You are on page 1of 8

SAN PABLO COLLEGES

COLLEGE OF NURSING

Antas ng Kakayahang
Komunikatibo sa Wikang
Filipino ng mga mag-aaral ng
BSN at ang Epekto nito sa
Pagbibigay ng Kalidad na
Pangangalaga sa mga
Pasyente
Mga Kaugnay na Literatura
Ang pagusbong ng terminong kakayahang pangkomunikatibo o communicative competence ay
nagmula sa linguist, sociolinguist, anthropologist,at folklorist mula sa Portland Oregon na si Dell
Hymes. Sa pagaaral ni Hymes ay binuo niya ang akronim na SPEAKING upang ipahayag kung
ano ang kakayahang komunikatibo at mahahalagang salik na sosyo-kultural at iba pang elemento
na dapat isaalang-alang sa pagkakaroon ng epektibong pagpapayahag. Sa bawat letra ng salitang
SPEAKING ay mabubuo ang kahulugan ng kakayahang komunikatibo. Sa letrang S ay
ipinapakita ang “settings” na tumutukoy kung saan nag-uusap ang mga indibidwal. Sunod naman
ay letrang P na tumutukoy sa “participants” o kung sino ang naguusap. Ikatlo ay letrang E na
tumutukoy sa “ends” o kung ano ang layon ng pag-uusap at sunod rito ay letrang A o “act
sequence” na nagpapatungkol sa kung paano ang takbo ng usapan. Ikalimang letra ay K o “keys”
kung saan inaalam kung pormal ba o di-pormal ang usapan at sa letrang I o “instrumentalities”
ay tinutukoy kung ang pakikipagkomunikasyon ba ay nasa anyong pasalita o pasulat. Kasunod
nito ay ang letrang N o “noun” na tumutukoy sa paksa ng pag-uusap at huli ay ang letrang G o
“genre” na inaalam kung ang paguusap ba ay nagsasalaysay, nakipagtalo, o nagmamatuwid.
Dagdag pa rito ni ang paniwala ni Hymes na ang kakayahang komunikatibo ay nagbigay ng
isang pamamaraan para sa pagsusuri ng isang pangyayaring nag-uusap sa konteksto ng sosyo-
kultural na kalagayan, na nagdadala ng pamamaraang antropolohikal sa wika. Kinikilala ng
kanyang modelo ang iba't ibang mga kadahilanan nanakakaimpluwensya sa komunikasyon, tulad
ng kung ano ang sasabihin, kailan sasabihin ito, kanino sasabihin ito, kung paano ito sasabihin, at
sa anong hangarin.
Sa pagbibigay depinisyon ni Foster (1992), ipinahayag na ang kakayahang komunikatibo ay ang
kabuuang kaalaman at kasanayan na nakakatulong sa tagapagsalita sa epektibong
pakikipagkomunikasyon sa wastong kontekstong panlipunan. Ang wila ay nililinang ang
kakayahang komunikatibo ng isang mag-aaral (Porter, 2009). Sinasabi na mahalaga ang
kakayahang komunikatibo sapagkat sa pasalitang diskurso at pakikipagkomunikasyon ay
mahalaga na mabigyang linaw ang kahulugan ng ipinapahayag at kasabay nito ang pagsasaalang-
alang ng kalagayang sosyal. Ayon kina Canale, M. at Swain, M., ang kasayanyan sa
pakikipagkomunikasyon ay mayroong mga component at ito ay ang gramatikal, sosyo-
lingguwistik, diskorsal, at istratedyik na kung saan ay nabibigay ng kakayahan sa tagapagsalita
na maging sanay sa pagsasalita. Dagdag pa rito ay binigyang linaw ni Dayao at Del Rosario
(2016) na sa silid-aralan nagaganap ang pagkatuto at paglinang sa kakayahang komunikatibo ng
mga Pilipino. Nasusukat aniya ang kakayahang pangkomunikatibo ng mga mag-aaral sa kanilang
tatas sa pagsasalita ng wika, kakayahang umunawa, at makagamit ng tamang salita o wika sa
angkop na pagkakataon lalo na sa mga awtentikong sitwasyon. Kaugnay na rito ang pagbibigay
kahulugan ni Hymes at Lilis sa kakayahang komunikatibo kung saan kanilang inihayag na ang
kakayahang komunikatibo bilang kakayahang makipagtalastasan taglay ang pananalitang
angkop sa kalagayan, pangyayari, at kaligirang sosyal gamit ang wastong aspektong pambalarila
sa pag-unawa at paggamit ng wika.
Mahalaga ang wika. Malaki ang papel na ginagampanan nito sa pagkakaroon ng unawaan,
ugnayan, at mabuting pagsasamahan. Ito ang itinuturing na instrumento sa pagpapahayag at
tagapagbitbit ng kaalaman, kultura, at kasaysayan ng isang lipunan o bansa. Iba't ibang
sitwasyong ginagamitan ng wika gaya ng pagtatakda, paglilimita, pagbibigay- katawagan sa mga
bagay o sa tao, tungkulin nitong matasa ang mga bagay, behikulo ng pagtataya sa mga
pangyayari sa hinaharap kasama na rin sa paglalahad ng mga karanasang pangnagdaan at
pangkasalikuyan, pagpapabatid ng impormasyon sa iba't ibang uri at antas nito, at katungkulang
dapat sundin o pahalagahan (Morong, et al., 2009). Sa pag-aaral ng wika mayroong dalawang
kakayahan na dapat bigyan ng pansin at isa na rito ay ang kakayahang komunikatibo. Ayon kay
Garcia, et al., 2008, ang kakayahang ito ay tumutukoy sa paglalapat ng mga kaalamang lampas
sa gramatika o balarila. Mahalaga rito ang mabisang paggamit ng wika para sa ganap na
pagkakaunawaan. Dagdag pa rito, ang kakayahang ito ay tumutukoy sa paggamit ng wika hindi
lamang sa pagkakaroon ng kakayahang linggwistika o gramatika sa epektibong
pakikipagtalastasan gamit ang wika. Ito rin ay sumasaklaw sa kaalaman sa paraan ng wika ng
linggwistikong komunidad na gumagamit nito upang matugunan at maisagawa ang isang
layunin.
Sinasabing ang kakayahang komunikatibo ay sumasaklaw sa tatlong kakayahan: linggwistiko,
sosyolingguwistiko, at diskorsal. Ang kakayahang pangwika o lingguwistiko ay
nangangahulugan kung gaano kahusay ang isang tao sa paggawa ng kahulugan kapag sila ay
nagsasalita o nagsusulat. Iba ito sa kakayahang gumamit ng mga tamang salita sa isang
sitwasyong panlipunan. Ang kakayahang lingguwistiko ay isang ideyal na sistema ng di-malay o
likas na kaalaman ng tao hinggil sa gramatika na nagbibigay sa kaniya ng kapasidad na gumamit
at makaunawa ng wika. Ang “linguistic competence” ay tungkol sa pagiging talagang mahusay
sa paggamit ng wika nang tama upang maunawaan ng mga tao ang iyong sinasabi. Kabilang dito
ang paggamit ng mga tamang salita at pagsasama-sama ng mga ito sa tamang pagkakasunod-
sunod. Kapag nagsasalita ka o sumulat sa paraang sumusunod sa mga tuntunin ng wika, mas
madaling maunawaan ka ng mga tao. Ito ay isang bagay na natural na matututuhan ng mga tao sa
pamamagitan ng pakikipag-usap at pagkatuto mula sa iba sa kanilang paligid.
Sa karagdagan, Ang kakayahang lingguwistik/gramatikal ay tumutukoy sa kaalamang
leksikal at pagkaalam sa tuntunin ng ponolohiya, morpolohiya, sintaks at semantiks, ayon
kina Michael Merill Canale at Swains. Tinatawag din itong kakayahang gramatikal o
istruktural na nauukol sa kakayahang magamit ang mga tuntunin ng isang wika na
nagsisilbing gabay sa wastong paggamit nito. Ang gramatikang pinag-uusapan ay maaaring
deskriptibo na nakabatay sa siyentipiko, obhektibo, at detalyadong paglalarawan ng wika
na kalimitang nakabatay sa pagsusuri at rekomendasyon ng mga lingguwista. Sa
pagpapaliwanag naman ni Manaol (2014) ang gramatika ang tawag sa agham na tumatalakay sa
mga salita at kanilang ugnayan. Ito ang nagsisilbing kaayusan ng salita o sa pagbuo ng mga
pangungusap at organisasyon ng mga ideya. Ang wastong pagkakasunod-sunod ang gampanin ng
gramatika sa pangungusap. Ito ang nagbibigay diin sa tamang pagpapakahulugan sa bawat ideya.
Ang gramatika ay tungkulin sa wastong paggamit ng mga salita at sa kaibahan ng tama sa maling
pangungusap upang maging wasto at malinaw ang pagpapahayag.
Binigyang linaw rin nina Bisa at Cruz (2014) na higit na mabisa at masining ang isang
pagpapahayag gamit ang gramatika kung isinasaalang-alang ang higit na natural na istruktura.
Mahalaga ang pagkakasunod-sunod na posisyon ng bawat salita. Inilahad na dapat ay wasto ang
gamit sa mga salita sapagkat mahirap unawain ang isang mensahe na hindi angkop ang mga
salitang ginamit. Di lubusang mauunawaan ang nais ipukol ng damdamin maging ang lawak ng
ideya kung walang kawastuhan ang gamit nito. Marapat din na bigyang pansin ang paraan ng
paghahanay ng mga salita sa isang pahayag dahil hindi kanais-nais sa pandinig sa isang
pangungusap kung magulo ang mga hanay ng salita.
Ang pangalawang kakayahan ay tumutukoy sa kakayahang sosyolingguwistiko kung saan
inilarawan ito bilang isang kakayahang gamitin ang wika nang naaangkop na panlipunang
pagpapakahulugan para sa isang tiyak na sitwasyong pangkomunikasyon. Kinokonsidera dito
ang mga ugnayan ng mga nag-uusap, pinag-uusapan, at lugar kung saan man sila naguusap.
Halimbawa ay ang sitwasyon ay pangangamusta, kung ang kausap natin ay pasyente matanda
man o bata ang dapat nating sabihin ay “Kamusta po kaya, ano pong nararamdaman nyo?”
Ngunit kung ang kausap naman natin ay kaedad natin, kamag-aral o kaibigan, maaari nating
sabihing “Kamusta ka naman?” Dito pa lang malalaman na natin na isinaalang-alang ang estado
ng kausap.
Ang wika ng mga tao ay isang panlipunang tungkulin na nag-iiba depende sa kung sino ang
nagsasalita nito at sa kanilang pinagmulan. Ang iba't ibang grupo ay may iba't ibang bokabularyo
at gawi sa pagsasalita na nag-ugat sa kung saan sila nakatira, katayuan sa pananalapi, at personal
na paniniwala. Ayon sa sosyo-sikolohistang si William Labov, na siyang nagtaguyod ng
variability concept, likas na pangyayari ang pagkakaiba-iba ng anyo at pagkakaroon ng mga
varayti ng isang wika. Kung gayon, nararapat kilalanin ang pagkakapantay-pantay ng mga
varayti, walang maituturing na mataas o mababang anyo ng wika. At sa kaso ng wikang Filipino,
nangangahulugan itong lahat tayo ay may gampanin sa pagpapaunlad ng ating wika bilang isang
bansang may sariling pagkakakilanlan. Dagdag pa rito ay ang pagpapahayag ni Dell Hymes kung
saan kanyang binigyang diin na hindi lamang naayon na eksperto tayo sa linggwahe at kung
paano magsalita, nararapat din na tayo'y maalam kung paano maisaayos ang pakikipag usap.
Masasabing ang pinakamahalaga sa tatlo niyang naibahaging dapat isaalang-alang ay ang taong
kausap o kumakausap, lugar kung saan nangyayari ang pag-uusap ng dalawang o higit lang tao,
at paksa ng usapan.May mga usapan na hindi maaring magagawi ng basta basta kaya tama lang
na ito ay ating matandaan sa tuwing tayo ay nakikipag usap sa iba't ibang tao, lugar, at panahon
Ang huling kakayahang komunikatibo ay tumutukoy sa kakayahang diskorsal kung saan
inilarawan ito bilang kakayahang umunawa at makapagpahayag sa isang tiyak na wika. Ang
kakayahan sa diskurso ay may kinalaman sa pagsasaayos ng mga ideya ng isang tao, sa
pagsasalita man o pasulat. Ito'y pangunahing tumatalakay sa pag-unawa ng isang tao kung paano
ang mga ideya at salita ay magkakaugnay sa pamamagitan ng pagbubuklod at paggamit ng mga
transitional device. Ito ay ang kakayahan ng mga tao na ikonekta ang mga pangungusap sa
pagpapalawig ng diskurso upang makabuo ng isang makabuluhang kabuuan mula sa isang serye
ng pangungusap. Sa kabilang banda, si Stude (2013) ay nakatuon sa metalinguistic at
kakayahang diskorsal ng mga preschooler at binanggit na ang peer-talk ay dapat isaalang-alang
bilang isa sa mga paraan upang mapabuti ang kakayahang diskurso ng mga batang mag-aaral.
Nakatuon ito sa wika ginagamit ng mga tao upang pag-usapan ang ilang mga aspeto ng kanilang
buhay at ito ay naglalayong alisan ng takip ang mas malawak pattern ng pagiisip na siyang
bumubuo kung saan ang lenggwahe ay siyang nagagamit at kung paano ang kahulugan ng wika
ay nilikha, ginawa, at binigyang-kahulugan at gamit ng mga napapaloob rito (Wetherell et al.).
Ang diskurso ay may kinalaman din sa mga paraan kung saan ang wika ay bumubuo ng mga
bagay, paksa at karanasan, at higit sa lahat ay kinabibilangan ng pagiging paksa at kahulugan ng
sarili (Danaher et al.).
Ang pagkuha ng impormasyon sa pasyente at pagbibigay ng kaalaman sa kanilang kalusugan ay
bahagi ng trabaho ng isang nars. Mahalagang taglayin ng isang nars ang abilidad sa mabisa at
malinaw na pakikipagusap. Sa pamamagitan nito, makakapaghatid siya ng kalidad na
pangangalaga sa kaniyang mga pasyente.
Sa pag-aaral ni Rajaee, L., (2022) binigyang pagpapakahulugan ang kalidad ng pangangalaga sa
pasyente bilang isang mahalagang bagay na maiibigay ng bawat “healthcare provider” sa
pamamagitan ng ebalwasyon ng iba’t ibang metro. Ito ay isang pagtatasa upang malaman kung
gaano nga ba naging epektibo ang pangangalaga na ibinigay sa pasyente at paano ito nakatulong
sa paggaling nito. Dagdag pa rito, sinasabi ring ang kalidad ng pangangalaga sa pasyente ay
kinakasangkutan ng pakikipag-ugnayan at pagsasama ng pasyente sa proseso ng pangangalaga
rito. Ito ay para na rin mabigyan ng karapatan ang pasyente sa pagtukoy sa mga aspeto ng
pangangalaga na ibinibigay sa kanya. Ang kalidad ng pangangalaga ng pasyente ay sumasaklaw
sa samahang pagtutulugan ng pasyente, kanyang doktor, pamilya ng pasyente, at higit sa lahat ng
mga narses.
Nakasentro sa pasyente ang bawat kilos ng isang nurse ukol sa pangangalaga ng kalusugan ng
pasyente. Isa din sa karapatan ng pasyente ay makatanggap ng kalidad na pangangalaga mula sa
mga doktor at mga nurse. Layunin ng bawat isa na mapabuti ang kalagayan ng mga pasyente at
mabigyan ng lunas ang kanilang mga karamdaman. Masasabi na ang kalidad ng pangangalaga sa
isang pasyente ay maayos kung ang pasyente ay naalagaan ng ayos at nababawasan ang sanhi na
paglala ng sakit. Makikita din na maganda ang kalidad ng pangangalaga sa pasyente kapag ang
pasyente at ang nurse ay maayos ang interaksyon sa isa’t-isa.
Modelo ng Teorya
Ipakikita sa bahaging ito ang modelo ng teorya na pinagbatayan at may kaugnayan sa pag-
aaral. Ito ay ang tinatawag na balangkas na SEGUE, ito ay batay sa pag-aaral at binuo ni Makoul
(2001).

S Set the stage

E Elicit information

G Give information

U Understand the patient’s perspective

E End the encounter

Figyur 1: SEGUE Framework by Makoul (2001)

Ang salitang "segue" ay nangangahulugang malinis na transisyon ng isang usapan mula


sa isang paksa patungo sa iba pang paksa. Ayon sa orihinal na disenyong modelo ni Makoul
(2001), ang SEGUE ay isang disenyong modelo sa pagsusuri ng kakayahan o abilidad sa medikal
na pakikipanayam ng mga healthcare workers. Mailalarawan kung paano tayo maaring
magkaroon ng maayos na komunikasyon sa ating kapwa lalo ang mga patungkol sa
pangangalaga ng ating mga pasyente. Ito ay nakapokus sa mga tiyak na gawain ng
komunikasyon, nagawa man o hindi, sa panahon ng isang medikal na pagtatagpo. Ang gawain ay
nagpapanatili rin ng indibidwalidad ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng paghimok sa kanila na
bumuo ng isang hanay ng mga diskarte at kasanayan, at tumugon sa mga pasyente sa isang
madaling iakma na paraan. Ang mga sumusunod ay ang mga hakbang ng modelo; Una, “set the
stage”, sa hakbang na ito nagaganap ang pagpapakilala sa pasyente at pagbibigay ng pribadong
espasyo upang sila'y maging komportable. Ipinapaliwanag rin sa pasyente ang dahilan ng
pagpunta sa kanya ng isang health care worker at ilalatag ang mga agenda. Sa hakbang na ito,
mayroong tsansa na pagtibayin ng isang nars ang kanyang koneksyon sa pasyente at pamilya
niya. Ikalawa, “elicit information”, kung sa unang parte ay nagkakaroon pa lamang ng
interaksyon, sa pangalwang parte naman ay dito na papasok kung saan kinakailangan ng
magtamo ng impormasyon ang isang nars. Sa parteng ito mangangalap siya ng impormasyon
maaring ito'y maging berbal o kaya naman ay sa pamamaraan ng pag ooberseba. Ang nars ay
magtanong upang makakuha ng impormasyon mula sa subject o kaya naman ay kanyang
obserbahan ang mga maaring kilos, kulay, o kung pa'no tumugon ang subject para makakuha
siya ng impormasyon. Importante ang parteng ito upang maalaman kung ano ang mga
kinakailangan impormasyon ang maaring maibigay sa pasyente or subject. Sa parte namang ito
ay papasok din ang pangangalap ng impormasyon na maaring tutugon o magbibigay kaalaman sa
mga impormasyong iyong nakalap sa mga iyong naunang impormasyon. Ikatlo, “give
information”, ang nars ay maaaring magbigay ng karagdagang impormasyon sa pasyente. Ang
ikatlong seksyon ay nangangailangan ng pagpapaalam sa tao tungkol sa isang partikular na
paksa, tulad ng pagrepaso sa mga obserbasyon ng nars at pagkolekta ng data mula sa nakaraang
seksyon. Tatalakayin din ng nars ang mga potensyal na sanhi, komplikasyon, at iba pang mga
salik na maaaring makaapekto sa kondisyon ng pasyente. Bukod pa rito, saklaw ng seksyong ito
ang mga paraan kung saan maaaring payuhan ng nars ang pasyente sa pagpigil o pamamahala sa
paglala ng sakit. Ikaapat, “understand the patient’s perpective”, ang isang nars ay nararapat na
kilalanin ang naging progresibong resulta na nakamit ng kanyang pasyente. Mahalaga rin sa
pasyente na maisaalang alang ang kanyang nararamdaman at isipin. Ang isang nars ay inaasahan
na magbigay ng konsiderasyon at simpatya, hindi alintana kung gano na katagal ang sitwsasyon
at paniniwala ng kanyang inaalagaan. Nararapat sa isang nars na siya ay maging propesyonal at
may kagalang galang na pakikitungo. Ang ikalima at huling hakbang, “end the encounter”, dito
makikita ang pagtatapos ng ating epektibong komunikasyon sa ating pasyente kaya dapat na
maayos ang mga naging hakbang upang tunay na naunawaan ng pasyente ang mga impormasyon
na kanyang nasagap. Dapat siguraduhin ng isang nars kung nabigyan ba ng kasagutan at
napaliwanag nang maayos ang kanyang naging katanungan. Ipaliwanag sa pasyente ang mga
posibleng susunod na gawain kung sakaling magkaroon ng pagbabago sa mga impormasyon.
Alamin muli kung ang pasyente ay may katanungan pa. Magpaalam nang maayos sa pasyente at
ipaalam ang susunod na pagpunta.

Balangkas Konsweptal

Ipakikita sa sa figyur 2 ang konseptwal na balangkas ng pag-aaral na kinapapalooban ng Malaya


at di-malayang baryabol.

Malayang Baryabol Di-malayang Baryabol

I. Kakayahang Komunikatibo  Kalidad na Pangangalaga sa


I.1. Kakayahang linggwistiko mga Pasyente
I.2. Kakayahang sosyolinggwistiko
I.3. Kakayahang diskorsal
Figyur 2

Ang konseptwal na balangkas na ito ay kinapapalooban ng mga malaya at di-malayang baryabol.


Ang malayang baryabol ay kinapapalooban ng iba’t ibang kakayahang komunikatibo gaya ng
kakayahang linggwistiko, kakayahang sosyolinggwistiko at kakayahang diskorsal na gingamit sa
pakikipag-ugnayan. Sa kabilang banda naman ay ang di-malayang barybabol na kinapapalooban
ng kalidad ng pangangalaga sa mga pasyente. Dito matutukoy ang iba’t-ibang epekto ng
paggamit ng mga kakayahang komunikatibo sa pagbuo ng tiwala sa pagitan ng pasyente ant mga
istudent nars upang makapagbigay ng wasto at kalidad na pangangalaga sa mga pasyente.
Paglalahad ng Suliranin

1. Ano ang antas ng kakayahang komunikatibo sa Wikang Filipino ng mga mag-aaral ng BSN
hinggil sa:
1.1 Kakayahang linggwistiko
1.2 Kakayahang sosyolinggwistiko
1.3 Kakayahang diskorsal?
2. Ano ang kaugnayan ng kakayahang komunikatibo sa wikang Filipino ng mga mag-aaral ng
BSN sa pagbibigay ng kalidad na pangangalaga sa mga pasyente?

You might also like