You are on page 1of 1

“sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamalakaya ng tao”

Ang ating ebanghelyo sa gabing ito ay napapatungkol sa pagtawag ng ating panginoong Hesus sa
kanyang unang mga alagad. Noong panahong iyon ay abalang abala sina Simon, Andres, Santiago at juan
sa pagaayos ng lambat na ginamit nila sa pangingisda tila bagang hindi alintana ang pagod matapos
lamang ang kanilang ginagawa. Pokus sila sa pagaayos ngunit inabala sila ni Hesus at winika niya
“sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mamalakaya ng mga tao”. Kung ako ay tatanungin ng
ganun ng isang estranghero? Ay tatanungin ko muna siyang “sino po kayo?” dahil hindi ko ito nakikilala
ngunit ang apat na mangingisda ay walang hablang tinugon wika ni Hesus at silay sumunod sa kanya. Sa
patuloy nating paglalakbay sa ating buhay masasabi nating maraming tao na ang ating nakakasalubong,
nakakasabay at nakakasalamuha ngunit ang mga ito ba ay inyong lubos na nakikilala? Malamang ang
sasabihin din ninyo sa mga estrangherong ito ay “sino kayo? Hindi ko kayo nakikilala” ngunit sa ating
narinig na ebanghelyo sa gabing ito, nangangahulugan lamang ito ng malaking pagtitiwala sa mga taong
nakakasalamuha natin. Sinabi ito ng ating Panginoon kina Simon, Andres, juan at Santiago sapagkat
nagkaroon siya ng malaking pagtitiwala at persepsyon na may kakayanan ang apat na ito upang maging
instrumento sa pagpapahayag ng mabuting balita. Lubos naman itong tinanggap ng apat ng walang
pagaalinlangan, walang pagiimbot sapagkat nagkaroon din sila ng pagtitiwala sa Panginoon na ito ay
ayon sa kanyang kagandahang loob. Iniwan nila ang kanilang mga gawain upang matupad lamang ang
kalooban ng Diyos. Tayo rin ay may mga sari-sariling buhay. Mayroon tayong sari-sariling pinagtutuunan
ng pansin ngunit tayo’y naririto sa lugar na ito, tinawag ng Panginoon upang maglingkod sa pamamagitan
ng pagpapahayag ng mabuting balita. Walang sawang tumatawag ang Diyos ng mga manggagawa sa
kanyang ubasan. Ngunit ano nga ba ang mas pinapahalagahan natin? Ngayon, tayo’y nagkakatipun-tipon
sa gabing ito sa pangalan ng Panginoon, patunay na tayo’y tumugon sa pagtawag Niya. Ang Panginoon
ay tumawag sa mga simpleng tao, mga mangingisda, mga makasalanan.kami rin dito sa seminaryo, hindi
kami nga banal na tao, ngunit tinawag kami ng Diyos sa iba’t-ibang paraan at pagkakataon. Iba’t-ibang
antas ng pamumuhay, iba’t-ibang pananaw. Ngunit hindi ito ang mahalaga sa Panginoon, ang tanging
mahalaga sa Kanya ay ang ating pagtugon, pagnanasang matuto at lumago sa Kanya at ang ating patuloy
na pagsasabuhay at pagpapahayag ng mabuting balita na kaakibat ng ating pagtugon sa Kanya.

patuloy nating pakinggan panawagan ng ating Panginoon, at kaakibat ng ating pagtugon sa panawagan
ng Diyos ay ang ating patuloy na pagsunod. Minsan hindi lang natin napapansin na sumisigaw na pala
ang Panginoon sa atin sa patuloy niyang pagtawag sa ating upang kanyang maging lingkod. Minsan hindi
natin napapansin na iyon na pala ang binigay na “cue” o sign ng ating Panginoon upang tumugon sa
bokasyon dahil naghahanap pa tayo ng iba. Ang Panginoon ay tumatawag sa atin hindi sa pamamagitan
ng panaginip, hindi ang pagtawag na makakausap natin Siya. Maraming ginagamit na instrumento ang
Panginoon upang magsalita sa ating mga buhay. Maaaring ang ating mga magulang, mga kamag-aral, ang
ating pari o ang bawat sitwasyon na nagaganap sa ating paligid, na patuloy na magsasabi sa atin, sumunod
ka sa akin.

Hinahamon tayo ng ating Ebanghelyo sa araw na ito na patuloy tayong tumugon sa panawagan ng Diyos,
maging Desipolo niya na mag-aaral, lalago at patuloy na mamumuhay ng ayon sa Kanyang kalooban at sa
huli, magpapahayag ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.

You might also like