You are on page 1of 2

LAKBAY-SANAYSAY

Ang lakbay-sanaysay ay isang uri ng sanaysay na karaniwang nagpapahayag ng karanasan o paglalakbay ng may-akda na
kanyang nagawa sa isang punto ng kanyang buhay. Ito ay tinatawag ding travel essay o travelouge. Maituturing ang Lakbay-
Sanaysay na isang libangan at gayundin naman ay maaaring pagkakitaan

Ang sulating ito ay tungkol sa kung ano ang natuklasan ng manunulat tungkol sa lugar na pinuntahan niya, sa mga taong
nakasalamuha niya, at higit sa lahat tungkol sa kaniyang sairili. Isa itong uri ng lathalain na ang pangunahing layunin ay maitala ang
naging karanasan at kasiyahan sa paglalakbay.

Nangangailangan ang sulating ito ng malinaw na pagkaunawa at perspektiba tungkol sa naranasan habang naglalakbay (O’Neil,
2005). Sinasabi rin na kung nais mong higit na makilala ang katangian at kultura ng bansang iyong pupuntahan, mahalagang alamin
mo muna ang taglay nitong kasaysayan.

Binubuo rin ito ng tatlong bahagi kagaya ng ibang uri ng sanaysay, mayroon itong simula, gitna at wakas. May dalawa itong uri:
● Pormal – Ang tinatalakay ng uring ito ay ang mga seryosong mga paksa na nagtataglay ng masusing pananaliksik ng
taong sumulat.
● Di-Pormal – Tinatalakay naman nito ang mga topikong karaniwan, personal, at pang araw-araw na kasiya-siya o
mapang-aliw para sa mga mambabasa.

Nonon Carandang
● Tinawag niya itong sanaylakbay na ayon sa kanya ay binubuo ng tatlong konsepto: sanaysay, sanay at lakbay.
● Siya ay naniniwalang ang sanaysay ang pinaka-epektibong pormat ng sulatin upang maitala ang mga karanasan sa
paglalakbay.

Mga Dahilan ng Pagsulat ng Lakbay-Sanaysay(Dr. Lilia Antonio;et.al):


1. Upang itaguyod ang isang lugar at kumita sa pagsusulat. Hal. travel blog
2. Makalikha ng patnubay para sa mga posibleng manlalakbay.
3. Talaan ng pansariling kasaysayan sa paglalakbay gaya ng espiritwalidad, pagpapahilom, o kaya ay pagtuklas sa sarili.
4. Upang maidokumento ang kasaysayan, kultura, at heograpiya ng isang lugar sa malikhaing pamamaraan.

Mga Dapat Tandaan Sa Pagsulat Ng Lakbay-Sanaysay:


1. Magkaroon ng kaisipang manlalakbay sa halip na isang turista.
a. Dapat isaisip ng taong naglalakbay na siya ay tutungo sa isang lugar hindi bilang isang turista kundi isang
manlalakbay.
b. Turista- Nagpupunta sa isang lugar upang magliwaliw, maglibang, at makita ang iba't ibang lugar.
c. Manlalakbay- Pangalawa lamang ang paglilibang o pagliliwaliw. Inuunawa niya ang kultura, kasaysayan,
heograpiya, hanapbuhay, pagkain, at maging uri ng pang-araw-araw na pamumuhay ng isang tao.
2. Sumulat sa unang panauhang punto de-bista.
a. Tumutukoy sa pagkilala at pagpapakilala sa sarili at sa pagmumuni sa mga naranasan sa proseso ng
paglalakbay.
3. Tukuyin ang pokus ng susulating Lakbay-Sanaysay.
a. Mahalagang matukoy kung ano ang magiging pokus ng susulating Lakbay-Sanaysay batay sa human interest.
b. Ang pagtukoy sa tiyak na paksa ay makatutulong upang matiyak ang sakop ng nilalaman ng Lakbay-Sanaysay.
Tinatawag din itong delimitasyon sa pagsulat ng isnag akda.
4. Magtala ng mahahalagang detalye at kumuha ng mga larawan para sa dokumentasyon habang naglalakbay.
a. Mga pangunahing gamit na dapat dalahin: panulat, kuwaderno or dyornal, at kamera.
b. Iwasang maglagay ng napakadetalyadong deskripsyon upang ito ay kawilihang basahin ng mga mambabasa.
5. Ilahad ang mga realisasyon o mga natutuhan sa ginawang paglalakbay.
a. Mahalaga ring isama sa susulating sanaysay ang mga bagay na natutunan habang isinagawa ang paglalakbay.
b. Ito ang magsisilbing pinakapuso ng sanaysay, dito ibabahagi ang mga gintong aral na nakuha bunga ng epekto
ng ginawang paglalakbay.
6. Gamitin ang kasanayan sa pagsulat ng sanaysay.
a. Mahalagang taglayin ng may-akda ang sapat na kasanayan sa paggamit ng wika.
b. Ang sanaysay ay dapat maging malinaw, organisado, lohikal at malaman. Gumamit ng akmang salita batay sa
himig ng Lakbay-Sanaysay na bubuoin.
c. Maaaring gumamit ng mga tayutay, idyoma, o matalinghagang salita upang maging higit n amasing ang
pagkakasulat nito. Tiyaking makukuha nito ang atensyon ng mga mambabasa.
d. Maging obhetibo sa paglalatag ng impormasyon. Sikaping mailahad ang katotohanan sa pamamagitan ng
paglalahad ng positibo at negatibong karanasan at maging ng kondisyon ng lugar na pinuntahan.
BIONOTE

Ang bionote ay isang uri ng lagom na ginagamit sa pagsulat ng personal profile ng isang tao. Ayon kay Duenaa at Sanz(2012), ang
bionote ay tala sa buhay ng isang tao na naglalaman ng buod ng kanyang academic career na madalas ay makikita o mababasa sa
mga, dyornal, aklat, abstrak ng mga sulating papel, websites atbp.

Ito ay nagbabanggit ng mga personal na impormasyon tungkol sa sarili at maging ng mga nagawa o ginagawa sa buhay. Ang
pagsulat nito ay maaaring may pagkakahalintulad sa pagsulat ng mga talambuhay o di kaya ay sa kathambuhay ngunit higit na
mas maikli ang bionote kumpara sa mga ito.

Kadalasan itong ginagamit sa paggawa ng bio data, resume, o anumang kagaya ng mga ito upang maipakilala ang sarili para sa
propesyunal na layunin. Ito rin ay madalas na mababasa sa bahaging "tungkol sa iyong sarili" sa mga social network o digital
communication sites.

Mga Dapat Tandaan Sa Pagsulat Ng Bionote:


1. Isulat lamang ito ng maikli. Kung para sa resume ito ay dapat binubuo lamang ng 200 salita. Kung ito naman ay para sa
networking site, 5 hanggang anim na pangungusap lamang.
2. Magsimula sa pagbanggit ng mga personal na impormasyon o detalye tungkol sa iyong buhay. Maglagay rin ng detalye
tungkol sa interes at mga naging tagumpay ngunit kung ito ay marami pumili lamang ng dalawa o tatlong
pinakamahalaga.
3. Isulat ito sa ikatlong panauhan upang maging litaw na obhetibo ang pagkakasulat nito.
4. Gawing simple ang pagkakasulat. Gumamit ng mga payak na salita upang mas madaling maunawaan at makamit ang
totoong layunin na maipakilala ang sarili sa iba sa maikli at tuwirang paraan.
5. May ibang gumagamit ng kaunting pagpapatawa para maging mas nakakaaliw ito, ngunit iwasang sumobra ang paggamit
nito.
6. Basahing muli at muling isulat ang pinal na sipi ng iyong bionote. Maari rin itong ipabasa sa iba upang matiyak ang
katumpakan at kaayusan nito.

Mga Katangian ng Bionote:


1. Maikli ang nilalaman.
a. Mga mahahalagang impormasyon lamang ang ilagay.
2. Gumagamit ng ikatlong panauhang pananaw.
a. Palaging gumamit ng ikatlong panauhang pananaw kahit pa ito ay tungkol sa sarili.
3. Kinikilala ang mga mambabasa o ang target market.
a. Kailangang isaalang-alang ang mambabasa sa pagsulat ng bionote.
b. Kailangang hulmahin ang nilalaman ng bionote ayon sa hinahanap ng mga mambabasa.
4. Gumagamit ito ng baliktad na tatsulok.
a. Katulad sa mga balita at iba pang mga obhetibong sulatin, inuuna ang pinakamahalagang impormasyon.
b. Pinakamahalagang impormasyon sa itaas na bahagi ng baliktad na tatsulok, mahalagang impormasyon sa
gitnang bahagi, at di-gaanong mahalagang impormasyon sa pinakang ibaba nito.
5. Nakatuon lamang sa mga angkop na kasanayan o katangian.
a. Mamili lamang ng mga kasanayan o katangian na angkop sa layunin ng bionote.
6. Binabanggit ang degree o tinapos kung kinakailangan.
a. Mahalagang isulat ang mga kredensyal.
7. Maging matapat sa pagbabahagi ng impormasyon.
a. Siguruhing tama o totoo ang impormasyon, walang masama kung magbubuhat ng sariling bangko minsan.

You might also like