You are on page 1of 5

KWARTER 3, MODYUL 7: EPIKO

A. PANITIKAN: Rama At Sita


Isang Kabanata sa Epikong Hindu- (India)
(Isinalin sa Filipino ni: Rene O. Villanueva
B. URI NG TEKSTO: Naglalarawan

I. Panimula
Samahan ninyo akong maglakbay sa Timog Asya, puntahan at alamin natin ang panitikan ng India. Tulad ng
maraming bansa sa mundo, mayaman din ito sa mga akdang pampanitikan tulad ng Epiko. Masasalamin sa kanilang
mga naisulat ang kanilang mga pangarap, mithiin, paniniwala, kultura, at tradisyon.

Mayaman ang India sa kultura at paniniwala. Pinaniniwalaan ng bansang ito ang kagandahan, katotohanan,
at kabutihan. Naniniwala sila na pinagpapala ng Diyos ang maganda at matalino at kumikilos nang ayon sa kanilang
lipunan.Napakarami rin nilang mga tradisyon. Halos sa loob ng apat na libong taon ay tila hindi nagbago ang mga
kinagisnang tradisyon ng mga Hindu. Ang mga ito ang pumukaw sa interes ng mga dayuhang manlalakbay. Malimit
na nababasa ang mga kultura nila sa kanilang epiko.

RAMA AT SITA (Isang Kabanata)


Epiko – Hindu (India)
(Isinalin sa Filipino ni Rene O. Villanueva)

Sa gubat tumira sina Rama, Sita at Lakshamanan nang ipatapon sila mula sa kaharian ng Ayodha. Minsan,
isang babae ang dumalaw sa kanila. Hindi nila alam, nagpapanggap lamang ang babae. Siya ay si Surpanaka, ang
kapatid ni Ravana, na hari ng mga higante at demonyo. “ Gusto kitang maging asawa”, sabi nito kay Rama. “ Hindi
maaari sabi ni Rama, “ may asawa na ako”Narinig ni Sita ang dalawa kaya lumabas siya. Niyakap ni Rama si Sita sa
harap ni Surpanaka. Nagselos nang husto si Surpanaka.Sa galit ay bigla siyang naging higante. Nilundag niya si Sita
para patayin. Pero mabilis na nayakap ni Rama ang asawa at agad silang nakalayo kay Surpanaka, siya namang
pagdating ni Lakshamanan.

“Sige patayin mo siya!” sabi ni Rama. Binunot ni Lakshamanan ang kanyang espada at nahagip niya ang
tenga at ilong ng higante. “ Sino ang may gawa nito?”, sigaw ni Ravana nang makita ang ayos ng kapatid.

Nagsinungaling si Surpanaka kay Ravana para makaganti kay Rama. Sinabi niyang nakakita siya ng
pinakamagandang babae sa gubat at inalok niya itong maging asawa ni Ravana pero tumanggi ang babae. Nang pilitin
daw niya, tinagpas ng isang prinsipe ang kanyang ilong at tenga. “Tulungan mo ako, Ravana,” sabi pa nito.”Bihagin
mo si Sita para maging asawa mo.” Naniwala naman si Ravana sa kuwento ng kapatid. Pumayag siyang ipaghiganti
ito.

Ipinatawag ni Ravana si Maritsa. May galing si Maritsa na mabago ang sarili sa kahit anong anyo at hugis.
Nang malaman ni Maritsa na sina Rama at Lakshamanan ang magkakalaban, tumanggi itong tumulong. “ Kakampi
nila ang mga Diyos.”, Sabi ni Maritsa.

“Kailangan umisip tayo ng paraan kung paanong makukuha si Sita nang hindi masasaktan sina Rama.”
Nakumbinsi naman si Ravana kaya nag- isip sila ng patibong para maagaw nila si Sita.
Isang umaga habang namimitas ng bulaklak, nakakita si Sita ng isang gintong usa. Tinawag agad niya sina
Rama at Lakshamanan para hulihin ang usa na puno ng mamahaling bato ang sungay.” Baka higante rin iyan,” paalala
ni Lakshamanan.Dahil mahal na mahal ang asawa, kinuha ni Rama ang kanyang pana at busog. “ Huwag mong iiwan
si Sita kahit ano ang mangyari,” bilin ni Rama sa kapatid. Parang narinig ng usa ang sinabi ni Rama. Agad itong
tumakbo kaya napasigaw si Sita. “ Bilis! Habulin mo ang gintong usa!

Matagal na naghintay ang dalawa pero hindi pa rin dumating si Rama. Pinilit ni Sita si Lakshamanan na
sumunod sa gubat. “Hindi, kailangan kitang bantayan, sabi nito”. Ilang oras pa silang naghintay nang bigla silang
nakarinig ng isang malakas na sigaw. Napaiyak si Sita sa takot pero ayaw pa ring umalis si Lakshamanan kaya nagalit
si Sita.” Siguro gusto mong mamatay si Rama para ikaw ang maging hari.”sabi nitokay Lakshamanan. Nasaktan si
Lakshamanan sa bintang ni Sita. Para patunayang mahal niya ang kapatid, agad siyang sumunod sa gubat. Wala silang
kamalay-malay na sa labas ay naghihintay si Ravana.

1
Sa gubat, napatay ni Ravana ang usa at bigla itong naging si Maritsa. Nagpanggap naman si Ravana na isang
matandang paring Brahmin. Nagsuot ng kulay kahel na roba at humingi siya ng tubig kay Sita. Hindi nakapagpigil si
Ravana. “ Bibigyang kita ng limang libong alipin at gagawin kitang reyna ng Lanka,” sabi ni Ravana. Natakot si Sita
at nabitiwan ang hawak na banga!

Itinulak ni Sita si Ravana. Bumalik sa anyong higante si Ravana. Hinablot ni Ravana ang mahabang buhok ni
Sita at isinakay sa karwaheng hila ng mga kabayong may malalapad na pakpak. Nagsisigaw at nanlaban si Sita pero
wala siyang magawa. Lihim na nagsisi si Sita sa ginawa niya kina Rama at Lakshamanan. Itinapon niya ang mga
bulaklak sa kanyang buhok. Nagdasal siya na sana ay makita iyon ni Rama para masundan siya at mailigtas.

Mula sa isang mataas na bundok, narinig ng isang agila ang sigaw ni Sita. Hinabol ng ibon ang karwahe ni
Ravana. Pinagtataga ni Ravana ang agila at duguan itong bumagsak sa lupa. Hiningi ni Rama ang tulong ng hari ng
mga unggoy para salakayin ang Lanka. Sa labanang naganap, maraming kawal na unggoy ang napatay pero mas
maraming higante ang bumagsak na pugot ang ulo. Hinanap ni Rama si Ravana at silang dalawa ang naglaban.

Matagal na naglaban sina Rama at Ravana hanggang sa mapatay niRama ang hari ng mga higante. Tumakas
ang iba pang mga higante nang makita nilang patay ang kanilang pinuno. Umiiyak na tumakbo si Sita sa asawa.
Nagyakap sila nang mahigpit at muling nagsama nang maligaya.

GAWAIN 1. Paglinang ng Talasalitaan


Punan ng nawawalang letra ang bilog na walang nakasulat upang mabuo ang kahulugan ng salitang italisado.
Gamitin sa makabuluhang pangungusap ang mga salitang natutuhan.

Pagsagot sa Gabay na Tanong:


1. Paano pinatunayan nina Rama at Sita ang kanilang pagmamahalan?
2. Bakit ayaw labanan ni Maritsa ang magkapatid na Rama? Ang paglaban ba ay hindi naaayon sa pilosopiya ng
India?
3. Isa-isahin ang mga pangyayaring nagpapakita ng kababalaghan.
4. Isa-isahin ang mga pangyayaring nagpapakita ng kabayanihan ng tauhan.
5. Ipaliwanag at bigyang patotoo ang pilosopiya ng INDIA na: “Pinagpapala ng Diyos ang maganda, matalino at
kumikilos nang naayon sa lipunan.
GAWAIN 2: Paglalarawan ng Natatanging Kulturang Asyano na Masasalamin sa Epiko
 Ang kultura ay ang pagkakakilanlan ng isang bansa sapagkat ito ay ang pinagsama-samang
pananaw ng mga tao sa kanilang lipunan. Nakapaloob sa pananaw na ito ang koleksyon ng mga
kaugalian, nakasanayan, paniniwala, tradisyon, pamumuhay at iba pa.
2
Pangkatang Gawain
 Panuto: Hahatiin ng guro sa dalawang (2) pangkat ang klase.
(Sa pamamagitan ng Buzz Group Discussion, ilalarawan ng bawat pangkat ang mga kulturang masasalamin sa
epiko).
Anong kultura ang masasalamin sa epikong, “Rama at Sita”?

GAWAIN 3: PAGTALAKAY SA KAHULUGAN, ELEMENTO AT KATANGIAN NG EPIKO


Nakabasa ka na ba ng kwento na tungkol sa kabayanihan? Alam mo bang nabibilang ito sa
isang anyo ng panitikan na tinawag na epiko? Halina’t alamin natin kung ano ang ibig sabihin o kahulugan
ng epiko at alamin ng mga karagdagang impormasyon tungkol dito.
Ano ang Epiko?
o Ang epiko (epic) ay isang anyo ng panitikan na tumatalakay sa kabayanihan at pakikipagsapalaran ng
pangunahing tauhan laban sa kaniyang mga katunggali. Ito ay karaniwang naglalaman ng hindi
kapanipaniwalang pangyayari tulad ng pagkakaroon ng kapangyarihan ng mga tauhan. Tinatalakay din dito ang
mga sinaunang paniniwala, kaugaliaan at mga huwaran ng mamayan kung saan nagmula ang akda.
o Ito ay nagmula sa salitang Griyego na “epos” na nangangahulugang “awit”. Ito ay hinango rin sa salitang
“epikos” na ibig sabihin naman ay “Dakilang Likha”.
o Dagdag pa, ito ay mahabang salaysay maaring bigkasin sa anyong patula o paawit. Maari din itong sabayan ng
ilang instrumento at maari din namang wala. Kalimitang binubuo ito ng 1,000 hanggang 55,000 linya.
o Tinatawag namang “macro-epic” ang isang epiko kung ito ay sobrang haba at maaring umabot o humigit pa sa
isang-daang araw ang pagkukwento nito. Ang macro-epic ay naglalaman ng “micro-epic” o isang parte o bahagi
kwento na maaring ihiwalay at makabuo ng isa pang bukod na kwento.
Mga Elemento ng Epiko
Ang mga sumusunod ay ang elemento na bumubuo sa isang epiko:
 Banghay – Ito ay ang pagkakasunod ng mga pangyayari. Ito ay maaring maging payak o kompikado. Ang
banghay ng isang epiko ay nahahati sa limang bahagi: ang simula, saglit na kasiglahan, kaskdulan, kakalasan,
at wakas.
 Matatalinhagang salita – Ang mga matatalinhagang salita ay ang mga salitang hindi nagbibigay ng direktang
kahulugan.
Halimbawa:
Balat sibuyas – mahiyain
mapaglubid ng buhangin – sinungaling
 Sukat at Indayog – Ang sukat ay ang bilang ng pantig sa bawat taludtod. Sa epiko, may tiyak na sukat na
sinusunod, ito ay wawaluhing pantig, lalabindalawahing pantig, at lalabingwaluhing pantig.
 Tagpuan – Ang tagpuan ay ang lugar at oras kung saan naganap ang mga pangyayari. Naapektuhan nito ang
takbo ng kwento, kaugalian at desisyon ng mga tauhan. Nagbibigay daan din ito upang malinawan ang mga
mambabasa sa banghay, paksa, at tauhan ng kwento.
 Tauhan – Ang tauhan ang siyang nagbibigay ng buhay sa epiko. Sa madaling salita, ang tauhan ay ang mga
kumikilos sa akda. Sa kwento ng kabayanihan, ang mga tauhan ay karaniwang may taglay o angking
kapangyarihan.
 Tugma – Ang tugma ay laging matatagpuan sa huling pantig ng bawat taludtod. Ito ay ang pagkakasingtunog
ng mga pantig sa dulo ng salita.
Mga Katangian ng Epiko
Ang epiko ay may mga katangian na gumagabay sa mambabasa upang mas madaling mabatid na ang akdang
kanilang binabasa ay nabibilang sa epiko. Narito sa ibaba ang ilan sa mahahalagang katangian na dapat makikita sa
isang akda o kwento:
1. Umiikot ang kwento sa mapanganib na pakikipagsapalaran ng bayani. Tulad ng nabanggit sa itaas, ang
epiko ay tumatalakay sa pakikipagtunggali ng pangunahing tauhan sa mga makapangyarihang nilalang.
2. May mga bansag o pagkakakilanlan ang mga tauhan. Karaniwang dinadagdagan ng “epithet” ang mga
pangalan ng tauhan upang mas matandaan ito ng mambabasa. Ang epithet ay pang-uri na naglalarawan sa tao
o bagay. Halimbawa: Mighty Achilles mula sa akda ni Homer.
3. May malawak na tagpuan. Hindi lamang sa iisang tagpuan at oras naganap ang kwento. Maaring maganap
ang istorya nito sa iba’t ibang parte ng mundo o maging sa buong kalawakan at ibang mundo.
4. Naglalaman ng mahahabang kawikaan na galing sa mga tauhan.

3
5. Pagkakaroon ng supernatural na mga pangyayari. Hindi mawawala sa epiko ang mga kabulabulalas na
mga pangyayari tulad ng pakikisalamuha ng diyos sa mga tao. Naglalaman din ito ng mga hindi
kapanipaniwalang mga pangyayari.
6. Ipinapakita ang agwat sa pagitan ng mga diyos at mga mortal na tao.  Sa pakikisalamuha ng mga diyos sa
mga tao, laging pinapakita ang kalamangan ng mga ito sa mga kayang gawin ng mga tao.
7. May mga bayahing nagsisilbing modelo at huwaran sa mga mamayan.  Ang epiko ay ginawa upang
maging inspirasyon ng mga katutubo para ipaglaban ang tama. Ang mga bayani sa uri ng panitikang ito ay
nagpapakita ng mga katangian tulad ng pagiging matapang at pagkakaroon ng paninindigan na nagiging
dahilan upang tularan sila ng mga tao.
8. Naglalaman ng mga matatalinhagang salita. Isa rin sa mga katangian ng epiko ang pagkakaroon ng
matatalinhagamg salita kung saan napapagana ang isip ng mga mambabasa sa kung ano ba talaga ang ibig ng
mga salitang nakapaloob sa akda.
Mga Halimbawa ng Epiko
Narito ang ilan sa mga halimbawa ng epiko ng Pilipinas at sa mundo. Ang mga kwentong ito ay nagpapakita
ng mga kabulabulalas na pangyayari at nagpapakita ng kabayanihan ng tauhan.
Halimbawa ng Epiko sa Pilipinas
Ang Pilipinas ay mayaman sa panitikan lalo na pagdating sa Epiko. Ang bawat rehiyon sa ating bansa ay
mayroong maipagmamalaking sarili nilang kwento ng kabayanihan at ilan dito ay mababasa mo sa ibaba (pamagat
lamang):
Epiko ng Luzon
 Biag ni Lam-ang – Nagmula sa lalawigan ng Ilocos.
 Hudhud: Kwento ni Aliguyon – Nagmula sa probinsya ng Ifugao.
 Ibalon (Bicol)
 Kudaman (Palawan)
 Manimimbin (Palawan)
 Ullalim (Kalinga)
 Hinilawod (Panay)
 Humadapnon ( Epic from Panay)
Epiko ng Visayas
 Labaw Donggon
 Maragtas
Epiko ng Mindanao
 Bantugan
 Darangan (Maranao)
 Indarapatra at Sulayman (Maguindanao)
 Agyu
 Bidasari
 Olaging (Bukidnon)
 Sandayo (Zamboanga)
 Tudbulul
 Tuwaang
 Ulahingan
 Ulod
Halimbawa ng Epiko ng Mundo
Marami ding kwento ang tumatalakay sa kabayanihan ng mga pangunahing tauhan ang nailimbag sa iba’t-
ibang parte ng mundo. Narito sa ibaba ang ilan sa mga halimbawa ng epiko na nakilala ng husto sa buong mundo.
 The Epic of Gilgamesh
 The Illiad & The Odyssey (Gresya)
 Mahabharata (India)
 Beowulf (Inglatera)
 The song of Roland (Fransya)
 Sundiata
 Ramayana (India)

GAWAIN 4: Paggamit ng mga Angkop na Salita sa Paglalarawan ng Kulturang Asyano at Katutubo


ng Kanlurang Asya

4
Gumagamit tayo ng mga salitang naglalarawan upang maipahayag, maipakita o maipakilala ang
isang tao, bagay, lugar, maging ang kultura, tradisyon at paniniwala
Ano ang salitang naglalarawan?
 Ito ay ang mga salitang ginagamit upang maibigay ang katangian ng isang bagay, tao, lugar, pangyayari maging
ang kultura. Halimbawa ng mga salitang naglalarawan:
- Malinamnam
- Matapang
- Napakalaki
- Pula
- Masaya
 Upang maibigay ang katangian ng tao gumamamit tayo ng mga angkop na salita sa paglalarawan.
Halimbawa:
- Si Rama ay naiiba sa kanyang mga kapatid, ang kanyang kulay ay asul, may angking kakaibang lakas at
tapang.
 Mula sa pangungusap na nasa itaas anong salita ang ginamit upang mailarawan si Rama?
- Una: inilarawan ang kanyang itsura (ang kanyang kulay ay asul)
- Pangalawa: inilarawan ang kanyang kakaibang katangian (May kakaibang lakas at tapang)

Pangkatang Gawain
- Gawin Mo: Paglalarawan sa tauhan sa epiko (RAMA, SITA, LAKSHAMANAN, MARITSA,
SURPANAKA AT RAVANA)
- (Sa bahaging ito maaaring pangkatin ang klase sa tatlo, bawat pangkat ay magtatanghal ng tradisyon,
paniniwala at kultura mula sa Kanlurang Asya sa paraang pagsasakilos, pagsasadula, pagkukwento at iba pa at
ipalarawan ito sa mga mag-aaral.)
Halimbawa:
1. Paniniwala sa diyos-diyosan/ paniniwala sa iba-ibang Diyos.
2. Paniniwala sa mga supernatural na kapangyarihan
3. Paraan ng pagpapalaki ng magulang sa anak
4. Paraan ng kanilang pag-aasawa
5. Paraan ng pagpapahalaga sa bayan

You might also like