You are on page 1of 4

ALAM MO BA?

Si Dell Hathaway Hymes ay isang mahusay, kilala, at maimpluwensiyang lingguwista at


anthropologist na maituturing na “higante” sa dalawang nabanggit na larangan. Katunayan, hindi
maaaring tumbasan ng iisang salita ang malawak na sakop ng kanyang kakayahang pang-
akademiko. Siya ay inilalarawan bilang sociolinguist, anthropological linguist, at linguistic
anthropologist. Di gaya ng ibang mga lingguwistang tulad ni Noam Chomsky na ang interes sa
pag-aaral ay abstrakto o makadiwang paraan ng pagkatuto ng gramatika at iba pang kakayahang
pangwika, si Dr. Hymes ay higit na naging interesado sa simpleng tanong na "Paano ba
nakikipagtalastasan ang isang tao?''

Mula sa kanyang mga pag-aaral ay ipinakilala niya ang konsepto ng kakayahang


pangkomunikatibo o communicative competence na nakaapekto nang malaki sa mundo ng
lingguwistika. Hinimok ni Dr. Hymes ang kanyang mga tagasunod na pag-aralan ang lahat ng uri
ng diskursong nangyayari sa buhay tulad ng usapan ng mga tao sa mesa; mito, alamat, at mga
bugtong; mga testimonya sa korte, talumpating pampolitika, mga elehiya, at mga salitang
ginagamit sa pamamaalam. Bahagi ng gusto niyang malâman kung paano nagkakaiba-iba ang
wika ng mga ito sa iba't ibang kultura.

Si Dr. Hymes ay isinilang sa Portland, Oregon, United States noong Hunyo 7, 1927.
Nagtapos siya ng Bachelor 's Degree in Literature and Anthropology sa Reed College noong
1950 at ng Ph.D. in Linguistics noong 1955. Naging propesor siya sa University of Virginia mula
1987 hanggang magretiro siya noong 1998. Subalit bago ang posisyong ito, siya ay nagturo rin
sa sumusunod na malalaking paaralan sa Amerika: Harvard University; University of California,
Berkeley; at sa University of Pennsylvania kung saan siya naging dekano ng Graduate School of
Education. Siya ay yumao noong Nobyembre 13, 2009 sa edad na 82 dahil sa mga
komplikasyong dala ng sakit na Alzheimer 's.

Mga Sanggunian:

 Langer, Emily. (2009) "Dell Hymes, 82; linguistics, anthropology scholar." The
Washington Post. Retrieved August 28, 2015 from http://www.washingtonpost.com/wp-
dyn/content/article/2009/11/19/AR2009111904078.html
 Fox, Margalit. (2009) "Dell Hymes, Linguist with a Wide Net, Dies at 82." The New
York Times. Retrieved August 28, 2015 from
http://www.nytitnes.com/2009/11/23/us/23hymes.html?_r=0

KAKAYAHANG PANGKOMUNIKATIBO
Sa pagtuturo at pagkatuto ng wika, hindi sapat na matutuhan lang ang mga tuntuning
panggramatika. Ang pangunahing layunin sa pagtuturo ng wika ay magamit ito nang wasto sa
mga angkop na sitwasyon upang maging maayos ang komunikasyon, maipahatid ang tamang
mensahe, at magkaunawaan nang lubos ang dalawang taong nag-uusap. Kapag umabot na rito,
masasabing ang taong ito ay nagtataglay na ng kakayahang pangkomunikatibo o communicative
competence at hindi na lang basta kakayahang lingguwistiko o gramatikal kayå naman, siya ay
maituturing na isa nang mabisang komyunikeytor.
Ang terminong kakayahang pangkomunikatibo o communicative competence ay
nagmula sa linguist, sociolinguist, anthropologist, at folklorist mula sa Oregon, United States na
si Dell Hymes noong 1966. Nilinang nila ng kasamahan niyang si John J. Gumperz ang
konseptong ito bilang reaksiyon sa kakayahang lingguwistika (lingguistic competence) na
ipinakilala naman ni Noam Chomsky noong 1965. Ayon sa orihinal na ideya ni Hymes, ang
nagsasalita ng wika ay hindi lang dapat magkaroon ng kakayahang lingguwistika o gramatikal
upang epektibong makipagtalastasan gamit ang wika. Nararapat din niyang malåman ang paraan
ng paggamit ng wika ng lingguwistikang komunidad na gumagamit nito upang matugunan at
maisagawa ito nang naaayon sa kanyang layunin.
Simula nang maipakilala sa diskursong panlingguwistika ang konsepto ng kakayahang
pangkomunikatibo, maraming pag-aaral at mga mungkahi na ang inilabas ng mga dalubwika
patungkol dito. May ilang nagsasalungatang ideya, gayumpaman, sa huli'y nagkaisa silá na ang
isang taong may kakayahan sa wika ay dapat magtaglay hindi lang ng kaalaman tungkol dito
kundi ng kahusayan, kasanayan, at galíng sa paggamit ng wikang naaangkop sa mga sitwasyong
pangkomunikatibo. (Bagarié et al. 2007)
Sa pagtatamo ng kakayahang pangkomunikatibo, kailangang pantay na isaalang-alang
ang pagtalakay sa mensaheng nakapaloob sa teksto at sa porma o kayarian (gramatika) ng
wikang ginamit sa teksto (Higgs at Clifford 1992).
Naniniwala naman si Dr. Fe Otanes (2002), na ang paglinang sa wika ay nakapokus sa
kapakinabangang idudulot nito sa mag-aaral, na matutuhan ang wika upang silá ay
makapaghanapbuhay, makipamuhay sa kanilang kapwa, at mapahalagahan nang lubusan ang
kagandahan ng búhay na kanilang ginagalawan. Sa kabuoan, pangunahing mithiin sa pagtuturo
ng wika na makabuo ng isang pamayanang marunong, mapanuri, kritikal, at kapaki-pakinabang.
Ang kakayahang pangkomunikatibo ay sumasakop sa mas malawak na konteksto ng
lipunan at kultura—lto'y ang wika kung paanong ginagamit at hindi lang basta ang wika at mga
tuntunin nito (Shuy 2009). Bilang isang lingguwista, binigyang-diin ni Dr. Hymes sa kanyang
mga katrabaho ang pag-uugnay ng kultura sa wika. Ito'y isang kakaibang pananaw sa panahong
siya'y nagsisimula pa lang sa kanyang karera noong mga hulíng taon ng 1950's subalit hindi siya
nagpatinag sa paniniwalang sa pagpapahayag ng mga tao 'y gumagamit sila nang higit pa sa
salita. Sa kasalukuyan, ang pananaw na ito ay tanggap at ginagamit na sa pag-aaral ng wika sa
iba't ibang panig ng mundo kasama na ang ating bansa. Isang pagpupugay para sa dakilang
lingguwistang sumalungat sa nakasanayan at nagbigay nang higit na kahulugan sa paraan natin
ng pagkatuto ng wika.

Silid-aralan ang Daan Tungo sa Paglinang ng Kakayahang Pangkomunikatibo


Sa mga silid-aralan nangyayari ang pormal na pagkatuto ng wika. Gayumpaman, kung
ang magiging tuon ng pagkatuto ng wika ay para lang maituro ang kayarian o gramatika ng wika
tulad ng mga bahagi ng pananalita, bantas, baybay, ponolohiya, at ibang pang teknikal na
aspekto ng wika; at kung ang mga pagtataya ay nakapokus lang sa pagkilala, pagbilog,
pagsalungguhit sa mga bahagi ng estruktura ng wika, maaaring hindi maabot ng mga Pilipinong
mag-aaral ang pagkakaroon ng kakayahang pangkomunikatibo. Nasusukat kasi ang kakayahang
pangkomunikatibo ng mga mag-aaral sa kanilang tatas sa pagsasalita ng wika, kakayahang
umunawa, at makagamit ng tamang salita o wika sa angkop na pagkakataon lalo na sa mga
awtentikong sitwasyong hindi silå sinanay.
Nararapat kung gayon na ang pagkatuto ng wika sa mga silid-aralan ay maiangat mula sa
pagkilala lang sa gramatika upang mapalawig, maiugnay, at magamit sa mga aktuwal na
sitwasyon sa totoong mundo o sa tunay na bühay, pasalita man o pasulat. Dito låmang
magkakaroon ng kahulugan at kabuluhan ang mga araling pangwika dahil nakita at nagamit ng
mga mag-aaral sa awtentikong sitwasyon. Mula rito'y matatanim sa kanilang isipan ang
kahalagahan ng mga ito hindi lang para sa darating na pagsusulit kundi para sa pangangailangan
sa pakikipagtalastasan maging sa mga panahong wala na sila sa loob ng silid-aralan.
Upang umabot sa ganitong uri ng pagkatuto ay mangangailangan nang higit na
partisipasyon ng mga mag-aaral sa mga gawaing lilinang ng makrong kasanayan tulad ng
pagsasalita, pagbasa, pakikinig, at pagsulat. Ayon kay Cantal-Pagkalinawan (2010), isang
propesor sa Hawaii, ang mahusay na klasrum pangwika ay yaong may aktibong inter-aksiyon sa
pagitan ng guro at ng estudyante, at estudyante sa kanyang kapwa estudyante. Ang guro ang
nagsisilbing tagapatnubay/facilitator låmang sa iba't ibang gawain sa klasrum at ang mga
estudyante naman ay aktibong nakikilahok sa iba't ibang gawaing pangkomunikasyon. Sa inter-
aksiyon ng mga estudyante sa kapwa estudyante, kailangang bigyan silå ng pantay na
pagkakataong makilahok sa iba't ibang gawain upang malinang ang kani-kanilang kakayahan.
Makatutulong nang malaki ang pagsasagawa ng mga awtentikong pagtataya tulad ng
pagsasagawa ng mga gawaing pangkomunikatibong aktuwal na nangyayari sa totoong mundo o
sa totoong buhay, pagbuo ng malikhain at makabuluhang pagpapahayag gamit ang wika sa tula,
maikling kuwento, sanaysay, pagtatanghal, FlipTop, pick-up lines, hugot lines, ulat, e-mail,
Facebook post, blog, diyalogo o dula-dulaan;videotape, at iba pang gawaing lilinang sa
kakayahan nilang makipagtalastasan.
Kung ganito ang magiging kalakaran ng pagkatuto ng wika sa mga silid-aralan,
makatutulong ito upang makalinang ng mga Pilipinong may kakayahang pangkomunikatibong
handa sa mga hamong dala ng buhay sa ikadalawampu’t isang siglo.

KOMPONENT NG KAKAYAHANG PANGKOMUNIKATIBO


(Kakayahang Lingguwistiko o Gramatikal)
Sa pag-aaral ng maraming dalubwika, kung kakayahang pangkomunikatibo ang pag-
uusapan, isang bahagi lang nito ang kakayahang lingguwistiko o kakayahang gramatikal. Sa
mga naunang framework o modelo ng mga lingguwistang sina Canale at Swain (1980—1981)
may tatlong komponent silang iminungkahi. Ang mga ito'y ang kaalaman at kakayahang
gramatikal, sosyolingguwistiko, at istratedyik. Sa sumunod na bersiyon ng nasabing modelo, si
Canale (1983, 1984) ay nagsalin ng ilang elemento mula sa kakayahang sosyolingguwistiko para
mabuo ang ikaapat na komponent, ang kakayahang diskorsal.
Sa araling ito ay tatalakayin muna natin ang unang komponent; ang kakayahang
lingguwistiko o gramatikal. Sinabi nina Canale at Swain (1980, 1981), na ang kakayahang
lingguwistiko ni Chomsky (1965) ay kapareho lang ng kakayahang gramatikal. Kayâ naman, ang
iba pang mga dalubwikang gumamit ng modelo nina Canale at Swain tulad ni Savignon (1983)
ay tumukoy na rin sa kakayahang lingguwistiko bilang kakayahang gramatikal.
Ayon kina Canale at Swain, ang kakayahang gramatikal ay pag-unawa at paggamit sa
kasanayan sa ponolohiya, morpolohiya, sintaks, semantika, gayundin ang mga tuntunting pang-
ortograpiya. Ang komponent na ito ay magbibigay kakayahan sa taong nagsasalita upang
magamit ang kaalaman at kasanayan sa pagunawa at pagpapahayag sa literal na kahulugan ng
mga salita.
Makikita sa ibaba ang mungkahing komponent ng kakayahang gramatika o kakayahang
lingguwistiko mula kina Celce-Murcia, Dòrnyei, at Thurell (1995).
Mungkahing Komponent ng Kakayahang Lingguwistiko o Kakayahang Gramatikal
(Celce-Murcia, Dornyei, at Thurell (1995)
 Sintaks (pagsasama ng mga salita upang makabuo ng pangungusap na may
kahulugan)
o Estruktura ng pangungusap
o Tamang pagkakasunod-sunod ng mga salita
o Uri ng pangungusap ayon sa gamit (pasalaysay, patanong, pautos, padamdam)
o Uri ng pangungusap ayon sa kayarian (payak, tambalan, hugnayan, langkapan)
o Pagpapalawak ng pangungusap
 Morpolohiya (mahahalagang bahagi ng salita tulad ng iba’t ibang bahagi ng
pananalita)
o Iba’t ibang bahagi ng pananalita
o Prosesong derivational at infectional
o Pagbubuo ng salita
 Leksikon (mga salita o bokabularyo)
o Pagkilala sa mga
-content words (pangalan, pandiwa, pang-uri, pang-abay)
-function words (panghalip, mga pang-ugnay tulad ng pangatnig, pang-ukol,
pang-angkop)
o Konotasyon at denotasyon
o Kolokasyon (pagtatambal ng salita at isa pang subordinate na salita)
 Ponolohiya o Palatunugan
o Segmental
-katinig, patinig, tunog
o Suprasegmental
-diin, intonasyon, hinto
 Ortograpiya
o Mga grafema
-titik at di titik
o Pantig at palapantigan
o Tuntunin sa pagbaybay
o Tuldik
o Mga bantas

Ang mga nasa talahanayan ang karaniwang unang itinuturo sa mga araling pangwika sa
mga paaralan. Subalit, hindi nagtatapos ang lahat dito kung ang layunin ng nagtuturo ay
paglinang ng kakayahang pangkomunikatibo.

You might also like