CHONA O. MAGPANTAY NORIEL J. JAVIER LARRY D. QUIJANO Si Maya ay isang batang masayahin. Paggising pa lamang niya sa umaga ay napakaganda na ng ngiti niya. Maririnig hanggang sa kapit-bahay ang tinig niya na masiglang masigla at humahalakhak pa. Ang gusto niyang gawin ay maglaro at magsaya. Sumasama siya sa kanyang ama na si Mang Mario sa bukid. Kinakausap kase niya pati na rin ang mga alaga nilang hayop doon lalo na ang paborito niyang aso na si Mawmaw. Si Mawmaw ang nagbabantay sa kanilang kamalig araw at gabi. Subali’t may hindi magandang ugali si Maya. Dahil sa sobra niyang hilig sa paglalaro at pagsasaya hindi na niya nagagampanan ang pag-aaral at pagtulong sa mga gawaing bahay. Sa eskwela palagi niyang sinasabi sa guro na sa bahay na lang niya tatapusin ang mga gawain sa klase. “Mamaya ko napo tatapusin Mam naglalaro pa po ako, ang palagi niyang sabi.” Sa bahay naman, sa tuwing uutusan siya ng kanyang nanay palagi niyang isasagot ang “Mamaya napo nay, mamamasyal pa ako at maglalaro.” “ Anak, masama ang ganyan, isang araw matututunan mo rin kung bakit palagi kong sinasabi sayo na baguhin mo na ang ganyang ugali.” Pauli-ulit nalang na sinasabi ni Aling Marta sa anak. Isang araw, namalengke si Aling Marta, ang nanay ni Maya. Mahigpit nitong ipinagbilin na pumunta muna sa kusina si Maya at bantayan ang niluluto niyang sinaing. “Mamaya na po Inay, ang sagot ni Maya.” Dahil nalibang na sa paglalaro si Maya nawala na sa isip niya ang inutos ng kanyang nanay sumunod pa siya kay Mang Mario sa bukid. “O Maya mabuti at nandito ka puntahan mo na ang karabaw natin na si Mah-Mah at painumin mo na, baka kase nauuhaw na yon at mainit ang panahon.” “Mamaya na po Itay, ang sagot ni Maya. Naglalalaro pa po kami ni Mawmaw.” Nagpatuloy si Maya sa paglalaro hanggang sa nakalimutan na din niya ang inutos ng kanyang tatay.
Magdidilim na ng tumigil sa pag-aararo si Mang Mario. “Maya
halika na umuwi na tayo. Yong karabaw natin pinainom mo ba kanina? Biglang naalala ni Maya na may iniutos nga pala ang tatay niya. “ Naku Itay nakalimutan ko po. Nalibang na po ako sa paglalaro.”
Dali-daling pinuntahan ni Mang Mario ang karabaw na si Mah-mah
at ito ay nakahandusay na sa lupa at wala ng buhay. Nalungkot si Mang Mario at halos maiyak sa panghihinayang sa karabaw. Tahimik itong naglakad pauwi at hindi na pinansin si Maya. Malayo pa sila sa kanilang bahay ay natanaw na nila ang maitim na usok na nanggagaling dito. Napatakbo si Mang Mario. Nadatnan niyang umiiyak si Aling Marta. “ Wala na tayong bahay Mario, ang sabi nito. Kung sumunod lang sana agad si Maya sa ibinilin ko ay baka hindi nasunog ang ating bahay.” “ Oo nga, at wala na rin ang karabaw natin. Namatay na ito sa uhaw dahil sa hindi pinansin ni Maya ang utos ko.” Tahimik na umiiyak si Maya sa isang tabi. Awang-awa siya sa kanyang nanay at tatay. Nagsisisi siya at siya ay palaging nagpapamamaya sa mga gawain. Nangako siya sa sarili na babaguhin na ang masamang ugali.