You are on page 1of 25

Panitikan

Ang panitikan ay ilaw na walang kamatayang tumatanglaw sa kabihasnan ng tao;


nagsasabog ng pag-ibig at kaligayahan na nagpapayaman sa kaisipan at karanasan,
nagpapalalim ng pagkaunawa, lumilinang ng kamalayang pansarili, panlipunan at
pambansa, at nagpapahalaga sa mga karanasang nagiging timbulan sa oras ng
pangangailangan. Ang panitikan ay ang pagsulat ng mga babasahin na patula o
pasalaysay, ang mga panitikan ay ang mainam na pagsulat na may anyo, pananaw, at
diwang nakasasanhi ng matagal na pagkawili at gana. Samakatuwid, may hugis, may
punto de bista at nakapagpapahaba ng interes ng mambabasa ang isang sulating
pampanitikan.
Ang salitang “panitikan” ay nagmula sa salitang TITIK na may unlaping PANG (na
naging PAN dahil sa tuntuning pangwika na pan ang gagamitin kapag ang kasunod na
salitang-ugat ay nagsisimula sa d,l,r,s, at t) at hulaping AN. Ito ang salitang panumbas
sa Filipino sa salitang Literatura o literature na kapwa nakabatay sa salitang latin na
“litera” na ang ibig sabihin ay letra o titik.

Iba’t ibang kahulugan ng panitikan ayon sa mga Iskolar

● Ang panitikan ay pagpapahayag ng damdamin ng tao ukol sa lipunan,


pamahalaan, kapaligiran, kapwa at Dakilang Lumikha (Bro. Honorio Azarias at Jose
Villa Panganiban)
● Ang panitikan ay kasaysayan ng kaluluwa ng mga mamamayan sapagkat dito
masasalamin ang mga layunin, damdamin, panaginip, pag-asa, hinaing at guniguni ng
mga tao na nasusulat o binabanggit sa maganda, makahulugan, matalinghaga at
masining na mga pahayag. (Maria Ramos)
● Ang panitikan ay yaong walang kamatayan, yaong nagpapahayag ng damdamin
ng tao bilang ganti niya sa reaksyon sa kanilang pang-araw-araw na pagsusumikap
upang mabuhay at lumigaya sa kanilang kapaligiran, gayundin sa kanilang
pagsusumikap na makita ang Maykapal. ( Atienza, Ramos, Zalazar, Nozal)
● Ang panitikan ay isang talaan ng buhay ang panitikan kung saan nagsisiwalat
ang isang tao ng mga bagay na kaugnay ng napupuna niyang kulay ng buhay at buhay
sa kanyang daigdig na kinabibilangan. Ginagawa ito ng isang tao sa pamamagitan ng
malikhaing pamamaraan (Arrogante)
● Ang panitikan ay nagsasalaysay ng buhay, pamumuhay, lipunan, pamahalaan,
pananampalataya, at mga karanasang kaugnay ng iba’t ibang uri ng damdamin tulad ng
pag-ibig, kaligayahan, kalungkutan, pag-asa pagkapoot, paghihiganti, pagkasuklam,
sindak at pangamba. (C. Sauco, et.al.(2004) Panitikan ng Pilipinas - Panrehiyon)
● Ang tawag natin sa lahat ng uri ng pahayag nakasulat man ito, binibigkas o kahit
ipinahihiwatig lang ng aksiyon ngunit may takdang anyo o porma katulad ng ng tula,
maikling kuwento , dula, nobela, at sanaysay. (L. Santiago(1993) Mga Panitikan ng
Pilipinas)

Uri ng Panitikan

1. PATULA - Isinusulat nang pasaknong, binibigkas nang may indayog,


matalinhaga, may sukat at tugma. Maaari rin itong malaya na wala ang sukat
o ano mang tugmaan.
2. TULUYAN - Isinusulat nang patalata, karaniwan ang mga salita at tuloy-tuloy
ang pagpapahayag.
3. PATANGHAL -Kung ang panitikan ay itinatanghal sa entablado. Pa-iskrip ang
pagkakasulat nito at binubuo ng mga tagpo at yugto. Dati itong nasasaklaw ng
anyong patula noon sapagkat ang mga dula noon ay itinatanghal nang patula.

Mga Akdang Patula


1. TULA - Isang kaisipang naglalarawan ng kagandahan, ng kariktan, ng
kadakilaan na makikita sa silong ng alinmang langit.
Halimbawa: Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ni Andres Bonifacio
Isang Punongkahoy ni Jose Corazon de Jesus
Ang Guryon ni Ildefonso Santos
Isang Dipang Langit ni Ka Amado V. Hernandez
2. EPIKO - Isang tulang nagsasaad ng kabayanihan at kakaibang kapangyarihan
ng pangunahing tauhan,
Halimbawa: Hudhud ni Aliguyon - Ifugao
Biag ni Lam-ang - Ilokano
Ibalon - Bikol
Kudaman - Palawan
Hinilawod - Panay
Labaw Donggon - Bisayas
Indarapatra at Sulayman - Maguindanao
Bidasari - Mindanao
3. AWIT - Isang uri ng tulang lalabindalawahing pantig at binibigkas nang
mabagal. Ang mga kaganapan ay nagmula sa danas ng isang indibidwal.
Halimbawa: Florante at Laura ni Francisco Balagtas
4. KORIDO - Isang uri ng tula na wawaluhing pantig at binibigkas nang mabilis.
Pantasya at kababalaghan ang karaniwang nilalaman nito.
Halimbawa: Ibong Adarna
5. BALAD - Ito’y may himig awit sa dahilang ito’y inaawit habang may
nagsasayaw
6. BALITAO - Isang debateng sayaw tungkol sa pagmamahalan ng isang babae
at lalake
7. SONETO - Binubuo ng labing-apat na taludtod at naghahatid ng aral sa mga
mambabasa.
8. KANTAHING BAYAN O AWITING BAYAN - Isang uri ng tulang liriko na
karaniwang inaawit na may kaalinsabay na gawain. Oral na pagpapahayag ng
damdamin ng mga katutubo. May iba’t ibang uri ang mga ito batay sa
okasyong paggagamitan.
A. Talindaw - awitin sa pamamangka
B. Diona - awitin sa mga kasal at panliligaw
C. Oyayi - awit pampatulog sa mga musmos na anak.
D. Dalit - awit ng pagpupuri at pagpaparangal sa Diyos o
Maykapal.
E. Elehiya - tumatalakay sa damdamin, panaghoy o panangis para
sa alaala ng yumao.
F. Oda - tumutukoy sa papuri o masiglang damdamin. Ito’y walang
bilang ng pantig at saknong.
G. Kumintang - awit ng pakikidigma at pakikibaka
H. Kalusan - awitin matapos ang maghapong pagtratrabaho sa
bukid, o dili kaya’y awit sa pasasalamat sa masaganang ani.
I. Sambotani - awit ng tagumpay
J. Kundiman - awit tungkol sa pag-ibig
9. BALAGTASAN - Pagpapalitan ng katwiran sa anyong patula.
10. KARUNUNGANG BAYAN - Mga sinaunang tula na maikli lamang.
A. Salawikain - Mga butil ng karunungan na hango sa karanasan
ng mga matatanda, nagbibigay ng mabuting payo tungkol sa
kagandahang-asal at mga paalala ng mga kaugalian at
karaniwang patalinghaga.
B. Kasabihan - Gumagamit ng pamumuna ng kilos o gawi ng isang
tao. Hindi ito gaanong matalinghaga tulad ng salawikain.
C. Bugtong - Paglalarawan ng bagay na pinahuhulaan. Ito’y
nangangailangan ng mabilisang pag-iisip.
D. Bulong - Ginagamit ng ating mga ninuno bilang pagbibigay
respeto sa mga nilalang na hindi nakikita.
E. Kawikaan - Pahayag na nagmula sa Banal na Kasulatan.
11. KARAGATAN - Tagisan ng husay sa pagtula upang makuha ang
singsing ng prinsesang nahulog sa dagat. Pinangungunahan ang larong ito
ng isang nakatatanda at sinisimulan ang pagpapagalingan sa pagtula sa
pamamagitan ng isang lumbo.
12. DUPLO - Uri ng tulang patnigan na ginagamit sa mga lamay. Tagisan ng
talino at husay sa pagtula. Ang mga pangangatwiran ay hango sa Banal na
Kasulatan, mga salawikain at kasabihan.
13. TUGMAANG PAMBATA - Mga tula/awit na ginagamit ng mga bata sa
kanilang paglalaro
14. HAIKU - Tulang sumikat noong panahon ng hapon na binubuo ng tatlong
taludtod. May tigpipitong pantig sa bawat taludtod.
15. TANAGA - Maikling tula na binubuo ng apat na taludtod na may
pipituhing pantig.
16. SINGKIAN - Binubuo ng limang saknong. Ang una ay isang pangalan.
Ikalawa ay dalawang pang-uri, ikatlo naman ay pandiwa, ikaapat ay
dalawang parirala at panghuli naman ay tungkol muli sa pangalang nasa
unahan.
1. MAIKLING KWENTO - Ang maikling kwento ay maaaring tagurian bilang
pinakabunsong pormang pampanitikan sa bansa. Ito’y ipinakilala at
natutunang isulat sa pampublikong sistemang edukasyon itinaguyod sa
maagang yugto pa lamang ng Panahon ng Amerikano. Ang mga nuni ng
maikling kwento ay ang alamat, kwentong-bayan, salaysay, at dagli na patuloy
na umuunlad hanggang sa kasalukuyan.
May apat na perspektibo na ilalahad sa pag-aaral ng kwento: pormalismo-
ang pag-aaral ng mga sangkap na bumubuo sa kwento; historical at
sosyolohikal- ang pag-aaral ng lipunan at kasaysayan sa loob at labas ng
kwento; kultural- ang pag-aaral ng mga salik ng uri, lahi at etnisidad, kasarian
at sexualidad sa maikling kwento; estetika at pagkatao (being), ang pag-
unlad ng konsepto ng estetika at pagkatao sa maikling kwento.- Rolando B.
Tolentino.
Ang bawat perspektibo’y nagbubukas ng isang siwang sa pinto sa mas
komprehensibong pag-aaral ng kwento. Tungaliin ang premis na kolonyal na
mana sa maikling kwento, at sipatin ang kakanyahan ng mga manunulat na
pukawin, mobilisahin at organisahin tayong mambabasa’t mag-aaral sa iba’t
ibang kaalaman at larangan n gating kasaysayan, lipunan, pagkatao, panitikan
at kultura.
2. SANAYSAY - Ayon kay Abadilla noon lamang 1938 lumitaw sa
bokabularyong tagalog ang terminong “sanaysay”. Galing ang salita sa
“sanay” at “salaysay” na pinagsanib ni Abadilla upang magamit sa pagtukoy
sa anyong pampanitikan na tinatawag sa Ingles na “essay”. Ang pangalang
kinilala ni Abadilla bilang awtor ng sanaysay sa Kanluran ay kinabibilangan
nina Montaigne, Bacon, Addison, Macaulay, Emerson, Mencken at Spingarn.
Inugat ni Abadilla ang kasaysayan ng sanaysay sa mga isinulat ni
Marcelo H. del Pilar, Emilio Jacinto at Andres Bonifacio noong panahon ng
Rebolusyong 1896. Tinunton niya ang pagkaunlad ng anyo matapos ang Siglo
19 sa mga sinulat ng mga peryodistang sina Pascual H. Poblete, Lope K.
Santos, Carlos Ronquillo, Julian Cruz Balmaceda, Inigo Ed Regalado, atbp.
Ayon sa Pranses na si Michael De Montaigne ang sanaysay ay
naglalaman ng obserbasyon at kuro-kuro, pati na ang estilo ay tigmak sa
personalidad ng may-akda.
Walang iisang tunguhin na dapat sundin sa pagtalakay ng nilalaman at
estilo ng sanaysay.Maituturing na ang akda ay isang bintanang bumubukas,
nagsasaboy ng liwanag, at nag-aanyaya sa mambabasa na magmasid sa
kanyang paligid at kilalanin kahit bahagya ang buhay at karanasan ng ibang
tao, sa pag-asang ang pira-pirasong dilim sa danas ng tao ay mahahalinhan
ng kamunting tanglaw na maglalapit sa atin sa ating kapwa. –B. Lumbera
3. NOBELA - Mahabang makathang pampanitikan na naglalahad ng mga
pangyayari na pinaghahabi sa isang mahusay na pagbabalangkas na ang
pinakapangunahing sangkap ay ang pagkakalabas ng hangarin ng bayani sa
dako at ng hangarin ng katunggali sa kabila. Isang makasining na
pagsasalaysay ng maraming pangyayaring magkasunod at magkakaugnay.
Ang mga pangyayaring ito ay may kanya-kanyang tungkuling ginagampanan
sa pagbuo ng isang matibay at kawili-wiling balangkas na siyang pinakabuod
ng nobela.
4. ANEKDOTA - Maikling salaysay ng mga kawili-wili o katangi-tanging
karanasang nagtatampok sa ugali o pagkatao ng isang indibidwal na
kapupulutan ng aral sa buhay.
5. PABULA - Salaysaying hubad sa katotohanan sapagkat mga hayop ang
pangunahing tauhan dito. Layunin nitong imulat ang kaisipan ng mga bata sa
mga pangyayaring huhubog sa kanilang asal at kilos.
6. PARABULA - Salaysay na mula sa Banal na Kasulatan na kapupulutan ng
mga gintong aral.
7. KWENTONG BAYAN - Kwentong naglalarawan ng mga tradisyong tulad ng
kaugalian, pananampalataya, karanasan at suliraning panlipunan. Isa itong
magaang pagpuna sa ugaling Pilipino sa paraang kakatwa.
8. ALAMAT - Salaysay tungkol sa pinagmulan ng bagay, lugar o pangyayari ang
mga paksa nito.
9.BALITA - Isang paglalahad ng mga pang-araw-araw na mga pangyayari sa lipunan,
pamahalaan, industriya at agham, mga sakuna o maging trahedya na naganap sa loob o
labas man ng bansa.

Mga Akdang Patanghal

1. DULA - Ang dula ay isang paglalarawan ng buhay, ito ay imitasyon o


panggagagad ng buhay. Kaya nga inaangkin ng dula ang lahat ng katangiang
umiiral sa buhay gaya ng mga tao at mga suliranin.- Aristotle
Ito ay isang uri ng sining na may layuning magbigay ng makabuluhang
mensahe sa manonood sa pamamagitan ng kilos- Sauco
Ang tunay na drama ayon kay Sebastian ay nagsimula noong mga
unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Idinagdag pa ni Tiongson na
ang drama ay binubuo ng tanghalan, iba’t ibang kasuotan, iskripto,
karaterisasyon at Internal conflict. Ito ang pangunahing sangkap ng tunay na
drama ayon sa banyagang kahulugan. Sa kabilang dako, ayon sa mga librong
nabasa ko, ang drama ay drama kahit wala ang mgasangkap na nabanggit.-
Sebastian
Memises ang pangunahing sangkap ng dulang Pilipino. Memises ay
ang pagbibigay buhay ng aktor sa mga pang-araw-araw na pangyayari sa
buhay ng mga Pilipino. Ito rin ang malaking pagkakaiba ng banyaga sa
Pilipinong dula.- Tiongson
2. PANULUYAN - Pagsasadula ng paghahanap ng Banal na mag-asawa ng
lugar na pagsisilangan ni Kristo Hesus.
3. SENAKULO - Pagtatanghal ng buhay at pagpapakasakit ni Hesukristo.
4. TIBAG - Pagsasadula ng paghahanap nina Sta. Elena at Prinsipe Constantino
sa krus na pinagpakuan kay Hesus. Ginagawa ito tuwing panahon ng mayo.
5. SALUBONG - Dula ng mga paroko ng Katoliko at Aglipay. Ito ang
pagsasadula ng pagsasalubong ng muling nabuhay na Kristo at Birheng Maria
sa umaga ng Linggo ng Muling Pagkabuhay.
6. KARILYO - Pagtatanghal gamit ang mga karton bilang tauhan. Mga anino
lamang ang nakikita na pinapatingkad ng mga gamit na ilaw.
7. PANTOMINA -Pagsasadula ng walang anumang dayalogo at puro kilos at
galaw lamang ng tauhan ang makikita.
8. MORO-MORO - Pagtatanghal na nagpapakita ng labanan ng mga Kristiyano
at mga Moro o Muslim.
9. SARSUWELA - Isang anyo ng dulang musikal. Binubuo ito ng mga
pagsasalaysay ng nakasaliw sa mga tugtugin na nilangkapan ng sayaw.
10. MELODRAMA - Sa umpisa ay malungkot ngunit sa katapusan ay nagiging
masaya.
11. KOMEDYA - May layuning pasayahin ang mga manonood.
12. PARSA - Layuning magpasaya sa pamamagitan ng pagkukuwento ng mga
pangyayaring nakakatawa.
13. TRAHEDYA - Binubuo ito ng tunggalian na nagwawakas sa pagkamatay ng
pangunahing tauhan.
14. DESPOSORIO - Ito ay pagsasadula ng pitong sagradong sakramento ng mga
Katoliko
15. MANYANITA - Ito ay ginaganap tuwing hatinggabi bilang salubong sa may
kaarawan na hinahandugan. Sa ibang bahagi ng lalawigan ng Bulacan, ang
manyanita ay para sa isang yumao. Ginaganap ito sa huling gabi ng lamay ng
namayapa na napupuno ng awitan at paggunita sa yumao.
16. HARANA DE PAMANHIK - Ito ang tradisyunal na panghaharana subalit ito ay
hindi simpleng harana sapagkat ito ay isinasagawa tuwing alas-sais ng gabi
ng buong pamilya ng lalaking mamanhikan sa pamilya ng kanyang kasintahan
upang hingin ang kamay nito upang maging katipan ng puso.

Pasalindila/Patula

Ang panitikan ay naglalarawan ng buhay, kultura, tradisyon, kaugalian at


karanasan na siyang nagiging daan at lakas na nagpapakilos sa anumang uri ng
lipunan. Malaking impluwesiya ang naiaambag ng panitikan sa kultura at kabihasnan
ng alinmang bansa.
Bago pa man dumating ang Kastila ay mayroon nang sining at panitikan ang
mga Pilipino. Ang panitikang pasalindila o pasalita ay isa sa nagpapatunay na may
mga akdang maipagmamalaki ang ating bansa.
Halina at magbalik-tanaw sa ilang halimbawa nito.Suriin kung paano
nasasalamin sa mga akdang ito ang kulturang Pilipino at paano ito maaaring maging
gabay at pananggalang sa pakikipagsapalaran sa buhay lalo na sa kasalukuyang
pangyayari sa ating lipunan.

Salawikain – ito ay butil ng karunungan hango sa karanasan ng matatanda na


nagbibigay ng mabubuting payo sa kagandahang-asal at mga paalala tungkol sa
batas ng mga kaugalian.

Halimbawa:
1. Ang magtanim ng hangin
bagyo ang aanihin.

2. Ang taong may hiya,


ang salita ay panunumpa

3. Ang naghangad ng kagitna


Isang salop ang nawala

Sawikain – ito ay salita o pangkat ng mga salitang patalinghaga na


nagbibigay ng di tuwirang kahulugan. Hindi gumagamit ng marahas na salita upang
maiwasang makasakit ng loob. Kaya kahit nanunudyo, naglalahad ng masakit na
katotohanan o nangangaral, pinakaiingatan ang pagpili ng sasabihing salita.

Halimbawa:
1. parang natuka ng ahas
2. bantay- salakay
3. Itaga mo sa bato.

Kasabihan – ito ay mga paalalang nagbibigay-gabay o payo sa tao tungkol


sa buhay at karanasan.

Halimbawa:
1. Ang batang matapat, pinagkakatiwalaan ng lahat.
2. Walang tunay na kalayaan, kung nabubuhay sa kahirapan.
3. Ang anak na magalang, kayamanan ng magulang

Palaisipan – ito’y nakapupukaw at nakakahasa ng isipan ng tao, katulad ng


bugtong ay nangangailangan ng talas ng isip.

Halimbawa:
1. May isang prinsesang sa tore ay nakatira
balita sa kanyang pambihirang ganda
bawal tumingala upang siya ay Makita
ano ang gagawin ng binatang sumisinta?
Sagot: Iinom ng tubig upang kunwari’y mapapatingala at makita ang
prinsesa.

2. Sa duklay ng isang sanga,


Limang ibon ang kumakanta
Lumipad ang isa, ilan ang natira?
Sagot: Lima pa rin sapagkat hindi naman umalis ang isang ibon, lumipad
lamang ngunit hindi lumayo.
Bulong – ito’y ginagamit sa iba’t ibang pagkakataon ng ating mga sinaunang
ninuno. Gamit din ito bilang pangkulam, pang-engkanto, paggalang sa lamang lupa
at paggagamot sa mga may sakit. Ginagamit pa rin ito magpahanggang ngayon sa
Katagalugan, sa Kabisayaan, Kabikulan kung napaparaan sa mga daang may punso.

Halimbawa;
1. “Tabi, tabi po apo
Baka po kayo mabunggo”.

2. “Huwag magagalit kaibigan


Aming pinuputol lamang
Ay sa amin napag-utusan”.

3. “Dagang malaki, dagang maliit,


Ayto ang ngipin kong sira na’t pangit.
Sana ay bigyan mo ng kapalit”.

Bugtong - Ito ay isang palaisipan at pahulaan. Ang layunin nito ay pasiglahin


ang isip, pukawin ang guniguni at pasayahin ang loob ng mga taong nagkakatipon-
tipon.

Halimbawa:
1. Isang butil ng palay
Sakop lahat ang buong bahay

2. Wala pang giyera,


Wagayway na ang bandera

3. Isa ang tumawag


marami ang tumugon.

Panitikang Pasulat

Sa bahaging ito, tatalakayin naman natin ang mga panitikang pasulat na


ipinamana ng ating mga ninuno.Bagamat hindi na natin nakita lalo na kayong mga
kabataan na ang mga ito ay nakasulat sa mga dahon, sa bato, sa kawayan o sa
mga punongkahoy, may naiwan naman na hanggang ngayon ay maaari pa nating
mabasa.
Narito ang ilang halimbawa:

A. Alamat - Ito ay mga kuwentong-bayan na maaaring kathang-isip lamang o


hango sa isang tunay na pangyayari. Ito ay kuwento ng pinagmulan. Maaaring
pinagmulan ng isang bagay, pook o pangyayari. Maaaring mga pangyayaring
hindi kapani-paniwala tulad ng iyong babasahin.
Halika na at basahin ang isang halimbawa.

B. Pabula - Ito ay isang uri ng panitikan kung saan ang mga hayop o mga bagay
na walang buhay ang siyang tauhang gumaganap sa kuwento. Ito ay kathang-
isip lamang subalit nag-iiwan ng aral sa mga mambabasa.
Narito ang isang halimbawa at iyong basahin.

C. Mito - Ito ay kuwento ng isang partikular na paniniwala o may kinalaman sa


pagsamba ng tao sa kanilang mga anito. Karaniwang tinatalakay nito ang mga
diyos-dyosan o bathala at nagbibigay ng paliwanag tungkol sa likas na
kaganapan.

D. Epiko - Ito ay kuwento ng kabayanihan. a ito ng mga kagila-gilalas na mga


pangyayari lalo na sa pangunahing tauhan. Bawat pangkatin ng mga Pilipino
ay may maipagmamalaking epiko. Isa na rito ay ang epiko ng Mindanao.

Tatlong daang taon na mahigit nating niyakap ang hindi


makatarungang pananakop ng mga Kastila. Sa pagdating ng mga
mananakop ay kasabay ng pagkawala at pagpapasunog ng mga Kastila ng
mga sinaunang akda ng ating mga ninuno. Sinabi ng mga mananakop, na
itong mga likhang sining na likha ng mga sinaunang katutubo ay gawa ng
demonyo kaya naman ito ay ipinasunog nila.

Taong 1521 nang dumating ang pangkat ni Magallanes sa Pilipinas.


Sandata at Relihiyon ang ginamit ng mga Kastilang mananakop para
masakop ang Pilipinas. Taong 1565 opisyal na itinatag ni Legaspi ang
kapangyarihan ng Espanya sa Pilipinas at humigit kumulang sa 44 na taon
ang nakaraan nang dumating ang pangkat ni Magallanes. Nagkaroon ng
pagbabago sa pamumuhay at panitikan ng mga Pilipino. Magpalaganap ng
Kristiyanismo ang unang layunin ng mga Kastila, ikalawa ang magpayaman,
kasama rin ang magpalawak at magpalakas ng kapangyarihan.. Ang
karaniwang paksa ng mga akda ay panrelihiyon, bilang pagpapalaganap ng
Kristiyanismo. Pinalitan ng Alpabetong Romano ang Sistema ng pagsulat,
naisantabi na ang paggamit ng baybayin.

MGA UNANG AKDANG PANRELIHIYON AT PANGKABUTIHANG-


ASAL

● Doctrina Cristiana (1593)- ang kauna-unahang aklat na panrelihiyon na


nalimbag sa Pilipinas. Ito ay isinulat nina Padre Juan De Plasencia at Padre
Domingo De Nieva. Nakalimbag sa wikang Tagalog at Kastila. At naglalaman
ng mga paksang Pater Noster, Ave Maria, Credo, Regina Coeli, Sampung
Utos ng Diyos, Mga Utos ng Santa Iglesia, Pitong Kasalanang Mortal, labing-
apat na Pagkakawanggawa, Pangungumpisal at Katesismo.
● Nuestra Senora Del Rosario- ang Ikalawang aklat na nalimbag sa Pilipinas.
Sa panahong iyon, ang typographic method ang ginamit sa paglilimbag, ito ay
isang bagong paraan ng paglilimbag na ipinasok sa ating bansa ng mga
dayuhan. Ang kauna-unahang aklat na inilimbag sa pamamagitan ng
typographic method ay ang Libro de Nuestra Senora del Rosario na isinulat sa
Filipino ng Dominican friar na si Francisco Blancas de San Jose at ito ay
inilathala noong 1602.
● Barlaan at Josaphat (1708- ito ay isang salaysay sa Biblia na isinalin sa
tagalog ni Padre Antonio De Borja mula sa Griyego.
● Urbana at Feliza- Ito ay isinulat ni Padre Modesto De Castro ay tinaguriang
“Ama ng Tuluyang Klasika sa Tagalog” dahil sa pagsulat nito. Ang akdang ito
ay binubuo ng palitan ng liham ng magkapatid na Urbana at Feliza. Ang isa ay
nasa lalawigan at isa ay nag-aaral sa isang kolehiyo sa Maynila.
● Ang Dalit kay Maria- ito ay isinulat ni Padre Mariano Sevilla, isang paring
Pilipino na nagsulat noong 1865. Ang paksa ay tungkol sa pagpaparangal sa
Mahal na Birhen at inaalayan din ito ng mga bulaklak.

Pagkatapos ng higit sa tatlong daang taong pagkakahimlay sa


paniniil at pagsasamantala ng mga may kapangyarihang dayuhan,
paghamak sa mga Indio, suliranin sa sekularisasyon at maling pamamalakad
ng pamahalaan ay nagising ang natutulog na damdamin ng mga Pilipino
nang isangkot sa digmaan sa Cavite ang tatlong paring sina Padre Burgos,
Gomez at Zamora. Sila ay pinatay noong Ika 17-ng Pebrero 1872 sa
pamamagitan ng garote kahit walang naging matibay na katibayan sa
kanilang pagkakasala.Sa pangyayaring ito ay unti-unting nabuo at
lumaganap ang damdaming makabayan.
Sa pagsulyap sa mga Pilipino noon ay tahimik at balot ng takot ang
bayan sa ibayong paghihigpit at pagbabanta ng mga Kastila, ngunit sa
katotohanan ay dito nagsimula ang pagpapahayag ng kanilang masidhing
damdamin upang lumaban at maghimagsik laban sa pamahalaan.
Nagkaroon ng mga kilusan sa pulitika at sa panitikan ditto sa Pilipinas at sa
ibayong dagat. At ang dating diwang maka- relihiyon ay nagging makabayan
at humihingi ng pagbabago sa pamamalakd ng pamahalaan at simbahan.
Naging lalong mahigpit ang pagbabanta ng mga Kastila, subalit di nila
nagawang pigilin pa ang nabuong mapanlabang damdamin ng mga Pilipino.
Ang dating diwang maka-relihiyon ay naging makabayan at humihingi ng
pagbabago sa pamamalakad ng simbahan at pamahalaan.
Ang Panahon ng Propaganda at Panahon ng Himagsikan ang
dalawang panahon na nahati sa Panahon ng Pagbabagong Isip.
ANG KILUSANG PROPAGANDA
Ang kilusang ito ay binubuo ng pangkat ng mga intelektwal sa
gitnang uri na tulad nina Jose Rizal, Marcelo del Pilar,Graciano Lopez Jaena,
Antonio Luna, Mariano Ponce, Jose Ma. Panganiban, Pedro Paterno at iba
pa. Paghingi ng reporma o pagbabago gaya ng mga sumusunod ang layunin
ng kilusang ito.
1. Magkaroon ng pantay-pantay na pagtingin sa mga Pilipino at Kastila sa
ilalim ng batas.
2. Gawing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas.
3. Panumbalikin ang pagkakaroon ng kinatawang Pilipino sa Kortes ng
Espanya.
4. Gawing mga Pilipino ang mga kura paroko.
5. Ibigay ang kalayaan ng mga Pilipino sa pamamahayag, pananalita,
pagtitipon o pagpupulong, at pagpapahayag ng kanilang mga karaingan

TATSULOK NG PROPAGANDISTA

MGA TALUKTOK NG PROPAGANDA


Tatlo ang taluktok o pinaka lider ng Propaganda. Ang mga ito ay sina
Jose Rizal, Marcelo del Pilar, at Graciano lopez Jaena.
Ang Kilusang Propaganda ay isang kilusan sa Barcelona, Espanya
noong 1872 hanggang 1892.[1] Sinimulan ito dahil sa pagbitay sa tatlong pari
na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora (Gomburza).
Layunin ng kilusan ang kilalanin ng mga Kastila ang Pilipinas bilang bahagi
at lalawigan ng bansang Espanya, pantay na pagtingin sa bawat Pilipino at
Kastila sa harapan ng batas, pagkakaroon ng kinatawan sa Cortes
Generales ang Pilipinas, pagkakaroon ng sekularisasyon sa mga parokya ng
Pilipinas, kalayaan sa pagpupulong ng matiwasay, pagpapalathala at
pagsasabi ng mga pang-aabuso at ano mang anomalya sa pamahalaan.
Nilalayon ng kilusang ito na humingi sa pamahalaang Kastilang mga reporma
sa mapayapang pamamaraan.
Itinatag ito ng mga Pilipinong ilustrado sa Madrid para sa
layuning pampanitikan at kultural sa halip na politikal na layunin.[1] Sina Jose
Rizal, Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce at ang
magkapatid na Luna--Juan at Antonio--ang ilan sa mga kasapi dito.
Ang La Solidaridad ang pahayagan ng mga propagandista na unang
inilathala sa Barcelona, Espanya noong Pebrero 15, 1889. Sa pahayagang
ito nalathala ang mga katiwalian sa kolonya ng Pilipinas. Natapos ang
paglilimbag noong 1895. May mga sipi na palihim na iniluwas sa Pilipinas at
lihim namang binabasa sa mga nakapinid na mga pintuan.
Hindi nagtagumpay ang mga propangandista dahil kinulangan sila ng
pondo , hindi sila pinakinggan ng mga prayle, hindi pagkakaunawaan sa mga
kasapi at pinuno, at mas pinansin ng Espanya ang kanilang panloob na
usapin na dapat nilang tugunan.

ANG MGA TAO SA LIKOD NG PROPAGANDA AT


HIMAGSIKAN

DR. JOSE RIZAL (1861-1896)

ANG KANYANG MGA AKDA :


1. Noli me Tangere - nobelang nagpasigla sa Kilusang Propaganda at nagbigay-
diin sa himagsikan laban sa Espanya.
2. El Filibusterismo - ito ang nobelang karugtong ng Noli.
3. “ Mi Ultimo Adios “ ( Ang Huli Kong Paalam “ ) – ito ang ay kanyang isinulat
noong siya ay nakakulong sa “ Fort Santiago “.Pinakadakilang tula sa daigdig.
4. “Sobre La Indolencia de los Filipinos “(Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino ).
5. “ Filipinas Dentro De Cien Anos “ ( Ang Pilipinas sa Loob ng Sandaang Taon ).
6. “ A la Juventud Filipino “ ( Sa Kabataang Pilipino ) – Ito ay isang tulang
inihandog niya sa mga Kabataang Pilipinong nag-aaral sa pamatasan ng
Sto.Tomas.
7. “ El Consejo De Los Dioses” ( Ang kapulungan ng mga Bathala ) – Ito ay isang
dulang patalinghagang nagpapahayag ng paghanga kay Cervantes.
8. “ Junto Pasig “ ( Sa Tabi ng Pasig ) – Isinulat niya ito nang siya ay may 14 na
taong gulang.
9. “ Me Piden Versos” ( Hinilingan nila Ako ng mga Tula ).
10. “ Notas A La Obra Sucesos De Las Filipinas Por El Dr. Antonio de Morga )
1889.
MARCELO H. DEL PILAR (1850-1896)

ANG KANYANG MGA AKDA :


1. “ Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” – salin sa tulang Kastilang “ Amor Patrio” ni
Rizal na napalathala noong Agosto 20, 1882 sa “ Diariong Tagalog”.
2. “ Kaiingat Kayo “ – ito ay isang paborito at patuyang tuligsa at tugon sa tuligsa
sa “ Noli” ni Rizal.
3. “Dasalan at Tocsohan” – akdang hawig sa katesismo subalit pagtuya laban sa
mga prayle na inilantad sa Barcelona.
4. “ Ang Cadaquilaan ng Dios “ – ito ay isang hawig sa katesismo subalit laban
sa mga prayle na inilathala sa Barcelona.
5. “Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas “- isang tulang nagsasaad ng
paghingi ng pagbabago.
6. “Dupluhan…Dalit…Mga Butong” – ito ay katipunan ng maiigsing tula at pang-
aapi ng mga prayle sa Pilipinas.
7. “La Soberana en Filipinas” – isang sanaysay na tungkol sa mga katiwala at di
makatarungang ginawa ng mga prayle sa mga Pilipino.

GRACIANO LOPES JAENA (1856-1896 )


ANG KANYANG MGA AKDA :
1. “Ang Fray Botod “ – tumutuligsa sa mga prayle na masiba, ambisyoso, at
immoral ang pagkatao.
2. La Hija del Praile at “Everything is Hambug”(ang lahat ay kahambugan) –
kapahamakan at kabiguan kung mapakasal sa isang Kastila.
3. “Sa Mga Pilipino” – 1891 – isang talumpati na ang layunin ay mapabuti ang
kalagayn ng mga Pilipino.
4. “Talumpating Paggunita kay Kolumbus” – isinasaad ang pagkakatuklas ng
Amerika na binigkas niya sa teatro ng Madrid.
5. “En Honor del Presidente Morayta dela Asoxiacion Hispano Pilipino” – 1884 –
pinuri ni Lopez Jaena si Hen.Morayta sa pagpapantay-pantay niya sa mga
tao.
6. “En Honor de los Artistas Luna y Resurrecssion Hidalgo” – 1884 – Matatapat
na pupuri sa kanilang mga iginuhit na naglalarawan ng mga kalagayan ng
mga Pilipino sa kamay ng mga Kastila.
7. “Amor A Espana o Alas Jovenas de Malolos” – (Pag-ibig ng Espanya sa mga
kababaihan ng Malolos. Pag-aaral sa Kastila ng mga babae na ang guro ay
gobernador ng lalawigan ang magbibigay.)
8. “El Bondolerismo En Pilipinas” – Ipinagtanggol ni Graciano Lopez Jaena na
walang tulisan sa Pilipinas at dapat magkaroon ng batas tungkol sa mga
nakawan at kailangang (Pilipinas) baguhin upang hindi mahirapan ang
Pilipinas.
9. “Honor En Pilipinas” – Karangalan sa Pilipinas – ang pagwawagi sa
exposisyon nina Luna, Resurreccion, at Pardo de Tavera na ang katalinuhan
ay nagbigay ng karangalan sa Pilipinas.

IBA PANG MGA PROPAGANDISTA


ANTONIO LUNA (1868-1899)

ANG KANYANG MGA AKDA:


1. Noche Buena – naglalarawan ng tunay na buhay Filipino.
2. Se Divierten – (Nalilibang Sila) – isang pagpuna sa sayaw ng mga Kastila na
halos di-maraanang sinulid ang pagitan ng mga nagsisipagsayaw.
3. La Tertulia Filipina – (Sa Piging ng mga Pilipino) – naglalahad ng isang
kaugaliang Filipino na ipinalalagay niyang lalong mabuti kaysa kaugaliang
Kastila.
4. Por Madrid – tumutuligsa sa mga Kastilang nagsasabing ang Pilipinas ay
lalawigan ng Espanya ngunit ipinalalagay na banyaga kapag sinisingilan ng
selyo.
5. La Casa de Huespedes – (Ang Pangaserahan) naglalarawan ng isang
pangaserahan na ang kasera’y naghahanap ng mangangasera hindi upang
kumita, kundi upang maihanap ng mapapangasawa ang kaniyang anak.
6. Impresiones – ito’y isang paglalarawan sa ibayong kahirapang dinaranas ng
isang mag-aaral na naulila sa amang kawal.

MARIANO PONCE

ILAN SA KANIYANG MGA AKDA:


1. Mga Alamat ng Bulakan – naglalaman ng mga alamat at kuwentong bayan ng
kaniyang bayang sinilangan.
2. Pagpugot kay Longino – isang dulang Tagalog na itinanghal sa liwasan ng
Malolos, Bulakan.
3. Sobre Filipinas
4. Ang Mga Pilipino Sa Indo-Tsina

PEDRO PATERNO (1865-1895)

ILAN SA KANYANG MGA


AKDA:
1. Ninay – kauna-unahang nobelang
panlipunan sa wikang Kastila na sinulat
ng isang Pilipino.
2. A Mi Madre (Sa Aking Ina) – nagsasaad
ng kahalagahan ng isang ina, na nagiging
malungkot ang isang tahanan kung wala
ito.
3. Sampaguitas Y Poesias Varias – katipunan ng kaniyang mga tula.

ANDRES BONIFACIO
ANDRES BONIFACIO

ILAN SA KANIYANG MGA AKDA:


1. Katungkulang Gagawin ng Mga Anak ng Bayan – nahahalintulad sa Sampung
Utos ng Diyos ang pagkakahanay ng kartilyang ito.
2. Huling Paalam – salin sa Tagalog ng “Mi Ultimo Adios” ni Rizal
3. Pag-ibig sa Tinubuang Lupa – isang tulang naging katulad din ng pamagat ng
kay Marcelo H. del Pilar.

APOLINARIO MABINI

ILAN SA KANYANG MGA AKDA:


1. El Verdadero Decalogo – (Ang Tunay Na Sampung Utos) – ito ang
ipinalalagay na kaniyang pinaka “obra maestra” na ang pinakahangarin niya
rito ay ang magpalaganap ng nasyonalismong Pilipino.
2. El Desarollo Y Caida de la Republika Filipina (Ang Pagtaas at Pagbasak ng
Republikang Pilipino.)
3. Sa Bayang Pilipino
4. Pahayag
EMILIO JACINTO

ILAN SA
KANIYANG MGA AKDA:
1. Kartilya ng Katipunan
2. Liwanag at Dilim – Katipunan
ng kaniyang mga sanaysay
na may iba’t ibang paksa, tulad ng kalayaan, paggawa, paniniwala,
pamahalaan at pag-ibig sa bayan.
3. A Mi Madre (Sa Aking Ina) – isang madamdaming oda.
4. A La Patria – ang ipinalalagay na kaniyang obra-maestra.
ANG MGA PAHAYAGAN NANG PANAHON NG HIMAGSIKAN

1. Heraldo de la Revolucion – naglalathala ng mga dekreto ng


pamahalaang mapanghimagsik, mga balita at mga akda sa Tagalog na
pawang gumigising sa damdaming makabayan.
2. La Independencia – pinamatnugutan ni Antonio Luna na naglalayon
ng pagsasarili ng Pilipinas.
3. La Republica Filipina – itinatag ni Pedro Paterno noong 1898.
4. La Libertad – pinamatnugutan ni Clemente Zulueta.

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG PANITIKAN SA PANAHON NG


AMERIKANO
Noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-
1946), ang pamahalaan ng Estados Unidos ang namamahala sa pagbibigay
ng edukasyon sa Pilipinas.
Makikita at mararamdaman ang epekto ng pananakop ng mga
Amerikano sa sistema ng pampublikong edukasyon na itinayo nito sa bansa.
Matapos mapasakamay ng mga Amerikano ang Maynila noong Mayo 1898,
sinimulan na ang pagtatatag ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Sa
simula, mga sundalong Amerikano muna ang nagsilbing unang guro na
kalaunan ay napalitan ng mga gurong galing sa America. Ang
pinakamalaking pangkat ng mga guro ay dumating sa Pilipinas noong 1901
lulan ng barkong Thomas. Itinalaga sa Maynila at mga lalawigan ang mga
gurong ito na binansagang Thomasites.
Sa ilalim ng Batas bilang 74, itinatag ang Kagawaran ng Pampublikong
Instruksiyon (Department of Public Instruction). Sa pamamagitan din ng
batas na ito ay nabigyang-daan ang pagkakaroon sa bansa ng mga normal
school at trade school tulad ng Philippine Normal School/University at ang
Philippine School of Arts and Trades na kilala ngayon bilang Technological
University of the Philippines.
Noong 1906 nagpadala ng mga Pilipinong iskolar ang pamahalaang
kolonyal sa America. Tinawag silang mga pensionado dahil tinutustusan ng
pamahalaan ang kanilang pag-aaral. Marami sa kanila ang nag-aaral ng
edukasyon, abogasya, medisina at inhinyeriya. Pagbalik ng mga ito sa
Pilipinas, sila ang mga naging guro at propesor o kaya ay tagapaglingkod sa
iba’t-ibang sangay ng pamahalaan.
Noong 1907, pinalabas ng Asamblea ng Pilipinas ang Batas Gabaldon
na isinulat ng mambabatas na si Isauro Gabaldon ng Nueva Ecija. Sa
pamamagitan ng batas na ito, nabigyang-bisa ang pagtatayo ng dalawang
pampublikong paaralan sa bawat lalawigan. Maraming estudyante ang
nakapasok sa mga pampublikong paaralan dahil ito ay sapilitan. Ingles ang
ginamit bilang wikang panturo.
Bagama’t hindi na bago sa Pilipinas ang libre at sapilitang pagpapaaral
dahil naisagawa na ito noong panahon ng mga Espanyol, mas malakas
naman ang naging epekto ng programa ng mga Amerikano dahil naging mas
malawak ang saklaw nito. Bukod sa matrikula, libre rin ang mga aklat, lapis
at papel. Kaugnay pa nito, nagpalabas din ang mga Amerikano ng kautusan
na maaring ikulong ang mga magulang na hindi pinapapasok ang kanilang
mga anak sa paaralan. Dahil sa patakarang ito, lumaki ang bahagdan ng
mga mamamayan na natutong bumasa at sumulat at ang wikang Ingles ay
agad na naging pangunahing wika ng edukasyon at pamamahayag. Naging
daan din ang edukasyon sa pagsalin ng mga kaalamang Kanluranin ukol sa
pag-aalaga ng kalusugan at pagpapanatili ng kalinisan upang makaiwas sa
sakit.
Sa panahon din ng mga Amerikano, naitatag sa bansa ang mga
pamantasan tulad ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1908. Ito ang naging
sentro ng edukasyong sekular na hindi katulad ng mga pamantasang
pinatatakbo ng mga Kongregasyong Katoliko.
Bukod sa simbahang Katoliko, binigyang-laya rin ng mga Amerikano
ang ibang sekta ng relihiyon na makapagtatag ng mga institusyong pang-
akademya. Ang halimbawa nito ay ang mga Protestante na nagtatag ng
Silliman University sa Dumaguete sa isla ng Negros noong 1901.
Nakapagtatag din ang mga sekular na pribadong mga pamantasan tulad ng
Far Eastern University at University of Manila.
Nabigyan din ng pagkakataon ang pagtatatag ng mga unibersidad
para sa kababaihan tulad ng Escuela de las Señoritas na ngayon ay kilala
bilang Centro Escolar University at Philippine Women’s University.
Nagbibigay-daan ito sa pag-usbong ng mga babaeng propesyonal sa
larangan ng medisina, abogasya at edukasyon.

ANG PANITIKAN SA PANAHON NG AMERIKANO AT


SEDISYON

Kung pananampalataya ang naging pamana sa mga Pilipino ng mga


Espanyol, ang Edukasyon naman ang naging pangunahing ambag ng
Estados Unidos. Sa panahong ito naman inihandog ng mundo ang mga
mahuhusay na mga Pilipinong makata na nagsusulat sa Ingles at Tagalog.
Hindi rin naman agad nawala ang mga nagsusulat sa wikang kastila.
Taong 1910 mas lalong umusbos ang mga Panitikang Ingles at dito
na sumibol lalo ang mga tanyag na Pilipinong manunulat tulad nina: Cecilio
Apostol na naging tanyag sa kaniyang pagsulat ng mga Oda alay sa buhay
at kadakilaan ni Rizal. Nariyan din si Claro M. Recto na sikat sa kanyang
mga talumpati. Si Lope K. Santos naman na siyang sumulat ng isang obra-
maestra na Banaag at Sikat at siya rin ang nagpasikat ng mga sosyalistang
mga akda. Si Jose Corazon de Jesus bilang makata ng pag-ibig at ang
kaniyang madalas katunggali sa mga timpalak ay si Florentino Collantes.
Nandiyan din si Severino Reyes o mas sikat sa sagisag panulat na Lola
Basyang. Itinuturing siyang Ama ng Dulang Tagalog dahil sa kaniyang
walang kamatayang dulang Walang Sugat. Si Zoilo Galang naman ang
itinuturing na pinakaunang nobelistang pilipino. Sumikat siya sa kaniyang
akdang A Child of Sorrow at marami pang iba.
Para sa mga manunulat na Pilipino, ang pinakamahalagang naganap
ay nakakawala sila sa galamay ng kaisa-isang paksang maaari nilang
talakayin sa panahon ng Kastila at ito ay ang pagpuri’t pagbibigay-
karangalan sa kanilang relihiyong Kristiyanismo. Kahit na nga sila’y
ginapusan ng bagong panginoon ng mahigpit na tanikala ng Batas ng
Sedisyon. Makasusulat sila ng tungkol sa kahit na ano, lalo na ang tungkol
sa pang-aabuso’t pananampalasan ng kanilang mga dating panginoon, ang
mga Kastila.

Sa ilalim ng Batas Sedisyon ay hindi sila maaaring magsulat nang


lantaran ni sa paraang pahiwatig ng kahit na anong makapagpapaalab sa
damdaming makabayan laban sa mga Amerikano. Hindi sila maaaring
magsulat ng laban sa mga Amerikano, laban sa kanilang mga pagmamalabis
laban sa kanilang mga layunin na hindi naman pawang sa kapakanang
Pilipino.

Nahahati ang panahong 1901 -1942 sa tatlo: (a) Panahon ng


Paghahangad ng Kalayaan; (b) Panahon ng Romantisismo sa Panitikan (c)
Panahon ng Malasariling Pamahalaan

Panahon ng Paghahangad ng Kalayaan

Sa tanglaw ng kasaysayan ay higit ngayong maliwanag ang


pagsusuri sa mga naganap nang panahong iyon. Nabigyan ng kalayaan ang
mga Pilipino subalit katakatakang may malaking balakid na humadlang sa
pag-usbong ng panitikang makabayan. Unang- una, dapat na sumibol na uri
ng panitikan sa panahong iyon ay pagpapatingkad ng nasyonalismo:
pagmamahal sa bayan, sariling kalinangan, panitikan at wika. Totoong ang
dula ay ginamit ng mga manunulat upang ipahayag ang kanilang mga
“paghihimagsik” tulad ng masaksihan sa Tanikalang Ginto ni Juan K. Abad at
Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino.

Subalit dahil nga sa batas ng Sedisyon at dahil sa pangkontrol ng


mga Amerikano sa sarili nating kapakanan at sa katuparan ng kanilang mga
makasariling layunin, naiba ang takbo ng panitikan.

Ang Romantisismo sa Panitikan

Naging isang mabisang kasangkapan ng mga Amerikano ang


pagpapalaganap ng romantisismo sa kanilang pangkalahatan at mabilisang
pagbabago sa katutubong kamalayang Pilipino. Ito ang uring nahihimig sa
Romantisismo ng Kanluran - lubhang emosyunal, malabis ang
pagkamoralistiko, sadyang sumusuma sa hindi kayang abutin ng isipan,
dumadakila sa kagandahan at kapangyarihan ng kalikasan, gumagamit ng
matayog na imahinasyon o guni-guni at bumabandila ng tungkol sa
kalayaang sarili. Masasabing bagaman nakuha ng panitikang Pilipino ang
romantisismong banyaga ay hindi naman lubus-lubusan. Isang katangian ng
manunulat na Pilipino ang kakayahang ihalo ang ‘hiniram’ na katulad ng
romantisismo sa pansariling elemento na angkop lamang sa kulturang
Pilipino.

Talakayin natin ang mga katangiang romantiko na napaloob sa mga


pampanitikang sulatin noon.

Unang- una, masasabing nagasgas nang husto ang paboritong


paksa, ang pag-ibig. Sa tuwi-tuwina, binibihisan lamang ng iba’t ibang anyo’t
kulay, ito’y tungkol sa pag-iibigan ng isang mahirap at isang mayaman.
Ang ganitong kalakaran ng paksa ay malinaw na mababakas sa mga
kuwentong lumitaw sa Mga Kuwentong Ginto: Katipunan ng Pinakamahusay
na Katha Mula sa 1925- 1935. Ito’y tinipon at ipinalagay na pinakamahusay
nina Clodualdo del Mundo at Alejandro Abadilla. Isa pang katangian ng
panitikang Romantiko ay ang pagpaksa sa katutubong buhat sa mga
lalawigan, lalo na sa malalayong nayon. Sa isang tagalunsod na
mambabasa, ito’y tila ba isang pagganyak na iwan ang buhay na iyon at
lasapin ang sarap ng buhay sa piling ng mga bukiring namamango sa hinog
na palay at kalabaw sa ilalim ng punong mangga: ngangasab-ngasab at
kontento na. Pinalutang din ang mga tauhang kahanga-hanga, ang maiinam
na mga katangaian o iyong tinatawag na mga romanikong bayani.

Sa ibabaw ng lahat ng ito, ang panitikang romantiko ay yaong


nagbibigay ng aral batay sa mga ipinangangaral ng relihiyong Kristiyanismo.
Sa tuwina’y ikinikintal sa isipan na ang masama’y pinarurusahan at ang
mabuti’y tumatanggap ng karampatang gantimpala.

Mga Samahan ng mga Manunulat

Mahahati ang panahong ito batay sa mga itinatag na mga samahan ng mga
manunulat noong ang Aklatang- Bayan (1900- 1921), at Ilaw at Panitik
(1922-1934).

Panahon ng Aklatang Bayan (1900- 1921)

Ang Pasingaw at Dagli

Sang-ayon kay Lope K. Santos, ang maikling kathang Tagalog ay


matutuntong na nagsupling sa anyo ng panitikang tinatawag na Pasingaw.
Ito’y kadalasang tungkol sa mga dalagang hinahangaan, nililigawan,
sinasamba nang lihim o pinaparunggitan dahil sa nais tawagan ng pansin
ang kapintasan sa pag-uugali o sa hitsura. Kaya ang kadalasang nagsusulat
nito ay mga lalaking manunulat na nagkukubli sa ilalim ng mga sagisag dahil
na rin sa “kaselanan” ng mga paksang tinatalakay. Ang pasingaw ay naging
dagli. Sa tiyakang pagbibigay ng kahulugan , ang dagli ay isang maikling
salaysay na nangangaral, namumuna, nagpapasaring at nanunuligsa.

Ang Tula sa Panahon ng Aklatang Bayan

Yumabong nang husto ang tula sa panahong ito ng Aklatang-Bayan.


Masasabi pa ngang sa lahat ng panitikan ng panahong iyon ay sa tula nanaig
nang ganap ang romantisismo

Si Francisco Balagtas ay hindi maikakailang produkto ng kaniyang


panahon. Sa kaniyang mga isinulat na hindi nasunog at sumapit sa kamay
ng mga sumunod na henerasyon ay ganap na mababakas ang labis na
sentimentalismo ng kaniyang panahon.

Ang mga Manunulat ng Panahon:


Jose Corazon de Jesus - Ang “Makata ng Puso” ang
siyang higit sa kaninoman ay nakapagmana ng
korona’t setro, ng panulat at papel ni Francisco
Balagtas. Hindi kailanman magiging ganap ang
anomang pagsusuri ng tulang Pilipino sa kahit anong
panahon kung hindi babanggitin ang pangalan ni
Huseng Batute, ang “Makata ng Puso”.

Pedro Gatmaitan - Nagpakita ng pag-


unawa sa kalagayang panlipunan ng
kaniyang paligid. Taong 1913 nang
kanyang paksain ang tungkol sa
maselan na temang nauukol sa
lipunang pyudal. Sumulat din siya ng mga nauukol sa
pagmamahal sa bayan.

Iñigo Ed Regalado - Siya ay isa ring kuwentista,


nobelista at mamamahayag ngunit ang buong
linamnam at tamis ng kaniyang pagkamulat ay sa
kaniyang mga tula malalasap. Tinalakay niya sa
kaniyang mga tula ang buhay sa daigdig, ang mga
bagay- bagay sa kapaligiran at ang mga di mapapasubaliang katotohan ng
buhay.

Florentino Collantes - kasabay ni Jose Corazon de


Jesus at mahigpit niyang nakaribal sa titulong Hari ng
Balagtasan. Itinuring siyang makata ng mga
magsasaka at may sagisag-panulat siyang Kuntil Butil

Julian Cruz Balmaceda - Kilalang mandudula,


mananalaysay, nobelista, mananaliksik wika at
makata. Siya ay naging patnugot ng Surian ng Wikang Pambansa hanggang
sa mamatay sa taong 1947.

Mga Manunulat ng Dula

● Severino Reyes - Taong 1902 nang simulan niyang mag-ukol ng panahon


para sa pagsulat at pagpapaunlad ng dulang Tagalog. Para sa kaniya, ang
moro-moro o komedya ay walang idinudulot na anomang kapakinabangan sa
mga manonood kaya’t pinagsikapan niyang ito’y palitan ng inaakala niyang
higit na mapagkukunan ng aral at karikitan ng sambayanang manonood. Mula
nang pasukin niya ang makabagong uri ng dulang tagalog, ang sarsuwela,
wala nang dulang nakahigit sa kaniya. Siya ang may-akda ng pamosong
Walang Sugat.
● Patricio Mariano - Siya ay nakapag-ambag na sa iba’t ibang larangan ng
panitikang Pilipino. Siya’y kinikilala hindi lamang sa pagsusulat ng dula kundi
gayon din sa pagiging isang batikang makata, mamamahayag, nobelista at
tagapagsalin ng mga sulatin mula sa wikang Kastila.

URI NG MALA-DULANG PAGTATANGHAL

● Zarsuela - Ito ay isang dula na may awitan at sayawan, mayroon itong isa
hanggang limang tagpo lamang na kadalasang nagpapakita ng pang-araw-
araw na takbo ng buhay ng mga Pilipino, tulad ng kwento ng pag-iibigan o dili
kaya naman ay mga isyung panlipunan.
● Balagtasan - Isang patulang pagtatalo o debate na may tatlong tauhan, ang
dalawang magkatunggali ng katwiran sa isyu at isang lakandiwa na siyang
tagapagitna. Ito ay isinunod sa dakilang Sinse ng Panginay na si Francisco
Balagtas. Ang kauna-unahang balagtasan ay ginanap sa bulwagan ng
Instituto de Mujeres noong 1924, Ang mga makatang nagtagisan ng talino ay
sina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes.
● Balagtasan- Balitaw- Isang anyo ng dulang Cebuano na pinagsanib ang
duplo at balitaw. May mga pagkakataong ang banghay ng pagliligawan sa
balitaw ay nagiging sanligan ng pagtatalo sa isang paksang hindi romantiko.
● Batutian- Isang mimetiko at satirikong pagtatalong patula na may kayarian ng
isang dula na pinangalanan sa makatang si Jose Corazon de Jesus na higit
na kilala sa sagisag panulat na Huseng Batute.
● Bukanegan- Isang mimetikong pagtatalong patulang nagbuhat sa pangalang
Pedro Bukaneg na itinuturing na “Ama ng Panulaang Ilocano.” Kahawig ito ng
Balagtasan at Batutian ng mga Tagalog.
● Crissotan- Isang mimetikong pagtatalong patulang buhat sa pangalang
Crisostomo Sotto, ang Ama ng Panulaang Pampango. Isa itong pagtatalong
kahawig ng Balagtasan at Batutian ng mga Tagalog at Bukanegan ng mga
Ilokano.

Panahon ng Ilaw at Panitik

Ang Panahon ng Ilaw at Panitik ay nagsimula sa paglitaw ng


magasing Liwayway noong 1922. Ito’y nakilala muna sa tawag na Photo
News noong mga unang taon nito. Maliwanag na mababakas sa mga
pangyayari ang paglitaw ng magasing Liwayway ay nagdulot ng di gaanong
pampasigla sa panitikan. Hanggang sa sumusunod na panahon ay patuloy
itong nanatili sa sirkulasyon habang ang ibang nauna o kasabay nito ay
naglahong parang bula. Ang Panahon ng Ilaw at Panitik ay nagwakas sa
taong 1932, sa pagkatatag ng Panitikan, isang kapisanang itinuturing na
siyang sakdalista at aristokrata ng panulatang Pilipino.

Maikling katha

Masasabi na ring masigla ang pagsulat at pagtanggap ng


sambayanang Pilipino sa maikling katha bagamat patuloy ang pamamalasak
ng romantisismo. Dahil sa Parolang Ginto ni Clodualdo del Mundo,
nagkaroon ng pagpili sa mga akdang sa palagay niya’y pinakamagagaling na
katha ng mga buwan at taon.

Dahil sa siyam na taong matiyagang pagsasala ni Del Mundo sa


inakala niyang pinakamahusay na maikling katha, masasabing tumaas ang
kilatis ng maikling katha. Nagkaroon ng inspirasyon ang mga manunulat at
naging masigla sila. Nagkaroon lalo ng matibay na dahilan upang
paghusayin ang pamamaraan ng kanilang pagsusulat. Nagkaroon sila ng
matibay na dahilan upang paghusayin ang pamamaraan ng kanilang
pagsulat at palawakin ang tema na hindi naman pawang sa pag-ibig. Taglay
ng panahong ito ang tatak ng mga pampanitikang katangian ng
nagpapabukod- tango sa mga maiikling kathang nasulat sa panahong iyon.
Ganap nang nababakas ang tinatawag na katipian sa larangan ng
paglalarawan at ganoon din sa pagpapahayag ng nadarama. Ang larawan at
ganoon din sa pagpapahayag ng nadarama. Ang mga kuwentista ay
nagsimula na ring gumamit ng mga panauhan sa kuwento.

Ang Tula

Ang paglathala ng Liwayway noong taong 1922 ang siyang naging


higit sa lahat na pampasigla sa mga Pilipino. Naging lunsaran ito ng
damdamin at malikhaing imahinasyon ng mga tao. Sa ganoong paraan unti-
unting umangat ang panitikang pilipino lalo na sa tula.

Mga Makata:
Amado V. Hernandez (1903-1970) Ang makata
ng Manggagawa. Ang mga tula niya ay naglalantad
na tumawag at nagmulat sa kamalayang
panlipunan. Tinatalakay niya sa kaniyang mga tula
ang iba’t ibang bahagi ng buhay: tao, makina,
bayani, gagamba, langgam, panahon at pati aso.

Ildefonso Santos (1897-1984) Hinangaan siya


bilang makata ng kaniyang panahon. Naging tanyag siya
sa kaniyang husay at kariktan ng kaniyang mga
pananalitang ginagamit sa kaniyang mga akda ngunit
kakambal nito ang katayugan ng diwang ipinahayag. Siya
ang kauna-unahang gurong pilipino na nakapagturo sa
National Teachers College noon. Ginamit niya ang sagisag-panulat na Ilaw
Silangan. Ang ilan sa kanyang mga tula ay ang mga “Gabi”, “Sa Tabi ng
Dagat”, siya rin ang sumulat ng pamosong “ Pilipinas Kong Mahal” na
nilagyan na rin ng salin na musika. Siya ang ama ni Pambansang Alagad ng
Sining para sa Arkitektura Ildefonso P. Santos Jr.

You might also like