You are on page 1of 1

EDITORYAL Panibagong dungis sa

PNP
(Pilipino Star Ngayon) | Updated August 27, 2015 - 12:00am
0 7 googleplus0 2

HINDI lamang panghuhulidap, pangingidnap at pagre-recycle ng shabu ang ginagawa ng ilang miyembro ng
Philippine National Police (PNP) ngayon, lumilinya na rin sila sa gunrunning.
Itong huling aktibidad ang mabilis nilang magawa at hindi agaran silang paghihinalaan dahil karaniwan nang baril ang
kanilang gamit sa trabaho. Paano nga naman paghihinalaan ang isang pulis na nagbebenta ng baril. Parang mahirap
kung iisipin.
Kaya nang makasagupa ng PNP-Task Force Tugis ang isang suspect sa gunrunning activities at kanilang mapatay
sa Quezon City noong Lunes, ganoon na lamang ang kanilang pagkagulat nang malaman na isa pala itong pulis na
naka-assigned sa Anonas Police Station ng Quezon City Police District (QCPD). Hindi sila makapaniwala na si SPO1
Wilfredo Blanco na matagal na nilang sinusubaybayan ay kanilang kabaro. Ayon sa QCPD, matagal nang wanted si
Blanco dahil sa iba pang illegal na aktibidad. Nang mabuklat ang rekord, isa pala ito sa high profile personalities na
pinaghahanap at kilala lamang sa tawag na Blanco.
Napatay si Blanco sa kanto ng Quezon Avenue at Roces Avenue sa Bgy. Paligsahan, QC nang makipagbarilan sa
Task Force Tugis. Kasama ni Blanco sa isang itim na SUV ang tatlo pang suspect nang maganap ang shootout. Bago
ang shootout, isang Task Force Tugis operative ang nagpanggap na buyer ng baril at nakipagnegosasyon kay
Blanco. Nagkasundo na magkita sa Quezon City Memorial Circle dakong alas onse ng umaga noong Lunes. Pero
nagbago at sinabing sa Philcoa na lamang. Hanggang magbago muli at sinabing sa West Avenue. Hanggang sa
magkasundo na sa isang convenient store sa kanto ng Quezon Avenue at Roces Avenue. Doon sa lugar na iyon
naganap ang shootout. Nagtangkang tumakas si Blanco nang maamoy ang mga pulis. Pero nabangga ang SUV na
minamaneho at nakipagbarilan na si Blanco hanggang mapatay siya. Nahuli ang tatlong kasama ni Blanco.
Panibagong dungis sa PNP ang ginawa ni Blanco. Nararapat nang kumilos si PNP chief Dir. General Ricardo
Marquez para magkaroon nang lubusang paglilinis sa organisasyon. Alisin ang mga bugok para hindi mahawa ang
iba pa. Maging maingat sa pagkuha ng mga aplikanteng pulis para hindi na makadungis.

You might also like