You are on page 1of 18

10

Filipino
Ikatlong Markahan – Modyul 7:
Nobela mula sa Nigeria
(Panitikang African at Persian)

AIRs - LM
Filipino 10 (Panitikang African at Persian)
Ikatlong Markahan – Modyul 7: Nobela mula sa Nigeria
Unang Edisyon, 2021

Karapatang sipi © 2021


La Union Schools Division
Region I

Ang lahat ng karapatan ay ibinibigay sa may-akda. Anomang paggamit o


pagkuha ng bahagi nang walang pahintulot ay hindi pinapayagan.

Bumuo sa Pagsulat ng Modyul

Manunulat: Virgilio C. Rendon


Editor: SDO La Union, Learning Resource Quality Assurance Team
Tagaguhit: Ernesto F. Ramos Jr., P II

Tagapamahala:

Atty. Donato D. Balderas, Jr.


Schools Division Superintendent

Vivian Luz S. Pagatpatan, Ph.D


Assistant Schools Division Superintendent

German E. Flora, Ph. D, CID Chief

Virgilio C. Boado, Ph. D, EPS in Charge of LRMS

Luisito V. Libatique, Ph. D, EPS in Charge of Filipino

Michael Jason D. Morales, PDO II

Claire P. Toluyen, Librarian II


Sapulin

Magandang araw mag-aaral! Magpapatuloy muli tayo sa pag-aaral.


Nakararami na tayo ng mga napag-aralan ngunit mainam na madagdagan pa ito
upang mas malinang ang iyong kakayahan. Maging matiyaga ka lang sa pag-aaral.
Halika na’t mag-aral na tayong muli.

Ang Modyul 7 ay tatalakay sa Nobela mula sa Nigeria. Ang Nigeria ay isang


bansang matatagpuan sa Kanlurang Africa. Pinaliligiran ito ng mga bansang Niger
sa Hilaga, Chad sa Hilagang-Silangan, Cameroon sa Silangan at Benin sa Kanluran.
Ang bansang ito ang may pinalamalaking populasyon sa buong kontinente ng Africa.
Ito ay may malaking ambag sa panitikan. Sa kasalukuyan, maraming akdang
pampanitikan mula sa Nigeria ang nasusulat sa Ingles dahil na rin sa impluwensiya
ng mga bansa sa Kanluran.

Ang panitikan ng Nigeria ay sadyang nakapagpataas ng kamalayan ng


mamamayan ng bansa pagdating sa isyu ng uri ng pamumuhay, kultura, tradisyon
at suliranin sa politika. Gayondin ang tungkol sa kasarian at kalagayan ng
kababaihan sa lipunan. Mga akdang pampanitikan din ang nakatulong upang
maiangat ang kanilang kalagayan tungo sa pagkakaroon ng makabagong talakay sa
mga akda na aagapay sa makabagong uri ng pamumuhay ng mga taga-Nigeria.
Sinasabing ang kakaunting mga akda na nasusulat sa ilang diyalekto ng Nigeria ay
mas tumatalakay sa kung ano ang nakaraan, lumipas o naglaho na.
Bahagi rin ng pag-aaral sa modyul na ito ang pagtalakay sa Pang-ugnay sa
pagpapaliwanag, pagsusuri o pagbibigay ng ebalwasyon sa isang iskrip ng pelikula.

Sa pag-aaral sa modyul na ito, inaasahang malilinang mo ang sumusunod:


Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto (MELC):
1. Natutukoy ang tradisyong kinamulatan ng Africa batay sa napakinggang
diyalogo. (F10PN-IIIh-i-81)
2. Nasusuri ang binasang kabanata ng nobela batay sa pananaw / teoryang
pampanitikang angkop dito. (F10PN-IIIh-i-81)
3. Nasusuri ang napanood na excerpt ng isang isinapelikulang nobela.
(F10PD-IIIh-i-79)
4. Nailalapat nang may kaisahan at magkakaugnay na mga talata gamit ang
mga pag-ugnay sa panunuring pampelikula (F10PS-IIIh-i-83)

Halina’t lakbayin natin ang Nigeria at tuklasin ang kultura, tradisyon at pag-
uugali ng mga African sa tulong ng kanilang nobela.
Aralin
Nobela mula sa Nigeria
7.1 Panitikan: Paglisan

Simulan

Bago natin galugarin ang karunungang mula sa Nigeria, magkakaroon muna


tayo ng paunang pagtataya. Sikapin mong sagutin ang mga kasunod na mga aralin
para mataya kung ano ang mga dapat mo pang malaman sa mga susunod na pag-
aaral.
Gawain 1: Paunang Pagtataya
A. Panuto: Basahin at unawain mo ang sumusunod na pahayag. Isulat sa iyong
sagutang papel ang letra ng tamang sagot.
_____ 1. “Gamit ang ekwe, napabalita ang pagkamatay ni Ogbuefi Ezeudu.
Nakaramdam ng kaunting sundot ng budhi si Okonkwo sapagkat nang
huling makausap niya si Ogbuefi Ezeudu ay noong bigyan siya nito ng
babala tungkol sa pagkonsulta sa orakulo na papatayin si Ikemefuna.”
Ano ang ibig sabihin ng salitang may salungguhit?
A. Ito ay malaking metal bell na ginawa ng mga igbo sa Nigeria.
B. Ito ay yari sa shell na ginamit bilang palamuti ng mga Africano at
ginamit din sa ritwal at paniniwalang panrelihiyon.
C. Ito ay isang tradisyonal na kagamitang pangmusika na yari sa mga
sanga ng kahoy. Isang uri ng tambol na may iba’t ibang uri.
D. Ito ay espiritu ng mga ninuno. Gumagamit ng maskara ang tribo at
sumasanib sila kung may nais lutasin na isang krimen.
Para sa bilang 2-3
Ayaw ni Okonkwo sa mahihina. Sa ganoong paraan niya pilit na iwinawaksi ang
tumatak na pagkatao ng kaniyang amang si Unoka sa kanilang pamayanan. Tamad,
baon sa utang, mahina at walang kuwenta sapagkat ni isang laban ay walang
naipanalo ang kaniyang ama. Mag-isang hinubog ni Okonkwo ang kaniyang kapalaran.
Nagsumikap maiangat ang buhay, nagkaroon ng maraming ari-ariang sapat upang
magkaroon ng tatlong asawa, titulo sa mga laban at higit sa lahat pagkilala mula sa
mga katribo.
Hango sa Paglisan (Buod) isinalin ni Juliet U. Rivera
_____ 2. Ano ang mahihinuha sa pagkatao ni Okonkwo batay sa kaniyang mga
desisyon sa buhay?
A. mapaghiganti C. puno ng hinanakit
B. may iisang salita D. may determinasyon sa buhay
_____ 3. Sa iyong palagay, bakit gusto ni Okonkwo na makilala siya ng mga
katribo?
A. Mahina ang kaniyang ama.
B. Gusto niyang maghiganti sa kaniyang ama.
C. Dahil walang kuwenta ang kaniyang ama.
D. Gusto niya ng karangalan, pangalan at katanyagan.
Para sa bilang 4-5
Hindi naglaon, may mga dumating na misyonero sa Mbanta. Sa tulong ng isang
interpreter na si G. Kiaga, kinausap ni G. Brown, lider ng mga misyonero ng mga taga-
Mbanta. Ipinaliwanag niya sa mga ito na ang kanilang pagsamba sa diyos-diyosan ay
isang malaking kasalanan. Hindi naman maunawaan noon ng mga taga-Mbanta kung
paanong ang tatlong Persona ay naging iisang Diyos katulad ng ipinaliwanag ng mga
misyonero tungkol sa dapat na pagsamba sa iisa lamang na panginoon. Layunin
naman ng mga misyonero na dalhin ang Kristiyanismo sa Mbanta at hindi ang tuligsain
sila. Nagkasakit si G. Brown at pinalitan ni Rev. James Smith, isang malupit at
bugnuting misyonero. Nagkaroon ng relihiyon ang mga taga-Mbanta. Habang
isinasagawa ang taunang seremonya para sa pagsamba sa Bathala ng Lupa, hinablot
ni Enoch ang takip sa mukha ng isang Egwugwu, katumbas ng pagkitil sa espiritu ng
mga ninuno. Kinabukasan, sinunog ng Egwugwu ang tahanan ni Enoch at ang
simbahang itinayo nina Rev. Smith.
Hango sa Paglisan (Buod) isinalin ni Juliet U. Rivera
_____ 4. Ano ang paniniwala ng mga misyonero tungkol sa pananampalataya?
A. Palaganapin ang Kristiyanismo.
B. May tatlong persona sa iisang Diyos.
C. Mabuti ang pagsamba sa mga diyos-diyosan.
D. Dapat magkaroon ng seremonya tungkol sa pagsamba sa Bathala.

_____ 5. Ano ang nangyari habang isinasagawa ang taunang seremonya ng


pagsamba sa Bathala ng Lupa?
A. Nagkasakit si G. Brown.
B. Sinunog ang tahanan ni Enoch.
C. Sumanib ang isang masamang espiritu.
D. Hinablot ni Enoch ang takip sa mukha ng isang Egwugwu.

B. Panuto: Buoin ang mga letra upang matukoy kung anong elemento ng nobela
ang sumusunod. Isulat ang sagot sa sagutang papel.
1. Isang masining na pagsasalaysay ng maraming pangyayaring magkasunod at
magkakaugnay.
N B A

2. Teoryang pampanitikang tumutukoy sa tao. Nagbibigay puri sa tauhan.


H U N I M

3. Teoryang tumutukoy sa marubdob na pagnanasa na matamo ang isang


mithiin sa buhay.
E K S T N S Y L S O

4. Tumutukoy ito sa napanonood na gumagalaw na mga larawan.


E L K A

5. Ginagamit upang iugnay ang mga salita, parirala o pangungusap sa iba pang
bahagi ng pananalita.
N G – G N Y

Mahusay! Nagawa mo ang paunang pagtataya. Kung mababa man ang iyong
iskor, huwag mabahala sapagkat paunang pagtataya lamang ito. Ipagpatuloy mo
lamang na aralin, unawain at sagutin ang mga gawain.
Lakbayin

Narito ang isang buod ng nobela mula sa bansang Nigeria. Basahin at unawain
mo ito nang mabuti upang matuklasan ang mensaheng nais ipahiwatig ng akda. Pag-
aralan kung masasalamin sa katauhan ng mga tauhan ang pag-uugali ng mga taong
pinagmulan ng akda.

Paglisan
(Mula sa Things Fall Apart ni Chinua Achebe)
(Isinalin sa Filipino ni Julieta U. Rivera)

Si Okonkwo, isang matapang at respetadong mandirigma, nagmula sa lahi


ng mga Umuofia, isang hindi gaanong kilala at hindi kalakihang tribo sa Nigeria.
Labingwalong taong gulang noon si Okonkwo nang matalo niya sa isang
labanan si Amalinze. Dahil dito kinilala ang katapangan ni Okonkwo mula
Umuofia hanggang Mbaino. Sa maraming pagkakataon, ipinamalas ni Okonkwo
ang kaniyang katapangan upang mapagtakpan ang laman ng kaniyang dibdib
laban sa kaniyang ama, si Unoka na sa kaniyang tingin ay mahina at talunan.
Walang nagawang mahusay ang kaniyang amang si Unoka dahil sa kaniyang
katamaran. Sa halip, puro kahihiyan ang iniwan nito sa kanilang pamilya
sapagkat nag-iwan pa ito ng maraming utang sa mga kanayon bukod pa sa
pinabayaan niya ang kaniyang pamilya. Ang naging buhay na ito ni Unoka ay
laban kay Okonkwo. Kaya pinatunayan niyang naiiba siya sa kaniyang ama. Para
patunayan ang kaniyang kakayahan sa pamumuno, pinamahalaan niya ang siyam
na nayon. At siya ay nagtagumpay. Tatlo ang kaniyang naging asawa, nakapundar
ng mga ari-arian na nagpapatunay lamang ng kaniyang pagiging masipag. Naging
matapang na mandirigma at makapangyarihan siya sa buong nayon. Dahil dito,
siya ay kinilalang lider ng kanilang tribo.
Dahil sa kaniyang kakayahan sa pamumuno, pinili si Okonkwo ng mga
kanayon upang ipagtanggol si Ikemefuna, ang lalaking kinuha bilang tanda ng
pakikipagkasundo sa kapayapaan sa pagitan ng Umuofia at isang nayon
pagkatapos mapatay ng tatay ni Ikemefuna ang isang babaeng Umuofian. Tumira
ang batang lalaki kina Okonkwo. Naging magiliw at magkasundo naman ang
dalawa. Itinuring ng bata si Okonkwo bilang pangalawang magulang.
Isang araw, lihim na ipinaalam ni Ogbuefi Ezeudu, isa sa matatandang
taga-Umuofia, ang planong pagpatay kay Ikemefuna. Binalaan ni Ezeudo na
huwag makialam sa planong ito si Okonkwo. “Hindi ka dapat makialam sa
isasagawang iyon ng kalalakihan ng Umuofia sapagkat isang ama na ang turing
ni Ikemefuna sa iyo”, wika ni Ogbuefi Ezeudu kay Okonkwo. Dahil dito, gumawa
ng paraan si Okonkwo. Pinaniwala niyang ihahatid na si Ikemefuna sa kaniyang
tunay na ina. Naglakbay ang bata kasama ang ilang kalalakihan ng Umuofia. Sa
gitna ng kanilang paglalakbay, sinugod ng mga kasamang lalaki si Ikemefuna
upang patayin ngunit nakatakas ang bata. Nagpasaklolo ito sa kaniyang ama-
amahan. Noon ay nasa harapan ng mga katribo si Okonkwo upang mapanatili ang
ipinakitang katapangan, tinaga niya ang bata sa harapan nila sa kabila ng
paghingi ng awa sa itinuring na ama. Nakalimutan ni Okonkwo ang naging usapan
nila ni Ogbuefi Ezeudu. Umuwi si Okonkwo na mag-isa. Wala na ang batang
tumulong at gumabay sa kaniya. Naging simula naman iyon ng malaking
pagbabago kay Okonkwo. Hindi na siya makakain, hindi na makatulog, hindi na
rin makapag-isip nang maayos. Ramdam niya sa kaniyang sarili ang depresyong
siya rin naman ang may pagkakamali kaya’t upang maibsan ang kapighatian at
huwag matulad sa kaniyang ama na isang sawi ay nagtungo siya sa kaniyang
kaibigang si Obierika. Humingi siya ng payo rito at nakaramdam naman siya ng
kaunting gaan ng loob. Nagkasakit naman noon si Ezinma, anak na babae ni
Okonkwo, ngunit gumaling din sa tulong ng mga halamang gamot na ipinanlunas
ng kaniyang ama.
Lumipas ang panahon, nabalitaan ni Okonkwo na namatay si Ogbuefi
Ezeudu. Nakaramdam ng konsensiya si Okonkwo sapagkat nang huling
makausap niya ito ay noong bigyan siya nito ng babala tungkol sa pagkonsulta sa
orakulo na papatayin si Ikemefuna. Pinuno ng malalakas na tunog ng tambol na
sinasabayan ng alingawngaw ng malakas na putok ng baril ang maririnig sa
paligid habang nakaburol si Ogbuefi Ezeudu. Kagimbal-gimbal na trahedya ang
bumulaga sa lahat ng mga naroroon nang pumutok ang baril ni Okonkwo at
tamaan ang labing-anim na taong gulang na anak ng yumao. Dahil dito,
kailangang pagbayaran ni Okonkwo ang nagawang kasalanan laban sa kaniyang
kaangkan. Isang malaking pagkakasala sa diyosa ng lupa ang pumatay at
makapatay ng kauri. Hinakot lahat ni Okonkwo ang kaniyang mga ari-arian at
mahahalagang kagamitan at nagtungo sa Mbanta, lugar ng kapanganakan ng
kaniyang ina dala ang kaniyang buong pamilya. Sinunog ang mga natirang hayop,
kubo at mga naiwang pag-aari ni Okonkwo tanda ng paglilinis sa buong
pamayanan sa kasalanan nito. Malugod naman silang tinanggap ng mga kaanak
higit lalo ang tiyuhin nitong si Uchendu. Tinulungan nila sina Okonkwo na
makapagpatayo ng kanilang munting pamayanan at pinahiram ng mga butil na
pagsisimulan ng kanilang munting kabukiran. Malagim at mahirap man ang
sinapit ni Okonkwo, pinilit niyang tanggapin ang lahat at muling magbalik sa kung
saan siya nagmula.
Dumaan ang dalawang taon ng pagkakapatapon kina Okonkwo. Sa mga
taong iyon matiyagang kinukuha at inaani ni Obierika ang mga pananim ni
Okonkwo sa dating lugar. Ibinebenta niya ito at ibinibigay ang pinagbilihan kay
Okonkwo. Buong sipag niya itong ginagawa hanggang sa makabalik na si
Okonkwo sa Umuofia. Isang masamang balita naman noon ang ipinabatid ni
Obierika nang minsang nagdala siya ng pinagbilhan kay Okonkwo. Winasak daw
ng mga puti ang Abame, isa ring pamayanan ng mga Umuofia.
Hindi naglaon, may mga dumating na misyonero sa Mbanta. Sa tulong ng
isang interpreter na si G. Kiaga, kinausap ni G. Brown, lider ng mga misyonero ang
mga taga-Mbanta. Ayon sa kanila, ang pagsamba sa mga diyos-diyosan ay isang
malaking kasalanan at hindi katanggap-tanggap sa simbahan. Lalong hindi
maunawaan ng mga taga-Mbanta kung paanong ang Tatlong Persona ay naging
iisang Diyos katulad ng ipinaliliwanag ng mga misyonero tungkol sa dapat na
pagsamba sa iisa lamang na Panginoon. Layunin ng mga misyonerong dalhin ang
Kristiyanismo sa Mbanta at hindi ang tuligsain sila. Nagkasakit si G. Brown at
pinalitan ni Rev. James Smith, isang malupit at bugnuting misyonero. Nagkaroon
ng relihiyon ang mga taga-Mbanta. Habang isinasagawa ang taunang seremonya
para sa pagsamba sa Bathala ng lupa hinablot ni Enoch ang takip sa mukha ng
isang Egwugwu, katumbas ng pagkitil sa espiritu ng mga ninuno. Kinabukasan,
sinunog ng Egwugwu ang tahanan ni Enoch at ang simbahang itinayo nina Rev.
Smith.
Ikinapanlumo ng Komisyoner ng distrito ang naganap na panununog sa
kanilang simbahan. Dahil dito humiling siya ng pakikipagpulong sa pinuno ng
mga Umuofia. Sa pulong, pinosasan ang mga dumalong pinuno ng mga Umuofia
at ikinulong. Nakatikim ng pandudusta, masasakit na salita at pang-aabuso ang
mga pinuno ng Umuofia.
Pagkatapos mapalaya ang mga bilanggo, agad silang nagpulong at
napagkasunduang tumiwalag. Inakala ni Okonkwo na nais ng mga kaangkan na
maghimagsik kung kaya’t gamit ang machete pinatay niya ang pinuno ng mga
mensaherong lumapit sa mga kaangkan niya. Hinayaan naman ng tao na
makatakas ang iba pang mensahero at doon napagtanto ni Okonkwo na hindi
handa ang kaniyang mga kaangkan sa isang giyera.
Dumating sa lugar ni Okonkwo ang Komisyoner ng Distrito upang
imbitahan siya sa isang pagdinig sa korte subalit natagpuan na lamang niyang
nakabitin si Okonkwo. Nagpatiwakal si Okonkwo. Ibinaba nina Obierika ang
katawan ni Okonkwo. Gumimbal sa buong nayon ang nangyaring ito sapagkat
kinikilala nila na ang pagpapatiwakal ay isang malaking kasalanan at bukod dito
si Okonkwo ay nakilala sa pagiging matapang at malakas. “Ang taong iyan ay kilala
at tanyag sa buong nayon, dahil sa kaniyang ginawang pagpapatiwakal, matutulad
lamang siya sa isang inilibing na aso.” Sabi ni Obierika, ang kaniyang kaibigan.

- Mula sa Elements of Literature nina Holt et. al. 2008. Texas, USA

Gawain 2: Paglinang ng Talasalitaan


Panuto: Piliin sa pares ng salita sa bawat bilang ang angkop na kahulugan ng salita.
Gamitin ito sa makabuluhang pangungusap. Isulat sa papel ang sagot.

1. Palamuti abubot dekorasyon

2. Ipinabatid ipinaalam isinangguni

3. Napagwagihan napagtagumpayan nalampasan

4. Magpatirintas nagpasalapid nagpapusod

5. Kagimbal-gimbal kagulat-gulat kataka-taka

Gawain 3: Komprehensiyon at Reaksiyon sa Leksiyon


Panuto: Basahing mabuti ang sumusunod na tanong. Isulat ang sagot sa sagutang
papel.
1. Ilarawan mo si Okonkwo batay sa iyong binasang buod.
2. Makatuwiran ba ang ginawa ni Okonkwo kay Ikemefuna? Patunayan.
3. Paano ipinakita ni Okonkwo ang kaniyang katatagan sa kaniyang paniniwala
at paninindigan?
4. Sang-ayon ka ba sa naging wakas ng nobela? Pangatuwiranan ang sagot.
5. Kung isasapelikula ang nasabing nobela, ano-anong bahagi ang iyong
bibigyang kulay? Bakit?

Binabati kitang muli, mahal kong mag-aaral sa lumalawak mong kaalaman at


pag-unawa sa ating aralin! Magpatuloy ka lang.
Galugarin

Alam mo bang ang…


Nobela ang tawag sa isang mahabang kathang pampanitikan?
➢ Naglalahad ito ng mga pangyayaring pinaghahabi sa isang mahusay na
pagbabalangkas na ang pinakapangunahing sangkap ay ang pagkakalabas
ng hangarin ng tauhan at ng hangarin ng katunggali sa kabila.
➢ Isang masining na pagsasalaysay ng maraming pangyayaring magkasunod at
magkakaugnay.
➢ Ang mga pangyayaring ito ay may kani-kaniyang tungkuling ginagampanan
sa pagbuo ng isang matibay at kawili-wiling balangkas na siyang pinakabuod
ng nobela.

Ngayon, madaragdagan pa ang iyong kaalaman. Higit mong


mapahahalagahan at mauunawaang mabuti ang isang akda kung alam mo ang ilang
mga prinsipyo, mga paniniwala at ideang makatutulong sa pagpapaliwanag ng isang
akdang pampanitikan. Ang tawag dito ay Teoryang Pampanitikan. Hindi lamang
sapat na mabasa mo ang isang akda kundi magamit mo ang karunungang
matututuhan sa pag-unawa sa buhay sa higit na malalim na pananaw.

Ang mga Teoryang Pampanitikang binigyang-diin sa nobelang “Paglisan” ay


teoryang humanismo at eksistensiyalismo. Narinig mo na ba ang mga ito?
• Humanismo – “human”, isang salitang Ingles na mahahango mo rito.
Samakatuwid tumutukoy ito sa tao. Madali lamang ang teoryang
humanismo. Ito ay nagbibigay-puri sa tauhan, na kaniyang kailangan.
Makikilala mo ang mga tauhan batay sa kani-kanilang mga tiyak na
saloobin at damdamin.
• Eksistensiyalismo – “nananatiling nilalayon” ang pinakamalapit na
kahulugang maikakapit dito. Marubdob na pagnanasa na matamo ang
isang mithiin sa buhay, gagawing lahat ng paraan para ito’y
mapagtagumpayan. Makikilala mo ang tauhan batay sa kani-kanilang mga
tiyak na saloobin at damdamin.

Gawain 4: Nobela-suri
Panuto: Suriin ang nobelang “Paglisan” batay sa konsepto ng Humanismo at
Eksistensiyalismo. Patunayang angkop ang mag teoryang ito sa pamamagitan ng
pagtukoy ng mga pangyayaring may kaugnayan sa mga tauhan. Gayahin ang pormat
sa sagutang papel.
Paglisan

Humanismo Eksistensiyalismo

Patunay Patunay
Palalimin

Dagdag kaalaman…

Alam mo bang mayaman ang Nigeria maging buong kontinente ng Africa ng


iba’t ibang kultura? May mga katutubong paniniwala silang magpasahanggang
ngayo’y makikita pa rin lalo na sa mga nayon. Ilan sa mga terminong ginagamit sa
kanilang mga seremonya.

Cowrie – Yari sa shell na ginagamit bilang palamuti ng mga African. Ginagamit


din sa ritwal at paniniwalang panrelihiyon.

Ekwe – Isang tradisyunal na kagamitang pangmusika na yari sa sanga ng kahoy.


Isang uri ng tambol na may iba’t ibang uri ng disenyo.

Egwugwu – Espiritu ng mga ninuno. Gumagamit ng maskara ang tribo at


sumasanib sila kung may nais silang lutasin na isang krimen. Pinaniniwalaan na
ang mga Egwugwu ang pinakamataas na hukom sa lupain ng Nigeria.

Ogene – Malaking metal bell na ginawa ng mga igbo sa Nigeria.

Igbo – Katutubong tao mula sa Timog-Silangang Nigeria. Karamihan sa kanila ay


magsasaka at mangangalakal.

Ngayon, sa bahaging ito, palalalimin natin ang iyong kaalaman sa kultura at


tradisyon ng mga African. Maaari kang mag-search sa Google o manood sa YouTube.

Gawain 5: Tradisyong Africa, Ipaliwanag Mo Nga!


Panuto: Ipaliwanag ang sumusunod na tradisyon mula sa Africa.
Tradisyong Africa Pagpapaliwanag
1. Pagsunog sa mga ari-ariang maiiwan
ng nagkasala kapag siya ay
naipatapon.
2. Pagkakaroon ng kinikilalang
relihiyon.
3. Pagkonsulta sa Orakulo ng mga Igbo
bago lumusong o magdeklara ng
giyera.
4. Paggamit o pagbigkas ng mga Igbo
ng mga sawikain kapag dumarating
ang mga maniningil ng utang.
5. Pagsasalo sa alak na gawa sa palm
at koala sa tuwing may pag-
uusapang mahalagang bagay.
Wika at Gramatika:
Aralin Pang-ugnay sa Pagpapaliwanag,

7.2 Pagsusuri o Pagbibigay ng


Ebalwasyon sa isang Iskrip ng
Pelikula

Simulan

Humahanga ako sa iyo mahal kong mag-aaral. Binabati kita sa matagumpay


mong pagsagot sa mga gawain sa nakaraan bahagi ng modyul na ito. Ipagpatuloy mo
lang ang iyong pagsagot sa kasunod na mga gawain.

Gawain 1: Pelikulang Napanood, Suriin Mo


Panuto: Manood ng isang nobelang naisapelikula. Maaaring sa YouTube, Facebook
Watch, Online Streaming Sites, CD o kaya’y Telebisyon. Matapos panoorin ay sagutin
ang sumusunod na pahayag o tanong sa iyong sagutang papel.
1. Ilarawan ang pangunahing tauhan sa pelikula. Ano-ano ang kaniyang
kalakasan at kahinaan?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
2. Magbigay ng ilan sa mga suluraning lumitaw sa napanood na pelikula.
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
3. Ilarawan ang teknikal na aspekto nito gaya ng sinematograpiya, pag-iilaw,
musika, transisyon. Paano ito nakatulong sa kabuoan ng pelikula?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
4. Epektibo ba ang pagganap ng mga aktor o aktress sa karakter na kanilang
isunabuhay? Patunayan.
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
5. Naging mabisa ba ang nilalaman at diyalogo ng pelikula sa pagpapadala ng
mensahe sa manonood? Patunayan.
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________

Binabati kita! Ipagpatuloy mo lang ang iyong pag-


aaral upang mas malinang pa ang iyong pagkaunawa sa
aralin.
Lakbayin

Alam mo bang sa…


Pagpapaliwanag, Pagsusuri o Pagbibigay ng Ebalwasyon sa isang
Iskrip ng Pelikula may mga bagay tayong dapat bigyan ng pansin?
➢ Ayon kay Ricky Lee sa kaniyang aklat na Trip to Quiapo Scriptwriting Manual,
• Una, kailangang maging malinaw muna ang konseptong pinag-uusapan.
• Ikalawa, malaman ang major concepts ng materyal.
• Ikatlo, dapat konektado ang lahat ng gustong sabihin ng sumulat ang
kung tungkol saan ba talaga ang istorya.
➢ Kailangang masagot ang anomang mga tanong tungkol dito.
➢ Kailangang ang bawat bahagi ay magkakaugnay.
➢ Makakamit naman ang maayos na paghahanda ng iskrip kung masusing
bibigyang-tuon hindi lamang ang pagkakaugnay ng mga pangyayari kundi sa
pagbuo ng mga diyalogo.
➢ Malaki ang maitutulong ng mga pang-ugnay sa pagbuo ng mga diyalogong ito.
➢ Sa pagsusuri naman ng isang pelikula, bumubuo ka ng pagpapaliwanag
sa mga detalyeng nais na bigyan ng pansin. Maaaring pagpapaliwanag sa
magandang nakita sa iskrip at o sa pelikulang pinanood gayondin naman sa
pagpapaliwanag ng mga naging kahinaan ng iskrip at/o ng pelikulang
pinanood.
➢ Ayon sa aklat na Gramatikang Pedagohikal ng Wikang Filipino ni Vilma M.
Resuma, maipaliliwanag ang isang argumento o punto sa tatlong paraan:
• pagpapalawak at/o pagpapaliwanag ng kahulugan,
• pagbibigay ng mas tiyak, detalyado at higit na maliwanag na deskripsiyon,
kabilang na sa puntong ito ang mga paggamit ng pang-ugnay, pagtutulad
at pag-iiba-iba,
• pagbibigay ng halimbawa.
➢ Makatutulong nang malaki ang paggamit ng mga Pang-ugnay upang
maging mabisa ang pagpapaliwanag.
• Ilan sa mga ito ay ang mga pang-angkop na ginagamit bilang
pang-ugnay upang mapadulas ang pagbigkas ng salita. Ang pang-angkop
na na, -ng, -g. Ginagamit ang na kapag ang salitang aangkupan ay
nagtatapos sa katinig, ang -g naman ay ginagamit sa mga salitang
nagtatapos sa “n” at ginagamit naman ang -ng sa mga salitang aangkupan
na nagtatapos sa patinig.
• Maliban dito, ang mga pangatnig na bagaman, upang, at, tulad ng, kapag,
kung, at iba pa ay magagamit din sa mahusay na pagpapaliwanag.

Mga Hakbang sa Pagbubuo ng Suring-Pampelikula


1. Isulat ang pamagat ng pelikulang susuriin.
2. Simulan ang talata sa paglalahad ng paksa at buod ng pelikula.
3. Sa ikalawang talata isusulat ang mga papuri/puna sa tauhang nagsiganap.
4. Sa ikatlong talata ilalahad ang puna tungkol sa direksyon/direktor ng
nasabing pelikula.
5. Sa ikaapat na talata naman ang sinematograpiya at musika.
6. Sa ikalimang talata isusulat ang kaugnayan ng pelikula sa kasalukuyan at
aral na mapupulot mula rito.
Naging madali ba sa iyo ang pag-unawa sa mga hakbanging dapat isaalang-
alang sa pagsulat ng suring-pelikula? Madali lang hindi ba? Ngayon, sagutin mo ang
gawaing inihanda.
Gawain 2: Ayusin Mo!
Panuto: Isulat kung sang bahagi ng hakbangin tumutugon ang sumusunod na
talata. Bilang lamang ang isulat sa sagutang papel.
_____ 1. Dekada 70
_____ 2. Nararapat lamang na panoorin ang ganitong uri ng pelikula. Prinsipyo
at paninindigan ang ipinaglaban nito. Dumaan man ang ilang dekada,
mananatili itong ipinaglalaban ng ating mga kababayan.
_____ 3. Talagang mahusay na direktor, si Marilou Diaz-Abaya. Naging
maganda at makatotohanan ang kabuoan ng pelikula. Nagawa niyang
pakilusin ang mga artista ayon sa hinihingi ng papel na kanilang
ginagampanan.
_____ 4. Kapuri-puri sina Vilma Santos, Christopher de Leon lalong-lalo na si
Piolo Pascual. Bagamat di pa siya batikang aktor (sa mga panahong ito)
ay mahusay niyang nagampanan ang kaniyang papel. Talagang
maaawa ka sa kaniya nang ilatag ang kaniyang hubad na katawan sa
bloke ng yelo at kuryentehen ang maselang bahagi ng katawan.
_____ 5. Angkop na angkop ang kulay sa kapaligirang kinunan ng kamera.
Mabisang nagamit ang mga tagpong walang kulay na nagpapahayag ng
mga paalala sa nakaraan. Nakatulong din ang musika sa malulungkot
na eksena na lalong nagpakirot sa dibdib ng mga maemosyong tagpo.

Galugarin

Gawain 3: Angkop na Pang-ugnay, Ilagay Mo!


Panuto: Punan ng angkop na pang-ugnay ang mga patlang upang mabuo ang talata.
Mamili ng pang-ugnay sa kahon, maaari itong maulit kung kinakailangan. Isulat na
lamang ang sagot sa sagutang papel.
na ng at bagaman
kung -ng tulad ng

Edukasyon Laban sa Mobile Legends


ni Virgilio C. Rendon
“Ang pagyakap sa karunungan ay pagtakas sa kamangmangan.”
Sa patuloy (1) __________ pag-inog ng mundo, kasabay (2) __________
mariposang animo’y naglalakbay sa balintataw, pilit na inaaninag kung ano nga
ba ang mga kumukurap-kurap at tila’y aandap-andap na ilaw na iyong
naaaninagan. Tila naglalakbay ang diwa sa isang mapag-imbot, masalimuot at
marubdob na estado sa lipunang kinagagalawan.
Gising…ika’y nanaginip o ika’y binabangungot. Muli ba (3) __________
naglakbay ang iyong diwa? Paglalakbay sa mundo ng Mobile Legend. Ano nga ba
ang mundo ng ML?
Ang Mobile Legends: Bang Bang ay isang Multiplayer Online Battle Arena na
dinesenyo para sa mga mobile phones. Mayroong dalawang magkasalungat na
grupo na naglalaban para maabot (4) __________ wasakin ang base ng kalaban
habang pinoprotektahan nila ang kanilang base para kontrolin ang kanilang
daanan, mayroong tatlong "lanes" at kilala bilang "top", "middle" and "bottom", na
kumokonekta sa magkabilang base. Bawat grupo, mayroong limang manlalaro na
kumokontrol sa isang avatar, kilala bilang "hero", sa kanilang mga sariling
kagamitan. Mga mahihinang karakter na kompyuter ang kumokontrol ay
tinatawag na "minions", naka-spawn sa base ng magkabilang grupo at pumupunta
sa tatlong lane sa base ng magkasalungat na grupo, mga kalaban at torre.
(google.com)
Totoong ang patuloy at patuloy pang yumayabong na makabagong
teknolohiya ay tunay na nakatutulong, ngunit bakit ganito? (5) _________ hindi na
yata maganda ang nangyayari. Hindi sa binabatikos ang karapatang pantao at
alam kong ako’y huhusgahan (6) __________ang kaligayahan ng mga kabataang
lulong sa Mobile legends ay (7) __________ ng isang malaking ilaw na bigla na
lamang sasabog sa pag-iisip kung mawawala ang kinahihiligan. Hindi masama na
minsan ay kinakailangan din maglibang, isang libangan ng mga kabataang
napapanahon ngunit nasa isang mag-aaral na (8) __________ ang karunungang
dapat ay matutuhan sa pag-aaral ay animo’y hindi na nakaiinteres.
Sa patuloy at papadaming mga laro pa sa mga gadgets (9) __________
kayang-kayang i-download na ay siguradong unti-unti na ring bababa ang kalidad
ng edukasyon, hindi ko isinisisi ito sa mga ML at iba pang laro ngunit nasa tao na
ito kung ano ang magiging kinahinatnan pagdating ng araw. (10) __________ mga
bang bang na iyong nilalaro, maya-maya’y pag-iisip ang mabang-
bang…tsk.tsk.tsk… baka ang karunungan na dapat ay yakapin ay baka mauwi sa
pagyakap sa kamangmangan at pagtakas na rin sa tamang
ulirat…kaibigan…gising ika’y muling binabangungot, huwag kang makipaglaro sa
hamon ng Mobile Legend, makipaglaro sa hamon ng totoong buhay. Tandaan…
baka ika’y mapag-iwanan.

Palalimin

Upang matiyak kung talagang naintindihan mo ang araling ating tinalakay,


isagawa mo ang inaasahang pagganap sa sagutang papel.
Gawain 4: Suring-pampelikula

Ikaw ay makasusuri ng isang pelikula sa patalatang paraan gamit


Goal
ang mga pang-ugnay
Role Ikaw ay magiging isang manunuri
Audience Guro, mga kapwa mag-aaral.
Ipagpalagay na ikaw ay magiging isang kritiko ng isang pelikula sa
Situation
MMFF o Pista ng Pelikulang Pilipino.
Suring-pampelikula gamit ang mga pang-ugnay sa patalatang
Product
paraan.
A. Mabisang panimula…………………………....………………35 puntos
B. Maayos at may kaisahan ang mga talata..…………….… 20 puntos
Standards
C. Mabisang paggamit ng mga pang-ugnay……….……......35 puntos
Kabuoan.……….…………..………………..…..............….100 puntos
Sukatin

Mahusay! Binabati kita dahil nakaabot ka sa bahaging ito. Batid kong marami
kang natutuhan sa iba’t ibang mga aralin sa modyul na ito. Ngayon, tatayahin mo ang
iyong kaalaman sa nakalipas na mga aralin.
PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. Panuto: Basahin at unawain mo ang sumusunod na tanong o pahayag. Isulat sa
iyong sagutang papel ang letra ng tamang sagot.
_____ 1. Pinatunayan ni Okonkwo sa pamamagitan ng sumusunod na naiiba
siya sa kaniyang tamad na amang si Unoka na nagbigay ng kahihiyan
sa kanilang pamilya MALIBAN SA ISA.
A. Namahala siya ng siyam na nayon.
B. Naging mahina siya at talunan.
C. Nakapundar ng mga ari-arian.
D. Naging matapang na mandirigma.
_____ 2. “Tinaga ni Okonkwo si Ikemefuna sa harap ng mga katribo.” Bakit
nagawa ni Okonkwo na paslangin ang batang itinuring niyang anak sa
harap ng kaniyang mga katribo?
A. Upang mas hangaan pa siya ng kaniyang mga kanayon.
B. Dahil wala siyang sinasanto kahit sino man.
C. Upang mapanatili niya ang ipinakikitang katapangan.
D. Dahil ipang-aalay ang bata sa mga diyos.
_____ 3. “Dahil sa mga problemang kinaharap ni Okonkwo, siya’y nagpatiwakal.
Sabi nga ni Obierika, si Okonkwo ay tanyag na tao ngunit dahil sa
kaniyang pagpapatiwakal, matutulad lamang siya sa isang inilibing na
aso.” Ano ang pagpapakahulugan nito?
A. Isang malaking kasalanan sa Diyos ang pagpapatiwakal.
B. Hindi isang marangal na pagkamatay ang pagpapatiwakal.
C. Sa kabila ng mga natamong tagumpay noong ika’y buhay pa,
mawawalang saysay ito kung patay ka na.
D. Tulad ng isang hayop ang lebel ng mga taong nagpapakamatay.
_____ 4. Ang sumusunod ay mga hakbang sa pagbubuo ng suring-pampelikula
MALIBAN SA ISA.
A. Isulat ang pamagat ng pelikulang susuriin.
B. Sa ikaapat na talata naman ang sinematograpiya at musika.
C. Simulan ang talata sa paglalahad ng paksa at buod ng pelikula.
D. May sapat na kaalaman sa dalawang wikang kasangkot.
_____ 5. Ayon kay Ricky Lee sa kaniyang aklat na Trip To Quiapo Scriptwriting
Manual, ang mga sumusunod ay kabilang sa dapat bigyan ng pansin
sa pagsusuri ng isang iskrip MALIBAN SA ISA.
A. Kailangang maging malinaw muna ang konseptong pinag-uusapan.
B. Malaman ang ‘major concepts’ ng materyal.
C. Dapat konektado ang lahat ng gustong sabihin ng sumulat kung
tungkol saan ba talaga ang istorya.
D. Pagpapalawak at/o pagpapaliwanag ng kahulugan.
B. Panuto: Lagyan ng angkop na pang-ugnay ang mga patlang upang mabuo ang
talata.

Sa nobelang isinulat ni Chinua Achebe matagumpay na nailahad ang


kagiliw-giliw (1) ________ tradisyon ng mga taga-Africa. (2) ________ sa
simula ay negatibo ang ipinamalas na paraan ni Okonkwo, lumilitaw naman
na sa kabuoan ng nobela, siya ang protagonista. (3) ________ susuriing mabuti,
kapansin-pansin ang isa pang kultura na mababanaag sa mga taga-Umuofia.
Akala ng mga Kanluranin, ang mga taga- Africa ay likas na tahimik (4) ________
malinaw na ipinakita ni Achebe ang kabalintunaan nito sa ugaling taglay ng
Umuofia na sila ay may komplikadong wika, punong-puno ng talinghaga (5)
________ may masining na paraan ng pamamahayag. Kapansin- pansin
din ang pagbabalik loob ni Okonkwo sa kaniyang pinagmulan, pagkilala sa
kaniyang pagkagapi at pagtanggap sa mga parusang ipinataw sa kaniya sa
kabila ng imahen ng katapangan na siya niyang ipinamumukha sa kaniyang
mga katribo.

Napakahusay! Natapos mo rin ang aralin. Sana’y


naiwan sa iyong isipan ang lahat ng mga napag-
aralan natin sa Nobela ng Nigeria at sa mga Pang-
ugnay sa Pagpapaliwanag, Pagsusuri o
Pagbibigay ng Ebalwasyon sa isang Iskrip ng
Pelikula. Nawa’y magamit mo ito sa pagsusulat
mo ng Nobela o Iskrip. Bagaman tapos na tayo sa
araling ito. Ihandang muli ang iyong sarili sa
panibago na namang aralin – Modyul 8
(Pangwakas na Gawain sa Panitikang
African at Persian).
ARALIN 7.1 (Panitikan: Paglisan)
SIMULAN
Gawain 1: Paunang Pagtataya
A. B.
1. C 1. NOBELA
2. D 2. HUMANISMO
3. D 3. EKSISTENSIYALISMO
4. A 4. PELIKULA
5. D 5. PANG-UGNAY
LAKBAYIN
Gawain 2: Paglinang ng Talasalitaan
1. dekorasyon
2. ipinaalam
3. napagtagumpayan
4. nagpasalapid
5. kagulat-gulat
Gawain 3: Komprehensiyon at Reaksiyon sa Leksiyon Iba-iba ang sagot.
GALUGARIN
Gawain 4: Nobela-suri Iba-iba ang sagot.
PALALIMIN
Gawain 5: Tradisyong Africa, Ipaliwanag Mo Nga! Iba-iba ang sagot.
ARALIN 7.2 (Wika at Gramatika: Pang-ugnay sa Pagpapaliwanag, Pagsusuri o
Pagbibigay ng Ebalwasyon sa isang Iskrip ng Pelikula)
SIMULAN
Gawain 1: Pelikulang Napanood, Suriin Mo Iba-iba ang sagot.
LAKBAYIN GALUGARIN
Gawain 2: Ayusin Mo! Gawain 3: Angkop na Pang-ugnay, Ilagay Mo!
1. 1 1. na 6. kung
2. 6 2. ng 7. tulad ng
3. 4 3. –ng 8. kung
4. 3 4. at 9. na
5. 5 5. bagaman 10. tulad ng
PALALIMIN
Gawain 4: Suring-pampelikula Iba-iba ang sagot.
SUKATIN
PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. B.
1. B 1. na
2. C 2. bagaman
3. D 3. kung
4. C 4. at
5. D 5. at
Susi sa Pagwawasto
Sanggunian
Department of Education – Curriculum and Instruction Strand (2020). Most
Essential Learning Competencies. p. 253

Ambat, V.C., et.al (2015). Filipino 10 Modyul para sa Mag-aaral. Pasig City: Vibal
Group, Inc. p. 319-329.

Pagsusuri ng Akda batay sa Teoryang Humanismo at Eksisteniyalismo. Nahango


noong Enero 24, 2021 mula sa https://www.slideshare.net/dionesioable/modyul-1-
pagsusuri-ng-akda-batay-sa-teoryang-humanismo-at-ek?from_action=save

Pagsulat ng Suring-Pelikula. Nahangi noong Enero 21, 2021 mula sa


https://www.slideshare.net/dionesioable/modyul-11-pagsulat-ng-isang-suring-
pelikula

Nigeria. Nahango noong Enero 24, 2021 mula sa


https://en.wikipedia.org/wiki/Nigeria

You might also like