You are on page 1of 20

Republika ng Pilipinas

Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas


PAARALANG GRADWADO
MASTERADO NG SINING SA FILIPINO
Sta. Mesa, Maynila

KULTURANG PANG-ELITISTA AT PANG-MASA: ESTETIKONG


PAGHAHAMBING NG DALAWANG PILIPINONG TABLOID
(HIGH-BROW AND LOW-BROW CULTURE: AN AESTHETIC COMPARISON
OF TWO FILIPINO TABLOIDS)

Pananaliksik na iniharap kay Prop. Rogelio L. Ordoñez


Paaralang Gradwado
Kagawaran ng Filipinolohiya
Kolehiyo ng mga Wika at Lingggwistika
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas

Bilang pagtugon sa kahingian sa kursong


Masterado ng Sining sa Filipino
sa asignaturang
Pamamahayag sa Filipino
(MAF 505)

Mananaliksik:

Reyes, Ryan Pesigan


2011-11110-MN-0

Enero, 2013

1
Republika ng Pilipinas
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
PAARALANG GRADWADO
MASTERADO NG SINING SA FILIPINO
Sta. Mesa, Maynila

DAHON NG PAGPAPATIBAY

Iniharap at inihanda sa mga kamag-aral ng MAF 505 ang pag-aaral na ito na


may pamagat na, KULTURANG PANG-ELITISTA AT PANG-MASA:
ESTETIKONG PAGHAHAMBING NG DALAWANG PILIPINONG TABLOID,
bilang bahagi ng pagtupad sa kahingian sa asignaturang
Pamamahayag sa Filipino (MAF 505).

TAGASULIT

Prof. Rogelio L. Ordoñez


Guro

2
Republika ng Pilipinas
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
PAARALANG GRADWADO
MASTERADO NG SINING SA FILIPINO
Sta. Mesa, Maynila

TUNGKOL SA MANANALIKSIK

Court interpreter at translator sa wikang Filipino ang mananaliksik dati sa estado


ng New York at New Jersey. Naging konsultant rin siya para sa Consortium for
Language Access in the Courts at American Council on the Teaching of Foreign
Languages. Miyembro siya ng samahang International Association for
Translation and Intercultural Studies (IATIS), American Translators Association
(ATA) at Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF).
Nagtapos siya sa Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila noong 1994.
Nakamit niya ang kanyang Batsilyer ng Sining sa Kasaysayan noong 2001 sa
Excelsior College sa Albany, New York at noong 2002 mula naman sa
Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. Tinapos rin niya ang sertipikasyon sa
programang Interpreting a Spoken Language sa Union County College sa
Cranford, New Jersey noong 2005. Kasalukuyang ipinagpapatuloy niya at
kanyang pag-aaral sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa programang
Masterado ng Sining sa Filipino.

Ang kanyang likhang “Proud to be an FOB” tungkol sa kanyang karanasang


pagiging bagong salta sa Estados Unidos ay inilimbag sa antolohiyang
Revolutionary Voices noong 2000 ng Alyson Publications.

3
KULTURANG PANG-ELITISTA AT PANG-MASA: ESTETIKONG
PAGHAHAMBING NG DALAWANG PILIPINONG TABLOID

Panimula (Introduction)

Kadalasang mas binabasa ang pahayagang tabloid kaysa broadsheet

dahil ito ang naghaharing pahayagan sa daan. Bagamat mababa ang tingin sa

tabloid kung ikukumpara ito sa broadsheet, ito ang bumubuo sa peryodismo na

nakalimbag sa wikang Filipino. Ikinalulungkot na katotohanan sa Pilipinas na

ang pahayagang broadsheets ng bansa ay nasa wikang banyaga. Ang Malaya

na itinatag ni Jose Burgos Jr. ay pahayagang broadsheet na nagsimula ng

paglimbag sa wikang Filipino ngunit nagpalit sa wikang Ingles ng ipinasara ng

dating pangulong Ferdinand Marcos ang We Forum na kaugnay ng Malaya sa

paglalathala. Ayon sa website ng National Commission for Culture and the Arts

na pagkatapos ng pamamahala ng rehimeng Marcos, ang Kabayan at Numero

Uno ang natirang broadsheet na nakalimbag sa wikang Filipino hanggang

nagsara rin ang dalawang ito dahil sa kakulangan sa pondo.

Ang Philippine Newspaper Guild na nabuo noong ika-4 ng Mayo, 1945 ay

naging daan sa kapangyarihan sa larangan ng politika at ekonomiya ng

naghaharing-uri sa lipunan ayon kay Domingo Landicho (Peryodismo sa Pilipino,

p.23). Ito marahil ang masasabing simula ng makabagong kasaysayan ng

peryodismo sa Pilipinas. Bago ito naitatag, masasabing hindi pa ganap ang

paglilimbag at pamamahayag sa Pilipinas. Dagdag dito, ang Philippine

Newspaper Guild ang naging hakbang para sa kalayaan at kapangyarihan -

kalayaang humanap ng kanilang kapakanan at katatagan at kapangyarihang

ipagtanggol ang mga iyon sa panahon ng pangangailangan. Ito ang naging

4
ngipin ng mga peryodista sa panahon ng kaguluhan at pagsasawalang-bahala

ng mga karapatan ng mga indibidwal (Landicho, Peryodismo sa Pilipino, p. 23-

24) Dito lamang nabuo ang magiging batayan ng karamihang peryodista at

mamamahayag sa Pilipinas. Maliban sa Philippine Newspaper Guild, ang

National Press Club of the Philippines na naitatag noong ika-29 ng Oktubre,

1952 ay naglalayong pangalagaan ang kalayaang ng pamamahayag bilang

mahalagang sangkap ng demokratikong pamumuhay, na nagbibigay ng

pagkakataon sa mga peryodista ng paglilingkod-bayan sa pamamagitan ng

tumpak ng pagbabalita at para pag-isahin ang mga mamahayag upang

mapangalagaan ang kalayaan sa impormasyon at iba pang mga kalayaan

(Landicho, Peryodismo sa Pilipino, p. 24). Kasalukuyang nasa One Magallanes

Drive, Intramuros, Manila ang tanggapan ng National Press Club of the

Philippines. Ayon sa WikiPilipinas website

http://en.wikipilipinas.org/index.php?title=National_Press_Club_of_the_Philippine

s, ang pangunahing layunin ng National Press Club of the Philippines ay ang

“pagtaguyod ng kalayaan ng peryodista at dignidad sa larangan ng

pamamahayag.” Layunin rin nitong tulungan ang medya at ang kanilang mga

pamilya, na kadalasang bukas sa pagsampa ng libelo o minsan malagay sa

delikadong sitwasyon tulad ng tinatangkang patayin sa kanilang mahusay na

pagtaguyod ng kanilang larangan. Bagamat marami pang mga kapisanan o

samahan ang mga peryodista sa Pilipinas tulad ng Alyansa ng Filipinong

Mamahayag (itinatag noong ika-10 ng Mayo, 2005) at Philippine Press Institute

(itinatag noong ika-4 ng Mayo, 1964), ang Philippine Newspaper Guild at

5
National Press Club of the Philippines ang dalawang kapisanan na may

makasaysayan at makabuluhang kontribusyong naidulot sa larangan ng

pamamahayag na may pambansang epekto na hanggang ngayon ay nadarama.

Hindi naman minamaliit ang ibang samahan ng mga mamamahayag. Isang

halimbawa ay naganap noong 2005 kung saan ang Alyansa ng Filipinong

Mamahayag ay naglabas ng pahayag ng kanilang tungkulin sa “paglalayong

tugunan ang walang humpay na pamamaslang sa mga miyembro ng

pamamahayag” (Philippine Star, p. 12). Tila nagsisimula pa lamang ang pag-

usbong ng pamamahayag sa Pilipinas at marami pa itong daraaanan upang

makumpara at maging kapantay nito ang peryodismo ng ibang bansa kung saan

ginagalang at pinapahalagahan ang mga peryodismo at ang kanilang larangan.

Mas mababa pa ang pagbibigay halaga ng Pilipinas sa mga mamamahayag

kumpara sa Afghanistan, ang bansang sinalanta ng digmaan. Ayon sa website

ng Committee to Protect Journalists, pitumput-tatlong (72) mamamahayag na

ang namatay sa Pilipinas simula noong 1992 dahil sa lantarang karahasan laban

sa larangan ng peryodismo kumpara sa dalawangput-apat (24) na

mamamahayag na namatay sa Afghanistan simula 1992 (http://cpj.org). Itong

datos ay nagpapakita lamang sa mga mamamahayag na pinaslang o namatay

sa kanilang hanap-buhay o dahil ito ang larangan ng kanilang trabaho. Hindi pa

kasama dito ang mga mamamahayag na nabilanggo dahil sa kanilang mga

tungkulin na nagbunga sa kanilang pagsakdal sa kaso ng libelo. Hindi rin bahagi

sa nalikom na mga datos ang mga mamamahayag na nasaktan, napinsala o

naging baldado dahil sa pagtataguyod ng kanilang trabaho - ang pagkuha ng

6
balita sa panahon ng digmaan, kalamidad at pinsala. Karapat-dapat sabihin na

delikado ang trabaho ng isang peryodismo. Nalalagay sila sa delikadong

posisyon ngunit handa silang ibuwis ang kanilang buhay sa ngalan ng kanilang

tungkulin sa medya. Walang kinikilingan ang medya na pamamahayag - maging

nakalimbag (broadsheet o tabloid), paulat (telebisyon o radyo) o ang bagong

umuusbong na disiplina ng pamamahayag - ang Internet (blog o video). Lahat

ito ay bahagi sa disiplinang tawag natin ay pamamahayag. Bagamat may ibat-

ibang uri ng pamamahayag na may nag-iisang tungkulin na pumapaloob dito -

ang pagsumikap sumunod sa alituntunin at gabay ng “Journalist Code of Ethics”,

masasabi natin hindi lahat ng medya ay tumatangkilik sa lahat ng uri ng lipunan.

May mga ibang medya na tinututok ang kanilang pagbabalita sa mga

mayayaman at sosyal sa antas ng lipunan; may mga iba naman na tinututok ang

kanilang pag-uulat at pagbabalita sa masa.

Pahayagang Tabloid (Newspaper Tabloid)

Ang Pahayagan ay karaniwan nang nahahati-hati sa ibat-ibang bahagi.

Nakasalalay ang dami ng mga bahagi nito sa uri ng nakalimbag na pahayagan.

Mayroon tayong pahayagang broadsheet kung saan may laki ito at malawak ang

sirkulasyon kaya kaya nitong samahan ng mga suplementong bahagi. Mayroon

rin tayong pahayagang tabloid na mas maliit ang laki kumpara sa broadsheet at

kulang-kulang sa mga bahagi dahil nga ay halos wala ng lugar na masisingitan

ng iba pang seksyon ng pahayagan. Ayon kina Narciso at Rosalina Matienzo,

“ang dami ng bahagi ay kalimitang nakasalalay sa laki at dami ng pahina ng

pahayagan” (Ang Binagong Pamahayagan sa Filipino, p. 5). Bagamat mas

7
malawak at mas makabuluhan ang pagtatalakay sa pahayagang broadsheet,

ang tabloid na lamang sa Pilipinas ang natitirang pahayagan sa kasalukuyan na

naglilimbag sa wikang Filipino. Maliban sa Tempo, lahat ng tabloid ay nakasulat

sa wikang Filipino. Ayon sa wikipedia, ang Pamamahayag sa Tabloid ay

kadalasang tumututok sa mga paksang pinalaking kuwento ng krimen, tsismis

tungkol sa buhay ng mga artista at manlalaro, at mga walang katuturang balita

(junk food news) (http://en.wikipedia.org/wiki/Tabloid_journalism). [Pagsasalin

mula Ingles patungong Filipino ay gawa ng mananaliksik] Marahil sa Filipino

sinusulat ang pahayagang tabloid dahil sa sikolohiya nating mga Pilipino, sa

pakikipagkuwentuhan at pagtatalakay sa wikang kinagisnan lamang lumalabas

ang tunay na nais ipahiwatig ng indibidwal (De Vera, 2011, p. 190). Dito

nakalalamang ang tabloid kumpara sa broadsheet. Naipapamalas ng tabloid ang

pagkamakulay ng wikang Filipino, kahit na hindi pabalbal ang pagpili ng salita at

itong tagumpay ay hindi hindi kailanman makakamit ng broadsheet.

Layunin nitong pananaliksik ipakita ang pagkakaiba ng dalawang napiling

halimbawang tabloid sa tatlong pagsusuri: pagsusuring kuwantitatibo

(quantitative analysis), pagsusuring diskurso (discourse analysis), at wika

(language). Itong dalawang tabloid ay napili sa kanilang pagkasalungat sa

sariling likhang talahanayan na makikita sa susunod na pahina. Hango sa

babasahing New Yorker Magazine sa kanilang seksyong Approval Matrix itong

likhang talahanayan kung saan napapasailalim ang mga tabloid sa apat na

antas: pangsosyal (highbrow), pangmasa (lowbrow), nakakasuklam (despicable),

at napakahusay (brilliant).

8
Sa pagsaliksik ng papel na ito, ibat-ibang tabloid sa wikang Filipino at ang

kaisa-isang tabloid na Tempo sa wikang Ingles ang nalikom upang magsilbing

batayan kung anong dalawang tabloid ang susuriin at magsisilbing batayan ng

kultura pang-elitista ang pang-masa. Kung masdan ang Approval Matrix nitong

pananaliksik, makikita ang magkabilang kanto na Pinoy Weekly bilang

pinakasosyal at pinakamahusay na tabloid at ang Bagong Toro bilang

pinakamasa at pinakanakasusuklam na tabloid. Ito sana ang pinakamainam na

batayan na pagsusuri upang lubusang makita paghahambing nitong dalawang

pahayagan. Ngunit sa kasawiang-palad, naging online lamang ang Pinoy

Weekly at huminto ito sa pagiging tabloid. Magiging hindi pantay ang pagususri

at pagkikilatis ng dalawang tabloid kung ang isa dito ay mas tanyag na bilang

pang-online na pahayagan. Ayon sa kanilang website, “ang Pinoy Weekly ay

pahayagang online na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng

mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa,

magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Isa itong progresibong

pahayagang lumalabas sa Internet, gayundi’y naglalathala ng tabloid-magasin,

kabilang ang Pinoy Weekly Special Issues, Pinoy Weekly Japan Edition at Pinoy

Weekly Mindanao (http://pinoyweekly.org/new/about-pinoy-weekly/). Upang

maging pantay at walang kinikilingan itong pananaliksik sa anumang tabloid,

minarapat siyasatin lamang ang sumunod na pangsosyal at pinakamahusay at

pangmasa at pinakasusuklam na tabloid sa Approval Matrix. Ayon sa

talahanayan, itong dalawa ay ang Pilipino Mirror at ang Bagong Tiktik.

9
Pagsusuring Kuwantitatibo (Quantitative Analysis)

Ang Pagsusuring Kuwantitatibo ay estadistika at paggamit ng pagsusuring

estadistika kapalit sa paggamit ng matematika sa agham panlipunan.

Panimulang pagsusuri ito sa panitikan kung saan binibilang at nilalagyan lamang

ng numero ang bawat kategorya kung saan masusukat ang dalawang tabloid.

Obhektivo lamang, pahapyaw at paibabaw ang pagtalakay at pagkilatis sa

pagsusuring kuwantitatibo sa panitikan sakop na rin ang pamamahayag dahil

hindi maaaring masukat at lagyan lamang ng bilang o numero ang laman at diwa

ng isang sulatin. Sa pananaliksik na ito; sa pagsusuri ng Pilipino Mirror at

Bagong Tiktik, minarapat ng mananaliksik na sukatin ang dalawang tabloid sa

mga sumusunod: bilang ng mga pahina, bilang ng mga salita sa editoryal,

Presyo ng tabloid, at laki at sukat ng tabloid. Ang resulta nitong pagsusuring

kuwantitatibo ay makikita sa ibaba:

Pilipino Mirror Bagong Tiktik

Bilang ng Pahina 16 pp 12 pp

Bilang ng mga Salita sa 178 salita 285 salita


Editoryal

Bilang ng mga Salita sa 160 salita 187 salita


Unang Pahina

Presyo ng Taboid Php 10.00 Php 10.00

Laki at Sukat ng Tabloid 11 inches x 15 inches 11.5 inches x 12 inches


Sa paghahambing ng dalawa, tunay na nakalalamang ng husto ang

Pilipino Mirror kumpara sa Bagong Tiktik sa kategorya ng bilang ng mga pahina

at laki at sukat ng tabloid. Sa presyo ng tabloid naman, pareho lamang

ibinebenta itong dalawa sa halagang sampung piso. Lahat ng mga tabloid ay

11
binebenta sa halagang sampung piso sa kasalukuyan. Ang Bagong Tiktik

naman ay nakalalamang kumpara sa Pilipino Mirror sa Bilang ng mga Salita sa

Editoryal at Bilang ng mga Salita sa Unang Pahina. Bagamat marami ang bilang

ng salita sa unang pahina ng tabloid ang Bagong Tiktik kumpara sa Pilipino

Mirror, ito ay hindi kinikilingan sa larangan ng pamamahayag dahil sa sikolohiya

ng isang indibidwal, masyado itong mabigat at masakit sa mata. Kaagad-agad

makikita ng mambabasa ang sangkatutak na mga letra na sasalubong sa kanya

sa kanyang pagbili ng tabloid. Sa mga klase ng pamamahayag, mas kinikilingan

ang mga pahayagan at tabloid na mas kaunti ang salita at litrato sa unang

pahina pero bumabawi naman sa laman sa loob ng pahayagan at tabloid. Kaya

bagamat mas marami ang bilang ng salita sa unang pahina ng Bagong Tiktik,

mas sagabal ito sa ikabubuti ng tabloid. Ang kaisa-isang ikanalamang ng

Bagong Tiktik sa Pilipino Mirror ay sa Bilang ng mga Salita sa Editoryal. Ang 178

salita na makikita sa Editoryal ng Pilipino Mirror ay natalo sa 285 salita na

makikita sa Editoryal ng Bagong Tiktik. Bagamat isa lang ito sa limang

kategorya kung saan sinuri sa pamamaraang kuwantitatibo ang dalawang

tabloid, mainam na talakayin kung bakit nalamangan ng Bagong Tiktik ang

Pilipino Mirror. Maaaring nakalamang ito dahil sa nabanggit kanina tungkol sa

pagkamakulay ng wikang Filipino. Maski mas kaunti ang salitang gamit sa

Pilipino Mirror, maaaring mas makabuluhan ang salitang mga ginamit dito

kumpara sa Bagong Tiktik. Ngunit kapag kinilatis ito sa ganitong paraan,

mawawala na ang saysay ng Pagsusuring Kuwantitatibo dahil subhektibo na

ang pagsusuri kung wika mismo ang kikilatisin. Sa ngayon, hayaan lang nating

12
paniwalaan na nakalamang ang Bagong Tiktik sa Pilipino Mirror sa kategorya ng

Bilang ng mga Salita sa Editoryal. Mas masusing tatalakayin ito pagdating sa

pagkilatis ng wika na gamit sa tabloid. Makikita sa ibaba nito ang kopya ng

dalawang editoryal mula sa dalawang tabloid.

Editoryal ng Pilipino Mirror

Editoryal ng Bagong Tiktik

13
Pagsusuring Diskurso (Discourse Analysis)

Ayon sa libro ni John Richardson, ang kahulugan ng Pagsusuring

Diskurso ay “isang perspektibo sa masusing pag-aaral: isang teorya at isang

metodolohiya sa pagsusuri kung paano ginagamit ng mga indibidwal at mga

instistusyon ang wika” (Analyzing Newspapers: An Approach from Critical

Discourse Analysis, p.1). [Pagsasalin mula Ingles patungong Filipino ay gawa ng

mananaliksik] Dagdag pa ni John Richardson, may tatlong katangian ang

pagsusuring diskurso sa pamamahayag: ang wika ng pamamahayag, ang

paglimbag at pagbenta nito, at ang mga kaugnayan ng pamamahayag sa mga

panlipunanag ideya at institusyon. (Analyzing Newspapers: An Approach from

Critical Discourse Analysis, p.1). Masusi nating sisiyasatin ang dalawang tabloid

ayon sa tatlong katangian ng Pagsusuring Diskurso.

Wika ng Pamamahayag

Masdan natin ang mga wikang gamit ng Pilipino Mirror na nakakakuha ng

pansin ng mambabasa. Nandito ang “niratrat”, “nasalpok”, “pinasadahan”,

“tinangay”, at “kamatayan.” Sa Bagong Tiktin naman, makikita ang mga salitang

“sinisi”, “paslit”, “pisak”, “pinabibisto”, at “karambola.” Para sa wika ng

pamamahayag, may lumalabas ang wikang kalye sa sa Bagong Tiktik,

Nakaangat ang antas ng wikang napili sa pamamahayag sa Pilipino Mirror.

Maaari ring sabihing wikang edukado ang gamit sa Pilipino Mirror at salitang

kalye naman ang napili sa Bagong Tiktik.

14
Paglimbag at Pagbenta ng Pahayagan

Walang masyadong datos ang maaaring malikom tungkol sa pagbenta ng

tabloid na Pilipino Mirror at Bagong Tiktik dahil sa mga kalsada o sari-sari

lamang mabibili ang mga ito. Araw-araw lumalabas ang sirkulasyon nitong

dalawa tabloid ngunit walang datos nakuha ang mananaliksik kung ilang ang

naililimbag ng Pilipino Mirror at Bagong Tiktik araw-araw. Ang kaisa-isang datos

na nasaliksik ay isang pangkalahatang bilang na 400,000 humigit kumulang

araw-araw ang naibebenta ng bawat tabloid (Macale, “The Tale of The Tabloid”,

http://www.cmfr-phil.org/2006/11/27/the-tale-of-the-tabloid/) Dahil wala pang

datos ang nasasaliksik sa bilang ng mga tabloid na naibebenta ng Pilipino Mirror

at Bagong Tiktik, mainam na sabihin na halos magkapareho lang ang benta

nitong dalawang tabloid.

Kaugnayan ng Pamamahayag sa mga Panlipunanag Ideya at Institusyon

Makikita ang kaugnayan ng pamamahayag sa pahayagang kanyang

inililimbag kung ito ba ay tumutugon sa mga panlipunang ideya at institusyon.

Sinasagutan ba nito ang mga problema ng lipunan at makatarungan ba nito

ipinahahayag ang balita sa mamamayan. Suriin ang Side Mirror, ang kolum ni

Eros Atalia sa Pilipino Mirror. Sa Pilipino Mirror, ika-1 ng Disyembre 2012, p. 4,

paksa niya ang Bataan Nuclear Power Plant at ang pag-iiiba ng klima sa

Pilipinas. Bagamat patawa niyang binigyan ng solusyon ang problema sa klima -

“obligahin ang lahat ng PUB/PUJ, taxi, FX, tricycle at pedicab na punuin ng

halaman ang kanilang mga bubong.” - ipinapakita niya ang problema natin sa

Pilipinas na kakaibang tag-init pa rin maski panahon na dapat ng tag-lamig. Ang

15
kanyang patawang solusyon ay nagpapakita sa kanyang pagpilit na walang

kinikilingan sa dalawang panig na punto de bista tungkol sa kontrobersyal na

paksang pag-iiba ng klima. Batikusin naman ang kabilang tabloid na Bagong

Tiktik, ika-1 ng Disyembre 2012, p. 3, sa kolum ni Dante Uy Vino na Consumer’s

Watch, kung saan ang paksa naman ng pagpasok ng kontrabando sa Pilipinas

ay kanyang tinalakay. Seryoso at papuri ang kanyang handog sa Komisyoner ng

Kawanihan ng Adwana na si Ruffy Biazon sa pagbantay ng mga produktong

pumapasok sa bansa upang masigurado ang kalidad at ang nararapat na buwis

lisensiya ay natugunan. “Misdeclared ang shipment... kailanganin pang kumuha

ng SRA permit... isang rekisitos ng pamahalaan.” Bagamat sadyang tama ang

mamahayag na ito ay labag sa batas, walang pagtatanong o pagkikilatis kung

akma pa ba ang batas o kung nararapat nang maibahagi ito sa mga

makalumang alituntunin ng gobyerno na dapat nang iakma sa makabagong

panahon. Walang pagtatanong kung gawain ba ito ng marami upang

matakasan lamang ang isang karagdagang proseso na dapat buwagin. Wasto

nga ang pag-uulat nitong balita ngunit walang karagdagang pag-iisip ang

nagaganap sa mambabasa na tila dapat na lamang sumunod sa nakatakda na

walang pagtatanong o pagtututol.

Wika (Language)

Mailalahad nitong pananaliksik ang isang partikular na uri ng wika na

taglay na makikita sa tabloid. Ayon kay Maria Joanna R.Calampinay, partikular

na uri ng wika sa tabloid ang karahasan (“Mararahas na Salita sa Babasahing

Tabloid”, Mga Pananaliksik sa Wika at Lipunang Filipino). Tanong ng may-akda

16
kung ang karahasan sa tabloid ay nasasalamin ng lipunan o talagang ngang

mula sa lipunang sinasalamin lang ng tabloid. Nabanggit rin ang mga salitang

mararahas na kadalasang makikita sa tabloid. Sa Pilipino Star, ika-1 ng

Disyembre, 2012, ito-ito ay “pinasadahan”, “niratrat”, “tinangay” at iba pa. Sa

Bagong Tiktik naman, ika-1 ng Disyembre, 2012, ang mga salitang karahasan ay

“pisak”, “nag-suicide,” “sugatan” at iba pa. Ngunit, tama ba siyang magbigay ng

konglusyon na dahil sa kanyang pag-aaral ng wikang karahasan sa tabloid,

marapat na nga bang sabihin na mas mabilis at mas madaling maapektohan lalo

na ang mga kabataan sa ganitong pamumuhay dahil sa exposure nila dito.

Bukod pa sa kongklusyong ito, ang kanilang bokabularyo ay nadadagdagan rin

ng mga salitang mararahas. Bahagyang siyang tama na maraming karahasan

ang inuulat ng tabloid. Ngunit, hindi ba may kasabihan na ang pagtatalik (sex) at

ang karahasan (violence) ay silang bumebenta ng pahayagan. Lalo na sa

Bagong Tiktik na gamit itong kombinasyon upang ibenta ang kanilang tabloid.

Nandiyang ang kanilang balita sa karahasan sa una at ikalawang pahina.

Kasabay nito ang sunod-sunod nilang maiikling kuwento ng pagtatalik. Makikita

sa Bagong Tiktik ang kolum na Pilya ni Don Paquito, Ysabelle - Hubad na

Katotohanan ni Jeff A., Babae sa Dagat ni Ramil M. Cayago, at iba pa. “Wheew!

Haay! Hingal-kabayo siya ng bitiwan ni Rosa ang pagkakahawak sa tigas na

tigas na alaga ng pulis.” Ganito ang mga kasulatang mahahanap sa Bagong

Tiktik na dahilan kung bakit ito patok sa masa. Sa Pilipino Mirror naman makikita

pa rin ang karahasan at pagtatalik ngunit mahusay ito ipinapaabot sa mga tao.

Paano ko Masasabing Mahal Kita ni Che Sarigumba ang kaisa-isang kuwentong

17
mag pagtatalik ang makikita sa Pilipino Mirror. “Nang nangangalahati na ang

kasiyahan ay bigla na lang bumilis ang tibok ng kanyang puso. Isang lalaking

pamilyar na pamilyar sa kanyang mga mata ang paparating.” Hindi naman

nakakabastos o nakakasuklam ang mga sulatin sa Pilipino Mirror kumpara sa

mababasa sa Bagong Tiktik. At, lampas-lampas rin ang kanilang balita sa ibat-

ibang bahagi ng balita. Mayroon silang kolum mula sa batikang manunulat na si

Eros Atalia at kolum mula sa batikang tagapag-ulat sa radyo na si Rey Langit.

Mayroon rin silang balita sa sports, kasaysayan, kalusugan, at tsismis. Tunay ng

pangkalahatan ang Pilipino Mirror na mayroong balita sa ibat-ibang kategorya na

hindi malalampasan ng Bagong Tiktik na parang tumututok lang sa balitang

karahasan at pagtatalik dahil alam nila na ito ang bumebenta sa masa.

Marapat ng wakasan itong pananaliksik mula sa artikulo tungkol sa tabloid

ni Romeo G. Dizon kung saan sinasabi niya na ang tabloid ang taga-angat ng

kalidad ng wika dahil “maliban sa pagpapahayag ng totoo sila rin ay magsilbing

tagapag-angat ng uri ng wikang paiiralin sa lipunan (Wika at Pamamahayag

(Subkulturang likha ng mga broadsheet at tabloid), p. 252). Nasa tabloid –

Pilipino Mirror, Bagong Tiktik, o ano pa mang tabloid – ang tungkulin magbigay

ng pamamahayag na disente, na gagamit ng wikang Filipino na may pagpupugay

at galang sa balarila at komposisyon. Huwag sana nilang babuyin ito at dalhin

sa lebel ng pornograpiya.

18
BIBLIYOGRAPIYA
(BIBLIOGRAPHY)
“AFIMA Kumilos”. Philippine Star. 24 October 2005.

Calampinay, Maria Joanna R. “Mararahas na Salita sa Babasahing Tabloid”.

Komunikasyon at Lipunan: Mga Pananaliksik sa Wika at Lipunang

Filipinorarahas na Salita sa Babasahing Tabloid. Compiled by Lilia

Antonio. Quezon City: Department of Filipino and Philippine

Studies. 1981.

De Vera, Maria Gracia A. (2011). Pakikipagkuwentuhan: Paano Kaya Pag-

aaralan ang Pakikiapid?*. In Rogelia Pe-Pua (Ed.), Sikolohiyang

Pilipino: Teorya. Metodo at Gamit (pp. 187-193). Quezon City:

University of the Philippines Press.

Dizon, Romeo G. (2003). Wika at Pamamahayag (Subkulturang likha ng mga

broadsheet at tabloid). In Lilia F. Antonio & Ligaya Tiamson-Rubin

(Eds.), Sikolohiya ng Wikang Filipino (pp. 248 – 252). Quezon City:

C & E Publishing Inc.

Giron, Olaf Sudano. “Once Upon a Club”. Manila: National Press Club. 1985.

Landicho, Domingo. Peryodismo sa Pilipino. Mandaluyong: National Book Store.

1986.

Macale, Hector Bryant L. “The Tale of The Tabloid.” Center for Media Freedom

& Responsibility. http://www.cmfr-phil.org/2006/11/27/the-tale-of-

the-tabloid/ . Accessed 07 January 2013.

19
Matienzo, Narciso V. and Matienzo, Rosalina C. Ang Bagong Pamahayagan sa

Filipino. Binagong Edisyon. Mandaluyong: National Book Store.

2007.

Pineda-Ofreneo, Rosalinda. The Manipulated Press: A History of Philippine

Journalism Since 1945. Manila: Cacho Hermanos, Inc. 1984.

Richardson, John E. Analyzing Newspapers: An Approach from Critical

Discourse Analysis. New York: Palgrave Macmillan. 2007.

Tuazon, Ramon R. “The Print Media: A Tradition of Freedom.” National

Commission for Culture and the Arts.

http://www.ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/articles-on-c-n-

a/article.php?igm=3&i=221. Accessed 13 December 2012.

20

You might also like