You are on page 1of 17

IKALAWANG BAHAGI

Aralin 10-ANG KATAMPALASAN NINA DON PEDRO AT DON DIEGO

257. Nang makitang gulapay na’t

Halos hindi humihinga,

hawla’t ibon ay kinuha’t

nagsiuwi sa Berbanya.

258. Sa palasyo ng dumating

ang magkapatid na taksil

sa ama’y agad nagturing:

“Ang Adarna’y dala namin!”

259. Amang malubha ang lagay

nangiti sa napakinggan;

mga anak ay hinagka’t

Katawa’y gumaan-gaan.

260. Ngunit nang kanyang mapuna

si Don Jua’y di kasama

nag-usisa sa dalawa

sagot nito’y ewan nila.

261. Naghimutok na ang Hari

katuwaan ay napawi,

ibigin ma’y di mangiti’t

ang hininga ay may tali.


262. Ang kangina’y kagaanan

sa laon nang karamdaman,

ngayo’y isang kabigata’t

tila ibig nang mamatay.

263. Bakit ang ibong Adarnang

sinasabing anong ganda,

ngayo’y ayaw nang kumanta,

nanlulugo’t pumangit pa?

264. At sa Haring pananabik

na ang ibon ay umawit,

Hayok na sa di pag-idlip

pinapatay pa ng inip.

265. “Ito baga ang Adarna?”

naitanong sa dalawa,

“kung ito nga’y ano baga’t,

pagkapangit pala niya!”

266. “Sinasabi ng mediko

na ito raw ibong ito

ay may pitong balahibong

pawang likha ng engkanto.”

267. “Kung ito raw ay kakanta,

maysakit ay giginhawa,

bakit ngayon ay para bang

tinitikis yaring dusa?”


268. “Ano kaya ang dahilan

ng sa ibong pamamanglaw?

Kung ang ibong ito’y ganyan

lalo ko lang kamatayan.”

269. Sa gayong pag-aakala

si Don Jua’y nagunita,

sa dloy ng kanyang luha

may larawang napabadha.

270. Yaong dating panaginip

na sanhi ng kanyang sakit

ang nakitang nakaguhit

Sa larawang pagkalupit.

271. Kaya’t biglang pinag-agaw

ang buhay ng Haring mahal,

salamat sa kaninunga’t

naligtas sa kamatayan.

272. Ibo’y ayaw ring kumanta

pagkat dinaramdam niya,

Yaong may-ari sa kanya

sa palasyo ay wala

273. Malaki ang pagnanais

na ang kanyang mga awit,


Sakali mang iparinig

si Don Juan ay kaniig

274. Labis ang kanyang pag-asa

ang Prinsipe ay buhay pa,

kung tunay mang nasa dusa

gagaling ding walang sala

275. Uuwi sa kaharian

pag-ibig sa magulang

May araw ring malalaman

ang nangyaring kataksilan.

BUOD

Bumalik sa palasyo ng Berbanya sina Don Pedro at Don Diego. Dinatnan nilang nakaratay pa rin ang
amang hari. Nagpilit bumangon si Haring Fernando at sabik na niyakap ang dalawang anak na matagal na
hindi nakita. Agad ding nanlumo ang hari nang malamang hindi kasamang nagbalik si Don Juan Tinanong
ng hari kung nasaan si Don Juan ngunit ang sagot ng magkapatid ay ewan nila. Iniharap sa hari ang Ibong
Adarna at laking pagkabigla nito dahil pangit at lulugo-lugo ang ibon. Labis na pinagtakhan ng hari ang
sinabi ng medikong paham na ang ibon ay makapitong ulit na nagbibihis ng anyo at nagpapalit ng kulay
ng balahibo. Natiyak ng hari na sa anyo na iyon ng ibon ay hindi siya mapapagaling ng awit nito at sa
halip ay lalo pa siyang lulubha. Muling naalala ng hari ang panaginip na naging sanhi ng malubha niyang
sakit. Pinaslang daw ng dalawang bulong si Don Juan. Lalong lumubha ang kalagayan ng hari sa paglipas
ng mga araw. Ayaw pa ring kumanta ng ibon sapagkat wala ang tunay na nagmamay-ari sa kanya na
walang iba kundi si Don Juan. Umaasa ang ibon na buhay pa ang prinsipe at matutuklasan din ng mga
magulang ang naging kataksilan nina Don Pedro at Don Diego.
Aralin 11-ANG PANALANGIN NG PRINSIPE

276. Samantalang sa palasyo.

Pangyayari ay ganito,

Si Don Jua’y lunung-luno’t

gagapang-gapang sa damo.

277. Maga ang buong katawan,

may pilay sa mga tadyang

at ang lalong dinaramdam

ang gutom at kauhawan.

278. Sa ilang na pagkalawak

na wala ni kubong hamak,

sino kayang matatawag

dumamay sa gayong hirap?

279. Sa kawalan ng pag-asa

sa Diyos na tumalaga;

kung gumaling ay ligaya’t

kung masawi’y palad niya.

280. Hindi niya nalimutang

humawag sa Birheng Mahal,

lumuluhang nanambitang

tangkilikin kung mamatay

281. “O, Birheng Inang marilag

tanggulan ng nasa hirap


kahabagan di man dapat

ang aliping kapuspalad”

282. “Kung wala mang kapalarang

humaba pa yaring buhay,

loobin mo, Inang Mahal,

ang ama ko ang mabuhay.”

283. “Madlang hirap at parusa

di ko sasapitin sana,

kung di po sa aking pitang

magulang ko’y guminhawa,”

284. “Ito’y di naman pagsisisi

o pagsumbat sa sarili;

salamat kung makabuti,

ang munti kong naisilbi.”

285. “Di ko maubos-isipin

kung ano’t ako’y tinaksil,

kung ang ibon po ang dahil

kanila na’t di na akin.”

286. “Kung sa bagay ay di iba

at ako nga ang kumuha,

maging ako’t maging sila’t

kung tutuusin ay iisa.”

287. “Di kaya kaming tatlo’y


anak ng iisang tao:

iwasan ang pagtatalo’t

hindi gawang maginoo.”

288. “Kaya kami nangaglakbay

sa kay amang kagalingan,

ano’t ngayong magtagumpay

hahangga sa pag-aaway?”

289. “Sila nawa’y patawarin

ng Diyos na maawain;

kung ako man ay tinaksil

kamtan nila ang magaling.”

290. “Sa akin po ay ano na

sinadlak man nga sa dusa,

kung may daan pang magkita

pag-ibig ko’y kanila pa.”

291. Kirot ng buong katawan

sa tindi’y di natagalan,

sa bato’y napalupaypay

nahinto ang panambitan.

292. Ipinako ang paningin

sa itaas ng panginoorin;

pagkaganda ng bituing

ilaw na lubhang maningning.


293. “O, bituing nasa langit,

bulaklak na walang hapis,

inyo kayang nasisilip

akong sawi’t nasa sakit?”

294. “Kaila kaya sa inyo

na rito ang mga tao,

kapatid man at katoto

ay lihim na kaaway mo?”

295. “Kung ikaw ay masasawi

sa lupa ay mapagawi,

masasawi ang sa iyo ay ngumiti,

may paglibak at aglahi.”

296. “Lahat dito’y pasaliwa

walang hindi balintuna,

ang mabuti ay masama’t

ang masama ay dakila.”

297. “Dito mo nga makikita

ang papuring palamara,

ang yakap na lumayas ka’t

ang pagsuyong lason pala.”

298. “Kaya naging kasabihan

ng lahat na ng lipunan,

Sa langit ang kabanalan

Sa lupa ang kasamaan.”


299. Muling sumumpong ang antak

luha sa mata’y nalaglag,

nagunitang lahat-lahat

ang ligayang nagsilipas.

300. Bayan niyang sinilangan

yaong palasyong nilakhan,

magulang na mapagmahal,

kapwa bata’t kaibigan.

301. Ang kanyang pagiging batang

sa pagsuyo’y nanagana,

munting magkabahid-luha

ama’t ina’y may dalita.

302. Nadama ang laking dusang

malayo sa isang ina.

Sa ilang ay nag-iisa’t

katawan ay sugatan pa.

303. “O, ina kong mapagmahal

kung ngayon mo mamasdan,

ang bunso mong si Don Juan

malabis kang magdaramdam.”

304. “Katawan ko ay bugbog na’t

sa sugat ay natadtad pa,

ako kaya’y may pag-asang


ika’y muli kong makita?”

305. “Narito’t nakalugmok,

gagapang-gapang sa gulod,

tumatawag ng kukupkop

walang sinumang dumulog.”

306. “Sino ang mag-aakalang

ang bunso mo’y madudusta,

sa ganito kong pagluha,

anak mo rin ang may gawa.”

307.Nagunita yaong amang

maysakit nang iwan niya

hiniling sa Birhen Mariang

sila nawa’y magkita pa

308. “Amang magiliw sa anak

Sa gitna ng aking hirap

Ikaw rin ang nasa hagap

Danga’t ako’y napahamak”

309 “Dalangin kong mataimtim

kay Bathalang maawain,

Ang sakit mo ay gumaling

Datnan kitang nasa aliw

310. “Pag-asa ko’y nariyan

na’t tinanggap mo ang Adarna


di man ako ang maydala

mga anak mo rin sila.”

311 “Ibong kaya naipayo

pinaamo ng pagod ko,

ngunit sa paghihintay mo’y

inagaw ng paglililo”

312 “Kaya, ama, nang tanggapi’y

di sa kamay ko nanggaling,

gayon pa ma’y ikaaliw

Ikaw lamang ay gumaling.”

313, Sugat sa buong katawa’y

nag-ulol sa kaantakan,

ang Prinsipeng gumagapang

sa bato’y napalungayngay.

314 Mga mata’y napapikit

Sa kirot na tinitiis,

matagal ding di umumik

ay di naman napaidlip

315. Nang magbawas na ang kirot

bahagyang nakakilos

sa luha rin at himutok

inaliw ang madlang lungkot.


316 Muli siyang nanalangin

sa Inang Mahal na Birhen,

luha’y agos ang kahambing

sa matang nangungulimlim

317 Diyos nga’y di natutulog

at ang tao’y sinusubok,

ang salari’y sinusunog!

Ang banal ay kinukupkop!

318. Maging isang katunayan

ng ganitong kasabihan,

ang pagdinig sa matamang

pagdalangin ni Don Juan

BUOD

Nasa gitna ng kagubatan si Don Juan at tila papanawan ng bait sa hirap na dinaranas. Maga ang buong
katawan niya, may pilay sa tadyang, at matindi raramdamang gutom at pagkauhaw. Wala siyang
makitang kaligtasan ng makatulong kaya anumang oras ay maaari siyang mamatay.Tanging panalangin
ang huli niyang pag-asa. Nagdasal siya sa Mahal na Birhen 33 upang humaba pa ang buhay at iligtas ang
amang may karamdaman. Hindi niya mapaniwalaan ang ginawa sa kanya nina Don Pedro at Don Diego
sapagkat para sa kanya ang karangalan nilang tatlo ay iisa. Kaya niyang pagkaloob ang Ibong Adarna sa
dalawang kapatid kung iyon ang hangad ng mga ito at hindi na siya kailangang pagtaksilan pa. Naalala
niya ang mga magulang lalo na ang kalagayan ng ama sa gitna ng pagnanaknak ng kanyang mga sugat.
Naalala niya sa gitna ng paghihirap ang bayang kanyang sinilangan, ang palasyong kanyang kinalakhan at
ang pag-aaruga ng mahal na ina na malabis na niyang pinananabikan.
Aralin 12- ANG KALIGTASAN

319.Sa libis ng isang bundok

may matandang sa susulpot

mahina’t uugud-ugod

sa prinsipe ay dumalog

320. Paglapit ay hinawakan,

tiningnan ang kalagayan,

saka kanyang dahan-dahang,

inihiga nang mahusay.

321. Ang salanta at nalamog

Na katawan ay hinagod,

sugat at lamang nalasog

pinaglalagyan ng gamot.

322. Samantalang gginagaw

Ang magandang kawanggawa

kay Don Juan, ang matanda

ay masuyong nagsalita;

323. "O, Prinsipe, pagtiisan

ang madla mong kahirapan,

di na maglalaong araw

ang ginhawa ay kakamtan."

324. Parang isang panaginip


ang nangyari sa maysakit,

noon din ay nakatindig

dating lakas ay nagbalik.

325. Ang sarili ay minalas,

bakas ma'y wala ang sugat,

naayos ang butong linsad,

kisig niya'y walang bawas.

326. Di masukat ang paghanga

sa nakitang talinghaga't

sa sarili ay nawikang.

"Tila Diyos ang matanda."

327. Kung hindi man, at totoong

himala ng Diyos ito

napakita nga sa tao't

nang ang loob ay magbago.

328. Saka makailang saglit

sa matanda ay lumapit

yumapos nang buong higpit

at ang wikang nananangis:

329.Utang ko sa inyong habag

ang buhay kong di nautas,

ano kaya ang marapat

iganti ng abang palad?”


330 Ang matanda ay tumugon

“Kawanggawa’y hindi gayon

kung di iya’y isang layon

ang damaya’y walang gugol.”

331. “Saka iyang kawanggawa

na sa Diyos na tadhana,

di puhunang magagawa

nang sa yama’y magpasasa.”

332 “Huwag tayong mamantungan

Sa ugaling di mainam,

na kaya ka dumaramay

ay nang upang madamayan.”

333. Lalong banal na tungkulin

na sa dusa’y tangkilikin;

sa mundo ang buhay nati’y

parang nagdaraang hangin

334, "Don Jua'y di ko hangad

tapusin ang pag-uusap,

ngunit nasa iyong hagap

ang ama mong nililiyag."

335. "Malaon nang naiinip

sa hindi mo pagbabalik,
karamdama'y lumalawig

baka di na makatawid."

336. "Kaya nga magmadali ka

nang pag-uwi sa Berbanya,

ikaw lamang ang lagi nang

pangarap ng iyong ama."

337. Ang dalawa ay nagkamay

bago sila naghiwalay;

matanda’y sa kabunduka’t

sa Berbanya si Don Juan.

338. Sa tulin ng kanyang lakad

wari'y ibong lumilipad,

nasa'y sa sandaling oras

sapitin ang bayang liyag.

339. Abutan pa niyang buhay

ang amang may karamdaman

inang nasa kapanglawa'y

maaliw ng pagmamahal.

BUOD

Sa libis ng isang bundok ay sumulpot ang isang matandang ermitanyo a natagpuan si Don Juan na
nakahandusay sa lupa. Walang malay si Don Juan at hakas pa rin ang pagkalamog ng katawan. Matinding
habag ang ng ermitanyo sa sinapit ng prinsipe na kulang na lamang ay datnan ng kamatayan sa pook na
iyon. Sa ikalawang pagkakataon ay muli nitong ginamot ang sugat ng kawawang prinsipe. Iglap na
naglaho ang mga sugat ng prinsipe sa katawan. Tila Diyos ang tingin ni Don Juan sa matandang
ermitanyo dahil sa isa na namang nasaksihang himala. Niyakap niya ang ermitanyo at malugod na
nagpasalamat sa pagliligtas sa kanyang buhay. Nais niyang gumanti ng utang na loob dito ngunit iyon ay
itinuring ng ermitanyo na isang kawanggawa. Inutusan ng ermitanyo na umuwi sa kanilang kaharian si
Don Juan upang iligtas ang buhay ng ama. Nagmamadaling tinahak ng prinsipe ang daan pauwi ng
Berbanya.

You might also like