You are on page 1of 9

YUNIT 2

MGA TEORYANG PAMPANITIKAN

MGA PAKSA:

1. Bayograpikal 9. Sikolohikal
2. Historikal 10. Feminismo
3. Klasismo 11. Eksistensiyal
4. Humanismo 12. Sosyolohikal
5. Romantisismo 13. Queer
6. Realismo 14. Moralistiko
7. Formalismo 15. Kultural
8. Marxismo

LINANGIN YAMAN NG LAHI NATIN

TEORYANG PAMPANITIKAN
Isang sistema ng mga kaisipan at kahalagahan ng pag-aaral na naglalarawan sa tungkulin
ng panitikan, kabilang ang layunin ng may-akda sa pagsulat at layunin ng tekstong pampanitikan
na ating binabasa.
1. BAYOGRAPIKAL
 Ito ay tumutukoy sa buhay ng may akda.
 Mahalagang matuklasan at maunawaan ang katauhan at personalidad ng sumulat at
maibahagi sa mga mambabasa ang kamalayan ukol sa manunulat para matugunan ang
mga katanungang nauugnay sa sumulat at sinulat.
 Sa teoryang ito ay maiuugnay ang kabagayan ng akda sa buhay, kapaligiran at karanasan
dahil kung minsan ay repleksiyon ng sumulat ang kanyang sinulat.
Mga Halimbawa:
 Reseta at Letra:Sa Daigdig ng Isang Doktor-Manunulat ni Dr. Luis Gatmaitan
 Florante at Laura ni Francisco Balagtas
 Sa mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo Reyes.
2. HISTORIKAL
 Ang teoryang historikal ay sumisiyasat sa pinagmulan ng isang sinaunang panitikan o
teksto para maunawaan ang “daigdig sa likod” ng tekstong ito.
 Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang
masasalamin sa kasaysayan at bahagi ng kanyang pagkahubog. Nais din nitong ipakita na
ang kasaysayan ay bahagi ng buhay ng tao at ng mundo.
 Ginagamit upang siyasatin ang mga pinagmulang historikal ng teksto gaya ng:
 Panahon ng pagkakasulat
 Lugar kung saan ito isinulat
 Mga petsa
 Mga taong sangkot
 Bagay
 Kultura
Mga Halimbawa:
 Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Dr. Jose P. Rizal
 Bonifacio: Ang Unang Pangulo(2014)
 Heneral Luna (2015)
 Goyo: Ang Batang Heneral (2018)

3. KLASISMO
 Layunin nito na maglahad ng mga pangyayaring payak, ukol sa pagkakaiba ng estado sa
buhay ng dalawang nag-iibigan, karaniwan ang daloy ng mga pangyayari, matipid at
piling-pili sa paggamit ng mga salita at laging nagtatapos nang may kaayusan.
 Ito ay ang mga sinulat ng mga dakilang manunulat.
 Pinapahalagahan ang kaisipan kaysa damdamin.
 Ipinapahayag ng teoryang ito na ang isang akda ay hindi naluluma o nalalaos.
Mga Halimbawa:
 Ibong Adarna
 Florante at Laura – ni Francisco Baltazar
4. HUMANISMO
 Ang layunin ng panitikan ay ipakita na ang tao ang sentro ng mundo; ay binibigyang-
tuon ang kalakasan at mabubuting katangian ng tao gaya ng talino, talento atbp.
 Tao bilang sukatan ng lahat ng bagay kung kaya’t mahalagang maipagkaloob sa kanya
ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin at kalayaan sa pagpapasya.
 Dinadakila rin ang mga katangi-tanging indibidwal, kaya nagiging mataas ang
pagpapahalaga sa indibidwalismo.

Mga Halimbawa:
 Ang nobelang Titser ni Liwayway A. Arceo
 Si Pinkaw ni Isabelo S. Sobrevega

5. ROMANTISISMO
 Kasalungat ng romantisismo ang klasismo sapagkat ang higit na pinahahalagahan ng
romantisismo ay ang damdamin at guniguni.
 Ang inspirasyon para sa romantikong pamamaraan ay nagmula sa Pranses na pilosopong
si Jean Jacques Rousseau at sa manunulat na Aleman na si Johann Wolfgang Von
Goethe.
 Ang layunin ng teoryang ito ay ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o sumasagisag sa
tao sa pag-aalay ng kanyang pag-ibig sa kapwa, bansa at mundong kinalakhan.
 Ipinakikita rin sa akda na gagawin at gagawin ng isang nilalang ang lahat upang
maipaalam lamang ang kanyang pag-ibig sa tao o bayang napupusuan.
 Romantiko – tawag sa pamamaraan ng pagsulat ng mga akdang pampanitikan sa
Panahon ng Romantisismo.
 Inspirasyon + Imahinasyon = natatanging instrumento ng mga romantiko para
matuklasan ang nakakubling katotohanan, ang kabutihan at ang kagandahan.

Halimbawa:
 Romeo and Juliet ni William Shakespeare
 Pag-ibig ni Jose Corazon de Jesus
PAG-IBIG
ni Jose Corazon de Jesus (1926)
Isang aklat na maputi, ang isinulat: luha!
Kaya wala kang mabasa kahit isa mang talata;
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata;
Tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.

Ang Pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso!


Pag pinuso, nasa isip, kaya’t hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal, ang pagsuyo’y naglalaho;
Layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo!

Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan,


parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan,
at ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.

Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos,


walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog.

Ang pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral,


tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,
ngunit kapag nag-alab na’t pati mundo’y nalimutan
iyan, ganyan ang pag-ibig, damdamin at puso lamang!

Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib


ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,
pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.

Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di bulag,


ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak.
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw sa kakabyak,
o wala na kahit ano, o ibigay mo nang lahat!

“Ako’y hindi makasulat at ang nanay, nakabantay.”


Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal.
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay
minamahal ka na niya nang higit pa kaysa buhay.

Kayo mga kabataang pag-ibig ang ninanais,


kayo’y mga paruparong sa ilawan lumiligid.
Kapag kayo’y umibig na, hahamakin ang panganib,
at ang mga pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig!

6. REALISMO
 Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga karanasan at nasaksihan ng may-akda sa
kanyang lipunan.
 Samakatuwid, ang panitikan ay hango sa totoong buhay ngunit hindi tuwirang totoo
sapagkat isinaalang-alang ng may-akda ang kasiningan at pagkaepektibo ng kanyang
sinulat.
 Mahalaga ang katotohanan kaysa kagandahan.
 Ayon sa mga realista, ang sinumang tao, anumang bagay at lipunan, ay dapat maging
makatotohanan ang isasagawang paglalarawan o paglalahad.
 MGA PAKSA:
 Kahirapan
 Karahasan
 Kamangmangan
 Krimen
 Bisyo
 Katiwalian
 Kawalan ng katarungan
 Prostitusyon

Mga Halimbawa:
 Noli Me Tangere at El Filibusterismo
 Banaag at Sikat - nobela ni Lope K. Santos
 Satanas sa Lupa – nobela ni Celso Carunungan
 Laro sa Baga ni Edgardo M. Reyes

7. FORMALISMO
 Ayon sa aklat ni Villafuerte (2000), ang pagtuklas at pagpapaliwanag sa anumang anyo
ng akda ang siyang layunin ng teoryang ito at ang pisikal na katangian ng akda ang
pinakabuod ng pagdulog na ang minamahalaga ay ang (1) nilalaman, (2) kaanyuan o
kayarian, (3) paraan ng pagkakasulat.
 Sa sining na ito, mahalaga ang teksto para masuri ang tema o paksa sa akda, ang
sensibilidad ng mga tauhan, pag-uugnayan ng mga salita, istruktura ng wika, metapora,
imahen, at iba pang elemento ng akda.

8. MARXISMO
 Ang Teoryang Marxismo ay nakabatay sa mga naisulat ng mga pilosopo, ekonomista na
sina Karl Marx at Friedrich Engels.
 Ang Marxismo ay itinuturing na isang pandaigdigang pananaw at pagsusuri ng lipunan
na nakasentro sa ugnayan at hidwaan ng mga antas ng lipunan.
 Apat na uri ng tunggalian:
1. Tao laban sa sarili
2. Tao laban sa ibang tao
3. Tao laban sa lipunan
4. Tao laban sa kalikasan
 Ayon kay Reyes (1992), makabuluhan ang akda na may epekto sa nakararami – ang
siyang tumatanggap ng akda.
 Sa Marxismong pananaw, mananalo ang taong nasa laylayan ng lipunan,
magkakapuwang sa bayan ang mga dustang mamamayan, maiaangat ang mga aping
sambayanan at magkakaboses ang mga binusalang bibig upang muling umalingawngaw
sa lipunang nakasandig sa tama na sinisimpatya ng nakararami.

9. SIKOLOHIKAL
 Ang layunin ng panitikan ay ipaliwanag sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga salig
(factor) sa pagbuo ng naturang behavior (pag-uugali, paniniwala, pananaw, pagkatao) sa
isang tauhan sa kanyang akda. Ipinakikita sa akda na ang tao ay nagbabago o
nagkakaroon ng panibagong behavior dahil may nag-udyok na mabago o mabuo ito.

10. FEMINISMO
 Pinagtuunan ng pananaw Feminismo ang kalagayan o representasyon ng kababaihan
sa isang akda. Layunin nito na baguhin ang mga de-kahong imahen o paglalarawan sa
kababaihan sa anumang uri ng panitikan.
 Kapansin-pansin sa mga akdang mulat sa Feminismo, na ang tauhang babae ay aktibong
nakikilahok sa mahahalagang pangyayari sa kuwento, may sariling pananaw, at higit sa
lahat, may paninindigan bilang tao. Hindi tagasunod lamang, kundi tagapanguna ng isang
pagbabago.
 Isang halimbawa ng feministang manunulat si Maria Milagros Geremia-Lachica.
 Ang kanyang mga tula ay palagiang nakahulma sa kalagayan ng mga kababaihan.
 Karamihan sa mga paksa ng kaniyang akda ay tungkol sa pagtuligsa sa patriyarkal na
lipunan, paglaganap ng Feminismo, maling pagtrato sa mga kababaihan, pagkulang sa
karapatan ng babae, diskriminasyon, “stereotypes” ng mga kababaihan.
 Ang pagkaka-akda ni Lachica sa kanyang mga tula ay palagiang tema ang pagiging isang
babae, nanay, asawa, at taong may puso’t utak. Katulad ng tula niyang “When Eyes Meet
Eyes”.
 Ano ang pagpapakahulugan niya sa salitang feminista? Siya ang babaeng aakyat sa silya
sa pagpalit ng pundidong bombilya sa kanyang kusina, hindi dahil sa kaya niya itong
gawin ngunit dahil kailangang palitan upang hindi siya magluluto sa dilim. Kung
sakaling may lalaking mag-alok ng tulong sa pagpalit ng sinabing bombilya, ang
feminista ay hindi tatanggi. Magpapasalamat siya sabay ang isang matamis na ngiti.
 Ayon kay de Beauvoir “walang esensyal na kalikasan na tutukoy sa kababaihan. Ibig
sabihin, “ang babae ay hindi ipinanganak na babae, siya ay nagiging babae.”
 Halimbawa:
“Sa Ngalan ng Ina, Anak, Diwata’t Paraluman” ni Lilia Quindoza Santiago.

11. EKSISTENSYALISMO
 Ang layunin ng panitikan ay ipakita na may kalayaan ang tao na pumili o magdesisyon
para sa kaniyang sarili na siyang pinakasentro ng kanyang pananatili sa mundo (human
existence).
 Halimbawa: “Ako ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla

12. SOSYOLOHIKAL
 Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang kalagayan at suliraning panlipunan ng lipunang
kinabibilangan ng may-akda.
 Naipakikita rito ang pamamaraan ng mga tauhan sa pagsugpo sa suliranin o kalagayan ng
lipunan na nagsisilbing gabay sa mga mambabasa sa pagpuksa sa mga katulad na
suliranin.

13. QUEER
 Ang layunin ng panitikan ay iangat at pagpantayin sa paningin ng lipunan ang mga
homosekswal. Kung ang mga babae ay may feminismo, ang mga homosekswal naman ay
may queer.

14. MORALISTIKO
 Ang layunin ng panitikan ay ilahad ang iba’t ibang pamantayang sumusukat sa moralidad
ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali. Inilalahad din nito ang mga pilosopiya o
proposisyong nagsasaad sa pagkatama o kamalian ng isang kilos o ugali ayon sa
pamantayang itinakda ng lipunan.
15. KULTURAL
 Ang layunin ng panitikan ay ipakilala ang kultura ng may-akda. Ibinabahagi ng may-akda
ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyong minana na maaaring ipasa sa mga susunod
na salinlahi. Ipinakikita rin dito na bawat lipi ay natatangi.

***

You might also like