You are on page 1of 1

Ang Alamat ng Bayabas

Noong unang panahon, sa isang kaharian ay may naninirahang Hari na kilalang-kilala dahil sa pagkakaroon ng
ginintuang puso. Kung tawagin siya ay Haring Abas. Araw-araw, hindi kinaliligtaan ng butihing Hari ang mag-ikot
sa nasasakupang lupain. Nais niyang makasiguro na nabubuhay nang matiwasay ang bawat pamilya sa kanyang
kaharian. Kahit walang okasyon ay namamahagi siya ng pagkain, damit, gamot at pera sa mga kapuspalad. Kaya
naman mahal na mahal siya ng mga tao. Madalas ay naglilingkod sila sa palasyo bilang pasasalamat kay Haring
Abas.

Minsan, may mga dayuhang pumasok sa kaharian. Nais nilang sakupin at angkinin ang kayamanan ni Haring
Abas, ngunit hindi sila nagtagumpay. Ang mga mamamayan ng Hari ay nagkaisa. Buong tapang nilang
ipinagtanggol si Haring Abas at ang pamilya nito. Sapat na ang pangyayaring iyon upang lalong pag-ibayuhin ng
Hari ang pagtulong sa mga tao. lsang araw habang namamasyal ang Hari, may gusgusing batang babae ang
sumunod sa kanya. Nang mapansin ng Hari ang bata agad siyang huminto upang usisain kung ano ang nais nito.
Napag-alaman ng Hari na ang bata ay si Gracia, isang ulila nang lubos at nabubuhay sa pamamagitan ng
pamamalimos at pangangalakal ng basura. Dahil sa habag ng hari, ang bata ay kanyang inampon at itinuring na
parang isang tunay na anak.

Samantala, hindi naibigan ng maybahay ng Hari na si Reyna Regina ang pangyayaring ito.

"Bakit umampon ka pa, e, mayroon naman tayong dalawang anak na lalaki," inis na sabi ng Reyna.

"Kailangan ni Gracia ng mga magulang. Hindi ka ba naaawa sa kanya? Babae pa naman ay nagpapalabuy-laboy sa
lansangan. At saka hindi naman mauubos ang ating kayamanan kung siya'y ating kukupkupin at pag-aaralin,"
wika ng Hari.

Iginalang ng Reyna ang pasya ng Hari. Simula noo'y nabuhay nang maligaya si Gracia sa palasyo. Unti-unti ay
napamahal na rin siya sa Reyna dahil sa taglay niyang sipag at kabaitan.

Isang araw, nagkasakit nang malubha ang Hari. Marami nang manggagamot ang sumuri sa kanya subalit pawang
nabigo ang mga ito na mapagaling ang Hari. Hindi nga nagtagal at ang Hari ay binawian ng buhay. Nagluksa ang
buong kaharian. Nadama ng lahat ang pagkawala ng Hari. Maraming tao ang nagsipunta sa palasyo upang
makiramay sa pamilya ng kanilang mabait na pinuno. Bilang patunay ng walang kapantay na pagmamahal nila
kay Haring Abas, nagtulung-tulong silang gumawa ng rebultong bato na kasinlaki at kamukha ng kanilang
namatay na Hari. Araw-araw ay nililinis nila ito at inaalayan ng sariwang bulaklak.

Si Gracia naman ay patuloy na nanirahan sa palasyo. Pinaglingkuran niya nang taos-puso ang Reyna. Siya rin ang
matiyagang nag-aalaga sa puntod ng Hari. Pagkaraan ng maraming taon, may napansin si Gracia na kakaiba sa
puntod ng Hari. Isang punong madahon ang tumubo sa lugar na pinagbaunan sa kanya. Pagkalipas ng ilang
buwan ito'y nagbunga ng mabibilog at may koronang prutas. Nang buksan ni Gracia ang prutas, maraming maliliit
na buto ang kanyang nakita. Nang malaman ito ng Reyna nabuo sa isip niya na ang bunga ng puno ay simbolo ng
mga taong natulungan ng kanyang asawa.

Kumalat sa buong kaharian ang balita tungkol sa prutas na may korona. Dahil sa naniniwala din ang mga tao na si
Haring Abas nga ang prutas na ito, sa halip na kainin ay itinanim nila ang mga buto nito sa kapaligiran. Dumami
nang dumami ang puno. Lahat halos ng bakurang sakop ng kaharian ay mayroon nito. Nasisiyahan ang mga tao
habang pinagmamasdan ang mga punong hitik na hitik sa bunga.

Pagkalipas ng maraming taon, natuklasan ng mga tao na masarap at masustansya ang prutas na may korona.
Naisip din nilang kung nabubuhay lamang si Haring Abas ay gugustuhin niyang pakinabangan ang mga prutas sa
halip na masayang. Simula nang kainin ng mga tao ang prutas, tinagurian nila itong bayabas na ang kahulugan
para sa kanila ay bayani si Haring Abas. Talagang napakabuti si Haring Abas. Kahit patay na siya ay nagawa pa rin
niyang magbigay sa mga tao. Ito ay sa pamamagitan ng mga prutas ng bayabas na bukod sa mabitamina ay may
dahon pa ring magaling magpagaling ng sugat.

You might also like