You are on page 1of 4

1.

EDITORYAL - Kalupitan ng pulis


Mula sa Pilipino Star Ngayon, nailatha noong ika-29 ng Hunyo 2017

ISANG pulis mula sa Mandaluyong City ang nakunan ng video habang pinapalo ng yantok ang
dalawang lalaki na inaresto niya habang nag-iinuman sa kalye. Dinala sa police station ang
dalawang lalaki at doon pinaghahampas ng yantok. Nakaupo ang dalawang lalaki nang walang
patumanggang paluin ng pulis na may ranggong PO1. Ang isa pang pulis ay pinagmamasdan
lamang ang ginagawa ng kasama at hindi man lang nagtangkang awatin. Makaraang paluin ng
yantok ang dalawa, tinutukan pa ng baril ang mga ito.

Nakilala ang namalong pulis na si PO1 Jose Julius Tandog at ang kasama niyang PO1 Chito
Enriquez. Nakatalaga ang dalawa sa Brgy. Patrol ng Brgy. San Jose, Mandaluyong City. Sinibak
na ang dalawa sa Mandaluyong Police at nilipat sa Taguig Headquarters. Inihahanda na ang kaso
laban sa kanila. Sabi ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa, ipadadala sa Marawi ang
dalawa. Doon daw ipakita ni Tandog at Enriquez ang kanilang tapang.

Hindi lang ngayon nagkaroon ng police brutality. Marami nang pangyayari at ang iba pa ay
tortured talaga. Kagaya nang nangyari sa police community precinct sa Asuncion, Tondo noong

1
2010 nang isang snatching suspect ang tinortore ni Insp. Joselito Binayug. Nakunan ng video ang
pag-torture. Tinalian ni Binayug ang ari ng suspect habang nakahiga ito sa loob ng presinto.
Kapag ayaw sumagot ng suspect sa tanong ni Binayug, hinihila nito ang tali kaya umaaringking
sa sakit ang suspect. Ilang beses hinila ni Binayug ang tali para magtapat ang suspect sa
kasalanan nito.

Kinasuhan si Binayug at nasibak sa puwesto. Nakakulong pa hanggang ngayon ang police


officer. Hindi na nakita mula noon ang snatching suspect na hinihinalang namatay din dahil sa
torture.

Patuloy ang kalupitan ng mga pulis sa mga suspect o kahit sa mga sibilyan na ang kasalanan
lamang ay paglabag sa curfew at pag-iinuman sa kalye. Paano ba kumukuha ng aplikanteng pulis
ang PNP? Mukhang hindi na idinadaan sa psychiatric test ang mga magpupulis. Bakit may
malulupit at torturer? Ito ang problemang dapat lutasin ni Dela Rosa.

Mula sa: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/opinyon/2017/06/29/1714815/editoryal-kalupitan-ng-pulis

2
2. EDITORYAL - Mag-ingat sa pulis na ‘utak pulbura’
Mula sa Pilipino Star Ngayon, nailatha noong ika-23 ng Disyembre 2020

Hindi pa nakababangon ang Philippine National Police (PNP) sa masamang imahe ay


dinagdagan pa ng “utak pulburang” pulis na si Senior Master Sgt. Jonel Nuezca ng Paniqui,
Tarlac.

Matindi ang ginawa ng pulis na ito, malapitang binaril sa ulo ang mag-inang Sonya Gregorio, 52,
at Frank Anthony Gregorio, 25, na agarang ikinamatay ng mga ito. Ang ugat ng pamamaril ay
ang pagpapaputok umano ng biktimang si Anthony ng “boga” o kanyong gawa sa PVC pipe.
Nagsumbong umano ang anak na babae sa amang pulis sa ginagawang pagpapaputok ni
Anthony. Pinuntahan ito ng pulis at sinapak at balak arestuhin. Pero niyakap ng inang si Sonya si
Anthony para protektahan ito. At doon na nagsimula ang malagim na pangyayari. Binunot ni
Nuezca ang baril at malapitang binaril si Anthony. Hindi pa nasiyahan, binaril din nito si Sonya.

Pagkaraang barilin ang mag-ina, walang anumang naglakad pauwi si Nuezca kasama ang
kanyang anak na babae. Para lang siyang bumaril ng manok at iniwang kikisay-kisay.

3
Marami ang na-shock sa video ng pagpatay. Maski si President Duterte sa press briefing kama-
kalawa ng gabi ay hindi makapaniwala na gagawin iyon ng pulis. “Sira ang ulo ng putang-ina!’’
ito ang nasabi ng Presidente at ipinag-utos na bantayan ang killer na pulis at baka ito makatakas.
Wala raw bail ang krimeng ginawa kaya dere-deretso na ito sa kulungan.

Nakakatakot ang mga ganitong pulis na “utak pulbura”. Kapag nakahawak ng baril ay gustong
iputok agad sa kapwa. Nang makahawak ng baril si Nuezca ay umabuso. Tumapang dahil may
baril.

Sa nangyaring ito, dapat maging maingat ang PNP sa pag-recruit sa mga magpupulis. Idaan sa
neuro-psychiatric exam para makasigurong hindi sira ang ulo at may utak pulbura na gaya ni
Nuezca.

Mag-ingat ang mamamayan sa mga pulis sapagkat marami pang katulad ni Nuezca. Maging
mapagmatyag at baka ang kapitbahay na pulis ay utak pulbura pala. Sa halip na ito ang
magpuprotekta ay siya palang magbabaon ng bala.

Mula sa https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/opinyon/2020/12/23/2065727/editoryal-mag-ingat-sa-pulis-na-utak-
pulbura

You might also like