You are on page 1of 4

Lagom: Haugen FIL 225

Dialect, Language, Nation


Einar Haugen

Sa artikulo ni Einar Haugen na “Dialect, Language, Nation” (1966), kaniyang binigyang diin
ang malaking kaugnayan ng wika sa paghubog ng nasyonalismo sa isang bansa. Pinatunayan niya
ito sa pamamagitan ng pagtalunton sa kasaysayan at mga sitwasyong pangwika na matatagpuan
sa mga itinampok niyang bansa. Layunin ni Haugen na mailahad ang mga hakbangin kung paano
maging istandardisado ang isang wika sapagkat naniniwala siya na ang wika at bansa ay
magkabuklod at ang isang bayang marangal ay mayroong sariling wika at sariling pagkakakilanlan.
Sinimulan niyang paghambingin ang mga terminong ‘wika’ at ‘dayalekto’ sapagkat
mayroong kalituhan at pagsasalasalabid sa pagpapakahulugan at paggamit ng dalawang
terminong ito. Sa pamamagitan ng pagsipat sa kasaysayan, nakita niya na ‘wika’ ang terminong
mas nauna at ang pinakamatandang patunay nito ay mula pa sa sa taong 1290. Ang terminong
‘dayalekto’ naman ay unang nakita sa panahon ng Renaissance na terminong hiniram mula sa
mga Griyego at kaniyang natuklasan mula sa The History of the World ni Sir Walter Raleigh na ang
tinutukoy nito ay ang ‘Aeolic Dialect’ at napatotohanan na ang sitwasyong pangwika sa sinaunang
Gresya ay ang pinagbatayan ng paggamit sa terminong ito para sa mga pasulat na uri ng panitikan.
Sa Gresya, walang umiiral na iisang Greek norm noong classical period kundi maliliit na
mga pangkat na nagkakaintindihan lamang ang mayroon. Ang ‘dayalekto’ para sa kanila ay hindi
sinasalita kundi ito ay tinuturing na iba’t ibang baryasyon ng pasulat na panitikan, ilan na sa mga
halimbawa nito ay ang Ionic para sa kasaysayan, Doric para sa awit, at Attic para sa trahedya. Sa
panahong ito, ipinapalagay na ang mga pasulat na dayalekto ay siya ring sinasalitang wika ng
bawat lugar na kanilang kinabibilangan, resulta nito ay hindi pagkakaisa. Ngunit sa pagdating ng
Hellenistic period na kung saan naging makapangyarihan ang Gresya at ang Athens ang naging
sentro ng kultura at administrasyon, nadebelop ang dayalekto nitong koine at tinanggap ito ng
mga mamamayan bilang wikang panlahat, dahil dito ay naisantabi ang pagkakaiba-iba ng mga
dayalekto upang bigyang daan ang pagpapaunlad sa kanilang komon na wika.
Naging batayan sa kung paano gagamitin ang mga terminong ‘wika’ at ‘dayalekto’ ang
pangyayari sa Gresya. Kung titingnan batay sa singkronikong pananaw sa kasaysayan, ang wika
ay maaaring mailapat sa pagkakaroon ng iisang pamantayang pangwika at kung batay naman sa

Myla Eusebio
Lagom: Haugen FIL 225

dayakronikong pagtingin ay maituturing itong isang komon na wika na maaaring magresulta sa


pagkakawatak-watak o di kaya ay pagkakabuklod-buklod.
Dahil ang kasaysayan ay nauulit, inilatag ni Haugen na hindi maipagsasawalang-bahala
ang pagtingin na ang ‘wika’ ay mas mataas kaysa ‘dayalekto’ sapagkat maaari itong magamit kahit
na hindi iniuugnay sa dayalekto ngunit ang ‘dayalekto’ ay walang saysay kung hindi ito nabibilang
sa isang wikang kinabibilangan nito. Para sa kaniya, ang dayalekto ay isang wika ngunit hindi lahat
ng wika ay isang dayalekto.
Bukod sa pagtingin sa kasaysayan, habang tumatagal ay lalo pang yumayabong ang
kaalaman sa iba’t ibang larangan na mayroong kinalaman sa wika, kaya naman mas lalong naging
masalimuot ang pagsisiyasat sa dalawang nagbabanggaang terminong ito.
Tulad ng sitwasyong pangwika na makikita sa Pransya, mayroon silang terminong
tinatawag na patois. Ito ay tumutukoy sa mga pasalitang wika. Sapagkat para sa kanila, ang
‘dayalekto’ ay kinakailangang mayroong kompleto at komprehensibong panitikan. Sa oras na ang
dayalekto ay hindi na naisusulat, nagiging isang patois ito. Sa madaling sabi, ang patois ay hindi
ginagamit sa pagsulat ng panitikan kundi ito ay para lamang sa mga impormal na sitwasyon. Dahil
sa kaganapang ito, nabuksan ang pagtingin sa ‘wika’ at ‘dayalekto’ batay sa gamit nito sa lipunan.
Gayunpaman, sa Ingles, hindi niyakap ang paggamit ng ‘patois’. Nahirapan silang tukuyin
kung paano nagkakaiba ang dayalekto sa wika sapagkat pareparehas ang kanilang sinasalita, kaya
ang tendensiya ay sabihin na lamang na ‘London dialect’ ito at ‘American dialect’ naman iyan. Iba
pa rito ang usapin ukol sa kanilang punto o accent. Ngunit bukod sa pagtingin sa dayalek bilang
rehiyunal, nagkaroon din ng bagong interpretasyon sa paggamit ng ‘wika’, ito na ay tinitingnan
nila bilang wikang nakabatay sa propesyon—ang mga nagsasalita ng dayalekto raw ay para
lamang sa mga hindi nakapag-aral at mababang-uri at ang mga nagsasalita ng wikang Ingles ay
para sa mga taong nasa itaas ng lipunan. Ang kanilang sitwasyon ay nagtulak upang magkaroon
ng pagtingin ukol sa pagkakaroon ng prestihiyo sa wika kaysa dayalekto.
Sa paglaon ng panahon, nababago at nadadagdagan ang pagtingin at turing sa wika at
dayalekto. Ang pagtingin sa dayalekto bilang natatangi o distinct sa iba pang mga dayalekto at
wika ay nabago sapagkat nagkaroon ng sapat na mga pag-aaral na nagpapakita na ang mga

Myla Eusebio
Lagom: Haugen FIL 225

dayalekto ay tila mga sanga ng puno na magkakaugnay at nagkakaroon lamang ng sariling


katangian batay sa espasyong kinabibilangan nito.
Batay sa mga naunang tinalakay, lumilitaw na mayroong dalawang dimensyon sa
paggamit ng terminong ‘wika’ at ‘dayalekto’. Una batay sa istruktura; ikalawa, batay sa gamit
nito.
Sa istruktural na gamit ng ‘wika’ at ‘dayalekto’, tinitingnan dito kung saang pamilyang
pangwika ito nagmula sapagkat dito matutukoy kung ang mga ito ba ay mutually intelligible. Kung
nagkakaunawaan ang mga taong may iba’t ibang dayalekto, masasabi na ang kanilang mga
sinasalita ay nagmula lamang sa iisang wika; kung hindi naman sila nagkakaunawaan ay dalawang
magkaibang wika ang kanilang sinasalita.
Sa functional na gamit naman ng ‘wika’ at ‘dayalekto’, tumutukoy ito sa kung paano
ginagamit ng tagapagsalita ang kaniyang wika. Dito, upang magkaintindihan ang dalawang
nagsasalita ng magkaibang dayalekto, gagamit sila ng ibang wika na parehas nilang naiintindihan
nang sa gayon ay magkaunawaan sila. Dahil mas nagagamit ang ‘wika’ sa ganitong mga sitwasyon,
mas nabibigyan ng bigat ito kaysa ‘dayalekto’. Maituturing na undeveloped ang ‘dayalekto’ sa
aspetong ito sapagkat hindi ito nagagamit sa mas malawak na pangangailangan nito sa isang
lipunan. Kaya naman imbis na tawaging ‘dayalekto’ ang isang undeveloped na wika, mas mainam
na gamitin ang terminong ‘bernakular’ para rito.
Matapos matukoy ang linyang naghihiwalay sa ‘wika’ at ‘dayalekto’, maaari nang masagot
ang katanungang paano nagiging isang wika ang dayalekto. Dito ay kinakailangang maunawaan
na ang wika ay mayroong malalim na kaugnayan sa bayan. Binibigyang-diin dito na ang
pagkakaroon ng sariling wika ay magiging daan upang magkaisa ang mamamayan at magkaroon
ng isang natatanging pagkakakilanlan at ito ay magreresulta sa paghubog ng nasyonalismo sa
bawat isa.
Ngunit hindi ganoon kadali ang lahat, masalimuot ang proseso ng pagsusulong ng isang
komon na wika tungo sa pambansang pagkakaisa. Lumalabas pa rin ang paghihiwahiwalay at
hindi pantay na pagtingin sa lipunan lalo na sa mga bansang sinakop ng mga kolonya na
gumagamit ng wika na hindi naman nila sarili, dahil dito, imbis na pagkakaisa ang mapayabong
ay sumisimbolo pa ito sa opresyon at kawalang identidad. Liban na lamang kung ang bansa ay

Myla Eusebio
Lagom: Haugen FIL 225

bubuo ng sarili nilang wika tulad ng Israel at Finland na siyang bumuo ng sariling wika batay sa
sagradong wikang nag-exist na sa kanila at hinugot na lamang sa kasaysayan, ngunit
kinakailangan nito ng isang masinsinang pagpaplanong pangwika at masigasig na
pagdodokumento sa mga polisiyang pangwika tungo sa istandardisasyon.
Makapangyarihan ang tungkulin ng pagsulat sa usapin ng istandardisasyon,
nasusuportahan nitong mapayabong ang oral na komunikasyon na siyang isang magandang
praktika upang mas mapaunlad pa ang wika at nagkakaroon ng manwal ang mga nais matuto ng
wika. Gayumpaman, iba-iba ang bigat at implementasyon ng istandardisasyon ng bawat bansa.
Sa huli, naglatag ng isang proseso si Haugen para sa mga bansa na nais bigyang solusyon
ang kanilang suliraning pangwika at para sa pagpapatatag ng kanilang pagpaplanong pangwika,
ang mga hakbang na ito ay nakabatay sa pangangailangan ng bansa, kung ito ba ay batay sa
lipunan o wika, at anyo o gamit.
Una ay kinakailangang dumaan sa proseso ng pagpili o seleksyon ang isang lipunan,
napakamasalimuot ng prosesong ito sapagkat hindi maiiwasan na makompromiso ang ibang wika
at mabigyan ng pabor ang mga tagapagsalita ng wikang napiling i-elevate o paunlarin. Dahil dito,
mungkahi ni Haugen na isaalang-alang ang mga importanteng salik tulad ng isang wikang
mayroong mas malaking potensyal na mapagbuklod-buklod ang pagkakaiba-iba ng mga
mamamayan, isang wika na mas madaling matutuhan ng nakararami, at isang wika na
pinakamabuti at makabubuti sa lahat. Matapos makapili ng isang wika, ay kailangan itong
mapaunlad sa pamamagitan ng kodipikasyon na kung saan magiging pino at solido ang istandard
ng wikang ito, halos walang babaguhin, at minimal lamang ang baryasyon nito sa anyo. Sa
pagpapaunlad ng wikang napili batay sa anyo sa pamamagitan ng kodipikasyon, kinakailangang
mapaunlad din ang gamit nito sa pamamagitan ng elaborasyon na kung saan dapat ito ay
naisasalin at mayroong kakayahang magsalin at huli, magiging matagumpay lamang ang isang
wikang napili kung ito ay tinanggap ng lipunan sa pamamagitan ng paggamit ng wikang ito upang
makilahok at magampanan ang tungkulin nila sa bansang kanilang kinabibilangan.

Myla Eusebio

You might also like