You are on page 1of 13

10

FILIPINO
KUWARTER 3 – MODYUL 3

 Nasusuri ang kasiningan at bisa ng tula batay sa napakinggan.

 Nabibigyang-kahulugan ang iba’t ibang simbolismo at matatalinghagang pahayag sa tula.

 Naiaantas ang mga salita ayon sa damdaming ipinahahayag ng bawat isa.

K to 12 BEC CG (Competency Code: F10PN-IIIc-78, F10PB-IIIc-82, F10PT-IIIc-78)


Pangalan ng Mag – aaral:
Baitang at Seksiyon: Petsa:

Guro:

KASANAYAN: (PAKIKINIG, PAGBASA, PAGLINANG NG TALASALITAAN)

Hele ng Ina Sa Kaniyang Panganay na Anak


(Tula mula sa Uganda)
Isinalin sa Filipino ni Mary Grace A. Tabora
mula sa Salin sa Ingles ni Jack H. Driberg ng
A Song of a Mother To Her Firstborn

Panimula:

Magandang Buhay!

Natutuwa ako dahil nakarating ka sa Ikatlong Markahan. Ngayon naman ay


lalakbayin natin ang Republika ng Uganda na isang bansa sa Timog Silangang Africa. Ito ay
naghahanggan sa Kenya sa silangan, sa timog Sundan sa hilaga, sa Demokratikong
Republika ng Congo sa Kanluran, sa Rwanda sa timog kanluran, at sa Tanzania sa timog.
Matatagpuan sa katimugang bahagi ng bansa ang Lawa ng Victoria. Nagmula ang pangalang
Uganda sa Kaharian ng Buganda, na sumasakop sa malaking bahagi ng timog ng bansa
kabilang ang kabisera nitong Kampala. Sa simula ng huling bahagi ng ika-18 daang taon,
pinamumunuan ang lugar bilang isang kolonya ng mga Ingles. Natamasa ng Uganda ang
kasarinlan mula sa Britanya noong ika-19 ng Oktubre 1962. Opisyal na wika ang Ingles. Ang
Luwanda, ay malawakan ding sinasalita sa buong bansa gayundin ang iba pang wika
kabilang ang Swahili.

Sa lumipas na dantaon, ang kababaihan ng Africa ay lumikha ng mga tula na kanilang


inaawit. Hitik ito sa matatamis at magigiliw na pananalita at oyaying inuulit-ulit upang
ipahayag ang pagmamahal ng ina na nagsisilbi ring pang-aliw at pampaamo sa anak. Ito’y isa
sa nakaugalian ng tribong Lango o Didinga ng Uganda na naniniwalang ang kanilang mga
supling ay tila imortalidad ng kanilang magulang. Kaya naman ipakikita sa tulang tatalakayin
ang maingat na pagpili ng ina sa pangalan ng anak, mga pangarap ng ina para sa kaniyang
anak, panghuhula ng ina sa magandang kinabukasan ng anak at ang positibong pagbabagong
hatid nila sa kanilang magulang.
1
Dagdag kaalaman…
Ang tula ay anyo ng panitikan na binubuo ng saknong o taludtod. Bawat saknong
naman ay binubuo ng mga taludtod o linya at ang bawat taludtod ay nahahati sa mga pantig.
Ang mga pantig ng taludtod o mga salita o paraan ng pagbuo ng pahayag ay piling-pili, may
mga tayutay o mayaman sa matatalinghagang pananalita at simbolismo, at masining bukod
sa pagiging madamdamin, at maindayog kung bigkasin kaya’t maaari itong lapatan ng himig.

Sa pagsulat ng tula kailangang masusing isaalang-alang ang mga elemento nito. Ito ay
ang sumusunod:
1. Sukat- Ang bilang ng pantig sa bawat taludtod.
Halimbawa: Mula sa tanaga ni Ildefonso Santos
A/li/pa/tong/ lu/ma/pag
Sa/ lu/pa/ -- nag/ka/bi/tak
Sukat-Pipituhing Pantig

2. Tugma- Ang tunog ng mga huling pantig sa bawat taludtod.


Halimbawa: Mula sa tulang Kundiman ni Jose Rizal
Tunay ngayong umid yaring dila’t puso
Sinta’y umiilag, tuwa’y lumalayo.
Tugmang – Ganap

3. Kariktan- ang pagpili at pagsasaayos ng mga salitang ilalapat sa tula at ang kabuuan
nito.
Halimbawa: Mula sa tulang Tinig na Darating ni Teo S. Baylen
Ito ba ang mundong hinila kung saan
ng gulong ng inyong hidwang kaunlaran?

4. Talinghaga- ito ang pinakapuso ng tula sapagkat ito ang kahulugan ng tula o ang
ipinahihiwatig ng may-akda.

2
Hal.: Mula sa tulang Tinapay ni Amado V. Hernandez

Putol na tinapay
at santabong sabaw
sa nabiksang pinto’y iniwan ng bantay
halos ay sinaklot ng maruming kamay

Talinghaga-Nararanasang gutom ng isang mahirap.

Alam mo ba...
Hindi lahat ng salitang magkasingkahulugan ay pareho ang ibig sabihin. Hindi
maaaring pagpalitin ang mga gamit ng mga ito. Bagaman iisa ang malawak na
kahulugan, magkaiba naman ang tindi ng ipinahahayag nito. Magkaiba ng digri o tindi ng
nais iparating nito, lalo na kapag ginamit sa pangungusap.
Ang klino ay isang paraan ng paglinang ng kasanayan sa talasalitaan. Ito ay
isinasagawa sa pamamagitan ng pagbibigay pinasidhing antas ng simpleng salita.

Halimbawa. Kinupkop, Inalagaan, Tinangkilik, Kinalinga

(Sagot) Inalagaan, Kinalinga, Kinupkop, Tinangkilik

Unibersal na kaalaman na ang bawat magulang ay naghahangad ng magandang


kinabukasan sa kaniyang anak. Ito ang pinapaksa ng tula ng isang inang taga-Uganda
para sa kaniyang sanggol sa akdang Hele ng Ina sa Kaniyang Panganay. Pakinggan at
unawaing mabuti ang akda upang iyong matuklasan ang katangian ng tulang malaya at
makita ang kaibahan nito sa tulang tradisyunal, maging ang kultura ng bansang
pinagmulan nito. Mapatutunayan mo rin na ang mga simbolismo at matatalinghagang
pananalita ay nakatutulong sa pagiging masining ng pagbuo ng taludturan ng isang tula.

Narito ang tula mula sa Uganda, ipabasa sa nakatatandang kasama sa bahay at


makinig nang mabuti upang ito’y maunawaan at maintindihan.

3
Hele ng Ina sa Kaniyang Panganay na Anak
Isinalin sa Filipino ni Mary Grace A. Tabora
mula sa Salin sa Ingles ni Jack H. Driberg ng
A Song of a Mother To Her Firstborn

Mangusap ka, aking sanggol na sinisinta. Mangusap ka sa iyong namimilog at


nagniningning na mga mata, Wangis ng mata ng bisirong-toro ni Lupeyo. Mangusap ka,
aking musmos na supling. Ang iyong mga kamay na humahaplos sa akin. Na puno ng
tibay at tatag bagaman yari’y munsik. Magiging kamay ito ng mandirigma, aking anak.
Kamay na magpapasaya sa iyong ama. Tingnan mo’t nananabik na ako’y sapulin:

Nagbabalak nang humawak ng panulag na matalim.


Aking giliw, ngalan ng mandirigma sa’yo ilalaan,
at mamumuno sa kalalakihan.
At ika’y hahalikan sa yapak ng mga kaapo-apohan,
Kahit pa malaon nang naparam sa sanlibutan.
Ngunit lagi kong maaalala ang pagkapit mo sa akin,
Maging ang paghimlay mo sa aking dibdib,
At ang pagsulyap-sulyap sa akin.
Kapag ika’y itinanghal na gererong marangal,
Ako’y malulunod sa luha ng paggunita.

Munting mandirigma, paano ka namin pangangalanan?


Masdan ang pagbubuskala sa pagkakakilanlan.
Hindi hamak na ngalan sa iyo’y ibibigay,
Hindi ka rin ipapangangalan sa iyong amang si Nawal sapagkat ika’y panganay.
Higit kang pagpapalain ng poon at ang iyong kawan.
Ikaw ba’y tatawaging “Hibang” o “Kapusugan?”

Ikaw ba’y tatawaging waring dumi ng baka na “anak ng kamalasan?”


Ang poo’y di marapat na pagnakawan, Sa iyo’y wala silang masamang
pinapagimpan. Ika’y kanilang pinaliguan at dinamitan ng kagandahan.

Ika’y biniyayaan ng mga matang naglalagablab.


At ang pambihirang pangungunot ng iyong kilay
Ay hindi ba palatandaan na ika’y maingat nilang pinanday?
Yaman ni Zeus at Aphrodite sa iyo’y kanilang inalay.
At ang katalinuhang nangungusap sa iyong mga mata,
Maging sa iyong halakhak.
Paano ka pangangalanan, aking inakay?
Ikaw ba’y lahi na iyong lahi o naiibang nilalang?
4
Munting mandirigma, sinong anito sa iyo’y nananahan?
Kaninong mapagpalang kamay ang sa aking dibdib dumadantay?
Sinong yumuyungyong sa iyo’t nagpapasigla ng buhay?
Ikaw ba’y kanlong ng kapayapaan?
Ngunit ika’y tila leopardong nasa palumpong at tumatanaw.
Hayaan, sa araw na yao’y iyong ibubuyangyang.
Aking supling, ngayon ako’y nasa kaluwalhatian.
Ngayon, ako’y ganap na asawa.
Hindi na isang nobya, kundi isang ina.
Maging maringal, aking supling na ninanasa.
Maging mapagmalaki kaparis ng aking pagmamalaki.
Ika’y magbunyi kaparis ng aking pagbubunyi.
Ika’y irugin kaparis ng pagliyag na aking nadarama.
Anak, na ibinunga ng pag-ibig ng matipunong kabiyak.
Sa wakas, ako’y kahati ng kaniyang puso, ina ng kaniyang unang anak.
Ang kaniyang kaluluwa’y ligtas sa iyong pag-iingat,
Aking supling, ako, ako na sadyang sa iyo’y humulma.

Samakatuwid, ako’y minahal.


Samakatuwid, ako’y lumigaya.
Samakatuwid, ako’y kapilas ng buhay.
Samakatuwid, ako’y nagtamasa ng dangal

Iingatan mo ang kaniyang libingan kung siya’y nahimlay.


Tuwinang gugunitain yaring kaniyang palayaw.
Aking supling, mananatili siya sa iyong panambitan,
Walang wakas sa kaniya’y daratal mula sa pagsibol ng ‘yong kabataan.
Ikaw ang kaniyang kalasag at sibat, pag-asa’t kaligtasan sa hukay.
Sa iyo, siya’y muling mabubuhay tulad ng suwi sa kalupaan.
At ako ang ina ng kaniyang panganay.
Ika’y mahimbing, supling ng leon, nyongeza’t nyumba. Ika’y mahimbing,
Ako’y wala nang mahihiling.

Pagkatapos mapakinggan ang tula ay handa ka na para sagutin ang mga sumusunod
na mga gawain.

Gawain I. Tarukin Mo!


Panuto: Sagutin ang sumusunod na mga tanong.
1. Sino ang persona sa tula? Ano ang kaniyang pangarap?
2. Sa ano-anong bagay inihambing ang sanggol? Bakit ito ang mga ginamit sa
paglalarawan sa katangiang taglay niya?
5
3 Anong kaugalian at kultura ng mga taga-Uganda ang lumutang sa tula? Ibigay ang
iyong pananaw ukol dito?
4. Makatuwiran bang iugnay ang pagkakakilanlan at katangian ng isang anak sa
kaniyang ama? Sa poon?
5. Anong bisang pangkaisipan at bisang pandamdamin ang natutuhan pagkatapos basahin ang
akda? Ipaliwanag

Gawain II: Mga Salita…Iantas!


Panuto: Iantas ang mga salitang nakasulat nang madiin ayon sa tindi ng damdaming
ipinahahayag ng bawat isa. Isulat ang 1 para sa pinakamababaw at 3 sa pinakamatindi.
Gawing gabay ang konteksto ng mga pangungusap sa pag-aantas.

1. Nagalusan ako sa aking pagkakadapa.

2. Nang mahawakan ko ang alambre nahiwa ang aking kamay.


3. Nasugat ako sa kutsilyong gamit ko habang nagbabalat ng gulay.

4. May sumutsot sa bandang likuran.

5. May tumatawag sa akin sa labas.

6. Binulyawan ako ng aking nanay.

7. Sumigaw nang malakas ang matanda

8. Hindi ko na matiis ang pang-aapi nila sa akin.


9. Naaalala ko ang paghamak na ginawa niya sa akin.
10 Isang pag-aalimura ang pagtapak sa aking pagkatao.
.
GAWAIN III. TULA KAY GANDA!
Panuto: Ang tula ay hindi lang basta maganda at masining. Bagkus, ito ay nagtataglay ng
mga bisang pumupukaw sa isipan at damdamin. Suriin at lagyan ng tsek (/) ang mga bisang
taglay ng tula, ekis (x) sa hindi. Maglahad ng paliwanag sa mga nilagyan mo ng tsek.

1. Dama ang saya at pagmamalaki ng may-akda sa pagkakaroon ng isang anak.


__________________________________________________________________________
6

2. Galit ang namayani sa ina sa pagmamalupit na dinanas ng anak.


___________________________________________________________________________
3. Humihingi ng kalayaan sa pang-aapi at kalupitan ang mensaheng ipinararating ng
tula.

___________________________________________________________________________

4. Magandang pangalan ang hinihiling ng ina para sa kanyang anak upang sa kanyang
paglaki ay maging magiting ito.
___________________________________________________________________________

5. Mabisang nailalarawan ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak.


___________________________________________________________________________

6. Naghahangad ang ina na magkaroon ng maringal na buhay ang kanyang anak.


___________________________________________________________________________

7. Walang hanggan ang pagmamahal ng isang ina para sa kanyang anak.


___________________________________________________________________________

8. Hinuhulaan ng ina na ang kanyang anak ay magiging ama at mahusay na pinuno


balang araw.
__________________________________________________________________________
9. Wala ng mahihiling pa ang ina sapagkat siya ay kontento na sa kaniyang anak at
asawa.

10. Dama ang pag- ibig at pangarap sa bawat salitang binibitawan ng ina para sa
kaniyang anak.

GAWAIN IV. TULA-HULUGAN!

Panuto:. Basahin ang mga sumusunod na matatalinhagang pahayag mula sa Hele ng Ina sa
Kaniyang Panganay at bigyan ito ng sariling pagpapakahulugan.
1. Mangusap ka, aking sanggol na sinisinta.
Mangusap ka sa iyong namimilog at nagniningning na mga mata,
Wangis ng mata ng bisirong-toro ni Lupeyo.

2. Maging ang paghimlay mo sa aking dibdib.


At ang pagsulyap – sulyap mo sa akin.
Kapag ika’y itinanghal na gererong marangal
Ako’y malulunod sa luha ng paggunita.

3. Ikaw ba’y tatawaging “Hibang” o “Kapusugan?”


Ikaw ba’y tatawaging waring dumi ng baka na “anak ng kamalasan?”

4. Ika’y biniyayaan ng mga matang naglalagablab.


At ang pambihirang pangungunot ng iyong kilay
Ay hindi ba palatandaan na ika’y maingat nilang pinanday?
Yaman ni Zeus at Aphrodite sa iyo’y kanilang inalay.

5. Aking supling, ngayon ako’y nasa kaluwalhatian.


Ngayon, ako’y ganap na asawa.
Hindi na isang nobya, kundi isang ina.
Maging maringal, aking supling na ninanasa.

Mahusay ang ipinakita mong tiyaga upang matutuhan at maunawaan ang modyul
na ito. Ngayon ay handa ka na sa pagtataya.

7
PAGTATAYA
A. Panuto: Ibigay ang kahulugan ng mga salita batay sa simbolismo at matatalinghagang
pahayag na matatagpuan sa tulang binasa. Piliin at isulat sa patlang ang letra ng tamang
sagot.

___1. Wangis ng mata ng bisirong toro ni Lupeyo.


a. inihahambing ang mata b. walang katulad ang mata c. bisiro ang mata
___2. Nagbabalak na humawak ng panulag na matalim.
a. sumuko na lamang b. lumaban sa gyera c. maging isang mandirigma
___3. Itinanghal na gererong maringal.
a. kalimutan b. kilalanin c. kamuhian
___4. Anak ng kamalasan.
a. wala sa tamang isip b. isinumpa c. masamang kapalaran
___5. Matang naglalagablab.
a. galit na galit b. matapang c. palaban
___6. Matipunong kabiyak
a.malakas b. mabuti c. matikas
___7. Pagsibol ng iyong kabataan
a. magandang panimula b. isang simulain c. mabuti
___8. Di nasisilaw sa ilaw
a. di bulag b. kuntento c. tuso
___9. Dapat mong layuan, iya’y palamara
a. mapanlinlang b. mang-aapi c. mapanlamang
___10. Ito’y siya pa ngang nagpabuyong tunay
a. kabutihan b. kasamaan c. nagpadala

B. Panuto: Tukuyin ang kahulugan ng mga simbolismo at matatalinghagang pahayag na


ginamit ng may-akda sa tula. Bilugan ang titik ng tamang sagot. Ipaliwanag ang naging
kasagutan.

11. Mangusap ka, aking musmos na supling. Ang iyong mga kamay na humahaplos sa akin,
na puno ng tibay at tatag bagaman yaring munsik, magiging kamay ito ng mandirigma, aking
anak.

a. Mga supling na hinahaplos ng mga ina


b. Ang inang umaasang ang kanyang anak ay magiging matapang at matatag.
c. Ang inang kinakausap ang anak at ipinagdarasal na maging malakas.
___________________________________________________________________________

12. Nagbabalak ng humawak ng panulag na matalim. Aking giliw, ngalan ng mandirigma


sa’yo ilalaan at mamumuno sa kalalakihan at ikaw ay hahalikan sa yapak ng mga kaapo-
apohan.

a. Mga matatapang na nais maangkin ang kapangyarihan na mandirigma.


b. Magiging isang sundalo at pipili ng pinuno.
c. Siya’y ipagmamalaki at magiging pinuno sapagkat magiging isang mandirigma.
___________________________________________________________________________
8
13. Ika’y biniyayaan ng mga matang naglalagablab. At ang pambihirang pangungunot ng
iyong kilay, ay hindi ba palatandaan na ika’y maingat nilang pinanday?

a. Naging isang kadakilaan ang kanyang mata.


b. Hinubog nang maayos ang anak bilang isang biyaya.
c. Inalayan ng magandang pagkakataon.
___________________________________________________________________________

14.Ika’y irugin kaparis ng pagliyag na aking nadarama. Anak na ibinunga ng pag-ibig ng


matipunong kabiyak.

a. Mamahalin sapagkat bunga ng pagmamahalan ng dalawang tao.


b. Aalagaan dahil siya ay kanyang anak.
c. Masunuring anak sa kanyang ina.
___________________________________________________________________________

15. At ako ang ina ng kaniyang panganay. Ika’y mahimbing, ako’y wala nang mahihiling.

a. Gagawin ng isang ina ang lahat ng magandang paraan para sa ikabubuti ng kanyang anak.
b. Gagawin ng ina ang lahat kahit na taliwas para sa kanyang anak.
c. Gagawin ng ina kahit ito’y kumapit sa patalim.
_________________________________________________________________________
C. Panuto: Isaayos mula bilang 1-3 ang mga salita batay sa sidhi ng damdaming
ipinahahayag ng bawat isa, ang 3 o 4 ang pinakamataas na antas. Gamitin ang tsart at gawin
ito sa sagutang papel.

4. _______________
16-19. kagalakan
kasiyahan 3.
kaligayahan 2.
katuwaan, 1.

20-22.
angkinin, 3.
kunin 2
agawin 1.

23-25. maliit 3.
munti 2.
musmos 1.

9
SUSI SA PAGWAWASTO

GAWAIN I. Ang bahaging ito ay mamarkahan ng guro.

GAWAIN II.
1. 3 6. 4
2. 2 7. 3
3. 1 8. 1
4. 1 9. 2
5. 2 10. 3

GAWAIN III.
1. / 6. /
2. x 7. /
3. / 8. /
4. / 9. /
5. / 10. /

GAWAIN IV. Ang bahaging ito ay mamarkahan ng guro.

SANGGUNIAN:
AKLAT:
Ambat, Vilma C., 2014 Panitikang Pandaigdig Filipino 10 MOdyul ng mga Mag –
aaral, 5th Floor Mabini Blgd., DepEd Complex, Meralco Avenue Pasig City
Phillipines 1600

Marasigan, Emily V., 2015, Pinagyamang Pluma 10 Aklat I, Phoenix Publishing


House, Inc. 927 Quezon Ave., Quezon City

INTERNET:
https://www.coursehero.com/file/55943719/Mga-Salita-Ayon-Sa-Tindi-Ng-
Ipinahahayagdocx/

10
SUSI SA PAGWAWASTO (PARA LAMANG SA GURO)
PAGTATAYA

1. a
2. c
3. b
4. c
5. b
6. c

7.b

8.b
9. a
10. c
11.c
12.c
13.b
14.a
15.a
16. (4) kagalakan
17. (3) kaligayahan

18. (2) kasiyahan

19. (1) katuwaan

20. (3) angkinin

21. (2) agawin

22. (1) kunin

23. (3) musmos

24. (2) munti

25. (1)maliit

11

You might also like