You are on page 1of 1

Pagsusuri sa pelikulang Everything About Her (2016)

Ang pelikulang Everything About Her ay ipinalabas noong January 27, 2016. Ito ay
pinagbibidahan ng mga primyadong aktor na sina Vilma Santos bilang Vivian, Angel Locsin
bilang Jaica, at Xian Lim bilang Albert. Ang sikat na pelikulang ito ay ginawa ng batikang
direktor na si Bb. Joyce Bernal. Ito ay isang comedy-drama na pelikula kung saan pinapaksa
ang tunay na pag-ibig ng isang ina at ang kahalagahan ng pamilya.
Ang pelikula ay kuwento ni Vivian Rabaya na matagumpay at matapang na babae na
nagmamay-ari ng malaking kompanya, kung saan napag-alaman niya na may stage 3 cancer
siya at kinailangan niyang maghanap ng personal nurse. Dito niya nakilala si Jaica, ang
kanyang personal nurse na nagkaroon ng malaking gampanin sa pagitan ng relasyon ni Vivian
sa kanyang anak na si Albert. Pinapaksa ng pelikula ang pag-ibig ng isang ina at kahalagahan
ng pamilya, at pagpapatawad. Dahil sa responsibilidad ng negosyo ay nagkulang bilang ina si
Vivian kay Albert na naging dahilan upang lumayo ang loob nila sa isa’t isa. Ipinalilitaw ng
pelikula na sa kabila ng lahat ng pagkukulang ay hindi mawawala ang pagmamahal ni Vivian sa
anak at anuman ang sigalot sa pagitan ng ina at anak ay hindi nito matatanggal ang
katotohanan na konektado ang kanilang dugo at laman. Ibinaba ni Vivian ang kanyang sarili,
niyakap ang kanyang sakit at ginawa ang lahat upang magkaayos sila ng anak. Sa sitwasyon ni
Jaica ay mayroon din silang hindi mabuting pagkakaunawaan ng kanyang ina. Sa tulong at
payo ni Vivian ay naging bukas si Jaica sa pagpapatawad at naunawaan ang sakripisyo ng
kanyang ina. Nakatuon sa pamilya ang pelikula. Ipinapakita na nagkaroon ng malaking
gampanin ang pamilya sa pakikibaka ni Vivian sa kanyang sakit. Naging kalakasan ni Vivian
ang kanyang anak at mga taong nagmamahal sa kanya. Sa karakter naman ni Jaica, pamilya
din ang kanyang inspirasyon upang magtrabaho ng mabuti. Nakakaya ni Jaica na maging isang
breadwinner dahil sa kanyang pamilya. Lutang na lutang ang paksa ng pagpapatawad sa
kuwento. Parehong may panloob na tunggalian sa mga bidang karakter. Napagtagumpayan nila
ang mga internal na suliranin sa pamamagitan ng pagyakap sa pagpapatawad at pagiging
kalakasan ng isa’t isa. Ang implikasyon ng pelikulang ito sa lipunan ay dapat na pahalagahan
ng bawat isa ang pamilya. Mahalagang may bukas na komunikasyon ang magulang at anak
upang pareho nilang maunawaan at marinig ang sitwasyon ng isa’t isa. Ang tunay na sukatan
ng pagiging matagumpay ay pagiging isang mabuting magulang at hindi ang kayamanan o
kasikatan. Sa huli, gaano ka man katagumpay ang pamilya pa din ang magpapalakas sa iyo
upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay.
Maganda ang sinematograpiya ng pelikula. Naipakita ng bawat anggulo ang ipinalilitaw
na mensahe. Mahusay ang pagkakagawa ng pelikula dahil naipalabas ang bawat sitwasyon na
may kakaibang perspektibo. Kumbaga, may kakaibang atake ang direktor ngunit hindi nito
nailayo ang pelikula sa tunay na mensahe. Pinagaan ng direktor ang mabibigat na eksena dahil
sa kiliti ng komedya.
Bilang pagwawakas, iminumungkahi ko ang pelikulang ito na panoorin ng marami.
Tunay na makabuluhan ang pelikula dahil hindi ka lamang naaliw kundi nabuksan pa ang iyong
diwa.

You might also like