You are on page 1of 3

Ang Kalagayan ng Pabahay sa Kasalukuyan

Mga Tagapanukala:

Ananayo, Aizel L.
Dulnuan, Janice D.
Francisco, Krizia Joy
Pugong, Thrisha P.

Introduksiyon

Isa ang tahanan sa mga pangunahing pangangailangan para sa buhay ng tao. Napakahalaga
sa bawat pamilya o bawat tao na magkaroon ng sapat na tirahan. Tirahan kung saan siya o sila ay
masaya at komportableng mamumuhay.
Sa paglipas ng panahon, patuloy ang paglobo ng populasyon sa bansa dahilan upang ang
marami sa ating mga Filipino ay mawalan ng tirahan. Ang kababayan nating walang maayos na
tirahan ay napipilitang manirahan sa mga lugar na mapanganib katulad na lamang ng mga esteros,
riles ng tren, condemned buildings, at sa ilalim ng tulay. Ang ilan ay ilegal na inookupahan ang
mga lugar na pagmamay-ari ng indibidwal at gobyerno na nagiging ugat ng alitan sa ilang
kababayan. Maraming maralita ang nawawalan ng tahanan lalo na sa lugar ng mga iskuwater dahil
sa demolisyon, gayundin ang mga nasunugan at nasalanta ng bagyo at iba pang mga trahedya.
Ang pamahalaan ng Pilipinas ay nagtatakda ng napakaraming serbisyo publiko sa mga
Filipino. Patuloy na binibigyang pansin ang pangunahing pangangailangan tulad ang damit,
pagkain at tirahan. Kaugnay nito, nabuo ang Pambansang Pangasiwaan sa Pabahay (National
Housing Authority), isang ahensiya ng pamahalaan na nasa tatlumpu’t siyam na taon na sa
serbisyong pabahay ng masang Filipino. Kabilang dito ang mga benpisyo’t karapatan ng bawat
Filipino at ang mga proseso ng pagkamit ng tahanang naaayon sa maka-tao at maka-bansang
katugunan.

Talakay
Isa sa mga pilit na tinutugunan ng ating pamahalaan ay ang problema sa pabahay dulot ng
kahirapan sa ating bansang Pilipinas. Sa katunayan sa inilabas na uat ng kagawaran ng Badyet at
pamamahala noong taong 2017, pumapatak na mahigit kumulang 11.7 bilyong piso ang inilaang
badyet para sa pabahay at housing amenities. Ang pabahay ay hindi lamang pagkakaroon ng
bubong na masisilungan. Nagbibigay din ito ng tulong, serbisyo’t pagkakataon upang umangat at
mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mga benepisyaryo sa isang bagong komunidad at
kapaligiran.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang populasyon ng bansa ay umabot
na sa 109 milyon o katumbas ng 24.8 milyong sambahayan. Mula taong 2017 hanggang ngayong
2022, ang pangangailangan sa pabahay sa ating bansa ay aabot sa 6.5 milyong unit ayon sa PSA.
Kung hindi masosolusyonan ay maaaring tumaas sa 22 milyon na housing unit sa taong 2040 ayon
kay Rep. Florida Robes, Vice Chairperson ng House Commi ttee on Housing and Urban
Development.
Ito ang nais tugunan ng pamahalaan sa pamamagitan ng pambansang pabahay para sa
Filipino program ng administrasyong Marcos. Anim na milyong unit ng pabahay o isang milyong
unit kada taon. Katuwang nito ang Department of Human Settlements and Urban Development
(DHSUD) at mga lokal na pamahalaan. Maayos at murang pabahay ang target maipatayo ng
DHSUD sa iba’t ibang bahagi ng bansa para abot kaya kahit nang mga minimum wage earners; may
socialized housing na nagkakahalaga ng 580,000.00 o 1,912 kada buwan, upgraded housing na
800,000.00 o 2,637.00 kada buwan, midrise o high-rise na 1,000,000 o 3,580 kada buwan sa loob
ng tatlong taon. Ito ay hindi lamang upang matugunan ang kakulangan sa pabahay kundi upang
umangat ang ekonomiya ng bansa.
Sa kabila ng magandang programang ito ng pamahalaan ay may mga nananatiling usapin
ukol sa serbisyong pabahay ng gobyerno. Isa na dito ang mabagal na proseso sa
pakikipagtransaksiyon sa mga opisina at ahensiya ng gobyerno o mas kilala sa tawag na red tape.
Dulot nito ay malaking pasakit sa mga tao dahil sa mahabang oras na gugugulin, dobleng gastos at
pagod na kadalasan ay napupunta sa wala o kaya’y hinintay ng matagal na panahon. Upang
masupil ang mabagal na serbisyo ng ahensiya ng pamahalaan ay pinirmahan ng dating pangulo,
Rodrigo Duterte ang Ease of Doing Efficient Government Service Delivery Act of 2018 na
magpapaigting pa sa kasalukuyang Anti-Red Tape Act. Upang masiguro na maipapatupad ang
nilalaman ng batas ay isang bagong tanggapan ang binuo, ito ang Anti- Red Tape Authority o
(ARTA). Mungkahi ni Robes na paikliin ang mga pamamaraan o proseso at magtayo ng one-stop-
shop center na tutugon sa anumang isyu pagdating sa pabahay. Mainam din kung hihigpitan ng
pamahalaan ang bawat ahensya na nagproproseso sa mga dokumento o bigyan ng karampatang
kaparusahan upang mabawasan ang ganitong uri ng kalakaran.
May mga isyung katiwalian din na nagaganap sa politika katulad na lamang ng korapsiyon.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mabagal ang implimentasyon ng mga programa’t serbisyo ng
pamahalaan. Pinapalala nito ang kahirapan sa ating bansa at ito din ang matagal nang pumipinsala
hindi lamang sa kalidad ng serbisyong hatid ng gobyerno kundi pati narin ang tiwala ng publiko sa
pamahalaan.
Isa din na suliranin ay ang hindi pagtangkilik o ayaw pagtira ng mga tao sa mga socialize
housing unit dahil malayo ito sa lugar ng trabaho at kakulangan sa supply ng mga pangunahing
pangangailangan kagaya ng tubig. Isa sa solusyon na binanggit ni Robes, Vice Chairperson ng
House Committee on Housing and Urban Development ay ang pagkakaroon ng trabaho sa paligid
ng mga housing project katuwang ng pamahalaang nasyonal ang pribadong sektor at mga
pamahalaang lokal. Mas mainam na kapag may relocation sa mga informal settlers, dapat tiyakin
ng pamahalaan na naroon ang mga pangunahing pangngailangan gaya ng kuryente, tubig,
transportasyon, drainage system, at iba pa. Mabuti din kung accessible ang lugar sa mga
commercial areas katulad ng palengke at ng mga factories upang hindi na lumayo ang mga tao sa
paghahanap ng trabaho.

Pangwakas
Sa kasalukuyan, ang programa ng administasiyong Marcos na pambansang pabahay para
sa Filipino ay nasimulan na sa Quezon City na kung saan ay may 14,000 units. Kasunod nito ay ang
ground breaking sa Marieveles Bataan, at sa mga lungsod ng Bacolod, Roxas, Ilo-ilo, Cebu at ang
bagong sibol housing project sa Marikina City. Ayon kay Secretary Jose Rizalino”Jerry” L. Acuzar,
secretarya ng DHSUD, naiiba ang housing project na ito ng gobyerno kumpara sa mga
nakasanayang housing project dahil itatayo ang mga pabahay sa mga lungsod kung saan
nagtratrabaho ang mga benepisyaryo. Lalagyan din ito ng eskelahan, maiit na hospital, palengke
at livelihood program. Dagdag pa niya, bagsak presyo din upang hindi mabigat sa bulsa ng mga
minimum wage earner. Ang mga LGU naman ang tutukoy sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng
pabahay na ito.
Ang pabahay na ito ay malaking tulong para sa ating mamamayang Filipino lalo na sa mga
apektado ng kalamidad at walang tahanan kaya dapat natin itong bigyan ng halaga. Upang maging
matagumay ang programang ito, kinakailangan ng isang organisadong ahensiya at tapat na
pamamahala upang maipatupad ng maayos ang bawat proyekto. Lahat tayo ay may karapatang
magkaoon ng maayos at ligtas na tahanan kaya bilang mamamayang Filipino, tayo ay magkaisa at
suportahan ang mga programa ng pamahalaan para sa ikauunlad ng ating bansa.

Ang mga datos ay nahango mula sa mga sumusunod na sanggunian


D. Cargullo (2021). Usapin sa pabahay malaking problema pa rin sa bansa; maituturing nang krisis
ayon ay Rep. Robes. Newsflash.ph Retrieved March 11, 2021
https://newsflash.ph/usapin-sa-pabahay-malaking-problema-pa-rin-sa-bansa-maituturing-nang-
krisis-ayon-ay-rep-robes/

Home for every Juan Project, GMA News. Retrieved September 22, 2022
https://www.youtube.com/watch?v=ZwsQ7FPVevA

Bagong Sibol Housing Project sa Marikina, pinasinayaan | SONA. GMA News. Retrieved October 7,
2022
https://www.youtube.com/watch?v=KriTR0Hi1Yg

You might also like