PAGSULAT SA FILIPINO SA PILING LARANG REPLEKTIBONG SANAYSAY
Karen T. Marquez 01/16/23
GAS 11 B B.N.H.S "ANAK" "Bakit gano'n? Ang lalaki kapag binigyan niya ang pamilya niya ng pagkain, damit, bahay, tapos napag-aral niya ang mga anak niya, agad sasabihin ng mga tao, 'aba mahusay siyang ama'. Pero kapag babae ka, kahit ibinigay mo na ang lahat ng 'yun sa mga anak mo, kasama pa pati puso at kaluluwa, parang hindi pa rin sapat na tawagin kang mabuting ina." Ito ang katagang namutawi sa bibig ni Vilma Santos bilang si Josie sa pelikulang anak. Ang mabigat na paghayag niya ng mga salitang ito sa kaniyang mga kaibigan ay siyang nagpapatunay kung gaano di naging pantay ang pagtingin sa kasarian lalo na ang lahat ng karanasan niya at paghihirap ay para rin naman sa kinabukasan ng kaniyang mga anak. Alam natin na di maikakaila na tayong mga Pilipino ay nasanay na ang Ina ay dapat nasa bahay lamang, nagaasikaso ng asawa at nagaaruga ng anak, at siya rin ang gumagawa ng mga gawaing bahay. Ngunit sa pelikulang ito ay tunay ngang nagagawa rin ng isang babae ang mga bagay na kayang gawin ng mga lalaki ng mas higit at nagpapatunay na lahat tayo ay pantay pantay. Sa panonood ko nito ay naipakita kung gaano naging matatag ang isang ina na magtrabaho abroad at kung paano naging pursigido sa bawat hamon ng buhay dahil sa responsibilidad at obligasyo na dapat niyang matugunan. Tunay ngang ang sitwasyon na ito ay makikita rin sa totoong buhay dahil alam naman nating lahat na mas malaki ang kikitain sa ibang bansa kaysa dito sa Pilipinas lalo na kung hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral.
Sa aking personal na karanasan ay lumaki akong walang inang umaakay at
gumagabay sa akin. Sa edad na tatlong gulang ay pumanaw agad ang aking ama dahilan upang iwan kami ni mama at maghanap ng trabaho sa ibang lugar. Lumaki ako sa kalinga nina Lolo at Lola at aaminin kong sumama ang loob ko sa mga nagdaang kaarawan at paskong hindi ko nakasama ang aking Ina. Dumating din sa punto na hindi siya umuwi at bumisita sa amin sapagkat yun ang utos ng amo niya at naging dahilan yun para palagi akong mag-isang umapak sa entablado kada taon tuwing nakakasungkit ako ng parangal. Bumalik siya sa amin nung mag labing dalawang gulang na ako at kinuha niya ako sa poder nila Lola't lolo upang magampanan na din niya ang tungkulin sa halos siyam na taon niyang pagkawala. Sa una ay hindi ko din maintindihan pero pag nakikita ko siya bumabalik ang mga ala-alang iniwan niya kami at minsan ay nasasagot ko siya ng mga masasakit na salita. Pero habang lumalaki na ako ay unti-unti kong napagtanto na ang pag-alis niya ng mga panahon na yun ay para rin sa magandang kinabukasan naming magkakapatid. May makain sa araw-araw, makasali sa patimpalak, at para na rin mabili ang nais namin. Bago siya pumanaw nung mag labing limang taon ako ay nasabi ko parin ang mga katagang mahal na mahal ko siya at nagsisisi ako sa mga nagawa kong mali. Ngayon alam kong masaya na siya sa langit kasama si papa, kaya naman pinapangako ko nagagawin ko ang aking makakaya upang ipagpatuloy ang buhay na gusto nila sa akin yun ay ang makapagtapos ako ng pag aaral at maging isang mahusay na abogado. Tunay ngang makabagbag damdamin ang ipinamalas ni Vilma Santos na nagbigay muni-muni sa aking naturang buhay. Kaya naniniwala ako na kahit na anong mangyari ay hindi matitiis ng isang Ina Ang kaniyang anak sapagkat yun ang tunay na pagmamahal.