You are on page 1of 6

Prelim

Ayon sa Bagong Pangkolehiyong Diksyunaryo ni Webster, ang panitikan ay ang kabuuan o kalipunan ng mga
pinagyamang isinulat o nailimbag sa isang tanging wika ng mga tao.
Ayon kina Bro. Azarias sa kanyang Pilosopiya ng Literatura, pagpapahayag ito ng mga damdamin ng tao hinggil
sa iba’t ibang bagay sa daigdig, sa pamumuhay, sa pamahalaan, sa lipunan na may kaugnayan sa kaluluwa at Dakilang
Lumikha.
Ang Tunay na Panitikan
Ang tunay na panitikan ay isang matapat na paglalarawan ng buhay na isinasagawa sa paraang masining. Isa
rin itong maayos na pagtutugma-tugma ng mga karanasan ng tao, alinsunod sa ninanais na paraan ng pagpapahayag.
Ayon kay Long (1971), naitala ng pinakamabubuting damdamin ng tao ang isang tunay na panitikan.
Sang-ayon naman kay Dr. Rufino Alejandro (1949), ang panitikan ay katuturang bungang-isip na isinatitik.
MGA LAYUNIN SA PAG-AARAL NG PANITIKAN
1. Malaman ng mga tao ang kanilang kalinangan at kasaysayan.
2. Mabatid nila ang kalakasan o kahinaan ng kanilang paniniwala at pag-uugali.
3. Maging matatag at matibay ang kanilang pagkalahi.
4. Malaman ang mga kapintasan at kagalingang pampanitikan upang lalong mapayabong.
5. Magkaroon ng pagmamalasakit sa ating sariling panitikan.
KALAGAYANG NAKAPANGYAYARI SA PANITIKAN
a. Klima- may kinalaman sa pag-iisip at pag-uugali ng tao.
b. Hanapbuhay - gawaing pang-araw-araw at mga tungkulin ng tao.
c. Kinatitirhan- ang kinatitirhang pook ng lahi ay nagtatakda sa hilig at takbo ng talasalitaan at himig ng tayutay ng
panitikan.
d. Lipunan at pulitika- mga ugaling panlipunan at mga simulaing pampulitika at pamahalaang nagdadala ng
kahilingan at kabihasnang nagpapasama sa panitikan ng isang bansa.
e. Relihiyon at edukasyon- ang tayog, lalim, at lawak ng isang panitikan ay nakukuha rin sa pananampalatayang dala
ng relihiyon at sa kabihasnan at kalinangang naituturo ng pilosopiya ng edukasyon ng bansa.
LESSON PROPER
MGA IMPLUWENSYA NG PANITIKAN
Malaki ang naging impluwensya ng iba’t ibang akda sa buhay ng mga Pilipino. Narito ang ilan sa mga aklat na
binanggit:
1. Doctrina Christiana. Isinulat ni Padre Juan De Plasencia noong 1593. Naglalaman ito ng sampung utos ng
Diyos, ang mga utos ng Santa Iglesya, ang pitong sakramento at ang labing-apat na pagkakawanggawa.

A. Ang Sampung Utos ng Diyos


1. Ibigin mo ang Diyos nang lalo sa lahat.
2. Huwag mong saksihin ang Diyos kung hindi totoo.
3. Mangilin ka kung Domingo at kung pista.
4. Igalang mo ang iyong ama at ina.
5. Huwag kang pumatay ng kapwa mo tao.
6. Huwag kang makiapid sa hindi mo asawa.
7. Huwag kang magnakaw.
8. Huwag kang magsisinungaling.
9. Huwag kang magnasa sa di mo asawa.
10. Huwag mong pagnasaan ang di mo pag-aari.
B. Ang mga Utos ng Santa Iglesya
1. Makinig ng misa, huwag liliban lalo na kung Domingo, o pistang pangilin.
2. Magkumpisal at magkomunyon, minsan lang sa isang taon, at kung may hirap na ikamamatay.
3. Magpakasal ayon sa batas ng Santa Iglesya.
4. Mag-ayuno kung ipinag-uutos ng Santa Iglesya.
5. Mag-abuloy sa Santa Iglesya ayon sa kakayahan.
C. Ang Pitong Sakramento
1. Baptism o Pagbibinyag
2. Confirmer o Pagkukumpil
3. Confesar o Pangungumpisal
4. Comulgar o Pagtanggap ng komunyon
5. Extrema uncion o pagpapahid ng langis
6. Order ng sacerdote o banal na pagpapari
7. Pagpapakasal
D. Ang Labing-apat na Pagkakawanggawa
1. Dalawin ang mahihirap.
2. Painumin ang nauuhaw.
3. Pakainin ang nagugutom.
4. Damitan ang walang damit.
5. Tubusin ang nabihag.
6. Patuluyin ang walang tutuluyan.
7. Ibaon ang namatay.

8. Aralan ang di-nakaaalam.


9. Aralan ang di-napaaaral.
10. Ang taong nagkasala ay pagdalitain.
11. Iwalang-bahala sa loob ang kasalanan ng nagkasala sa iyo.
12. Huwag ipaaalam sa loob ang pagmumura ng tao.
13. Aliwin ang nalulumbay.
14. Ipanalangin sa Diyos ang nabubuhay at nangamatay na
kristiyano.
E. Ang Pitong Kasalanang Mortal
1. kapalaluan
2. kahalayan
3. kasakiman
4. katakawan
5. galit
6. inggit
7. katamaran
2. Nuestra Señora del Rosario. Ikalawang aklat na nalimbag sa Pilipinas. Akda ito ni P. Blancas De San Jose noong
1602.

3. Barlaan at Josaphat- Isinulat sa wikang Griyego ni San Juan Damaceno at isinalin sa wikang Tagalog ng
heswitang pari na si Antonio de Borja. Kauna-unahang nobelangTagalog
4. Koran – pinakabibliya ng mga Muslim at nagmula sa Arabia.
5. Banal na kasulatan o Bibliya- Mula sa Palestina at Gresya. Nagmula sa salitang Griyego na “Biblios” na
nangangahulugang koleksyon ng mga sinaunang aklat na kinasusulatan ng tungkol sa Diyos at ng Kaniyang
pakikipag-ugnayan sa mga tao. Nahahati ito sa dalawang bahagi:
a. Lumang Tipan- binubuo ng 46 na mga aklat.
b. Bagong Tipan- binubuo ng 27 mga aklat.
6. Iliad at Odessey- Kinatutuhan ng mga alamat at mitolohiya ng Gresya
7. Maha-Bharatas -Kasaysayan ng pananampalataya ng Indiya.
8. Ang Aklat ng mga Patay- Kinapapalooban ng mga mitolohiya at teolohiya ng mga taga- Ehipto.
9. Divina Comedia nagpapahayag ng moralidad, pananampalataya at pag-uugali ng mga Italyano.
10. Canterbury Tales- Naglalarawan ng mga ugaling Ingles at kanilang pananampalataya.
11. Noli Me Tangere at El Filibusterismo -Pinakadakilang likha ni Dr. Jose
Rizal na mula sa Pilipinas.
Tula at Bugtong
Patula o Panulaan (Poetry) - pagbubuo ng pangungusap sa pamamagitan ng salitang binibilang ang pantig sa
taludtod na pinagtugma-tugma ang mga dulo ng mga taludtod sa isang saknong.
Mga uri ng tula:
1. Tulang liriko o tulang pandamdamin- tula ng puso. Nagsasaad ito ng marubdob na karanasan, guniguni o
damdamin ng may akda.
A. Dalit- nagbibigay parangal sa Maykapal.
B. Soneto- may labing-apat na taludtod at nagsasaad ng mga
aral sa buhay.
C. Elehiya- isang uri ng panaghoy o panangis.
D. Oda - pumupuri sa isang kadakilaang nagawa ng isang tao o grupo ng mga tao.
E. Awit- ang mga paksa nito ay pag-ibig, pag-asa, kaligayahan, at iba pa.
2. Tulang Pasalaysay – tumutukoy sa mga pinapaksang mahahalagang mga tagpo o pangyayari sa buhay, ang
kagitingan at kabayanihan ng tauhan.
A. Awit /Korido– tulang nagsasalaysay ng pakikipagsapalaran ng mga kilalang tao sa kaharian gaya ng hari,
reyna, duke, prinsipe, at prinsesa.
B. Awit- labindalawang pantig
C. Korido- wawaluhing pantig
D. Epiko- isinasalaysay ang kabayanihan at pakikipagtunggali ng isang tao o mga tao laban sa mga kaaway na
kadalasang hindi mapaniwalaan dahil sa mga tagpuang makababalaghan at di-kapani-paniwala.
3. Tulang Patnigan
A. Karagatan- paligsahan sa tula na nilalaro bilang parangal sa isang patay.
B. Duplo- paligsahan sa tula na karaniwang ginaganap sa ikasiyam na gabi sa bakuran ng namatayan matapos
mailibing ang patay bilang pang- aliw sa naulila nito.
C. Ensileda- paligsahan sa pagtula na ginagawa bilang pang- aliw sa namatayan. Ginagawa ito gabi- gabi hanggang
ikasiyam na gabi.
D. Balagtasan- isa pang tagisan ng talino sa pamamagitan ng palitan ng katwiran pamamaraang patula.
E. Tulang pandulaan- dulang isinusulat nang patula tulad ng moro-moro at komedya
F. Balad – uri o tema ng isang tugtugin.
G.Tanaga – tumutukoy ito sa mga maikling katutubong Pilipinong tula na naglalaman ng pangaral at payak na
pilosopiyang ginagamit ng matatanda sa pagpapagunita sa mga kabataan.
H. Haiku- isang panitikang tula na nagmula sa bansang Hapon.

A. Tula- ito ay uri ng akdang pampanitikan na binubuo ng mga saknong at ang bawat saknong ay binubuo naman ng
mga taludtod.
Mga Uri ng Tula:
1. Tradisyunal
Tinatawag na tradisyunal ang isang tula kung mayroon itong sukat, tugma at indayog.
2. Malayang Taludturan
Itinuturing na malayang taludturan ang tula kung walang sukat at tugma o di- regular ang sukat at
kumbensyunal ang tono o hagod.
Mga Sangkap ng Tula:
1. Tugma- magkakasintunog ang huling pantig ng bawat taludtod
2. Sukat- tumutukoy sa bilang ng pantig, saknong, at taludtod ng tula.
3. Paksa o kaisipang taglay ng tula- ito ang mga nabubuong kaalaman, mensahe, pananaw at saloobin nito.
4. Talinghaga- kung napagagalaw nang husto ang guniguni ng bumabasa bunga ng pagtataka at pagtatanong.
5. Imahen o larawang- diwa- kung may nabubuo sa guniguni ng mambabasa na isang tao, pook, sitwasyon o
pangyayari.
6. Aliw- iw- kung maindayog ang pagbigkas.
7. Tono- ito ang damdaming nakapaloob sa tula. Maaaring may kalungkutan, kasiyahan, galit, pag-aalala, at iba pa.
Maaari ring ang tono ng tula ay nangangaral o kaya naman ay nang-aaliw.
8. Persona- tumutukoy sa nagsasalita sa loob ng tula.
9. Bugtong- binubuo ito ng mga parirala at mga pangungusap na maaaring patula at patalinhaga kung bigkasin.

Salawikain at Maikling Kwento


A. Salawikain- nagpapahayag ng aral sa buhay sapagkat kinapapalooban ng mabubuting payo ng mga
matatanda na batay sa kanilang karanasan sa buhay.
Katangian ng mga Salawikain:
a. Payak
b. Karaniwan ang mga pananalita
c. May tugma ang karamihan
d. Kinasasalaminan ng puna sa buhay
e. Maiikling pangungusap
f. Pag-uulit ng mga salita
B. Maikling Kuwento – ito ay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at
may iisang kakintalan o impresyon lamang. Isa itong masining na anyo ng panitikan
Edgar Allan Poe
Ama ng Maikling kuwento at nagpahayag na ang maikling kuwento ay isang akdang pampanitikang likha ng guniguni
o bungang- isip na hango sa isang tunay na pangyayari sa buhay.
Sebastian - Ang dula ay nagsimula noong mga unang taon ng pangungupkop ng mga Amerikano.
Tiongson - Ang drama ay binubuo ng tanghalan, ibat ibang kasuotan, iskripto, “characterization”, at “internal
conflict.”
Uri ng Maikling Kuwento:
1. Kuwento ng tauhan- inilalarawan ang mga pangyayaring pangkaugalian ng mga tauhang nagsisiganap upang
mabigyan ng kabuuan ang pag-unawa sa kanila ng isang mambabasa. Ang diin nito ay nasa mga tauhan.
2. Kuwento ng katutubong kulay- binibigyang-diin ang kapaligiran at mga pananamit ng mga tauhan, ang uri
ng pamumuhay, at hanapbuhay ng mga tao sa nasabing pook.
3. Kuwentong bayan- inilalahad ang mga kuwentong pinag-uusapan sa kasalukuyan ng buong bayan.
4. Kuwento ng kababalaghan- pinag-uusapan ang mga salaysaying hindi kapanipaniwala.
5. Kuwento ng katatakutan- naglalaman ang kuwento ng katatakutan ng mga pangyayaring kasindak- sindak.
6. Kwento ng madulang pangyayari- binibigyang diin ang kapanapanabik at mahahalagang pangyayari na
nakapagpapaiba o nakapagbago sa tauhan.
7. Kwento ng sikolohiko- ipinadarama sa mga mambabasa ang damdamin ng isang tao sa harap ng isang
pangyayari at kalagayan. Ito ang uri ng maikling kuwentong bihirang isulat sapagkat may kahirapan ang
paglalarawan ng kaisipan.
8. Kwento ng pakikipagsapalaran- nasa balangkas ng pangyayari ang interes ng kuwento.
9. Kwento ng katatawanan- nagbibigay-aliw at nagpapasaya naman sa mambabasa.
10. Kuwento ng romansa- tungkol ito sa pagliligawan at pagmamahalan ng dalawang tao, karaniwan ng isang
binata at dalaga.
Elemento ng Maikling Kuwento:
1. Paksa- pinakakaluluwa ng maikling kuwento.
2. Banghay- tumutukoy sa pagkakasunud- sunod ng mga pangyayaring naganap sa kuwento.
3. Kaispan- ideya o ang mensahe sa kuwento.
4. Panimula- ipinakikilala rito ang mga tauhan sa kuwento.
5. Saglit na kasiglahan- naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang nasasangkot sa suliranin.
6. Suliranin- ito ang problemang kahaharapin ng mga tauhan sa kuwento.
7. Tunggalian- tagisan ito ng talino ng lahat ng tauhan.
Uri ng Tunggalian:

a. Tao laban sa tao


b. Tao laban sa sarili
c. Tao laban sa lipunan
d. Tao laban sa kapaligiran o kalikasan
8. Kasukdulan- pinakarurok na bahagi ng kuwento kung saan maaaring makamtan ng tauhan ang katuparan o
kasawian ng kaniyang ipinaglalaban.
9. Kakalasan- ito ang unti- unting paghulagpos ng damdamin ng tauhan at tulay ito sa wakas.
10. Wakas- ito ang resolusyon o ang kahihinatnan ng kuwento. Ito rin ang nag- iiwan ng kakintalan sa isipan ng mga
mambabasa.
Mga Katangian ng maikling kuwento ayon Kay Alejandro G. Abadilla:
1. May paksang diwa
2. May banghay
3. May paningin
4. May himig
5. May salitaan/ diyalogo

You might also like