You are on page 1of 26

Fil.

501 Panunuring Pampanitikan


Panunuri Gamit ang Modelong T.I.K.(Teksto, Interteksto at Konteksto)
YUMAYAPOS ANG TAKIPSILIM
ni Genoveva Edroza- Matute

SA TAGUMPAY NG ANAK
ni Josefina S. Corpus

WALA NANG LUNAS


ni Amado V. Hernandez

Inihandang Pagsusuri ni:

ELVIE M. DIMATULAC
MAED-FILIPINO

Sa pamamatnubay ni :
DAISY T. INALVEZ
Propesor
YUMAYAPOS ANG TAKIPSILIM ni GENOVEVA EDROZA-MATUTE: Isang
Pagsusuri gamit ang Modelong T.I.K. (Teksto, Interteksto at Konteksto)

A. Teksto

1. Pamagat: Ang akda ay pinamagatang Yumayapos ang Takipsilim. Kung susuriin,

gumamit ang may-akda ng tayutay sa pamagat ng kuwento. Isa itong paghahalintulad

marahil sa pangunahing tauhan. Kung hindi mo pa nababasa ang buong akda, sa pamagat

nito ay mapapaisip ka na. Nanaisin ng mambabasa na alamin at tuklasin kung bakit

ganito ang pamagat sa pamamagitan ng masusing pagbabasa sa buong kuwento.

Para naman sa mga nakabasa na ng buong kuwento, masasabi nating makakaya na

ng mambabasa na ipaliwanag kung bakit ito ang pamagat ng akda. Umaakma lamang ito

sa mga pangyayari sa kuwento lalo na sa pangunahing tauhan na siyang pinatutungkulan

na yumayapos na sa takipsilm. Ang matanda rito na siyang pangunahing tauhan sa akda

ay inihalintulad ang kaniyang pagtanda sa pagdating o pagyapos ng takipsilim. Alam

naman natin na kasabay ng pagtanda ang pagiging ulyanin o makakalimutin. Kaya nga

kapag nagiging makakalimutin na ang isang tao ay sinasabing senyales ito na siya ay

tumatanda na. Kasabay rin ng pagtanda ay ang pagkakaroon ng karamdaman at ang

panghihina ng katawan. Ito ang mga bagay na maiuugnay natin sa pamagat ng kuwento.

Kung sakaling mabigyan ako ng pagkakataong magbigay ng pamagat nito ay hindi ko na

babaguhin pa.

2. Tauhan: Lola: siya ang pangunahing tauhan, may katandaan na kaya ulyanin ngunit

mapagmahal na ina sa dalawa niyang anak

Kung susuriin, hindi naman siya nagkulang sa pagpapalaki sa kaniyang mga anak.

Inalagaan at itinaguyod ang kaniyang mga anak kasama ng kaniyang asawa. Subalit

nakapagtatakang sa kaniyang katandaan ay inaayawan na siyang kalingain ng kaniyang

mga anak. Sumisimbulo siya sa mga ulirang ina na wagas ang pagmamahal sa mga anak.

Sukdulang magtiis alang-alang sa kapakanan ng mga anak.


Ang kaniyang karakter ang aantig sa puso ng mga mambabasa sa kuwento. Dala

ng kaniyang kalagayan kung bakit nag-iiringan ang magkapatid na Ramon at Rey sa pag-

aalaga sa kaniya. Narito ang mga talatang nagpapatunay dito.

“Habang panahon yatang kami ang nagpasan diyan. Ngayon namang ikaw ang

dapat, marami ka riyang idinadahilan.”

“A, ngayong hindi na ni’yo pinakikinabangan, ano? Saka sinabi ko na sa iyo,

magra-round-the-world kami, paano?”

Ramon: siya ang panganay na anak ni Lola, asawa ni Carmen at ama ni Lydia

Paborito siya ng kaniyang yumaong ama at kumupkop sa kaniyang ina. Subalit

lumipas ang mga panahon ay nanghinawa sa pag-aaruga sa kaniyang ina at ipinapasa siya

sa kaniyang bunsong kapatid na si Rey. Masasalamin sa kaniyang karakter ang pagiging

ningas kugon. Hanggang simula lamang ang pagiging maalab sa kaniyang pag-aalaga sa

ina ngunit nang lumaon ay nagsawa rin naman. Matutunghayan ito sa kaniyang

sumusunod na pahayag.

“Habang panahon yatang kami ang nagpasan diyan. Ngayon namang ikaw ang

dapat, marami ka riyang idinadahilan.”

Rey: siya naman ang bunsong anak na paborito ng kaniyang ina at ama ni Odet

Kapansin-pansin sa akda na walang bakas ng pagpapahalaga sa ina si Rey.

Hindi siya ang umakong mag-alaga sa ina buhat nang mamatay ang kanilang ama.

Wala ring nabanggit ni minsan sa akda na pinagmalasakitan niyang kupkupin ang

ina. Ang totoo’y tinatanggihan pa nga niya dahil sa para bagang sagabal na ang

ina sa kanilang paglalakbay sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sumisimbolo siya sa mga anak na walang utang na loob sa mga magulang

na nagpalaki, nag-aruga at nagmamahal sa mga anak. Kung lalalimin pa ang

pagsusuri sa kaniya, mapapansing may pagka-makasarili siya at hindi malapit sa


ina sa kabila ng katotohanang siya ang paborito niya. Natupad sa kaniya ang

isinasaad ng Biblia na isang anak na alibugha

Carmen- siya naman ang maybahay ni Ramon, ina ni Lydia at manugang

ni Lola na may malamig na tinig na masasalaming banayad at hindi magaspang

ang pag-uugali

Masusuring mahinahon siyang asawa at ina. Ngunit kung pagtutuunan

natin ng pansin ang mga eksenang nag-uusap silang mag-asawa tungkol kay Lola,

mahihinuhang wala siyang kapangyarihan o wala siyang magawa sa desisyon ni

Ramon na kaniyang asawa tungkol sa matanda at maysakit nilang ina.

Sumisimbulo siya sa isang mapagpasakop na asawa.

Lydia: siya ang anak nina Ramon at Carmen,malaro sapagkat batang

musmos at mapagmahal na apo sa kaniyang lola

Mapaghahalatang ayaw ni Lydia na umalis ang kaniyang lola sa kanilang

tahanan. Sa pasimula pa lamang ng kuwento ay makikita na ang labis na

pagmamahal niya sa kaniyang lola. Tulad ng ibang mga bata, makulit at matanong

siya.

Sumisimbulo naman siya sa mga batang walang muwang o mura pa ang

kaisipan at inosente sa mga pangyayaring nagaganap sa kaniyang paligid.

3. Tema: Mapapansing lumutang sa akda ang pagmamahal ng ina sa kaniyang mga anak

ngunit higit na nangibabaw ang kaisipang kumupas ang pagmamahal ng mga anak sa

kanilang ina. Bagaman ganito ang nangibabaw na tema, masusuri nating nais lamang ng

may-akda na gisingin ang damdamin ng bawat anak na hindi marapat pumusyaw ang

pangangalaga,paglingap, pagpapahalaga at pagmamahal sa ating mga magulang na

nagluwal sa atin sa mundong ito.Sila ang kinasangkapan ng Maykapal upang tayo ay

mabuhay.
Sa Biblia matutunghayan natin na ang isa sa mga pinakamahalagang utos ng

Diyos ay ang itinuro ng Panginoong Jesus na “Ibigin mo at igalang ang iyong mga

magulang”(Efeso 6:1-3). Ito ang utos na may kalakip na pangako. Lalawig ang ating

buhay kung masusunod natin ang kautusang ito.

Maaaring kumintal sa mga mambabasa ang pagkaawa kay Lola sapagkat sa

kaniyang katandaan, sa kaniyang kalagayan kung saan higit niyang kailangan ang

paglingap ng kaniyang sariling mga anak ay saka naman siya pinag-iiringang alagaan.

4. Tunggalian: Masusuring tao laban sa tao ang naging tunggalian. Ito ang kinaharap na

pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan. Ang pagtanggi at pag-iiringan ng magkapatid

na Ramon at Rey sa pagkupkop sa kanilang ina ang nagpapatunay ng ganitong

tunggalian. Hindi man sinabi nang harapan sa kanilang ina ngunit ito’y katumbas na rin

ng pagtataksil at paglaban sa kaniya. Naging malinaw sa matanda, kay Lola kung ano ang

tinanong sa kaniya ni Lydia at ang sinabing kasinungalingan ni Ramon tungkol sa

kaniyang pagbabakasyon diumano sa puder ni Rey. Naging masakit para kay Lola ang

narinig niyang pagtatalo ng kaniyang mga anak tungkol sa kung sino ang mag-aalaga sa

kaniya. Ang kaniyang pananabik sa kaniyang bunsong anak ay napalitan ng panlulumo-

ng kalungkutang bumalot sa kaniyang pagkatao.

5. Kakalasan: Ang bahaging ito ang maaring makapagbigay ng kalinawan sa mga

mambabasa tungkol sa maaaring kasapitan ng pangunahing tauhan. Sa akdang

Yumayapos ang Takipsilim, sa bahaging kakalasan naging malinaw kay Lola ang

pagtanggi ng kaniyang mga anak na siya ay kupkupin o alagaan. Dito niya nalaman at

naramdamang nagiging pabigat na lamang siya sa kaniyang mga anak. Sa bahaging ito

rin masusuring hinihintay ni Lola ang kaniyang pagpanaw. Hindi na niya alintana ang

maambong panahon nang mga sandaling iyon.

Narito ang mga talatang nagpapatunay.


Sinlamig ng patak ng ambong kumupkop sa kaniya sa marahang paggulong ng

kaniyang upuan sa terraza. Sinlamig ng takipsilim na yumayapos sa butuhan niyang

katawan. Ito ang labis na nakapagpadurog sa puso ng mga mambabasa. Makukuha mong

mapoot sa dalawa niyang anak dahil sa kanilang maling asal

6. Wakas: Mararamdaman ng mga mambabasa ang pagkahabag sa pangunahing tauhan

sa bahaging ito ng kuwento. Kung sino pa ang hindi naman kadugo ni Lola ay ang siya

pang higit mong kakikitaan ng pagmamalasakit sa kaniya. Ang wakas na bahagi ay nais

kong tutulan sapagkat hindi man lang nabigyan ng katarungan ang kalungkutang

nadarama ng matanda. Kung ako ang may-akda ipapakita ko sa wakas ng kuwento ang

kinahinatnan niya at ang naging desisyon o sinapit ng pagtatalo ng magkapatid.

Sa kabilang banda, masusuring sinadya ng may-akda na ganito talaga ang maging

wakas ng kuwento upang makapag-iwan ng kakintalan sa mga mambabasa at maipatatak

sa puso ang mensaheng kahabag-habag ang sasapitin ng mga magulang natin kung

darating ang araw na manghihinawa ang ating pagpapahalaga at pagmamahal sa kanila.

B. Interteksto

1. Pag-uwi ni Liwayway A. Arceo

Maiuugnay natin ang Yumayapos ang Takipsilim sa akdang isinulat ni Liwayway

Arceo na pinamagatang Pag-uwi. Si Aling Idad na ina ni Salvador ay katulad ni Lola na

may katandaan na. Kapwa sila may sakit bagaman hindi sila pareho ng karamdaman.

Sakit sa balat ang iniinda ni Lola samantalang si Aling Idad ay may sakit na tuberkulosis.

Kapwa sila ina na nangarap para sa kanilang mga anak. Nakaaangat nga lamang ang mga

anak ni Lola na sina Ramon at Rey dahil kapwa sila nakapagtapos ng pag-aaral

samantalang si Aling Idad si Salvador lamang ang umangat sa buhay.

Sina Lola at Aling Idad na kapwa palapit na o payapos na sa buhay o takipsilim

ay maligayang makita ang kani- kanilang anak na matagal nang hindi nakikita at
nakakasama. Si Lola ay masaya at sabik makita si Rey samantalang si Aling Idad ay

maligayang nakita si Salvador sa mga huling sandali ng kaniyang buhay.

Kapwa sila mapagmahal sa kani-kanilang mga anak. Dangan lamang at

nakaaangat si Aling Idad kay Lola pagdating sa pagmamahal ng mga anak niya sa kaniya.

Kung susuriin, mas mabubuting mga anak ang ibiniyaya kay Aling Idad kaysa kay Lola

dahil inaalagaan siya nang husto ng kaniyang mga anak na hindi tulad ni Lola’t nasa

puder nga siya ni Ramon ngunit si Tinay naman na kasambahay ang nag-aalaga sa

kaniya.

Silang dalawa rin ay kapwa lola na, may mga apo na sila sa kani-kanilang mga

anak. Tulad ni Aling Idad si Lola ay mapagmahal na lola. Sa pagkakataong ito, mas

nakalalamang muli si Aling Idad sapagkat mas marami ang kaniyang mga apo na

pinagbubuhusan niya ng kaniyang pagmamahal.

C. Konteksto

Kung ating ikukumpara ang ating bansa sa ibang bansang tulad ng Estados

Unidos masasabi kong higit ang pagpapahalagang iniuukol ng ating pamahalaan sa ating

mga nakatatanda lalo na pagdating sa ating mga magulang. Alam naman nating lahat na

sa ibang bansa pagsapit sa katandaan ng kanilang mga magulang ay inilalagak na sila sa

tinatawag na Home for the Aged.

Batay sa aklat na Pinagyamang Pluma, sa nakararaming bansa sa Asya, lalo’t

higit sa ating bansa ay labis na pinahahalagahan ang mga matatanda. Ito ay bunsod na rin

ng malaking pagpapahalaga ng mga Asyano sa pamilya.

Sa 1987 Saligang Batas ng Pilipinas, Artikulo XV,Seksiyon 4, malinaw na

nakasaad na tungkulin ng bawat pamilyang pangalagaan ang matatanda samantalang

tungkulin naman ng Estado na bumuo ng mga programang may kinalaman sa

panlipunang pangkasiguruhan para sa kanila. Ang ilan sa mga ito ay ang Batas
Republika Blg. 7432 na mas kilala sa Senior Citizens Act of 1991, Batas Republika

Blg. 7876 o Senior Citizens Act of the Philippines, Proklamasyon ng Pangulo

Blg.470 at 1048.

Ang mga nabanggit na batas ay patunay lamang na tayong mga Pilipino ay may

mataas na pagpapahalaga sa ating mga mahal sa buhay na may edad na.

Sa lipunang ating ginagalawan at sa kulturang ating nakagisnan, noon hanggang

sa kasalukuyan ay malaki ang pagpapahalaga natin sa ating mga magulang. Marahil ay

dahil na rin sa karamihan sa ating mga Pilipino ay mga Kristiyano. Sumasampalataya

tayo na ang utos ng Diyos na paggalang at pag-ibig sa mga magulang ang

makapagpapanuto ng ating buhay gaya nga ng nakasaad sa Biblia na siyang saligan at

batayan ng ating pananampalataya.

Naging bahagi na ng tradisyong Kristiyanismo ang pagpapahalaga sa ating mga

magulang kung kaya may pagdiriwang na kung tawagin ay Fathers Day at Mothers Day.

Sa mga araw na ito lalong ipinaaabot at ipinadarama ng mga anak sa kanilang mga ina at

ama ang pagmamahal sa kanila.

Sa panahong sakop tayo ng iba’t ibang mananakop ay masasalamin din ang

paggalang sa mga magulang ng mga anak sapagkat ang kanilang mga utos at kagustuhan

ang nasusunod kaysa sa sariling kagustuhan. Subalit bilang tao, tayo ay hindi perpekto

kung kayo noon pa man hanggang ngayon ay may nasumpungan at nasusumpungan

tayong mga anak na sumuway at sumusuway sa ating mga magulang. Halimbawa nito ay

ang pagtatanan na nagagawa noon at ngayon ng mga anak. Sa iba’t ibang pamamaraan

makikita natin ang asal na pagiging pasaway sa ating mga magulang. Ngunit ang

pinakamasakit na ating maidudulot sa kanila ay ang pagtalikod sa kanila pagdatal ng

kanilang katandaan kung saan ilang taon, buwan, araw o oras na lamang ang ilalagi nila

sa mundong ibabaw.
Sa panahon natin ngayon marami man ang mga anak na nasusumpungang walang

utang na loob sa mga magulang na nagsakit para sa kanila ay mas nakalalamang pa rin sa

bilang ang mga anak na patuloy ang paglingap sa mga magulang . Hindi nila hinahayaang

dalhin sa mga tahanan ng mga matatanda ang kanilang mga magulang bagkus ay sila

mismo ang nag-aalaga at nagsisilbi sa kanila.

Bilang mga anak dapat tumatak sa puso at isipan na hindi kailanman mababayaran

ang hirap ng ating mga ina sa siyam na buwang pagdadala nila sa atin mula sa kanilang

sinapupunan, ang kanilang pagsasakripisyo ng pagluwal nila sa atin, ang walang halos

tulog at walang pahinga sa pag-aalaga sa atin noong sanggol pa tayo hanggang sa tayo ay

lumaki. Walang higit na magmamalasakit pa sa kanilang katandaan kundi tayong

kanilang mga anak. Ang pagtalikod sa kanila ay nangangahulugang lamang ng pagtalikod

sa sariling pinagmulan.
SA TAGUMPAY NG ANAK ni JOSEFINA S. CORPUS: ISANG

PAGSUSURI GAMIT ANG MODELONG T.I.K.(Teksto, Interteksto, Interteksto)

A. Teksto

1. Pamagat

Masasabing angkop at akma lamang ang pamagat ng akda sapagkat tumatalakay

ito sa mga pangyayari sa kuwento. Sa pamagat ay maaaring umukilkil sa isip ng mga

mambabasa kung bakit parang sinadyang bitinin ng may-akda ang pamagat, parang hindi

buo ang diwa. Ito ang magbubunsod sa mga aabang ng kuwento para tuklasin at unawain

ang pamagat nito.

Ang pamagat ay nasabing akma sapagkat tumutukoy ito sa pagtatapos at

pagkakapasa ng isang anak ng pangunahing tauhan na kung tutuusin ay walang naging

bahagi rito ang ama. Isang anak na nagtagumpay dahil sa kaniyang sariling pagsisikap at

walang hininging tulong mula sa ama. Isang anak na hindi nagtanim ng galit sa ama sa

kabila ng kawalan nito ng tiwala at suporta sa kaniya.

Masusuring sa pamagat pa lamang ay may kung anong hugot o damdaming

bumabalot sa isang ama nang malaman niyang nagtagumpay ang kaniyang anak sa

karerang kaniyang kinuha. Sa tagumpay ng anak ay alam niyang hindi siya naging

malaking bahagi nito, na hindi niya binigyan ng pagkakataong maibigay ang suporta gaya

ng ginawa niyang pagsuporta sa kaniyang panganay na anak. Sa tagumpay ng kaniyang

anak…siya ay nakararamdam ng kirot sa kaniyang puso, inuusig ng kaniyang konsensiya

at alam niyang may naging sala o pagkukulang siya sa kaniyang anak.

2. Tauhan: Mang Doro: siya ang pangunahing tauhan, asawa ni Aling Sela, ang ama

nina Paz at Lita


Masipag, masikap at responsableng ama sa kaniyang mga anak ngunit nang

mabigo siya ni Paz ay nadala na ang matanda at hindi na nagtiwala pa sa kaniyang

bunsong anak na si Lita. Naging matigas ang pagpapasya niya na hindi na suportahan si

Lita sa kaniyang pag-aaral. Ang marubdob niyang pagpupursiging maitaguyod ang

kaniyang mga anak ay napalitan ng kawalan ng tiwala sa bunsong anak dala ng pag-

aasawa ni Paz, ang kaniyang panganay.

Sumisimbulo siya sa mga amang nagmamatigas at ipinagpipilitan ang desisyon

upang maipakitang sila ay ang ama na dapat masunod sa loob ng tahanan.

Aling Sela: siya naman ang mapagmahal at mapagpasakop na asawa ni Mang

Doro, ina nina Paz at Lita

Hindi maikakailang mapagmahal at mapagpasakop siyang asawa. Sa mga

nagiging pasya ng kaniyang asawa ay sumusunod siya at nirerespeto niya ang mga ito.

Bagaman malaya siyang nakapagbibigay ng kaniyang saloobin at damdamin sa asawa ay

itinuturing pa rin niyang ang desisyon ng kaniyang asawa ang masunod. Makikita ito sa

mga talata ng kuwento kung saan nakikiusap si Lita sa kanila na makapag-aral siya sa

kolehiyo sa Maynila at nagdesisyon ang ama na hindi niya ito mapagbibigyan.

Paz- siya ang panganay na anak nina Mang Doro at Aling Sela na tumigil sa pag-

aaral dahil sa pag-aasawa

Nabigo niya ang kaniyang mga magulang lalo na ang kaniyang ama na labis

isinubsob ang sarili sa trabaho alang-alang sa kaniyang pag-aaral sa Maynila. Sa kaniya

lahat ibinuhos ang bunga ng pagpapagal ng kaniyang ama.

Lumalarawan siya sa mga anak na nag-uuwi ng kabiguan sa tahanan at

nagdudulot ng kahapisan sa mga magulang.

Lita- siya naman ang bunsong anak nina Mang Doro at Aling Sela na nakatapos

ng kolehiyo at nakapasa sa pagsusulit


Nagpursigi siyang makapag-aral sa Maynila sa kabila ng pagtutol ng kaniyang

ama. Lumayo siya sa mga magulang hindi upang maglayas at magrebelde kundi upang

hanapin ang kaniyang kapalaran, ang makapagtapos ng kolehiyo. Pinatunayan niyang

hindi niya bibiguin ang kaniyang mga magulang, na hindi niya tutularan ang kaniyang

nakatatandang kapatid.Nakapagtapos siya ng pag-aaral nang hindi siya sinuportahan ng

kaniyang ama bagkus ay mag-isa niyang tinustusan ang sarili upang marating ang

kaniyang tagumpay.

Sa kabila nito’y wala siyang pagdaramdam o hinanakit sa ama. Ang kaniyang

pagmamahal at paggalang sa kanila ay hindi nawala. Ang kaniyang tagumpay ay

masusuring iniaalay niya sa kaniyang mga magulang.

Simbolo siya ng mga mabubuting anak na nagpapanhik ng karangalan sa tahanan

at nagbibigay kasiyahan sa mga magulang.

3. Tema: Ang pagmamahal sa mga magulang ay lutang na lutang sa akda. Ito ay

masasalamin sa tauhang si Lita. Kung pakasusuriin din ito, lumilitaw ang

isyung/problemang pampamilya kung saan ang nasumpungang suliranin dito ay ang

kawalan ng pagtitiwala ng ama sa isang anak kaya nadadamay pati ang ibang mga anak

na hindi naman nagdulot ng hapis sa magulang.

Ang problema pa kasi dito ay nadala ang ama kaya naman hindi niya nabigyan

ng pagkakataon ang isa pa niyang anak. Bagaman kung susuriin hindi naman

makatarungan ang naging desisyon ni Mang Doro subalit sa lipunang ating ginagalawan

ay pangkaraniwan na lamang ang mga pangyayaring ito.

Sa totoong buhay ay iba-iba talaga ang mga isyu o problemang pampamilyang

dinaranas ng bawat tahanan. Sa akdang ito, ipinararating sa mga mambabasa ang

mensahe ng kuwento na kahit dumaraan sa mga problema ang isang pamilya, mananatili

pa rin itong pamilya. Wika nga sa Ingles, family will always be a family.
Makikita rin dito ang pagsukat sa kakayahan ng isang babae sa bahaging

sinabihan ng kaniyang ama si Lita na mag-asawa na lamang at huwag ng mag-aral.

4. Tunggalian: Hindi maikakailang ang lumutang na tunggalian sa akda ay tao laban sa

tao. Ang hinarap pakikipagsapalaran ng tauhang si Lita ay ang kawalan ng tiwala at

suporta ng kaniyang ama na siya ay makapagtapos ng pag-aaral. Naging matindi ang

kaniyang pakikipagtunggali sapagkat matigas ang desisyon ng kaniyang ama. Napilitan

tuloy siyang makipagsapalaran nang walang tulong na hinihingi mula sa ama at sa

kaniyang sariling pawis ay hinarap niya nang buong tapang ang pagsisikhay ng

kaalaman.Ang bahaging nabanggit ay tunggaliang tao laban sa lipunan. Ito ay sapagkat

habang nag-aaral si Lita ay nagtatrabaho din siya. Sa lipunang ating ginagalawan ay

marami na tayong nakikitang mga kabataang nakikipagsapalaran ng tulad ni Lita.

Isa pang lumutang na tunggalian ay ang tao laban sa sarili. Ito ay masasalamin at

masusuri natin nang malaman ni Mang Doro na hindi lamang nakapagtapos ng kolehiyo

si Lita bagkus ay nakapasa pa siya sa kaniyang pagsusulit. Naglalaban ang kalooban at

konsensiya niya sapagkat alam niyang wala siyang naging bahagi sa tagumpay na tinamo

ng kaniyang bunsong anak. Hindi niya tuloy alam kung paano niya haharapin ang anak

nang makitang dumating ito at tinupad ang kaniyang pangakong babalik siya ng kanilang

tahanan na nakapagtapos ng pag-aaral.

5. Kakalasan: Dito sa bahaging ito masusumpungang hindi makakilos si Mang Doro sa

pagdating ng kaniyang bunsong anak na si Lita. Narinig niyang masayang nag-uusap ang

kaniyang mag-ina. Naulinigan din niyang hinahanap siya ng kaniyang anak sa kaniyang

ina. Narito ang mga talatang nagpapatunay dito.

Si Lita! Hindi siya nakakilos sa pagkakaupo…Narinig niya ang masayang

pagsasalita ng asawa na nasa labas. “Naku, ang akala ko’y hindi ka na darating, e!”

“Medyo nga ho naatraso, Inay. E… ang Tatang ho?


Masusuri natin dito na hindi malaman ni Mang Doro kung paano siya tutugon sa ganoong

sitwasyon. Magkahalong damdamin ang bumabalot sa kaniyang puso’t kaisipan.

Nasasabik siyang nangangamba, maligaya ngunit nag-aalangan. Nahihiya siya sa

kaniyang sarili at sa kaniyang anak. Alam kasi niyang natupad ng bunso niya ang

kaniyang ipinangako sa kanila na kaniya namang ipinagkait sa kaniya. Dahil dito’y

napapikit na lamang siya.

Kung lalaliman pa natin ang pagsusuri sa bahaging ito, matutuklasan natin na ang

bawat ama ay nakadarama ng ganitong damdamin para sa kanilang anak. Sapagkat hindi

naman likas na masama at mahal din niya ang anak, ang guilt feelings niya at ego ay

sumisiksik sa kaniya na kaniyang pinaglalabanan nang mga sandaling iyon.

6. Wakas: Ito ang masasabi kong pinakaaabangan kong matunghayan. Ang malaman

kung paano magre-react sa kaniyang anak si Mang Doro. Gayundin kung paano

haharapin ni Lita ang ama pagkatapos ng maraming taon na hindi sila nagkaroon ng

komunikasyon. Marahil ang sinumang mambabasa ay ganito rin ang magiging

pakiramdam. Bagaman parang bitin ang wakas ngunit ikaw na mambabasa na ang

maghihinuha ng mga susunod pang pangyayari.

“Mano po, Tatang…” Bahagyang paos ang tinig ni Lita.

“K-kaawaan ka ng Diyos, anak!”- At naiyak si Mang Doro. Paano nama’y

nakadarama din siya ng kagalakan at batid niyang lubos ang kagalakang iyon kung

nagkaroon siya ng bahagi sa tagumpay ng anak.

Ang wakas ng akda ay maaring makapagdulot ng masidhing damdamin. Maaaring

matangay tayo ng madramang eksena ng mag-ama. Nakatutunaw ng puso ang pag-iyak ni

Mang Doro tanda ito na pinagsisisihan niyang hindi niya nasuportahan ang kaniyang

anak. Natutuwa siya sa tagumpay ng anak ngunit mas buo sana ang kaniyang kagalakan

kung hindi siya nagmatigas noon. Kung maaari lamang niyang ibalik ang nakaraan ay

ibabalik sana niya upang makabahagi siya sa tagumpay ng anak.


Malaki ang implikasyon ng wakas ng kuwento sapagkat matututunan nating

maging mapagpakumbaba sa mga taong nagawan natin ng pagkakamali. Hindi dapat

sukatin o maliitin ang magagawa ng isa sa mga miyembro ng pamilya. Maging bukas

tayo sa pagbibigay ng pagkakataon sapagkat sila ay dugo’t laman at anuman ang

mangyari sila ay parte ng ating buhay, kabahagi, kapuso at kapamilya.

B. Interteksto

1. Ang Ama na isinalin ni Mauro R. Avena

Mapapansing ang akdang “Ang Ama” at “Sa Tagumpay ng Anak” ay

magkahawig sa paraang parehong ama ang may pagkukulang sa kanilang anak. Ang ama

sa isinalin ni Avena sa anak niyang napagkasalahan ay mababakas ang pagsisisi.

Gayundin si Mang Doro, masasalamin din na may pagsisisi sa kaniyang nagawang

pagkukulang sa kaniyang anak na si Lita.

Bagaman malaki ang pagkakaiba nila sa katangiang taglay subalit pareho silang

ama, ama na may konsensiya rin, marunong ding magpakababa at marunong ding

umiyak. Kung susuriin parang huli na ang kanilang pagsisisi sa kanilang nagawang

pagkakamali sa kani-kanilang mga anak subalit ang importante rito ay tinanggap nila ito

at mayroon silang natutunan sa kanilang naging kasalanan.Hindi man nila maibabalik ang

panahon upang maituwid ang kanilang mga mali pero ang mahalaga’y nagbago ang

kanilang pananaw sa buhay at handa nilang harapin ang bagong buhay.

Ginagampanan naman nila ang kanilang responsibilidad bilang asawa at ama, ito

ay ang paghahanapbuhay upang maitaguyod ang pamilya subalit kapwa sila madaling

magalit. Nadaramay sa galit nila ang kanilang mga anak. Ang pagkakaiba lamang ay

hindi na maibabalik ng ama ang buhay ng anak niyang si Mui Mui samantalang si Mang

Doro ang edukasyon naman ng anak ang kaniyang ipinagkait. Nawalan ng anak ang isa,

nagtagumpay naman ang anak ni Mang Doro.


Kung titingnan pang mabuti, pareho ring problema/ isyung pampamilya ang tema

ng mga akda. Mas mabigat nga lamang na suliranin ang sa akdang “Ang Ama” sapagkat

higit na malalala ang kinalabasan ng kasalanan ng ama sa anak niya. Napatay niya ang

sariling anak samantalang si Mang Doro ay naging mabuti ang bunga ng kaniyang

kasalanan sa anak.

C. Konteksto

Sa kasalukuyang panahon malaki na ang ikinaunlad ng pagpapahalaga ng mga

Pilipino sa ating edukasyon. Nakasaad sa Batas Republika Blg. 9155 ang nauukol para

sa batayang edukasyon ng bawat mamamayang Pilipino. Ito ang nagpapatunay na malaki

ang ipinagbago ng ating paniniwala ukol sa edukasyon.

Hindi lingid sa ating kaalaman na noong mga unang panahon ay hindi hinahayaan

sa loob ng pamilya na ang mga babae ay makapag-aral. Ito ay sa paniniwalang sila ay

nauukol lamang sa bahay, mga gawaing pantahanan lamang ang kanilang dapat

diumanong pag-ukulan ng pansin. Maging noong Panahon ng mga Kastila ay gayundin

ang kanilang paniniwala kung kaya sa kasaysayan ng ating bansa ay walang naitalang

babaeng nakapagtapos ng pag-aaral.

Ngayon ay malaganap ang pagpapahalaga sa edukasyon kung kaya marapat na

ibigay ng mga magulang ang karapatan ng kanilang mga anak na makapag-aral. Ito ay isa

sa mga obligayon ng ama at ina ng tahanan para sa kanilang mga anak. Kung susuriin

natin ang “Sa Tagumpay ng Anak” hindi nararapat ang ginawa ni Mang Doro kay Lita.

Siya na magulang ang unang-unang dapat kakitaan ng pagpupursigi para makapag-aral

ang kaniyang anak. Hindi siya dapat naging matigas sa kaniyang desisyon na pagkaitan

ng edukasyon si Lita. Ito ay paglabag sa karapatan ng kaniyang anak na makapag-aral.

Kung nabigo man siya sa unang anak, hindi ito dapat maging dahilan upang hindi

na rin papag-aralin ang bunso. Wala namang kinalaman ang bunso sa naging kasalanan
ng kaniyang kapatid kaya hindi siya dapat pagbuntunan ng galit ng kaniyang amang si

Mang Doro.

Hindi na nakapagtataka ang isyung pampamilya ngayon bagkus ito ay

pangkaraniwang isyu na lamang dahil wala namang perpektong pamilya. Bunsod marahil

ito ng katotohanang wala ring taong perpekto. Bawat miyembro ng pamilya ay

nagkakamali, maging magulang man o mga anak. Ang pamilya ang pinakamaliit na yunit

ng pamayanan. Dito unang nahuhubog ang pagkatao natin. Dapat ay malaman at amging

malinaw sa bawat miyembro kung ano-ano ang mga tungkulin at karapatan ng bawat isa.

Responsibilidad ito ng mga magulang na ipaunawa sa mga anak ang ganitong kamalayan.

Kaya marapat din na ang pamilya ang mismong magbigay ng mga pangangailangan at

suporta sa mga anak tulad ng pagbibigay ng edukasyon.

Nakasaad naman sa Banal na Kasulatan kung ano-ano ang mga tungkulin ng

magulang at ng mga anak. Ang mga anak na pinapag-aaral naman ng mga magulang ay

dapat mag-aral naman nang mabuti. Hindi sila dapat sumama sa masasamang kasama.

Ang matuwid na anak ay karangalan ng magulang samantalang kahihiyan naman ang

inaakyat sa tahanan ng mga anak na hindi sumusunod.


WALA NANG LUNAS ni AMADO V. HERNANDEZ: ISANG PAGSUSURI

GAMIT ANG MODELONG T.I.K.(Teksto, Interteksto, Interteksto)

A. Teksto

1. Pamagat

Sa pamagat pa lamang na Wala nang Lunas magdadala na ito ng palaisipan sa

mga mambabasa. Marahil iba-ibang sakit ang pumapasok sa ating isipan kapag nabasa

natin ang pamagat nito. Maaaring maitanong ng isang nagbabasa ang ganito; gaano kalala

ang sakit na tinutukoy sa pamagat at bakit nasabing wala nang lunas? Sino kaya ang

tinutukoy na wala nang lunas? Ano kaya ang kaniyang kahihinatnan?

Ang mga tanong na ito ang tatatak sa diwa ng mga mambabasa at magbubunsod

sa kanila upang tunghayan ang buong kuwento. Sa aking pagsusuri sa pamagat

pagkatapos mabasa ang akda ay masasabi kong naaangkop nga ito sa pinatutungkulan sa

kuwento. Isa nga itong sakit na wala nang lunas. Wala pang scientists at mga eksperto

ang nakatuklas ng gamot para rito. Isa itong sakit na nakakapit sa kaluluwa ng tao, ng

taong nagtataglay ng malalang sakit na ito. Hindi man nakakahawa ngunit maaaring

ikapahamak ng tao.

Ang pamagat ay maituturing din na isang idyoma pagkat hindi literal ang ibig

sabihin nito. Gumamit ang may-akda ng mga simbolo upang maging kapana-panabik ang

kaniyang kuwento. Sa aking pananaw ay lubos na nagtagumpay si Hernandez sa

pagbibigay niya ng pamagat na ito. Nakuha niya ang ineres ng mga tao, napukaw niya

ang mga damdamin at emosyon natin upang tuklasin ang hiwaga ng mga salitang WALA

NANG LUNAS.
2. Tauhan: Tina: siya ang babaeng minahal ng pangunahing tauhan, may mga matang

maiitim at mabibilog, mga labing tila may bahid ng dugo ng kalapati, matamis

mangusap, magiliw kumilos

Kung ilarawan siya’y isang bulaklak ng kasalanan, maganda at mabango, sariwa

pa at makulay. Masusuri sa detalyeng ito na siya ay isang babaeng nagbebenta ng

katawan. Kung matatapos ng mambabasa ang akda matitiyak niya ang katotohanang ito.

Napulot siya sa maalikabok na lansangan ng paglimot, isang bulaklak na maganda

nga at waring pinagsawaan na ng kamay ng kasalanan, isang maputing ibong nabalian ng

pakpak at lumagpak sa putikan, isang pusong bata nga ay lipos naman ng sugat.

Siya rin ang babaeng nagwasak sa puso ng pangunahing tauhan, ang babaeng may

sakit na wala nang lunas.

Sumisimbulo siya sa mga babaeng marurupok na nakakahalintulad ng mga

kalapating mabababa ang lipad.

Binata: siya naman ang pangunahing tauhan na ginamit ng manunulat upang

ikuwento ang akda. Isang probinsiyanong nagmamahal nang tapat kay Tina.

Pinasisipag siya ng mga alaala ni Tina. Nagsasakit alang-alang sa kaniyang

minamahal.

Siya rin ang binatang nagdala sa lalawigan kay Tina mula sa kabaret na

pinagtatrabauhan ng babae. May mabuting puso ngunit nabigo sa pag-ibig kay Tina.

Sumisimbulo siya sa mga lalaking baliw sa pagmamahal sa isang babae, bulag sa

kaniyang nakikita alang-alang sa babaeng kaniyang pinakamamahal.

3. Tema: Sa aking pagsusuri, ang nangibabaw na tema sa akda ay ang pag-ibig na tapat

para sa minamahal. Masasalamin natin ito sa pamamagitan ng simula, gitna at wakas ng

kuwento. Tanggap ng binata kung anuman ang pinanggalingan ni Tina. Labis niya itong
minamahal. Kinupkop niya ang babae at nagpapagal, nagsasakit sa bukid para kay Tina.

Bagaman alam niyang hindi niya maipagmamalaki sa ibang tao si Tina dahil sa nakaraan

niya subalit pinili pa rin niyang sundin ang tibok ng kaniyang puso.

Kaya naman noong umalis si Tina at iniwan ang binata ay nawasak nang husto

ang kaniyang puso. Nagmistulang baliw siya sa bukid at walang malay-taong natagpuan

doon ng kaniyang mga kababaryo.

Maliban dito, may nasusuri rin akong ibang tema nito. Kapansin-pansin sa akda

ang kasabihang “Ang baboy kahit paliguan mo man ay babalik pa rin sa putikan.”

Nangyari ito sa akda kung saan bumalik si Tina sa kaniyang dating trabaho. Ang pagbalik

niyang muli sa putikan, sa kasalanang minsan ay kaniya nang tinalikuran.

Samakatwid ito ay tumatalakay rin sa isang taong paimbabaw ang pagbabagong-

buhay. Paimbabaw sapagkat ang minsang pinagsisihan niyang kasalanan ay muli rin

niyang binalikan.

4. Tunggalian: Tao laban sa tao ang naging pakikipagsapalaran ng binata.

Pinatutunayan ito nang biguin siya ni Tina. Naging magulo ang kaniyang buhay simula

nang siya ay iwanan ng babae. Matindi ang pinagdaanan niyang sakit mula sa kaniyang

pinakamamahal. Sukat isumpa niya si Tina sa sobrang sakit na kaniyang nararamdaman.

Hinarap niya ang maaaring isumbat sa kaniya ng mga taong nakakaalam sa pagkatao ni

Tina, wala sa kaniya ang bagay na iyon sapagkat ang tanging alam niya ay mahandugan

ng buhay na normal ang kaniyang iniibig. Hindi niya inakalang magagawa pa rin ni Tina

na iwan siya at balikan ang putikang dati niyang pinaglubluban.

Masasabi kong sa bahaging ito ay nasuri ko kung gaano nagpakahangal ang binata

sa babae, sa isang babaeng hindi naman pala marapat paghandugan ng pag-ibig.

Nanghihinayang ako sa mga panahong sinayang ng binata na nagpakabaliw nang iwan

siya ni Tina. Sa kabilang banda, kahanga-hanga ang nais iparating ng may-akda sa

bahaging ito sapagkat napukaw niya ang damdamin ng mga mambabasa at nakuha naman
ng binata ang simpatya natin. Nagsilbing daan din ang bahaging ito upang kasuklaman

ang babaeng nagwasak sa puso ng pangunahing tauhan. Samakatwid ay masususri nating

nagtagumpay ang may-akda na ilantad ang kakintalan ng kuwento sa puso ng bawat

mambabasa.

5. Kalakasan: Maaaring ikatuwa ng mga mambabasa ang bahaging ito ng akda.

Sapagkat sa bahaging ito ay nakita ang pagbangon mula sa kinalugmukang kabiguan ang

binatang umibig nang wagas sa isang babaeng mababa ang lipad. Nakapagtataka nga

lamang isipin kung bakit ang lugar na kaniyang pinuntahan upang mag-aliw at makalimot

ay ang lugar na kung saan niya napulot si Tina, sa kabaret. Para sa akin, ang isang taong

gustong makalimot ay hindi na babalik o pupunta sa isang lugar na magpapaalala sa

kaniya ng mga nakaraan. Nais kong tutulan sa bahaging ito ang may-akda ngunit

isinasaalang-alang ko na lamang na marahil, ang mga lalaki ay sadyang marupok din.

Maaaring sa pananaw ng mga kalalakihang mambabasa ay sasang-ayon sila sa

bahaging ito. Madalas kasi silang nagtutungo sa mga bahay-aliwan upang uminom o

maglasing para kahit paano diumano ay makalimot sila. Ngunit para sa pananaw ng mga

kababaihan na may malaking pagpapahalaga sa dignidad, konserbatibo at may takot sa

Diyos, ibabaling na lamang sa ibang makabuluhang bagay ang kanilang pag-aaliw upang

makalimot sa kabiguan sa pag-ibig.

6. Wakas: Sa bahagi namang ito, magkahalo ang emosyon o damdaming namamayani

sa mga mambabasa. Maaari silang masuklam o mahabag kay Tina sa ginawa niyang

pagbabalik sa kabaret kung saan iba-iba na namang lalaki ang magpapasasa sa kaniya.

Masusuklam ka sapagkat sinayang niya ang pagkakataong makapagbagong-buhay

kasama ang binata. Maiinis ka sa kaniya dahil hindi niya binigyan ng halaga ang mga

sakripisyo at pag-ibig na iniaalay sa kaniya ng binata. Magagalit ka dahil wala rin siyang

pagpapahalaga sa kaniyang sarili.

Sa kabilang banda ay nakakahabag siya dahil hindi niya nalalaman ang kaniyang

ginagawa. Nakakaawa sapagkat hindi siya namulat sa tamang gabay ng mga magulang.
Kalunus-lunos na nilalang, hindi niya nalalaman kung paano ang tamang pagbabagong-

buhay. Hinahanap ng kaniyang katawan ang kaniyang dating gawain. Ang kaniyang

kaluluwa’y itinulak siyang muli upang mahulog sa kasalanan.

Naging malinaw sa binata sa wakas ng kuwento na ang babaeng inakala niyang

maysakit kaya hindi nakapagpapadala ng pagkain sa kaniya sa bukid ay nagtataglay ng

kakaibang sakit, isang sakit na alam ng binata na wala nang lunas…Masusuri nating

tanggap na ng binata ang kaniyang kapalaran. Siya man ay wala ng magagawa para kay

Tina.

B. Interteksto

1. Talulot sa Pagas na Lupa ni Domingo G. Landicho

Ang dalawang akda na pinamagatang Wala nang Lunas at Talulot sa

Pagas na Lupa ay may hawig sa tema. Sa aking pagsusuri, parehong tapat at

wagas kung umibig ang dalawang lalaking pareho ring pangunahing tauhan sa

mga nabanggit na kuwento. Kaylaki ng kanilang pagkakatulad sapagkat kapwa

sila bulag sa pagmamahal sa mga babaeng kanilang iniibig. Dahil sa pagmamahal

na iniuukol nila para sa mga babae ay kapwa sila nagdurusa at bilanggo ng

katotohanang kailanma’y hindi matatanggap sa lipunang ginagalawan ang mga

babaeng pinakaiibig nila.

Si Numer ng Talulot sa Pagas na Lupa ay nagmamahal nang tapat sa

kaniyang asawang si Susana na may kakulangan sa pag-iisip. Ipinaglaban niya

ang kaniyang pag-ibig para rito kahit na tutol ang kaniyang pamilya. Sa kabilang

dako, ang binata naman sa Wala Nang Lunas ay wagas rin ang pagmamahal na

iniuukol kay Tina na nasa tamang pag-iisip nga ngunit walang direksiyon ang

pag-iisip. Masusuring ang dalawang lalaki ay umiibig sa mga babaeng may

malalang sakit. Si Susana kahit na nanggaling na sa Mandaluyong ay hindi pa rin

nalulunasan ang kaniyang sakit. Kahabag-habag ang kalagayan niya. Maganda rin
siya at isang simpleng babae na kahit sinong lalaki ay mapapalingon sa kaniyang

taglay na kagandahan. Sa kabila ng taglay niyang ganda ay kalat naman sa

kanilang lugar ang pinagmulan niyang angkan. Siya ay nagmula sa lahi ng mga

may kapansanan sa pag-iisip. Dahil sa pagiging ulila pa ni Susana kaya hindi lang

basta siya minamahal ni Numer kundi ay pinrotektahan pa niya at pinakasalan.

Ganito rin ang naging sitwasyon ng binata kay Tinay. Dahil sa pag-iisa ni

Tina sa buhay ay kinupkop at pinrotektahan din siya nito. Nahalina rin siya ng

gandang taglay ni Tina. Kung lalalimin pa natin ang pagsusuri, maikukumpara

natin ang mga lalaking ito sa mangilan-ngilang kalalakihan sa ating lipunan na

tanggap ang mga babaeng kanilang minamahal. Hindi nila iniinda ang sinasabi ng

iba sa simula pero alam nila sa kanilang sarili na hindi nila maipagmamalaki sa

ibang tao ang mga babaeng nabanggit. Normal lamang na iniiwasan sa lipunan

natin ang mga babaeng wala sa katinuan. Gayundin ang mga babaeng nagbebenta

ng laman. Sila ay nakararanas ng diskriminasyon dahil sa kanilang kalagayan sa

buhay. Hindi rin nakapagtatakang pati ang mga taong nagmamahal sa kanila ay

maaaring makaranas ng pagmamata ng mga tao. Ang binata at si Numer ay kapwa

nagsasakripisyo para sa pag-ibig.

C. Konteksto

Simula nang dumating sa ating bansa ang mga Amerikano, sa kasaysayan natin ay

nagsimula ang pagdami ng mga kabaret, bar at iba pang bahay-aliwan partikular sa

Maynila, Olonggapo, Angeles o sa mga lugar kung saan naglagi ang mga sundalong

Amerikano. Kasabay ng pagkakatayo ng mga ito ay ang pagdami rin ng mga babaeng

nagbebenta ng aliw, ng kanilang katawan upang may maipanlaman sa kanilang sikmura o

kaya’y sa kanilang pamilya.

Ito ang isa sa mga naipamana ng mga Amerikano sa ating bansa. Isang

katotohanang kayhirap ng baklasin sa ating lipunan. Hanggang sa kasalukuyan ay bahagi

na ng ating pamayanan ang mga ganitong senaryo. Nakalulungkot isipin ngunit dahil sa
pinagkakakitaan ang mga ito at kumikita rin ang mga babaeng G.R.O. kaya talamak pa

rin ang ganitong uri ng hanapbuhay na kailanma’y alam nating hindi marangal.

Idagdag na rin natin ang isang isinagawang pananaliksik ni Bb. Jessilyn B.

Ranges tungkol sa isyung ito na, “Ang prostitusyon dito sa bansa ay nagsimula nang

magkaroon ng mga base militar ang Estados Unidos sa Olongapo, Subic kung saan

nagkalat ang mga babaeng nagbebenta ng kanilang katawan kapalit ng pera ng mga kano

at ang pangako na maisama sila sa Amerika. Sa Pilipinas tinatayang 60% ng mga

prostitute na nagbebenta ng katawan at puri ay mga menor de edad na ibinubugaw sa

kalye at mga clubs ng mga bugaw na kinukumbinsi silang manatili sila sa ganitong

klaseng trabaho.

Malala na ang lagay ng prostitusyon sa bansa. At nakakatakot isipin ang edad ng

mga kababaihang itinatapon ang kanilang kinabukasan sa pagpasok sa ganitong

industriya. Tinatayang edad dose pataas ang pumapasok sa ganitong trabaho. Karaniwang

sanhi ng pagbebenta nila sa katawan ay kahirapan, hindi nakatapos ng pag-aaral kaya

bihira ang opurtunidad na magkaroon ng matinong trabahong mapag-kakakitaan.At ang

karaniwang bunga nito sa kanila at sa mamamayang Pilipino ay ang pagiging imoral

nito sa mata ng publiko at sa Diyos. Tumataas ang bilang ng babaeng nababastos sa

Pilipinas dahil sa sistema ng kanilang trabaho.”

Ang kaniyang naging pag-aaral ay naghahayag na talagang mahirap sugpuin ang

ganitong isyung panlipunan.

Kung gayon ay hindi na nakapagtataka ang nangyari kay Tina sa kuwento.

Hinahanap-hanap na ng kaniyang katawan ang nakasanayan niyang trabaho kahit na

nakaahon na siya sa putikan. Dala ito marahil ng kaniyang kabataan at kakulangan sa

edukasyon o hindi nakapagtapos ng pag-aaral kaya pilit binabalikan ang trabahong

kaniyang kinasadlakan. Natupad sa kaniya ang sinasabi ng Biblia na ang isinuka ng aso

ay muli niyang kinakain, ang baboy kahit paliguan ay bumabalik pa rin sa putikan.

You might also like