produkto, praktika,
pananaw, at mga pamayanan ng kulturang ito. Ang mga taong humuhubog ng kultura ay nasa
tuloy-tuloy na proseso ng aktibong paglikha at pagbabago ng mga produkto, praktika, pananaw,
at pamayanan.

Produkto. Lahat ng bagay na nilikha ng mga miyembro ng kultura, kasama na iyong mula sa
kapaligiran at iyong inangkin mula sa banyagang kultura. Saklaw nito ang mga nahahawakang
bagay tulad ng kagamitan, pananamit, gusali hanggang sa mas komplikado ngunit dinaranas pa
ring mga likha tulad ng iba’t ibang sining hanggang sa mga institusyon tulad ng pamilya,
edukasyon, ekonomiya, politika, at relihiyon. Produkto rin ng kultura ang wika.

Praktika. Mga ginagawa ng mga miyembro ng kultura nang mag-isa man o magkakasama.
Kabilang dito ang paggamit ng wika at iba pang anyo ng komunikasyon, mga gawaing iniuugnay
sa mga grupong panlipunan, at paggamit ng mga produkto.

Pananaw. Mga persepsiyon o pagtingin (kung ano ang nabubuong idea batay sa obserbasyon),
paniniwala (kung ano ang ipinapalagay na tama at mali), pagpapahalaga (kung ano ang
ipinapalagay na mabuti at masama), at saloobin na nagiging batayan ng paglikha ng mga
produkto at gumagabay sa mga tao at pamayanan sa paglikha at pagdanas nila ng kultura. Ang
mga pananaw na ito ay maaaring hayag o nakatago. Pinagmumulan din ang mga ito ng
kahulugan at siyang nagbibigay ng natatanging pagtingin o oryentasyon sa buhay—isang
pananaw-sa-daigdig.

Pamayanan. Tumutukoy sa mga tiyak na panlipunang konteksto at grupo ng mga taong


nagsasagawa ng mga panlipunang gawain. Saklaw nito ang malalawak at pabago-bagong hugis
na mga pamayanan tulad ng bansa, kasarian, lahi, relihiyon, uri, henerasyon hanggang sa mas
makikitid na pagpapangkat gaya ng lokal na partidong politikal, samahan, pamilya. Ang mga
pamayanang ito ay sabayang umiiral sa loob ng isang pambansang kultura at may iba’t ibang
ugnayan sa isa’t isa: separasyon, kooperasyon, kolaborasyon, tunggalian.

Tao. Tumutukoy sa mga indibidwal na miyembro ng kultura at mga pamayanan. Nananahan ang
kultura sa mga indibidwal na tao at sa iba’t ibang panlipunang grupo o pamayanan para isagawa
ang kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang kultura, kung gayon, ay kapuwa indibidwal at
kolektibo.

Batay sa depinisyong ito ng kultura, may limang dimensiyon ang anumang penomenong
pangkultura, o sa madaling sabi, ang anumang paksang pangkultura. Ang isang penomenong
pangkultura ay kinasasangkutan ng nararanasang anyo o estruktura (produkto) na ginagamit ng
mga miyembro ng kultura (tao) sa kanilang iba’t ibang gawain (praktika) sa mga tiyak na
panlipunang sitwasyon at grupo (pamayanan) na ginagabayan ng mga lantad at di-lantad na mga
paniniwala, pagpapahalaga, at saloobin (pananaw). Ang mga produkto, tao, praktika, pamayanan
ay karaniwang hayag; karaniwan namang tago ang mga pananaw na siyang maaaring palitawin
sa pagsusuri. Sa pamamagitan ng pagtuklas at pagsusuri sa mga koneksiyon ng mga
dimensiyong ito, higit na makabubuo ng mas malalim at makabuluhang larawan ng kultura.

Komunikasyong Filipino/ Komunikasyon ng mga Pilipino

Natatangi ang paraan ng komunikasyon ng mga Pilipino. May mga katutubo tayong
pamamaraan ng interpersonal na komunikasyon. Ayon kay Maggay (2002), ang kultura ng
komunikasyon ng mga Pilipino ay umiinog sa daigdig ng paghihiwatigan. Ang pahiwatig ay
isang maselang pagpapaabot ng mensahe sa pamamagitan ng di-tuwirang palatandaan.
Gayundin, ang Wikang Filipino ay may mga salitang naghahayag ng pag-uugnayang
tuwiran. Nananatili ang tradisyon ng ating palabigkasan, mga estilo ng retorika na
nagpapakita ng pagiging mayaman ng ating kultura ng komunikasyon. Sa kulturang
pabigkas, maoobserbahan pa rin ang katutubong estilo ng pagtatalumpati na matalinghaga,
mabulaklak, at matulain, at ang ilan sa mga ito bumuo na ng mga bagong anyo ng
pasalitang tula.

Sa kontekstong Pilipino, mayroon tayong mga di-pormal na sitwasyon at mayroon ding mga
pormal na okasyon. Sa loob ng mga kontekstong ito, magkaiba ang paraan ng paggamit ng
wika ng mga tao.

Mga Nakagawiang Pamamahayag:


1.Pagpapahiwatig- di- tuwirang pagpapaabot ng mga mensahe, pangmadla man o para sa
kinauukulan. Hal. pasaring,papansin
2.Paggamit ng tagapamagitan
3.Pagbubunyag- pagpapahiwatig ng mga impormasyong kinikimkim sa dibdib at kalooban.
Hal. ipagtapat, ihinga
4.Panlabas na aspekto- Hal. pakitang-tao
5.Paglalantad ng sarili- pagkamatapang ang apog. Hal. pakitang-gilas
6. Tuwirang pagsasagutan- Hal. balitaktakan
7. Pagsisiwalat ng mga impormasyon- nauukol lamang sa pansariling mga bagay-bagay.
Hal. itsismis, ibandila
8.Komunikasyon na nagaganap sa mga sitwasyong sosyal o sa mga pagtitipon-tipon.
Hal. Kamustahan, kwentuhan
9. Pagbibigay balita- Hal. Ipahayag, magbigay babala
10. Katutubong retorika - Hal. balagtasan

Pahiwatig
• Isang katutubong pamamaraan ng pagpapahayag na di-tuwirang ipinaaabot ngunit
nababatid at nahihiwatigan sa pamamagitan ng matalas na pakikiramdam at matunog na pagbasa
ng mga himaton.
• Maaaring verbal, di-verbal, o kombinasyon ng verbal at di-verbal
• HIMATON - Mga verbal na palatandaang kaakibat ng pahiwatig.

Mga kaugnay nitong salita:


1. Nagsasaad ng di tuwirang pagtukoy o palihis na patama o puntirya
a. pahaging - isang mensaheng sinasadyang magmintis at ipinaalingawngaw lamang sa
paligid.
b.padaplis - isang mensaheng sadyang lihis sa layuning matamaan nang bahagya ang
kinauukulan nito
2. Pinag-uukulan ng mensahe ay hindi ang kaharap kundi ang taong nasa paligid
a. parinig - malawakang ginagamit upang maiparating ang naisasaloob, hindi sa kaharap
na kausap kundi sa sinomang nakikinig sa paligid.
b. pasaring - mga berbal at di-berbal na pagpaparating ng puna, paratang, at iba pang
mensaheng nakakasakit sa mga nakaririnig na kunwari ay labas sa usapan.
3. Humihikayat ng pansin sa pamamagitan ng pandama
a. paramdam - isang mensaheng ipinaaabot ng tao ng mga ekspresyong nararamdaman.
b. papansin - isang mensaheng may layuning humingi ng atensyon na kadalasang
naipapahayag sa pamamagitan ng pagtatampo, pagkabalidosa sa pananamit at pagkilos, sobra-
sobrang pangungulit, at iba pang kalabisang kumukuha ng pansin
4. Nagpapahayag o nagpapahiwatig ng isang bagay na ayaw o kinayayamutan
a. sagasaan - pahayag na lumalagpas sa hangganan sa pakikipag-usap na karaniwang
tinututulan ng nakikinig bilang isang paalala na maaring may masaktan: “Dahan-dahan at baka
makasagasa ka.”
b. paandaran - mekanismo ng pahiwatig na kadalasang nakapokus at umiikot sa isang
paksa na hindi tuwirang maipahayag subalit paulit-ulit na binabanggit tuwing may pagkakataon at
kadalasang kinaiinisan ng nakikinig sa pagsasabing, “Huwag mo akong paandaran.”

Ang Tagapamagitan

Ang nagsisilbing tulay sa pagpapaabot ng mga mensaheng alanganin ang magkabilang panig na
sabihin nang harap-harapan.
Karaniwang ginagampanan ng isang taong iginagalang ng mga kalahok sa usapan.
Maaari ding ang tagapamagitan ay isa lamang tagapaghatid ng mensahe at di kasangkot sa
usapin.

Mga Konsepto sa ilalim ng Tagapamagitan:


1. Pahatid - isang mensaheng ang pinagtutuunan ay ang akto ng pagpapadala sa
pamamagitan ng isang sugo.
2. Parating – isang mensaheng ang binibigyang-diin ay ang paraan ng pagdating, o kung
paano ito tinanggap ng kinauukulan. “Ano ba ang ibig mong iparating?” ay isang tanong na
winawari ang puntong ibig ipaabot ngunit hindi malinaw ag dating para sa nakikinig.
3. Pasabi - mensaheng ipinasabi sa isang tagapamagitan.
4. Pabilin – mensaheng nagsasaad ng mga iniaatas o ibig ipatupad sa tumatanggap ng
mensahe bilang pagsunod o pagbibigay-linaw sa nagmemensahe.
5. Paabot - mensaheng ipinapadala sa panig na may kalayuan upang maluwalhating
magkaintindihan.

Tuwirang Pagpapahayag ng mga Pilipino


1. Ipagtapat - ang ibig sabihin nito ay ihayag o ibunyag ang katotohanan, mula sa salitang- ugat
na “tapat” na nangangahulugang kaharap, mapagkakatiwalaan, at kapani-paniwala bukod pa sa
nagsasabi ng totoo at hindi umiiwas magsalita nang tuwiran.
2. Ihinga - sa literal, ito’y “pagbubuntonghininga” na tanda ng malalim na dinadala o hirap ng
kalooban. Ang ihinga ang isang bagay ay pagpapaginhawa o pagpapaluwag sa sarili sa
pamamagitan ng pagbabahagi ng sakit ng loob; o pagsasabi ng mga lihim.
3. Ilabas - ilantad sa paningin ng madla o ng sinumang kinauukulan; madalas ginagamit sa mga
bagay na maselan o nakatago.
4. Ilahad- ipahayag sa pamamagitan ng maayos na pagsasalaysay; pag-uulat o pagkukuwento ng
mga bagay na lingid sa iba ngunit ibinabahagi sa kapalagayang-loob o kaibigan.

Panlabas na Dimensiyon ng Komunikasyon


1. Pabalat-bunga - idyoma na tumutukoy sa pagiging hindi tunay o panlabas lamang, nasa balat
lamang, wala sa loob
Halimbawa: Paanyaya na mukhang napipilitan lamang
2. Pakitang-tao- nagbibigay-diin sa paggalang o pagpupugay sa katauhan ng kinakausap ayon sa
alituntuning panlipunan ng kultura
3. Palabas- pagsasadula ng isang pangyayari para lamang maitaguyod ang kapakanan ng
sinumang may pakana nito; pagtatanghal ng gawa-gawang pag-aliw sa madla

May konsepto ang Filipino na nagsasaad ng pang-ibabaw na pagpapahayag. Ito ay mga uri ng
komunikasyong tumatawag ng pansin: “Narito ako at tingnan mo ako.” Ito rin ay bahagi ng kultura
ng “pagbubuhat ng sariling bangko,” at “patapangan ng apog.”
Mga Tuwiran at Marubdob na Paglalahad ng Sarili:
1. Pakitang-gilas - nagpapahiwatig ng kakayahan ng isang taong nangangailangang
magpasikat.
2. Porma - animo’y makinang at magara ang anyo ngunit hanggang labas lamang, at walang
kinalaman sa tunay na kalidad ng nasa loob.
3. Bongga - mga di-berbal na pagpapakita ng kagalingan nang may pagmamalabis, tulad ng
grandeng pagtitipon, okasyon, o magarbong bagay; pagpapamalas ng kakayahan, talento
o kayamanan, nang may bahid ng pagmamayabang, katuwaan, at pagpapatawa
4. Bola - mga gawa-gawang istorya at matatamis na pananalita, mga hungkag na papuri na
ang layon ay manlinlang, magpalapad ng papel, o magpataba ng puso.
5. Bidahan - kahawig sa pambobola at kumikiling sa pagbubuhat ng sariling bangko at
pagkukuwento nang may kalabisan; masayang pagpapalitan ng kuwento ng katanyagan at
kagitingan na may mahabang kasaysayan; tinatawag noong unang panahon na “biag” o
epikong salaysay ng bida; bulagsak ang gamit sa kasalukuyan at may halong tuksuhan at
kantiyawan; pataasan ng ihi - balbal na katumbas ng bidahan na tumutukoy sa paligsahan
sa paghahambog na nakaugat sa pagmamalaki at pang-uuyam at hindi sa katuwaan na
gaya ng bidahan; namamayani ito sa kalalakihan.

Kontekstong Sosyal
Sama-sama ang karaniwang pamumuhay ng mga Pilipino at mataas ang interes ng mga Pilipino
sa pakikipag-alaman sa isa’t isa.
Mga Uri ng Matatalik na Pamamahayag

Phatic communication- “hello, hi” na pagbabatian na malimit na mauwi sa mahabang


kamustahan
Contexting- pagpapakita ng interes hindi lamang sa lantad na pagkatao ng kaharap kundi sa
kontekstong kinapapalooban niya.
Huntahan- magaslaw na uri ng pakikipagkwentuhan na malimit na kaugnay ng mga satsatang
walang gaanong kinahihinatnan
Daldalan - mga walang kabuluhang pag-uusap
Dakdakan - magaspang na bersiyon ng daldalan, ang pag-uusap na nagaganap ay waring
pampalengke, maingay, patalak

Mga salitang nagbubunyag ng mga pribadong mensahe


•Ipangalandakan - walang pakundangang pagsisiwalat ng maseselang bagay.

•Itsismis - pagkakalat ng bali-balitang walang batayan


•Ibandila - pagtawag ng pansin ng madla tungkol sa isang bagay na lingid o nakakubli

•Ipagladlaran - di kanais-nais na pagpapakita ng mga bagay na karaniwang itinatag


•Ipagbukambibig - malimit na pagbanggit sa isang usapin na minsa’y di sinasadya at
nagpapahiwatig ng isang bagay na kimkim
•Ipagkalat - walang kaayusang pagsisiwalat ng impormasyon

Pormal na Pamamahayag
1.Ipahayag- ibig sabihin ay lantad sa paningin ng tao
2.Ibalita- pagpapakalat ng impormasyon, pangyayari, o sabi-sabi para sa ikababatid ng marami
3.Ipaalam - gaya ng pagbabalita, pagtawag pansin sa nakararami tungkol sa isang bagay na
dapat nilang malaman
4.Ipatalastas- tumutukoy sa pagpapahayag ng mga pinagkasunduan o pag-aanunsiyo ng isang
produkto
Pagpapalitan ng kuro-kuro:
Balitaktakan- mahigpit na pagtatalo sa isang usapang kinabibilangan ng dalawa o higit pang
kalahok
Tuligsaan- pagpapalitan ng puna o pula patungkol sa isang kontrobersiyal na paksa
Taltalan- labo-labong pagtatalo o pagsasagutan, minsan may kasamang sigawan at kaguluhan
Ilang Pangkalahatang Obserbasyon

Ang di-tuwiran at alanganing pagpapahiwatig bilang pangunahing pamamaraan ng


pagpapahayag.
-tagapamagitan sa kultura (tulay)
-tagisan ng kuro-kuro (pagtatalo)
-“Trabaho lang walang personalan”
- ibang tao
- di – na – ibang – tao

Pakikipag-usap sa Ibang Tao at Di – ibang Tao


• Salimpusa
(pagpapahalaga sa pagsama-sama)
• Ibang tao
(magalang at maingat)
• Di – ibang tao
(pagbibiro)

Impluwensiya ng Kalagayang Panlipunan


Di pagkakapantay – pantay
• nasa ibaba nakatataas
• nakatataas nasa ibaba
• Ingles para sa nakatataas ang antas
• Ingles at Tagalog para sa nasa gitnang antas
• Tagalog para sa nakabababang antas sa lipunan

Ilang Uri ng Pahiwatig


2 Aspeto
Verbal
• Parinig
• Pasaring -karaniwang ginagamit sa isang sitwasyon kung saan ang mga kalahok ay hindi
matalik ang pagsasamahan at hindi rin naman tuwirang nag-aaway; nagsisilbing tulay upang
magpaabot
Di- verbal
• Pagsasawalang-kibo - di pag-imik na nangangahulugan ng maraming bagay, maaaring
hudyat ng pagdaramdam
• Paggamit ng tingin

Hinanakit at pagkasugat ng damdamin


• Hindi tahasang ipinakikita at inilalabas lamang sa pamamagitan ng matalas na
pakiramdam upang maunawaan
• Pagsasawalang-kibo
• Pagtatampo
• Pagtitimpi
• Pagdadabog

Kahilingan o Nais
Parinig hinggil sa ating mga pangangailangan o kasalatan.
• Pagpapansin
• Pagbibitiw ng matatamis na salita

Pagbibigay ng negatibong Mensahe


Maingat na pinagpapauna na ang maaaring
Makasakit na salita ay di sinasadya at
walang tinutukoy na partikular na tao.
Mga Halimbawa:
• God knows Hudas not pay
• Upong diyes po lamang

Kategorya ng Pahiwatig
Paglalangis
Pagpuri o pagsasagawa ng mga serbisyo na sadyang nakatuon upang maipahayag sa dulo ang
kahilingan.
• pwedeng ipagkamali sa pagsisipsip.
Pasaring
Mga pahaging na puna o pintas na nakatuon hindi sa kausap kundi sa nakarinig

You might also like